Budziszewski, J. How to Stay Christian in College. Colorado Springs, Colorado. TH1NK. 2004.
Sa wakas tapos nang basahin ang aklat ni J. Budziszewski na How to Stay Christian in College. Bigla kong naalala ang mga panahon na nag-aaral pa ko sa PUP bilang history major. Siguro dahil lumaki ako sa isang good Christian family at decent Christian church, determinado ako noon na lumakad nang tuwid bilang Kristiyanong college student. Pero somewhere along the road, nakalimutan kong Kristiyano ako, na Kristiyano muna ako bago ako naging history major, na Kristiyano muna ako bago ako naging guro. Medyo may katagalan na rin pala mula nang maging Kristiyano nalang ako sa pangalan. At medyo may hawig kami ng kwento ni Budziszewski. May estudyanteng nagsabi saking ibuod ko ang aklat pagkatapos kong basahin, kaya narito sa baba maikling pagbubuod kung anong nilalaman nito:
Pumasok sa kolehiyo bilang
Kristiyano, grumaduate si Budziszewski na isang atheist. Dahil gusto niyang
i-justify ang uri ng pamumuhay niyang alam niyang mali, unti-unti niyang
pinaniwala ang sarili niyang ayos lang dahil hindi naman totoo ang Diyos. Kahit
mas mahirap maniwala na walang Diyos, pinilit niya ang utak niya na maniwalang
walang Diyos, dahil yon ang convenient sa uri ng pamumuhay niya. Naalala ko
yung sabi ni Dinesh D’souza bilang sagot sa laging kino-quote na linya ni Marx
na “religion is the opium of the people” – “atheism is the opium of the morally
corrupt.” After all, kung walang Diyos na iho-hold ka bilang accountable sa mga
aksyon at desisyon mo sa buhay, pwede mong gawin lahat ng sa tingin mo
makakapagpasaya sayo, after all ikaw ang sentro ng uniberso. Habang kumukuha si
Budziszewski ng doktorado sa pilosopiya, ang ginawa niyang PhD thesis ay
sumusuporta sa iba pang mga pag-aaral na nagpapakitang socially constructed
lang ang morality, na wala talagang nag-eexist na good and evil. Tinuro niya pa
ang mga idea na ito sa napakarami niyang naging estudyante.
Paglipas ng ilang taon, dumating
siya sa punto na hindi na niya kayang paniwalaan lahat ng sinasalaksak niya sa
utak niya para lang i-justify ang uri ng pamumuhay niya, kaya nagdesisyon
siyang magbalik-loob bilang Kristiyano. At para hindi na daanan pa ng ibang mga
estudyante ang karanasan niya, sinulat niya ang How to Stay Christian in College bilang isang Kristiyanong propesor
ng pilosopiya (na ang specialization ay philosophy of moral law at ideas ni
Thomas Aquinas). Ang aklat ay isang
“practical handbook” na isinulat niya para sa mga Christian college student na
talagang siryoso sa pagiging Kristiyano. Nahahati ang aklat sa labing isang
kabanata.
Matapos ang introduksyon sa Chapter
1 ukol sa kanyang buhay at sa kolehiyo bilang panibagong mundo para sa mga
kabataan, inilatag niya nang maiksi ang Christian worldview sa Chapter 2,
kasama na ang buod ng gospel. Ang Chapter 3 ay ukol sa worldview na meron ang
mga hindi Kristiyano sa Estado Unidos tulad ng naturalism, postmodernism, at
new age spirituality (at paano sasagutin ng mga Kristiyano ang mga ito
intellectually). Inilaan niya ang Chapter 4 para sa pagbibigay ng gabay sa mga
Kristiyanong estudyante kung paano magkakaroon ng malusog na pakikipagkaibigan
sa mga hindi Kristiyano nang walang kompromiso sa kanilang paninindigan. Ukol
muli sa pagsagot sa mga intelektuwal na argumento ng mga hindi Kristiyano
(tulad ng mga relatibista) ang Chapter 5.
Ang Chapter 6 ay ukol sa usapin ng love and sex. Naglatag ng mga argumento ni Budziszewski kung bakit hindi kahangalan ang paninindigan ng mga Kristiyano na umiwas sa pakikipagtalik sa labas ng kasal. Isa-isa niyang sinagot ang mga alamat/mito na madalas na ibinabato ng mga di-Kristiyano sa mga Kristiyano ukol sa usapin ng pakikipagtalik. Sa Chapter 7 naman ay nagbigay siya ng kanyang paninindigan sa pulitika, partikular na sa mga dapat iwasan ng mga Kristiyanong kabataan kapwa sa kampong liberal at konserbatibo. Dagdag na mga payo ukol sa pakikipagkaibigan, pakikipagrelasyon at iba ang laman ng Chapter 8. Para sa may-akda, isa sa mahalagang hakbang na dapat na gawin ng isang Kristiyanong estudyante upang maging matibay sa kanyang paglakad nang tuwid bilang Kristiyano ay ang pagsama sa mga kapwa Kristiyano, na katulad niya ng values at goals sa buhay. Kaya naman ito ang nilalaman ng Chapter 9. Liban sa pananatili sa isang disenteng simbahan, ipinayo rin niya ang pagsali sa mga Kristiyanong organisasyon sa unibersidad, gayundin ang paghanap ng mga Christian mentor na makakatulong kapwa sa pag-aaral at buhay Kristiyano. Sa Chapter 10 ay ibinahagi ng may-akda ang kahalagahan ng pagdevelop ng intelektuwalidad na handa sa pagtugon sa mga argumentong umaatake sa Kristiyanismo. Sa Chapter 11 na huling kabanata, nanawagan si Budziszewski sa mga Kristiyanong kabataan na gamitin ang talino at talento para sa Diyos, anuman ang kanilang propesyon o larangang kinabibilangan. Hindi lang ang pastor ang may calling, at bawat Kristiyano ay may vocation bilang mga Christian accountant, Christian engineer, Christian teacher, at marami pang iba.
No comments:
Post a Comment