Saturday, March 7, 2026

Rebyu #118 - The God Who is There: Finding Your Place in God’s Story ni D.A. Carson

Carson, D.A. The God Who is There: Finding Your Place in God’s Story. Grand Rapids, Michigan: Baker Books, 2010.



“Kung mamamatay ka ngayon, alam mo ba kung saan ka pupunta?” Ito ang tipikal na panimula ng popular na paraan ng ebanghelismo sa Pilipinas. Batay ito sa Evangelism Explosion (EE), isang metodo ng ebanghelismong pinasimulan ni D. James Kennedy sa Coral Ridge Presbyterian Church sa Estados Unidos noog 1962. Pamamaraan ito ng maiklian at mabilisang pagbabahagi ng pananampalataya, kung saan pinagtutuunan ng pansin ang limang kategorya: habag, tao, Diyos, Kristo, at pananampalataya. Matagal na naging epektibo ang ganitong paraan ng ebanghelismo, kapwa sa Estados Unidos at Pilipinas. Ngunit sa mga nagdaang dekada, lalo sa Estados Unidos, nasaksihan ang paglayo sa Kristiyanismo ng malaking bahagi ng populasyon, at ang dulot nitong paglaganap ng biblikal na iliterasi. Sa ganitong konteksto, mahirap nang isagawa ang mabilisang ebanghelismo tulad ng EE, dahil hindi na mauunawaan pa nang maayos ng mga tao ang kategorya ng habag, tao, Diyos, Kristo, at pananampalataya kung hindi na sila pamilyar sa mismong kuwento ng Biblia na pinagmumulan ng mga kategoryang ito.

Dito papasok ang halaga ng worldview evangelism. Sa uring ito ng ebanghelismo, sa halip na mabilisang ibahagi ang pananampalataya gamit ang mga nakasanayang kategorya, matagalan at unti-unting ipinapakilala ulit sa mga tao ang malawakang pananaw-pandaigdig ng Kristiyanismo.  Katulad ito ng ginawa ni Pablo sa Mga Gawa 17:16-34, kung saan ibinahagi niya ang ebanghelyo sa mga Griyego sa Athens. Kaiba ito sa paraan niya ng ebanghelismo sa mga sinagoga, kung saan ginagamit niya ang mga kategorya ng Lumang Tipan upang igiit sa mga Hudio na si Hesus ang Mesias. Hindi niya ito magagawa sa Athens, dahil hindi alam ng mga Griyego ang Lumang Tipan. Kaya worldview evangelism ang kanyang ginawa, na nagsimula sa paglikha hanggang unti-unting makarating kay Kristo.

Sa kontemporaryong panahon, isang ideyal na materyales na maaaring gamitin ng mga Kristiyano para sa pagsasagawa ng worldview evangelism ay ang The God Who is There: Finding Your Place in God’s Story ni D.A. Carson. Halaw ang aklat sa serye ng 14 sesyon na presentasyon ni Carson na ibinahagi sa Bethlehem Baptist Church, Minneapolis noong 2009 [1]. Parallel ang 14 sesyon na ito sa mismong nilalaman ng aklat. Binubuo ito ng 14 kabanata na unti-unting naglalatag ng meta-narrative o malakihang kuwento ng Biblia (Biblical storyline). Pinili ni Carson na ipakilala sa aklat ang Kristiyanong pananaw-pandaigdig sa pamamagitan ng paglalatag ng mismong malaking kuwentong dumadaloy sa buong Biblia mula Genesis hanggang Pahayag. Bawat kabanata ay nakatuon sa pinakamahahalagang bahagi ng kuwentong ito. Ang mga bahaging ito ay isinasalaysay ni Carson sa pamamagitan ng pagpokus sa partikular na mga talata ng Biblia. Ipinakita niya kung paanong unti-unting inihahayag ng mga bahagi at talatang ito ang mga katangian ng Diyos. Kaya naman ang bawat kabanata ay binigyan niya ng pamagat batay mismo sa bawat katangian ng Diyos. Narito sa ibaba ang pamagat ng bawat kabanata, kasama ang mga talatang pinagtuunan ng pansin ni Carson, at paksa ng talata:


1. The God Who Made Everything (Genesis 1-2) - Paglikha ng daigdig
2. The God Who Does Not Wipe Out Rebels (Genesis 3) - Pagkakasala ni Eba at Adan
3. The God Who Writes His Own Agreements (Genesis 12, 15, 17, 22) - Pakikipagtipan ng Diyos kay Abraham
4. The God Who Legislates (Exodo 20, 32-34, Leviticus 16) - Sampung Utos at iba pang kautusan ni Moises
5. The God Who Reigns (2 Samuel 7) - Kaharian ni Haring David
6. The God Who is Unfathomably Wise (Psalm, Proverbs, Job, Ecclesiastes) - Mga panitikan ng karunungan
7. The God Who Becomes the Human King (Mga Propetikong Aklat at Juan 1) - Mga propesiya ukol sa Mesias at ang inkarnasyon
8. The God Who Grants New Birth (Juan 3:1-15) - Pakikipag-usap ni Hesus kay Nicodemo ukol sa bagong kapanganakan
9. The God Who Loves (Juan 3:16-21) - Pag-ibig ng Diyos sa daigdig
10. The God Who Dies and Lives Again (Mateo 27:27-51) - Kamatayan ni Hesus
11. The God Who Declares the Guilty Just (Roma 1:18-3:20 at 3:21-26) - Katarungan at pagpapawalang-sala ng Diyos
12. The God Who Gathers and Transforms His People (Efeso 2:1-22, 4:17-5:10, Galatia 5:13-26) - Simbahan, Banal na Espiritu, at pagbabagong buhay
13. The God Who is Very Angry (Pahayag 14:6-20) - Huling paghuhukom  
14. The God Who Triumphs (Pahayag 21) - Ang sentralidad ng Diyos sa bagong langit at bagong lupa

 

May limang katangian ang aklat na mainam na salungguhitan: 1. Teosentriko, 2. Ekspositoryo, 3. Biblikal-teolohikal, 4. Kultural, at 5. Ebanghelistiko.

Una, tulad ng mapapansin sa mga pamagat, teosentriko ang paraan ng presentasyon ni Carson sa pangkalahatang kuwento ng Biblia. Ipinapakita rito ni Carson ang sentralidad ng Diyos sa Kristiyanong pananaw-pandaigdig, na ang buong kuwento ng Biblia ay kuwento ng Diyos, kung saan siya ang laging nagkukusang makipag-ugnayan sa tao.

Ikalawa, ekspositoryo ang aklat. Bawat kabanata ay nagsasalaysay ng mahalagang bahagi ng kuwento ng Biblia sa pamamagitan ng eksposisyon sa isa o higit pang mga talata ng Biblia. Tipikal kay Carson ang ganitong pamamaraan, na makikita sa iba’t iba niyang mga aklat at artikulo, mga sermon, at maging sa kanyang mga nakarekord na lektura. Paraan ito ni Carson ng pagiging tapat sa sinasabi ng Biblia.

Nakaugnay ang pangatlo sa punto ng pangalawa. Sa halip na paggamit ng mga kategorya ng sistematikong teolohiya tulad ng habag, tao, Diyos, Kristo, at pananampalataya, mas pinili ni Carson ang pagbabahagi ng ebanghelismo sa pamamagitan ng pagsasalaysay ng kuwento ng Biblia sa konteksto ng biblikal na teolohiya. Sa maikling paliwanag, tumutukoy ang sistematikong teolohiya sa isang larangan na nag-oorganisa ng kalat-kalat na mga biblikal na datos tungo sa isang sistema. Halimbawa, isang sangay nito ay hamartiolohiya na nakatuon sa doktrina ng kasalanan. Sa hamartiolohiya, titingnan ang kalat-kalat na mga talata ng Biblia na mayroong sinasabi ukol dito, at oorganisahin ang mga datos na ito sa isang lohikal na pamamaraan. Kaiba rito, ang biblikal na teolohiya ay nakatuon sa mga tema ng Biblia na pinag-aaralan sa pamamagitan ng pagtuon sa daloy ng mga ito sa konteksto ng malakihang kuwento ng Biblia. Kaya kung kasalanan ang pagtutuunan, ang trabaho ng biblikal na teologo ay taluntunan ang pag-unlad ng tema ng kasalanan sa agos ng buong Biblia mula Genesis hanggang Pahayag [2]. Mas nakapanig sa metodo ng biblikal na teolohiya ang The God Who is There. Isa sa dahilan ay mas angkop ito sa worldview evangelism, para sa pagpapakilala ng Kristiyanong pananaw-pandaigdig sa harap ng malaganap na biblikal na iliterasi. Para kay Carson, hindi mauunawaan nang maayos ng mga biblikal na ilitereyt ang ebanghelyo hanggat hindi ito ipinopook sa konteksto ng pananaw-pandaigdig ng Biblia [3]. Pagkilala rin ito ni Carson sa reyalidad na sa konteksto ng impluwensya ng postmodernismo sa Kanluraning kultura, mas madaling magbahagi sa mga tao ng mga kuwento sa halip na mga proposisyon ng katotohanan.

Ikaapat, kultural ang aklat. Ang ibig sabihin kong sabihin dito, habang ibinabahagi ni Carson ang Kristiyanong pananaw-pandaigdig sa pamamagitan ng kuwento ng Biblia, ibinabangga niya ito sa ilang kontemporaryong isyu sa Kanluraning kultura. Halimbawa, may maiikling pagtalakay at pagpuna si Carson sa ilang isyu tulad ng teorya ng ebolusyon, bagong ateismo, sentimental na pananaw sa pag-ibig ng Diyos, bintang sa Kristiyanismo bilang bayolenteng relihiyon, higit na pagpapahalaga sa pag-ibig kaysa katarungan, at iba pa. Mahalaga ito dahil sa usapin ng plausibility structure, isang konsepto ng sosyolohistang si Peter Berger na madalas isayt ni Carson sa kanyang mga lektura. Tumutukoy ang plausibility structure sa istruktura ng mga kapaniwalaan ng isang lipunan, na batayan kung katanggap-tanggap o hindi ang ilang proposisyon. Hindi mapakikinggan nang siryoso ng mga Amerikano ang ebanghelyo at mga bahagi ng Kristiyanong pananaw-pandaigdig kung nasa labas ito ng plausibility structure. Kaya naman kailangang unti-unting ibangga ang ebanghelyo at Kristiyanong pananaw-pandaigdig sa mga bahagi ng plausibility structure ng Kanluran para magkaroon ng pagkakataon na mapakinggan ito.

Ikalima, ebanghelistiko ang aklat. Hindi ito isinulat ni Carson para sa mga teologo, mag-aaral ng teolohiya, o mga Kristiyanong may malalim nang kaalaman sa pananampalataya. Para ito sa mga hindi Kristiyano, mga bagu-bago pa lamang na Kristiyanong nais matuto sa kanilang pananampalataya, at mga mananampalatayang nais ibahagi sa iba ang ebanghelyo. Ang buong aklat ay isang ebanghelistikong materyales. Maaari rin itong gamitin sa mga Bible study para sa paglalim ng kaalaman ng Kristiyano sa pananampalataya. Makikita ang ganitong ebanghelistikong katangian sa daloy ng aklat,na patungo sa kamatayan at muling pagkabuhay ni Hesus. Sa katunayan, malayo pa man ang kuwento sa kamatayan at muling pagkabuhay ni Hesus, sa dulo ng ilang kabanata ay may pagtatangka nang iugnay ang tema at kuwento kay Hesus. May panalangin din sa ilang dulo ng mga kabanata upang dalhin ang mga tagapakinig sa pagtanggap kay Kristo. Gumagamit din si Carson ng mga ilustrasyon, anekdota, at tula upang antigin ang damdamin ng mga tagapakinig o gawing mas madali para sa kanila ang pag-unawa at pagdama ng mensahe.  

Organisado, matalas, at malinaw ang bawat kabanata ng aklat ni Carson, dahil ang bawat isa sa mga ito ay pinanday ng panahon. Marami sa mga eksposisyon na inilatag dito ni Carson ay bunga ng maraming taon na pagmimisyon niya sa iba’t ibang unibersidad. Ideyal itong gamiting pang-introduksyon sa Kristiyanismo. Maganda itong ipangregalo sa ating mga kaibigan na hindi Kristiyano, mga bagu-bagong Kristiyano, at mga Kristiyanong gustong matutong ibahagi ang kanilang pananampalataya. Maaaring ikumpara ang The God Who is There sa iba pang introduktoryong aklat sa Kristiyanismo tulad mga klasikong aklat na Mere Christianity ni C.S. Lewis at Basic Christianity ni John Stott. Ang pagkakaiba nga lang, mas nasa kategorya ng sistematikong teolohiya ang paraan ng pagtalakay nina Lewis at Stott (hal. tuon sa pag-iral ng Diyos, kasalanan ng tao, Banal na Santatlo, pagka-Diyos ni Hesus, buhay pagkatapos ng kamatayan), habang sa biblikal na teolohiya naman nagmumula ang The God Who is There.

Ang aklat ay testamento ng isip ng isang first rate biblical theologian, na hindi lang kayang makipagsabayan sa mga pinakamahuhusay na mga teologo sa mga teknikal na diskursong teolohikal, kundi kaya ring gamitin ang kanyang teolohikal na kasanayan para sa ebanghelismo. Ipinapakita nito ang puso ng isang tunay na teologo ng simbahan.  

 

Talahuli

[1] Maaaring mapanood ang aktuwal na bidyo ng 14 sesyon na ito sa Youtube: https://youtube.com/playlist?list=PLz_2fzhFawVvSdA3gUfTquIyOT7pz3AhP&si=D7nvReJDqJyn6j7f 

[2] D.A. Carson, “Systematic Theology and Biblical Theology,” nasa T. Desmond Alexander, Brian S. Rosner, D.A. Carson, Graeme Goldsworthy, mga pat., New Dictionary of Biblical Theology (Downers Grove, Illiinois: InterVarsity Press, 2000), 100-101.

[3] Andrew David Naselli, “D.A. Carson’s Theological Method,” nasa Brian J. Tabb, pat., The Gospel and the Modern World: A Theological Vision for the Church (Wheaton, Illinois: Crossway, 2023), 45.



Friday, March 6, 2026

Rebyu #117 - The Gospel and the Modern World ni D.A. Carson (Edited by Brian Tabb)

Carson, D.A. The Gospel and the Modern World: A Theological Vision for the Church. Edited by Brian J. Tabb. Wheaton, Illinois: Crossway, 2023.



Tagapagmana ni John Stott bilang pandaigdigang lider ng ebanghelikalismo. Sa ganitong paraan inilalarawan ng ilang manunulat kagaya nina Andreas Kostenberger at Mikey Lynch ang malawak na impluwensya ng iskolar ng Bagong Tipan at biblikal na teologong si D.A. Carson [1]. Pinatutunayan ito ng mahahalagang parangal at pagkilala na ibinigay kay Carson sa nakaraang mga dekada. Noong 2011, sa okasyon ng kanyang ika-65 kaarawan, ang kanyang mga kaibigan, dating mag-aaral, at kapwa iskolar ng Bagong Tipan ay naglimbag ng isang festschrift para sa kanya, na may titulong Understanding the Times: New Testament Studies in the 21st Century: Essays in Honor of D.A. Carson on the Occasion of His 65th Birthday [2]. Sa panahon ng kanyang ika-70 kaarawan, hinandugan siya ng ikalawang festschrift ng kanya namang mga kasamang lider at kamanggagawa sa pagmiministeryo sa simbahan. Mas pastoral ang tema ng ikalawang festschrift na ito, na may pamagat na Serving the Church, Reaching the World: Essays in Honour of Don Carson [3]. Ang kanyang impluwensya ay higit pang kinilala dahil sa mga posisyong pampamunuan na kanyang hinawakan, tulad ng pagiging Pangulo ng The Gospel Coalition (TGC) (2005-2020), at ika-73 Pangulo ng Evangelical Theological Society (2022). Ang kanyang matagal na pagtuturo sa Trinity Evangelical Divinity School mula pa 1978 ay pinarangalan ng nasabing institusyon sa pamamagitan ng paghirang sa kanya bilang Research Professor Emeritus of New Testament [4].  

Ang The Gospel and the Modern World: A Theological Vision for the Church ay isa pang anyo ng parangal bilang pasasalamat sa matagal na paglilingkod ni Carson, partikular na sa TGC. Pinatnugutan ni Brian Tabb (kasalukuyang pangkalahatang patnugot ng Themelios), ang aklat ay kalipunan ng tinipong 34 sanaysay na isinulat ni Carson sa Themelios mula 2008 hanggang 2022. Ang Themelios ay ang opisyal na dyornal ng TGC. Si Carson ang nagsilbing pangkalahatang patnugot ng Themelios mula 2008 hanggang 2018. Bago ang serye ng mga sanaysay ni Carson, kinapapalooban din ang aklat ng tatlong panimulang artikulo. Una na rito ang introduksyon ni Brian Tabb na nagpapakilala sa antolohiya. Sumunod ang artikulo ni Andrew Naselli (dating research assistant at PhD advisee ni Carson) ukol sa metodong teolohikal ni Carson. Kinapapalooban ito ng pagpopook niya ng metodo ni Carson sa maikling talambuhay nito, metapisika at epistemolohiya ni Carson, at ang deskriptibong pagpapaliwanag sa pag-unawa ni Carson sa bawat disiplinang teolohikal (exegesis, biblikal na teolohiya, sistematikong teolohika, historikal na teolohiya, pastoral na teolohiya) at ugnayan ng mga disiplinang ito. Ang ikatlong sanaysay ay isinulat ni Collin Hansen, vice president for content at punong patnugot ng TGC. Nakatuon ang kanyang artikulo sa teolohikal na bisyon ni Carson para sa TGC, na nagsilbing gabay sa direksyong tinahak ng organisasyon sa panahon ng pagkapangulo ni Carson.

Samu’t saring paksa ang tuon ng mga sanaysay na inilimbag ni Carson sa Themelios, pero kakikitaan ito ng malilinaw na mga padron (pattern), na sumasalamin sa mga prayoridad ni Carson bilang isang Kristiyanong teologo. Ang mga padron na ito ay ginamit ng patnugot upang salansanin ang mga artikulo sa limang bahagi: 1. Teolohikal na bisyon para sa simbahan, 2. Ebanghelyo, 3. Biblia at biblikal na teolohiya, 4. Kultura, 5. Pamumuno sa simbahan, at 6. Pagdidisipulo. Sa pagbabasa ng buong antolohiya ay makikita ang malinaw na pagkakaugnay-ugnay ng mga ito sa kaisipan ni Carson. Para sa kanya, ang sentro ng lahat ng ito ay ang ebanghelyo, na dapat laging panatilihin sa gitna at huwag hayaang maisagilid (sadya man o hindi). Ang ebanghelyo ang sentro ng biblia, at ang nagbibigkis ng buong biblikal na teolohiya. Lahat ng iba pang mga bagay tulad ng pagsusulong ng katarungan, etikang pangkasarian, pangangalaga ng kalikasan, at iba pa, ay mga entailments o implikasyon lamang ng ebanghelyo, na hindi dapat ipangpalit dito. Ang ebanghelyo ang siyang dapat na batayan ng ating pakikipag-ugnayan at pag-unawa sa kultura, pag-uusap ukol sa pamumuno sa simbahan, at pagninilay sa paksa ng pagdidisipulo.

Sa loob ng limang bahagi ng aklat ay makikita ang maraming interesanteng artikulo ni Carson. Ilan sa mga halimbawang paksa ay ang mga sumusunod: laman at epekto ng ebanghelyo, postmodernismo, indibiduwalismo, pagtatalo ukol sa LGBTQ+, teolohiya ng edukasyon, halaga ng Repormasyong Protestante sa mga pastor sa kasalukuyan, halaga ng lokal na simbahan, panghenerasyong pagtatalo sa simbahan, revivals, pagreretiro, mga espirituwal na disiplina, at iba pa.  Yamang ang mga artikulong ito ay isinulat ni Carson sa panahon ng kanyang katandaan, nagpapakita ang mga ito ng pagmumuni-muni ng isang matyur na teologo, pinuno, at Kristiyano. Ang pagbabasa ng aklat na ito ay tila pakikinig ng nakababata sa isang lolo, isang respetadong pinuno ng ebanghelikalismo, na nagbibigay ng mga teoretikal at praktikal na mga payo na puno ng karunungan (mga karunungang pinanday ng panahon). Ideyal na tinig ito na gagabay sa mga nakababatang Kristiyano at teologo sa usapin ng maka-Diyos na pamumuhay, tapat na ministeryo, at responsableng pagteteolohiya.

Mahusay na tagapagpakilala ang aklat ng kaisipan ni Carson sa bagong henerasyon ng mga Kristiyanong mambabasa. Kung tutuusin ay tila patikim (appetizer) pa lamang ang aklat. Maliliit na sampol at representasyon pa lamang ito ng totalidad ng mga sinulat ni Carson, yamang nasa 200 aklat ang lahat ng kanyang isinulat at/o pinatnugutan (hindi pa kasama rito ang mga artikulo sa mga aklat at dyornal)! Nawa ay magdulot ang aklat na The Gospel and the Modern World ng pagkatakam ng mga mambabasa sa iba pang mga akda ni Carson, na mas komprehensibong tumatalakay sa mga tema at paksa sa kaisipan ni Carson na ipinakikilala sa aklat na ito.

 

 

Talahuli

[1] Andreas Kostenberger, “D.A. Carson: His Life and Work to Date,” nasa Andreas Kostenberger at Robert Yarbrough, mga pat., Understanding the Times: New Testament Studies in the 21st Century (Essays in Honor of D.A. Carson on the Occasion of His 65th Birthday (Wheaton, Illinois: Crossway, 2011), 358; at Mikey Lynch, “D.A. Carson: Shaping Evangelical Thought,” Oktubre 2, 2024, websayt ng The Gospel Coalition, matatagpuan sa https://au.thegospelcoalition.org/book-review/d-a-carson-shaping-evangelical-thought/, sinangguni noong Marso 7, 2026.  

[2] Andreas Kostenberger at Robert Yarbrough, mga pat., Understanding the Times: New Testament Studies in the 21st Century (Essays in Honor of D.A. Carson on the Occasion of His 65th Birthday (Wheaton, Illinois: Crossway, 2011).

[3] Richard Cunningham, pat., Serving the Church, Reaching the World: Essays in Honour of Don Carson (London: Intervarsity Press, 2017).

[4] “Professors Emeriti,” websayt ng Trinity International University, matatagpuan sa https://catalog.tiu.edu/evangelical-divinity-school/personnel/professors-emeriti/?utm_source=chatgpt.com, sinangguni noong Marso 7, 2026. 

Rebyu #116: Ang Nanay Kong Drayber ni Reina Beatriz P. Peralta & Pepot Z. Atienza

Peralta, Reina Beatriz P., & Pepot Z. Atienza. Ang Nanay Kong Drayber. Quezon City : Lampara Books, 2023



Ang rebyu ay nailimbag bilang:

Santos, Mark Joseph Pascua. "Panitikang Pambata bilang Kasangkapan ng Pagbabalik-loob sa Egalitaryong Sistema ng Sinaunang Pamayanang Pilipino.” Nasa Suring Supling: Kalipunan ng Rebyu ng mga Akdang Pambata sa Pilipinas, mga pat., Rosario Torres-Yu, Cheeno Marlo Sayuno, at Jose Monfred Sy, 75-88. Quezon City: Sentro ng Wikang Filipino, Unibersidad ng Pilipinas-Diliman.  

Matatagpuan ang onlayn na kopya ng aklat na Suring Supling sa:




Rebyu #115: Sports in the Philippines: History, Values, Spirituality ni Edgardo D. Alaurin

Alaurin, Edgardo D. Sports in the Philippines: History, Values, Spirituality. University of Santo Tomas Publishing House, 2021. 



Ang rebyu sa aklat na ito ay nailimbag bilang:

Alaurin, E.D. (2021). Sports in the Philippines: History, Values, Spirituality. University of Santo Tomas Publishing House.” PWU Research Journal vol. 12, issue 1 (May): pp. 27-36.

Matatagpuan ang rebyu sa:


Rebyu #114: Go Out to Seek Hearts! A Message to Catechists and Pilgrims ni Jorge Mario Bergoglio (Pope Francis)

Bergoglio, Jorge Mario (Pope Francis). Go Out to Seek Hearts! A Message to Catechists and Pilgrims. Quezon City: Claretians Communications Foundation, Inc., 2016. 



Ang rebyu sa aklat na ito ay nailimbag bilang:

Santos, Mark Joseph Pascua. "Katekismo ni Papa Francisco para sa mga Katekista (Panunuring-aklat sa Go Out to Seek Hearts! A Message to Catechists and Pilgrims)." Nasa Karla Y. Labor, Celeste S. Mores, Mark Joseph P. Santos, & Janette P. TeaƱo. LOLO KIKO (Kagalakan, Inspirasyon, Kabutihan, Obra ng Pag-ibig): Antolohiya ng mga Materyales-Panturo ukol kay Papa Francisco para sa mga Katekista. Quezon City: Prior Knowledge, 2025, 89-99.

Maaaring makabili ng kopya ng aklat na LOLO KIKO sa Amazon:

Rebyu #113 -- Education for Choosing Life: Proposal for Difficult Times ni Jorge Mario Bergoglio (Pope Francis)

Bergoglio, Jorge Mario (Pope Francis). Education for Choosing Life: Proposal for Difficult Times



Ang rebyu sa aklat na ito ay nailimbag bilang:

Santos, Mark Joseph Pascua. "Kasaysayan, Katarungan, Kasalimuotan: Ang Pilosopiya ng Edukasyon ni Papa Francisco (Panunuring-aklat sa Education for Choosing Life: Proposal for Difficult Times." Nasa Karla Y. Labor, Celeste S. Mores, Mark Joseph P. Santos, & Janette P. TeaƱo. LOLO KIKO (Kagalakan, Inspirasyon, Kabutihan, Obra ng Pag-ibig): Antolohiya ng mga Materyales-Panturo ukol kay Papa Francisco para sa mga Katekista. Quezon City: Prior Knowledge, 2025, 66-87.

Maaaring makabili ng kopya ng aklat na LOLO KIKO sa Amazon:

Tuesday, January 10, 2023

Rebyu #112 - Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing ni Ricky Lee

Lee, Ricky. Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing. Loyola Heights, Quezon City: Philippine Writers Studio Foundation, Inc., 2020.

 

“Accept constraints. Lahat ng kahon ay oportunidad para mapilitan kang gumawa ng butas upang makalabas.” (pahina 30)

 

Para sa mga taong mahilig magbasa, malaking pantasya ang mabigyan ng pagkakataon ng makakuwentuhan ang kanilang mga paboritong may-akda; ang magkaroon ng oportunidad na magtanong sa mga ito ng kanilang mga karanasan sa likod ng mga akdang isinulat nila, mga bagay na humubog sa kanila, at iba pang mga impormasyon na hindi pa nila nailalahad sa anumang sulatin.

Parang ganito ang oportunidad na ibinigay ni Ricky Lee sa mga taong nagmamahal sa kanyang mga obra, nang isulat niya ang Kulang na Silya. Tila nakaupo siya sa isang silyang nakaharap sayo at personal na nagkukuwento ukol sa kanyang buhay, kaugnay ng kanyang mga isinulat. Manipis ang akda, kaya naman kayang basahin sa isang upuan. Ngunit higit sa ikli nito, mayroon itong kapangyarihan na panatilihin kang nakaupo sa silya at nakatutok sa pagbabasa hanggang sa matapos ito, dahil sa pagiging mahusay na kuwentista ni Ricky Lee. Ipinamalas ng may-akda rito ang kakayahan niyang epektibong iparamdam sa mga mambabasa ang mga emosyong nilalayon niya: mapapangiti ka, mapapakunot ang noo, mapapalungkot, mapapataba ang puso, at mapapatawa.

Samu’t saring kuwento, anekdota, at mga payo ang nilalaman ng aklat, pero pinagbubuklod ito ng iisang pisi: ang kuwentong buhay ukol sa pagsusulat. Bawat kabanata ay iniuugnay ng may-akda sa pagsusulat: pandemya at pagsusulat (kabanata 1), lungkot at saya ng pagsusulat (kabanata 2), pagiging kakaiba at pagsusulat (kabanata 3), mga estrangherong dumadaan sa buhay natin at pagsusulat (kabanata 4), mga alagang hayop bilang metapora kaugnay ng pagsusulat (kabanata 5), masasakit na alaala at pagsusulat (kabanata 6), kasikatan at pagsusulat (kabanata 7), at pagtatapos ng pag-aaral at pagsusulat (kabanata 8).

Bagay na bagay itong basahin ng mga manunulat, at ng mga nangangarap na maging manunulat. Parang isang liham ito na isinulat, lalo na para sa mga nasa larangan ng malikhaing pagsulat. Punong puno ito ng payo, babala, aral, taktika, at inspirasyon, na ibinabahagi ni Ricky Lee para sa mga manunulat, na hinugot niya mula sa ilang dekadang karanasan sa pagsulat. Sobrang makaka-relate dito ang mga nasa malikhaing pagsulat (o mga gustong pasukin ang malikhaing pagsulat), tatagos sa kaibuturan nila ang mga kuwento ng kabiguan at tagumpay, lungkot at saya ng may-akda, kaugnay ng pagiging manunulat nito. Sa proseso ng pagbasa sa Kulang na Silya, mas makikilala nila si Ricky Lee bilang manunulat, pero higit pa rito, mas makikilala nila ang kanilang sarili bilang manunulat. Dahil hindi lamang magaling na kuwentista si Ricky Lee, mahusay rin siya sa pagtuturo sa iba kung paano rin sila magiging magaling na kuwentista.

Malaking oportunidad rin ang aklat para sa lahat ng nabighani sa mga nobela, maikling kuwento, iskrip, at iba pang obra ni Ricky Lee. Nagbibigay ito sa kanila ng pagkakataon na masulyapan ang mga proseso sa likod ng produksyon ng mga akdang ito, mga hirap at saya na naranasan ni Ricky Lee sa pagsulat ng mga ito. Kapag nagbabasa ka kasi ng mga nobela at maiikling kuwento, o nanonood ng mga pelikula, finished product na lamang ang nakikita mo, pero nakakubli sayo ang lahat ng kuwento na pinagdaanan ng mga obrang ito. Kaya naman sa Kulang na Silya, nagbigay si Ricky Lee ng pagkakataon sa kanyang mga mambabasa na makasulyap sa mga karanasan sa likod ng pagsulat ng mga ito. Interesante rin ang kaliwa’t kanang personal na komento ni Ricky Lee ukol sa kanyang sariling mga akda.    

Sa panahon kung kailan mas nagiging patok na ang awtobiograpikal na pamamaraan ng pananaliksik (ang tinatawag ni Vineeta Sinha na “autoethnography,” [1]) at mas nagiging pasyonable na sa mga akademiko’t manunulat ang magbahagi ng kanilang sariling karanasan na nagsasakonteksto ng kanilang kapantasan at mga akda [2], kapuri-puri ang ginawa ni Ricky Lee sa Kulang na Silya. Kung tutuusin, maganda nga sana kung magkakaroon din ng ganitong uri ng pagkukuwentong buhay ang iba pa nating mga manunulat sa Pilipinas, partikular ang mga nobelistang gaya ni Ricky Lee. 


[1] Vineeta Sinha, “Pandita Ramabai Saraswati (1858–1922),” nasa Syed Farid Alatas and Vineeta Sinha, Sociological Theory Beyond the Canon (London: Palgrave Macmillan, 2017), 244. Ukol sa dagdag na talakayan ukol sa kuwentong buhay bilang dulog sa pananaliksik, tingnan ang Clemen Aquino, “Mga Kuwentong Buhay at Kuwentong Bayan sa Paghahabi ng Araling Panlipunan,” nasa Thelma B. Kintanar, Clemen C. Aquino, Patricia B. Arinto, Ma. Luisa T. Camagay, Kuwentong Bayan: Noong Panahon ng Hapon; Everyday Life in a Time of War (Quezon City: University of the Philippines Press, 2006).

[2] Tingnan halimbawa ang napansin ni Rafael na “autobiographical turn” sa mga sulatin ni Reynaldo Ileto sa Vicente L. Rafael, “Becoming Reynaldo Ileto: Language, History and Autobiography,” Philippine Studies: Historical and Ethnographic Viewpoints, Vol. 62, No. 1, (March 2014): 115-132.

Tuesday, January 3, 2023

Rebyu #111 - Banwa at Layag: Antolohiya ng mga Kuwentong Paglalakbay ng mga Pilipino sa Ibayong Dagat ni Axle Christien Tugano

Tugano, Axle Christien. Pat. Banwa at Layag: Antolohiya ng mga Kuwentong Paglalakbay ng mga Pilipino sa Ibayong Dagat. Manila: Limbagang Pangkasaysayan, 2023. 



Ang rebyu na ito ay inilathala bilang:

Santos, Mark Joseph Pascua. Araling Pangmanlalakbay: Mga Komento, Puna, at Rekomendasyon sa Isang Bagong Sublarangan ng Araling Kabanwahan.” Mabini Review, vol. 15, issue 1, pp. 189-209.

Matatagpuan ito sa bahay-dagitab ng Mabini Review:

Rebyu #110 - To Be in History: Dark Days of Authoritarianism ni Melba Padilla Maggay

 

Maggay, Melba Padilla. Ed. To Be in History: Dark Days of Authoritarianism. Carlisle, Cumbria, U.K.: Langham Global Library, 2019.


Ang rebyu na ito ay inilathala bilang:

Santos, Mark Joseph Pascua. “Kuwentong Buhay ng mga Kristiyano sa Panahon ng Batas Militar.” TALA: An Online Journal of History, Special Issue: Perspectives on Martial Law Fifty Years After (September 2022): 96-105.

Matatagpuan ito sa bahay-dagitab ng TALA:

Rebyu #109 - Trese 6: High Tide at Midnight nina Budjette Tan at Kajo Baldisimo

 Tan, Budjette, at Kajo Baldisimo. Trese 6: High Tide at Midnight. Imus, Cavite: 19th Avenida Publishing House, 2022. 

 

Despite the rain and flood that has brought parts of the city to a standstill, the party continues in this club. The music makes them think everything is alright in their world. They can’t hear the thunder and the rain while they’re here.


Ito ang mga katagang ipinanglarawan ng tagapagsalaysay sa Dominion, isang club ng mga mayayaman sa Maynila. At ito rin, sa aking palagay, ang buod ng kabuuang mensahe ng Trese 6: ang baliktarang sitwasyon ng mga uring panlipunan bilang pinakamalaking kabalintunaan ng lipunang Pilipino.

Ipinakita nina Tan at Baldisimo ang kabalintunaang ito sa pamamagitan ng magkabaliktad na paglalarawan sa Barangay Pasifica at Dominion. Ang piksyunal na Barangay Pasifica ay isang mahirap na komunidad sa Maynila na laging binabaha. Inilarawan din ito bilang isang komunidad na pinupuntahan ng mga pulitiko upang pamudmuran ng tulong (para magpalakas sa susunod na eleksyon, isang eksenang tipikal sa Pilipinas). Simboliko rin ang ipinakita ng komiks na isang karatula sa Barangay Pasifica na may karatulang “Lipad Pilipinas.” Pinatitingkad nito ang mensaheng kabalintunaan ng komiks: may nakasulat na lipad Pilipinas sa isang lugar na lumulubog lagi sa baha.

Higit pang idiniin ang kalunos-lunos na kalagayan ng Barangay Pasifica, sa pamamagitan ng paglalarawan sa Dominion sa sumunod na bahagi ng komiks. Habang pinapatay ng mga halimaw na “taga-dagat” ang mga mamamayan ng binabahang Pasifica, masiglang gumigimik ang mga mayayamang kabataan sa Dominion. Mataas ang lugar kaya hindi ito inaabot ng baha, at ni hindi nga rin nila naririnig ang kulog at ulan dahil sa pagkalulong sa malalakas na tugtugin sa Dominion. Paraan marahil ng mga may-akda ang ganitong paglalarawan upang kastiguhin ang pagiging apatetiko ng mga nasa mataas na bahagdan ng lipunan, habang nagdarahop ang mga kababayang nasa laylayan. Malinaw sa baliktarang paglalarawang ito ang pagiging detached ng mga nakaaalwan sa mas malawak na reyalidad ng lipunang kinapapalooban nila, yamang hindi sila tuwirang apektado sa sitwasyon ng masa.

Bilang karagdagan, lalo pang itinampok ng mga may-akda ang kabalintunaan ng baliktaran sa pamamagitan ng pagpapangalan sa dalawang lugar. Isinunod ang pangalan ng bahaing barangay sa pangalan ng isang karagatan, upang salungguhitan ang lubog na kalagayan nito. Samantala, pinangalanan namang Dominion, o sa Filipino, paghahari, ang club ng mga mayayaman upang implisitong ilarawan ang pagiging nasa itaas/pagpapanginoon ng mga gumigimik dito.

Bukod sa saysay ng komiks bilang kritika sa ‘di nagbabagong kabalintunaan/baliktarang ito ng lipunang Pilipino, higit pa itong napapanahon dahil sa harap ng malawakang distorsyong pangkasaysayan ukol sa Batas Militar. Naging posible ito dahil sa piniling kontrabida ng Trese 6, si Madame, na inspirado ng tunay na persona ni Imelda Marcos. Malinaw ang kritikal na tindig ng komiks kay Imelda, at sa asawa nitong diktador. Inilarawan nila si Madame bilang pulitikong nag-aalok ng tulong sa Barangay Pasifica para lamang magpalakas. Mahalagang sipiin ang isinigaw ng isang mamamayan ng Barangay Pasifica habang nag-aalok ng tulong si Madame:

We wouldn’t be here if you and your family hadn’t stolen from our government for all those years! Go away! We don’t need your help now!

Walang paligoy-ligoy, tuwirang pagbatikos ito sa isyu ng nakaw na yaman ng pamilyang Marcos. Pinatindi pa ang kritika sa mga Marcos nang ibunyag sa bandang dulo ng komiks na kagagawan lahat ni Madame ang paglusob ng mga taga-dagat sa Barangay Pasifica. Isinagawa niya ito upang makapagpatayo ng isang bagong siyudad sa Barangay Pasifica, na magbibigay umano ng trabaho sa maraming tao. Muli, manilaw na pagkastigo ito sa matagal nang pinupuna ng mga eksperto sa Batas Militar, ang “edifice complex” ni Imelda, ang tendensyang magtayo nang magtayo ng mga naglalakihang gusali bilang huwad na palatandaan ng kaunlaran (kahit pa kapalit nito ang pagpapalayas sa napakaraming naninirahang maralita). Nakabatay ito sa pilosopiya niya ng “The Good, The True, and The Beautiful.” Pero matinding pinabulaanan nina Tan at Baldisimo ang pagiging mabuti, totoo, at maganda ng tendensyang ito ni Imelda, sa pamamagitan ng paglalagay ng mga salitang ito sa bibig ni Alexandra Trese: “At the cost of how many lives, Madame?”

Kung tutuusin, hindi naman talaga magkahiwalay na isyu ang dalawang sentral na mensahe ng Trese 6: kabalintunaan ng mga uring panlipunan at kritika sa pamilyang Marcos. Ang kabalintunaan ng baliktaran ang mismong dahilan kung bakit nagiging posible ang patuloy na pamamayani ng mga tradisyunal na dinastiyang pulitikal gaya ng mga Marcos, at ang mga pamilya ring ito ang nag-aambag tungo sa pagpapanatili ng ganitong kabalintunaan ng baliktaran. Alalaumbaga’y isang siklo ng inhustisya sa mundo ni Trese, na hindi nalalayo sa mundo natin. 

Rebyu #118 - The God Who is There: Finding Your Place in God’s Story ni D.A. Carson

Carson, D.A. The God Who is There: Finding Your Place in God’s Story . Grand Rapids, Michigan: Baker Books, 2010. “Kung mamamatay ka ngayon,...