Wednesday, June 22, 2022

Rebyu #105 -- Maganda pa ang Daigdig ni Lazaro Francisco

Francisco, Lazaro. Maganda pa ang Daigdig. Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 1982.


ANG ETIKA NG MAGANDA SA NOBELA NI LAZARO FRANCISCO

 

Ang mga literatura gaya ng nobela ay mayayamang balon na mapagsasalukan ng samu’t saring pagpapakahulugan. Minsan ay nakabatay sa gagamiting pangsalok ang uri ng tubig na masasalok mula sa mga balon na ito. O sa pangungusap na walang metapora, nakabatay ang mga pagpapakahulugang makukuha sa mga nobela alinsunod sa gagamiting mga konsepto, balangkas, o pananaw sa pagbasa dito.

 

Ang nobela ni Lazaro Francisco na Maganda pa ang Daigdig ay tulad rin ng isang mayamang balon. Nais kong sumalok sa balon na ito gamit ang konsepto ng “maganda.” Isa sa mga mapanghawang-landas na akdang nagpayabong ng pag-unawa natin sa konsepto ng maganda ay ang aklat na Ang Maganda sa Teolohiya nina Jose de Mesa at iba pang kapwa niya teologo.[1] Ipinaliwanag nila sa aklat na sa kulturang Pilipino, ang maganda, kaiba sa Kanluraning konsepto ng beauty, ay hindi lamang tumutukoy sa panlabas o estetikal na aspekto kundi pati sa panloob o etikal na dimensyon. Malinaw itong ipinapakita ng wika natin. Sa wikang Filipino, madalas na sinonimo ang mabuti at maganda. Sinasambit natin ang “magandang umaga” bilang salin ng “good morning” sa halip na “mabuting umaga.” Sa bokabularyo ng mga Kristiyanong Pilipino, kapwa katanggap-tanggap na salin ng Good News ang Mabuting Balita at Magandang Balita. Halos magkasing-kahulugan din sa wika natin ang kabutihang-loob/kabutihang-asal at kagandahang-loob/kagandahang-asal. Ang kabaliktaran ng maganda, na “pangit”, ay may etikal na dimensyon din tulad ng maganda. Ginagamit ng mga Pinoy ang pangit bilang paglalarawan sa masamang asal (“ang pangit naman ng ugali niyan”, “pangit ang pagpapalaki sa batang iyan”, “pangit siyang makitungo sa kapwa”). Kaalinsabay nito, siyempre ay may panlabas/estetikal na nilalaman din ang konsepto ng maganda. Ipinanglalarawan din natin ito sa mga panlabas na anyo (“maganda ang kanyang mga mata”, “maganda ang disenyo ng bahay”, “puno ng magagandang tanawin ang lugar na ito”). Samakatuwid, malinaw sa kulturang Pilipino ang sabay na pag-iral ng panloob (etikal) at panlabas (estetikal) na dimensyon ng maganda.

 

Naaangkop sa akda ni Lazaro Francisco ang paglalapat dito ng konsepto ng maganda, dahil bukod sa nasa titulo mismo ito ng nobela, makailang ulit itong nabanggit sa buong akda. Malinaw ang pagganap ng maganda sa nobela bilang isang konseptong etikal. Maituturing na pinakabuod ng nobela ang dalawang magkahiwalay na pahayag na binanggit ng karakter ni Miss Loreto “Luring” Sanchez kung saan lumitaw mismo ang titulo ng akda:

 

Nais kong mapaligaya ng aking pag-ibig at ng aking pagmamahal ang maraming nangangailangan upang mapanatili sa kanila ang paniniwalang maganda pa ang daigdig kahiman puno na ng dungis (p.54).

 

Ibig kong suhayan ang isang pag-asang nagigipo! Ibig kong mabigyan ng sandalan ang isang pananalig na nawawalan ng sandigan! … Ibig kong makita ng lahat na maganda pa ang buhay, maganda pa ang daigdig, at karapat-dapat pa ito sa ating pag-ibig at pagpapakasakit, pagkat may mga nilikha pang marunong mabuhay nang di dahil lamang sa kanilang sarili! (361).

 

Sa mga siping ito, madaling mahihinuha na ang “maganda pa ang daigdig” ay isang patuloy na pag-asa, pag-aasam ng isang mas maayos na lipunan sa gitna ng mapangit na daigdig. Kaya sinasambit ang “maganda pa ang daigdig” ay dahil sa mas nangingibabaw na kapangitan ng daigdig. Laganap sa buong nobela ang paglalarawan sa kapangitang ito ng daigdig.

 

Mahusay na nailarawan ng nobelista ang kapangitang ito gamit ang buhay ng bidang si Lino Rivera. Tila puro kapangitan ang mga naranasan ni Lino sa buhay. Sapilitan siyang naisali bilang sundalo sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig laban sa mga Hapon. Habang nakapiit siya sa Bataan, ang kanyang asawa ay ginahasa ng mga Hapon, na nagtulak sa babae upang kitilin ang sariling buhay. Nang makatakas siya, matagal na panahon ang lumipas bago niya natagpuan ang kanyang anak. Labis na pagbabata ang kanyang dinanas upang itaguyod ang anak. Hindi niya ito nagawang pag-aralan dahil sa hirap nang buhay. Naranasan pa ni Lino na dayain sa trabaho, hindi paswelduhin mula sa kanyang pinaghirapan, at mapalayas sa inuupahan dahil sa kawalan ng pambayad. Nasanay silang mag-ama na kumalam ang sikmura sa gutom. Makailang ulit din na nakulong si Lino dahil sa mga bintang na walang katotohanan.

 

Bukod sa personal na buhay na ito ni Lino, ipinakita rin ng nobela ang kapangitan ng daigdig sa pamamagitan ng pagkastigo sa ilang pangit na sistemang umiiral sa lipunang Pilipino. Nangunguna na rito ang pagkritika ng nobelista sa sistemang pakikisama (tenancy system). Malaman ang naging diskurso ukol dito lalo na sa pagitan ng usapan nina Lino at Pari Amando (p.60-66), at sa talumpati ni Pari Amando sa harap ng mga kasamang asendero (p.127-133). Pinuna ng may-akda, sa pamamagitan ng tinig ni Lino at Pari Amando, ang kapangitang dala ng sistemang pakikisama sa lipunang Pilipino: ang pagpapatindi ng puwang sa pagitan ng mga makapangyarihang panginoong maylupa at mga busabos na kasama. Nabanggit halimbawa ni Lino na ang kaapihan ng pagiging busabos na kasama ay namana pa ng kanilang pamilya mula pa sa kanilang kanunu-nunuan. Sa talumpati ni Pari Amando, binansagan niya ang sistemang ito na “kalawang ng kahapon” at “mahapding aglahi sa mukha ng demokrasya” (p.128). Ito rin ang itinuro niyang sanhi kung bakit mas nagiging madali ang pagrekrut sa mga magbubukid bilang kasapi ng mga Huk.

 

Isa pang mapangit na tatak ng lipunang Pilipino ayon sa nobela ay ang depektibong sistema ng katarungan. Makalawang ulit na nakulong si Lino kahit na siya’y inosente, dahil sa suplong ng mga pekeng saksi. Sa buong nobela, makailang ulit binanggit ang pag-iral ng depektibong mga batas na nagiging sanhi kung bakit napaparusahan ang mga inosente (hal. sa palitan nina Kumander Hantik at Lino, nina Don Tito at Pari Amando, at sa talumpati ni Lino sa mga kasama niyang takas).

 

Ang lahat ng ito ay nagpapakita na pangit talaga ang daigdig. Ngunit sa gitna ng kapangitang ito ay may munting pag-asa ang nobelista na gaganda pa ang daigdig. At batay sa dalawang susing pahayag ni Miss Sanchez, ang daan tungo sa katuparan ng pagganda ng daigdig ay pag-ibig. Pag-ibig din ang susi upang mabuhay sa puso ng kapwa ang pag-asang ito ukol sa pagganda ng daigdig. At malinaw sa buong nobela na ang pag-ibig na ito ay hindi romantikong pag-ibig batay sa kasarian (o eros sa Griyego), kundi pag-ibig sa kapwa-tao (o phileo sa Griyego). Halimbawa, sinabihan ni Miss “Mina” Lavadia si Miss Sanchez na matigas ang kanyang puso dahil sa hindi pagbibigay ng pag-asa sa manliligaw nitong si Kapitan Roda, ngunit iginiit ni Miss Sanchez na napakalambot ng kanyang puso (p.331). Matigas ang puso niya kung ang pagbabatayan ay pag-ibig na romantiko (eros), ngunit malambot ito kung ang batayan ay pag-ibig sa kapwa-tao (phileo). Sa ibang bahagi ng nobela, nabanggit din na tinatawag ng iba si Miss Sanchez na “babaeng walang pag-ibig.” Ito ay sapagkat ang tinutukoy nilang pag-ibig ay romantiko. Ngunit malinaw na puno ng pag-ibig si Miss Sanchez kung pag-ibig sa kapwa ang sukatan. Makailang ulit halimbawang binanggit ni Miss Sanchez ang pag-ibig niya sa ampon niyang si Ernesto, na anak ni Lino (p.297). Ipinapakita ng mga ito na ang tinutukoy sa nobela na pag-ibig na daan tungo sa pagiging maganda ng daigdig ay pag-ibig sa kapwa-tao (phileo) at hindi pag-ibig na romantiko (eros).

 

Ang pagpaprayoridad ng nobela sa pag-ibig sa kapwa kaysa pag-ibig romantiko ay nakaayon din sa mas mabigat na pagtitimbang ng nobela sa kagandahang panloob (etikal) kaysa kagandahang panlabas (estetikal). Ito’y ‘di kataka-taka, sapagkat madalas, ang pag-ibig romantiko ay nakabatay sa kagandahang panlabas, habang ang pag-ibig sa kapwa ay nakabatay sa kagandahang panloob. Kitang kita ito sa palitan nina Kapitan Roda at Miss Sanchez (p.197):

 

Miss Sanchez: Esther Mathews. Isa siyang mestisa-Amerikana… Sa palagay ko’y napakaganda niya…

Kapitan Roda: Huwag mo nang banggitin sa akin, Luring, ang ganda ninuman. Ang kagandahan ninumang maganda ay nauuwi lamang sa maging simpatika sa piling mo.

Miss Sanchez: Saan mo ba tinitingnan ang kagandahan, Carlos?

Kapitan Roda: Saan? Saan pa kundi sa lahat ng bagay. Sa mukha, sa diwa, sa puso, sa budhi, sa kaluluwa, sa lahat!

 

Sa palitang ito, makikita na bagaman nagsimula ang usapan sa kagandahang panlabas ng babae dahil sa romantikong pag-ibig ni Kapitan Roda kay Miss Sanchez, nauwi ito sa pagtalakay ukol sa kagandahang panloob. At sa mga nabanggit ni Kapitan Roda na mga aspekto ng kagandahan, isa lamang ang pasok sa kategorya ng kagandahang panlabas (mukha) habang ang nalalabi ay puro ukol sa kagandahang panloob (diwa, puso, budhi, kaluluwa). Kaugnay nito, sa palitan naman ni Miss Sanchez at Miss Lavadia, nabanggit nitong una na (335):

 

Magtataka ka, Mina, marahil, sa kaibhan ng paningin ko at panlasa sa pag-uri sa katangian ng isang lalaki, o ng sinumang tao. Ang tinitingnan ko sa tao ay di ang kaniyang baro kundi ang kaniyang katauhan. At, ang tinitingnan ko naman sa katauhan ng tao ay di ang kaniyang katawan kundi ang kaniyang kaluluwa.

 

Muli, makikita sa siping ito na ang batayan ng pag-ibig ni Miss Sanchez ay mga bagay na may kinalaman sa kagandahang panloob kaysa kagandahang panlabas. Sa pamamagitan ng pag-ibig sa kapwa na nakabatay sa kagandahang panloob, naniniwala si Miss Sanchez na ang kapwang pinag-ukulan ng pag-ibig ay patuloy na magkakaroon ng pag-asa na gaganda pa ang daigdig. At ang pag-ibig na ito ay hindi lang daan para patuloy na umasa ang kapwa na gaganda pa ang daigdig, ito mismo ang instrumento upang aktuwal na mapaganda ang daigdig. Sabi nga ni Miss Sanchez, “maganda pa ang daigdig, at karapat-dapat pa ito sa ating pag-ibig at pagpapakasakit, pagkat may mga nilikha pang marunong mabuhay nang di dahil lamang sa kanilang sarili!” Sa gayon, kung matututong mabuhay ang mga tao para sa kanilang kapwa dahil sa pag-ibig, unti-unting gaganda ang daigdig. Sa kabaliktaran, kung magiging makasarili ang mga tao at wala silang magiging pag-ibig sa kapwa, walang pag-asa na gumanda ang daigdig, at sa halip ay mas papangit pa ito.

 

Samakatuwid, ang maganda bilang konseptong etikal sa nobela ni Lazaro Francisco ay naglalaman ng pag-ibig bilang pangunahing sangkap nito. Ngunit hindi lamang pag-ibig ang nilalaman nito. Isa pang mahalagang sangkap ng konseptong ito sa nobela ay ang pananampalataya sa Diyos. Makailang ulit na dinambana sa nobela ang elementong ito. Halimbawa, nang aarestuhin na si Lino nang mga awtoridad dahil sa maling paratang, itinagubilin niya sa anak na si Ernesto na (p.150):

 

Huwag kang mawawalan ng pananalig sa Diyos, Ernesto! Iyan na lamang. Sa mga bagay na dati kong pinaniniwalaan, ang tanging di ko ibig na mawala pa sa akin… Sa Kaniya ka tatawag kapag nawawalan ka ng pag-asa.   

 

Pagkatapos nito ay iniwan niya ang kanyang krusipiho kay Ernesto. Sa palitan naman ni Kumander Hantik at Lino, ganoon na lamang kahalaga ang pananampalataya ni Lino na binanggit niyang ang isa sa pinakadahilan kung bakit ayaw niyang sumapi sa mga komunistang Huk ay dahil walang Diyos ang mga ito. Nariyan din ang depiksyon kay Miss Sanchez na relihiyoso, na laging nagdadala kina Ernesto at Ernestina sa simbahan. Ang prominenteng papel ni Pari Amando (at magandang depiksyon sa kanya bilang pari) sa buong nobela ay nagpapatibay rin sa pagpapahalaga ng nobela sa pananampalataya. Implisito sa nobela ang paninindigan na kinakailangan ang relihiyon o pananampalataya sa Diyos para sa pagbuo ng isang magandang daigdig.

 

Liban sa pag-ibig at pananampalataya, nariyan din ang katarungan bilang nilalaman ng maganda. Matibay ang mensahe ng nobela na kinakailangan ang katarungan upang magkaroon ng magandang daigdig. Halimbawa, binanggit ni Lino sa mga kasama niyang takas na mahalaga sa ilalim ng anumang pamahalaan ang katarungan (p.348). Ang kawalan mismo ng katarungan ang pinupuna ni Lino sa pamahalaan ng Pilipinas, at ang kawalan nito rin ang dahilan kung bakit kinakailangan pa nilang tumakas mula sa bilangguan. Sa usapin din ng katarungan humuhugot si Lino at Pari Amando ng katwiran laban sa sistema ng pakikisama. Ang eksposisyon sa konsepto ng katarungan sa nobela ay higit na makikita sa talumpati ni Lino sa kanyang mga kasamahang takas. Implisitong mahihinuha mula sa talumpati na ang katarungan ang naghihiwalay sa tama at mali. At ang distinksyon sa tama at mali, ayon kay Lino, ay nakabatay naman sa sariling budhi ng isang tao. Aniya (p.264):

 

Susuhayan natin ang katwiran at katarungan saanman at kailanman, ayon sa bulong ng sarili nating budhi.Kukupkupin natin at ipagsasanggalang ang sinumang api at pinagkaitan ng katarungan sa loob at labas ng bayan.

 

Ang pananaw ni Lino sa katarungan din ang pinaghuhugutan ng kanyang kritika kapwa sa mga Huk at sa Pamahalaan. Sa isang banda, pinupuna niya ang diktadurang nais itatag ng mga Huk (na para sa kanya ay labag sa prinsipyo ng demokrasya), gayundin ang kanilang panliligalig sa ilang mga inosenteng tao (tulad ng pagnanakaw para sa pagpapatuloy ng kanilang operasyon). Sa kabilang banda, pinupuna niya naman ang mga baluktot na batas na mayroon ang Pamahalaan, gayundin ang pamamayani ng sistemang pakikisama.

 

Sa kabuuan, itong tatlo ang nilalaman ng maganda bilang konseptong etikal sa nobela: pag-ibig, pananampalataya, at katarungan. At naniniwala ang nobelista na ang mga sangkap na ito ang kinakailangan upang mapaganda pa ang daigdig.



[1] De Mesa, Jose M., Estela P. Padilla, Levy L. Lanaria, Rebecca G. Cacho, Yuri D. Cipriano, George N. Capaque, Timoteo D. Gener. Ang Maganda sa Teolohiya. Quezon City: Claretian Communications Foundation, Inc., 2017.

No comments:

Post a Comment

Rebyu #112 - Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing ni Ricky Lee

Lee, Ricky. Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing. Loyola Heights, Quezon City: Philippine Writers Studio ...