Bautista, Lorenzo C., Aldrin M. Penamora, Federico G. Villanueva. Eds. Faith and Bayan: Evangelical Christian Engagement in the Philippine Context. Carlisle, United Kingdom: Langham Global Library, 2022.
“Faith,” if it is to be
true to the teachings of the Bible, has to be related to “bayan.” This is the
underlying conviction of the book. (p.1)
Sa maraming tagamasid, tila malinaw na padron (pattern) ang pagiging sobrang konserbatibo ng ebanghelikalismo sa Pilipinas kaugnay ng mga usaping sosyo-pulitikal. Hindi iilan ang nakapansin na may tendensya ang mga Pilipinong ebanghelikal na mag-ingay sa mga usaping ipinagpapalagay na “espirituwal” tulad ng diborsyo, pagpapalaglag, at homosekswalidad, ngunit kasabay nito ay ang pananahimik sa mga isyung itinuturing na pisikal tulad ng korapsyon, kahirapan, at malawakang pagpatay. Ang tendensyang ito ay maiuugat pa sa impluwensya ng isang uri ng pilosopiyang Griyego sa Kristiyanismo, kung saan ang espirituwal ay itinuturing ng banal habang ang pisikal ay ipinagpapalagay na marumi.[1] Minana ng mga Amerikanong ebanghelikal ang ganitong balangkas kaisipan mula sa Europeong Kristiyanismo, na siya namang nadala ng mga ito sa Pilipinas sa kasagsagan ng kolonyalismong Amerikano. Malaki ang naging implikasyon ng ganitong dikotomiya sa pagiging tahimik at pagkailang ng maraming Pilipinong ebanghelikal sa mga isyung panlipunan at pampulitika. At higit na naging kapansin-pansin ang suliraning ito sa panahon ng administrasyong Duterte, kung saan nanatiling tikom ang bibig ng maraming ebanghelikal (kung hindi man aktibong sumuporta sa pangulo) sa gitna ng gera kontra droga, red-tagging, paglaganap ng pekeng balita, ‘di makatwirang pag-uusig sa oposisyon, pagpatay sa mga lumad, pagpapatamihik sa mga mamamahayag, rebisyong pangkasaysayan, korapsyon, pagpapabaya sa Kanlurang Dagat ng Pilipinas, at palpak na pag-apula sa pandemya.
Kaya
naman sa gitna ng ganitong mala-disyertong estado ng ebanghelikalismo sa
Pilipinas, maituturing na isang sariwang oasis ang paglitaw ng aklat na Faith
and Bayan: Evangelical Christian Engagement in the Philippine Context, na
pinatnugutan nina Lorenzo Bautista, Aldrin Penamora, at Federico Villanueva.
Animoy isang propetikong tinig mula sa ilang, nananawagan ito sa komunidad
ng mga mananampalataya na itaguyod ang katwiran at katarungan, yamang hindi
maihihiwalay ang dalawang ito sa puso ng Kristiyanismo.
Humuhugot
mula sa iba’t ibang disiplina tulad ng araling Lumang Tipan, araling Bagong
Tipan, eskatolohiya, pilosopiyang pulitikal, at etika, tila mga puzzle piece
ang bawat isa sa walong sanaysay na nag-aambag sa pangkabuuang larawan ng
aklat – larawan ng pagiging isang mapangahas na manipesto ng mga Pilipinong
ebanghelikal na teologo ukol sa nararapat na partisipasyong pulitikal ng mga
Kristiyano sa gitna ng tiranikong rehimeng Duterte. Bawat kabanata ay tumutugon
sa mga kaisipan/salik na karaniwang nagiging balakid sa aktibong pakikilahok ng
mga mananampalataya sa mga isyu ng bayan: purong espirituwal na tingin sa
pagsamba na salat sa pagpapahalaga sa katarungan (kabanata 1 ni Federico
Villanueva); hindi pagpansin sa diin ng mga propeta ng Lumang Tipan sa tema ng
katwiran at katarungan (kabanata 2 ni Annelle Sabanal); pag-interpreta sa Roma
13 na labas sa kontekstong pampanitikan at pangkasaysayan nito (kabanata 3 ni Junette
Galagala-Nacion); laging negatibong pagtingin sa tradisyon ng pagrereklamo
(kabanata 4 ni Federico Villanueva); kawalan ng pang-unawa sa halaga ng
pagtuligsa sa konteksto ng demokrasya (kabanata 5 ni Roberto Barredo); kawalan
ng malasakit sa gitna ng madugong gera kontra droga (kabanata 6 ni Aldrin
Penamora); maling pananaw sa eskatolohiya na humahantong sa eskapistang
mentalidad (kabanata 7 ni Christopher Sabanal); at negatibong pagtingin sa
pakikilahok ng mga Kristiyano sa mga kilos protesta at iba pang aktibong
pagkilos sa loob ng demokratikong lipunan (kabanata 8 ni Carlo Dino).
Bukod
sa dimensyong propetiko at kapakinabangang praktikal nito para sa mga
ebanghelikal na simbahan sa Pilipinas, ang aklat ay maaari ring magsilbing
modelo ng mahusay na iskolarsyip sa larangan ng kontekstuwal na teolohiya. Ipinapamalas
nito sa komunidad ng mga Pilipinong teologo kung paano aktuwal na isagawa ang
kontekstuwal na teolohiya na hiyang at angkop sa lipunang Pilipino. Bukod sa
maalab na puso para sa bayan, kinakarakterisa rin ang mga sanaysay ng mataas
ang teoretikal na kalidad na makakikiliti sa intelektuwalidad ng mga akademikong
mambabasa (lalo na halimbawa ang malikhaing pagtatahi-tahi ni Barredo sa
pagitan ng pilosopiya ni Claude Lefort, binhi ng tradisyong pagtuligsa sa
Lumang Tipan, at estado ng demokrasya sa Pilipinas sa ilalim ni Duterte). Nagpapakita
ang mga ito ng mahusay at malikhaing dayalogo sa pagitan ng araling
biblikal/teolohiya (at iba pang disiplina) at kontemporaryong mga isyung
panlipunan sa Pilipinas. Malawak na ang mga isyung tinalunton ng aklat,
gayunman, hindi ko mapigilang maimadyin kung gaano pa ito magiging mas
komprehensibo at mas makatuturan, kung nagpasok din sana ng mga kabanata na maglalatag
ng teolohikal na repleksyon sa iba pang napakahalaga ring mga isyu sa panahon
ng Dutertismo tulad ng fake news at diplomasya sa Kanlurang Dagat
ng Pilipinas (may padaplis na pagbanggit lang dito sa ikalawa sa kabanata ni
Annelle Sabanal, partikular sa p.42).
Kung
tutuusin, ang aklat ay maipagdiriwang din bilang katuparan ng panawagan ni Jose
de Mesa (ang namayapang teologo na isa sa pinaka orihinal at pinaka malikhaing
teologong Pilipino) na sinambit nito sa aklat na Why Theology is Never Far
from Home. Mainam na sipiin dito ang naturang panawagan:
Since each type of analysis has something distinctive to
offer in the understanding of reality, the suggestion to dialogue has merit and
deserves a hearing. A formula like “in
the light of” can be useful when appended to each of the approaches to
reality: Cultural analysis in the light of social analysis and vice-versa.
Cultural analysis should be done in such a way that it becomes aware of the
fact that what is considered “traditional” and “indigenous” is not necessarily
life-giving. If culture is for the enhancement of life, consciousness, and
action against death-dealing elements in the culture must be fostered, even if
such elements are considered traditional. Moreover, this type of analysis must
recognize the presence of conflictual elements within the culture itself . . . Social
analysis in the light of cultural analysis will be carried out in a manner that
utilizes indigenous cultural constructs rather than importing other models as
well as language which are foreign . . . Indigenous culture should not be
assumed to be bereft of analytic rationality just because it is not Western.[2]
Sa
siping ito, makikita ang distinksyon ni De Mesa sa pagitan ng dalawang uri ng
pagsisiyasat sa teolohiya: panunuring pangkalinangan (cultural analysis)
at panunuring panlipunan (social analysis). Sa maikling paglalarawan,
ang panunuring pangkalinangan ay kinakarakterisa ng paggamit sa mga katutubong
rekurso para sa pagteteolohiya tulad ng paghugot sa wikang Filipino ng mga
dalumat na gagamitin sa pagsusuri, pag-unawa sa mga padron ng kalinangang
Pilipino, o paggamit mismo sa wikang Filipino sa pagsulat ng mga teolohikal na
akda. Samantala, ang panunuring panlipunan ay kinapapalooban ng pagsiyasat sa
mga istruktura ng lipunan, pagpansin sa mga umiiral na tunggalian, o pag-unawa
sa sistema ng kapangyarihan at pang-aapi. Nais kong bansagan ang teolohiyang
maibubunga ng panunuring pangkalinangan bilang “teolohiyang malaya” (mula sa
kolonyalismong panlabas), habang tatawagin ko naman ang teolohiyang maibubunga
ng panunuring panlipunan bilang “teolohiyang mapagpalaya” (mula sa panloob na
kaapihan lipunang Pilipino). Kapwa mapanganib ang teolohiyang malaya ngunit
hindi mapagpalaya at teolohiyang mapagpalaya ngunit hindi malaya. Ang
teolohiyang malaya ngunit hindi mapagpalaya ay mapagbuklod sa bansa
(nasyonalista), ngunit bulag sa mga kaapihang umiiral mismo sa loob ng bansa,
na kadalasang pinaiiral mismo ng mga kapwa Pilipino (hindi progresibo). Ang
teolohiyang mapagpalaya naman ngunit hindi malaya ay sensitibo sa mga kaapihan
sa loob ng bansa (progresibo), ngunit nananatiling kolonyal at potensyal pang
mapangwasak sa kabuuan ng bansa (hindi nasyonalista). Sa gayon, para sa pagbuo
ng isang holistikong Teolohiyang Pilipino, napakahalagang mapagtagpo ang
teolohiyang malaya at teolohiyang mapagpalaya, bilang pagsunod sa iniwang
habilin ni De Mesa.[3]
Sa
aking palagay, nakamit ng Faith and Bayan ang integrasyong ito sa ilang
aspekto.
Malinaw
ang bakas ng teolohiyang mapagpalaya sa aklat. Matatas ang panunuri nito sa mga
istruktura na nagluluwal at nagpapanatili ng kaapihan, tulad halimbawa ng
ginawa ni Penamora na pagtalunton sa paglago ng dehumanisasyon sa lipunang
Pilipino, bunga ng paglaganap ng mito ukol sa pagiging “subhuman” ng mga
adik sa droga. Nariyan din ang pilosopikal na diskursong inilatag ni Barredo
patungkol sa sentral na lokasyon ng pagtuligsa sa istruktura ng demokrasya. Mababanggit
din dito ang pagsang-ayon ni Villanueva kay Karl Marx ukol sa pagganap ng
relihiyon kung minsan bilang opyo ng lipunan, kung saan itinutulak nito ang mga
mananampalataya na tumakas sa reyalidad sa halip na aktibong kumilos sa mga
isyung pangkatarungan. Maging ang mga kabanata nina Anelle Sabanal,
Galagala-Nacion, at Christopher Sabanal ay makikitaan din ng paggamit ng
panunuring panlipunan na inilapat nila sa kontekstong panlipunan at pampulitika
ng Luma at Bagong Tipan, upang makita ang saysay nito sa kontemporaryong
lipunang Pilipino. Wala ring pagpreno na ginawa ang aklat sa mapangahas nitong
pagbatikos sa administrasyong Duterte sa iba’t ibang isyu tulad ng
pagpapatalsik kay dating Punong Mahistrado Ma. Lourdes Sereno (lalo sa kabanata
ni Dino), gera kontra droga, pagpapasara ng ABS-CBN, pagsasabatas ng Terror
Bill, korapsyon sa gitna ng pandemya, promosyon kay Sinas, at marami pang iba.
Samantala,
kaalinsabay nito ay makikita rin sa aklat ang mga bakas ng teolohiyang malaya. Laganap
sa aklat ang paglalapat ng mga Pilipinong dalumat, lalo na sa introduksyon,
dalawang kabanata ni Villanueva at isang kabanata ni Penamora. Ilan sa mga
Pilipinong dalumat na ginamit sa aklat ay ang dalumat ng pananampalataya,
bayan, malasakit, tampo, at sama ng loob. Nariyan din ang okasyunal na paggamit
ng wikang Filipino para sa mga pangungusap na gustong bigyan ng diin ng mga
may-akda (hal. p.18, 23, 77, 79, 81, 89, 116, 119, 124). Sa partikular, sa
dalawang kabanata ni Villanueva (gayundin sa introduksyon at epilogo kung saan
litaw na litaw pa rin ang tinig ni Villanueva bilang isa sa mga patnugot), madalas
ang paggamit ng mga reperensyang halaw sa lipunang Pilipino, sa halip na puro
banyagang halimbawa lamang ang gamitin. Nariyan ang pagtukoy niya sa mga
kantang Pilipino tulad ng Bayan Ko (p.1), pagbanggit sa isang delubyong
naranasan ng mga Pilipino tulad ng bagyong Yolanda (p.93), at pagsipi sa mga
bayani tulad ni Rizal at Balagtas (p.21-22, 176). Bukod kay Villanueva, sumipi
rin si Dino ng mga bayaning Pilipino sa kanyang kabanata tulad nina Rizal,
Mabini, Bonifacio, at Aguinaldo (p.160). Gayundin, sa buong aklat, kaalinsabay
ng pagsayt ng mga may-akda sa mga banyagang palaisip tulad nina N.T. Wright,
Walter Brueggeman, Justo Gonzales at iba pa, malawak din ang espasyong inilaan
sa pagsipi sa kaisipan ng mga Pilipinong dalubhasa tulad nina Melba Maggay,
Jose de Mesa, F. Landa Jocano, Dionisio Miranda, Virgilio Enriquez, at iba pa.
Nais
ko lamang banggitin na mas maisusulong sana ang pagkatig ng aklat sa direksyon
ng teolohiyang malaya kung wikang Filipino mismo ang ginamit nito sa pagkatha
ng mga kabanata. Tulad ng lagi kong puna sa kasalukuyang estado ng Teolohiyang
Pilipino, kung ikukumpara ito sa ibang kilusang indihenisasyon sa Pilipinas
(tulad ng Pantayong Pananaw, Pilipinolohiya, Sikolohiyang Pilipino, at
Pilosopiyang Pilipino), medyo nahuhuli ang Teolohiyang Pilipino sa paggamit ng
wikang Filipino. Naging tuon ng maraming teologo sa Pilipinas ang paggamit ng
mga dalumat na halaw sa wikang Filipino para sa pagteteolohiya, ngunit ang
mismong bunga ng pagteteolohiyang ito (sa anyo ng mga aklat) ay hindi
nailalatag sa wikang Filipino. Ang ganitong estado ng Teolohiyang Pilipino ay
mapapansin pa rin sa Faith and Bayan. Ngunit sa isang banda ay
maipagpapaumanhin naman ito dahil nilinaw ng aklat sa introduksyon pa lamang na
nais nitong magkaroon ng saysay hindi lamang sa Pilipinas, kundi maging sa
ibang bansa na may pagkakahawig ang konteksto sa pinagdaanan at pinagdadaanan
ng Pilipinas (p.2). Dagdag pa sa konsiderasyon ang katotohanan na isang
banyagang institusyon ang naglimbag ng akda (Langham). Sa ganang ito, kung gagamitin
ang kategorisasyon ng historyador na si Zeus Salazar, maipapasok sa kategoryang
“pangkaming pananaw” ang akda. Ibig sabihin, ang kinakausap nito ay mga banyaga
(panlabas na pangkami), at mga Pilipinong marunong ng wikang banyaga (Ingles) (pangloob
na pangkami). Ang pagsaklaw sa mga banyaga bilang nilalayong mambabasa ng aklat
(bukod sa mga kapwa Pilipinong marunong ng wikang banyaga) ay kita rin sa
deskripsyon na nasa likod na pabalat ng akda, kung saan sinabi na ang aklat ay
“excellent resource for students and leaders seeking an Asian evangelical
perspective on Christian political engagement.” May saysay lamang ang ganitong
deskripsyon sa mga banyaga, yamang hindi natural sa mga Pilipino na bansagan
ang mga akda nila bilang “Asyano” kung ang kausap nila ay kapwa Pilipino (mas
makabuluhan sa mga Pilipino na tawaging “Pilipino” ang sinulat nila kapag
Pilipino rin ang babasa). Samakatuwid, may saysay lamang na tawaging Asyano ang
sariling akda kung ang kausap ay galing sa ibang Asyanong bansa o hindi
Asyanong bansa (hal. Europeo, Aprikano, Amerikano, o Australyano).
Ngunit
sa kabila ng punang ito sa aspekto ng akda bilang teolohiyang malaya, malinaw
pa rin ang tagumpay nito sa integrasyon sa pagitan ng teolohiyang malaya at
teolohiyang mapagpalaya. At magandang modelo ito sa iba pang mga teologo na
balak ding mag-ambag sa larangan ng Teolohiyang Pilipino.
Sa
katapus-tapusan, marapat na mailagay ang Faith and Bayan hindi lamang sa
aklatan ng mga akademiko sa disiplina ng teolohiya, kundi maging sa aklatan ng
mga pastor at iba pang lider ng simbahan, upang maisakatuparan ang pangarap ng
mga patnugot at may-akda – pangarap na umusbong ang bagong henerasyon ng mga
Pilipinong ebanghelikal na tumutugon sa pananagutang pagtagpuin ang kanilang
pananampalataya at pag-ibig sa bayan.
[1] Melba Padilla Maggay, “The Indigenous Religious Consciousness: Some
Implications for Theological Education”, nasa Theological Education in the
Philippine Context, pat., Lee Wanak (Manila: Philippine Association of
Bible and Theological Schools, at Mandaluyong: OMF Literature Inc., 1993).
[2] Jose M. De Mesa, Why Theology is Never Far from Home (Manila:
De La Salle University Press, Inc., 2003), 129.
[3] Sinubukan kong magsagawa ng eksplorasyon sa mga isyung nakapaloob
sa pagsasanib na ito ng teolohiyang malaya at teolohiyang mapagpalaya sa Mark
Joseph P. Santos, “Teolohiya, Katarungan, at Pagkabansa: Tungo sa Isang Malaya
at Mapagpalayang Teolohiyang Pilipino” (isang 41 pahinang ‘di limbag na
manuskrito).