Wednesday, June 23, 2021

Rebyu #46 -- Hinugot sa Tadyang ni Lualhati Bautista

Bautista, Lualhati. Hinugot sa Tadyang (non-fiction). Quezon City: Dekada Publishing, 2016.


Sa kauna-unahang di-piksyon na obra ng premyadong feministang nobelista na si Lualhati Bautista, inilatag niya ang sistematikong kaapihan ng kababaihan sa samu’t saring dimensyon ng lipunan. Malawak ang saklaw ng pagsuri ng Hinugot sa Tadyang sa mga pisikal at ideolohikal na pang-aapi sa kababaihan, mula sa mga laruang ibinibigay sa mga batang babae, mga kwentong pambata (fairy tales) na pinapanood, iba’t ibang paghihirap na pinagdadaanan ng mga babae para lamang makapagpaganda, at marahas na tradisyon ng iba’t ibang bansa laban sa kababaihan, hanggang sa depiksyon ng mga pelikula, teleserye, at patalastas sa imahe ng babae, usapin ng panggagahasa, at paghihirap na dinanas ng kababaihan sa panahon ng Batas Militar.

 

Mula pa man sa kamusmusan ng kababaihan ay kinokondisyon na ang kanilang kamalayan upang tanggapin ang mga panuntunang pangkasarian ng lipunan. Isa sa mga epektibong instrumento sa yugtong ito ng buhay ng babae ay ang laruan na ibinibigay sa kanila. Ani ni Bautista, mapapansin na ang binibigay sa kalalakihan ay pawang mga laruan na kaugnay ng aktibong pagkilos (hal. bola, kotse, robot) at karahasan (baril-barilan). Samantala, ang binibigay na laruan sa kababaihan ay kinakarakterisa ng pagiging pasibo (hal. manika), o kaya ay mga laruan na may kinalaman sa tahanan (hal. lutu-lutuan). Ito ang dahilan kung bakit ang kalalakihan ay namumulat sa mga aktibidad na aktibo at mga gawaing lagpas sa espasyo ng tahanan, samantalang ang kababaihan ay nasasanay na maging pasibo at domestiko lamang ang pag-iisip.

 

Liban sa mga laruan, isa pang epektibong instrumentong nakakasangkapan upang mahubog ang isip ng kababaihan ay ang mga kwentong pambata. Pinansin ni Bautista na may mapapansing padron (pattern) sa mga kwentong pambata, ito man ay Cinderella, Snow White o Sleeping Beauty. Una, lahat ng tatlong ito ay nagpapakita ng pagtitiis bilang ideyal na katangian ng babae. Pinararating ng mga ito sa kanila na ang kadakilaan ng babae ay nakabatay sa kakayahan niyang magtiis sa gitna ng mga pang-aalipusta, pagpapahirap, at pananakit. Ikalawa, inilalatag ng mga ito ang kagandahan bilang pinakamahalagang katangian ng babae. Sa mga kwentong pambata, nagkakagalit-galit ang mga babae sa isa’t isa nang dahil lang naiinggit sila sa kagandahan ng iba. Tila ba inireredyus ng mga ito ang pagkababae ng isang babae sa kanyang pisikal na anyo. Naeengganyo tuloy nito ang mga babae na gawin ang lahat para lamang maging maganda, lalo sa paningin ng kalalakihan. Nakaugnay ito sa ikatlong punto: pinahahalagahan nila ang kagandahan, dahil sa paniniwalang isa ito sa paraan upang mahanap nila ang kanilang prince charming, na magbibigay ng katuparan sa kanilang pagkatao. Sa mga kwentong pambata, laging ang pagdating ng isang makisig na lalake ang nagliligtas sa babae (pag-ahon ni Cinderella mula sa kahirapan, at muling paggising nina Snow White at Sleeping Beauty). Tila ba laging kailangan ng babae ang lalake upang magkaroon sila ng tagapagligtas, para sila ma’y makaranas ng “and they live happily ever after” (na ayon kay Bautista, ang ibig sabihin lang naman ay magsisimula na silang makulong sa buhay ng pag-aalaga bilang asawa’t ina lamang). Tila ba nakakadagdag sa pagkababae ng babae ang pagiging mahina, dahil ang ibig sabihin nito ay mas ideyal silang alagaaan at protektahan ng lalake. Ikaapat, laging pinapag-aaway ang mga babae sa kwentong pambata, at babae ang laging kontrabida (mapang-aping madrasta, masamang mangkukulam). Ani pa nga ng may-akda, isa marahil ang kwentong pambata sa nakalikha sa sikat na imahe ng madrasta at biyenan bilang masasama.

 

Upang malabanan ang ganitong negatibong opresibong epekto ng kwentong pambata sa kababaihan, malikhaing gumawa si Bautista ng kanyang sariling bersyon ng Cinderella, Snow White at Sleeping Beauty, bersyon na mas mapagpalaya sa kababaihan. Sa kanyang sariling bersyon, hindi halik ng lalake ang gumising kay Snow White, kundi mapagmahal na haplos ng kanyang madrasta. Kaiba sa orihinal, mapagmahal kay Cinderella ang kanyang madrasta, pati na ang dalawang anak nitong babae. Ang madrasta niya pa ang nagtahi ng kanyang damit na gagamitin upang makadalo sa pagdiriwang sa kaharian kung saan niya nakilala ang prinsipe. Napakaliit lang din ng papel na ginampanan ng mga prince charming sa bersyon ni Bautista. Sa katunayan, tinanggihan ni Cinderella ang prinsipe nang magsabi ito na siya ang napili niyang maging asawa. Tumanggi si Cinderella dahil hindi pa nito gaanong kilala ang tunay na ugali ng prinsipe. Ani pa ni Cinderella, nais din niyang umangat mula sa kahirapan, ngunit hindi sa pamamagitan ng pagtulong ng prinsipe kundi sa pamamagitan ng sarili niyang talino at pagsisikap. Sa Sleeping Beauty naman, hindi lang kagandahan at pagkamatiisin ang mahalagang katangian, isa rin sa mga ipinagkaloob na regalo sa kanya ay ang pagiging matalino at kakayahang mamulat sa reyalidad. Ipinagkaloob ito ng “bad fairy”, na kaya itinuring na masama ay dahil sa pagpuna niya sa nakagisnang buhay ng kababaihan bilang tagapagtahi lamang ng damit ng kalalakihan.

 

Inilahad ni Bautista sa aklat ang samu’t saring paghihirap na pinagdaanan ng kababaihan sa iba’t ibang bansa para lamang makapagpaganda. Nariyan ang pagpapaliit ng paa sa Tsina (tinatawag na “lotus feet”), pagsusuot ng girdle/corset sa Inglatera (na sobrang nakaiipit sa balakang ng babae), paglalagay ng pagkabigat-bigat na fontange (dekorasyon sa ulo) sa Pransya, paglalagay ng makakapal na singsing sa leeg ng babae sa giraffe tribe ng Thailand (dahil sa kanila, mas maganda kung mas mahaba ang leeg), at paggamit sa tingga bilang palamuti sa mukha (na nagdudulot ng iba’t ibang sakit sa balat).   

 

Inisa-isa rin ni Bautista ang mga barbarikong tradisyon na ginagawa sa kababaihan sa iba’t ibang panig ng mundo. Sa ilang bansa sa Gitnang Silangan, kailangang magkaroon ng babae ng sertipiko ng pagiging birhen, na ipakikita niya sa lalake bago sila makasal (upang masigurado na talagang birhen siya). May mga kaso ng babaeng nagpapakamatay kapag ang nakabirhen sa kanya ay ibang lalake bago siya magpakasal, dahil posibleng patayin siya ng mapapangasawa niya sa unang gabi ng pagtatalik kapag hindi siya dinugo. Napipilitan tuloy ang ilan na magpaopera ng ari, upang sa unang gabi ng pagtatalik nila ng kanilang asawa ay duguin muli sila. Sa Aprika, may ilang bansa na nagsasagawa ng pagtutuli sa ari ng babae. Tinatahi ito upang masiguradong walang makakatalik ang babae bago siya maikasal. Bukod sa natatanggal ang kapasidad ng babaeng maligayahan sa pagtatalik, nagdudulot din ang tradisyong ito ng impeksyon sa ari ng babae na minsan ay humahantong sa kamatayan. Nakaayon sa batas sa Nigeria ang pambubugbog ng lalake sa asawang babae, dahil kailangan umanong disiplinahin ang mga ito. Sa Ghana naman, ang anak na babae ay ipinagkakaloob minsan ng sariling magulang na maging aliping sekswal, bilang bayad-pinsala sa napagkasalaan ng pamilya. Sa India, may mga kaso ng pagpatay sa babae ng pamilya ng lalake kapag hindi nakabayad ang pamilya ng babae ng sapat na dowry. Napakarami na ring insidente ng pagsasaboy ng asido sa mukha ng mga babae. Mayroon pa ngang pagkakataon na sinabuyan ang isang babae sa mukha dahil naiinggit ang lalake na mas mataas pa ang naabot na propesyon ng babae. May mga bansa rin na kapag nagahasa ang isang babae, magkasamang pinapatawan ng parusang kamatayan ang nanggahasang lalake at ginahasang babae (dahil umano sa kasalanan ng pakikiapid). Noong magpataw ng “One Child Policy” sa Tsina, may mga kaso ng pagsasagawa ng aborsyon ng mga magulang kapag babae ang kanilang anak, nang sa gayon ay magkaroon sila ng pagkakataong legal na magkaroon ng anak na lalake.

 

Naglatag din ng kritisismo si Bautista sa mga nobelang romansa, pelikula, teleserye, at patalastas sa Pilipinas na para sa kanya ay kadalasang pare-pareho lamang ng nakasasamang depiksyon sa imahe ng babae. Mayroong obsesyon ang mga ito sa pagkabirhen ng mga babaeng karakter. Dapat ay ang bidang lalake ang unang makabirhen sa bidang babae. Kung hindi na birhen ang babae, ang kadalasang dahilan ay nagahasa siya, at hindi dahil pinili niyang makipagtalik sa ibang lalake bago niya makilala ang bidang lalake (para kasi sa kanila, lalake lang ang dapat na magkaroon ng pagnanasang sekswal, masamang magkaroon nito ang babae). Maraming pagkakataon na kung hindi na birhen ang babae, pinapatay na lamang ito sa kwento, na ipaghihiganti naman ng bidang lalake. Tila ba nireredyus ng mga ito ang pagkababae ng babae sa ari niya, na hindi na siya malinis, madumi na siya kapag hindi na siya birhen. Sa mga nobelang romansa, pelikula, at teleserye, lagi ring tagapagligtas at tagapangalaga ng babae ang depikssyon sa lalake. Siyempre pa, maging dito ay pangit din ang paglalarawan sa imahe ng biyenan at madrasta. Lagi nilang sinisiraan ang manugang na babae at nakikipagkompetisyon sila para sa atensyon ng anak na lalake. Babae rin ang kadalasang kontrabida, sa katauhan ng isang kerida, na mas masama pa kung ituring ng mga kwento kaysa sa mga kalalakihan mismo na silang humanap ng kabit kahit na may pamilya na sila. Doble kara ang pamantayan ng lipunan sa kabit: kapag ang lalake ang may kerida ay ayos lamang, ngunit nakasusuklam kapag babae ang may kabit.

 

Ukol sa paksa ng panggagahasa, inilahad niya na mula pa man sa maagang kasaysayan ng sangkatauhan ay isinasagawa na ang krimen na ito laban sa kababaihan sa tuwing panahon ng digmaan. Ginagahasa ng kalalakihan ang kababaihan ng natalong tribo, upang yurakan ang dangal ng mga kalabang kalalakihan. Itinuturing kasi nila ang kababaihan bilang pag-aari ng kalalakihan, kaya naman ang paggahasa sa kanila ay insulto sa mga lalake, na hindi nagawang ipagtanggol ang sarili nilang mga pag-aari. Itinuturing nilang tropeo sa digmaan ang kababaihan. Sa modernong digmaan, ang panggagahasa ay bahagi ng taktikang militar (psychological warfare) ng mga bansa (tulad sa kaso ng bansang Hapon). Ginagamit nila ang panggagahasa upang panghinaan ng loob ang kanilang kalaban. Dagdag na insulto pang ginagawa sa ating kababaihan ay ang paninisi sa kanila kapag sila’y nagahasa. Sinisisi ang kanilang pananamit, di umano pag-iingat, at pagbibigay ng motibo sa nanggahasa.

 

Sa ating sariling kontemporaryong kasaysayan ay punong-puno ng kaso ng panggagahasa sa kababaihan. Noong panahon ng Batas Militar, di-mabilang ang kababaihang hinuli at makailang ulit na ginahasa ng mga sundalo. Pinagpapasa-pasahan nila ang detinadong babae at pinapasukan ng kung ano-anong bagay sa ari. Marami ring kaso ng mga babaeng matapos gahasain ng mga sundalo ay kanilang pinapatay. Mayroon pa ngang isang komunidad noon ng mga Muslim na matapos patayin ang lahat ng kalalakihan ay ikinulong at magdamag ginahasa ang kanilang kababaihan ng mga sundalo.

 

Ngunit sa gitna ng kaapihan ng kababaihan sa agos ng kasaysayan, hindi sila nagkibit-balikat, bagkus ay maraming mga babae ang matapang na humamon sa sistemang patriarkal. Nariyan ang petisyon ng mga kababaihan ng Malolos kay Gobernador-Heneral Weyler upang magkaroon sila ng pagkakataong makapag-aral, pagsusulong ng karapatang makaboto ng kababaihan noong panahon ng okupasyong Amerikano, pagtatatag ng Asociacion Feminista Filipina, kontemporaryong pakikipaglaban para sa pagkakapasa ng Reproductive Health Bill, at pagkakaroon ng Women and Children’s Desk. Binanggit din ni Bautista ang ilang matagumpay na mga kababaihan, na sa kabila ng malulupit na dinanas noong panahon ng Batas Militar ay nagawa pa ring bumangon, at magsulong ng katarungan at karapatang pangkababaihan tulad nina Etta Rosales, Judy Taguiwalo, Hilda Narciso at Aida Santos. Sa pandaigdigang lebel, binanggit din niya ang tulad nina Oprah Winfrey, Tina Turner, at Malala Yousafzai, na matatagumpay na kababaihan sa gitna ng naranasang mga kaapihan.

 

Ang Hinugot sa Tadyang ay isang paalala sa atin na hindi pa tapos ang pakikibaka para sa karapatan ng kababaihan. Sa kabila ng samu’t saring tagumpay na nakamit sa pakikibakang ito sa agos ng kasaysayan, marami pa ring istrukturang panlipunan at pangkamalayan na patuloy na bumubusabos sa kababaihan. Ang obra ni Lualhati Bautista ay isang dambuhalang testimonya sa katotohanan na hindi magiging tunay na malaya ang sangkatauhan hanggat nananatiling nakagapos ang kalahati ng populasyon ng daigdig. Mainam na wakasan ang rebyung ito sa pamamagitan ng pagsipi sa kantang Kalahati ng Mundo ni Karl Ramirez, mga lirikong awit ng kalalakihan sa kababaihan bilang pakikiisa sa pakikibakang pangkasarian:

 

“Kalahati kayo ng mundo

kahati sa liwanag

sa bawat pag-ikot nito

 

Kalahati kayo ng mundo

ngunit sa inyo pinaangkin

ang buong lungkot ng dilim

 

Kayo'y aming mamahalin

Panata yan walang atrasan

Handa kami sa tungkulin

Kung sana nga'y ligawan kayong lahat ay maari

Upang matigil na ang lahat ng pang-aapi

 

Kungsabagay di sigurado

na kung ligawan kayo'y pang-aapi

ay matigil na sa mundo

 

Baka iba ang dapat naming gawin 

kung talagang in love diba

pananaw ay dapat naming baguhin

 

Kayo'y aming mamahalin

Panata yan walang atrasan

Handa kami sa tungkulin

Kung pagmamahal sa inyong lahat ay maari

Baka sakali matigil na ang pang-aapi

 

Kalahati kayo ng mundo

ngunit ang pang-aapi'y madalas

lumalagpas sa inyong pagkatao

 

Kayo'y aming mamahalin

Panata yan walang atrasan

Handa kami sa tungkulin

baka naman hindi panliligaw ang solusyon

ang kailangan kasi ng mundo ngayon ay

rebolusyon”

No comments:

Post a Comment

Rebyu #112 - Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing ni Ricky Lee

Lee, Ricky. Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing. Loyola Heights, Quezon City: Philippine Writers Studio ...