Wednesday, June 23, 2021

Rebyu #2 -- Ethnic Dimensions ni Zeus Salazar

Salazar, Zeus A. Patnugot. Ethnic Dimensions: Papers on Philippine Culture, History and Psychology. Cologne: Counselling Center for Filipinos, Caritas association for the City of Cologne, 1983.

 


Ang Ethnic Dimension na pinatnugutan ni Dr. Zeus Salazar ay kalipunan ng mga papel na tumatalakay sa samu’t saring paksa sa lipunang Pilipino. Bagama’t magkakaiba ang tuon, lahat ay pinagbubuklod ng sentral na layunin ng aklat na mas maunawaan ng Pilipino ang sarili mula sa sarili nitong pananaw. Ika nga ng patnugot “No one can define the Pilipino better than himself.”

Binubuo ang aklat ng pitong sanaysay.

Sa maiksing artikulo ni Alice Villadolid na “Culture: ‘Getting to Know a Filipino is like Peeling an Onion,’” tinalakay ang ilang paksa na nakapaloob o kaugnay ng kulturang Pilipino tulad ng suliranin ng impluwensyang Kanluranin, at debate sa paggamit ng wikang Ingles at Filipino.

Nagmumula sa sikolohikal na lente, pinroblematisa ni Gerda Koehler sa “Personality Needs of German Wives and Satisfaction with Life in the Philippines” ang karanasan ng mga babaeng asawang Aleman sa Pilipinas, sa kanilang pagtatangka na umangkop sa lipunan at kultura nito.

Ang ikatlong artikulo na “Educating the Muslim Child: The Philippine Case” ni Abdullah T. Madale ay pumaksa sa isyu ng edukasyon sa konteksto ng lipunang Muslim sa Pilipinas. Gamit ang mga pag-aaral na isinagawa ng mga nakalipas na mga iskolar, gayundin ang sarili niyang tesis masteral at disertasyon, inilarawan niya ang napakaraming suliranin na kinakaharap ng edukasyon sa Mindanao tulad ng kurikulum at mga teksbuk na hindi lapat sa Islam (dahil ang mga gumawa ay mga Kristiyano ng Luzon), kakulangan sa salapi para sa maayos na pasilidad, kakulangan sa kasanayan ng mga guro, at limitadong oportunidad ng mga mag-aaral matapos ang kanilang pag-aaral. Ayon sa may-akda, kung talagang nais ng pamahalaan na talagang maisagawa ang proseso ng integrasyon ng mga Muslim sa kabuuang lipunang Pilipino, esensyal ang pagpapainam ng edukasyon ng mga Muslim na dapat na makatanggap ng pantay na karapatan sa mga nakatataas nilang mga kapatid na mga Kristiyano sa hilaga.

Samantala, ang sanaysay na “The Case for T’Boli Rights to Their Ancestral Territory” ni Fr. Rex Mansmann ay nagtatangkang igiit ang karapatan ng mga T’Boli sa paligid ng Lawang Sebu sa kanilang lupain na orihinal nilang tahanan. Matapos ipaliwanag ang moralidad na kaakibat ng pagrespeto sa bawat grupong etniko bilang integral na sangkap ng pambansang pagkakaisa, nilantad niya ang ugat ng suliranin: ang pagiging gahaman ng mga kapitalistang pinagtatakpan ang kanilang kasakiman sa ngalan ng “pag-unlad.”

Ukol din sa isa pang pangkat etniko ang “A Survey of Ivatan Oral Tradition” ng isa sa pinaka eksperto pagdating sa usapin ng kulturang Ivatan, si Florentino Hornedo. Dito nagbigay siya ng deskriptibong sarbey sa mayamang tradisyong pasalita ng Batanes na kanyang hinati sa dalawang kategorya: ang di-inaawit na tradisyon na tinatawag na “kabbata” at ang inaawit na tradisyon na tinatawag na “lagi.” Nasa ilalim ng unang kategorya ang ilang mala-epikong kuwento ng Minamina, Pudalan, Baut, at Juan Miseria, habang ang ikalawang kategorya naman ay naglalaman ng mga awit na tungkol sa samu’t saring paksa tulad ng pag-ibig, karunungan, papuri sa kapwa, pagluluksa, at pagpuna sa maling sistema ng lipunan.

Tampok din sa aklat ang dalawang sanaysay ni Zeus Salazar. Una na rito ang kanyang “Ethnic Psychology and History: The Study of Faith Healing in the Philippines.” Matapos ang pagtalunton sa apat na tradisyon ng sikolohiya sa Pilipinas (a. academic-scientific psychology, b. academic-philosophical psychology, c. ethnic psychology, at 4. medico-religious psychology), ipinaliwanag niya na ang kasalukuyang penomenon ng “faith-healing” sa Pilipinas ay mauunawaan lamang sa konteksto ng ikaapat na tradisyon (i.e. medico-religious). Aniya, ang faith-healing ay pagpapatuloy ng mahabang tradisyon ng ganitong uri ng sikolohiya sa Pilipinas, na nagsimula pa sa mga babaylan at nagpatuloy sa mga melinaryong grupo. Upang ipakita ang paralelismo sa mga modernong faith-healers at mga sinaunang babaylan, pinagkumpara ni Salazar ang mga paniniwala ng dalawa na umiinog sa konsepto ng kaluluwa at ginhawa.

Ang sunod na artikulo ni Salazar ay ang “A Legacy of the Propaganda: The Tripartite View of Philippine History.” Maituturing na isa sa mga pinaka sopistikadong sanaysay ni Salazar sa paksa ng pilosopiya ng kasaysayan, dito niya unang ipinaliwanag ang tunggalian sa pagitan ng “dilim-liwanag” (bipartite view of history) ng mga Kastila sa isang banda, at ang liwanag-dilim-muling liwanag (tripartite view of history) ng mga Propagandista tulad nina Rizal, del Pilar at Lopez Jaena. Pangunahing nabuo bilang tugon sa paratang ng mga Kastila na barbaro ang mga Pilipino bago sila dumating, ang tatluhang paghahating pangkasaysayan ng mga reaktibong ilustrado ay kalaunang nagamit din ng Katipunan bilang pilosopiyang pangkasaysayan na salalayan ng kanilang himagsikan.

No comments:

Post a Comment

Rebyu #112 - Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing ni Ricky Lee

Lee, Ricky. Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing. Loyola Heights, Quezon City: Philippine Writers Studio ...