Wednesday, June 23, 2021

Rebyu #25 -- Unang Paglalayag Paikot ng Daigdig ni Antonio Pigafetta

Pigafetta, Antonio. Unang Paglalayag Paikot ng Daigdig. Salin ni Phillip Yerro Kimpo. Metro Manila. Aklat ng Bayan. 2017.


Ang aklat ni Antonio Pigafetta ay salaysay ng unang paglalayag ng sangkatauhan paikot ng daigdig. Para sa kasaysayan ng Pilipinas, mahalaga ang aklat bilang primaryang batis sa kalagayan ng bansa noong ikalabing-anim na dantaon, lalo pa dahil 52 pahina (p.53-105) ng aklat ay naglalaman ng pagsasalaysay ni Pigafetta ng kanilang karanasan habang nasa teritoryo ng Pilipinas. Kaya naman isang tagumpay kung maituturing ang proyekto ng pagsasalin nito sa Filipino na isinagawa ng Komisyon sa Wikang Filipino (bagaman isinalin ito hindi mula sa orihinal na wika kundi mula sa salin sa Ingles ni James Robertson na nasa aklat na The Philippine Islands). Sa pangunguna ni Phillip Yerro Kimpo, isinalin ito ng KWF sa Filipino at nilapatan ng introduksyon ni Carlos Quirino.

 

Inilahad ni Pigafetta ang paglalayag ng limang barkong Espanyol, sa ilalim ni kapitan-heneral Ferdinand Magellan, mula sa paglisan nito sa San Lucar, Espanya noong Setyembre 20, 1519 hanggang sa pagbalik na lamang ng nag-iisang barkong Victoria sa parehong lugar noong Setyembre 6, 1522. Mula sa 237 na mga orihinal na tripulanteng sakay ng limang barko noong 1519, 18 katao na lamang ang nakabalik sa Espanya noong 1522. Liban sa kagustuhang makapagsagawa ng sirkumnabigasyon sa buong daigdig gamit ang rutang pa-kanluran, layunin din ng paglalayag ang pangangalakal para sa mga produktong pampalasa ng Maluco na may mataas na halaga sa Europa. Sa kanilang paglalayag ay nadaanan nila ang samu’t saring lugar tulad ng Brazil, Argentina, Chile, Guam, Pilipinas at Indonesia. Sa bawat lugar na kanilang pinupuntahan, tatlong bagay ang hindi nawawala sa pagtatala ni Pigafetta: 1. Lokasyon nito sa mata, 2. Mga produkto at likas na yamang matatagpuan dito, at 3. Kultura ng mga taong naninirahan. Mahalagang etnograpikal na batis ang tala ni Pigafetta, dahil mayroon siyang matalas na mata sa paglalarawan sa pamumuhay, gawi, at paniniwala ng mga taong kanilang nakasalamuha. Nagsasagawa rin siya ng paglilista ng bokabularyo ng ilang komunidad tulad ng Verzin (sa Brazil), Patagonia (sa Chile at Argentina), at Cebu (Pilipinas). Kumpara sa mga primaryang batis, mas obhektibo ang pagtatala ni Pigafetta ng kanyang mga obserbasyon, na hindi gaanong binubudburan ng mapanglait na puna ang gawi at paniniwala ng kanilang mga nakasalamuha. Isang magandang halimbawa ang kanyang mga tala noong sila ay nasa Zubu (Cebu), kung saan inilarawan niya ang pananamit ng mga lalaki’t babae, kagawian nila sa pakikipagtalik, kanilang mga pagkain, at marami pang iba.

 

Ang aklat na ito rin ang pangunahing batis natin ukol sa makasaysayang tagpo nina Magellan at Cilapulapu (Lapulapu). Dahil sa sumbong ni Zula at kagustuhang mapasailalim kay Raia Humabon ang lahat ng mga hari ng Zubu, pinilit ni Magellan na magbayad ng buwis ang hari ng Matan (Mactan) na si Cilapulapu. Ipinamalas ni Cilapulapu ang kanyang katapangan sa pamamagitan ng pagtanggi rito at pagtanggap sa hamon ni Magellan sa isang digmaan. Kapuna-punang minaliit ni Magellan si Cilapulapu dahil 49 na sundalo lamang ang kanyang dinala upang labanan ang huli (liban pa sa katotohanang sinabihan niya si Raia Humabon na huwag na siyang tulungan at panoorin na lamang kung paano siya lumaban). Dahil sa arogansyang ito ay nakitil ang buhay ni Magellan noong Abril 27, 1521 sa pamamagitan ng isang panang may lason na tumama sa kanyang binti. Liban sa tagpong ito, ang tala rin ni Pigafetta ang batayan ng pagtatalo kung saan ba talaga naganap ang kauna-unahang misa sa Pilipinas. Sa kanyang tala, binanggit niya ang Mazaua (p.64) bilang lugar na pinagganapan ng unang misa kasama ang magkapatid na Raia Colambu at Raia Siaui. Hanggang sa kasalukuyan ay patuloy parin ang pagtatalo kung ang Mazaua ba ay tumutukoy sa Limasawa ng Leyte o Masao ng Butuan (mas pinapaboran ng tagapagsalin ang Limasawa sa kanyang talahuli).

 

Ang Unang Paglalayag Paikot ng Daigdig ni Pigafetta, na isinulat niya mahigit kumulang 500 taon na ang nakalilipas, ay nananatiling makabuluhang batis para sa mga historyador at antropologo ng iba’t ibang bansang nadaanan ni Magellan (at kalaunan ni Sebastian del Cano), na nais malaman ang pamumuhay ng kanilang mga mamamayan at mga pangyayari sa kanilang bansa noong maagang bahagi ng ikalabinglimang dantaon.

No comments:

Post a Comment

Rebyu #112 - Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing ni Ricky Lee

Lee, Ricky. Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing. Loyola Heights, Quezon City: Philippine Writers Studio ...