Tan, Budjette, at Kajo Baldisimo. Trese 6: High Tide at Midnight. Imus, Cavite: 19th Avenida Publishing House, 2022.
Despite the rain and flood that has brought parts of the city to a standstill, the party continues in this club. The music makes them think everything is alright in their world. They can’t hear the thunder and the rain while they’re here.
Ito ang mga katagang ipinanglarawan ng tagapagsalaysay sa Dominion, isang club ng mga mayayaman sa Maynila. At ito rin, sa aking palagay, ang buod ng kabuuang mensahe ng Trese 6: ang baliktarang sitwasyon ng mga uring panlipunan bilang pinakamalaking kabalintunaan ng lipunang Pilipino.
Ipinakita nina Tan at Baldisimo ang kabalintunaang ito sa pamamagitan ng magkabaliktad na paglalarawan sa Barangay Pasifica at Dominion. Ang piksyunal na Barangay Pasifica ay isang mahirap na komunidad sa Maynila na laging binabaha. Inilarawan din ito bilang isang komunidad na pinupuntahan ng mga pulitiko upang pamudmuran ng tulong (para magpalakas sa susunod na eleksyon, isang eksenang tipikal sa Pilipinas). Simboliko rin ang ipinakita ng komiks na isang karatula sa Barangay Pasifica na may karatulang “Lipad Pilipinas.” Pinatitingkad nito ang mensaheng kabalintunaan ng komiks: may nakasulat na lipad Pilipinas sa isang lugar na lumulubog lagi sa baha.
Higit pang idiniin ang kalunos-lunos na kalagayan ng Barangay Pasifica, sa pamamagitan ng paglalarawan sa Dominion sa sumunod na bahagi ng komiks. Habang pinapatay ng mga halimaw na “taga-dagat” ang mga mamamayan ng binabahang Pasifica, masiglang gumigimik ang mga mayayamang kabataan sa Dominion. Mataas ang lugar kaya hindi ito inaabot ng baha, at ni hindi nga rin nila naririnig ang kulog at ulan dahil sa pagkalulong sa malalakas na tugtugin sa Dominion. Paraan marahil ng mga may-akda ang ganitong paglalarawan upang kastiguhin ang pagiging apatetiko ng mga nasa mataas na bahagdan ng lipunan, habang nagdarahop ang mga kababayang nasa laylayan. Malinaw sa baliktarang paglalarawang ito ang pagiging detached ng mga nakaaalwan sa mas malawak na reyalidad ng lipunang kinapapalooban nila, yamang hindi sila tuwirang apektado sa sitwasyon ng masa.
Bilang karagdagan, lalo pang itinampok ng mga may-akda ang kabalintunaan ng baliktaran sa pamamagitan ng pagpapangalan sa dalawang lugar. Isinunod ang pangalan ng bahaing barangay sa pangalan ng isang karagatan, upang salungguhitan ang lubog na kalagayan nito. Samantala, pinangalanan namang Dominion, o sa Filipino, paghahari, ang club ng mga mayayaman upang implisitong ilarawan ang pagiging nasa itaas/pagpapanginoon ng mga gumigimik dito.
Bukod sa saysay ng komiks bilang kritika sa ‘di nagbabagong kabalintunaan/baliktarang ito ng lipunang Pilipino, higit pa itong napapanahon dahil sa harap ng malawakang distorsyong pangkasaysayan ukol sa Batas Militar. Naging posible ito dahil sa piniling kontrabida ng Trese 6, si Madame, na inspirado ng tunay na persona ni Imelda Marcos. Malinaw ang kritikal na tindig ng komiks kay Imelda, at sa asawa nitong diktador. Inilarawan nila si Madame bilang pulitikong nag-aalok ng tulong sa Barangay Pasifica para lamang magpalakas. Mahalagang sipiin ang isinigaw ng isang mamamayan ng Barangay Pasifica habang nag-aalok ng tulong si Madame:
We wouldn’t be here if you and your family hadn’t stolen from our government for all those years! Go away! We don’t need your help now!
Walang paligoy-ligoy, tuwirang pagbatikos ito sa isyu ng nakaw na yaman ng pamilyang Marcos. Pinatindi pa ang kritika sa mga Marcos nang ibunyag sa bandang dulo ng komiks na kagagawan lahat ni Madame ang paglusob ng mga taga-dagat sa Barangay Pasifica. Isinagawa niya ito upang makapagpatayo ng isang bagong siyudad sa Barangay Pasifica, na magbibigay umano ng trabaho sa maraming tao. Muli, manilaw na pagkastigo ito sa matagal nang pinupuna ng mga eksperto sa Batas Militar, ang “edifice complex” ni Imelda, ang tendensyang magtayo nang magtayo ng mga naglalakihang gusali bilang huwad na palatandaan ng kaunlaran (kahit pa kapalit nito ang pagpapalayas sa napakaraming naninirahang maralita). Nakabatay ito sa pilosopiya niya ng “The Good, The True, and The Beautiful.” Pero matinding pinabulaanan nina Tan at Baldisimo ang pagiging mabuti, totoo, at maganda ng tendensyang ito ni Imelda, sa pamamagitan ng paglalagay ng mga salitang ito sa bibig ni Alexandra Trese: “At the cost of how many lives, Madame?”
Kung tutuusin, hindi naman talaga magkahiwalay na isyu ang dalawang sentral na mensahe ng Trese 6: kabalintunaan ng mga uring panlipunan at kritika sa pamilyang Marcos. Ang kabalintunaan ng baliktaran ang mismong dahilan kung bakit nagiging posible ang patuloy na pamamayani ng mga tradisyunal na dinastiyang pulitikal gaya ng mga Marcos, at ang mga pamilya ring ito ang nag-aambag tungo sa pagpapanatili ng ganitong kabalintunaan ng baliktaran. Alalaumbaga’y isang siklo ng inhustisya sa mundo ni Trese, na hindi nalalayo sa mundo natin.
No comments:
Post a Comment