Comandante, Bonifacio A. Baybayin: Sinaunang Sulat Pilipino; Ancient Filipino Script. Cainta, Rizal: Glad Tidings Publishing, Inc., 2019.
Mga logo ng ahensyang pampamahalaan, tattoo sa katawan, mga produktong komersyal, disenyo ng mga damit. Sa mga ganito kadalasang matatagpuan ang baybayin
Nagtapos ng
BS Agricultural Engineering (UP Los Baños), MA
Coastal Resources Management (Silliman University), MS Economics at PhD
Anthropology (Asian Social Institute), si Comandante ay isang siyentistang
inilaan ang ilang taon ng kanyang buhay sa pagpapakadalubhasa at pagsusulong ng
baybayin. Ang paglilimbag ng aklat na Baybayin:
Sinaunang Sulat Pilipino; Ancient Filipino Script ay isa sa kanyang mga
paraan tungo sa higit na pagpapakilala ng baybayin sa mga Pilipino.
Ang akdang
ito ay hindi isang primer o handbuk
na nagtuturo sa mga indibiduwal kung paano bumasa at sumulat nito. Bagaman
hindi tuwirang nabanggit sa aklat, inaasahan ng may-akda na ang mga babasa nito
ay ang mga taong may preliminaryo nang kaalaman ukol sa baybayin. Ngunit hindi
rin ito maihahanay sa mga teknikal na akademikong akda ukol sa baybayin, na
isinulat para sa mga espesyalista sa larangan (tulad halimbawa ng 3 Baybayin Studies nina Ramon
Guillermo). Samakatuwid, nasa gitna ito ng nibel ng mga primer sa isang banda, at antas ng mga teknikal na akademikong akda
sa kabilang banda; sakto para sa mga mag-aaral at mga propesyunal na nais
matuto ng samu’t saring panimulang impormasyon ukol sa baybayin.
May
kanipisan lamang ang aklat, na kayang basahin sa isang upuan. Sa kabuuang 122
pahina, 24 lamang ang tekstuwal na talakayan ukol sa baybayin. Sa limitadong mga
pahinang ito, binanggit niya ang mga pinakaunang aklat ukol sa baybayin tulad
ng Boxer Codex at Doctrina Christiana, ang mga artepaktong nagtataglay ng
sistemang panulat na ito tulad ng Laguna Copperplate Inscription, Calatagan
Pot, Angono Petroglyphs, Manunggul Jar, Maitum Jar, Ticao Stone, Butuan Metal
Strip, at gayundin ang mga unang manunulat ukol dito tulad nina Pedro Chirino,
Antonio de Morga, Pedro Paterno, Pedro Andres de Castro, at iba pa. Ibinahagi
niya ang mga kalituhang nakapaligid rito tulad ng ‘di-pagkakasundo-sundo ng mga
sinaunang manunulat ukol sa kung ano ba ang dapat gamiting sagisag para sa
paglalagay ng patinig na i/e at o/u sa mga katinig – tuldok ba (.), kudlit (,)
o bawas (-)? Pahapyaw niyang binanggit ang mga teorya ukol sa pinagmulan ng
baybayin alinsunod sa kategorisasyon ni Francisco – 1. Mula sa baybay ng
Bengal, 2. Nakaugnay kay Asoka, 3. Nagbuhat sa mga sulating Javanese at
Sanskrit, 4. Maiuugat sa Champa, at 5. Nanggaling sa mga sulating Tamil. Para
sa may-akda, sa mga pananaw ukol sa pinagmulan ng baybayin, ang kauna-unahang
bumuo ng orihinal na teorya ay si Guillermo Tolentino, na iniugat ang imbensyon
ng baybayin sa samu’t saring elemento ng kapaligiran (tulad ng puno, kidlat,
tubig, ari ng lalake, at iba pa).
Inilatag
niya rin sa aklat na ito ang kanyang sariling teorya ukol sa pinagmulan ng
baybayin – na naimbento ito ng ating mga ninuno buhat sa kanilang ritwal sa
pagkain ng taklobo o kabibe (giant clams).
Una niyang nahulma ang teoryang ito sa kanyang disertasyon sa Asian Social
Institute na The Role of Giant Clams in
the Development of the Ancient Baybayin Script noong 2009. Ayon kay Comandante, malalim na
nakaugat ang taklobo sa kamalayan ng mga Pilipino. Ang mga arkeolohikal na
paghuhukay sa iba’t ibang panig ng bansa tulad ng Palawan ay nagpapakita ng
pagiging prominente ng taklobo sa pamumuhay ng ating mga ninuno. Samu’t sari
ang gamit dito ng mga sinaunang Pilipino – hanguan ng pagkain, imbakan ng apog,
kasangkapan sa paghiwa at pag-ukit, at palamuti. Kaya naman hindi nakapagtataka
na dito rin nagbuhat ang sinaunang panulat ng mga Pilipino, ani ni Comandante.
Batay sa
teoryang ito, ang mga titik ng baybayin ay nakabatay sa mga linya at hugis na
makikita sa taklobo sa proseso ng pagkain nito. Halimbawa, ang sagisag para sa
“wa” ay kumakatawan sa puwang na bukasan ng taklobo (na sakto sa kahulugan ng
salitang wawa bilang bukanan). Ang “ba” ay nakaugnay sa hitsura ng ibabang
bahagi ng taklobo (“baba” na nangangahulugang loob o ilalim). Ang titik “ta” ay
may kinalaman sa pinaghihiwalay na bahagi ng taklobo upang mabuksan ito (“tata”
na ang ibig sabihin ay paghiwalayin). Nariyan din ang titik “ma” na tumutukoy
sa hitsura ng linya kung saan kinakain ang laman ng taklobo (ang ibig sabihin
ng “mama” ay kumain). Samantalang ang “nana” naman na nangangahulugang “agos”
ay nakaugnay sa titik “na” na hitsura ng bahagi ng taklobo kung saan umaagos
ang katas nito. Ginamit ni Comandante ang mga lumang diksyunaryo bilang batayan
ng mga salitang ito.
Bukod pa rito,
iginiit din ng may-akda na maging ang mga sagisag ng mga numero ng baybayin ay
nagmula rin sa taklobo. Ang bagay na ito ay mayroong kinalaman sa ritwal ng
pagnganganga o pagnguya ng nganga (bethal
nut). Taklobo ang pinanggagalingan ng apog, na mahalagang sangkap sa
paggawa ng nganga. Ginagamit din mismo ito bilang imbakan ng apog. Paliwanag ni
Comandante, ang mga sagisag-numero ng baybayin ay batay sa mga guhit na nasa
loob ng taklobo, na pinagbabatayan ng ating mga ninuno ng sukat ng apog na
kanilang gagamitin sa paggawa ng nganga. Mahalaga ang tamang sukat ng apog para
sa maayos na lasa ng nganga, at para maiwasan ang paghilab ng bibig kapag
ngumunguya nito. Ang pagkontrol sa sukat ng apog sa loob ng taklobo ay
nakabatay sa dami ng nganga na gagawin, na alinsunod naman sa bilang ng mga
taong magnganganga. Samakatuwid, mula sa pagsusukat ng apog sa loob ng taklobo
ay naimbento ng mga Pilipino ang mga simbulo ng pagbibilang.
Nakaugnay rito
ang teknolohiya sa pagbibilang ng mga Pilipino, kung saan nila ginagamit ang
naimbentong mga sagisag-numero – ang sungka, na tinalakay rin ni Comandante. Aniya,
katumbas ito ng abacus ng mga Tsino. Isa
sa mga patunay na hindi lamang ito basta laruan, bagkus ay kasangkapan sa
pagbibilang, ay ang katotohanan na ang sigay o bia (cowry shell) ay ginagamit na anyo mismo ng salapi dati sa kalakalan
(bago umusbong ang paggamit sag into at pilak). Laganap ang ganitong sistema
noong unang panahon sa Tsina, Japan, Polynesia, at ibang bahagi ng Pasipiko. Paliwanag
ni Comandante, mataas ang posibilidad na sa Pilipinas nagmumula ang mga sigay
na ginamit sa mga lugar na ito.
Liban sa 24
pahinang talakayang ito, karamihan na ng nalalabi sa 122 pahina ay naglalaman
ng samu’t saring larawan. Mayroong larawan ng Calatagan Pot, Angono
Petroglyphs, Ticao Stone, Laguna Copperplate Inscription, Bird Clay Figurine,
Pacaldero Jar, Lucban Jar, at iba pang artepaktong naglalaman ng baybayin. Sa
pamamagitan ng serye ng mga larawan ay ipinakita ni Comandante kung anong
kahulugan ng mga baybayin na nakasulat dito. Naglagay ang may-akda ng larawan
na detalyadong nagpapakita ng kaugnayan ng taklobo sa bawat titik ng baybayin. Bukod
sa mga ito, may mga larawan din na nagkukumpara sa iba’t ibang baryasyon ng
pagsulat ng baybayin alinsunod sa samu’t saring batis tulad ng akda nina
Chirino, Pardo de Tavera, Belarmino, Alcina, Gaspar, Mentrida, Sinibaldo de
Mas, Delgado, Marcilla, Ezguerra, at iba pa. Sa bandang dulo ng aklat ay
nakasipi ang teksto ng mga panukalang batas na nagsusulong ng baybayin bilang
pambansang panulat.
Bagaman may
kaiksian ang akda at mas marami pa ang mga larawan kaysa sa aktuwal na mga
teksto, magiging kapaki-pakinabang ang akda ni Comandante sa iba’t ibang konteksto.
Maaari itong gamitin bilang mabilisang impormatibong babasahin ng mga nais
matuto ukol sa paksa, instruksyunal/pedagohikal na kasangkapan sa pagtuturo sa
klase, o dagdag na batis sa pananaliksik. Mairerekomenda ang aklat na ito sa
mga guro ng araling panlipunan sa hayskul, mga instruktor ng kasaysayan ng
Pilipinas sa kolehiyo, mga mag-aaral ng iba’t ibang programa, at pangkalahatang
mambabasa sa wikang Ingles na interesado sa paksa.
No comments:
Post a Comment