Wednesday, March 23, 2022

Rebyu #102 -- UP into the 21st Century and Other Essays ni Francisco Nemenzo

Nemenzo, Francisco. UP into the 21st Century and Other Essays. Quezon City: University of the Philippines Press, 2000.

 

Liberal education, if it is authentic, strives to breed a different type of intellectuals who combine technical competence with sensitivity, imagination, a critical mind, and an awareness that their responsibility is to serve the people, not the ones who rule them. (p.99)


Ang aklat ay koleksyon ng mga sanaysay ni Francisco Nemenzo, na inilimbag ng UP Press sa okasyon ng pagkakahirang sa kanya noong Marso 2000 bilang ika-18 pangulo ng Unibersidad ng Pilipinas. Tulad ng paliwanag ng noo’y bise presidente ng unibersidad na si Ma. Serena Diokno, inilimbag ang akda upang maipakilala si Nemenzo at ang kanyang mga pananaw sa mas malawak na komunidad ng UP. Ang mga sanaysay na piniling makasama sa koleksyon ay puro nakatutok sa mga paksa ng edukasyon: mga suliranin ng UP bilang isang unibersidad, edukasyon sa gitna ng mga makabagong teknolohiya, liberal na edukasyon, kalayaang akademiko, kilusang pangmag-aaral, at iba pa.

 

Sa palagay ko, maibubuod sa tatlong salita ang pananaw ni Nemenzo ukol sa ideyal na edukasyon na nailatag niya sa mga sanaysay: mahusay, progresibo, makabuluhan.

 

Mahusay. Mararamdaman sa mga sanaysay ni Nemenzo ang pagkaasiwa sa uri ng edukasyon na kuntento na sa pagiging pangkaraniwan (mediocre). Madalas na ipinagmamalaki na isa ang Pilipinas sa mayroong pinakamaraming porsyento ng populasyon na marunong magbasa at magsulat, at nakatapos ng kolehiyo, at isa rin sa mga bansang may pinakamarami bilang ng mga paaralan. Subalit iginiit ni Nemenzo na ang kahusayan ay nakabatay sa kalidad, hindi sa kwantidad. Binatikos ni Nemenzo ang komersyalisasyon ng edukasyon, kung saan tinitingnan na lamang ang edukasyon bilang proseso ng paglikha ng mga propesyunal na kailangan ng estado at ng mga korporasyon. Aniya ang tawag sa ganitong sistema ay sertipikasyon, hindi edukasyon. Para sa kanya, ang tunay na edukasyon ay paghubog sa kritikal na kamalayan ng mga mag-aaral, mga mag-aaral na nag-aaral dahil sa pagmamahal sa pagkatuto, at hindi lamang upang magkatrabaho. Ito para kay Nemenzo ang edukasyong tunay na mahusay. Binatikos niya ang ilang salik na nagdudulot ng pagiging pangkaraniwan o mediocre ng sistemang pang-edukasyon ng bansa, tulad ng maliit na pasweldo sa mga guro, na dahilan kung bakit nagdadalawang-isip ang mga pinakamatatalino at pinakamahuhusay na estudyanteng pasukin ang larangan ng akademya matapos makagradweyt.

 

Progresibo. Pinuna rin ni Nemenzo ang pagpaprayoridad ng pamahalaan sa mga larangang teknikal kaysa sa liberal na edukasyon. Gusto raw kasi ng pamahalaan na magsilbi lamang ang unibersidad na tagapagprodyus ng mga manggagawang maglilingkod sa estado at sa mga korporasyon, sa ilalim ng sistemang kapitalista. Aniya, hindi ganito ang tunay na misyon ng unibersidad. Bagkus, ang unibersidad ay mayroong responsibilidad na bigyan ang mga mag-aaral ng kamalayan ukol sa malawakang istruktura ng pang-aapi sa lipunan. Ikinategorya niya ang mga intelektuwal na naipoprodyus ng unibersidad sa dalawa: mga teknokratikong intelektuwal at mga bisyonaryong intelektuwal. Ang teknokratikong intelektuwal daw ay gumagamit ng kanilang talino para sa pamahalaan at mga korporasyon. Pasibong tinatanggap ng mga teknokratikong intelektuwal ang umiiral na sistema. Sa kabaliktaran, malinaw sa mga bisyonaryong intelektuwal na ang dapat nilang paglingkuran ay ang taumbayan, at hindi ang mga naghaharing uri. Kinukuwestiyon ng mga bisyonaryong intelektuwal ang umiiral na sistema, at kumikilos sila para sa pagbuo ng bagong sistema na mas makatarungan at mas napapanahon. Ang mga bisyonaryong intelektuwal aniya ang dapat maiprodyus ng mga unibersidad.

 

Makabuluhan. Isa pang katangian ng ideyal na edukasyon para kay Nemenzo ay ang pagiging makabuluhan nito. Hindi lamang dapat na mahusay ang edukasyon, dapat na malinaw ang saysay nito sa taumbayan, batay sa kasalukuyang kalagayan ng lipunan. Kaya naman makailang ulit niyang nabanggit sa ilang mga sanaysay na hindi dapat magpahuli ang mga guro sa paggamit ng mga makabagong teknolohiya at midya para sa kanilang pagtuturo. Hindi raw dapat pabayaan ito sa kamay ng mga mangmang, na ginagamit lamang ang mga ito para libangin ang taumbayan, sa halip na mapalago ang kanilang kaalaman. Aniya, maaaring gamitin ng unibersidad ang mga makabagong teknolohiya at midya (telebisyon at radyo) upang mademokratisa ang edukasyon, maipalaganap ang pagkatuto sa labas ng apat na sulok ng silid-aralan.

 

Kaugnay ng mga ito, isa pang natatanging rekomendasyon ni Nemenzo para sa pagpapaunlad ng sistemang pang-edukasyon ay ang pag-aalis ng mga programang teknikal mula sa mga unibersidad. Aniya, ang tunay na gampanin ng unibersidad ay lumikha ng mga pantas, hindi magprodyus ng mga kinakailangang trabahador ng pamahalaan at ng mga korporasyon. Maaaring magtayo ng mga paaralan na espesyalisado talaga sa mga teknikal na programa. Aniya, maging sa hayskul ay maaaring ikabit ang ganitong mga bokasyunal na larangan. Marami naman daw uri ng trabaho hindi kailangan ng digri mula sa unibersidad, yamang ang kailangan ay praktikal na kakayahan. Sa ibang bansa, hindi naman hinahanapan ng digri mula sa unibersidad ang ilang mga trabahong teknikal, yamang wala naman minsang kaugnayan ang kanilang pinag-aaralan sa unibersidad sa kanilang magiging trabaho. Ang resulta tuloy nito ay ang pagdami ng mga gradweyt sa unibersidad na walang trabaho, o hindi tugma ang trabaho sa kanilang inaral. Kaya praktikal na ihiwalay ang mga teknikal na programa sa unibersidad, na mas nakatuon aniya dapat sa liberal na edukasyon. Sa pamamagitan nito, mas makakapagpokus daw talaga ang mga unibersidad sa paglikha ng mga pantas na tunay na may pagmamahal sa pagkatuto, mga pantas na may kakayahang suriin ang lipunan.

 

Mainam na babasahin ang aklat na ito para sa mga administrador ng mga unibersidad para sa pagmumuni-muni nila sa paggawa ng mga polisiya; para sa mga mga guro’t propesor sa pagsusuri nila sa pilosopiya ng edukasyon na mayroon sila; at pati na rin para sa mga estudyante, upang mapagnilayan nila ang tatahaking landas bilang mga akademiko sa hinaharap.

No comments:

Post a Comment

Rebyu #112 - Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing ni Ricky Lee

Lee, Ricky. Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing. Loyola Heights, Quezon City: Philippine Writers Studio ...