Friday, July 8, 2022

Rebyu #107 -- Faith and Bayan: Evangelical Christian Engagement in the Philippine Context nina Lorenzo C. Bautista, Aldrin M. Penamora, at Federico G. Villanueva

Bautista, Lorenzo C., Aldrin M. Penamora, Federico G. Villanueva. Eds. Faith and Bayan: Evangelical Christian Engagement in the Philippine Context. Carlisle, United Kingdom: Langham Global Library, 2022.

 


 

Ang rebyu sa aklat na ito ay nailimbag bilang:

Teolohiyang Malaya Teolohiyang Mapagpalaya Isang Panunuring Aklat sa Faith and Bayan.” Lakandayang Journal of Cultural Studies vol. 2, issue 2 (December): pp. 518-529.

Mababasa ang rebyu sa: 

Thursday, June 30, 2022

Rebyu #106 -- To Kill a Mockingbird ni Harper Lee

Lee, Harper. To Kill A Mockingbird. New York: Perennial, 2002.

 

‘Yung book na nakaintensify ng aking desire to become a public service lawyer, ‘yung To Kill A Mockingbird. Parang after ko ‘yun nabasa, klaro sakin na kapag nag-abogado ako, magiging public service lawyer ako.[1] 

 

Ito ang mga katagang binanggit ni Vice President Leonor “Leni” Gerona Robredo nang tanungin siya ng Rappler kung ano ang kanyang paboritong aklat. Nagbunsod ang pangyayaring ito ng kaliwa’t kanang talakayan sa iba’t ibang social media platforms ukol sa To Kill a Mockingbird ni Harper Lee. Nagbigay ng motibasyon ang mga talakayang ito upang maitulak ang ilan na basahin ang nobela, o muling basahin para sa ibang matagal nang pamilyar dito. Ang patotoong ito ni Leni ay isa lamang sa napakaraming katibayan na hanggang sa kasalukuyan ay nananatiling makabuluhan ang nobela, at nararapat na bigyan ng atensyon. At ito ang dahilan kung bakit makatuturan na gawan ito ng isang munting rebyu.

 

Nailimbag noong 1960, ang To Kill a Mockingbird ay isang klasikong nobelang nagwagi ng prestihiyosong Pulitzer Prize noong 1961. Naisalin na ang nobelang ito sa humigit kumulang 4o wika.[2] Maycomb County, Alabama sa dekada 1930s ang napili ng may-akda bilang lunsaran ng kwento ng nobela. Patungkol ito sa matinding rasismong umiiral noon sa Estados Unidos laban sa mga Aprikano-Amerikano. Isinasalaysay ang rasismong ito mula sa punto-de-bista ng isang batang babae, si Scout. Sentral sa nobela ang pagsasalaysay ni Scout ukol sa pagtatanggol ng ama niyang abogado na si Atticus sa Aprikano-Amerikanong si Tom Robinson, na naakusahan ng panggagahasa sa dalagang puti na si Mayella Ewell.[3] Tampok din dito ang karanasan nina Scout at kapatid niyang si Jem – bunga ng pagkakaroon ng magulang na nagtatanggol sa itim – sa iba’t ibang anyo ng rasismo sa samu’t saring espasyo ng lipunan tulad ng tahanan, kapitbahayan, paaralan, simbahan, at pamahalaan.

 

Sa maikling rebyu na ito, nais kong pagtuunan ng pansin ang dalawa sa mga pangunahing tema ng aklat: pagiging inosente/kadalisayan at interseksyunalidad.

 

Isa sa pinakakapansin-pansing katangian ng nobela ay ang nakawiwiling inosenteng paraan nito ng pagsasalaysay. Bagaman napakabigat ng paksang rasismo, magaan itong natalakay ng may-akda sa pamamagitan ng tinig ni Scout, isang walong taong gulang na bata. Isa sa mga benepisyo ng paggamit sa tinig ng bata sa pagsasalaysay ay ang epektibong paghuhubad sa depensa/kalasag (o resistance) ng mga mambabasa, na daan upang maging bukas ang kalooban nito sa mensahe o anumang adyenda ng nobela. Kapag kasi bata ang tinig ng nagsasalaysay, meron itong tonong inosente, at mas nagiging implisito ang paghahatid ng mga mensahe, kaya naiaalis nito ang posibleng pagiging depensibo ng mambabasa. Marami nang nobelang gumamit ng gantong literaryong taktika (hal. nobelang Tree ni F. Sionil Jose[4]).

 

Bukod rito, may isa pang malinaw na gampanin sa nobela ang inosenteng tinig ng mananalaysay. Ginamit marahil ito ni Harper Lee upang ipakita na ang rasismo (partikular sa mga Aprikano-Amerikano) ay isang abnormalidad: hindi magagap ng dalisay na isip ng mga musmos (tulad ni Scout, Jem at kaibigan nilang si Dill) ang lohika ng rasismo sapagkat hindi ito bahagi ng likas na kaayusan ng mundo, kundi produkto lamang ng isang lipunang mapang-abuso. Isang magandang halimbawa nito ang eksena ng pagtuturo ng gurong si Miss Gates sa klase nina Scout. Sa gitna ng klase, nabanggit ni Miss Gates si Adolf Hitler, at mariin niyang kinondena ang ginawa nito at ng mga Aleman sa mga Hudio. Pag-uwi ni Scout sa kanilang tahanan, naikuwento niya kay Jem na hindi niya maunawaan kung paanong nagagalit si Miss Gates kay Hitler dahil sa ginawa nito sa mga Hudio, samantalang habang nasa korte ay narinig niya itong pabor sa pagpaparusa sa mga Aprikano-Amerikano na tulad ni Tom. Nagsabi pa nga siya na nararapat lang umano ito sa mga itim, dahil baka humantong pa sila sa pangangahas na magpakasal sa mga puti) (p.282-283).

 

Isa pang eksena na nagpapakita kung gaano ka-ilohikal para sa dalisay at inosenteng kaisipan ng mga musmos ang reyalidad ng rasismo ay ang reaksyon ni Jem sa resulta ng paglilitis kay Tom at ang tugon sa kanya ni Atticus. Labis ang pagkagalit ni Jem sa pasya ng mga hurado kay Tom bilang guilty. Paulit-ulit niyang sinasabi na napakalinaw naman na ‘di makatwiran ang kanilang pasya. Bilang sagot ni Atticus kay Jem, sinabi nito na:

 

If you had been on that jury, son, and eleven other boys like you, Tom would be a free man. So far nothing in your life has interfered with your reasoning process. Those are twelve reasonable men in everyday life, Tom’s jury, but you saw something come between them and reason… There’s something in our world that makes men lose their heads – they could’t be fair if they tried. In our courts, when it’s a white man’s word against a black man’s, the white man always win. They’re ugly, but those are the facts of life (p.251-252).

 

Mula sa siping ito, makikita na sentido kumon ang pagiging mali ng rasismo, na pati sa mga musmos ay napakalinaw nito. Gayunman, ayon nga kay Atticus, bunga ng impluwensya ng lipunan, nagiging malabo sa kamalayan ng mga nakatatanda ang pagiging mali nito. Ang dalawang eksenang ito (komento ni Scout sa pagtuturo ni Miss Gates ukol kay Hitler, at tugon ni Atticus kay Jem) ay patunay sa paggamit ng may-akda sa inosenteng punto-de-bista ng batang mananalaysay upang ipakita na isang abnormalidad ang rasismo.  

 

Liban sa temang ito ng pagiging inosente, isa pang litaw na litaw na aspekto ng nobela ay ang usapin ng interseksyunalidad. Nagmula sa teoryang feminista (partikular sa Black feminism), ang interseksyunalidad ay tumutukoy sa pagkakasala-salabid o interseksyon sa pagitan ng mga sistema ng kaapihan (hal. uri, lahi, kasarian), at pagtatagpo ng mga sistemang ito sa buhay ng mga inaapi.[5] Kitang kita ang reyalidad na ito sa paglilitis kay Tom sa bintang na panggagahasa kay Mayella. Si Tom ay isang mahirap (uri) na lalakeng (kasarian) Aprikano-Amerikano (lahi). Noong panahong iyon, kalimitan talagang mahirap ang mga Aprikano-Amerikano; kaunti ang oportunidad na ibinibigay sa kanila ng lipunan dahil sa kanilang lahi. Dahil sa kanyang lahi, napakadaling paniwalaan ng mga tao ang akusasyon sa kanya. Dahil naman sa kanyang uri, limitado ang kapangyarihan niya upang ipagtanggol ang sarili sa ‘di makatwirang bintang. Nakatulong din ang kanyang kasarian upang mabilis na paniwalaan ang bintang sa kanya, yamang ang mga lalake kadalasan ang nagsasagawa ng pananamantalang sekswal sa mga babae. Sa ganang ito, ang kanyang mga kaapihan (uri at lahi) at maging adbentahe (kasarian) ay nagsama-sama at nakapag-ambag sa pagdiin sa kanya sa kaso na hindi niya talaga ginawa.

 

Samantala, si Mayella naman ay isang mahirap (uri) na babaeng (kasarian) puti (lahi). Dahil mahirap ang kanyang pamilya, nilalayuan sila, kaya hindi nasanay na makipaghalubilo si Mayella sa ibang tao. Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit naging sabik siya sa pagmamahal ng kapwa. Nagbigay daan ito sa paghalik niya kay Tom at pagnanasa na may mangyari sa kanila. Isa pang salik tungo rito ang kanyang kasarian. Bilang babae, nakaranas siya ng pananamantalang sekswal at pabubugbog mula sa kanyang ama. Si Tom lamang ang tanging lalake na nagpakita sa kanya ng disenteng pakikitungo. Dahil dito, naitulak siya nito na magkagusto kay Tom. Samakatuwid, ang kanyang dalawang kaapihan (uri at kasarian) ay naging salik sa aksyon niya ng paghalik kay Tom. Gayunman, noong panahong iyon, labis na pinandidirihan at ipinagbabawal ng lipunan ang relasyon sa pagitan ng puti at itim. Kapag nalaman ninuman ang paghalik na ginawa niya kay Tom, pandidirihan siya ng lipunan. Ang magkaiba nilang lahi ang nagbunsod ng pambubugbog ng ama ni Mayella sa kanya. Ito rin ang nagtulak kay Mayella upang mag-imbento ng bintang na panggagahasa kay Tom. Sa pamamagitan kasi nito, maililigtas niya ang sarili mula sa stigma ng pagkakagusto ng puti sa itim. Kung ang dalawa niyang kaapihan (uri at kasarian) ay nagtulak sa kanya upang magkagusto kay Tom, ang kanya namang adbentahe (lahi) ang nagbunsod sa kanya upang lumikha ng ‘di makatwirang bintang kay Tom.

 

Samakatuwid, sa kasuhang Tom-Mayella ay mababanaag ang pagkakasapin-sapin ng tatlong pulitika ng identidad: uri, lahi, at kasarian.

 

Hindi lamang sa paglilitis kay Tom kaugnay ng bintang ni Mayella limitado ang interseksyunalidad. Kalat ito sa buong nobela. May mga eksena kung saan ipinapakita ng may-akda ang pagkakapatong-patong ng kaapihang panglahi at kaapihang pangkasarian. Halimbawa, sa isang simbahan ng mga Aprikano-Amerikano, ipinangangaral ni pastor Sykes (na isa ring itim) ang pagiging makasalanan ng kababaihan (p.138). Sa ganang ito, doble ang nararanasang kaapihan ng mga babaeng Aprikano-Amerikano. Sa kabuuan ng lipunang Maycomb, api kapwa ang lalake at babaeng Aprikano-Amerikano dahil sa kanilang lahi. Ngunit sa loob mismo ng komunidad ng mga Aprikano-Amerikano, mga babaeng itim lamang ang api sa usapin ng kasarian.

 

Siyempre ay hindi lamang naman sa loob ng Aprikano-Amerikanong komunidad limitado ang kaapihan ng mga babae. Ilang ulit ipinakita ng nobela ang kaapihan ng mga babae maging sa komunidad ng mga puti. Halimbawa, makailang ulit na binanggit ni Jem kay Scout na itigil ang pag-aktong tulad ng isang babae (kahit na babae naman talaga si Scout), dahil ang pagiging babae ay may konotasyon ng pagiging mahina, maarte, at pakialamera (p.42, 45, 58). Nariyan din ang umiiral na batas noon sa Alabama na nagbabawal sa mga babae na maging kasapi ng hurado sa mga korte (p.252).    

 

Samantala, mayroon ding depiksyon sa interseksyon ng kaapihang pang-uri at kaapihang panglahi sa nobela. Tulad ng nasabi na, limitado ang oportunidad na ibinibigay ng lipunan sa mga Aprikano-Amerikano dahil sa kanilang lahi, na dahilan kung bakit halos lahat ng mga Aprikano-Amerikano noon ay mahirap. Ito rin sigurado ang dahilan kung bakit nabanggit ng mananalaysay na hindi marunong magbasa at magsulat ang halos lahat sa isang simbahang Aprikano-Amerikano, kaya wala silang aklat ng mga himno, ‘di tulad sa mga simbahang puti (p.141). Siyempre, malinaw na ang ugat ng ganitong kawalan ng literasi ay ang limitadong oportunidad sa edukasyon, na dulot ng kahirapan nila (kahirapang nag-uugat naman sa lahi nila).

 

Ngunit tulad ng isyu ng kaapihang pangkasarian ng mga babae, hindi rin limitado sa mga Aprikano-Amerikanong komunidad ang kaapihang pang-uri. Kahit sa hanay ng mga puti ay ipinakita ni Harper Lee ang kaapihan ng mga mahihirap. Halimbawa, mayroong kaklase si Scout na nagngangalang Walter Cunningham, na inilarawan na mahirap at walang baon lagi tuwing pumapasok sa eskwelahan (p.22). Kilala ng buong Maycomb ang pamilyang Cunningham bilang mga maralita. Sa katunayan, nang maging kliyente ni Atticus bilang abogado ang ama ni Walter, ang ibinayad nito sa kanya ay hindi salapi kundi mga kahoy na pangsiga at mga pananim (p.23). Ang ganitong kahirapan ng mga Cunningham ang sanhi ng pang-aapi sa kanila ng ibang tao. Halimawa, mayroong eksena kung saan pinagbawalan si Scout ng tita niyang si Alexandra ang pakikisama kay Walter dahil basura umano ang mga Cunningham at hindi sila kauri ng mga Finch (angkan ni Scout) (p.256).

 

Makikita sa mga ito na liban sa mismong paglilitis kay Tom, laganap sa buong nobela ang interseksyunalidad sa pagitan ng uri, lahi, at kasarian. Ang pagtatagpo-tagpo ng mga ito sa usapin ng prejudice at kaapihan ay malinaw na naibuod ni Jem kay Scout ng sinabi nito na mayroong iba’t ibang uri ng tao sa Maycomb at galit sila sa isa’t isa (p.258). Aniya, ang mga Finches at iba pang kauri nila (maykaya) ay galit sa mga Ewell (mahihirap), at ang mga Ewell naman ay galit sa mga Robinson (mga itim).   

 

Nais kong igiit na ang dalawang temang ito (pagiging inosente at interseksyunalidad [partikular ang pang-aapi sa mga itim]) ang siya ring posibleng dalawang pangunahing kahulugan na nilalaman ng pamagat ng nobelang To Kill a Mockingbird. Anim na beses na nabanggit sa buong nobela ang mockingbird (tatlo sa p. 103, isa sa p. 108, isa sa p.240, at isa sa p.317), liban pa sa isang alusyon sa p.275. Sa pahina 103, nang nag-aaral bumaril si Jem at Scout, binanggit ni Atticus na maari nilang barilin ang ibang ibon, huwag lang ang mockingbird dahil kasalanan ang pagpatay sa isang mockingbird. Dahil sa kuryosidad, tinanong nila sa kapitbahay na si Miss Maudie kung bakit kasalanan ang pumatay ng mockingbird. Sumagot ito na kasalanan ito dahil wala namang ginagambala o pinipinsala ang mockingbird. Wala raw itong ibang ginagawa kundi lumikha ng magagandang musika o huni sa tenga ng mga tao. Kaya ‘di makatwiran na patayin ito. Samakatuwid, tila simbolismo ng pagiging inosente ang mockingbird. Sa pahina 273, lumitaw rin ang mensaheng ito, bagaman sa pagkakataong ito ay hindi mockingbird ang ginamit na halimbawa. Nang papatayin ni Scout ang isang alupihan, sinaway siya ni Jem, at sinabing pabayaan niya ito hindi hindi naman siya ginagambala. Maaaring tumutukoy ang mockingbird bilang simbolismo ng pagiging inosente sa dalawang magkaibang grupo.

 

Una, maaaring tumutukoy ito sa kadalisayan ng mga musmos na tulad nina Scout at Jem. Sa katunayan, sa pahina 317, nabanggit mismo ni Scout ang mockingbird, sa konteksto ng pagdaan ni Atticus sa mahirap na pagpapasya kung isasalang niya ba si Jem sa paglilitis kaugnay ng pagkamatay ni Bob Ewell. Ipinipilit ni Atticus na kailangang isalang si Jem sa paglilitis sa ngalan ng integridad dahil baka ito ang nakapatay kay Bob bilang anyo ng pagtatanggol sa sarili. Ngunit ipinipilit pinuno ng kapulisan na si Heck Tate na si Bob mismo ang aksidenteng nakasaksak sa kanyang sarili nang matumba siya. Iginiit pa ni Heck na hindi dapat ibuyangyang sa publiko ang isyung ito dahil kasalanan ang pagkaladkad sa mga inosente sa kahihiyan (ang tinutukoy niya ay si Jem). Nang kausapin ni Atticus si Scout, sinabi ni Scout na tama si Heck, dahil tila pagbaril umano ito sa isang mockingbird. Samakatuwid, sa eksenang ito, implisitong inilapat ang mockingbird bilang simbolismo para sa pagiging inosente ng mga batang tulad ni Jem. Hindi nakapagtataka kung ginamit ng may-akda ang simbolismo ng mockingbird bilang pantukoy sa pagiging inosente ng mga bata (na wala pang bitbit na prejudice), yamang tulad ng nabanggit na, inosenteng tinig mismo ng bata ang ginamit ni Harper Lee sa pagsasalaysay ng buong nobela.

 

Ikalawa, maaaring tumutukoy rin ito sa isa sa tatlong kaapihang nakapaloob sa interseksyunalidad ng nobela: ang kaapihan ng mga inosenteng itim tulad ni Tom. Sa peryodikong The Maycomb Tribune, inihalintulad ng manunulat na si Mr. Underwood ang pagkamatay ni Tom sa ‘di makatwirang pagpatay ng mga mangangaso sa mga “songbird” (na siguradong tumutukoy sa mockingbird) (p.275). Dito, tuwirang ginamit ang mockingbird/songbird na pantukoy sa mga itim na tulad ni Tom. Tulad ng mockingbird, inosente si Tom, at wala itong ibang ginawa kundi maging mabait kay Mayella. Kaya naman ang pagpatay kay Tom ay parang pagpatay sa isang mockingbird. Sa nobela, si Atticus ang nagsabing kasalanan ang pagpatay sa mockingbird (p.103). At hindi nagkataon lamang na sa nobela, siya rin ang nagwika na sampung ulit na mas masahol ang pandaraya sa mga itim kaysa pandaraya sa mga puti (p.229) (marahil, ito’y sapagkat inosente kadalasan ang mga itim sa mga bintang sa kanila, at kumpara sa mga puti, wala silang kakayahan na ipagtanggol ang kanilang mga sarili). Samakatuwid, parehong masahol para kay Atticus ang pagpatay sa mga mockingbird at pang-aapi sa mga itim.

 

Bilang paglalagom sa mga bagay na naitala natin sa itaas, ang mockingbird ang nagtatagpi sa dalawang pangunahing tema ng pagiging inosente at interseksyunalidad sa pamamagitan ng pagsisilbing simbolismo ng: 1. Dalisay na kaisipan ng mga musmos na hindi pa nababahiran ng abnormalidad ng kanilang lipunan kaya malinaw pa sa kanila ang pagiging ilohikal ng rasismo, at 2. Pang-aapi sa mga inosenteng Aprikano-Amerikanong tulad ni Tom na walang awang pinapatay, walang habas na pinipipe ng isang lipunang bingi sa musikang nililikha ng mga ito.

 

At ang mga ito ang dahilan kung bakit patuloy na makabuluhan ang To Kill a Mockingbird bilang isang kontemporaryong teksto, lalo na sa lipunang Pilipino. Hanggat mayroong inhustisya sa isang lipunan, hanggat mayroong indibiduwal na inaapi nang dahil sa kanilang uri, lahi, o kasarian, hanggat ang inosente ay pinaparusahan at ang maysala ay pinababayaan, hanggat bingi ang tao sa musikang nililikha ng kanilang kapwa, patuloy na dapat basahin ang klasikong nobela ni Harper Lee.  



[1] Pahayag ni Leni Robredo na matatagpuan sa Rappler, “Leni Robredo talks about her favorite book 'To Kill A Mockingbird,'” Marso 31, 2022, Youtube channel ng Rappler, https://www.youtube.com/watch?v=2Tsktfg_bSk, inakses noong Hunyo 30, 2022.

[2] Anna Foca, “To Kill a Mockingbird, Novel by Lee,” websayt ng Britannica, https://www.britannica.com/topic/To-Kill-a-Mockingbird, inakses noong Hunyo 30, 2022.

[3] Mainam na banggitin kahit sa talababa man lamang na tila ginamit ni Harper Lee na reperensya para sa kaso ni Tom ang kwento ni Joseph sa Genesis. Hindi naman imposible ito sapagkat puno ng reperensyang Biblikal ang nobela (hal. paggaya nina Jem sa kwento nina Shadrach, Meshach at Abednego sa pahina 133). Napakaraming makikitang paralelismo: 1. Parehong inosente si Joseph at Tom, 2. Ang asawa ni Potiphar ang nagkusa na tumukso kay Joseph, at si Mayella rin ang nagtangka kay Tom, 3. Pareho si Joseph at Tom na tumakbo papalayo sa halip na magpatukso, 4. Pareho silang pinaratangan ng ‘di totoong panggagahasa, at 5. Pareho silang nilitis at ipinakulong.    

[4] F. Sionil Jose, Tree, Eighth Printing (Ermita, Manila: Solidaridad Publishing House, 2008).

[5] Anna Carastathis, “The Concept of Intersectionality in Feminist Theory,” Philosophy Compass 9:5 (2014): 304–314

Wednesday, June 22, 2022

Rebyu #105 -- Maganda pa ang Daigdig ni Lazaro Francisco

Francisco, Lazaro. Maganda pa ang Daigdig. Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 1982.


ANG ETIKA NG MAGANDA SA NOBELA NI LAZARO FRANCISCO

 

Ang mga literatura gaya ng nobela ay mayayamang balon na mapagsasalukan ng samu’t saring pagpapakahulugan. Minsan ay nakabatay sa gagamiting pangsalok ang uri ng tubig na masasalok mula sa mga balon na ito. O sa pangungusap na walang metapora, nakabatay ang mga pagpapakahulugang makukuha sa mga nobela alinsunod sa gagamiting mga konsepto, balangkas, o pananaw sa pagbasa dito.

 

Ang nobela ni Lazaro Francisco na Maganda pa ang Daigdig ay tulad rin ng isang mayamang balon. Nais kong sumalok sa balon na ito gamit ang konsepto ng “maganda.” Isa sa mga mapanghawang-landas na akdang nagpayabong ng pag-unawa natin sa konsepto ng maganda ay ang aklat na Ang Maganda sa Teolohiya nina Jose de Mesa at iba pang kapwa niya teologo.[1] Ipinaliwanag nila sa aklat na sa kulturang Pilipino, ang maganda, kaiba sa Kanluraning konsepto ng beauty, ay hindi lamang tumutukoy sa panlabas o estetikal na aspekto kundi pati sa panloob o etikal na dimensyon. Malinaw itong ipinapakita ng wika natin. Sa wikang Filipino, madalas na sinonimo ang mabuti at maganda. Sinasambit natin ang “magandang umaga” bilang salin ng “good morning” sa halip na “mabuting umaga.” Sa bokabularyo ng mga Kristiyanong Pilipino, kapwa katanggap-tanggap na salin ng Good News ang Mabuting Balita at Magandang Balita. Halos magkasing-kahulugan din sa wika natin ang kabutihang-loob/kabutihang-asal at kagandahang-loob/kagandahang-asal. Ang kabaliktaran ng maganda, na “pangit”, ay may etikal na dimensyon din tulad ng maganda. Ginagamit ng mga Pinoy ang pangit bilang paglalarawan sa masamang asal (“ang pangit naman ng ugali niyan”, “pangit ang pagpapalaki sa batang iyan”, “pangit siyang makitungo sa kapwa”). Kaalinsabay nito, siyempre ay may panlabas/estetikal na nilalaman din ang konsepto ng maganda. Ipinanglalarawan din natin ito sa mga panlabas na anyo (“maganda ang kanyang mga mata”, “maganda ang disenyo ng bahay”, “puno ng magagandang tanawin ang lugar na ito”). Samakatuwid, malinaw sa kulturang Pilipino ang sabay na pag-iral ng panloob (etikal) at panlabas (estetikal) na dimensyon ng maganda.

 

Naaangkop sa akda ni Lazaro Francisco ang paglalapat dito ng konsepto ng maganda, dahil bukod sa nasa titulo mismo ito ng nobela, makailang ulit itong nabanggit sa buong akda. Malinaw ang pagganap ng maganda sa nobela bilang isang konseptong etikal. Maituturing na pinakabuod ng nobela ang dalawang magkahiwalay na pahayag na binanggit ng karakter ni Miss Loreto “Luring” Sanchez kung saan lumitaw mismo ang titulo ng akda:

 

Nais kong mapaligaya ng aking pag-ibig at ng aking pagmamahal ang maraming nangangailangan upang mapanatili sa kanila ang paniniwalang maganda pa ang daigdig kahiman puno na ng dungis (p.54).

 

Ibig kong suhayan ang isang pag-asang nagigipo! Ibig kong mabigyan ng sandalan ang isang pananalig na nawawalan ng sandigan! … Ibig kong makita ng lahat na maganda pa ang buhay, maganda pa ang daigdig, at karapat-dapat pa ito sa ating pag-ibig at pagpapakasakit, pagkat may mga nilikha pang marunong mabuhay nang di dahil lamang sa kanilang sarili! (361).

 

Sa mga siping ito, madaling mahihinuha na ang “maganda pa ang daigdig” ay isang patuloy na pag-asa, pag-aasam ng isang mas maayos na lipunan sa gitna ng mapangit na daigdig. Kaya sinasambit ang “maganda pa ang daigdig” ay dahil sa mas nangingibabaw na kapangitan ng daigdig. Laganap sa buong nobela ang paglalarawan sa kapangitang ito ng daigdig.

 

Mahusay na nailarawan ng nobelista ang kapangitang ito gamit ang buhay ng bidang si Lino Rivera. Tila puro kapangitan ang mga naranasan ni Lino sa buhay. Sapilitan siyang naisali bilang sundalo sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig laban sa mga Hapon. Habang nakapiit siya sa Bataan, ang kanyang asawa ay ginahasa ng mga Hapon, na nagtulak sa babae upang kitilin ang sariling buhay. Nang makatakas siya, matagal na panahon ang lumipas bago niya natagpuan ang kanyang anak. Labis na pagbabata ang kanyang dinanas upang itaguyod ang anak. Hindi niya ito nagawang pag-aralan dahil sa hirap nang buhay. Naranasan pa ni Lino na dayain sa trabaho, hindi paswelduhin mula sa kanyang pinaghirapan, at mapalayas sa inuupahan dahil sa kawalan ng pambayad. Nasanay silang mag-ama na kumalam ang sikmura sa gutom. Makailang ulit din na nakulong si Lino dahil sa mga bintang na walang katotohanan.

 

Bukod sa personal na buhay na ito ni Lino, ipinakita rin ng nobela ang kapangitan ng daigdig sa pamamagitan ng pagkastigo sa ilang pangit na sistemang umiiral sa lipunang Pilipino. Nangunguna na rito ang pagkritika ng nobelista sa sistemang pakikisama (tenancy system). Malaman ang naging diskurso ukol dito lalo na sa pagitan ng usapan nina Lino at Pari Amando (p.60-66), at sa talumpati ni Pari Amando sa harap ng mga kasamang asendero (p.127-133). Pinuna ng may-akda, sa pamamagitan ng tinig ni Lino at Pari Amando, ang kapangitang dala ng sistemang pakikisama sa lipunang Pilipino: ang pagpapatindi ng puwang sa pagitan ng mga makapangyarihang panginoong maylupa at mga busabos na kasama. Nabanggit halimbawa ni Lino na ang kaapihan ng pagiging busabos na kasama ay namana pa ng kanilang pamilya mula pa sa kanilang kanunu-nunuan. Sa talumpati ni Pari Amando, binansagan niya ang sistemang ito na “kalawang ng kahapon” at “mahapding aglahi sa mukha ng demokrasya” (p.128). Ito rin ang itinuro niyang sanhi kung bakit mas nagiging madali ang pagrekrut sa mga magbubukid bilang kasapi ng mga Huk.

 

Isa pang mapangit na tatak ng lipunang Pilipino ayon sa nobela ay ang depektibong sistema ng katarungan. Makalawang ulit na nakulong si Lino kahit na siya’y inosente, dahil sa suplong ng mga pekeng saksi. Sa buong nobela, makailang ulit binanggit ang pag-iral ng depektibong mga batas na nagiging sanhi kung bakit napaparusahan ang mga inosente (hal. sa palitan nina Kumander Hantik at Lino, nina Don Tito at Pari Amando, at sa talumpati ni Lino sa mga kasama niyang takas).

 

Ang lahat ng ito ay nagpapakita na pangit talaga ang daigdig. Ngunit sa gitna ng kapangitang ito ay may munting pag-asa ang nobelista na gaganda pa ang daigdig. At batay sa dalawang susing pahayag ni Miss Sanchez, ang daan tungo sa katuparan ng pagganda ng daigdig ay pag-ibig. Pag-ibig din ang susi upang mabuhay sa puso ng kapwa ang pag-asang ito ukol sa pagganda ng daigdig. At malinaw sa buong nobela na ang pag-ibig na ito ay hindi romantikong pag-ibig batay sa kasarian (o eros sa Griyego), kundi pag-ibig sa kapwa-tao (o phileo sa Griyego). Halimbawa, sinabihan ni Miss “Mina” Lavadia si Miss Sanchez na matigas ang kanyang puso dahil sa hindi pagbibigay ng pag-asa sa manliligaw nitong si Kapitan Roda, ngunit iginiit ni Miss Sanchez na napakalambot ng kanyang puso (p.331). Matigas ang puso niya kung ang pagbabatayan ay pag-ibig na romantiko (eros), ngunit malambot ito kung ang batayan ay pag-ibig sa kapwa-tao (phileo). Sa ibang bahagi ng nobela, nabanggit din na tinatawag ng iba si Miss Sanchez na “babaeng walang pag-ibig.” Ito ay sapagkat ang tinutukoy nilang pag-ibig ay romantiko. Ngunit malinaw na puno ng pag-ibig si Miss Sanchez kung pag-ibig sa kapwa ang sukatan. Makailang ulit halimbawang binanggit ni Miss Sanchez ang pag-ibig niya sa ampon niyang si Ernesto, na anak ni Lino (p.297). Ipinapakita ng mga ito na ang tinutukoy sa nobela na pag-ibig na daan tungo sa pagiging maganda ng daigdig ay pag-ibig sa kapwa-tao (phileo) at hindi pag-ibig na romantiko (eros).

 

Ang pagpaprayoridad ng nobela sa pag-ibig sa kapwa kaysa pag-ibig romantiko ay nakaayon din sa mas mabigat na pagtitimbang ng nobela sa kagandahang panloob (etikal) kaysa kagandahang panlabas (estetikal). Ito’y ‘di kataka-taka, sapagkat madalas, ang pag-ibig romantiko ay nakabatay sa kagandahang panlabas, habang ang pag-ibig sa kapwa ay nakabatay sa kagandahang panloob. Kitang kita ito sa palitan nina Kapitan Roda at Miss Sanchez (p.197):

 

Miss Sanchez: Esther Mathews. Isa siyang mestisa-Amerikana… Sa palagay ko’y napakaganda niya…

Kapitan Roda: Huwag mo nang banggitin sa akin, Luring, ang ganda ninuman. Ang kagandahan ninumang maganda ay nauuwi lamang sa maging simpatika sa piling mo.

Miss Sanchez: Saan mo ba tinitingnan ang kagandahan, Carlos?

Kapitan Roda: Saan? Saan pa kundi sa lahat ng bagay. Sa mukha, sa diwa, sa puso, sa budhi, sa kaluluwa, sa lahat!

 

Sa palitang ito, makikita na bagaman nagsimula ang usapan sa kagandahang panlabas ng babae dahil sa romantikong pag-ibig ni Kapitan Roda kay Miss Sanchez, nauwi ito sa pagtalakay ukol sa kagandahang panloob. At sa mga nabanggit ni Kapitan Roda na mga aspekto ng kagandahan, isa lamang ang pasok sa kategorya ng kagandahang panlabas (mukha) habang ang nalalabi ay puro ukol sa kagandahang panloob (diwa, puso, budhi, kaluluwa). Kaugnay nito, sa palitan naman ni Miss Sanchez at Miss Lavadia, nabanggit nitong una na (335):

 

Magtataka ka, Mina, marahil, sa kaibhan ng paningin ko at panlasa sa pag-uri sa katangian ng isang lalaki, o ng sinumang tao. Ang tinitingnan ko sa tao ay di ang kaniyang baro kundi ang kaniyang katauhan. At, ang tinitingnan ko naman sa katauhan ng tao ay di ang kaniyang katawan kundi ang kaniyang kaluluwa.

 

Muli, makikita sa siping ito na ang batayan ng pag-ibig ni Miss Sanchez ay mga bagay na may kinalaman sa kagandahang panloob kaysa kagandahang panlabas. Sa pamamagitan ng pag-ibig sa kapwa na nakabatay sa kagandahang panloob, naniniwala si Miss Sanchez na ang kapwang pinag-ukulan ng pag-ibig ay patuloy na magkakaroon ng pag-asa na gaganda pa ang daigdig. At ang pag-ibig na ito ay hindi lang daan para patuloy na umasa ang kapwa na gaganda pa ang daigdig, ito mismo ang instrumento upang aktuwal na mapaganda ang daigdig. Sabi nga ni Miss Sanchez, “maganda pa ang daigdig, at karapat-dapat pa ito sa ating pag-ibig at pagpapakasakit, pagkat may mga nilikha pang marunong mabuhay nang di dahil lamang sa kanilang sarili!” Sa gayon, kung matututong mabuhay ang mga tao para sa kanilang kapwa dahil sa pag-ibig, unti-unting gaganda ang daigdig. Sa kabaliktaran, kung magiging makasarili ang mga tao at wala silang magiging pag-ibig sa kapwa, walang pag-asa na gumanda ang daigdig, at sa halip ay mas papangit pa ito.

 

Samakatuwid, ang maganda bilang konseptong etikal sa nobela ni Lazaro Francisco ay naglalaman ng pag-ibig bilang pangunahing sangkap nito. Ngunit hindi lamang pag-ibig ang nilalaman nito. Isa pang mahalagang sangkap ng konseptong ito sa nobela ay ang pananampalataya sa Diyos. Makailang ulit na dinambana sa nobela ang elementong ito. Halimbawa, nang aarestuhin na si Lino nang mga awtoridad dahil sa maling paratang, itinagubilin niya sa anak na si Ernesto na (p.150):

 

Huwag kang mawawalan ng pananalig sa Diyos, Ernesto! Iyan na lamang. Sa mga bagay na dati kong pinaniniwalaan, ang tanging di ko ibig na mawala pa sa akin… Sa Kaniya ka tatawag kapag nawawalan ka ng pag-asa.   

 

Pagkatapos nito ay iniwan niya ang kanyang krusipiho kay Ernesto. Sa palitan naman ni Kumander Hantik at Lino, ganoon na lamang kahalaga ang pananampalataya ni Lino na binanggit niyang ang isa sa pinakadahilan kung bakit ayaw niyang sumapi sa mga komunistang Huk ay dahil walang Diyos ang mga ito. Nariyan din ang depiksyon kay Miss Sanchez na relihiyoso, na laging nagdadala kina Ernesto at Ernestina sa simbahan. Ang prominenteng papel ni Pari Amando (at magandang depiksyon sa kanya bilang pari) sa buong nobela ay nagpapatibay rin sa pagpapahalaga ng nobela sa pananampalataya. Implisito sa nobela ang paninindigan na kinakailangan ang relihiyon o pananampalataya sa Diyos para sa pagbuo ng isang magandang daigdig.

 

Liban sa pag-ibig at pananampalataya, nariyan din ang katarungan bilang nilalaman ng maganda. Matibay ang mensahe ng nobela na kinakailangan ang katarungan upang magkaroon ng magandang daigdig. Halimbawa, binanggit ni Lino sa mga kasama niyang takas na mahalaga sa ilalim ng anumang pamahalaan ang katarungan (p.348). Ang kawalan mismo ng katarungan ang pinupuna ni Lino sa pamahalaan ng Pilipinas, at ang kawalan nito rin ang dahilan kung bakit kinakailangan pa nilang tumakas mula sa bilangguan. Sa usapin din ng katarungan humuhugot si Lino at Pari Amando ng katwiran laban sa sistema ng pakikisama. Ang eksposisyon sa konsepto ng katarungan sa nobela ay higit na makikita sa talumpati ni Lino sa kanyang mga kasamahang takas. Implisitong mahihinuha mula sa talumpati na ang katarungan ang naghihiwalay sa tama at mali. At ang distinksyon sa tama at mali, ayon kay Lino, ay nakabatay naman sa sariling budhi ng isang tao. Aniya (p.264):

 

Susuhayan natin ang katwiran at katarungan saanman at kailanman, ayon sa bulong ng sarili nating budhi.Kukupkupin natin at ipagsasanggalang ang sinumang api at pinagkaitan ng katarungan sa loob at labas ng bayan.

 

Ang pananaw ni Lino sa katarungan din ang pinaghuhugutan ng kanyang kritika kapwa sa mga Huk at sa Pamahalaan. Sa isang banda, pinupuna niya ang diktadurang nais itatag ng mga Huk (na para sa kanya ay labag sa prinsipyo ng demokrasya), gayundin ang kanilang panliligalig sa ilang mga inosenteng tao (tulad ng pagnanakaw para sa pagpapatuloy ng kanilang operasyon). Sa kabilang banda, pinupuna niya naman ang mga baluktot na batas na mayroon ang Pamahalaan, gayundin ang pamamayani ng sistemang pakikisama.

 

Sa kabuuan, itong tatlo ang nilalaman ng maganda bilang konseptong etikal sa nobela: pag-ibig, pananampalataya, at katarungan. At naniniwala ang nobelista na ang mga sangkap na ito ang kinakailangan upang mapaganda pa ang daigdig.



[1] De Mesa, Jose M., Estela P. Padilla, Levy L. Lanaria, Rebecca G. Cacho, Yuri D. Cipriano, George N. Capaque, Timoteo D. Gener. Ang Maganda sa Teolohiya. Quezon City: Claretian Communications Foundation, Inc., 2017.

Saturday, April 2, 2022

Rebyu #104 -- Trese 5: Midnight Tribunal nina Budjette Tan at Kajo Baldisimo

Tan, Budjette, Kajo Baldisimo. Trese 5: Midnight Tribunal. Pasay City: Visprint, Inc., 2012.

 

Kung mayroon mang isang temang pinakalitaw sa bolyum 5 ng Trese, ito ay ang malalang korapsyon sa Kalakhang Maynila, at ang matinding pangangailangan ng katarungan. Ang palala nang palalang korapsyon ang dahilan kung bakit lumitaw sa bolyum na ito ang ibang mga karakter bukod kay Trese na nagtangkang ilagay ang katarungan sa kanilang mga kamay: ang tikbalang na si Maliksi bilang Maverick Rider, at ang tatlong abogado bilang Judges (na nagtataglay ng kapangyarihan ni Datu Makkata Runggan). Samu’t sari ang korapsyon at krimen na ipininta nina Budjette at Kajo sa bolyum na ito, tulad ng ilegal na droga, ilegal na pagtotroso, nakaw na mga sasakyan, pangangamkam ng lupain, at pagpatay. Ngunit isa sa pinakamatingkad na pagsasalarawan ng korapsyon sa bolyum ay ang pagtukoy sa isang gobernador bilang may pakana ng maraming ilegal na gawain. Binigyan ng mga may-akda ng pangalan ang gobernador: Sunny Romualdez.

 

Ang gobernador ay protektado ng isang karakter na binansagan nila na “Madame.” Ginamit nila si Imelda Marcos bilang inspirasyon ng karakter na ito. Ayon sa deskripsyon ng kwento, si Madame ay kauuwi pa lamang sa Pilipinas mula sa ibang bansa; mahilig umano itong mangolekta ng mahahalagang gamit; at madalas daw itong kumilos upang protektahan ang mga pulitikong may kaugnayan sa kanya o tagasuporta niya. Malinaw ang pisikal na pagkakahawig ng karakter sa hitsura ni Imelda. Sa katunayan, sa mismong Afterword ay tuwirang binanggit ni Budjette Tan ang kontrobersyal na First Lady:

 

Yvette’s tale plus Carlos’ stories about how influential the First Lady was in the course of Philippine history, if she was able to enchant presidents and generals, Holywood celebrities and foreign dictators, what kind of power would the Madame in Trese’s universe be able to wield? The thought made me shudder and excited me at the same time.

 

Hindi ito ang unang pagkakataon na gumamit sina Budjette at Kajo ng mga totoong tao bilang inspirasyon ng kanilang mga karakter sa Trese. Sa bolyum 4, nauna na nilang ginamit si Manny Pacquiao bilang inspirasyon sa karakter ng boksingerong si Manuel. Bukod kay Imelda, ginamit din sa bolyum 5 ang katauhan ng mga artistang sina Edu Manzano, Herbert Bautista, at Richard Gomez bilang inspirasyon para sa karakter ng tatlong abogado sa Trese na halos ganito rin ang mga pangalan: Eddie Manzano, Richard Bautista, at Herbert Gomez. Isa sa mga pakinabang ng ganitong paghalaw ng inspirasyon sa mga totoong tao ay nagiging mas Pinoy ang dating ng kwento. Lalong mahalaga ang paggamit kay Imelda bilang inspirasyon sa likod ng karakter ni Madame, dahil lalo nitong naididiin ang mensahe na ang Trese ay salamin ng karumihan ng lipunang Pilipino (partikular na ng mga korapsyon sa Kamaynilaan).  

Thursday, March 31, 2022

Rebyu #103 -- Trese 4: Last Seen After Midnight nina Budjette Tan at Kajo Baldisimo

Tan, Budjette, Kajo Baldisimo. Trese 4: Last Seen After Midnight. Imus, Cavite: 19th Avenida Publishing House, 2022.

 

Tulad ng naunang mga bolyum, hitik sa kawili-wiling mga kwento ang ikaapat na bolyum ng Trese. Episodiko ito tulad ng una at ikalawang bolyum (kaiba ng ikatlong bolyum ukol sa pinagmulan ni Trese na may katangiang kronolohikal). Bagaman walang kaugnayang kronolohikal ang apat na kwentong nakapaloob sa Trese 4, may isang malinaw na pising nag-uugnay sa kanila: ang pagkastigo sa masamang kalikasan ng tao at ng kanyang lipunan.

 

Kitang-kita ito sa Cadena de Amor, kung saan may sindikato ng mga marino na nambibiktima ng mga kababaihan. Ang ganitong pambibiktima ang nakapagpagalit sa tinawag sa komiks na “plant elementals.” Malinaw nitong inilalantad ang sistema ng human trafficking sa mga kababaihang Pilipina na ipinapadala sa ibang bansa. Mapapansin sa kwentong ito ang tila paggamit ng taktikang inclusio[1] upang maidiin ang pinakatema ng kwento: nagsimula ito sa isang serial rapist na nagtatangkang manggahasa ng isang babae sa parke, at nagtapos ito sa kaso ng panggagahasa at pagpatay sa isang babaeng ipagbibili dapat sa ibang bansa.   

 

Sa Private Collection, lantad muli ang kasamaan ng tao. Sa katunayan, sa kwentong ito, isang mortal na tao ang salarin sa pagpatay sa mga manananggal, aswang, tikbalang, dwende at iba pa. Ang mga kakaibang nilalang na ito ang nagmakaawa sa isang tao na patayin na sila imbis na pahirapan pa. At ayon sa kwento, ginawa ng tao ang mga krimen na ito dahil lang sa pagkabagot.

 

Sa Wanted Bed Spacer, mas maganda rin ang pagpinta sa imahe ng mga kakaibang nilalang kaysa mga tao. Pansin ito sa makulay na paglalarawan sa bangungot, isang babaeng enkanto na yumayakap at humahawak sa dibdib ng taong may mabigat na pinagdadaanan, upang mapangalagaan ang puso nito mula sa pagkawasak. Sa tuwing dumadaan sa sobrang nakakalungkot na sitwasyon ang tao, higit na humihigpit ang paghawak ng bangungot sa puso nito, na dahilan kaya sumisikip ang kanyang dibdib. Kapag naging labis na ang nararamdaman ng tao, labis din ang paghawak ng bangungot sa puso hanggang sa tuluyang mamatay ang tao. Kapag napagtanto bigla ng bangungot ang kanyang nagawa, lumuluha ito hanggang sa mamatay rin na kasama ng tao. Ipinakita ng kwento ang mabuting intensyon ng bangungot, na mas nagmahal pa sa karakter na si Roy sa kwento, kaysa sa mismong kasintahan niya na nang-iwan sa kanya at nagdulot ng labis na pighati. Kaiba ng mabuting pagpinta ng kwento sa mga kakaibang nilalang, mas negatibo ang pagpinta ng kwento sa mga tao, bagaman implisito ang paraan ng ganitong pagpintang ginawa sa kwento. Halimbawa, nang banggitin sa kwento ang ukol sa pagpapakamatay ng isang estudyante dahil sa pagbagsak niya sa pagsusulit at takot na mabigo niya ang kanyang mga magulang, implisitong kinikritika ng mga may-akda ang labis na ekspektasyon ng mga magulang sa kanilang mga anak. Makikita rin ang ganitong implisitong kritisismo sa kwento ukol sa batibat. Ito ay mga nilalang na nakatira sa mga puno, at nananatili sila sa kahoy kapag pinutol ang mga ito at ginamit sa pagpapagawa ng bahay. Ang mga batibat na nasa kahoy ng bahay ang dumadagan sa natutulog na nakatira. Maaaring mahaka na isa itong implisitong kritika sa pagsira ng mga tao sa kalikasan. Sa maikling salita, mas mainam ang pagpinta ng kwento sa imahe ng mga kakaibang nilalang kaysa  sa mga tao mismo.

 

Sa Fight of the Year, ang boksingerong karakter ng kwento na si Manuel na taga-General Santos City ay malinaw na humalaw ng inspirasyon kay Manny Pacquiao. Sa kwentong ito, isang beses kada taon ay nakikipagboksing si Manuel sa labindalawang halimaw upang mapangalagaan ang kapayapaan ng General Santos. Mayroon kasi siyang kasunduan sa halimaw na si Sytan, na bawat matatalo niyang halimaw ay lilisan mula sa General Santos at hindi manggugulo doon sa loob ng isang buong taon. Bagaman malinaw sa kwento na mga kakaibang halimaw (tulad ni Sytan) ang kontrabida at tao ang bida (tulad ni Manuel), may implisito pa rin itong kritika sa masamang kalikasan ng tao. Makikita ito sa pagbatikos sa pagiging bukas ng tao (tulad ni Noni, na isang nakababatang boksingero) na gawin ang kahit na anong bagay para sa kasikatan at kayamanan.  

 

Malinaw ang mensaheng ipinahahatid ng bolyum na ito: minsan, mas nakakatakot pa ang mga tao kaysa sa mga halimaw sa ating mga kwentong bayan at imahinasyon. At hindi nakapagtataka ang gantong mensahe ng bolyum 4, dahil ang buong serye ng Trese ay nakapaloob sa pampanitikang genre ng noir, na patungkol sa mga krimen sa siyudad. Kaya naman makikitaan ito ng mga implisitong pagkastigo sa urban na lipunang Pilipino.

 

Tulad ng naunang tatlong bolyum, malikhaing napaghalo nina Tan at Baldisimo ang luma at bago sa bawat kwento: sinaunang plant elementals at modernong human trafficking, sinaunang manananggal at modernong hunters, sinaunang bangungot at modernong mga estudyante sa unibersidad, sinaunang mga halimaw at modernong boksingero. Sa pamamagitan ng ganitong uri ng pagkukuwento ng Trese, nagsisilbi itong pedagohikal na kasangkapan: naituturo nito sa kontemporaryong henerasyon ang mayamang kultura ng mga kwentong bayan sa Pilipinas, sa pamamagitan ng interesanteng pamamaraan. Makakaramdam kaagad ng kaugnayan ang mga mambabasa sa mga kwento ng Trese, kahit pa mga makalumang paniniwala ang tinatalakay, sapagkat ang lunsaran o tanghalan ng mga kwento ay ang pamilyar na modernong lipunang Pilipino.   



[1] Isang taktikang pampanitikan, kung saan gumagamit ang may-akda ng parehong mga salita o linya o senaryo bilang pagbubukas at pagtatapos ng isang kwento, upang maipahatid ang pinakatema nito.

Wednesday, March 23, 2022

Rebyu #102 -- UP into the 21st Century and Other Essays ni Francisco Nemenzo

Nemenzo, Francisco. UP into the 21st Century and Other Essays. Quezon City: University of the Philippines Press, 2000.

 

Liberal education, if it is authentic, strives to breed a different type of intellectuals who combine technical competence with sensitivity, imagination, a critical mind, and an awareness that their responsibility is to serve the people, not the ones who rule them. (p.99)


Ang aklat ay koleksyon ng mga sanaysay ni Francisco Nemenzo, na inilimbag ng UP Press sa okasyon ng pagkakahirang sa kanya noong Marso 2000 bilang ika-18 pangulo ng Unibersidad ng Pilipinas. Tulad ng paliwanag ng noo’y bise presidente ng unibersidad na si Ma. Serena Diokno, inilimbag ang akda upang maipakilala si Nemenzo at ang kanyang mga pananaw sa mas malawak na komunidad ng UP. Ang mga sanaysay na piniling makasama sa koleksyon ay puro nakatutok sa mga paksa ng edukasyon: mga suliranin ng UP bilang isang unibersidad, edukasyon sa gitna ng mga makabagong teknolohiya, liberal na edukasyon, kalayaang akademiko, kilusang pangmag-aaral, at iba pa.

 

Sa palagay ko, maibubuod sa tatlong salita ang pananaw ni Nemenzo ukol sa ideyal na edukasyon na nailatag niya sa mga sanaysay: mahusay, progresibo, makabuluhan.

 

Mahusay. Mararamdaman sa mga sanaysay ni Nemenzo ang pagkaasiwa sa uri ng edukasyon na kuntento na sa pagiging pangkaraniwan (mediocre). Madalas na ipinagmamalaki na isa ang Pilipinas sa mayroong pinakamaraming porsyento ng populasyon na marunong magbasa at magsulat, at nakatapos ng kolehiyo, at isa rin sa mga bansang may pinakamarami bilang ng mga paaralan. Subalit iginiit ni Nemenzo na ang kahusayan ay nakabatay sa kalidad, hindi sa kwantidad. Binatikos ni Nemenzo ang komersyalisasyon ng edukasyon, kung saan tinitingnan na lamang ang edukasyon bilang proseso ng paglikha ng mga propesyunal na kailangan ng estado at ng mga korporasyon. Aniya ang tawag sa ganitong sistema ay sertipikasyon, hindi edukasyon. Para sa kanya, ang tunay na edukasyon ay paghubog sa kritikal na kamalayan ng mga mag-aaral, mga mag-aaral na nag-aaral dahil sa pagmamahal sa pagkatuto, at hindi lamang upang magkatrabaho. Ito para kay Nemenzo ang edukasyong tunay na mahusay. Binatikos niya ang ilang salik na nagdudulot ng pagiging pangkaraniwan o mediocre ng sistemang pang-edukasyon ng bansa, tulad ng maliit na pasweldo sa mga guro, na dahilan kung bakit nagdadalawang-isip ang mga pinakamatatalino at pinakamahuhusay na estudyanteng pasukin ang larangan ng akademya matapos makagradweyt.

 

Progresibo. Pinuna rin ni Nemenzo ang pagpaprayoridad ng pamahalaan sa mga larangang teknikal kaysa sa liberal na edukasyon. Gusto raw kasi ng pamahalaan na magsilbi lamang ang unibersidad na tagapagprodyus ng mga manggagawang maglilingkod sa estado at sa mga korporasyon, sa ilalim ng sistemang kapitalista. Aniya, hindi ganito ang tunay na misyon ng unibersidad. Bagkus, ang unibersidad ay mayroong responsibilidad na bigyan ang mga mag-aaral ng kamalayan ukol sa malawakang istruktura ng pang-aapi sa lipunan. Ikinategorya niya ang mga intelektuwal na naipoprodyus ng unibersidad sa dalawa: mga teknokratikong intelektuwal at mga bisyonaryong intelektuwal. Ang teknokratikong intelektuwal daw ay gumagamit ng kanilang talino para sa pamahalaan at mga korporasyon. Pasibong tinatanggap ng mga teknokratikong intelektuwal ang umiiral na sistema. Sa kabaliktaran, malinaw sa mga bisyonaryong intelektuwal na ang dapat nilang paglingkuran ay ang taumbayan, at hindi ang mga naghaharing uri. Kinukuwestiyon ng mga bisyonaryong intelektuwal ang umiiral na sistema, at kumikilos sila para sa pagbuo ng bagong sistema na mas makatarungan at mas napapanahon. Ang mga bisyonaryong intelektuwal aniya ang dapat maiprodyus ng mga unibersidad.

 

Makabuluhan. Isa pang katangian ng ideyal na edukasyon para kay Nemenzo ay ang pagiging makabuluhan nito. Hindi lamang dapat na mahusay ang edukasyon, dapat na malinaw ang saysay nito sa taumbayan, batay sa kasalukuyang kalagayan ng lipunan. Kaya naman makailang ulit niyang nabanggit sa ilang mga sanaysay na hindi dapat magpahuli ang mga guro sa paggamit ng mga makabagong teknolohiya at midya para sa kanilang pagtuturo. Hindi raw dapat pabayaan ito sa kamay ng mga mangmang, na ginagamit lamang ang mga ito para libangin ang taumbayan, sa halip na mapalago ang kanilang kaalaman. Aniya, maaaring gamitin ng unibersidad ang mga makabagong teknolohiya at midya (telebisyon at radyo) upang mademokratisa ang edukasyon, maipalaganap ang pagkatuto sa labas ng apat na sulok ng silid-aralan.

 

Kaugnay ng mga ito, isa pang natatanging rekomendasyon ni Nemenzo para sa pagpapaunlad ng sistemang pang-edukasyon ay ang pag-aalis ng mga programang teknikal mula sa mga unibersidad. Aniya, ang tunay na gampanin ng unibersidad ay lumikha ng mga pantas, hindi magprodyus ng mga kinakailangang trabahador ng pamahalaan at ng mga korporasyon. Maaaring magtayo ng mga paaralan na espesyalisado talaga sa mga teknikal na programa. Aniya, maging sa hayskul ay maaaring ikabit ang ganitong mga bokasyunal na larangan. Marami naman daw uri ng trabaho hindi kailangan ng digri mula sa unibersidad, yamang ang kailangan ay praktikal na kakayahan. Sa ibang bansa, hindi naman hinahanapan ng digri mula sa unibersidad ang ilang mga trabahong teknikal, yamang wala naman minsang kaugnayan ang kanilang pinag-aaralan sa unibersidad sa kanilang magiging trabaho. Ang resulta tuloy nito ay ang pagdami ng mga gradweyt sa unibersidad na walang trabaho, o hindi tugma ang trabaho sa kanilang inaral. Kaya praktikal na ihiwalay ang mga teknikal na programa sa unibersidad, na mas nakatuon aniya dapat sa liberal na edukasyon. Sa pamamagitan nito, mas makakapagpokus daw talaga ang mga unibersidad sa paglikha ng mga pantas na tunay na may pagmamahal sa pagkatuto, mga pantas na may kakayahang suriin ang lipunan.

 

Mainam na babasahin ang aklat na ito para sa mga administrador ng mga unibersidad para sa pagmumuni-muni nila sa paggawa ng mga polisiya; para sa mga mga guro’t propesor sa pagsusuri nila sa pilosopiya ng edukasyon na mayroon sila; at pati na rin para sa mga estudyante, upang mapagnilayan nila ang tatahaking landas bilang mga akademiko sa hinaharap.

Rebyu #118 - The God Who is There: Finding Your Place in God’s Story ni D.A. Carson

Carson, D.A. The God Who is There: Finding Your Place in God’s Story . Grand Rapids, Michigan: Baker Books, 2010. “Kung mamamatay ka ngayon,...