Saturday, April 2, 2022

Rebyu #104 -- Trese 5: Midnight Tribunal nina Budjette Tan at Kajo Baldisimo

Tan, Budjette, Kajo Baldisimo. Trese 5: Midnight Tribunal. Pasay City: Visprint, Inc., 2012.

 

Kung mayroon mang isang temang pinakalitaw sa bolyum 5 ng Trese, ito ay ang malalang korapsyon sa Kalakhang Maynila, at ang matinding pangangailangan ng katarungan. Ang palala nang palalang korapsyon ang dahilan kung bakit lumitaw sa bolyum na ito ang ibang mga karakter bukod kay Trese na nagtangkang ilagay ang katarungan sa kanilang mga kamay: ang tikbalang na si Maliksi bilang Maverick Rider, at ang tatlong abogado bilang Judges (na nagtataglay ng kapangyarihan ni Datu Makkata Runggan). Samu’t sari ang korapsyon at krimen na ipininta nina Budjette at Kajo sa bolyum na ito, tulad ng ilegal na droga, ilegal na pagtotroso, nakaw na mga sasakyan, pangangamkam ng lupain, at pagpatay. Ngunit isa sa pinakamatingkad na pagsasalarawan ng korapsyon sa bolyum ay ang pagtukoy sa isang gobernador bilang may pakana ng maraming ilegal na gawain. Binigyan ng mga may-akda ng pangalan ang gobernador: Sunny Romualdez.

 

Ang gobernador ay protektado ng isang karakter na binansagan nila na “Madame.” Ginamit nila si Imelda Marcos bilang inspirasyon ng karakter na ito. Ayon sa deskripsyon ng kwento, si Madame ay kauuwi pa lamang sa Pilipinas mula sa ibang bansa; mahilig umano itong mangolekta ng mahahalagang gamit; at madalas daw itong kumilos upang protektahan ang mga pulitikong may kaugnayan sa kanya o tagasuporta niya. Malinaw ang pisikal na pagkakahawig ng karakter sa hitsura ni Imelda. Sa katunayan, sa mismong Afterword ay tuwirang binanggit ni Budjette Tan ang kontrobersyal na First Lady:

 

Yvette’s tale plus Carlos’ stories about how influential the First Lady was in the course of Philippine history, if she was able to enchant presidents and generals, Holywood celebrities and foreign dictators, what kind of power would the Madame in Trese’s universe be able to wield? The thought made me shudder and excited me at the same time.

 

Hindi ito ang unang pagkakataon na gumamit sina Budjette at Kajo ng mga totoong tao bilang inspirasyon ng kanilang mga karakter sa Trese. Sa bolyum 4, nauna na nilang ginamit si Manny Pacquiao bilang inspirasyon sa karakter ng boksingerong si Manuel. Bukod kay Imelda, ginamit din sa bolyum 5 ang katauhan ng mga artistang sina Edu Manzano, Herbert Bautista, at Richard Gomez bilang inspirasyon para sa karakter ng tatlong abogado sa Trese na halos ganito rin ang mga pangalan: Eddie Manzano, Richard Bautista, at Herbert Gomez. Isa sa mga pakinabang ng ganitong paghalaw ng inspirasyon sa mga totoong tao ay nagiging mas Pinoy ang dating ng kwento. Lalong mahalaga ang paggamit kay Imelda bilang inspirasyon sa likod ng karakter ni Madame, dahil lalo nitong naididiin ang mensahe na ang Trese ay salamin ng karumihan ng lipunang Pilipino (partikular na ng mga korapsyon sa Kamaynilaan).  

Rebyu #112 - Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing ni Ricky Lee

Lee, Ricky. Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing. Loyola Heights, Quezon City: Philippine Writers Studio ...