Tuesday, January 10, 2023

Rebyu #112 - Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing ni Ricky Lee

Lee, Ricky. Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing. Loyola Heights, Quezon City: Philippine Writers Studio Foundation, Inc., 2020.

 

“Accept constraints. Lahat ng kahon ay oportunidad para mapilitan kang gumawa ng butas upang makalabas.” (pahina 30)

 

Para sa mga taong mahilig magbasa, malaking pantasya ang mabigyan ng pagkakataon ng makakuwentuhan ang kanilang mga paboritong may-akda; ang magkaroon ng oportunidad na magtanong sa mga ito ng kanilang mga karanasan sa likod ng mga akdang isinulat nila, mga bagay na humubog sa kanila, at iba pang mga impormasyon na hindi pa nila nailalahad sa anumang sulatin.

Parang ganito ang oportunidad na ibinigay ni Ricky Lee sa mga taong nagmamahal sa kanyang mga obra, nang isulat niya ang Kulang na Silya. Tila nakaupo siya sa isang silyang nakaharap sayo at personal na nagkukuwento ukol sa kanyang buhay, kaugnay ng kanyang mga isinulat. Manipis ang akda, kaya naman kayang basahin sa isang upuan. Ngunit higit sa ikli nito, mayroon itong kapangyarihan na panatilihin kang nakaupo sa silya at nakatutok sa pagbabasa hanggang sa matapos ito, dahil sa pagiging mahusay na kuwentista ni Ricky Lee. Ipinamalas ng may-akda rito ang kakayahan niyang epektibong iparamdam sa mga mambabasa ang mga emosyong nilalayon niya: mapapangiti ka, mapapakunot ang noo, mapapalungkot, mapapataba ang puso, at mapapatawa.

Samu’t saring kuwento, anekdota, at mga payo ang nilalaman ng aklat, pero pinagbubuklod ito ng iisang pisi: ang kuwentong buhay ukol sa pagsusulat. Bawat kabanata ay iniuugnay ng may-akda sa pagsusulat: pandemya at pagsusulat (kabanata 1), lungkot at saya ng pagsusulat (kabanata 2), pagiging kakaiba at pagsusulat (kabanata 3), mga estrangherong dumadaan sa buhay natin at pagsusulat (kabanata 4), mga alagang hayop bilang metapora kaugnay ng pagsusulat (kabanata 5), masasakit na alaala at pagsusulat (kabanata 6), kasikatan at pagsusulat (kabanata 7), at pagtatapos ng pag-aaral at pagsusulat (kabanata 8).

Bagay na bagay itong basahin ng mga manunulat, at ng mga nangangarap na maging manunulat. Parang isang liham ito na isinulat, lalo na para sa mga nasa larangan ng malikhaing pagsulat. Punong puno ito ng payo, babala, aral, taktika, at inspirasyon, na ibinabahagi ni Ricky Lee para sa mga manunulat, na hinugot niya mula sa ilang dekadang karanasan sa pagsulat. Sobrang makaka-relate dito ang mga nasa malikhaing pagsulat (o mga gustong pasukin ang malikhaing pagsulat), tatagos sa kaibuturan nila ang mga kuwento ng kabiguan at tagumpay, lungkot at saya ng may-akda, kaugnay ng pagiging manunulat nito. Sa proseso ng pagbasa sa Kulang na Silya, mas makikilala nila si Ricky Lee bilang manunulat, pero higit pa rito, mas makikilala nila ang kanilang sarili bilang manunulat. Dahil hindi lamang magaling na kuwentista si Ricky Lee, mahusay rin siya sa pagtuturo sa iba kung paano rin sila magiging magaling na kuwentista.

Malaking oportunidad rin ang aklat para sa lahat ng nabighani sa mga nobela, maikling kuwento, iskrip, at iba pang obra ni Ricky Lee. Nagbibigay ito sa kanila ng pagkakataon na masulyapan ang mga proseso sa likod ng produksyon ng mga akdang ito, mga hirap at saya na naranasan ni Ricky Lee sa pagsulat ng mga ito. Kapag nagbabasa ka kasi ng mga nobela at maiikling kuwento, o nanonood ng mga pelikula, finished product na lamang ang nakikita mo, pero nakakubli sayo ang lahat ng kuwento na pinagdaanan ng mga obrang ito. Kaya naman sa Kulang na Silya, nagbigay si Ricky Lee ng pagkakataon sa kanyang mga mambabasa na makasulyap sa mga karanasan sa likod ng pagsulat ng mga ito. Interesante rin ang kaliwa’t kanang personal na komento ni Ricky Lee ukol sa kanyang sariling mga akda.    

Sa panahon kung kailan mas nagiging patok na ang awtobiograpikal na pamamaraan ng pananaliksik (ang tinatawag ni Vineeta Sinha na “autoethnography,” [1]) at mas nagiging pasyonable na sa mga akademiko’t manunulat ang magbahagi ng kanilang sariling karanasan na nagsasakonteksto ng kanilang kapantasan at mga akda [2], kapuri-puri ang ginawa ni Ricky Lee sa Kulang na Silya. Kung tutuusin, maganda nga sana kung magkakaroon din ng ganitong uri ng pagkukuwentong buhay ang iba pa nating mga manunulat sa Pilipinas, partikular ang mga nobelistang gaya ni Ricky Lee. 


[1] Vineeta Sinha, “Pandita Ramabai Saraswati (1858–1922),” nasa Syed Farid Alatas and Vineeta Sinha, Sociological Theory Beyond the Canon (London: Palgrave Macmillan, 2017), 244. Ukol sa dagdag na talakayan ukol sa kuwentong buhay bilang dulog sa pananaliksik, tingnan ang Clemen Aquino, “Mga Kuwentong Buhay at Kuwentong Bayan sa Paghahabi ng Araling Panlipunan,” nasa Thelma B. Kintanar, Clemen C. Aquino, Patricia B. Arinto, Ma. Luisa T. Camagay, Kuwentong Bayan: Noong Panahon ng Hapon; Everyday Life in a Time of War (Quezon City: University of the Philippines Press, 2006).

[2] Tingnan halimbawa ang napansin ni Rafael na “autobiographical turn” sa mga sulatin ni Reynaldo Ileto sa Vicente L. Rafael, “Becoming Reynaldo Ileto: Language, History and Autobiography,” Philippine Studies: Historical and Ethnographic Viewpoints, Vol. 62, No. 1, (March 2014): 115-132.

Tuesday, January 3, 2023

Rebyu #111 - Writing Material Culture History ni Anne Gerritsen at Giorgio Riello

Gerritsen, Anne at Giorgio Riello, mga pat. 2015. Writing Material Culture History. London: Bloomsbury.


Ang rebyu na ito ay inilathala bilang:

Santos, Mark Joseph Pascua. “Kulturang Materyal Bilang Batis at Larangan ng Kasaysayan.” Saliksik E-Journal vol. 7, no. 3 (November): pp. 121-138.

Matatagpuan ito sa bahay-dagitab ng Philippine E-Journals:

Rebyu #110 - To Be in History: Dark Days of Authoritarianism ni Melba Padilla Maggay

 

Maggay, Melba Padilla. Ed. To Be in History: Dark Days of Authoritarianism. Carlisle, Cumbria, U.K.: Langham Global Library, 2019.


Ang rebyu na ito ay inilathala bilang:

Santos, Mark Joseph Pascua. “Kuwentong Buhay ng mga Kristiyano sa Panahon ng Batas Militar.” TALA: An Online Journal of History, Special Issue: Perspectives on Martial Law Fifty Years After (September 2022): 96-105.

Matatagpuan ito sa bahay-dagitab ng TALA:

Rebyu #109 - Trese 6: High Tide at Midnight nina Budjette Tan at Kajo Baldisimo

 Tan, Budjette, at Kajo Baldisimo. Trese 6: High Tide at Midnight. Imus, Cavite: 19th Avenida Publishing House, 2022. 

 

Despite the rain and flood that has brought parts of the city to a standstill, the party continues in this club. The music makes them think everything is alright in their world. They can’t hear the thunder and the rain while they’re here.


Ito ang mga katagang ipinanglarawan ng tagapagsalaysay sa Dominion, isang club ng mga mayayaman sa Maynila. At ito rin, sa aking palagay, ang buod ng kabuuang mensahe ng Trese 6: ang baliktarang sitwasyon ng mga uring panlipunan bilang pinakamalaking kabalintunaan ng lipunang Pilipino.

Ipinakita nina Tan at Baldisimo ang kabalintunaang ito sa pamamagitan ng magkabaliktad na paglalarawan sa Barangay Pasifica at Dominion. Ang piksyunal na Barangay Pasifica ay isang mahirap na komunidad sa Maynila na laging binabaha. Inilarawan din ito bilang isang komunidad na pinupuntahan ng mga pulitiko upang pamudmuran ng tulong (para magpalakas sa susunod na eleksyon, isang eksenang tipikal sa Pilipinas). Simboliko rin ang ipinakita ng komiks na isang karatula sa Barangay Pasifica na may karatulang “Lipad Pilipinas.” Pinatitingkad nito ang mensaheng kabalintunaan ng komiks: may nakasulat na lipad Pilipinas sa isang lugar na lumulubog lagi sa baha.

Higit pang idiniin ang kalunos-lunos na kalagayan ng Barangay Pasifica, sa pamamagitan ng paglalarawan sa Dominion sa sumunod na bahagi ng komiks. Habang pinapatay ng mga halimaw na “taga-dagat” ang mga mamamayan ng binabahang Pasifica, masiglang gumigimik ang mga mayayamang kabataan sa Dominion. Mataas ang lugar kaya hindi ito inaabot ng baha, at ni hindi nga rin nila naririnig ang kulog at ulan dahil sa pagkalulong sa malalakas na tugtugin sa Dominion. Paraan marahil ng mga may-akda ang ganitong paglalarawan upang kastiguhin ang pagiging apatetiko ng mga nasa mataas na bahagdan ng lipunan, habang nagdarahop ang mga kababayang nasa laylayan. Malinaw sa baliktarang paglalarawang ito ang pagiging detached ng mga nakaaalwan sa mas malawak na reyalidad ng lipunang kinapapalooban nila, yamang hindi sila tuwirang apektado sa sitwasyon ng masa.

Bilang karagdagan, lalo pang itinampok ng mga may-akda ang kabalintunaan ng baliktaran sa pamamagitan ng pagpapangalan sa dalawang lugar. Isinunod ang pangalan ng bahaing barangay sa pangalan ng isang karagatan, upang salungguhitan ang lubog na kalagayan nito. Samantala, pinangalanan namang Dominion, o sa Filipino, paghahari, ang club ng mga mayayaman upang implisitong ilarawan ang pagiging nasa itaas/pagpapanginoon ng mga gumigimik dito.

Bukod sa saysay ng komiks bilang kritika sa ‘di nagbabagong kabalintunaan/baliktarang ito ng lipunang Pilipino, higit pa itong napapanahon dahil sa harap ng malawakang distorsyong pangkasaysayan ukol sa Batas Militar. Naging posible ito dahil sa piniling kontrabida ng Trese 6, si Madame, na inspirado ng tunay na persona ni Imelda Marcos. Malinaw ang kritikal na tindig ng komiks kay Imelda, at sa asawa nitong diktador. Inilarawan nila si Madame bilang pulitikong nag-aalok ng tulong sa Barangay Pasifica para lamang magpalakas. Mahalagang sipiin ang isinigaw ng isang mamamayan ng Barangay Pasifica habang nag-aalok ng tulong si Madame:

We wouldn’t be here if you and your family hadn’t stolen from our government for all those years! Go away! We don’t need your help now!

Walang paligoy-ligoy, tuwirang pagbatikos ito sa isyu ng nakaw na yaman ng pamilyang Marcos. Pinatindi pa ang kritika sa mga Marcos nang ibunyag sa bandang dulo ng komiks na kagagawan lahat ni Madame ang paglusob ng mga taga-dagat sa Barangay Pasifica. Isinagawa niya ito upang makapagpatayo ng isang bagong siyudad sa Barangay Pasifica, na magbibigay umano ng trabaho sa maraming tao. Muli, manilaw na pagkastigo ito sa matagal nang pinupuna ng mga eksperto sa Batas Militar, ang “edifice complex” ni Imelda, ang tendensyang magtayo nang magtayo ng mga naglalakihang gusali bilang huwad na palatandaan ng kaunlaran (kahit pa kapalit nito ang pagpapalayas sa napakaraming naninirahang maralita). Nakabatay ito sa pilosopiya niya ng “The Good, The True, and The Beautiful.” Pero matinding pinabulaanan nina Tan at Baldisimo ang pagiging mabuti, totoo, at maganda ng tendensyang ito ni Imelda, sa pamamagitan ng paglalagay ng mga salitang ito sa bibig ni Alexandra Trese: “At the cost of how many lives, Madame?”

Kung tutuusin, hindi naman talaga magkahiwalay na isyu ang dalawang sentral na mensahe ng Trese 6: kabalintunaan ng mga uring panlipunan at kritika sa pamilyang Marcos. Ang kabalintunaan ng baliktaran ang mismong dahilan kung bakit nagiging posible ang patuloy na pamamayani ng mga tradisyunal na dinastiyang pulitikal gaya ng mga Marcos, at ang mga pamilya ring ito ang nag-aambag tungo sa pagpapanatili ng ganitong kabalintunaan ng baliktaran. Alalaumbaga’y isang siklo ng inhustisya sa mundo ni Trese, na hindi nalalayo sa mundo natin. 

Rebyu #112 - Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing ni Ricky Lee

Lee, Ricky. Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing. Loyola Heights, Quezon City: Philippine Writers Studio ...