Friday, December 17, 2021

Rebyu #97 - Preaching the Old Testament ni Scott Gibson

Gibson, Scott M. Patnugot. Preaching the Old Testament. Grand Rapids, Michigan: Baker Books, 2006.

 

“Nabubuhay na tayo sa panahon ng Bagong Tipan. Hindi na tayo saklaw ng Lumang Tipan.” Madalas itong maririnig sa mga Kristiyano. Bagaman may katotohanan ito, madalas ay mali ang pagkakaunawa ng mga Kristiyano sa implikasyon nito. Ang ilan ay nag-aakala na yamang saklaw tayo ng Bagong Tipan, hindi na gaanong kailangang pag-ukulan ng pansin ang Lumang Tipan. Minsan pa nga, pinaglalaban pa ang Lumang Tipan at Bagong Tipan sa isa’t isa – iniisip ng ilang Kristiyano na ang Lumang Tipan ay kwento ng Diyos na galit, habang ang Bagong Tipan ay kwento ng Diyos na mahabagin. Ang ganitong maling pag-unawa sa ugnayan ng dalawang tipan ay nagdudulot sa mga Kristiyano ng pagiging tila mga modernong Marcionita, na hindi nakikita ang halaga ng Lumang Tipan.

 

Upang labanan ang ganitong tendensya sa hanay ng mga Kristiyano, nagtipon si Scott M. Gibson ng mga pantas sa Araling Lumang Tipan upang mabuo ang aklat na Preaching the Old Testament. Nilalayon ng aklat na magsilbing gabay sa mga pastor kung paano maipangaral nang responsable ang Lumang Tipan, upang manumbalik ang pag-ibig ng simbahan sa tanging Banal na Kasulatan na mayroon si Hesus at ang mga apostol noong unang siglo. Iginigiit ng aklat na hindi pwedeng baliwalain ng mga Kristiyano ang Lumang Tipan, dahil kung wala ito ay hindi nila lubos na mauunawaan ang Bagong Tipan. Dapat maunawaan ng mga Kristiyano na bahagi ng kabuuang rebelasyon ng Diyos ang Lumang Tipan, bilang tagapagsalaysay ng maagang bahagi ng mahabang kasaysayan ng kaligtasan.

 

Tumutugon ang iba’t ibang kabanata ng aklat sa samu’t saring pangangailangan ng mga pastor sa paghahanda upang ipangaral ang Lumang Tipan. Isinulat ang mga ito ng iba’t ibang awtor na dalubhasa sa Araling Lumang Tipan. Mayroon itong kabanata ukol sa mga hamon na kinakaharap ng mga pastor kung bakit nahihirapan silang ipangaral ang Lumang Tipan (Scott Gibson). Sinundan ito ng sanaysay sa kung paano muling mapapanumbalik ng pastor ang kanyang abilidad sa wikang Hebreo, na matagal na niyang nakalimutan mula nang lumabas siya sa seminaryo (Dennis Magary). Malaking bahagi ng aklat ang nakalaan sa kung paano paghahandaan ang pangangaral ng iba’t ibang genre ng Lumang Tipan tulad ng kasaysayan (Carol Kaminski), naratibo (Jeffrey Arthurs), kautusan (Douglas Stuart), Awit at Kawikaan (Duane Garrett), at mga Propeta (John Sailhamer). Pagkatapos ay nariyan din ang kabanata ukol sa sistematikong pag-aaral ng kaligirang pangkalinangan ng mundo ng Lumang Tipan (Timothy Laniak). Siyempre ay hindi mawawala sa ganitong klaseng aklat ang isang kabanata ukol sa kaugnayan ng Lumang Tipan at Bagong Tipan (Roy Ciampa). Ipinaliwanag ng may-akda ang ugnayang ito sa pamamagitan ng pagtuon kung paano maipapangaral ang mga teksto ng Bagong Tipan na sumisipi sa Lumang Tipan. Sa dulong bahagi ng aklat, ibinahagi kung paano ipapangaral ang Lumang Tipan bilang akto ng pag-eebanghelyo (Robert Coleman) at ano ang patuloy na kahalagahan ng pangangaral ng Lumang Tipan sa Kasalukuyan (David Larsen).

 

Liban sa pagiging gabay sa responsableng pangangaral ng Lumang Tipan para sa mga pastor, nilikha rin ang aklat na ito bilang festschrift, isang aklat na naglalayong parangalan si Walter Kaiser Jr. Si Kaiser ay isa sa mga tanyag na pantas ng Lumang Tipan sa mundong ebanghelikal, na nagsulat ng maraming aklat ukol sa Lumang Tipan (at nangaral din sa napakaraming simbahan ukol sa Lumang Tipan). At bilang pantas na naisabuhay ang pagmamahal sa Lumang Tipan, sakto lamang na parangalan siya sa pamamagitan ng isang aklat ukol sa pangangaral ng Lumang Tipan. Kaya naman ang mga kontribyutor ng aklat ay puro mga kaibigan ni Walter Kaiser.

No comments:

Post a Comment

Rebyu #112 - Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing ni Ricky Lee

Lee, Ricky. Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing. Loyola Heights, Quezon City: Philippine Writers Studio ...