Tuesday, January 10, 2023

Rebyu #112 - Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing ni Ricky Lee

Lee, Ricky. Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing. Loyola Heights, Quezon City: Philippine Writers Studio Foundation, Inc., 2020.

 

“Accept constraints. Lahat ng kahon ay oportunidad para mapilitan kang gumawa ng butas upang makalabas.” (pahina 30)

 

Para sa mga taong mahilig magbasa, malaking pantasya ang mabigyan ng pagkakataon ng makakuwentuhan ang kanilang mga paboritong may-akda; ang magkaroon ng oportunidad na magtanong sa mga ito ng kanilang mga karanasan sa likod ng mga akdang isinulat nila, mga bagay na humubog sa kanila, at iba pang mga impormasyon na hindi pa nila nailalahad sa anumang sulatin.

Parang ganito ang oportunidad na ibinigay ni Ricky Lee sa mga taong nagmamahal sa kanyang mga obra, nang isulat niya ang Kulang na Silya. Tila nakaupo siya sa isang silyang nakaharap sayo at personal na nagkukuwento ukol sa kanyang buhay, kaugnay ng kanyang mga isinulat. Manipis ang akda, kaya naman kayang basahin sa isang upuan. Ngunit higit sa ikli nito, mayroon itong kapangyarihan na panatilihin kang nakaupo sa silya at nakatutok sa pagbabasa hanggang sa matapos ito, dahil sa pagiging mahusay na kuwentista ni Ricky Lee. Ipinamalas ng may-akda rito ang kakayahan niyang epektibong iparamdam sa mga mambabasa ang mga emosyong nilalayon niya: mapapangiti ka, mapapakunot ang noo, mapapalungkot, mapapataba ang puso, at mapapatawa.

Samu’t saring kuwento, anekdota, at mga payo ang nilalaman ng aklat, pero pinagbubuklod ito ng iisang pisi: ang kuwentong buhay ukol sa pagsusulat. Bawat kabanata ay iniuugnay ng may-akda sa pagsusulat: pandemya at pagsusulat (kabanata 1), lungkot at saya ng pagsusulat (kabanata 2), pagiging kakaiba at pagsusulat (kabanata 3), mga estrangherong dumadaan sa buhay natin at pagsusulat (kabanata 4), mga alagang hayop bilang metapora kaugnay ng pagsusulat (kabanata 5), masasakit na alaala at pagsusulat (kabanata 6), kasikatan at pagsusulat (kabanata 7), at pagtatapos ng pag-aaral at pagsusulat (kabanata 8).

Bagay na bagay itong basahin ng mga manunulat, at ng mga nangangarap na maging manunulat. Parang isang liham ito na isinulat, lalo na para sa mga nasa larangan ng malikhaing pagsulat. Punong puno ito ng payo, babala, aral, taktika, at inspirasyon, na ibinabahagi ni Ricky Lee para sa mga manunulat, na hinugot niya mula sa ilang dekadang karanasan sa pagsulat. Sobrang makaka-relate dito ang mga nasa malikhaing pagsulat (o mga gustong pasukin ang malikhaing pagsulat), tatagos sa kaibuturan nila ang mga kuwento ng kabiguan at tagumpay, lungkot at saya ng may-akda, kaugnay ng pagiging manunulat nito. Sa proseso ng pagbasa sa Kulang na Silya, mas makikilala nila si Ricky Lee bilang manunulat, pero higit pa rito, mas makikilala nila ang kanilang sarili bilang manunulat. Dahil hindi lamang magaling na kuwentista si Ricky Lee, mahusay rin siya sa pagtuturo sa iba kung paano rin sila magiging magaling na kuwentista.

Malaking oportunidad rin ang aklat para sa lahat ng nabighani sa mga nobela, maikling kuwento, iskrip, at iba pang obra ni Ricky Lee. Nagbibigay ito sa kanila ng pagkakataon na masulyapan ang mga proseso sa likod ng produksyon ng mga akdang ito, mga hirap at saya na naranasan ni Ricky Lee sa pagsulat ng mga ito. Kapag nagbabasa ka kasi ng mga nobela at maiikling kuwento, o nanonood ng mga pelikula, finished product na lamang ang nakikita mo, pero nakakubli sayo ang lahat ng kuwento na pinagdaanan ng mga obrang ito. Kaya naman sa Kulang na Silya, nagbigay si Ricky Lee ng pagkakataon sa kanyang mga mambabasa na makasulyap sa mga karanasan sa likod ng pagsulat ng mga ito. Interesante rin ang kaliwa’t kanang personal na komento ni Ricky Lee ukol sa kanyang sariling mga akda.    

Sa panahon kung kailan mas nagiging patok na ang awtobiograpikal na pamamaraan ng pananaliksik (ang tinatawag ni Vineeta Sinha na “autoethnography,” [1]) at mas nagiging pasyonable na sa mga akademiko’t manunulat ang magbahagi ng kanilang sariling karanasan na nagsasakonteksto ng kanilang kapantasan at mga akda [2], kapuri-puri ang ginawa ni Ricky Lee sa Kulang na Silya. Kung tutuusin, maganda nga sana kung magkakaroon din ng ganitong uri ng pagkukuwentong buhay ang iba pa nating mga manunulat sa Pilipinas, partikular ang mga nobelistang gaya ni Ricky Lee. 


[1] Vineeta Sinha, “Pandita Ramabai Saraswati (1858–1922),” nasa Syed Farid Alatas and Vineeta Sinha, Sociological Theory Beyond the Canon (London: Palgrave Macmillan, 2017), 244. Ukol sa dagdag na talakayan ukol sa kuwentong buhay bilang dulog sa pananaliksik, tingnan ang Clemen Aquino, “Mga Kuwentong Buhay at Kuwentong Bayan sa Paghahabi ng Araling Panlipunan,” nasa Thelma B. Kintanar, Clemen C. Aquino, Patricia B. Arinto, Ma. Luisa T. Camagay, Kuwentong Bayan: Noong Panahon ng Hapon; Everyday Life in a Time of War (Quezon City: University of the Philippines Press, 2006).

[2] Tingnan halimbawa ang napansin ni Rafael na “autobiographical turn” sa mga sulatin ni Reynaldo Ileto sa Vicente L. Rafael, “Becoming Reynaldo Ileto: Language, History and Autobiography,” Philippine Studies: Historical and Ethnographic Viewpoints, Vol. 62, No. 1, (March 2014): 115-132.

No comments:

Post a Comment

Rebyu #112 - Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing ni Ricky Lee

Lee, Ricky. Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing. Loyola Heights, Quezon City: Philippine Writers Studio ...