Saturday, January 15, 2022

Rebyu #98 -- Preaching to a Postmodern World ni Graham Johnston

Johnston, Graham. Preaching to a Postmodern World: A Guide to Reaching Twenty-First Century Listeners. Grand Rapids, Michigan: Baker Books, 2002.

 

Walang katotohanan. Lahat ng katotohanan ay subhektibong konstruksyon lamang ng lipunan. Ang rason/katwiran ay produkto ng mga karanasan ng tao, alinsunod sa kanyang kasarian, uri, etnisidad, at iba pa, kaya naman hindi talaga ito kumakatawan sa reyalidad. Walang iisang pananaw-pandaigdig (worldview) na kayang sumaklaw sa totalidad ng karanasan ng lahat ng grupo ng mga tao sa buong daigdig. Kaya naman ang pagtatangka na paniwalain ang ibang grupo sa pananaw-pandaigdig ng isang grupo ay akto ng karahasan. Sa ganang ito, ang lahat ng metanaratibo o pananaw-pandaigdig ay mapang-api. Ang dapat lamang umiral ay petite-naratibo, ang subhektibong pananaw ng bawat indibiduwal o grupo ng mga tao na nagmumula sa kanila mismo. Kaugnay nito, lahat ng relihiyon ay balido. Lahat sila ay magkakaibang daan lamang sa iisang reyalidad. Walang iisang relihiyon na mayroong karapatang ideklara na sila lamang ang tama at ang iba ay mali.

 

Sa pagkalansag ng modernismo at pag-usbong ng postmodernismo, ganito ang mga lumalaganap na paniniwala sa kasalukuyan, lalo sa mga Kanluraning lipunan. Sa harap ng mga ito, paano ipapangaral ang eksklusibong mensahe ng Kristiyanismo ukol kay Kristo bilang nag-iisang daan sa kaligtasan? Ang suliraning ito ang sinikap na tugunan ni Graham Johnston sa kanyang akdang Preaching to a Postmodern World. Tulad na rin ng nilinaw ng may-akda sa simula pa lamang ng akda, ito ay hindi isang purong teoretikal na pagninilay sa postmodernismo sa lente ng teolohiya. Bagkus ay praktikal na gabay sa mga pastor upang matulungan sila kung paano epektibong ipapangaral ang Mabuting Balita sa mga Kristiyano’t ‘di Kristiyanong impluwensyado ng postmodernismo.

 

Ani ni Johnston, may dalang kapwa mga hadlang at mga oportunidad ang postmodernismo sa pangangaral ng Salita ng Diyos.

 

Sa isang banda, hamon sa pangangaral ang tendensya ng postmodernismo na mas kumiling sa pakiramdam at karanasan bilang batayan ng katotohanan kaysa sa rason/katwiran. Sa pagkawala ng tiwala sa katwiran, tila naging pakawala ang mga tao na maaari nang maniwala sa kahit na anong bagay. Sa kabilang banda, napabagsak ng postmodernismo ang kayabangan ng katwiran ng tao, ang paniniwala na lahat ay maaaring saklawin ng rason, maging ang mismong Diyos na isang paksa lamang na nakapailalim sa rason ng tao. Nagdadala ito ng oportunidad sa mga pastor na bumuo ng mga sermon na hindi lamang kognitibo at lohikal, kundi nagpapahalaga rin sa damdamin at karanasan ng kanilang mga tagapakinig. Dapat tingnan ang mga tagapakinig, hindi bilang mga utak lamang na pwedeng salinan ng impormasyon mula sa Biblia, kundi mga holistikong tao na binubuo ng iba’t ibang dimensyon bukod sa isip.

 

Sa isang banda, hadlang sa Kristiyanismo ang pagdududa ng postmodernismo sa lahat ng metanaratibo. Malinaw na ang pananaw-pandaigdig ng Kristiyanismo ay isang metanaratibo, na sumasaklaw at nagbibigay-kahulugan sa buong kasaysayan ng sangkatauhan. Sa lente ng postmodernismo, ang metanaratibo ng Kristiyanismo ay batis ng maraming karahasan, at anyo ng pang-aapi ang pagpilit sa ibang tao na paniwalaan ito. Sa kabilang banda, makikita rin ito bilang oportunidad para sa pangangaral. Kontra sa metanaratibo, nagpapahalaga ang postmodernismo sa petite-naratibo, o maliliit na kwento ng bawat indibiduwal o personal na pananaw nila sa mundo. Maaaring samantalahin ito ng mga pastor sa pamamagitan ng paggamit ng mga personal na kwento nila at ng ibang mga tao bilang ilustrasyon sa kanilang sermon. Ang kani-kanilang petite-naratibo ay maaaring magamit upang unti-unting matanggap ng mga tao ang metanaratibo ng Kristiyanismo. Sa usapin ng pangangaral, isang praktikal na maaaring gawin ng mga pastor ay ang paggamit ng induktibong pangangaral kaysa deduktibong pangangaral. Tumutukoy ang deduktibong pangangaral sa paglalahad ng pangkabuuang punto sa simula pa lamang, at pagkatapos ay pagtalakay sa ispesipikong mga nilalaman nito. Tumutukoy naman ang induktibong pangangaral sa pagsisimula muna sa mga ispesipikong mga nilalaman, at sa bandang dulo na ilalahad ang pangkabuuang punto. Mas angkop din aniya ang naratibong pangangaral kaysa sa didaktibong pangangaral. Ang didaktibong pangangaral ay isang uri ng pangangaral na lohikal na sinusuri at ibinabahagi ang sermon sa mga tagapakinig na para baga isang lektura sa unibersidad. Sa naratibong pangangaral, ginagawang pagkukuwento ang sermon. Mas angkop ang naratibo at induktibong pangangaral sa mga postmodernistang tagapakinig, dahil maiksi ang atensyon nila, mahilig sila sa mga kwento, at mas gusto nila ng presentasyon na nararamdaman ng puso at hindi lamang nauunawaan ng isip.

 

Sa isang banda, dapat mabahala ang mga manganagaral sa sobrang pagkakalubog ng mga tao sa midya (telebisyon, pelikula, bidyo ng mga musika, atbp.). Dahil dito ay unti-unti nang napalitan ng imahe ang salita bilang batayan ng katotohanan. Lumabo na rin ang distinksyon sa pagitan ng pisikal at birtuwal na reyalidad. Napaiksi rin nito ang kakayahan ng mga tao na panatilihin sa iisang bagay ang kanilang atensyon sa mahabang panahon. Hamon ito sa pangangaral, yamang ang Biblia ay nakasulat na mga salita at hindi imahe, at ang pangangaral ay isinasagawa sa pamamagitan ng mga salita. Sa kabilang banda, oportunidad rin ito sa pangangaral. Ani ni Johnston, dapat maging malikhain ang mga pastor sa kanilang pangangaral, at maaari silang gumamit ng mga pelikula, palabas sa telebisyon, bidyo ng mga musika, at mga likhang sining bilang ilustrasyon sa mga puntong nais nilang ibahagi. Aktuwal na naipakita ng may-akda ang pagiging bukas sa mga ganitong bagay, dahil kaalinsabay ng pagsipi sa mga akademikong artikulo’t aklat ng mga teologo, mangangaral, pastor, at misyonero, sumisipi rin siya ng mga eksena sa pelikula at telebisyon, mga palabas na pangkomedya, dokumentaryo, at linya sa mga kanta sa kanyang mismong aklat bilang ilustrasyon. Sa katunayan, siguradong walang mambabasa na hindi makakapansin sa dami ng mga pelikulang nabanggit at nasipi ni Johnston sa aklat. Ilan lamang sa napakaraming halimbawa nito ay ang pagbanggit niya sa Starwars, Zelig, Dead Poet’s Society, Scooby Doo, Star Trek, Friends, Jurassic Park, Jesus of Montreal, Blade Runner, Space Jam, Braveheart, Rambo, Apollo 13, at Schindler’s List. 

 

Marami pang ibang hadlang at oportunidad na dala ang postmodernismo sa pangangaral ng Biblia bukod sa mga nabanggit sa itaas. Ngunit anu’t ano pa man, nilinaw ng aklat na hindi maaaring hindi ikonsidera ng simbahan ang reyalidad ng postmodernismo sa kanilang pangangaral. Hindi na maibabalik ang kamay ng relo upang muling buhayin ang panahong moderno, bago ang pag-usbong ng postmodernismo. Hindi maaaring magkulong ang simbahan sa sarili niyang mundo, na nakahiwalay sa mas malawak na lipunan. Kung nais ng simbahan na mapakinggan ng daigdig ang Mabuting Balita ni Kristo, kailangang harapin ng mga pastor ang lipunang impluwensyado ng postmodernismo, at hubugin ang pangangaral nila batay sa mga pagbabagong naidulot ng postmodernismo sa kultura. Paulit-ulit nabanggit ni Johnston sa aklat na hindi sapat na panatilihin lamang ang katapatan sa Biblia. Mahalaga rin ang konsiderasyon sa mga tagapakinig. Ang katapatan sa Biblia at saysay sa mga tagapakinig ay dalawang bagay na hindi maaaring pagpilian ng mga nangangaral – dapat na balansehin ang dalawang ito dahil pareho silang mahalaga. At bahagi ng konsiderasyon sa mga tagapakinig ang pagbuo ng mga taktika ng pangangaral na angkop sa postmodernong panahon.

 

Dapat salungguhitan na naisulat ang aklat na ito sa konteksto ng lugar at panahong kinapapalooban ni Johnston. Isinulat ito para sa mga Kanluranin, partikular sa mga Amerikano ng Generation X. Kaya naman marami sa mga reperensya ng aklat ay nagmumula sa kulturang popular ng Generation X sa Estados Unidos. Gayunman, may saysay pa rin ang aklat na ito para sa mga kapastorang Pilipino, lalo na dahil maraming bahagi ng lipunang urban ng Pilipinas ang Amerikanisado, at samakatuwid ay may ilan nang kaisipang postmoderno na kahit papaano ay nadala sa bansa. Dapat lamang maging maingat ang mga mambabasa sa paglalapat ng mga aral mula sa aklat tungo sa pangangaral sa kontekstong Pilipino, dahil maraming pagkakaiba ang kasalukuyang lipunang Pilipino sa Generation X ng lipunang Amerikano. Kailangang matutong “magtalbos” ang mga Pilipinong babasa ng aklat na ito – kunin ang mga aral ng aklat kung saan may pagkakatulad o nagkakatagpo ang Generation X ng lipunang Amerikano at kasalukuyang lipunang Pilipino, at itapon ang mga aral ng aklat na medyo malayo sa karanasang Pilipino at hindi mapapakinabangan.

Rebyu #112 - Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing ni Ricky Lee

Lee, Ricky. Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing. Loyola Heights, Quezon City: Philippine Writers Studio ...