Gibson, Scott M. Patnugot. Preaching the Old Testament. Grand Rapids, Michigan: Baker Books, 2006.
“Nabubuhay na tayo sa panahon ng Bagong Tipan. Hindi na tayo saklaw ng Lumang Tipan.” Madalas itong maririnig sa mga Kristiyano. Bagaman may katotohanan ito, madalas ay mali ang pagkakaunawa ng mga Kristiyano sa implikasyon nito. Ang ilan ay nag-aakala na yamang saklaw tayo ng Bagong Tipan, hindi na gaanong kailangang pag-ukulan ng pansin ang Lumang Tipan. Minsan pa nga, pinaglalaban pa ang Lumang Tipan at Bagong Tipan sa isa’t isa – iniisip ng ilang Kristiyano na ang Lumang Tipan ay kwento ng Diyos na galit, habang ang Bagong Tipan ay kwento ng Diyos na mahabagin. Ang ganitong maling pag-unawa sa ugnayan ng dalawang tipan ay nagdudulot sa mga Kristiyano ng pagiging tila mga modernong Marcionita, na hindi nakikita ang halaga ng Lumang Tipan.
Upang labanan ang ganitong tendensya sa hanay
ng mga Kristiyano, nagtipon si Scott M. Gibson ng mga pantas sa Araling Lumang
Tipan upang mabuo ang aklat na Preaching the Old Testament. Nilalayon ng
aklat na magsilbing gabay sa mga pastor kung paano maipangaral nang responsable
ang Lumang Tipan, upang manumbalik ang pag-ibig ng simbahan sa tanging Banal na
Kasulatan na mayroon si Hesus at ang mga apostol noong unang siglo. Iginigiit
ng aklat na hindi pwedeng baliwalain ng mga Kristiyano ang Lumang Tipan, dahil
kung wala ito ay hindi nila lubos na mauunawaan ang Bagong Tipan. Dapat
maunawaan ng mga Kristiyano na bahagi ng kabuuang rebelasyon ng Diyos ang
Lumang Tipan, bilang tagapagsalaysay ng maagang bahagi ng mahabang kasaysayan
ng kaligtasan.
Tumutugon ang iba’t ibang kabanata ng aklat sa
samu’t saring pangangailangan ng mga pastor sa paghahanda upang ipangaral ang
Lumang Tipan. Isinulat ang mga ito ng iba’t ibang awtor na dalubhasa sa Araling
Lumang Tipan. Mayroon itong kabanata ukol sa mga hamon na kinakaharap ng mga pastor
kung bakit nahihirapan silang ipangaral ang Lumang Tipan (Scott Gibson).
Sinundan ito ng sanaysay sa kung paano muling mapapanumbalik ng pastor ang
kanyang abilidad sa wikang Hebreo, na matagal na niyang nakalimutan mula nang
lumabas siya sa seminaryo (Dennis Magary). Malaking bahagi ng aklat ang
nakalaan sa kung paano paghahandaan ang pangangaral ng iba’t ibang genre ng
Lumang Tipan tulad ng kasaysayan (Carol Kaminski), naratibo (Jeffrey Arthurs), kautusan
(Douglas Stuart), Awit at Kawikaan (Duane Garrett), at mga Propeta (John
Sailhamer). Pagkatapos ay nariyan din ang kabanata ukol sa sistematikong
pag-aaral ng kaligirang pangkalinangan ng mundo ng Lumang Tipan (Timothy Laniak).
Siyempre ay hindi mawawala sa ganitong klaseng aklat ang isang kabanata ukol sa
kaugnayan ng Lumang Tipan at Bagong Tipan (Roy Ciampa). Ipinaliwanag ng may-akda
ang ugnayang ito sa pamamagitan ng pagtuon kung paano maipapangaral ang mga
teksto ng Bagong Tipan na sumisipi sa Lumang Tipan. Sa dulong bahagi ng aklat,
ibinahagi kung paano ipapangaral ang Lumang Tipan bilang akto ng
pag-eebanghelyo (Robert Coleman) at ano ang patuloy na kahalagahan ng pangangaral
ng Lumang Tipan sa Kasalukuyan (David Larsen).
Liban sa pagiging gabay sa responsableng
pangangaral ng Lumang Tipan para sa mga pastor, nilikha rin ang aklat na ito
bilang festschrift, isang aklat na naglalayong parangalan si Walter
Kaiser Jr. Si Kaiser ay isa sa mga tanyag na pantas ng Lumang Tipan sa mundong
ebanghelikal, na nagsulat ng maraming aklat ukol sa Lumang Tipan (at nangaral
din sa napakaraming simbahan ukol sa Lumang Tipan). At bilang pantas na
naisabuhay ang pagmamahal sa Lumang Tipan, sakto lamang na parangalan siya sa
pamamagitan ng isang aklat ukol sa pangangaral ng Lumang Tipan. Kaya naman ang
mga kontribyutor ng aklat ay puro mga kaibigan ni Walter Kaiser.