Tano, Rodrigo D. Theology in the Philippine Setting: A Case Study in the Contextualization of Theology. Quezon City. New Day Publishers. 1981.
Nagsimula bilang disertasyon ni Rodrigo Tano sa Baylor University, ang Theology in the Philippine Setting ang maituturing na kauna-unahang aklat na sistematikong sumusuri sa hulma ng Teolohiyang Filipino sa ika-dalawampung dantaon. Isinagawa ito ni Tano sa pamamagitan ng paglalatag ng kaisipan ng limang piling teologo na para sa kanya ay naging pinaka produktibo sa gawain ng Teolohiyang Filipino: Carlos Abesamis, Catalino Arevalo, Edicio De la Torre, Emerito Nacpil, at Vitaliano Gorospe. Kolektibo niyang itinuturing ang teolohiyang nabuo ng limang pantas na ito bilang ehemplo ng kontekstuwal na teolohiya.
Maaaring hatiin ang aklat sa
dalawang primaryang bahagi. Liban sa maikling pagbaybay sa sosyo-pulitikal na
kasaysayan ng Pilipinas, ang unang bahagi ay naglalaman ng panimulang pagtalakay
sa mga konsepto ng indihenisasyon at kontekstuwalisasyon. Ang mas maagang
konseptong indihenisasyon ay sumasayapak sa paniniwalang upang magkaroon ng
saysay ang Kristiyanismo sa isang partikular na lipunan, kailangan nitong
umangkop sa katutubong kalinangan. Ngunit may ilang nagbigay diin na hindi
sapat ang gawain ng indihenisasyon. Bukod sa pag-angkop sa katutubong
kalinangan, kailangan ding isaalang-alang ng teolohiya ang ilang
kontemporaryong panlipunang mga penomenon sa Ikatlong Daigdig tulad ng
modernisasyon, sekularisasyon, at sosyo-ekonomikong kahirapan ng masa. Ang
konsepto ng kontekstuwalisasyon ay umusbong bilang tugon sa pangangailangang
ito. Lumitaw ito sa sirkulo ng mga Protestante, at unang naging talamak sa mga
literatura ng Theological Education Fund ng World Council of Churches. Layunin
ng kontekstuwalisasyon na lumagpas sa tradisyunal na hermeneutika na
isinasaalang-alang lamang ang Biblia bilang teksto at ang kaligirang
pangkasaysayan nito bilang orihinal na konteksto. Sinalungguhitan nito na liban
sa kontekstuwal na mundo ng mga sumulat ng Biblia, may isa pang kontekstong
dapat bigyang pansin sa hermeneutika: ang konteksto ng mga kontemporaryong
Kristiyanong nagbabasa ng Biblia. Naniniwala silang kung paanong si Kristo ay
nagkatawang tao sa lipunang Hudio ng unang dantaon, marapat lamang din na
dumaan sa proseso ng inkarnasyon ang teolohiya sa kasalukuyang lipunan ng mga
mambabasa.
Sa ikalawang primaryang bahagi ay
nagbigay na siya ng pagbubuod at pagsusuri sa teolohiya ng limang Pilipinong
teologo, bilang halimbawa ng kontekstuwal na teolohiya.
Una na rito ang ideya ni Carlos
Abesamis ng “total salvation.” Para kay Abesamis, ang Biblikal na nosyon ng
kaligtasan ay hindi lamang limitado sa espirituwal na aspekto, bagkus ito ay tumatagos
din sa aspektong materyal/pisikal. Pananagutan ng simbahan hindi lamang ang
punahin ang mga espirituwal/indibiduwal na kasalanan, kundi maging ang mga
panlipunan o sistematikong kasamaan tulad ng di patas na sistemang
sosyo-ekonomiko. Naniniwala si Abesamis na hindi limitado ang “salvation
history” sa Biblikal na naratibo, bagkus ito ay nagpapatuloy hanggang sa
kasalukuyang mga lipunan ng sangkatauhan. Kaya naman hindi natitigil ang gawain
ng teologo sa pag-interpreta ng Biblia. Pananagutan niya rin ang pag-interpreta
sa kasalukuyang lipunang kanyang kinalalagyan, na nakatuon sa gawain ng
pagliligtas ng Diyos. Sa ganang ito, mahalagang pantulong sa gawain ng teologo
ang pagkakaroon ng kaalaman sa mga agham panlipunan.
May pagkakahawig dito ang “theology
of the signs of the time” na sentro ng pagteteolohiya ni Catalino Arevalo.
Gamit ang tema ng Bagong Tipan ng “signs of the time”, iginiit ni Arevalo na
pananagutan ng simbahan na unawain ang senyales ng panahon sa kasalukuyang
lipunan upang maunawaan kung paano kumikilos ang Diyos sa kontemporaryong
panahon. Para kay Arevalo, isa sa mga pangunahing senyales ng panahon ay ang
kasalukuyang pakikihamok ng sangkatauhan para sa katarungang panlipunan.
Naniniwala siyang kumikilos ang Diyos sa mga kilusang nais magdala ng
katarungan, kaya naman marapat lamang na ang simbahan ay tumungo rin sa
direksyong ito. Hindi ito kataka-taka para kay Arevalo, dahil punong puno ang
Biblia ng tema ng katarungang panlipunan. Bukod sa galit ang Diyos sa pang-aapi
sa mga taong nilikha sa kanyang imahe, malinaw sa Bagong Tipan na bahagi ng
misyon ni Hesus bilang Mesias ang magdala ng katarungan sa daigdig. Aniya,
kapwa ang mayaman at mahirap ay kailangan ng kalayaan: kalayaan mula sa
pagiging ganid para sa mga mayayaman, at kalayaan mula sa pang-aapi para sa mga
mahihirap. At bahagi ng responsibilidad ng simbahan ang magdala ng kalayaan sa
lipunan bilang kinatawan ng Diyos sa mundo. At maisasagawa lamang ito ng
simbahan kung matututo itong basahin ang mga senyales ng kasalukuyang panahon.
Tulad ni Abesamis at Arevalo,
nakabuo rin ng isang uri ng “theology of liberation” si Edicio De la Torre.
Malinaw kay de la Torre na walang likas na kontradiksyon sa pagitan ng pagiging
Pilipinong Kristiyano: maaaring umiral nang sabay ang pananampalataya at
pagiging makabayan. Bahagi ng ating pagiging kapwa Kristiyano at makabayan ang
pananagutan na kabakahin ang mapang-aping sistema ng lipunan na nagpapahirap sa
taumbayan. Naniniwala siyang maisasagawa lamang ng simbahan ang misyon nito kung
magsisimulang pagsisihan ng simbahan ang kamalayang burgis nito, na nakikiayon
sa pagpapanatili ng kasalukuyang sistema. Bahagi ng mga preliminaryong hakbang
tungo sa pagpapalaya ang paglalapat ng sistematikong pagsusuri ng mapang-aping
sistema. Kaya naman tulad ni Abesamis, nakikita ni de la Torre ang
di-matatawarang kahalagahan ng mga agham panlipunan. Ipinamalas ni de la Torre
na reyalidad para sa kanya ang kanyang teorya sa pamamagitan ng direktang
pakikilahok sa mga progresibong kilusan na ipinaglalaban ang karapatan ng masa,
tulad na lamang ng mga magsasaka (na naging sanhi ng kanyang pagkakakulong
noong panahon ng Batas Militar). Bagaman isang Marxista, naniniwala si de la
Torre na hindi bayolenteng himagsikan ang daan tungo sa pagbabago. Patuloy ang kanyang
pag-asa na sa pamamagitan ng “conscientization” ay unti-unting makakamit ng
lipunang Pilipino ang mga kinakailangang reporma.
Sa mga sinuring teologo ni Tano, si
Emerito Nacpil lamang ang nag-iisang Protestante. Gaya ng tatlong naunang
teologo, proyekto rin ni Nacpil ang pagbuo ng teolohiyang mapagpalaya. Ngunit
kaiba nina Abesamis, Arevalo, at de la Torre, itinuon ni Nacpil ang kanyang
atensyon sa isyu ng sekularisasyon at modernisasyon. Sinasalungguhitan ni
Nacpil na ang daan tungo sa pag-unlad ng lipunan ay ang pagsuporta sa proseso
ng sekularisasyon at modernisasyon. Sa pamamagitan ng dalawang ito, unti-unting
mapipigtas ang tanikala ng mga Pilipino mula sa tradisyunal na kultura at mga
paniniwalang nagiging hadlang tungo sa pagbabagong panlipunan. Isang halimbawa
na nito ang mistikal na pananaw ng mga Pilipino sa kalikasan. Sa pamamagitan ng
pagpapalaya ng sekularisasyon sa Pilipino mula sa ganitong paniniwala,
magsisimula niyang tingnan ang sarili bilang tagapagkontrol ng kalikasan, na sa
halip na katakutan ay dapat na gawing kasangkapan tungo sa pag-unlad.
Ang tensyon sa pagitan ng
modernisasyon at tradisyunal na kalinangang Pilipino ay naging tuon din ni
Vitaliano Gorospe. Isa sa nakikitang salik ni Gorospe sa kasalukuyang
negatibong kalagayan ng mga Pilipino ay ang pagiging laganap ng imoralidad.
Hindi tumatagos sa kamalayan ng mga Pilipino ang tunay na esensya ng Kristiyanismo
kaya naman patuloy ang pag-iral sa kanila ng tinatawag na “split-level
Christianity.” Para kay Gorospe, ang lunas sa suliraning ito ay ang maayos na
integrasyon sa pagitan ng kalinangang Pilipino at mga halagahing Kristiyano.
Hindi siya naniniwalang puro suliranin ang dulot ng tradisyunal na kalinangang
Pilipino. Para sa kanya, ang kulturang Pilipino ay “ambiguous”: pwede itong
magamit kapwa sa kabutihan at kasamaan. Sa halip na tuluyang alisin ang
kulturang Pilipino sa ngalan ng modernisasyon, pinaninindigan niyang maaaring
magamit ang kulturang Pilipino sa pag-unlad kung kasasangkapan ang mga
positibong aspekto nito at ihahalo sa halagahing Kristiyano. Ginamit ni Gorospe
bilang batayan kapwa ang pananaw ni Aquinas sa integrasyon ng “nature” at “grace”,
at ang pananaw ng Vatican II sa kabutihang taglay ng bawat kultura.
Bagaman may napansin si Tano na ilang kapuna-puna sa teolohiyang nabuo ng limang Pilipinong teologo (tulad ng tendensya na isakripisyo ang teksto sa altar ng konteksto), naniniwala siyang nagampanan nina Abesamis, Arevalo, De la Torre Nacpil, at Gorospe ang kanilang pananagutan na magsagawa ng kontekstuwal na teolohiyang may saysay sa lipunang Pilipino.
No comments:
Post a Comment