Tuesday, January 10, 2023

Rebyu #112 - Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing ni Ricky Lee

Lee, Ricky. Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing. Loyola Heights, Quezon City: Philippine Writers Studio Foundation, Inc., 2020.

 

“Accept constraints. Lahat ng kahon ay oportunidad para mapilitan kang gumawa ng butas upang makalabas.” (pahina 30)

 

Para sa mga taong mahilig magbasa, malaking pantasya ang mabigyan ng pagkakataon ng makakuwentuhan ang kanilang mga paboritong may-akda; ang magkaroon ng oportunidad na magtanong sa mga ito ng kanilang mga karanasan sa likod ng mga akdang isinulat nila, mga bagay na humubog sa kanila, at iba pang mga impormasyon na hindi pa nila nailalahad sa anumang sulatin.

Parang ganito ang oportunidad na ibinigay ni Ricky Lee sa mga taong nagmamahal sa kanyang mga obra, nang isulat niya ang Kulang na Silya. Tila nakaupo siya sa isang silyang nakaharap sayo at personal na nagkukuwento ukol sa kanyang buhay, kaugnay ng kanyang mga isinulat. Manipis ang akda, kaya naman kayang basahin sa isang upuan. Ngunit higit sa ikli nito, mayroon itong kapangyarihan na panatilihin kang nakaupo sa silya at nakatutok sa pagbabasa hanggang sa matapos ito, dahil sa pagiging mahusay na kuwentista ni Ricky Lee. Ipinamalas ng may-akda rito ang kakayahan niyang epektibong iparamdam sa mga mambabasa ang mga emosyong nilalayon niya: mapapangiti ka, mapapakunot ang noo, mapapalungkot, mapapataba ang puso, at mapapatawa.

Samu’t saring kuwento, anekdota, at mga payo ang nilalaman ng aklat, pero pinagbubuklod ito ng iisang pisi: ang kuwentong buhay ukol sa pagsusulat. Bawat kabanata ay iniuugnay ng may-akda sa pagsusulat: pandemya at pagsusulat (kabanata 1), lungkot at saya ng pagsusulat (kabanata 2), pagiging kakaiba at pagsusulat (kabanata 3), mga estrangherong dumadaan sa buhay natin at pagsusulat (kabanata 4), mga alagang hayop bilang metapora kaugnay ng pagsusulat (kabanata 5), masasakit na alaala at pagsusulat (kabanata 6), kasikatan at pagsusulat (kabanata 7), at pagtatapos ng pag-aaral at pagsusulat (kabanata 8).

Bagay na bagay itong basahin ng mga manunulat, at ng mga nangangarap na maging manunulat. Parang isang liham ito na isinulat, lalo na para sa mga nasa larangan ng malikhaing pagsulat. Punong puno ito ng payo, babala, aral, taktika, at inspirasyon, na ibinabahagi ni Ricky Lee para sa mga manunulat, na hinugot niya mula sa ilang dekadang karanasan sa pagsulat. Sobrang makaka-relate dito ang mga nasa malikhaing pagsulat (o mga gustong pasukin ang malikhaing pagsulat), tatagos sa kaibuturan nila ang mga kuwento ng kabiguan at tagumpay, lungkot at saya ng may-akda, kaugnay ng pagiging manunulat nito. Sa proseso ng pagbasa sa Kulang na Silya, mas makikilala nila si Ricky Lee bilang manunulat, pero higit pa rito, mas makikilala nila ang kanilang sarili bilang manunulat. Dahil hindi lamang magaling na kuwentista si Ricky Lee, mahusay rin siya sa pagtuturo sa iba kung paano rin sila magiging magaling na kuwentista.

Malaking oportunidad rin ang aklat para sa lahat ng nabighani sa mga nobela, maikling kuwento, iskrip, at iba pang obra ni Ricky Lee. Nagbibigay ito sa kanila ng pagkakataon na masulyapan ang mga proseso sa likod ng produksyon ng mga akdang ito, mga hirap at saya na naranasan ni Ricky Lee sa pagsulat ng mga ito. Kapag nagbabasa ka kasi ng mga nobela at maiikling kuwento, o nanonood ng mga pelikula, finished product na lamang ang nakikita mo, pero nakakubli sayo ang lahat ng kuwento na pinagdaanan ng mga obrang ito. Kaya naman sa Kulang na Silya, nagbigay si Ricky Lee ng pagkakataon sa kanyang mga mambabasa na makasulyap sa mga karanasan sa likod ng pagsulat ng mga ito. Interesante rin ang kaliwa’t kanang personal na komento ni Ricky Lee ukol sa kanyang sariling mga akda.    

Sa panahon kung kailan mas nagiging patok na ang awtobiograpikal na pamamaraan ng pananaliksik (ang tinatawag ni Vineeta Sinha na “autoethnography,” [1]) at mas nagiging pasyonable na sa mga akademiko’t manunulat ang magbahagi ng kanilang sariling karanasan na nagsasakonteksto ng kanilang kapantasan at mga akda [2], kapuri-puri ang ginawa ni Ricky Lee sa Kulang na Silya. Kung tutuusin, maganda nga sana kung magkakaroon din ng ganitong uri ng pagkukuwentong buhay ang iba pa nating mga manunulat sa Pilipinas, partikular ang mga nobelistang gaya ni Ricky Lee. 


[1] Vineeta Sinha, “Pandita Ramabai Saraswati (1858–1922),” nasa Syed Farid Alatas and Vineeta Sinha, Sociological Theory Beyond the Canon (London: Palgrave Macmillan, 2017), 244. Ukol sa dagdag na talakayan ukol sa kuwentong buhay bilang dulog sa pananaliksik, tingnan ang Clemen Aquino, “Mga Kuwentong Buhay at Kuwentong Bayan sa Paghahabi ng Araling Panlipunan,” nasa Thelma B. Kintanar, Clemen C. Aquino, Patricia B. Arinto, Ma. Luisa T. Camagay, Kuwentong Bayan: Noong Panahon ng Hapon; Everyday Life in a Time of War (Quezon City: University of the Philippines Press, 2006).

[2] Tingnan halimbawa ang napansin ni Rafael na “autobiographical turn” sa mga sulatin ni Reynaldo Ileto sa Vicente L. Rafael, “Becoming Reynaldo Ileto: Language, History and Autobiography,” Philippine Studies: Historical and Ethnographic Viewpoints, Vol. 62, No. 1, (March 2014): 115-132.

Tuesday, January 3, 2023

Rebyu #111 - Writing Material Culture History ni Anne Gerritsen at Giorgio Riello

Gerritsen, Anne at Giorgio Riello, mga pat. 2015. Writing Material Culture History. London: Bloomsbury.


Ang rebyu na ito ay inilathala bilang:

Santos, Mark Joseph Pascua. “Kulturang Materyal Bilang Batis at Larangan ng Kasaysayan.” Saliksik E-Journal vol. 7, no. 3 (November): pp. 121-138.

Matatagpuan ito sa bahay-dagitab ng Philippine E-Journals:

Rebyu #110 - To Be in History: Dark Days of Authoritarianism ni Melba Padilla Maggay

 

Maggay, Melba Padilla. Ed. To Be in History: Dark Days of Authoritarianism. Carlisle, Cumbria, U.K.: Langham Global Library, 2019.


Ang rebyu na ito ay inilathala bilang:

Santos, Mark Joseph Pascua. “Kuwentong Buhay ng mga Kristiyano sa Panahon ng Batas Militar.” TALA: An Online Journal of History, Special Issue: Perspectives on Martial Law Fifty Years After (September 2022): 96-105.

Matatagpuan ito sa bahay-dagitab ng TALA:

Rebyu #109 - Trese 6: High Tide at Midnight nina Budjette Tan at Kajo Baldisimo

 Tan, Budjette, at Kajo Baldisimo. Trese 6: High Tide at Midnight. Imus, Cavite: 19th Avenida Publishing House, 2022. 

 

Despite the rain and flood that has brought parts of the city to a standstill, the party continues in this club. The music makes them think everything is alright in their world. They can’t hear the thunder and the rain while they’re here.


Ito ang mga katagang ipinanglarawan ng tagapagsalaysay sa Dominion, isang club ng mga mayayaman sa Maynila. At ito rin, sa aking palagay, ang buod ng kabuuang mensahe ng Trese 6: ang baliktarang sitwasyon ng mga uring panlipunan bilang pinakamalaking kabalintunaan ng lipunang Pilipino.

Ipinakita nina Tan at Baldisimo ang kabalintunaang ito sa pamamagitan ng magkabaliktad na paglalarawan sa Barangay Pasifica at Dominion. Ang piksyunal na Barangay Pasifica ay isang mahirap na komunidad sa Maynila na laging binabaha. Inilarawan din ito bilang isang komunidad na pinupuntahan ng mga pulitiko upang pamudmuran ng tulong (para magpalakas sa susunod na eleksyon, isang eksenang tipikal sa Pilipinas). Simboliko rin ang ipinakita ng komiks na isang karatula sa Barangay Pasifica na may karatulang “Lipad Pilipinas.” Pinatitingkad nito ang mensaheng kabalintunaan ng komiks: may nakasulat na lipad Pilipinas sa isang lugar na lumulubog lagi sa baha.

Higit pang idiniin ang kalunos-lunos na kalagayan ng Barangay Pasifica, sa pamamagitan ng paglalarawan sa Dominion sa sumunod na bahagi ng komiks. Habang pinapatay ng mga halimaw na “taga-dagat” ang mga mamamayan ng binabahang Pasifica, masiglang gumigimik ang mga mayayamang kabataan sa Dominion. Mataas ang lugar kaya hindi ito inaabot ng baha, at ni hindi nga rin nila naririnig ang kulog at ulan dahil sa pagkalulong sa malalakas na tugtugin sa Dominion. Paraan marahil ng mga may-akda ang ganitong paglalarawan upang kastiguhin ang pagiging apatetiko ng mga nasa mataas na bahagdan ng lipunan, habang nagdarahop ang mga kababayang nasa laylayan. Malinaw sa baliktarang paglalarawang ito ang pagiging detached ng mga nakaaalwan sa mas malawak na reyalidad ng lipunang kinapapalooban nila, yamang hindi sila tuwirang apektado sa sitwasyon ng masa.

Bilang karagdagan, lalo pang itinampok ng mga may-akda ang kabalintunaan ng baliktaran sa pamamagitan ng pagpapangalan sa dalawang lugar. Isinunod ang pangalan ng bahaing barangay sa pangalan ng isang karagatan, upang salungguhitan ang lubog na kalagayan nito. Samantala, pinangalanan namang Dominion, o sa Filipino, paghahari, ang club ng mga mayayaman upang implisitong ilarawan ang pagiging nasa itaas/pagpapanginoon ng mga gumigimik dito.

Bukod sa saysay ng komiks bilang kritika sa ‘di nagbabagong kabalintunaan/baliktarang ito ng lipunang Pilipino, higit pa itong napapanahon dahil sa harap ng malawakang distorsyong pangkasaysayan ukol sa Batas Militar. Naging posible ito dahil sa piniling kontrabida ng Trese 6, si Madame, na inspirado ng tunay na persona ni Imelda Marcos. Malinaw ang kritikal na tindig ng komiks kay Imelda, at sa asawa nitong diktador. Inilarawan nila si Madame bilang pulitikong nag-aalok ng tulong sa Barangay Pasifica para lamang magpalakas. Mahalagang sipiin ang isinigaw ng isang mamamayan ng Barangay Pasifica habang nag-aalok ng tulong si Madame:

We wouldn’t be here if you and your family hadn’t stolen from our government for all those years! Go away! We don’t need your help now!

Walang paligoy-ligoy, tuwirang pagbatikos ito sa isyu ng nakaw na yaman ng pamilyang Marcos. Pinatindi pa ang kritika sa mga Marcos nang ibunyag sa bandang dulo ng komiks na kagagawan lahat ni Madame ang paglusob ng mga taga-dagat sa Barangay Pasifica. Isinagawa niya ito upang makapagpatayo ng isang bagong siyudad sa Barangay Pasifica, na magbibigay umano ng trabaho sa maraming tao. Muli, manilaw na pagkastigo ito sa matagal nang pinupuna ng mga eksperto sa Batas Militar, ang “edifice complex” ni Imelda, ang tendensyang magtayo nang magtayo ng mga naglalakihang gusali bilang huwad na palatandaan ng kaunlaran (kahit pa kapalit nito ang pagpapalayas sa napakaraming naninirahang maralita). Nakabatay ito sa pilosopiya niya ng “The Good, The True, and The Beautiful.” Pero matinding pinabulaanan nina Tan at Baldisimo ang pagiging mabuti, totoo, at maganda ng tendensyang ito ni Imelda, sa pamamagitan ng paglalagay ng mga salitang ito sa bibig ni Alexandra Trese: “At the cost of how many lives, Madame?”

Kung tutuusin, hindi naman talaga magkahiwalay na isyu ang dalawang sentral na mensahe ng Trese 6: kabalintunaan ng mga uring panlipunan at kritika sa pamilyang Marcos. Ang kabalintunaan ng baliktaran ang mismong dahilan kung bakit nagiging posible ang patuloy na pamamayani ng mga tradisyunal na dinastiyang pulitikal gaya ng mga Marcos, at ang mga pamilya ring ito ang nag-aambag tungo sa pagpapanatili ng ganitong kabalintunaan ng baliktaran. Alalaumbaga’y isang siklo ng inhustisya sa mundo ni Trese, na hindi nalalayo sa mundo natin. 

Monday, October 24, 2022

Rebyu #108 - The Rise of Filipino Theology nina Dindo Rei M. Tesoro at Joselito Alviar Jose

Tesoro, Dindo Rei M., Joselito Alviar Jose. The Rise of Filipino Theology. Pasay City: Paulines Publishing House, 2004.

 

Noong nagsisimula pa lamang ang mga kilusang indihenisasyon sa Pilipinas, laging mayroong pagtatanungan ukol sa pag-iral ng Pilipinong anyo ng mga disiplina. Sa tuwi-tuwina ay mayroong maririnig: “mayroon bang Sikolohiyang Pilipino?” “mayroon bang Pilosopiyang Pilipino?” “mayroon bang Teolohiyang Pilipino?” Ngunit sa kasalukuyan, limang dekada makalipas ang pag-usbong ng mga ito noong 1970’s, sa halip na itanong kung mayroon ba nito, tila ang mas angkop nang pag-usapan ay kung ano na ang estado nito. Ganito rin ang kaso ng Teolohiyang Pilipino. Ang malinaw na kairalan nito ay lalo pang pinagtitibay sa pagkakalimbag ng The Rise of Filipino Theology nina Dindo Tesoro at Joselito Alviar Jose noong 2004. Halaw ang aklat sa disertasyon ni Tesoro sa University of Navarre noong 2001 (na mayroon ding titulong The Rise of Filipino Theology), na nilapatan ng karagdagang mga kabanata ni Alviar Jose. 

Ang aklat ay maituturing na kauna-unahang komprehensibong pagmamapa sa estado ng Teolohiyang Pilipino [1]. Ang unang kabanata ay mabilisang pagbaybay sa pag-usbong at pag-unlad ng Teolohiyang Pilipino, habang ang ikalawang kabanata ay pagtalakay sa apat na pangunahing institusyon sa larangan ng Teolohiyang Pilipino, tulad ng Ecclesiastical Faculty of Sacred Theology ng University of Sto. Tomas, Loyola School of Theology ng Ateneo de Manila University, East Asian Pastoral Institute, at Maryhill School of Theology. Ang ikatlong kabanata ay maiiksing deskripsyon sa teolohikal na tuon, ambag, at metodo ng 36 teologo sa Pilipinas (kalakip ng ilang piling publikasyon nila). Ang ikaapat at ikalimang kabanata naman ay pagtatangka na ilarawan ang hulma ng Teolohiyang Pilipino batay sa ilang magkakatulad at magkakaibang teolohilal na pananaw ng mga teologong isinama sa ikatlong kabanata (nakatuon ang ikaapat na kabanata sa paksa ng metodo, Diyos, at tao, samantalang ukol naman kay Kristo, sa simbahan, at sa moralidad ang ikalimang kabanata). Ang ikaanim na kabanata ay konklusyon, na naglalarawan sa lakas ng Teolohiyang Pilipino, mga dapat pang linangin na mga bahagi nito, at ang hinaharap nito bilang isang larangan.

Ang aklat ay mayroong monumental na ambag sa larangan ng Teolohiyang Pilipino. Isa itong matibay na testamento sa kairalan ng Teolohiyang Pilipino. Dagdag na patunay ang aklat na hindi na maaari pang pagdudahan ang kairalan ng Teolohiyang Pilipino, yamang ipinakita nito ang mayamang produksyon ng mga tagapagsulong nito. Ayon nga kay Alviar Jose sa konklusyon:

Our survey of Filipino Theology, though partial and provisional, shows impressive amount of variety of local theological contributions in the decades following Vatican Council II. This ‘blossoming’ may in itself be counted as an achievement. It signifies that Filipino theology … has truly passed from the real of possibility into reality. [2]

Ang aklat ay nagpapatunay na malayo na ang narating ng Teolohiyang Pilipino, mula sa pagkakalimbag ng aklat ni Leonardo Mercado na Elements of Filipino Theology [3] noong 1975 hanggang sa paglabas ng aklat nina Tesoro at Alviar Jose noong 2004. Sa aklat ni Mercado, sinubukan niyang ipakita ang kairalan ng Teolohiyang Pilipino, sa pamamagitan ng antropolohikal na dulog: pamimingwit ng mga elemento nito mula sa iba’t ibang aspekto ng pananaw-pandaigdig ng mga Pilipino tulad ng Diyos, kabilang buhay, pagsamba, kasalanan, at iba pa. Ngunit sa aklat nina Tesoro at Alviar Jose, pinakita nila ang kairalan at hulma ng Teolohiyang Pilipino sa pamamagitan ng pilosopikal na dulog: pamimingwit sa kaisipan ng mga teologo. Siempre ay nagpapakita ng higit na kaunlaran ng larangan kapag kaya nang maisagawa ang pilosopikal na dulog. Hindi pa ito kayang gawin sa panahon ni Mercado dahil wala pa gaanong intelektuwal na produksyon ukol sa Teolohiyang Pilipino noong 1975; kaya naman antropolohikal na lapit pa lamang ang maaaring gamitin sa paglalarawan sa Teolohiyang Pilipino. Ngunit sa panahon nina Tesoro at Alviar Jose noong 2004, posible na ang pilosopikal na dulog dahil sa pag-usbong ng napakarami nang mga teologo at teolohikal na mga akda.

Ambag ang aklat tungo sa pagbuo ng kasaysayang intelektuwal ng Teolohiyang Pilipino. Gayunman, sa usaping teknikal, hindi pa talaga maituturing ang aklat na aktuwal na “pagsasakasaysayan” ng Teolohiyang Pilipino dahil salat ito ng isang elementong esensyal sa pagbuo ng kasaysayang intelektuwal ng isang larangan: ang peryodisasyon. Nariyan ang dekada 1970 bilang ikutang pangyayari, kung kailan umusbong ang Teolohiyang Pilipino, ngunit sa pagitan ng dekada 1970 hanggang 2004 (taon kung kailan nailimbag ang aklat) ay walang itinalaga na mga panandang panahon na naghihiwalay sa iba’t ibang piryod sa pag-unlad ng larangan.

Preliminaryo pa lamang din maging ang imbentaryo ng 36 teologo na nasa ikatlong kabanata. Una, sa kabuuang 36 na teologo, tatatlo lamang ang Protestante/Ebanghelikal (Douglas Elwood, Rodrigo Tano, at Emerito Nakpil), habang ang lahat ay mga Katoliko na. Bagaman totoo na karamihan talaga sa mga nagsusulong ng Teolohiyang Pilipino ay mga Katoliko, siguradong hindi lang sina Elwood, Tano, at Nakpil ang may produksyon ukol sa Teolohiyang Pilipino sa panig ng mga Protestante bago pa man ang 2004. Pangalawa, puro lalake ang 36 na teologo sa listahan, at wala man lamang representasyon ang kahit isang babaeng teologo. Bago pa man ang 2004 ay napakarami nang mahahalagang ambag ng Ebanghelikal na teologong si Melba Padilla Maggay sa Teolohiyang Pilipino [4]. Ang ganitong androsentrikong karakter ng imbentaryo sa ikalawang kabanata ng aklat, liban sa dulot ng pagiging lalake ng mga may-akda, ay bunsod rin marahil ng kanilang pagiging nakapaloob sa simbahang Katoliko (kung saan karamihan ng mga teologo at mga pinunong pangrelihiyon ay mga lalake). Ikatlo, marami na ang bagong usbong na mga tagapagsulong ng Teolohiyang Pilipino mula 2004 hanggang sa kasalukuyan, kaya naman marami na ring teologo ang dapat na idagdag sa listahan para sa mga mananaliksik na nagnanais na dugtungan ang pag-aaral nina Tesoro at Alviar Jose. Ikaapat, ang paglalarawan sa teolohiya ng 36 teologo ay deskriptibo at maiksi pa lamang. Samakatuwid, ang iba pang interesadong akademiko ay maaaring magsagawa sa hinaharap ng kritikal, preskriptibo, at mas komprehensibong eksposisyon ng kaisipan ng 36 teologong itinala (at iba pang bagong sibol ng mga teologong wala sa aklat).

Mayroon pang isang punto na maaaring punahin sa naturang imbentaryo ng ikatlong kabanata. Nagsama ito ng mga iskolar, na sa istriktong batayan, ay hindi naman talaga mga teologo. Isinama nito halimbawa sina Horacio de la Costa (historyador na dalubhasa sa kasaysayan ng mga Heswita), John Schumacher (historyador na nakatutok sa Kilusang Propaganda), at Jaime Bulatao (isang sikolohista). Maaaring ikatwiran na may digri naman sa teolohiya ang mga ito. Ngunit basiko ang digri nila sa teolohiya, na kinuha nila hindi upang magpakadalubhasa talaga sa teolohiya kundi upang maordinahan bilang mga pari (yamang ang intelektuwal na produksyon nila sa pamamagitan ng mga publikasyon ay wala sa teolohiya kundi nasa ibang larangan). Gayundin, nagsama ang mga may-akda sa imbentaryo ng akda ng mga iskolar na hindi naman talaga teolohiya, kundi ukol sa kalinangan at lipunang Pilipino (maihahalimbawa rito ang Asia and the Philippines ni de la Costa, “The Hiya System in Filipino Culture” ni Bulatao, at “Filipino Masonry in Madrid” ni Schumacher). Ikinatwiran ng aklat na:

[The listing] includes not only strictly theological studies but also writings on aspects of Philippine culture and history that are relevant for contextualized reflection. [5]

Ngunit maitutugon: magiging arbitraryo ang listahan kung hahayaang isama maging ang mga hindi teolohikal na akda. Ito ay sapagkat napakaraming pag-aaral ukol sa kalinangan at lipunang Pilipino na maaaring gamiting salalayan sa pagteteolohiya, sinulat man ng mga pari (tulad ng mga pag-aaral ng Heswitang sosyologo na si Frank Lynch, na wala sa imbentaryo) o ng mga laiko (tulad nina F. Landa Jocano, William Henry Scott, at Virgilio Enriquez). Ang espasyo na inilaan para sa mga ‘di teolohikal na mga akdang ito ay mas naaangkop sanang ilaan sa mga talagang teolohikal na akda na tuwirang ambag sa Teolohiyang Pilipino (tulad ng mga akda ni Maggay).

Sa kabila ng ilang mga punang ito, hindi matatawaran ang halaga ng aklat sa Teolohiyang Pilipino. Kapag nakapagprodyus na sa hinaharap ng mga aklat na tuwirang nagsasagawa ng intelektuwal na kasaysayan ng Teolohiyang Pilipino, tiyak na magiging mahalagang panandang bato ang pagkakalimbag ng aklat na ito noong 2004 sa pagbuo ng isang komprehensibong peryodisasyon sa kasaysayan ng larangan. Ang inilatag ng aklat na bibliograpiya ng mga teologo ay kapaki-pakinabang sa mga mananaliksik ng Teolohiyang Pilipino. Gaya ng nasabi na, maaari ring maging salalayan ang imbentaryo ng paisa-isang komprehensibong eksposisyon sa kaisipan ng mga naitalang teologo sa hinaharap (tulad ng eksposisyon ni Tano kina Nakpil, Arevalo, de la Torre, Gorospe, at Abesamis). Maaari rin itong magsilbing panimulang babasahin sa mga indibiduwal na gustong pasukin ang larangan ng Teolohiyang Pilipino. Sa pamamagitan ng pagbabasa ng isang aklat lamang, mabilis na agad silang makabubuo ng larawan ng Teolohiyang Pilipino bilang isang larangan sa kanilang isipan. Ideyal na teksbuk din ang aklat na ito sa mga kurso ng Teolohiyang Pilipino sa mga unibersidad at seminaryo.

Anumang mga ipinukol na puna sa aklat ay maipagpapaumanhin, yamang ang mismong mga may-akda nito ay paulit-ulit na nagbibigay-diin sa pagiging preliminaryo at probisyunal ng ginawa nilang sarbey [6]. Kumbaga, ang aklat ay isang pampang na nagpapatikim sa mga mambabasa sa kung ano ang hitsura ng isang napakalawak na dagat. Gabay ito sa napakarami akda sa Teolohiyang Pilipino na dapat pang basahin ng mga tunay na interesado sa larangan. 


[1] Ang isang mas maagang pagtatangka tungo sa ganitong pagmamapa ng Teolohiyang Pilipino ay isinagawa sa Rodrigo D. Tano, Theology in the Philippine Setting: A Case Study in the Contextualization of Theology (Quezon City: New Day Publishers, 1981). Gayunman, limitado lamang ito sa pagsusuri sa teolohiya ng ilang piling Pilipinong teologo tulad nina Catalino Arevalo, Carlos Abesamis, Vitaliano Gorospe, Edicio de la Torre, at Emerito Nakpil.

[2] Dindo Rei M. Tesoro at Joselito Alviar Jose, The Rise of Filipino Theology (Pasay City: Paulines Publishing House, 2004), 256.

[3] Leonardo N. Mercado, Elements of Filipino Theology (Philippines: Divine Word University Publications, 1975).

[4] Ilan sa halimbawa nito ang mga sumusunod: “Gospel in Filipino Context,ISACC Monograph Series: Culture, Development, Missiology (1987); Communicating Cross-Culturally: Towards a New Context for Missions in the Philippines (Quezon City: New Day Publishers, 1989); Transforming Society: Reflections on the Kingdom and Politics (United Kingdom: Regnum Books, 1996); at Filipino Religious Consciousness: Some Implications on Missions (Quezon City: Institute for Studies in Asian Church and Culture, 1999).

[5] Tesoro at Alviar Jose, The Rise of Filipino Theology, 65.

[6] Tesoro at Alviar Jose, The Rise of Filipino Theology, 64, 142, 144, 256.


Friday, July 8, 2022

Rebyu #107 -- Faith and Bayan: Evangelical Christian Engagement in the Philippine Context nina Lorenzo C. Bautista, Aldrin M. Penamora, at Federico G. Villanueva

Bautista, Lorenzo C., Aldrin M. Penamora, Federico G. Villanueva. Eds. Faith and Bayan: Evangelical Christian Engagement in the Philippine Context. Carlisle, United Kingdom: Langham Global Library, 2022.

 

“Faith,” if it is to be true to the teachings of the Bible, has to be related to “bayan.” This is the underlying conviction of the book. (p.1)


 

Sa maraming tagamasid, tila malinaw na padron (pattern) ang pagiging sobrang konserbatibo ng ebanghelikalismo sa Pilipinas kaugnay ng mga usaping sosyo-pulitikal. Hindi iilan ang nakapansin na may tendensya ang mga Pilipinong ebanghelikal na mag-ingay sa mga usaping ipinagpapalagay na “espirituwal” tulad ng diborsyo, pagpapalaglag, at homosekswalidad, ngunit kasabay nito ay ang pananahimik sa mga isyung itinuturing na pisikal tulad ng korapsyon, kahirapan, at malawakang pagpatay. Ang tendensyang ito ay maiuugat pa sa impluwensya ng isang uri ng pilosopiyang Griyego sa Kristiyanismo, kung saan ang espirituwal ay itinuturing ng banal habang ang pisikal ay ipinagpapalagay na marumi.[1] Minana ng mga Amerikanong ebanghelikal ang ganitong balangkas kaisipan mula sa Europeong Kristiyanismo, na siya namang nadala ng mga ito sa Pilipinas sa kasagsagan ng kolonyalismong Amerikano. Malaki ang naging implikasyon ng ganitong dikotomiya sa pagiging tahimik at pagkailang ng maraming Pilipinong ebanghelikal sa mga isyung panlipunan at pampulitika. At higit na naging kapansin-pansin ang suliraning ito sa panahon ng administrasyong Duterte, kung saan nanatiling tikom ang bibig ng maraming ebanghelikal (kung hindi man aktibong sumuporta sa pangulo) sa gitna ng gera kontra droga, red-tagging, paglaganap ng pekeng balita, ‘di makatwirang pag-uusig sa oposisyon, pagpatay sa mga lumad, pagpapatamihik sa mga mamamahayag, rebisyong pangkasaysayan, korapsyon, pagpapabaya sa Kanlurang Dagat ng Pilipinas, at palpak na pag-apula sa pandemya.

 

Kaya naman sa gitna ng ganitong mala-disyertong estado ng ebanghelikalismo sa Pilipinas, maituturing na isang sariwang oasis ang paglitaw ng aklat na Faith and Bayan: Evangelical Christian Engagement in the Philippine Context, na pinatnugutan nina Lorenzo Bautista, Aldrin Penamora, at Federico Villanueva. Animoy isang propetikong tinig mula sa ilang, nananawagan ito sa komunidad ng mga mananampalataya na itaguyod ang katwiran at katarungan, yamang hindi maihihiwalay ang dalawang ito sa puso ng Kristiyanismo.

 

Humuhugot mula sa iba’t ibang disiplina tulad ng araling Lumang Tipan, araling Bagong Tipan, eskatolohiya, pilosopiyang pulitikal, at etika, tila mga puzzle piece ang bawat isa sa walong sanaysay na nag-aambag sa pangkabuuang larawan ng aklat – larawan ng pagiging isang mapangahas na manipesto ng mga Pilipinong ebanghelikal na teologo ukol sa nararapat na partisipasyong pulitikal ng mga Kristiyano sa gitna ng tiranikong rehimeng Duterte. Bawat kabanata ay tumutugon sa mga kaisipan/salik na karaniwang nagiging balakid sa aktibong pakikilahok ng mga mananampalataya sa mga isyu ng bayan: purong espirituwal na tingin sa pagsamba na salat sa pagpapahalaga sa katarungan (kabanata 1 ni Federico Villanueva); hindi pagpansin sa diin ng mga propeta ng Lumang Tipan sa tema ng katwiran at katarungan (kabanata 2 ni Annelle Sabanal); pag-interpreta sa Roma 13 na labas sa kontekstong pampanitikan at pangkasaysayan nito (kabanata 3 ni Junette Galagala-Nacion); laging negatibong pagtingin sa tradisyon ng pagrereklamo (kabanata 4 ni Federico Villanueva); kawalan ng pang-unawa sa halaga ng pagtuligsa sa konteksto ng demokrasya (kabanata 5 ni Roberto Barredo); kawalan ng malasakit sa gitna ng madugong gera kontra droga (kabanata 6 ni Aldrin Penamora); maling pananaw sa eskatolohiya na humahantong sa eskapistang mentalidad (kabanata 7 ni Christopher Sabanal); at negatibong pagtingin sa pakikilahok ng mga Kristiyano sa mga kilos protesta at iba pang aktibong pagkilos sa loob ng demokratikong lipunan (kabanata 8 ni Carlo Dino).

 

Bukod sa dimensyong propetiko at kapakinabangang praktikal nito para sa mga ebanghelikal na simbahan sa Pilipinas, ang aklat ay maaari ring magsilbing modelo ng mahusay na iskolarsyip sa larangan ng kontekstuwal na teolohiya. Ipinapamalas nito sa komunidad ng mga Pilipinong teologo kung paano aktuwal na isagawa ang kontekstuwal na teolohiya na hiyang at angkop sa lipunang Pilipino. Bukod sa maalab na puso para sa bayan, kinakarakterisa rin ang mga sanaysay ng mataas ang teoretikal na kalidad na makakikiliti sa intelektuwalidad ng mga akademikong mambabasa (lalo na halimbawa ang malikhaing pagtatahi-tahi ni Barredo sa pagitan ng pilosopiya ni Claude Lefort, binhi ng tradisyong pagtuligsa sa Lumang Tipan, at estado ng demokrasya sa Pilipinas sa ilalim ni Duterte). Nagpapakita ang mga ito ng mahusay at malikhaing dayalogo sa pagitan ng araling biblikal/teolohiya (at iba pang disiplina) at kontemporaryong mga isyung panlipunan sa Pilipinas. Malawak na ang mga isyung tinalunton ng aklat, gayunman, hindi ko mapigilang maimadyin kung gaano pa ito magiging mas komprehensibo at mas makatuturan, kung nagpasok din sana ng mga kabanata na maglalatag ng teolohikal na repleksyon sa iba pang napakahalaga ring mga isyu sa panahon ng Dutertismo tulad ng fake news at diplomasya sa Kanlurang Dagat ng Pilipinas (may padaplis na pagbanggit lang dito sa ikalawa sa kabanata ni Annelle Sabanal, partikular sa p.42). 

 

Kung tutuusin, ang aklat ay maipagdiriwang din bilang katuparan ng panawagan ni Jose de Mesa (ang namayapang teologo na isa sa pinaka orihinal at pinaka malikhaing teologong Pilipino) na sinambit nito sa aklat na Why Theology is Never Far from Home. Mainam na sipiin dito ang naturang panawagan:

 

Since each type of analysis has something distinctive to offer in the understanding of reality, the suggestion to dialogue has merit and deserves a hearing. A formula like “in the light of” can be useful when appended to each of the approaches to reality: Cultural analysis in the light of social analysis and vice-versa. Cultural analysis should be done in such a way that it becomes aware of the fact that what is considered “traditional” and “indigenous” is not necessarily life-giving. If culture is for the enhancement of life, consciousness, and action against death-dealing elements in the culture must be fostered, even if such elements are considered traditional. Moreover, this type of analysis must recognize the presence of conflictual elements within the culture itself . . . Social analysis in the light of cultural analysis will be carried out in a manner that utilizes indigenous cultural constructs rather than importing other models as well as language which are foreign . . . Indigenous culture should not be assumed to be bereft of analytic rationality just because it is not Western.[2]

 

Sa siping ito, makikita ang distinksyon ni De Mesa sa pagitan ng dalawang uri ng pagsisiyasat sa teolohiya: panunuring pangkalinangan (cultural analysis) at panunuring panlipunan (social analysis). Sa maikling paglalarawan, ang panunuring pangkalinangan ay kinakarakterisa ng paggamit sa mga katutubong rekurso para sa pagteteolohiya tulad ng paghugot sa wikang Filipino ng mga dalumat na gagamitin sa pagsusuri, pag-unawa sa mga padron ng kalinangang Pilipino, o paggamit mismo sa wikang Filipino sa pagsulat ng mga teolohikal na akda. Samantala, ang panunuring panlipunan ay kinapapalooban ng pagsiyasat sa mga istruktura ng lipunan, pagpansin sa mga umiiral na tunggalian, o pag-unawa sa sistema ng kapangyarihan at pang-aapi. Nais kong bansagan ang teolohiyang maibubunga ng panunuring pangkalinangan bilang “teolohiyang malaya” (mula sa kolonyalismong panlabas), habang tatawagin ko naman ang teolohiyang maibubunga ng panunuring panlipunan bilang “teolohiyang mapagpalaya” (mula sa panloob na kaapihan lipunang Pilipino). Kapwa mapanganib ang teolohiyang malaya ngunit hindi mapagpalaya at teolohiyang mapagpalaya ngunit hindi malaya. Ang teolohiyang malaya ngunit hindi mapagpalaya ay mapagbuklod sa bansa (nasyonalista), ngunit bulag sa mga kaapihang umiiral mismo sa loob ng bansa, na kadalasang pinaiiral mismo ng mga kapwa Pilipino (hindi progresibo). Ang teolohiyang mapagpalaya naman ngunit hindi malaya ay sensitibo sa mga kaapihan sa loob ng bansa (progresibo), ngunit nananatiling kolonyal at potensyal pang mapangwasak sa kabuuan ng bansa (hindi nasyonalista). Sa gayon, para sa pagbuo ng isang holistikong Teolohiyang Pilipino, napakahalagang mapagtagpo ang teolohiyang malaya at teolohiyang mapagpalaya, bilang pagsunod sa iniwang habilin ni De Mesa.[3]

 

Sa aking palagay, nakamit ng Faith and Bayan ang integrasyong ito sa ilang aspekto.

 

Malinaw ang bakas ng teolohiyang mapagpalaya sa aklat. Matatas ang panunuri nito sa mga istruktura na nagluluwal at nagpapanatili ng kaapihan, tulad halimbawa ng ginawa ni Penamora na pagtalunton sa paglago ng dehumanisasyon sa lipunang Pilipino, bunga ng paglaganap ng mito ukol sa pagiging “subhuman” ng mga adik sa droga. Nariyan din ang pilosopikal na diskursong inilatag ni Barredo patungkol sa sentral na lokasyon ng pagtuligsa sa istruktura ng demokrasya. Mababanggit din dito ang pagsang-ayon ni Villanueva kay Karl Marx ukol sa pagganap ng relihiyon kung minsan bilang opyo ng lipunan, kung saan itinutulak nito ang mga mananampalataya na tumakas sa reyalidad sa halip na aktibong kumilos sa mga isyung pangkatarungan. Maging ang mga kabanata nina Anelle Sabanal, Galagala-Nacion, at Christopher Sabanal ay makikitaan din ng paggamit ng panunuring panlipunan na inilapat nila sa kontekstong panlipunan at pampulitika ng Luma at Bagong Tipan, upang makita ang saysay nito sa kontemporaryong lipunang Pilipino. Wala ring pagpreno na ginawa ang aklat sa mapangahas nitong pagbatikos sa administrasyong Duterte sa iba’t ibang isyu tulad ng pagpapatalsik kay dating Punong Mahistrado Ma. Lourdes Sereno (lalo sa kabanata ni Dino), gera kontra droga, pagpapasara ng ABS-CBN, pagsasabatas ng Terror Bill, korapsyon sa gitna ng pandemya, promosyon kay Sinas, at marami pang iba.

 

Samantala, kaalinsabay nito ay makikita rin sa aklat ang mga bakas ng teolohiyang malaya. Laganap sa aklat ang paglalapat ng mga Pilipinong dalumat, lalo na sa introduksyon, dalawang kabanata ni Villanueva at isang kabanata ni Penamora. Ilan sa mga Pilipinong dalumat na ginamit sa aklat ay ang dalumat ng pananampalataya, bayan, malasakit, tampo, at sama ng loob. Nariyan din ang okasyunal na paggamit ng wikang Filipino para sa mga pangungusap na gustong bigyan ng diin ng mga may-akda (hal. p.18, 23, 77, 79, 81, 89, 116, 119, 124). Sa partikular, sa dalawang kabanata ni Villanueva (gayundin sa introduksyon at epilogo kung saan litaw na litaw pa rin ang tinig ni Villanueva bilang isa sa mga patnugot), madalas ang paggamit ng mga reperensyang halaw sa lipunang Pilipino, sa halip na puro banyagang halimbawa lamang ang gamitin. Nariyan ang pagtukoy niya sa mga kantang Pilipino tulad ng Bayan Ko (p.1), pagbanggit sa isang delubyong naranasan ng mga Pilipino tulad ng bagyong Yolanda (p.93), at pagsipi sa mga bayani tulad ni Rizal at Balagtas (p.21-22, 176). Bukod kay Villanueva, sumipi rin si Dino ng mga bayaning Pilipino sa kanyang kabanata tulad nina Rizal, Mabini, Bonifacio, at Aguinaldo (p.160). Gayundin, sa buong aklat, kaalinsabay ng pagsayt ng mga may-akda sa mga banyagang palaisip tulad nina N.T. Wright, Walter Brueggeman, Justo Gonzales at iba pa, malawak din ang espasyong inilaan sa pagsipi sa kaisipan ng mga Pilipinong dalubhasa tulad nina Melba Maggay, Jose de Mesa, F. Landa Jocano, Dionisio Miranda, Virgilio Enriquez, at iba pa.

 

Nais ko lamang banggitin na mas maisusulong sana ang pagkatig ng aklat sa direksyon ng teolohiyang malaya kung wikang Filipino mismo ang ginamit nito sa pagkatha ng mga kabanata. Tulad ng lagi kong puna sa kasalukuyang estado ng Teolohiyang Pilipino, kung ikukumpara ito sa ibang kilusang indihenisasyon sa Pilipinas (tulad ng Pantayong Pananaw, Pilipinolohiya, Sikolohiyang Pilipino, at Pilosopiyang Pilipino), medyo nahuhuli ang Teolohiyang Pilipino sa paggamit ng wikang Filipino. Naging tuon ng maraming teologo sa Pilipinas ang paggamit ng mga dalumat na halaw sa wikang Filipino para sa pagteteolohiya, ngunit ang mismong bunga ng pagteteolohiyang ito (sa anyo ng mga aklat) ay hindi nailalatag sa wikang Filipino. Ang ganitong estado ng Teolohiyang Pilipino ay mapapansin pa rin sa Faith and Bayan. Ngunit sa isang banda ay maipagpapaumanhin naman ito dahil nilinaw ng aklat sa introduksyon pa lamang na nais nitong magkaroon ng saysay hindi lamang sa Pilipinas, kundi maging sa ibang bansa na may pagkakahawig ang konteksto sa pinagdaanan at pinagdadaanan ng Pilipinas (p.2). Dagdag pa sa konsiderasyon ang katotohanan na isang banyagang institusyon ang naglimbag ng akda (Langham). Sa ganang ito, kung gagamitin ang kategorisasyon ng historyador na si Zeus Salazar, maipapasok sa kategoryang “pangkaming pananaw” ang akda. Ibig sabihin, ang kinakausap nito ay mga banyaga (panlabas na pangkami), at mga Pilipinong marunong ng wikang banyaga (Ingles) (pangloob na pangkami). Ang pagsaklaw sa mga banyaga bilang nilalayong mambabasa ng aklat (bukod sa mga kapwa Pilipinong marunong ng wikang banyaga) ay kita rin sa deskripsyon na nasa likod na pabalat ng akda, kung saan sinabi na ang aklat ay “excellent resource for students and leaders seeking an Asian evangelical perspective on Christian political engagement.” May saysay lamang ang ganitong deskripsyon sa mga banyaga, yamang hindi natural sa mga Pilipino na bansagan ang mga akda nila bilang “Asyano” kung ang kausap nila ay kapwa Pilipino (mas makabuluhan sa mga Pilipino na tawaging “Pilipino” ang sinulat nila kapag Pilipino rin ang babasa). Samakatuwid, may saysay lamang na tawaging Asyano ang sariling akda kung ang kausap ay galing sa ibang Asyanong bansa o hindi Asyanong bansa (hal. Europeo, Aprikano, Amerikano, o Australyano).

 

Ngunit sa kabila ng punang ito sa aspekto ng akda bilang teolohiyang malaya, malinaw pa rin ang tagumpay nito sa integrasyon sa pagitan ng teolohiyang malaya at teolohiyang mapagpalaya. At magandang modelo ito sa iba pang mga teologo na balak ding mag-ambag sa larangan ng Teolohiyang Pilipino.

 

Sa katapus-tapusan, marapat na mailagay ang Faith and Bayan hindi lamang sa aklatan ng mga akademiko sa disiplina ng teolohiya, kundi maging sa aklatan ng mga pastor at iba pang lider ng simbahan, upang maisakatuparan ang pangarap ng mga patnugot at may-akda – pangarap na umusbong ang bagong henerasyon ng mga Pilipinong ebanghelikal na tumutugon sa pananagutang pagtagpuin ang kanilang pananampalataya at pag-ibig sa bayan.   



[1] Melba Padilla Maggay, “The Indigenous Religious Consciousness: Some Implications for Theological Education”, nasa Theological Education in the Philippine Context, pat., Lee Wanak (Manila: Philippine Association of Bible and Theological Schools, at Mandaluyong: OMF Literature Inc., 1993).

[2] Jose M. De Mesa, Why Theology is Never Far from Home (Manila: De La Salle University Press, Inc., 2003), 129.

[3] Sinubukan kong magsagawa ng eksplorasyon sa mga isyung nakapaloob sa pagsasanib na ito ng teolohiyang malaya at teolohiyang mapagpalaya sa Mark Joseph P. Santos, “Teolohiya, Katarungan, at Pagkabansa: Tungo sa Isang Malaya at Mapagpalayang Teolohiyang Pilipino” (isang 41 pahinang ‘di limbag na manuskrito).

Thursday, June 30, 2022

Rebyu #106 -- To Kill a Mockingbird ni Harper Lee

Lee, Harper. To Kill A Mockingbird. New York: Perennial, 2002.

 

‘Yung book na nakaintensify ng aking desire to become a public service lawyer, ‘yung To Kill A Mockingbird. Parang after ko ‘yun nabasa, klaro sakin na kapag nag-abogado ako, magiging public service lawyer ako.[1] 

 

Ito ang mga katagang binanggit ni Vice President Leonor “Leni” Gerona Robredo nang tanungin siya ng Rappler kung ano ang kanyang paboritong aklat. Nagbunsod ang pangyayaring ito ng kaliwa’t kanang talakayan sa iba’t ibang social media platforms ukol sa To Kill a Mockingbird ni Harper Lee. Nagbigay ng motibasyon ang mga talakayang ito upang maitulak ang ilan na basahin ang nobela, o muling basahin para sa ibang matagal nang pamilyar dito. Ang patotoong ito ni Leni ay isa lamang sa napakaraming katibayan na hanggang sa kasalukuyan ay nananatiling makabuluhan ang nobela, at nararapat na bigyan ng atensyon. At ito ang dahilan kung bakit makatuturan na gawan ito ng isang munting rebyu.

 

Nailimbag noong 1960, ang To Kill a Mockingbird ay isang klasikong nobelang nagwagi ng prestihiyosong Pulitzer Prize noong 1961. Naisalin na ang nobelang ito sa humigit kumulang 4o wika.[2] Maycomb County, Alabama sa dekada 1930s ang napili ng may-akda bilang lunsaran ng kwento ng nobela. Patungkol ito sa matinding rasismong umiiral noon sa Estados Unidos laban sa mga Aprikano-Amerikano. Isinasalaysay ang rasismong ito mula sa punto-de-bista ng isang batang babae, si Scout. Sentral sa nobela ang pagsasalaysay ni Scout ukol sa pagtatanggol ng ama niyang abogado na si Atticus sa Aprikano-Amerikanong si Tom Robinson, na naakusahan ng panggagahasa sa dalagang puti na si Mayella Ewell.[3] Tampok din dito ang karanasan nina Scout at kapatid niyang si Jem – bunga ng pagkakaroon ng magulang na nagtatanggol sa itim – sa iba’t ibang anyo ng rasismo sa samu’t saring espasyo ng lipunan tulad ng tahanan, kapitbahayan, paaralan, simbahan, at pamahalaan.

 

Sa maikling rebyu na ito, nais kong pagtuunan ng pansin ang dalawa sa mga pangunahing tema ng aklat: pagiging inosente/kadalisayan at interseksyunalidad.

 

Isa sa pinakakapansin-pansing katangian ng nobela ay ang nakawiwiling inosenteng paraan nito ng pagsasalaysay. Bagaman napakabigat ng paksang rasismo, magaan itong natalakay ng may-akda sa pamamagitan ng tinig ni Scout, isang walong taong gulang na bata. Isa sa mga benepisyo ng paggamit sa tinig ng bata sa pagsasalaysay ay ang epektibong paghuhubad sa depensa/kalasag (o resistance) ng mga mambabasa, na daan upang maging bukas ang kalooban nito sa mensahe o anumang adyenda ng nobela. Kapag kasi bata ang tinig ng nagsasalaysay, meron itong tonong inosente, at mas nagiging implisito ang paghahatid ng mga mensahe, kaya naiaalis nito ang posibleng pagiging depensibo ng mambabasa. Marami nang nobelang gumamit ng gantong literaryong taktika (hal. nobelang Tree ni F. Sionil Jose[4]).

 

Bukod rito, may isa pang malinaw na gampanin sa nobela ang inosenteng tinig ng mananalaysay. Ginamit marahil ito ni Harper Lee upang ipakita na ang rasismo (partikular sa mga Aprikano-Amerikano) ay isang abnormalidad: hindi magagap ng dalisay na isip ng mga musmos (tulad ni Scout, Jem at kaibigan nilang si Dill) ang lohika ng rasismo sapagkat hindi ito bahagi ng likas na kaayusan ng mundo, kundi produkto lamang ng isang lipunang mapang-abuso. Isang magandang halimbawa nito ang eksena ng pagtuturo ng gurong si Miss Gates sa klase nina Scout. Sa gitna ng klase, nabanggit ni Miss Gates si Adolf Hitler, at mariin niyang kinondena ang ginawa nito at ng mga Aleman sa mga Hudio. Pag-uwi ni Scout sa kanilang tahanan, naikuwento niya kay Jem na hindi niya maunawaan kung paanong nagagalit si Miss Gates kay Hitler dahil sa ginawa nito sa mga Hudio, samantalang habang nasa korte ay narinig niya itong pabor sa pagpaparusa sa mga Aprikano-Amerikano na tulad ni Tom. Nagsabi pa nga siya na nararapat lang umano ito sa mga itim, dahil baka humantong pa sila sa pangangahas na magpakasal sa mga puti) (p.282-283).

 

Isa pang eksena na nagpapakita kung gaano ka-ilohikal para sa dalisay at inosenteng kaisipan ng mga musmos ang reyalidad ng rasismo ay ang reaksyon ni Jem sa resulta ng paglilitis kay Tom at ang tugon sa kanya ni Atticus. Labis ang pagkagalit ni Jem sa pasya ng mga hurado kay Tom bilang guilty. Paulit-ulit niyang sinasabi na napakalinaw naman na ‘di makatwiran ang kanilang pasya. Bilang sagot ni Atticus kay Jem, sinabi nito na:

 

If you had been on that jury, son, and eleven other boys like you, Tom would be a free man. So far nothing in your life has interfered with your reasoning process. Those are twelve reasonable men in everyday life, Tom’s jury, but you saw something come between them and reason… There’s something in our world that makes men lose their heads – they could’t be fair if they tried. In our courts, when it’s a white man’s word against a black man’s, the white man always win. They’re ugly, but those are the facts of life (p.251-252).

 

Mula sa siping ito, makikita na sentido kumon ang pagiging mali ng rasismo, na pati sa mga musmos ay napakalinaw nito. Gayunman, ayon nga kay Atticus, bunga ng impluwensya ng lipunan, nagiging malabo sa kamalayan ng mga nakatatanda ang pagiging mali nito. Ang dalawang eksenang ito (komento ni Scout sa pagtuturo ni Miss Gates ukol kay Hitler, at tugon ni Atticus kay Jem) ay patunay sa paggamit ng may-akda sa inosenteng punto-de-bista ng batang mananalaysay upang ipakita na isang abnormalidad ang rasismo.  

 

Liban sa temang ito ng pagiging inosente, isa pang litaw na litaw na aspekto ng nobela ay ang usapin ng interseksyunalidad. Nagmula sa teoryang feminista (partikular sa Black feminism), ang interseksyunalidad ay tumutukoy sa pagkakasala-salabid o interseksyon sa pagitan ng mga sistema ng kaapihan (hal. uri, lahi, kasarian), at pagtatagpo ng mga sistemang ito sa buhay ng mga inaapi.[5] Kitang kita ang reyalidad na ito sa paglilitis kay Tom sa bintang na panggagahasa kay Mayella. Si Tom ay isang mahirap (uri) na lalakeng (kasarian) Aprikano-Amerikano (lahi). Noong panahong iyon, kalimitan talagang mahirap ang mga Aprikano-Amerikano; kaunti ang oportunidad na ibinibigay sa kanila ng lipunan dahil sa kanilang lahi. Dahil sa kanyang lahi, napakadaling paniwalaan ng mga tao ang akusasyon sa kanya. Dahil naman sa kanyang uri, limitado ang kapangyarihan niya upang ipagtanggol ang sarili sa ‘di makatwirang bintang. Nakatulong din ang kanyang kasarian upang mabilis na paniwalaan ang bintang sa kanya, yamang ang mga lalake kadalasan ang nagsasagawa ng pananamantalang sekswal sa mga babae. Sa ganang ito, ang kanyang mga kaapihan (uri at lahi) at maging adbentahe (kasarian) ay nagsama-sama at nakapag-ambag sa pagdiin sa kanya sa kaso na hindi niya talaga ginawa.

 

Samantala, si Mayella naman ay isang mahirap (uri) na babaeng (kasarian) puti (lahi). Dahil mahirap ang kanyang pamilya, nilalayuan sila, kaya hindi nasanay na makipaghalubilo si Mayella sa ibang tao. Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit naging sabik siya sa pagmamahal ng kapwa. Nagbigay daan ito sa paghalik niya kay Tom at pagnanasa na may mangyari sa kanila. Isa pang salik tungo rito ang kanyang kasarian. Bilang babae, nakaranas siya ng pananamantalang sekswal at pabubugbog mula sa kanyang ama. Si Tom lamang ang tanging lalake na nagpakita sa kanya ng disenteng pakikitungo. Dahil dito, naitulak siya nito na magkagusto kay Tom. Samakatuwid, ang kanyang dalawang kaapihan (uri at kasarian) ay naging salik sa aksyon niya ng paghalik kay Tom. Gayunman, noong panahong iyon, labis na pinandidirihan at ipinagbabawal ng lipunan ang relasyon sa pagitan ng puti at itim. Kapag nalaman ninuman ang paghalik na ginawa niya kay Tom, pandidirihan siya ng lipunan. Ang magkaiba nilang lahi ang nagbunsod ng pambubugbog ng ama ni Mayella sa kanya. Ito rin ang nagtulak kay Mayella upang mag-imbento ng bintang na panggagahasa kay Tom. Sa pamamagitan kasi nito, maililigtas niya ang sarili mula sa stigma ng pagkakagusto ng puti sa itim. Kung ang dalawa niyang kaapihan (uri at kasarian) ay nagtulak sa kanya upang magkagusto kay Tom, ang kanya namang adbentahe (lahi) ang nagbunsod sa kanya upang lumikha ng ‘di makatwirang bintang kay Tom.

 

Samakatuwid, sa kasuhang Tom-Mayella ay mababanaag ang pagkakasapin-sapin ng tatlong pulitika ng identidad: uri, lahi, at kasarian.

 

Hindi lamang sa paglilitis kay Tom kaugnay ng bintang ni Mayella limitado ang interseksyunalidad. Kalat ito sa buong nobela. May mga eksena kung saan ipinapakita ng may-akda ang pagkakapatong-patong ng kaapihang panglahi at kaapihang pangkasarian. Halimbawa, sa isang simbahan ng mga Aprikano-Amerikano, ipinangangaral ni pastor Sykes (na isa ring itim) ang pagiging makasalanan ng kababaihan (p.138). Sa ganang ito, doble ang nararanasang kaapihan ng mga babaeng Aprikano-Amerikano. Sa kabuuan ng lipunang Maycomb, api kapwa ang lalake at babaeng Aprikano-Amerikano dahil sa kanilang lahi. Ngunit sa loob mismo ng komunidad ng mga Aprikano-Amerikano, mga babaeng itim lamang ang api sa usapin ng kasarian.

 

Siyempre ay hindi lamang naman sa loob ng Aprikano-Amerikanong komunidad limitado ang kaapihan ng mga babae. Ilang ulit ipinakita ng nobela ang kaapihan ng mga babae maging sa komunidad ng mga puti. Halimbawa, makailang ulit na binanggit ni Jem kay Scout na itigil ang pag-aktong tulad ng isang babae (kahit na babae naman talaga si Scout), dahil ang pagiging babae ay may konotasyon ng pagiging mahina, maarte, at pakialamera (p.42, 45, 58). Nariyan din ang umiiral na batas noon sa Alabama na nagbabawal sa mga babae na maging kasapi ng hurado sa mga korte (p.252).    

 

Samantala, mayroon ding depiksyon sa interseksyon ng kaapihang pang-uri at kaapihang panglahi sa nobela. Tulad ng nasabi na, limitado ang oportunidad na ibinibigay ng lipunan sa mga Aprikano-Amerikano dahil sa kanilang lahi, na dahilan kung bakit halos lahat ng mga Aprikano-Amerikano noon ay mahirap. Ito rin sigurado ang dahilan kung bakit nabanggit ng mananalaysay na hindi marunong magbasa at magsulat ang halos lahat sa isang simbahang Aprikano-Amerikano, kaya wala silang aklat ng mga himno, ‘di tulad sa mga simbahang puti (p.141). Siyempre, malinaw na ang ugat ng ganitong kawalan ng literasi ay ang limitadong oportunidad sa edukasyon, na dulot ng kahirapan nila (kahirapang nag-uugat naman sa lahi nila).

 

Ngunit tulad ng isyu ng kaapihang pangkasarian ng mga babae, hindi rin limitado sa mga Aprikano-Amerikanong komunidad ang kaapihang pang-uri. Kahit sa hanay ng mga puti ay ipinakita ni Harper Lee ang kaapihan ng mga mahihirap. Halimbawa, mayroong kaklase si Scout na nagngangalang Walter Cunningham, na inilarawan na mahirap at walang baon lagi tuwing pumapasok sa eskwelahan (p.22). Kilala ng buong Maycomb ang pamilyang Cunningham bilang mga maralita. Sa katunayan, nang maging kliyente ni Atticus bilang abogado ang ama ni Walter, ang ibinayad nito sa kanya ay hindi salapi kundi mga kahoy na pangsiga at mga pananim (p.23). Ang ganitong kahirapan ng mga Cunningham ang sanhi ng pang-aapi sa kanila ng ibang tao. Halimawa, mayroong eksena kung saan pinagbawalan si Scout ng tita niyang si Alexandra ang pakikisama kay Walter dahil basura umano ang mga Cunningham at hindi sila kauri ng mga Finch (angkan ni Scout) (p.256).

 

Makikita sa mga ito na liban sa mismong paglilitis kay Tom, laganap sa buong nobela ang interseksyunalidad sa pagitan ng uri, lahi, at kasarian. Ang pagtatagpo-tagpo ng mga ito sa usapin ng prejudice at kaapihan ay malinaw na naibuod ni Jem kay Scout ng sinabi nito na mayroong iba’t ibang uri ng tao sa Maycomb at galit sila sa isa’t isa (p.258). Aniya, ang mga Finches at iba pang kauri nila (maykaya) ay galit sa mga Ewell (mahihirap), at ang mga Ewell naman ay galit sa mga Robinson (mga itim).   

 

Nais kong igiit na ang dalawang temang ito (pagiging inosente at interseksyunalidad [partikular ang pang-aapi sa mga itim]) ang siya ring posibleng dalawang pangunahing kahulugan na nilalaman ng pamagat ng nobelang To Kill a Mockingbird. Anim na beses na nabanggit sa buong nobela ang mockingbird (tatlo sa p. 103, isa sa p. 108, isa sa p.240, at isa sa p.317), liban pa sa isang alusyon sa p.275. Sa pahina 103, nang nag-aaral bumaril si Jem at Scout, binanggit ni Atticus na maari nilang barilin ang ibang ibon, huwag lang ang mockingbird dahil kasalanan ang pagpatay sa isang mockingbird. Dahil sa kuryosidad, tinanong nila sa kapitbahay na si Miss Maudie kung bakit kasalanan ang pumatay ng mockingbird. Sumagot ito na kasalanan ito dahil wala namang ginagambala o pinipinsala ang mockingbird. Wala raw itong ibang ginagawa kundi lumikha ng magagandang musika o huni sa tenga ng mga tao. Kaya ‘di makatwiran na patayin ito. Samakatuwid, tila simbolismo ng pagiging inosente ang mockingbird. Sa pahina 273, lumitaw rin ang mensaheng ito, bagaman sa pagkakataong ito ay hindi mockingbird ang ginamit na halimbawa. Nang papatayin ni Scout ang isang alupihan, sinaway siya ni Jem, at sinabing pabayaan niya ito hindi hindi naman siya ginagambala. Maaaring tumutukoy ang mockingbird bilang simbolismo ng pagiging inosente sa dalawang magkaibang grupo.

 

Una, maaaring tumutukoy ito sa kadalisayan ng mga musmos na tulad nina Scout at Jem. Sa katunayan, sa pahina 317, nabanggit mismo ni Scout ang mockingbird, sa konteksto ng pagdaan ni Atticus sa mahirap na pagpapasya kung isasalang niya ba si Jem sa paglilitis kaugnay ng pagkamatay ni Bob Ewell. Ipinipilit ni Atticus na kailangang isalang si Jem sa paglilitis sa ngalan ng integridad dahil baka ito ang nakapatay kay Bob bilang anyo ng pagtatanggol sa sarili. Ngunit ipinipilit pinuno ng kapulisan na si Heck Tate na si Bob mismo ang aksidenteng nakasaksak sa kanyang sarili nang matumba siya. Iginiit pa ni Heck na hindi dapat ibuyangyang sa publiko ang isyung ito dahil kasalanan ang pagkaladkad sa mga inosente sa kahihiyan (ang tinutukoy niya ay si Jem). Nang kausapin ni Atticus si Scout, sinabi ni Scout na tama si Heck, dahil tila pagbaril umano ito sa isang mockingbird. Samakatuwid, sa eksenang ito, implisitong inilapat ang mockingbird bilang simbolismo para sa pagiging inosente ng mga batang tulad ni Jem. Hindi nakapagtataka kung ginamit ng may-akda ang simbolismo ng mockingbird bilang pantukoy sa pagiging inosente ng mga bata (na wala pang bitbit na prejudice), yamang tulad ng nabanggit na, inosenteng tinig mismo ng bata ang ginamit ni Harper Lee sa pagsasalaysay ng buong nobela.

 

Ikalawa, maaaring tumutukoy rin ito sa isa sa tatlong kaapihang nakapaloob sa interseksyunalidad ng nobela: ang kaapihan ng mga inosenteng itim tulad ni Tom. Sa peryodikong The Maycomb Tribune, inihalintulad ng manunulat na si Mr. Underwood ang pagkamatay ni Tom sa ‘di makatwirang pagpatay ng mga mangangaso sa mga “songbird” (na siguradong tumutukoy sa mockingbird) (p.275). Dito, tuwirang ginamit ang mockingbird/songbird na pantukoy sa mga itim na tulad ni Tom. Tulad ng mockingbird, inosente si Tom, at wala itong ibang ginawa kundi maging mabait kay Mayella. Kaya naman ang pagpatay kay Tom ay parang pagpatay sa isang mockingbird. Sa nobela, si Atticus ang nagsabing kasalanan ang pagpatay sa mockingbird (p.103). At hindi nagkataon lamang na sa nobela, siya rin ang nagwika na sampung ulit na mas masahol ang pandaraya sa mga itim kaysa pandaraya sa mga puti (p.229) (marahil, ito’y sapagkat inosente kadalasan ang mga itim sa mga bintang sa kanila, at kumpara sa mga puti, wala silang kakayahan na ipagtanggol ang kanilang mga sarili). Samakatuwid, parehong masahol para kay Atticus ang pagpatay sa mga mockingbird at pang-aapi sa mga itim.

 

Bilang paglalagom sa mga bagay na naitala natin sa itaas, ang mockingbird ang nagtatagpi sa dalawang pangunahing tema ng pagiging inosente at interseksyunalidad sa pamamagitan ng pagsisilbing simbolismo ng: 1. Dalisay na kaisipan ng mga musmos na hindi pa nababahiran ng abnormalidad ng kanilang lipunan kaya malinaw pa sa kanila ang pagiging ilohikal ng rasismo, at 2. Pang-aapi sa mga inosenteng Aprikano-Amerikanong tulad ni Tom na walang awang pinapatay, walang habas na pinipipe ng isang lipunang bingi sa musikang nililikha ng mga ito.

 

At ang mga ito ang dahilan kung bakit patuloy na makabuluhan ang To Kill a Mockingbird bilang isang kontemporaryong teksto, lalo na sa lipunang Pilipino. Hanggat mayroong inhustisya sa isang lipunan, hanggat mayroong indibiduwal na inaapi nang dahil sa kanilang uri, lahi, o kasarian, hanggat ang inosente ay pinaparusahan at ang maysala ay pinababayaan, hanggat bingi ang tao sa musikang nililikha ng kanilang kapwa, patuloy na dapat basahin ang klasikong nobela ni Harper Lee.  



[1] Pahayag ni Leni Robredo na matatagpuan sa Rappler, “Leni Robredo talks about her favorite book 'To Kill A Mockingbird,'” Marso 31, 2022, Youtube channel ng Rappler, https://www.youtube.com/watch?v=2Tsktfg_bSk, inakses noong Hunyo 30, 2022.

[2] Anna Foca, “To Kill a Mockingbird, Novel by Lee,” websayt ng Britannica, https://www.britannica.com/topic/To-Kill-a-Mockingbird, inakses noong Hunyo 30, 2022.

[3] Mainam na banggitin kahit sa talababa man lamang na tila ginamit ni Harper Lee na reperensya para sa kaso ni Tom ang kwento ni Joseph sa Genesis. Hindi naman imposible ito sapagkat puno ng reperensyang Biblikal ang nobela (hal. paggaya nina Jem sa kwento nina Shadrach, Meshach at Abednego sa pahina 133). Napakaraming makikitang paralelismo: 1. Parehong inosente si Joseph at Tom, 2. Ang asawa ni Potiphar ang nagkusa na tumukso kay Joseph, at si Mayella rin ang nagtangka kay Tom, 3. Pareho si Joseph at Tom na tumakbo papalayo sa halip na magpatukso, 4. Pareho silang pinaratangan ng ‘di totoong panggagahasa, at 5. Pareho silang nilitis at ipinakulong.    

[4] F. Sionil Jose, Tree, Eighth Printing (Ermita, Manila: Solidaridad Publishing House, 2008).

[5] Anna Carastathis, “The Concept of Intersectionality in Feminist Theory,” Philosophy Compass 9:5 (2014): 304–314

Rebyu #112 - Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing ni Ricky Lee

Lee, Ricky. Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing. Loyola Heights, Quezon City: Philippine Writers Studio ...