Ang “Essays on Filipino Philosophy” ni Leonardo Mercado ay koleksyon ng labingdalawang sanaysay na una nang nailathala sa iba’t ibang dyornal. Tumatalunton ito sa samu’t saring isyu ukol sa pilosopiyang Pilipino. Narito ang maiksing pagbibigay buod sa bawat sanaysay:
● Why I Started to Write on Filipino Philosophy
●
Filipino
Philosophy: Its Elements and Relevance
Sa kabanatang ito ay tinalakay ng may-akda ang
kanyang metodolohiya sa pag-aaral ng pilosopiyang Pilipino. Una na rito ang
metalingguwistikang pagsusuri na nag-aanalisa ng istruktura ng wika,
organisasyon ng mga pangungusap, at kahulugan ng mga salita. Ginamit niyang halimbawa
ang kaso ng loob (Tagalog), nakem (Ilokano), at buot (Cebuano) upang ipakita
kung paano ginagawa ang naturang metodo. Ikalawa ay ang penomenolohiya ng
pag-uugali (“phenomenology of behavior”) na tinatangkang alamin ang kamalayang
Pilipino sa pamamagitan ng obserbasyon sa mga “pattern” ng aksyon ng mga
Pilipino. Ikatlo ay ang tinatawag niyang “comparative oriental philosophy” na
sumisiyasat sa pilosopiyang Pilipino sa pamamagitan ng pagkukumpara rito sa
pilosopiya ng iba’t ibang Asyano. Salalayan nito ang paghahaka na dahil ang
pilosopiyang Pilipino ay nasa loob ng konteksto ng pilosopiyang Asyano, may
pagkakahawig ito sa iba pang pilosopiya ng mga Asyano (hal. Intsik, Indiano,
Hebreo, atbp.). Pagkatapos nito ay tinalakay niya iba’t ibang elemento ng pilosopiyang
Pilipino, o ang kaisipang Pilipino sa aspeto ng pilosopiya ng tao, lohika,
epistemolohiya, metapisika, etika, at “theodicy.” Sa huli ay ipinakita niya ang
iba’t ibang praktikal na gamit ng pilosopiyang Pilipino sa pananaliksik na
nakaugat sa panloob na pananaw (“emic”), sa pag-aanalisa sa ekonomiya, sa
pagsukat sa kung ano ba ang “good life” at pagbibigay kritika sa
materialistikong pamumuhay.
●
Filipino
Interpersonalism
Tinatalakay dito ang pakikipagkapwa ng mga
Pilipino. Naglalaman ito ng dalawang paksa. Una ay tinangkang unawain ni
Mercado ang pakikipagkapwa ng Pilipino sa pamamagitan ng paghahanap ng salin sa
Tagalog, Cebuano at Ilokano ng mga kategoryang “I-It” at “I-Thou” ni Martin
Buber. Ayon sa kanya, sa “I-It” ang makapangyarihang “I” bilang subheto ay
tinitingnan ang kapwa niya bilang pasibong obheto na inoobserbahan lamang,
samantalang sa “I-Thou” ay itinuturing ng sarili ang kapwa bilang kapantay
niyang subheto. Sa wari ni Mercado, “I-Thou” ang ginagamit ng mga Pilipino sa
pakikipagkapwa na mas angkop na isalin sa Tagalog na “kita” o “tayo” sa halip
na literal na ”ako-ikaw.” Ganito rin ang kaso sa Ilokano (taka) at Cebuano
(kita o taka). Ipinapakita nito na hindi lamang pantay, bagkus ay magkasama ang
sarili at ang kapwa sa kamalayang Pilipino. Ikalawa ay sinipat ng may-akda ang
dalawang salin ng Ingles na “know” sa wikang Tagalog: alam at kilala. Ani niya,
kaiba ng “know” na generikong pagpasok ng impormasyon sa isip ang kahulugan, sa
Tagalog ay may dalawang salitang salin ng “know” na ispesipiko ang kahulugan.
“Alam” ang ginagamit na salita kapag ang pinapatungkulan ay gamit, samantalang
“kilala” naman kapag tao. May ganito ring ispesipikong mga salita sa Ilokano
(“ammo” sa bagay at “lasin” sa tao) at Cebuano (“balu” sa bagay at “ila” sa
tao). Sa dulo ay pinagsama ni Mercado ang dalawang paksa sa pamamagitan ng
pagpapahayag na na sa “I-It” ay “alam” ang nagbibigay koneksyon sa subhetong
“I” at obhetong “It” samantalang sa kategoryang “I-Thou” ay “kilala” ang
ginagamit. Sa kulturang Pilipino, ang ginagamit ng mga tao sa pakikipagkapwa ay
ang kategoryang “kita” na pinag-uugnay ng “kilala.” Nagpapakita lamang ito ng
konkreto, personal, at may pagkakapantay na pakikitungo ng mga Pilipino sa
kapwa.
●
Filipino
Philosophy and Corruption in Government
●
Philosophy
of Gawa
Ayon sa kanya, ang salitang “gawa” ay
naglalaman kapwa ng kahulugan ng pag-akto (“doing”) at pagpo-prodyus ng isang
bagay (“making”). Ganito rin ang kaso ng salitang Cebuano na “himo” at Ilokano
na “aramid.” Upang unawain ang pilosopiya ng gawa ng mga Pilipino ay ginamit
niyang instrumento ang mga salawikain na mula sa iba’t ibang wikang Pilipino.
Ilan sa resulta ng kanyang pag-aaral ay ang mga sumusunod: 1. Ang katotohan ay
nalalaman hindi sa pamamagitan ng salita kundi gawa, 2. Ang gawa bilang
nagpapakita ng pagpapahalaga, 3. Maaari lamang na madetermina ang kabutihan o
kasamaan ng isang gawa kung ito ay nagmumula sa isang malayang pagkilos, 4.
Kailangang maging maagap sa paggawa, at 5. Isang lunas mula sa hinagpis ang
paggawa.
●
Understanding
Filipino Causality
Ipinaliwanag ng may-akda na mauunawaan lamang
ang konsepto ng kadahilanan (“causality”) ng mga Pilipino gamit ang “new
paradigm” na isinilang ng postmodernismo at sinusugan ng “quantum theory.” Ani
niya, masyadong limitado ang parametro ng tradisyunal na agham pagdating sa
pagpapaliwanag ng kadahilanan. Ito ay nakagapos lamang sa kategorya ng
“efficient causality” ni Aristotle kung saan ang sanhi at bunga ay marapat na
magkalapit lamang sa aspeto ng espasyo. Hindi magkakaroon ng “sense” ang ilang
paniniwalang Pilipino (tulad ng paglilihi, usog, pangkukulam, atbp., na tila
walang direktang korelasyon) kung susundin ang ganitong balangkas ng
tradisyunal na agham. Inilahad ni Mercado na mas magkakaroon ng kalinawan ang
pilosopiya ng kadahilanan ng mga Pilipino kung ang gagamitin ay ang “new
paradigm” o “new physics” na bukas sa pagpapaliwanag ng mga bagay tulad ng
“placebo effect,” “Extra-Sensory Perception,” “usog” at iba pa na nagpapakita
ng pananaig ng isip sa katawan.
●
Signs
and Wonders from the Philippine Perspective
Dito ay pinagkumpara ng may-akda ang
dualistikong pananaw ng Kanluran at ang holistikong pananaw ng mga Pilipino.
Mahilig mag-dikotomiya ang mga Kanluranin tulad na lamang sa isyu ng pagiging
masama ng materyal at mabuti ng ispirituwal, pagiging hiwalay ng rason at
pananampalataya, at pagiging hiwalay ng pamahalaan at simbahan. Ngunit ang mga
Pilipino ay holistiko ang pagtanaw sa reyalidad. Iisang kabuuan ang katawan,
kaluluwa at ispiritu. Hindi rin pinapahalagahan ang indibiduwalismo dahil ang
binibigyang diin ay ang komyunal na “sakop.” Inilapat niya ito sa konsepto ng
“signs” kung saan para sa Pilipino ay iisa ang materyal na kalikasan at ang
“divine.” Kaya naman, ang nakikitang kalikasan ay tila isang aklat na kanilang
binabasa, na nagbibigay ng mga babala ukol sa mga bagay na di nakikita. Hindi
rin kakaiba ang “wonder” o mga milagro dahil nga magkasama ang pisikal at ang
ispiritwal sa isang holistikong kabuuan.
●
Church-State
Relations and Filipino Philosophy
Gamit ang mga klasipikasyon ng iba’t ibang
modo ng relasyon sa pagitan ng banal (“sacred”) at di-banal (“profane”) ni
Raimundo Panikkar, inilatag ni Mercado ang tatlong alternatibong balangkas na
makapagpapaliwanag sa relasyon ng simbahan at pamahalaan sa Pilipinas. Una ay
ang “Sacred Heteronomy” kung saan ang makapangyarihang simbahan ang kumokontrol
sa pamahalaan. Ikalawa ay ang “Profane Autonomy” kung saan nagtatamasa ng
kalayaan ang pamahalaan mula sa kontrol ng simbahan. May dalawa itong
sub-kategorya: 1. Senaryo kung saan pilit na kinokontrol ng pamahalaan ang
simbahan, 2. Senaryo kung saan pantay ang simbahan at pamahalaan, at hindi sila
nagpapakialamanan. Ikatlo ay ang “Theandric Ontonomy“ (mula sa pinagsamang theos=God at andros=man) kung saan may awtonomiya mula sa isa’t isa kapwa ang
simbahan at pamahalaan, pero may ilang aspeto kung saan nagkakatagpo (“overlap”)
sila. Ang modelo ng “Theandric Ontonomy” ang sinususugan ng may-akda. Sa mga
bahagi kung saan nagkakatagpo ang dalawa ay marapat silang magtulungan.
Isinusulong ni Mercado rito ang konsepto ng “pamathalaan” (na naging sikat lalo
na noong panahon ni Pangulong Ramos) kung saan ang pamamahala ay dapat gawin sa
tulong ni Bathala. Mas lapat sa kontekstong Pilipino ang “pamathalaan” kaysa sa
Kanluraning konsepto ng “government” na pumapabor sa makakapangyarihan,
nagbibigay pagpapahalaga sa lakas, at nakatuon sa gusto ng estado.
●
The
Erap Impeachment Trial, People Power II, and Legal Philosophy
Ang mga napalitaw niya na mga katangian ng
pilosopiyang legal ng mga Pilipino ay inilapat niya sa kaso ng EDSA Dos. Una,
para sa mga Pilipino malawak ang sakop ng batas, hindi lamang ito nakatuon sa
mga alituntunin ng pakikipag-ugnayan ng mga tao sa isa’t isa, bagkus ito ay
kasinglawak ng buong buhay mismo. Kaya naman sa EDSA Dos ay hindi maitatatwa
ang malaking ginampanan ng simbahan lalo na sa pamumuno ni Cardinal Sin.
Ikalawa, ang batas ay konkreto at hindi abstrakto. Walang pakialam ang mga tao
sa teknikalidad ng batas sa isyu ng EDSA Dos, para sa kanila ang puso ng isyu
ay ang pagkakasala ni Erap sa taumbayan sa pamamagitan ng pagkakanulo ng
kanilang tiwala. Ikatlo, mas pinapahalagahan ng mga Pilipino ang konsepto ng
obligasyon kaysa karapatan. Ito ay dahil nga ang Pilipinas ay may tuon sa
konsepto ng “sakop” kaysa indibiduwal. Ayon kay Mercado, mas pinapahalagahan
ang obligasyon sa mga komyunal na lipunan kaysa indibiduwal na karapatan. Kaya
naman makikita sa EDSA Dos na walang pakialam ang tao sa indibiduwal na
karapatan ni Erap na manatili sa puwesto bilang nahalal na pangulo dahil hindi
niya ginampanan ang kanyang obligasyon.
●
Philosophy
as Mediation between Religion and Culture
Tinalunton ni Mercado sa sanaysay na ito ang
gampanin ng pilosopiya bilang tagapagtulay sa pagitan ng Kanluraning
Kristiyanismo sa isang banda, at kulturang Pilipino sa kabilang banda. Ginamit
na lunsaran ni Mercado ang mga pahayag ni Pope John Paul II upang ipakita ang
kahalagahan ng pilosopiya sa teolohiya, at pilosopiya sa kultura at wika.
Pagkatapos nito ay tumuon na siya sa usapin ng pagsasalin ng mga teolohikal na
konseptong Griyego patungo sa Tagalog tulad ng pakikipagpalagayang-loob
(dialogue), kagandahan-loob (grace), pagbabalik-loob (conversion), karupukang
mana (original sin) at pagsasadiwa (spirituality).
●
Peace
According to Philippine Traditional Religion
Tinangka ditong alamin ni Mercado ang
pilosopiya ng kapayapaan ng mga “Traditional Religion” ng mga Indigenous People
(IP) sa Pilipinas. Ang pilosopiya ng kapayapaan ng TR ay nakapokus sa
pagpapahalaga sa kalikasan, maayos na pakikipag-ugnayan ng tao sa Manlilikha,
simpleng pamumuhay sa pamamagitan ng pagiging komyunal ng pag-aari, at mabuting
pakikipagkapwa. Esensyal din dito ang kahalagahan ng respeto, lalo na sa usapin
ng pakikipagkapwa.
●
Philosophical
Ingredients of the Mindanao Peace Zones
Tinalunton sa bahaging ito ang
pakikipagkapayapaan ng ilang pangkat etniko sa Mindanao, at kung paanong maaari
itong maging modelong ireplika sa iba pang lugar sa Mindanao upang makamit na
ang kapayapaan. Sentral dito ang papel ng tradisyunal na datu bilang
tagapamagitan, kawalan ng piitan, at pagiging holistiko ng pagbabatas.
No comments:
Post a Comment