Lee, Harper. To Kill A Mockingbird. New York: Perennial, 2002.
‘Yung book na nakaintensify ng
aking desire to become a public service lawyer, ‘yung To Kill A Mockingbird.
Parang after ko ‘yun nabasa, klaro sakin na kapag nag-abogado ako, magiging
public service lawyer ako.[1]
Ito ang mga katagang binanggit ni Vice President Leonor “Leni” Gerona Robredo nang tanungin siya ng Rappler kung ano ang kanyang paboritong aklat. Nagbunsod ang pangyayaring ito ng kaliwa’t kanang talakayan sa iba’t ibang social media platforms ukol sa To Kill a Mockingbird ni Harper Lee. Nagbigay ng motibasyon ang mga talakayang ito upang maitulak ang ilan na basahin ang nobela, o muling basahin para sa ibang matagal nang pamilyar dito. Ang patotoong ito ni Leni ay isa lamang sa napakaraming katibayan na hanggang sa kasalukuyan ay nananatiling makabuluhan ang nobela, at nararapat na bigyan ng atensyon. At ito ang dahilan kung bakit makatuturan na gawan ito ng isang munting rebyu.
Nailimbag
noong 1960, ang To Kill a Mockingbird ay isang klasikong nobelang nagwagi
ng prestihiyosong Pulitzer Prize noong 1961. Naisalin na ang nobelang ito sa
humigit kumulang 4o wika.[2]
Maycomb County, Alabama sa dekada 1930s ang napili ng may-akda bilang
lunsaran ng kwento ng nobela. Patungkol ito sa matinding rasismong umiiral noon
sa Estados Unidos laban sa mga Aprikano-Amerikano. Isinasalaysay ang rasismong
ito mula sa punto-de-bista ng isang batang babae, si Scout. Sentral sa nobela
ang pagsasalaysay ni Scout ukol sa pagtatanggol ng ama niyang abogado na si Atticus
sa Aprikano-Amerikanong si Tom Robinson, na naakusahan ng panggagahasa sa
dalagang puti na si Mayella Ewell.[3] Tampok
din dito ang karanasan nina Scout at kapatid niyang si Jem – bunga ng
pagkakaroon ng magulang na nagtatanggol sa itim – sa iba’t ibang anyo ng
rasismo sa samu’t saring espasyo ng lipunan tulad ng tahanan, kapitbahayan,
paaralan, simbahan, at pamahalaan.
Sa maikling
rebyu na ito, nais kong pagtuunan ng pansin ang dalawa sa mga pangunahing tema
ng aklat: pagiging inosente/kadalisayan at interseksyunalidad.
Isa sa
pinakakapansin-pansing katangian ng nobela ay ang nakawiwiling inosenteng
paraan nito ng pagsasalaysay. Bagaman napakabigat ng paksang rasismo, magaan
itong natalakay ng may-akda sa pamamagitan ng tinig ni Scout, isang walong
taong gulang na bata. Isa sa mga benepisyo ng paggamit sa tinig ng bata sa
pagsasalaysay ay ang epektibong paghuhubad sa depensa/kalasag (o resistance)
ng mga mambabasa, na daan upang maging bukas ang kalooban nito sa mensahe o
anumang adyenda ng nobela. Kapag kasi bata ang tinig ng nagsasalaysay, meron
itong tonong inosente, at mas nagiging implisito ang paghahatid ng mga mensahe,
kaya naiaalis nito ang posibleng pagiging depensibo ng mambabasa. Marami nang
nobelang gumamit ng gantong literaryong taktika (hal. nobelang Tree ni
F. Sionil Jose[4]).
Bukod rito,
may isa pang malinaw na gampanin sa nobela ang inosenteng tinig ng
mananalaysay. Ginamit marahil ito ni Harper Lee upang ipakita na ang rasismo
(partikular sa mga Aprikano-Amerikano) ay isang abnormalidad: hindi magagap ng dalisay
na isip ng mga musmos (tulad ni Scout, Jem at kaibigan nilang si Dill) ang
lohika ng rasismo sapagkat hindi ito bahagi ng likas na kaayusan ng mundo, kundi
produkto lamang ng isang lipunang mapang-abuso. Isang magandang halimbawa nito
ang eksena ng pagtuturo ng gurong si Miss Gates sa klase nina Scout. Sa gitna
ng klase, nabanggit ni Miss Gates si Adolf Hitler, at mariin niyang kinondena
ang ginawa nito at ng mga Aleman sa mga Hudio. Pag-uwi ni Scout sa kanilang
tahanan, naikuwento niya kay Jem na hindi niya maunawaan kung paanong nagagalit
si Miss Gates kay Hitler dahil sa ginawa nito sa mga Hudio, samantalang habang
nasa korte ay narinig niya itong pabor sa pagpaparusa sa mga Aprikano-Amerikano
na tulad ni Tom. Nagsabi pa nga siya na nararapat lang umano ito sa mga itim,
dahil baka humantong pa sila sa pangangahas na magpakasal sa mga puti) (p.282-283).
Isa pang
eksena na nagpapakita kung gaano ka-ilohikal para sa dalisay at inosenteng
kaisipan ng mga musmos ang reyalidad ng rasismo ay ang reaksyon ni Jem sa
resulta ng paglilitis kay Tom at ang tugon sa kanya ni Atticus. Labis ang
pagkagalit ni Jem sa pasya ng mga hurado kay Tom bilang guilty. Paulit-ulit
niyang sinasabi na napakalinaw naman na ‘di makatwiran ang kanilang pasya. Bilang
sagot ni Atticus kay Jem, sinabi nito na:
If you had been on that jury, son, and eleven
other boys like you, Tom would be a free man. So far nothing in your life has
interfered with your reasoning process. Those are twelve reasonable men in
everyday life, Tom’s jury, but you saw something come between them and reason…
There’s something in our world that makes men lose their heads – they could’t
be fair if they tried. In our courts, when it’s a white man’s word against a black
man’s, the white man always win. They’re ugly, but those are the facts of life
(p.251-252).
Mula sa
siping ito, makikita na sentido kumon ang pagiging mali ng rasismo, na pati sa
mga musmos ay napakalinaw nito. Gayunman, ayon nga kay Atticus, bunga ng
impluwensya ng lipunan, nagiging malabo sa kamalayan ng mga nakatatanda ang
pagiging mali nito. Ang dalawang eksenang ito (komento ni Scout sa pagtuturo ni
Miss Gates ukol kay Hitler, at tugon ni Atticus kay Jem) ay patunay sa paggamit
ng may-akda sa inosenteng punto-de-bista ng batang mananalaysay upang ipakita
na isang abnormalidad ang rasismo.
Liban sa
temang ito ng pagiging inosente, isa pang litaw na litaw na aspekto ng nobela
ay ang usapin ng interseksyunalidad. Nagmula sa teoryang feminista (partikular
sa Black feminism), ang interseksyunalidad ay tumutukoy sa
pagkakasala-salabid o interseksyon sa pagitan ng mga sistema ng kaapihan (hal.
uri, lahi, kasarian), at pagtatagpo ng mga sistemang ito sa buhay ng mga
inaapi.[5]
Kitang kita ang reyalidad na ito sa paglilitis kay Tom sa bintang na
panggagahasa kay Mayella. Si Tom ay isang mahirap (uri) na lalakeng (kasarian)
Aprikano-Amerikano (lahi). Noong panahong iyon, kalimitan talagang mahirap ang
mga Aprikano-Amerikano; kaunti ang oportunidad na ibinibigay sa kanila ng
lipunan dahil sa kanilang lahi. Dahil sa kanyang lahi, napakadaling paniwalaan
ng mga tao ang akusasyon sa kanya. Dahil naman sa kanyang uri, limitado ang
kapangyarihan niya upang ipagtanggol ang sarili sa ‘di makatwirang bintang. Nakatulong
din ang kanyang kasarian upang mabilis na paniwalaan ang bintang sa kanya, yamang
ang mga lalake kadalasan ang nagsasagawa ng pananamantalang sekswal sa mga
babae. Sa ganang ito, ang kanyang mga kaapihan (uri at lahi) at maging
adbentahe (kasarian) ay nagsama-sama at nakapag-ambag sa pagdiin sa kanya sa
kaso na hindi niya talaga ginawa.
Samantala,
si Mayella naman ay isang mahirap (uri) na babaeng (kasarian) puti (lahi). Dahil
mahirap ang kanyang pamilya, nilalayuan sila, kaya hindi nasanay na
makipaghalubilo si Mayella sa ibang tao. Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit
naging sabik siya sa pagmamahal ng kapwa. Nagbigay daan ito sa paghalik niya
kay Tom at pagnanasa na may mangyari sa kanila. Isa pang salik tungo rito ang
kanyang kasarian. Bilang babae, nakaranas siya ng pananamantalang sekswal at
pabubugbog mula sa kanyang ama. Si Tom lamang ang tanging lalake na nagpakita
sa kanya ng disenteng pakikitungo. Dahil dito, naitulak siya nito na magkagusto
kay Tom. Samakatuwid, ang kanyang dalawang kaapihan (uri at kasarian) ay naging
salik sa aksyon niya ng paghalik kay Tom. Gayunman, noong panahong iyon, labis
na pinandidirihan at ipinagbabawal ng lipunan ang relasyon sa pagitan ng puti
at itim. Kapag nalaman ninuman ang paghalik na ginawa niya kay Tom, pandidirihan
siya ng lipunan. Ang magkaiba nilang lahi ang nagbunsod ng pambubugbog ng ama
ni Mayella sa kanya. Ito rin ang nagtulak kay Mayella upang mag-imbento ng
bintang na panggagahasa kay Tom. Sa pamamagitan kasi nito, maililigtas niya ang
sarili mula sa stigma ng pagkakagusto ng puti sa itim. Kung ang dalawa
niyang kaapihan (uri at kasarian) ay nagtulak sa kanya upang magkagusto kay
Tom, ang kanya namang adbentahe (lahi) ang nagbunsod sa kanya upang lumikha ng
‘di makatwirang bintang kay Tom.
Samakatuwid,
sa kasuhang Tom-Mayella ay mababanaag ang pagkakasapin-sapin ng tatlong
pulitika ng identidad: uri, lahi, at kasarian.
Hindi
lamang sa paglilitis kay Tom kaugnay ng bintang ni Mayella limitado ang interseksyunalidad.
Kalat ito sa buong nobela. May mga eksena kung saan ipinapakita ng may-akda ang
pagkakapatong-patong ng kaapihang panglahi at kaapihang pangkasarian. Halimbawa,
sa isang simbahan ng mga Aprikano-Amerikano, ipinangangaral ni pastor Sykes (na
isa ring itim) ang pagiging makasalanan ng kababaihan (p.138). Sa ganang ito,
doble ang nararanasang kaapihan ng mga babaeng Aprikano-Amerikano. Sa kabuuan
ng lipunang Maycomb, api kapwa ang lalake at babaeng Aprikano-Amerikano dahil
sa kanilang lahi. Ngunit sa loob mismo ng komunidad ng mga Aprikano-Amerikano,
mga babaeng itim lamang ang api sa usapin ng kasarian.
Siyempre ay
hindi lamang naman sa loob ng Aprikano-Amerikanong komunidad limitado ang
kaapihan ng mga babae. Ilang ulit ipinakita ng nobela ang kaapihan ng mga babae
maging sa komunidad ng mga puti. Halimbawa, makailang ulit na binanggit ni Jem
kay Scout na itigil ang pag-aktong tulad ng isang babae (kahit na babae naman
talaga si Scout), dahil ang pagiging babae ay may konotasyon ng pagiging
mahina, maarte, at pakialamera (p.42, 45, 58). Nariyan din ang umiiral na batas
noon sa Alabama na nagbabawal sa mga babae na maging kasapi ng hurado sa mga
korte (p.252).
Samantala,
mayroon ding depiksyon sa interseksyon ng kaapihang pang-uri at kaapihang
panglahi sa nobela. Tulad ng nasabi na, limitado ang oportunidad na ibinibigay
ng lipunan sa mga Aprikano-Amerikano dahil sa kanilang lahi, na dahilan kung
bakit halos lahat ng mga Aprikano-Amerikano noon ay mahirap. Ito rin sigurado
ang dahilan kung bakit nabanggit ng mananalaysay na hindi marunong magbasa at
magsulat ang halos lahat sa isang simbahang Aprikano-Amerikano, kaya wala
silang aklat ng mga himno, ‘di tulad sa mga simbahang puti (p.141). Siyempre,
malinaw na ang ugat ng ganitong kawalan ng literasi ay ang limitadong oportunidad
sa edukasyon, na dulot ng kahirapan nila (kahirapang nag-uugat naman sa lahi
nila).
Ngunit
tulad ng isyu ng kaapihang pangkasarian ng mga babae, hindi rin limitado sa mga
Aprikano-Amerikanong komunidad ang kaapihang pang-uri. Kahit sa hanay ng mga
puti ay ipinakita ni Harper Lee ang kaapihan ng mga mahihirap. Halimbawa,
mayroong kaklase si Scout na nagngangalang Walter Cunningham, na inilarawan na
mahirap at walang baon lagi tuwing pumapasok sa eskwelahan (p.22). Kilala ng
buong Maycomb ang pamilyang Cunningham bilang mga maralita. Sa katunayan, nang
maging kliyente ni Atticus bilang abogado ang ama ni Walter, ang ibinayad nito
sa kanya ay hindi salapi kundi mga kahoy na pangsiga at mga pananim (p.23). Ang
ganitong kahirapan ng mga Cunningham ang sanhi ng pang-aapi sa kanila ng ibang
tao. Halimawa, mayroong eksena kung saan pinagbawalan si Scout ng tita niyang
si Alexandra ang pakikisama kay Walter dahil basura umano ang mga Cunningham at
hindi sila kauri ng mga Finch (angkan ni Scout) (p.256).
Makikita sa
mga ito na liban sa mismong paglilitis kay Tom, laganap sa buong nobela ang interseksyunalidad
sa pagitan ng uri, lahi, at kasarian. Ang pagtatagpo-tagpo ng mga ito sa usapin
ng prejudice at kaapihan ay malinaw na naibuod ni Jem kay Scout ng
sinabi nito na mayroong iba’t ibang uri ng tao sa Maycomb at galit sila sa
isa’t isa (p.258). Aniya, ang mga Finches at iba pang kauri nila (maykaya) ay
galit sa mga Ewell (mahihirap), at ang mga Ewell naman ay galit sa mga Robinson
(mga itim).
Nais kong
igiit na ang dalawang temang ito (pagiging inosente at interseksyunalidad
[partikular ang pang-aapi sa mga itim]) ang siya ring posibleng dalawang
pangunahing kahulugan na nilalaman ng pamagat ng nobelang To Kill a
Mockingbird. Anim na beses na nabanggit sa buong nobela ang mockingbird (tatlo
sa p. 103, isa sa p. 108, isa sa p.240, at isa sa p.317), liban pa sa isang
alusyon sa p.275. Sa pahina 103, nang nag-aaral bumaril si Jem at Scout, binanggit
ni Atticus na maari nilang barilin ang ibang ibon, huwag lang ang mockingbird
dahil kasalanan ang pagpatay sa isang mockingbird. Dahil sa kuryosidad,
tinanong nila sa kapitbahay na si Miss Maudie kung bakit
kasalanan ang pumatay ng mockingbird.
Sumagot ito na kasalanan ito dahil wala namang ginagambala o pinipinsala ang
mockingbird. Wala raw itong ibang ginagawa kundi lumikha ng magagandang
musika o huni sa tenga ng mga tao. Kaya ‘di makatwiran na patayin ito. Samakatuwid,
tila simbolismo ng pagiging inosente ang mockingbird. Sa pahina 273,
lumitaw rin ang mensaheng ito, bagaman sa pagkakataong ito ay hindi mockingbird
ang ginamit na halimbawa. Nang papatayin ni Scout ang isang alupihan, sinaway
siya ni Jem, at sinabing pabayaan niya ito hindi hindi naman siya ginagambala. Maaaring
tumutukoy ang mockingbird bilang simbolismo ng pagiging inosente sa dalawang
magkaibang grupo.
Una, maaaring
tumutukoy ito sa kadalisayan ng mga musmos na tulad nina Scout at Jem. Sa
katunayan, sa pahina 317, nabanggit mismo ni Scout ang mockingbird, sa
konteksto ng pagdaan ni Atticus sa mahirap na pagpapasya kung isasalang niya ba
si Jem sa paglilitis kaugnay ng pagkamatay ni Bob Ewell. Ipinipilit ni Atticus
na kailangang isalang si Jem sa paglilitis sa ngalan ng integridad dahil baka
ito ang nakapatay kay Bob bilang anyo ng pagtatanggol sa sarili. Ngunit
ipinipilit pinuno ng kapulisan na si Heck Tate na si Bob mismo ang aksidenteng
nakasaksak sa kanyang sarili nang matumba siya. Iginiit pa ni Heck na hindi dapat
ibuyangyang sa publiko ang isyung ito dahil kasalanan ang pagkaladkad sa mga
inosente sa kahihiyan (ang tinutukoy niya ay si Jem). Nang kausapin ni Atticus
si Scout, sinabi ni Scout na tama si Heck, dahil tila pagbaril umano ito sa isang
mockingbird. Samakatuwid, sa eksenang ito, implisitong inilapat ang mockingbird
bilang simbolismo para sa pagiging inosente ng mga batang tulad ni Jem. Hindi
nakapagtataka kung ginamit ng may-akda ang simbolismo ng mockingbird bilang
pantukoy sa pagiging inosente ng mga bata (na wala pang bitbit na prejudice),
yamang tulad ng nabanggit na, inosenteng tinig mismo ng bata ang ginamit ni Harper
Lee sa pagsasalaysay ng buong nobela.
Ikalawa, maaaring
tumutukoy rin ito sa isa sa tatlong kaapihang nakapaloob sa interseksyunalidad
ng nobela: ang kaapihan ng mga inosenteng itim tulad ni Tom. Sa peryodikong The
Maycomb Tribune, inihalintulad ng manunulat na si Mr. Underwood ang pagkamatay
ni Tom sa ‘di makatwirang pagpatay ng mga mangangaso sa mga “songbird”
(na siguradong tumutukoy sa mockingbird) (p.275). Dito, tuwirang ginamit
ang mockingbird/songbird na pantukoy sa mga itim na tulad ni Tom. Tulad
ng mockingbird, inosente si Tom, at wala itong ibang ginawa kundi maging
mabait kay Mayella. Kaya naman ang pagpatay kay Tom ay parang pagpatay sa isang
mockingbird. Sa nobela, si Atticus ang nagsabing kasalanan ang pagpatay
sa mockingbird (p.103). At hindi nagkataon lamang na sa nobela, siya rin
ang nagwika na sampung ulit na mas masahol ang pandaraya sa mga itim kaysa pandaraya
sa mga puti (p.229) (marahil, ito’y sapagkat inosente kadalasan ang mga itim sa
mga bintang sa kanila, at kumpara sa mga puti, wala silang kakayahan na ipagtanggol
ang kanilang mga sarili). Samakatuwid, parehong masahol para kay Atticus ang pagpatay
sa mga mockingbird at pang-aapi sa mga itim.
Bilang paglalagom
sa mga bagay na naitala natin sa itaas, ang mockingbird ang nagtatagpi sa
dalawang pangunahing tema ng pagiging inosente at interseksyunalidad sa
pamamagitan ng pagsisilbing simbolismo ng: 1. Dalisay na kaisipan ng mga musmos
na hindi pa nababahiran ng abnormalidad ng kanilang lipunan kaya malinaw pa sa
kanila ang pagiging ilohikal ng rasismo, at 2. Pang-aapi sa mga inosenteng
Aprikano-Amerikanong tulad ni Tom na walang awang pinapatay, walang habas na pinipipe
ng isang lipunang bingi sa musikang nililikha ng mga ito.
At ang mga
ito ang dahilan kung bakit patuloy na makabuluhan ang To Kill a Mockingbird bilang
isang kontemporaryong teksto, lalo na sa lipunang Pilipino. Hanggat mayroong
inhustisya sa isang lipunan, hanggat mayroong indibiduwal na inaapi nang dahil
sa kanilang uri, lahi, o kasarian, hanggat ang inosente ay pinaparusahan at ang
maysala ay pinababayaan, hanggat bingi ang tao sa musikang nililikha ng kanilang
kapwa, patuloy na dapat basahin ang klasikong nobela ni Harper Lee.
[1] Pahayag ni Leni Robredo na matatagpuan sa Rappler, “Leni Robredo
talks about her favorite book 'To Kill A Mockingbird,'” Marso 31, 2022, Youtube
channel ng Rappler, https://www.youtube.com/watch?v=2Tsktfg_bSk,
inakses noong Hunyo 30, 2022.
[2] Anna Foca, “To Kill a Mockingbird, Novel by Lee,” websayt ng Britannica,
https://www.britannica.com/topic/To-Kill-a-Mockingbird,
inakses noong Hunyo 30, 2022.
[3] Mainam na banggitin kahit sa talababa man lamang na tila ginamit ni
Harper Lee na reperensya para sa kaso ni Tom ang kwento ni Joseph sa Genesis. Hindi
naman imposible ito sapagkat puno ng reperensyang Biblikal ang nobela (hal.
paggaya nina Jem sa kwento nina Shadrach, Meshach at Abednego sa pahina 133). Napakaraming
makikitang paralelismo: 1. Parehong inosente si Joseph at Tom, 2. Ang asawa ni
Potiphar ang nagkusa na tumukso kay Joseph, at si Mayella rin ang nagtangka kay
Tom, 3. Pareho si Joseph at Tom na tumakbo papalayo sa halip na magpatukso, 4. Pareho
silang pinaratangan ng ‘di totoong panggagahasa, at 5. Pareho silang nilitis at
ipinakulong.
[4] F. Sionil Jose, Tree, Eighth Printing (Ermita, Manila:
Solidaridad Publishing House, 2008).
[5] Anna Carastathis, “The Concept of Intersectionality in Feminist
Theory,” Philosophy Compass 9:5 (2014): 304–314