Thursday, March 31, 2022

Rebyu #103 -- Trese 4: Last Seen After Midnight nina Budjette Tan at Kajo Baldisimo

Tan, Budjette, Kajo Baldisimo. Trese 4: Last Seen After Midnight. Imus, Cavite: 19th Avenida Publishing House, 2022.

 

Tulad ng naunang mga bolyum, hitik sa kawili-wiling mga kwento ang ikaapat na bolyum ng Trese. Episodiko ito tulad ng una at ikalawang bolyum (kaiba ng ikatlong bolyum ukol sa pinagmulan ni Trese na may katangiang kronolohikal). Bagaman walang kaugnayang kronolohikal ang apat na kwentong nakapaloob sa Trese 4, may isang malinaw na pising nag-uugnay sa kanila: ang pagkastigo sa masamang kalikasan ng tao at ng kanyang lipunan.

 

Kitang-kita ito sa Cadena de Amor, kung saan may sindikato ng mga marino na nambibiktima ng mga kababaihan. Ang ganitong pambibiktima ang nakapagpagalit sa tinawag sa komiks na “plant elementals.” Malinaw nitong inilalantad ang sistema ng human trafficking sa mga kababaihang Pilipina na ipinapadala sa ibang bansa. Mapapansin sa kwentong ito ang tila paggamit ng taktikang inclusio[1] upang maidiin ang pinakatema ng kwento: nagsimula ito sa isang serial rapist na nagtatangkang manggahasa ng isang babae sa parke, at nagtapos ito sa kaso ng panggagahasa at pagpatay sa isang babaeng ipagbibili dapat sa ibang bansa.   

 

Sa Private Collection, lantad muli ang kasamaan ng tao. Sa katunayan, sa kwentong ito, isang mortal na tao ang salarin sa pagpatay sa mga manananggal, aswang, tikbalang, dwende at iba pa. Ang mga kakaibang nilalang na ito ang nagmakaawa sa isang tao na patayin na sila imbis na pahirapan pa. At ayon sa kwento, ginawa ng tao ang mga krimen na ito dahil lang sa pagkabagot.

 

Sa Wanted Bed Spacer, mas maganda rin ang pagpinta sa imahe ng mga kakaibang nilalang kaysa mga tao. Pansin ito sa makulay na paglalarawan sa bangungot, isang babaeng enkanto na yumayakap at humahawak sa dibdib ng taong may mabigat na pinagdadaanan, upang mapangalagaan ang puso nito mula sa pagkawasak. Sa tuwing dumadaan sa sobrang nakakalungkot na sitwasyon ang tao, higit na humihigpit ang paghawak ng bangungot sa puso nito, na dahilan kaya sumisikip ang kanyang dibdib. Kapag naging labis na ang nararamdaman ng tao, labis din ang paghawak ng bangungot sa puso hanggang sa tuluyang mamatay ang tao. Kapag napagtanto bigla ng bangungot ang kanyang nagawa, lumuluha ito hanggang sa mamatay rin na kasama ng tao. Ipinakita ng kwento ang mabuting intensyon ng bangungot, na mas nagmahal pa sa karakter na si Roy sa kwento, kaysa sa mismong kasintahan niya na nang-iwan sa kanya at nagdulot ng labis na pighati. Kaiba ng mabuting pagpinta ng kwento sa mga kakaibang nilalang, mas negatibo ang pagpinta ng kwento sa mga tao, bagaman implisito ang paraan ng ganitong pagpintang ginawa sa kwento. Halimbawa, nang banggitin sa kwento ang ukol sa pagpapakamatay ng isang estudyante dahil sa pagbagsak niya sa pagsusulit at takot na mabigo niya ang kanyang mga magulang, implisitong kinikritika ng mga may-akda ang labis na ekspektasyon ng mga magulang sa kanilang mga anak. Makikita rin ang ganitong implisitong kritisismo sa kwento ukol sa batibat. Ito ay mga nilalang na nakatira sa mga puno, at nananatili sila sa kahoy kapag pinutol ang mga ito at ginamit sa pagpapagawa ng bahay. Ang mga batibat na nasa kahoy ng bahay ang dumadagan sa natutulog na nakatira. Maaaring mahaka na isa itong implisitong kritika sa pagsira ng mga tao sa kalikasan. Sa maikling salita, mas mainam ang pagpinta ng kwento sa imahe ng mga kakaibang nilalang kaysa  sa mga tao mismo.

 

Sa Fight of the Year, ang boksingerong karakter ng kwento na si Manuel na taga-General Santos City ay malinaw na humalaw ng inspirasyon kay Manny Pacquiao. Sa kwentong ito, isang beses kada taon ay nakikipagboksing si Manuel sa labindalawang halimaw upang mapangalagaan ang kapayapaan ng General Santos. Mayroon kasi siyang kasunduan sa halimaw na si Sytan, na bawat matatalo niyang halimaw ay lilisan mula sa General Santos at hindi manggugulo doon sa loob ng isang buong taon. Bagaman malinaw sa kwento na mga kakaibang halimaw (tulad ni Sytan) ang kontrabida at tao ang bida (tulad ni Manuel), may implisito pa rin itong kritika sa masamang kalikasan ng tao. Makikita ito sa pagbatikos sa pagiging bukas ng tao (tulad ni Noni, na isang nakababatang boksingero) na gawin ang kahit na anong bagay para sa kasikatan at kayamanan.  

 

Malinaw ang mensaheng ipinahahatid ng bolyum na ito: minsan, mas nakakatakot pa ang mga tao kaysa sa mga halimaw sa ating mga kwentong bayan at imahinasyon. At hindi nakapagtataka ang gantong mensahe ng bolyum 4, dahil ang buong serye ng Trese ay nakapaloob sa pampanitikang genre ng noir, na patungkol sa mga krimen sa siyudad. Kaya naman makikitaan ito ng mga implisitong pagkastigo sa urban na lipunang Pilipino.

 

Tulad ng naunang tatlong bolyum, malikhaing napaghalo nina Tan at Baldisimo ang luma at bago sa bawat kwento: sinaunang plant elementals at modernong human trafficking, sinaunang manananggal at modernong hunters, sinaunang bangungot at modernong mga estudyante sa unibersidad, sinaunang mga halimaw at modernong boksingero. Sa pamamagitan ng ganitong uri ng pagkukuwento ng Trese, nagsisilbi itong pedagohikal na kasangkapan: naituturo nito sa kontemporaryong henerasyon ang mayamang kultura ng mga kwentong bayan sa Pilipinas, sa pamamagitan ng interesanteng pamamaraan. Makakaramdam kaagad ng kaugnayan ang mga mambabasa sa mga kwento ng Trese, kahit pa mga makalumang paniniwala ang tinatalakay, sapagkat ang lunsaran o tanghalan ng mga kwento ay ang pamilyar na modernong lipunang Pilipino.   



[1] Isang taktikang pampanitikan, kung saan gumagamit ang may-akda ng parehong mga salita o linya o senaryo bilang pagbubukas at pagtatapos ng isang kwento, upang maipahatid ang pinakatema nito.

No comments:

Post a Comment

Rebyu #112 - Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing ni Ricky Lee

Lee, Ricky. Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing. Loyola Heights, Quezon City: Philippine Writers Studio ...