Friday, June 25, 2021

Rebyu #81 - Araling Pang-Erya at Araling Kabanwahan nina Mary Dorothy Jose, Atoy Navarro, at Jerome Ong

Jose, dL. Mary Dorothy, Atoy M. Navarro, Jerome Ong. Araling Pang-Erya at Araling Kabanwahan. Manila: Department of Social Sciences, University of the Philippines-Manila: 2021.


Isa sa pinakamemorableng pahayag ni Prospero Covar ang mga sumusunod na linya:

 

Noong una, lubos ang aking paniwala na ang akademikong disiplina ay nagdudulot ng linaw sa ating kultura. Subalit sa aking pagmumuni-muni, natanto ko na inaakit tayo ng akademikong disiplinang ating kinabibilangan na mag-ambag sa teorya, metodo at laman ng mga disiplina at hindi upang ilantad ang F/Pilipinong kaisipan, kultura at lipunan. Ang kaisipan, kultura at lipunan sa konteksto ng mga disiplina ay panggatong lamang sa kapakanan at pagpapayabong ng disiplina ngunit hindi ang pagpapayabong ng F/Pilipinong kaisipan, kultura at lipunan. Sa Pilipinolohiya, ang mga akademikong disiplina ay siyang kasangkapan upang mapalaya ang F/Pilipinong kaisipan, kultura at lipunan at hindi ang kabaligtaran nito.[1]

 

Ang konsepto ng saysay para sa Pilipinas ang isa sa pinakasentral na isyung kinaharap ng mga proyektong intelektuwal noong Dekada Sitenta na tinatagurian natin sa kasalukuyan bilang mga kilusang Pilipinisasyon. Gumapang ang mga kilusang ito sa iba’t ibang disiplina tulad ng kasaysayan, sikolohiya, antropolohiya, pilosopiya, teolohiya, at panitikan, at kalaunan ay mayroon ding ilang pagtatangkang isagawa ito sa agham pampulitika, pampublikong administrasyon at sosyolohiya. Bagaman magkakaiba ng pinagmumulang disiplina, pare-pareho ang mga pantas na nakapaloob dito sa pagtatangkang gawing makabuluhan ang kani-kanilang larangan para sa lipunan at kulturang Pilipino.

 

Ilang taon matapos ang pagsisimula ng mga kilusang ito, iniluwal sa konteksto ng Pantayong Pananaw ang Araling Kabanwahan, bilang isang anyo ng Pilipinisasyon sa multi-disiplinaryong larangan ng Araling Pang-Erya. Pinasimulan ni Zeus Salazar, pinangungunahan sa kasalukuyan nina Atoy Navarro at Adonis Elumbre ang pagtataguyod sa proyektong ito. Ang bagong limbag na akdang Araling Pang-Erya at Araling Kabanwahan[2] ay ambag ng UP Manila sa paglago ng tunguhing ito. Sa aking palagay, ang paglilimbag ng UP Manila sa akdang ito ay isang indikasyon sa pagsulong ng Araling Kabanwahan, yamang ang UP Manila ang isa sa mga pangunahing sentro ng Araling Pang-Erya sa bansa, ang tanging institusyon na nagbibigay ng ‘di-gradwadong digri sa Araling Pang-Erya. Nawa ay masundan pa ito ng iba pang mga publikasyon ng UP Manila ukol sa paksa, hanggang sa maging pormal na bahagi na ng kanilang kurikulum ang Araling Kabanwahan, isang institusyunalisasyon na siguradong lalong makapagpapaunlad sa proyektong ito.

 

Mahalaga ang bagong aklat na ito sa limang kadahilanan.

 

Una, mainam itong panimulang babasahin para sa mga magsisimula pa lamang na lumublob sa mga umiiral na literatura ukol sa Araling Kabanwahan. Liban sa pagsasalaysay ukol sa mismong pag-usbong ng Araling Kabanwahan sa konteksto ng kapantasan ni Salazar, ang paglalahad ni Ong ukol sa programa ng Araling Pang-Erya sa UP Manila, at ang pagsasakasaysayan ni Elumbre sa Area Studies ay nagbibigay sa mambabasa ng mas malawak na kontekstong kinapapalooban ng Araling Kabanwahan. Sa pamamagitan ng pagtalakay sa Araling Kabanwahan katabi ng Araling Pang-Erya, nabibigyan ng pagkakataon ang mga mambabasang masulyapan ang kaugnayan ng Araling Kabanwahan sa mahabang tradisyon ng Araling Pang-Erya, na ani nga ni Elumbre ay maiuugat pa sa mga Aleman noong unang dalawang dekada ng ikadalawampung dantaon, bago ang pormal na pagkakatatag nito sa Estados Unidos noong panahon ng Cold War. Sa pamamagitan nito ay mas matututo rin ang mga mambabasa ukol sa mga natatanging katangian ng Araling Kabanwahan na iba sa Araling Pang-Erya, yamang ang dalawa ay bunga ng magkaibang kontekstong pangkasaysayan ng Estados Unidos at Pilipinas.

 

Ikalawa, nagbubukas ito ng mga direksyong maaaring paksain ng Araling Kabanwahan. Ipinakita halimbawa ni Jose na mabunga ang mga uri ng saliksik na nagsasagawa ng komparatibong pag-aaral na may kinalaman sa Kasaysayang Kababaihan. Liban sa makatutulong ito para sa pagmamapa sa kasaysayan ng papel ng kababaihan, makakabuo ito ng isang uri ng Araling Kabanwahan, partikular na ng Araling Timog Silangang Asya, na mas inklusibo. Pagiging mas inklusibong Araling Kabanwahan din ang tunguhin ng papel ni Navarro. Isang pandaigdigang suliranin sa kasalukuyan ang paglakay ng malayong kanan sa napakaraming bansa. Gamit ang dulog ng Araling Kabanwahan sa paksa ng malayong kanan, ipinamalas ni Navarro na makatutulong sa kapakanan ng mga inaapi (tulad ng mga kababaihan, migrante, minoryang etniko, LGBT, at manggagawa) ang pagkukumpara sa karanasang pulitikal sa pagitan ng mga kabanwahan. Siyempre pa ay marapat itong isagawa gamit ang wikang Filipino, dahil esensyal sa demokratisasyon ang produksyon ng kaalaman sa wikang ginagamit ng nakararaming mga Pilipino.

 

Ang puntong ito ay maghahatid sa atin sa ikatlong dahilan kung bakit mahalaga ang publikasyong ito. Ang inklusibong lapit nina Jose at Navarro ay nagpapakita na hindi lamang angkop na pangkalinangang pagpopook ang preokupasyon ng Araling Kabanwahan, bagkus ay mahalagang komponente rin nito ang isyu ng katarungang panlipunan. Sa aking palagay ay mahalagang salungguhitan itong huling nabanggit, lalo na dahil nasa panahon tayo ng isang represibong pamahalaan. Matagal nang ibinabato ang akusasyon sa iba’t ibang kilusang Pilipinisasyon tulad ng Pantayong Pananaw, na ang pangkalinangang pagsusuri nito ay maaaring magamit bilang nasyonalistang retorika ng mga pasistang estado. Ayon halimbawa sa mga kritiko ng Pantayong Pananaw tulad ni Lisandro Claudio, ang panawagan para sa pagkakaisa sa ngalan ng pagbubuo ng bansa ay maaaring humantong sa pagkabulag sa mga pang-aaping nagaganap mismo sa loob ng bansa sa pagitan ng mga Pilipino, tulad ng pang-aaping pang-uri at pangkasarian. Ang ganitong persepsyon sa Pantayong Pananaw ay lalo pang tumindi ngayong panahon ng rehimeng Duterte, lalo na dahil sa hayagang pagsuporta sa pangulo ng ilang tagapagtaguyod ng Pantayong Pananaw. Tahasan ang paggamit sa konsepto ng loob, budhi, pusong, at iba pang mga dalumat ng kulturang Pilipino upang ipakita na ang ugali, kilos at mga polisiya ni Duterte ay angkop sa Kapilipinuhan.

 

Sa ganang ito, napapanahon ang pagbibigay-diin ng kasalukuyang publikasyon sa isyu ng katarungang panlipunan bilang paksa ng Araling Kabanwahan. Ipinapakita nito na taliwas sa puna ng mga kritiko sa mga kilusang Pilipinisasyon, mayroong kapasidad ang mga ito na pagsabayin ang pagsusuring pangkalinangan at pagsusuring panlipunan. Ipinapakita nito na hindi natin kailangang mamili sa pagitan ng diwang malaya mula sa Kanluran para sa pagkakabuo ng bansa, o diwang mapagpalaya sa mga inaaping sektor ng lipunang Pilipino. Para sa Araling Kabanwahan, parehong mahalaga ang pagkakaisang pambansa at mga karapatang sektoral.

 

Ikaapat, ang pagkakalimbag ng mga komentaryo nina Salazar at Trajano sa antolohiyang ito ay nagpapakita ng papalawak nang papalawak na proyekto ng Araling Kabanwahan. Sa usapin ng paksa, ang kanilang mga isinulat ay naghahatid ng mga panibagong usapin sa loob ng Araling Kabanwahan, tulad ng diplomasyang kultural at pampublikong kalusugan na sa abot ng pagkakalam ko ay mga paksang hindi pa nasasaliksik ng mga nagdaang publikasyon sa Araling Kabanwahan. Ngunit hindi lamang sa usapin ng paksa makikita ang paglawak ng Araling Kabanwahan. Ang komentaryo nina Salazar at Trajano ay nagpapakita rin na nadaragdagan na ang mga indibiduwal na nagsusulat ukol sa Araling Kabanwahan. Mahalaga ito, lalo na dahil esensyal sa pagpapanatili at pagpapatatag ng anumang eskwela ng kaisipan ang pagdami ng mga akademikong nagsusulat ukol dito.

 

Mayroong mga kritiko ng mga kilusang Pilipinisasyon na nagsasabing ito ay isa nang napaglipasang bagay, isang kilusang tumugon sa pangangailangan ng Dekada Sitenta, ngunit sa kasalukuyan ay hindi na kailangan ng lipunang Pilipino, lalo na sa harap ng globalisasyon. Dagdag pa nila, ang kaunting bilang ng mga akademikong nagsusulong ng Pilipinisasyon ay isang malinaw na ebidensya sa katotohanang ito. Anila, tila tayo isang echo-chamber, tayo-tayo lang din ang nagbabasa ng sinulat ng isa’t isa, at tayo-tayo lamang din ang sumisipi sa ating mga akda. Sa ganang ito, ang pagdagsa ng mga bagong pangalan sa antolohiyang ito ukol sa Araling Kabanwahan ay maituturing na tagumpay, isang indikasyon na ang kilusang Pilipinisasyon ay hindi isang sarado at maliit na sirkulo ng mga indibiduwal na nahuhumaling sa mga napaglipasang bagay.      

 

May kinalaman sa puntong ito ang ikalimang kahalagahan ng aklat. Taliwas muli sa puna ng mga kritiko na ang mga tagapagsulong ng kilusang Pilipinisasyon ay mga makalumang akademiko na naipit sa napaglipasang diskurso ng Dekada Sitenta, ipinakita ng publikasyong ito na may kakayahan ang Araling Kabanwahan na makipagtalastasan ukol sa mga kontemporaryong isyung kinakaharap ng lipunang Pilipino. Sa sanaysay ni Elumbre, binanggit niya na sinasalamin ng mga akda ng Araling Kabanwahan ang kontekstong panlipunang kinalalagyan ng mga manunulat nito. Halimbawa, noong Dekada Nobenta ay umusbong ang mga pag-aaral ukol sa migrasyon, bilang tugon sa pagbulusok sa bilang ng mga OFW. Sa unang dekada naman ng ikadalawampu’t isang dantaon, sumalamin ang mga akda ng Araling Kabanwahan sa mga napapanahong isyung pambansa, pangrehiyon at pandaigdig. Makikita sa kasalukuyang publikasyon na nagpapatuloy ang ganitong katangian ng Araling Kabanwahan, na lalong masasaksihan sa artikulo ni Navarro at komentaryo ni Trajano. Ano pang paksa ang mas napapanahon kaysa sa isyu ng malayong kanan at pampublikong kalusugan? Ang pagtalakay nina Navarro at Trajano sa mga paksang ito ay testamento na hindi naiipit ang mga kilusang Pilipinisasyon, tulad ng Araling Kabanwahan, sa nakalipas na diskurso ng Dekada Sitenta.

 

Ang lahat ng limang ito ay katibayan sa pagsisikap ng Araling Kabanwahan na patuloy na magkaroon ng saysay sa kontekstong Pilipino. Tulad ng paglalarawan ni Covar sa Pilipinolohiya, ang Araling Kabanwahan ay nagpapanday ng mga pamamaraan, teorya, at pananaw, hindi lamang para sa ikauunlad ng mga akademikong disiplina, kundi para sa kapakinabangan ng Kapilipinuhan, kahit pa sa mga paksa na ukol sa labas ng bansa. Nais kong tapusin ang pagpapahalagang ito sa aklat sa pamamagitan ng pagsipi sa makapangyarihang metaporang iniwan ni Elumbre sa dulo ng kanyang artikulo:

 

Pagpapatunay ang mga ito na posible ang oryentasyong Pilipino kahit na sa inilalakong “internasyonalisasyon,” na tinitingnan ng ilan bilang pagpapatianod lang sa anumang kalakarang internasyonal. Hindi pagpapatangay sa agos kundi paglalayag nang may direksyon ang matutunghayan sa Araling Kabanwahan.



[1] Prospero R. Covar, Larangan: Seminal Essays on Philippine Culture (Maynila: Sampaguita Press, 1998), 30.

[2] Mary Dorothy dL. Jose, Atoy Navarro, at Jerome Ong, mga pat., Araling Pang-Erya at Araling Kabanwahan (Manila: Department of Social Sciences, University of the Philippines Manila, 2021).

No comments:

Post a Comment

Rebyu #112 - Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing ni Ricky Lee

Lee, Ricky. Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing. Loyola Heights, Quezon City: Philippine Writers Studio ...