Monday, October 24, 2022

Rebyu #108 - The Rise of Filipino Theology nina Dindo Rei M. Tesoro at Joselito Alviar Jose

Tesoro, Dindo Rei M., Joselito Alviar Jose. The Rise of Filipino Theology. Pasay City: Paulines Publishing House, 2004.

 

Noong nagsisimula pa lamang ang mga kilusang indihenisasyon sa Pilipinas, laging mayroong pagtatanungan ukol sa pag-iral ng Pilipinong anyo ng mga disiplina. Sa tuwi-tuwina ay mayroong maririnig: “mayroon bang Sikolohiyang Pilipino?” “mayroon bang Pilosopiyang Pilipino?” “mayroon bang Teolohiyang Pilipino?” Ngunit sa kasalukuyan, limang dekada makalipas ang pag-usbong ng mga ito noong 1970’s, sa halip na itanong kung mayroon ba nito, tila ang mas angkop nang pag-usapan ay kung ano na ang estado nito. Ganito rin ang kaso ng Teolohiyang Pilipino. Ang malinaw na kairalan nito ay lalo pang pinagtitibay sa pagkakalimbag ng The Rise of Filipino Theology nina Dindo Tesoro at Joselito Alviar Jose noong 2004. Halaw ang aklat sa disertasyon ni Tesoro sa University of Navarre noong 2001 (na mayroon ding titulong The Rise of Filipino Theology), na nilapatan ng karagdagang mga kabanata ni Alviar Jose. 

Ang aklat ay maituturing na kauna-unahang komprehensibong pagmamapa sa estado ng Teolohiyang Pilipino [1]. Ang unang kabanata ay mabilisang pagbaybay sa pag-usbong at pag-unlad ng Teolohiyang Pilipino, habang ang ikalawang kabanata ay pagtalakay sa apat na pangunahing institusyon sa larangan ng Teolohiyang Pilipino, tulad ng Ecclesiastical Faculty of Sacred Theology ng University of Sto. Tomas, Loyola School of Theology ng Ateneo de Manila University, East Asian Pastoral Institute, at Maryhill School of Theology. Ang ikatlong kabanata ay maiiksing deskripsyon sa teolohikal na tuon, ambag, at metodo ng 36 teologo sa Pilipinas (kalakip ng ilang piling publikasyon nila). Ang ikaapat at ikalimang kabanata naman ay pagtatangka na ilarawan ang hulma ng Teolohiyang Pilipino batay sa ilang magkakatulad at magkakaibang teolohilal na pananaw ng mga teologong isinama sa ikatlong kabanata (nakatuon ang ikaapat na kabanata sa paksa ng metodo, Diyos, at tao, samantalang ukol naman kay Kristo, sa simbahan, at sa moralidad ang ikalimang kabanata). Ang ikaanim na kabanata ay konklusyon, na naglalarawan sa lakas ng Teolohiyang Pilipino, mga dapat pang linangin na mga bahagi nito, at ang hinaharap nito bilang isang larangan.

Ang aklat ay mayroong monumental na ambag sa larangan ng Teolohiyang Pilipino. Isa itong matibay na testamento sa kairalan ng Teolohiyang Pilipino. Dagdag na patunay ang aklat na hindi na maaari pang pagdudahan ang kairalan ng Teolohiyang Pilipino, yamang ipinakita nito ang mayamang produksyon ng mga tagapagsulong nito. Ayon nga kay Alviar Jose sa konklusyon:

Our survey of Filipino Theology, though partial and provisional, shows impressive amount of variety of local theological contributions in the decades following Vatican Council II. This ‘blossoming’ may in itself be counted as an achievement. It signifies that Filipino theology … has truly passed from the real of possibility into reality. [2]

Ang aklat ay nagpapatunay na malayo na ang narating ng Teolohiyang Pilipino, mula sa pagkakalimbag ng aklat ni Leonardo Mercado na Elements of Filipino Theology [3] noong 1975 hanggang sa paglabas ng aklat nina Tesoro at Alviar Jose noong 2004. Sa aklat ni Mercado, sinubukan niyang ipakita ang kairalan ng Teolohiyang Pilipino, sa pamamagitan ng antropolohikal na dulog: pamimingwit ng mga elemento nito mula sa iba’t ibang aspekto ng pananaw-pandaigdig ng mga Pilipino tulad ng Diyos, kabilang buhay, pagsamba, kasalanan, at iba pa. Ngunit sa aklat nina Tesoro at Alviar Jose, pinakita nila ang kairalan at hulma ng Teolohiyang Pilipino sa pamamagitan ng pilosopikal na dulog: pamimingwit sa kaisipan ng mga teologo. Siempre ay nagpapakita ng higit na kaunlaran ng larangan kapag kaya nang maisagawa ang pilosopikal na dulog. Hindi pa ito kayang gawin sa panahon ni Mercado dahil wala pa gaanong intelektuwal na produksyon ukol sa Teolohiyang Pilipino noong 1975; kaya naman antropolohikal na lapit pa lamang ang maaaring gamitin sa paglalarawan sa Teolohiyang Pilipino. Ngunit sa panahon nina Tesoro at Alviar Jose noong 2004, posible na ang pilosopikal na dulog dahil sa pag-usbong ng napakarami nang mga teologo at teolohikal na mga akda.

Ambag ang aklat tungo sa pagbuo ng kasaysayang intelektuwal ng Teolohiyang Pilipino. Gayunman, sa usaping teknikal, hindi pa talaga maituturing ang aklat na aktuwal na “pagsasakasaysayan” ng Teolohiyang Pilipino dahil salat ito ng isang elementong esensyal sa pagbuo ng kasaysayang intelektuwal ng isang larangan: ang peryodisasyon. Nariyan ang dekada 1970 bilang ikutang pangyayari, kung kailan umusbong ang Teolohiyang Pilipino, ngunit sa pagitan ng dekada 1970 hanggang 2004 (taon kung kailan nailimbag ang aklat) ay walang itinalaga na mga panandang panahon na naghihiwalay sa iba’t ibang piryod sa pag-unlad ng larangan.

Preliminaryo pa lamang din maging ang imbentaryo ng 36 teologo na nasa ikatlong kabanata. Una, sa kabuuang 36 na teologo, tatatlo lamang ang Protestante/Ebanghelikal (Douglas Elwood, Rodrigo Tano, at Emerito Nakpil), habang ang lahat ay mga Katoliko na. Bagaman totoo na karamihan talaga sa mga nagsusulong ng Teolohiyang Pilipino ay mga Katoliko, siguradong hindi lang sina Elwood, Tano, at Nakpil ang may produksyon ukol sa Teolohiyang Pilipino sa panig ng mga Protestante bago pa man ang 2004. Pangalawa, puro lalake ang 36 na teologo sa listahan, at wala man lamang representasyon ang kahit isang babaeng teologo. Bago pa man ang 2004 ay napakarami nang mahahalagang ambag ng Ebanghelikal na teologong si Melba Padilla Maggay sa Teolohiyang Pilipino [4]. Ang ganitong androsentrikong karakter ng imbentaryo sa ikalawang kabanata ng aklat, liban sa dulot ng pagiging lalake ng mga may-akda, ay bunsod rin marahil ng kanilang pagiging nakapaloob sa simbahang Katoliko (kung saan karamihan ng mga teologo at mga pinunong pangrelihiyon ay mga lalake). Ikatlo, marami na ang bagong usbong na mga tagapagsulong ng Teolohiyang Pilipino mula 2004 hanggang sa kasalukuyan, kaya naman marami na ring teologo ang dapat na idagdag sa listahan para sa mga mananaliksik na nagnanais na dugtungan ang pag-aaral nina Tesoro at Alviar Jose. Ikaapat, ang paglalarawan sa teolohiya ng 36 teologo ay deskriptibo at maiksi pa lamang. Samakatuwid, ang iba pang interesadong akademiko ay maaaring magsagawa sa hinaharap ng kritikal, preskriptibo, at mas komprehensibong eksposisyon ng kaisipan ng 36 teologong itinala (at iba pang bagong sibol ng mga teologong wala sa aklat).

Mayroon pang isang punto na maaaring punahin sa naturang imbentaryo ng ikatlong kabanata. Nagsama ito ng mga iskolar, na sa istriktong batayan, ay hindi naman talaga mga teologo. Isinama nito halimbawa sina Horacio de la Costa (historyador na dalubhasa sa kasaysayan ng mga Heswita), John Schumacher (historyador na nakatutok sa Kilusang Propaganda), at Jaime Bulatao (isang sikolohista). Maaaring ikatwiran na may digri naman sa teolohiya ang mga ito. Ngunit basiko ang digri nila sa teolohiya, na kinuha nila hindi upang magpakadalubhasa talaga sa teolohiya kundi upang maordinahan bilang mga pari (yamang ang intelektuwal na produksyon nila sa pamamagitan ng mga publikasyon ay wala sa teolohiya kundi nasa ibang larangan). Gayundin, nagsama ang mga may-akda sa imbentaryo ng akda ng mga iskolar na hindi naman talaga teolohiya, kundi ukol sa kalinangan at lipunang Pilipino (maihahalimbawa rito ang Asia and the Philippines ni de la Costa, “The Hiya System in Filipino Culture” ni Bulatao, at “Filipino Masonry in Madrid” ni Schumacher). Ikinatwiran ng aklat na:

[The listing] includes not only strictly theological studies but also writings on aspects of Philippine culture and history that are relevant for contextualized reflection. [5]

Ngunit maitutugon: magiging arbitraryo ang listahan kung hahayaang isama maging ang mga hindi teolohikal na akda. Ito ay sapagkat napakaraming pag-aaral ukol sa kalinangan at lipunang Pilipino na maaaring gamiting salalayan sa pagteteolohiya, sinulat man ng mga pari (tulad ng mga pag-aaral ng Heswitang sosyologo na si Frank Lynch, na wala sa imbentaryo) o ng mga laiko (tulad nina F. Landa Jocano, William Henry Scott, at Virgilio Enriquez). Ang espasyo na inilaan para sa mga ‘di teolohikal na mga akdang ito ay mas naaangkop sanang ilaan sa mga talagang teolohikal na akda na tuwirang ambag sa Teolohiyang Pilipino (tulad ng mga akda ni Maggay).

Sa kabila ng ilang mga punang ito, hindi matatawaran ang halaga ng aklat sa Teolohiyang Pilipino. Kapag nakapagprodyus na sa hinaharap ng mga aklat na tuwirang nagsasagawa ng intelektuwal na kasaysayan ng Teolohiyang Pilipino, tiyak na magiging mahalagang panandang bato ang pagkakalimbag ng aklat na ito noong 2004 sa pagbuo ng isang komprehensibong peryodisasyon sa kasaysayan ng larangan. Ang inilatag ng aklat na bibliograpiya ng mga teologo ay kapaki-pakinabang sa mga mananaliksik ng Teolohiyang Pilipino. Gaya ng nasabi na, maaari ring maging salalayan ang imbentaryo ng paisa-isang komprehensibong eksposisyon sa kaisipan ng mga naitalang teologo sa hinaharap (tulad ng eksposisyon ni Tano kina Nakpil, Arevalo, de la Torre, Gorospe, at Abesamis). Maaari rin itong magsilbing panimulang babasahin sa mga indibiduwal na gustong pasukin ang larangan ng Teolohiyang Pilipino. Sa pamamagitan ng pagbabasa ng isang aklat lamang, mabilis na agad silang makabubuo ng larawan ng Teolohiyang Pilipino bilang isang larangan sa kanilang isipan. Ideyal na teksbuk din ang aklat na ito sa mga kurso ng Teolohiyang Pilipino sa mga unibersidad at seminaryo.

Anumang mga ipinukol na puna sa aklat ay maipagpapaumanhin, yamang ang mismong mga may-akda nito ay paulit-ulit na nagbibigay-diin sa pagiging preliminaryo at probisyunal ng ginawa nilang sarbey [6]. Kumbaga, ang aklat ay isang pampang na nagpapatikim sa mga mambabasa sa kung ano ang hitsura ng isang napakalawak na dagat. Gabay ito sa napakarami akda sa Teolohiyang Pilipino na dapat pang basahin ng mga tunay na interesado sa larangan. 


[1] Ang isang mas maagang pagtatangka tungo sa ganitong pagmamapa ng Teolohiyang Pilipino ay isinagawa sa Rodrigo D. Tano, Theology in the Philippine Setting: A Case Study in the Contextualization of Theology (Quezon City: New Day Publishers, 1981). Gayunman, limitado lamang ito sa pagsusuri sa teolohiya ng ilang piling Pilipinong teologo tulad nina Catalino Arevalo, Carlos Abesamis, Vitaliano Gorospe, Edicio de la Torre, at Emerito Nakpil.

[2] Dindo Rei M. Tesoro at Joselito Alviar Jose, The Rise of Filipino Theology (Pasay City: Paulines Publishing House, 2004), 256.

[3] Leonardo N. Mercado, Elements of Filipino Theology (Philippines: Divine Word University Publications, 1975).

[4] Ilan sa halimbawa nito ang mga sumusunod: “Gospel in Filipino Context,ISACC Monograph Series: Culture, Development, Missiology (1987); Communicating Cross-Culturally: Towards a New Context for Missions in the Philippines (Quezon City: New Day Publishers, 1989); Transforming Society: Reflections on the Kingdom and Politics (United Kingdom: Regnum Books, 1996); at Filipino Religious Consciousness: Some Implications on Missions (Quezon City: Institute for Studies in Asian Church and Culture, 1999).

[5] Tesoro at Alviar Jose, The Rise of Filipino Theology, 65.

[6] Tesoro at Alviar Jose, The Rise of Filipino Theology, 64, 142, 144, 256.


No comments:

Post a Comment

Rebyu #112 - Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing ni Ricky Lee

Lee, Ricky. Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing. Loyola Heights, Quezon City: Philippine Writers Studio ...