Mabini, Apolinario. La Revolucion Filipina. Edited by Teodoro M. Kalaw. Manila: National Historical Commission of the Philippines, 2011.
Mabini
lived in a very different epoch. It was an epoch of conflict . . . Rizal lived
in an epoch which was easy, because there was no conflict. Pero noong panahon
ni Mabini, where he was the real brains of the Government and he wrote decrees,
he planned, he fought many people and never retreated. Mabini, to me, deserves
a better place than Rizal.
-Teodoro
Agoncillo, nasa Ambeth Ocampo, Talking
History: Conversations with Teodoro A. Agoncillo (Maynila: UST Press,
2011), p. 137.
Love your
country after God and your honor, and more than you love yourself, because your
country is the only paradise that God has given you in this life; the only
patrimony of your race; the only inheritance from your ancestors; and the only
future of your descendants.
-Apolinario
Mabini, The True Decalogue
Sa gitna ng pakikidigma laban sa dalawang dambuhalang bansa ng Kanluran para sa ninanasang kalayaan sa pagsasara ng ikalabingsiyam na dantaon, namumukod tangi ang iilang Pilipinong napanatili ang kanilang integridad sa pamumuno sa Rebolusyonaryong Pamahalaan. Sa hanay ng mga pinunong ito ay natatangi si Apolinario Mabini, ang tinaguriang Utak ng Himagsikan. Isang payat na lalaking lumpo na laging may siryosong ekspresyon ng mukha, walang mag-aakala sa unang pagtingin na sa likod ng mahinang katawan ay nakatago ang isang ginintuang utak. Taliwas sa ibang bayani tulad ni Rizal na emosyunal at romantiko sa pagpapahayag, nakilala si Mabini sa pagiging rasyunal at kalmado, na laging nagsasagawa ng lohikal na pagtimbang sa kahihinatnan ng bawat desisyon. Matigas ang ulo at hindi mapagkompromiso – isa rin ito sa impresyon ng mga kakontemporaryo ni Mabini, dahil sa kahandaan niyang tindigan ang kanyang mga prinsipyo kahit pa marami ang maging kaaway, lalo pa kapag pinaniniwalaan niyang ang pagsuko ng mga prinsipyong ito ay makasasama sa kapakanan ng bayan.
Ang pagkakataon na makasilip sa
katauhan ni Mabini sa pamamagitan ng pagtunghay mismo sa kanyang mga sulatin ay
ibinigay sa atin ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas sa paglilimbag
ng aklat na ito. Sa pamamatnugot ni Teodoro Kalaw, ang aklat na ito ay unang
tomo ng inilimbag na koleksyon ng mga sulatin ni Mabini. Hinati ng aklat sa
dalawang bahagi ang koleksyon ng mga sulatin ni Mabini: ang una ay mga sulatin
niya bago siya sumali sa Rebolusyonaryong Pamahalaan, at ang ikalawa ay noong
kasapi na siya mismo rito bilang tagapayo ni Aguinaldo at kalaunan bilang
pinuno ng gabinete nito (at Kalihim ng Ugnayang Panlabas). Bago ang
presentasyon sa koleksyon ng mga sulatin ni Mabini, naglatag muna ang aklat ng
humigit kumulang siyamnapung pahinang talambuhay ng bayani, na nagsilbing
konteksto para mas maunawaan ang kanyang mga sulatin. Hinati ng patnugot ang
talambuhay na ito sa tatlong bahagi: 1. Ukol sa kabataan at pagiging mag-aaral,
2. Pagiging pulitiko ng Rebolusyonaryong Pamahalaan, at 3. Pagiging manunulat
matapos magbitiw sa pamahalaan.
Bago pa man ang kanyang pagiging
pormal na kasapi ng Rebolusyonaryong Pamahalaan, lumikha na si Mabini ng mga
sulatin na nakakuha ng atensyon ng ilang mga rebolusyonaryong lider.
Pinakakilala sa mga ito ang True
Decalogue at The Constitutional
Program of the Philippine Republic. Ang una ay gabay para sa
transpormasyong moral na ninanasa ng Himagsikang Pilipino, samantalang ang
ikalawa ay naglalayong magdala ng transpormasyong pulitikal. Sentral na tema sa
mga sulatin ni Mabini ang paggigiit na para makamtan ang tunay na kalayaan,
kailangan kapwa ang panloob (moral) at panlabas (pulitikal) na rebolusyon. Ang
binabanggit niyang panlabas na rebolusyon ay tumutukoy sa pisikal na
pakikidigma na makapagpapalaya sa mga Pilipino mula sa mga mananakop, at
magdadala ng katarungang panlipunan sa bansa. Ngunit para kay Mabini ay hindi
ito sapat. Kinakailangan na kasabay ng pagkamit ng pagbabagong panlipunan ay
ang pagsisikap na magkaroon ng pagbabagong pangkamalayan.
Ito ang dahilan kung bakit niya
isinatitik ang True Decalogue.
Nilalayon ni Mabini na ang sampung utos na ito ay magsilbing gabay sa mga
Pilipino tungo sa integrasyon ng kanilang pagmamahal sa Diyos, sa bayan, at sa
kapwa. Naniniwala si Mabini na ang pagiging makatarungan ng Himagsikang
Pilipino ay nakaugat sa unibersal na moralidad ng Diyos. Ang tunay na
kapangyarihan ay hawak ng taumbayan, sapagkat ang indibiduwal na konsensya ng
mga tao ang siyang lagusan ng pagpapahayag ng Diyos ng kanyang kalooban. Kaya
naman ang may karapatan lamang mamuno sa mga Pilipino ay yaong mga lider na
hinalal ng taumbayan. Ngunit hindi lamang ang pagiging di-halal ng pamahalaang
kolonyal ang dahilan kung bakit hindi katanggap-tanggap ang pamumuno ng mga
Espanyol. Ang tatlong siglong pang-aapi sa mga Pilipino ay nagpapakita rin ng
kawalan nila ng moral na karapatang pamunuan ang kapuluan. Sa ganang ito, ang
paglulunsad ng Himagsikang Pilipino ay pagbawi lamang sa soberanyang ibinigay
ng Diyos sa mga Pilipino, na siyang inagaw ng mga Espanyol. Ang karapatang
makinabang sa kalupaan ng Pilipinas ay regalo ng Diyos sa mga Pilipino, na
walang sinuman ang dapat umagaw. Sa ganang ito, dapat ipakita ng mga Pilipino
sa mga banyaga na ang kanilang mga aksyon ay alinsunod sa katarungan ng Diyos.
Kaya liban sa mga moral na katuruan ng True
Decalogue, makailang ulit din pinaalalahanan ni Mabini ang mga Pilipino na
panatilihin ang pagpapakatao sa harap ng digmaan. Bagaman nasa panahon sila ng
digmaan, idiniin ni Mabini na dapat iwasan ang pang-aabuso sa mga kalabang
bihag, ang panggagahasa sa kababaihan, at pangangamkam sa pag-aari ng mga
walang kalaban-laban.
Kung pagbabagong moral ang layunin
ng True Decalogue, isinulat naman ni
Mabini ang The Constitutional Program of
the Philippine Republic upang magsilbing pulitikal na gabay ng mga Pilipino
sa gitna ng digmaan. Naglalaman ng 130 na mga probisyon, dinisenyo ito ni
Mabini upang maging Probisyunal na Konstitusyon sa hinaharap. Aniya, mahalaga
sa pagiging sibilisado ang kakayahang gumawa ng sariling mga batas ng isang
bansa, kaya ang Konstitusyon ay ang “only ticket that will permit the entry of
the Republic into the community of free nations” (p.165). Komprehensibo ang
inihandang proto-Konstitusyon ni Mabini, na sumasaklaw sa samu’t saring aspekto
ng pampublikong pamamahala tulad ng pagkamamamayan, eleksyon, kapangyarihan ng
Konggreso, sandatahang lakas, paghuhukom, ugnayang panlabas, edukasyon,
pagbubuwis, at marami pang iba.
Matapos sumali sa Pamahalaang
Rebolusyonaryo mula Hunyo 1898 bilang personal na tagapayo ni Aguinaldo, mas
marami pang naisulat na mahahalagang dokumento si Mabini. Bilang utak sa likod
ng pangulo, siya ang may-akda ng napakaraming mga dikreto, batas at mga liham
na nakapangalan kay Aguinaldo. Nagsimula lamang na magamit niya ang kanyang
sariling pangalan kalakip ng mga isinulat niya mula nang italaga siya ni
Aguinaldo bilang pangulo ng gabinete nito at Kalihim ng Ugnayang Panlabas.
Mahihinuha mula sa pagbabasa ng mga dokumentong ito na si Mabini ang tunay na
pangunahing tagapaglikha ng polisiya ng Pamahalaang Rebolusyonaryo.
Matutunghayan din sa mga akda ni
Mabini sa panahong ito ang kanyang matibay na paninindigan at kawalan ng
kompromiso na naging sanhi ng pagkamuhi sa kanya ng marami. Isa sa pangunahing
naging katunggali ni Mabini sa yugtong ito ay ang Konggreso. Tinutulan niya ang
agarang paglikha ng Konggreso ng isang Konstitusyon, na para sa kanya ay
makapagpapahina sa lakas ng pangulo. Aniya, sa panahon ng digmaan ay marapat
lamang na nakasentro sa pangulo bilang diktador ang kabuuan kapangyarihang
ehekutibo, lehislatibo at hudikatura, upang mabilis itong makakilos at
makapagdesisyon sa harap ng mga panganib nang hindi na kinakailangan ang
konsultasyon sa Konggreso. Paulit-ulit ang pagpapaalala niya kay Aguinaldo sa
panganib na dulot ng agarang pagbuo ng Konstitusyon, at winika na “I wish to
avoid all this, not because of your prestige but because it will cause our
country harm” (p.234).
Isa pang sanhi ng tensyon sa
Konggreso ay ang pagkakaiba nila ng opinion sa isyu ng digmaan laban sa mga
Amerikano. Marami sa Konggreso ang nais na makipagkasundo na magkaroon ng
awtonomiya sa ilalim ng soberanyang Amerikano, habang si Mabini ay naninindigan
na hindi dapat isuko ng Pilipinas ang kalayaan nito sa mga bagong mananakop.
Patungkol sa mga Kinatawan ng Konggreso na handang tanggapin ang pamamahala ng
mga banyaga, ganito ang winika ni Mabini: “General Luna has called them
traitors with reason” (p.282). Ang malakas na impluwensya ng mga elementong ito
sa pamahalaan ang nagbunsod kay Mabini kalaunan upang tuluyang magbitiw kasama
ang kanyang buong gabinete.
Masusumpungan kay Mabini ang diwa
ng tunay na pulitiko bilang lingkod-bayan. Makailang ulit niyang binanggit sa
kanyang mga liham at sulatin na marapat na laging handa ang sinumang pinuno na
magbitiw sa puwesto kung ang kanyang panunungkulan ay magdadala na ng
kapahamakan sa bayan, o kung mayroong ibang tao na mas mahusay at mas angkop sa
puwesto. Aniya kay Aguinaldo: “we beseech you that when you are convinced that
there are others more capable of bringing about the happiness of our country,
you may accept the resignation of your Government and recommend to it, through
a resolution, the formation of a new one. We believe that this is the best way
we can serve our country…” (p.278).
Patuloy pa rin ang kanyang
pagsusulat kahit na noong siya ay mahuli na ng mga Amerikano. Maraming mga
mamamahayag na mga Amerikano sa Maynila ang nag-unahan sa pakikipanayam kay
Mabini at pakikiusap na magsulat siya ng mga komentaryo ukol sa nagpapatuloy pa
rin na digmaan. Ang patuloy na pagiging matapang sa pagsulat ang naging sanhi
ng pagpapatapon sa kanya sa Guam, sa takot na makadagdag siya sa
rebolusyonaryong diwa ng mga Pilipino. Makailang ulit niyang tinanggihan ang
utos ng mga Amerikano na siya’y manumpa ng katapatan sa kanilang bandila.
Tuluyan lamang siyang nanumpa ng katapatan kalaunan upang makabalik sa
Pilipinas, dahil sa kanyang paniniwala na pagod na ang bayan sa paglaban (ito
rin ang panahon na nadakip na si Aguinaldo at karamihan sa kanyang mga
heneral). Mula pa man noong una ay ganito na ang prinsipyo ni Mabini: ang
pagkilos niya at ng pamahalaan ay dapat na maging alinsunod sa kagustuhan at
kapakanan ng bayan. Matibay ang paninindigan ni Mabini na sanhi ng pagkagalit
sa kanya ng marami, ngunit handa siyang magbago ng opinyon kung ang pagbabagong
ito ay mas kakatawan sa tunay na kalooban ng bayan. Sa isang liham sa Komisyong
Schurman, nakiusap si Mabini sa mga Amerikano na magkaroon ng tatlong buwan na
temporaryong paghinto ng digmaan, upang makonsulta ng pamahalaan ang bayan kung
nais pa ba nitong ituloy ang digmaan o sumuko na, dahil para sa kanya ang
kagustuhan ng bayan ang dapat masunod. Ganito rin ang tumatakbo sa kanyang isip
noong magdesisyon siyang manumpa ng katapatan at bumalik sa Pilipinas mula sa
Guam. Aniya, kung nais ng bayan na patuloy na lumaban, hindi siya
magdadalawang-isip na patuloy na manindigan laban sa mga Amerikano hanggang sa
kamatayan. Ngunit dulot ng nakita niyang pagkapagod at pagsuko ng bayan, handa
na ring tanggapin na Mabini ang pagkagapi ng himagsikan.
Matapos makabalik sa Pilipinas,
pinili ni Mabini na lumayo na sa pulitika at tahimik na manirahan sa kanyang
bayan, at nagwika na babalik na siya sa “obscurity from which I emerged in
order to hide my shame and my pain, not because of any contemptible act that I
have committed but because I was not able to serve better” (p.87). Taliwas sa
mga pulitikong mataas ang yabang kahit na mababa ang antas ng paglilingkod,
narito ang isang lumpong lalaki na ibinuhos ang buong paglilingkod sa bayan
ngunit nakaramdam parin ng pagkukulang sa naibigay na serbisyo. Ngunit kaiba ng
opinyon ni Mabini sa kanyang sarili, malinaw sa kasalukuyang henerasyon ng mga
Pilipino ang katotohanan ito: isang payak na pagbabalik-tanaw lamang sa ating
rebolusyonaryong nakaraan ang kinakailangan upang mapagtanto na sa hanay ng mga
bayaning nagbuhos ng kanilang buong paglilingkod sa bayan, mukhang mahirap
maghanap ng higit kay Mabini.
No comments:
Post a Comment