Wednesday, June 23, 2021

Rebyu #22 -- Memory, Truth-telling, and the Pursuit of Justice: A Conference on the Legacies of the Marcos Dictatorship

Center for Media Freedom and Responsibility. Memory, Truth-telling, and the Pursuit of Justice: A Conference on the Legacies of the Marcos Dictatorship. Quezon City. Office of Research and Publications, Ateneo de Manila University. 2001.

                                                                                                                               

Ang aklat ay kalipunan ng labingsiyam na papel na ibinahagi ng mga dalubhasa sa isang kumperensyang ginanap sa Ateneo noong ika-20 hanggang ika-22 ng Setyembre 1999. Ang kumperensyang ito ay bahagi ng internasyunal na proyekto ng University of Wisconsin-Madison na layuning tasahin ang estado ng kasalukuyang pag-alala ng South Africa, Chile, at Pilipinas sa kanilang awtoritaryong nakaraan. Nilalaman ng aklat ang pag-alala sa samu’t saring paksa at larangan sa panahon ng Batas Militar: mula sa pandarambong, pang-aapi sa mga katutubo’t mga Muslim at paglabag sa karapatang pantao ng pamahalaan, hanggang sa estado ng midya, sining, awit, pelikula, panitikan, at dula. Layunin ng aklat ang pagsasadokumento sa karanasan ng bansa sa ilalim ng Batas Militar, at ang patuloy na pagsisikap na hindi makalimot ang bayan, upang patuloy na masabi ng mga Pilipino na “Never Again!”

 

Ang mga sumusunod na talata ay naglalayong magbigay ng maikling buod sa bawat kabanata ng aklat.

 

        Memory as a Means of Empowerment ni Maria Serena Diokno

 

“Our memory of martial law is, also, part of an unfinished, larger national project to build a community of Filipinos on solid, equitable, and just foundations” (p.79). Ipinaliwanag ni Diokno na ang kasaysayan, partikular na ang alaala ng Batas Militar, ay isang tunggalian ng magkakasalungat na pananaw. Magkaiba ang paraan ng pag-alala ng pamilyang Marcos sa Batas Militar, kung ikukumpara sa alaala ng mga naging biktima nito. Bagaman hindi niya pinabubulaanan ang pag-alala ng pamilya Marcos at iba pang apolohista ng Batas Militar, iginiit niya na dapat na mas manaig ang alaala ng mas nakararaming mamamayan na inapi ng Batas Militar. Aniya, ang pag-alala ay maaaring maging kasangkapan ng pagsasakapangyarihan ng mga api. Matapos nito ay ibinahagi niya ang ilang bahagi ng mga liham na sinulat ng kanyang amang si Jose Diokno habang ito ay nasa piitan. Ayon sa kanyang ama, ang Batas Militar ay hindi lang kasalanan ni Marcos, kundi pananagutan din ng ilang mga opisyal ng pamahalaan (tulad halimbawa ng mga kinatawan ng Korte Suprema), na hindi tumindig sa kung ano ang tama. Para kay Diokno, maraming mga posibleng dahilan kung bakit tila nakakalimot ang bayan ukol sa Batas Militar. Una ay ang kahirapan, na nakahahadlang sa mga mamamayan na mag-isip ukol sa mga isyung panlipunan, dahil preokupado sila ng pag-iisip kung paano magkakaroon ng pagkain sa araw-araw. Ikalawa ay ang pagtuloy na pag-upo sa puwesto ng mga kasabwat ng rehimeng Marcos, na patuloy na nagsusulong ng ibang bersyon ng pag-alala. Dulot ito ng pagkaipit ng mga Pilipino sa pagkalito kung ipaprayoridad ba ang katarungan (sa pamamagitan ng pagpapakulong sa mga may sala) o uunahin ang pagkakaisa para masimulan ang rekonstruksyon ng bansang bumabangon mula sa awtoritaryong nakaraan.

 

        The Political Economy of National Plunder: The Philippines under Marcos ni Felipe Miranda

 

Sa papel na ito (na maituturing na isa sa pinaka ekselenteng kabanata ng buong aklat), nagsagawa si Miranda ng pagsusuri sa pandarambong ni Marcos at kanyang mga kasabwat (crony) sa konteksto ng pulitikal na ekonomiya ng pag-unlad. Ang ekonomikong pag-unlad ang ginamit na dahilan ni Marcos upang mabigyang katwiran ang mahigpit na pangingialam ng pamahalaan sa merkado ng bansa. Kinakarakterisa ang kanyang ekonomikong polisiya ng pagmonopolisa ng pamahalaan sa maraming industriya, at pagpapalago ng banyagang puhunan sa bansa (sa pamamagitan ng pagsamantala sa cheap labor at hindi pagpapataw ng ilang buwis sa mga banyagang kumpanya). Mas binigyang prayoridad ng pamahalaan ang ekonomikong paglago higit sa pagiging mas patas at pantay ng distribusyon ng yaman sa pagitan ng mga mamamayan (pinangatwiranan nilang kapag nagkaroon ng ekonomikong paglago ay mararamdaman din naman ito unti-unti ng mga mahihirap na Pilipino). Nagbigay si Miranda ng mga datos pang-istatistika upang ipakita na hindi naging matagumpay ang rehimeng Marcos sa mga ekonomikong programa nito, na mapapansin sa pagkabaon sa utang ng Pilipinas, pagtaas ng porsyento ng mga walang trabaho, pagdami ng mahihirap, at higit pang paglawak ng espasyo sa pagitan ng kakaunting mayaman at nakararaming mahirap. Ngunit hindi ito kataka-taka dahil aniya, ginamit lang naman ng rehimeng Marcos ang mga ekonomikong programang ito upang makahulma ng sistema kung saan mas magiging madali ang kanyang pandarambong kasama ng kanyang mga kasabwat. Sa isang konserbatibong estimasyon, nasa humigit-kumulang 3 bilyong dolyar ang nakamkam ng pamilya Marcos. Naging madali ang pandarambong dahil sa monopolisasyon niya at ng kanyang kasabwat ng mga pangunahing industriya sa bansa. Mabilis din silang nakakapagkamal ng salapi mula sa iba’t ibang bangkong hawak ng pamahalaan. Sa pamamagitan nito, napahina ni Marcos ang mga kalaban niyang oligarko, at nakabuo siya ng mga bagong oligarko na hanggang sa kasalukuyan ay may dambuhalang kapangyarihan parin sa ekonomiya ng bansa.

 

        Dark Legacy: Human Rights under the Marcos Regime ni Alfred McCoy

 

Ang pag-angat ng Diktaduryang Marcos ay kaalinsabay ng pagsulpot ng maraming awtoritaryong pamahalaan sa iba’t ibang panig ng daigdig noong ikalawang hati ng ikadalawampung siglo. Ang mga bansang ito ay nagsagawa ng iba’t ibang pamamaraan upang alalahanin ang kanilang awtoritaryong nakaraan. Isa sa mga aspekto ng awtoritaryong nakaraan na dapat pagtuunan ng pag-alala ay ang usapin ng paglabag sa karapatang pantao, partikular na ang pantotortyur. Yamang marami nang pag-aaral ukol sa epekto ng tortyur sa mga biktima, piniling pagtuunan ng pansin ni McCoy epekto nito sa mga mismong berdugong tagapagpahirap. Mas pinili rin ni McCoy ang sikolohikal na tortyur sa halip na pisikal na tortyur, dahil mas matagal ang epekto nito kapwa sa biktima at sa salarin. Ginamit niya na kasong pag-aaral ang pangmatagalang epekto ng sikolohikal na tortyur sa ilang militar ng Batch 1971 ng Philippine Military Academy, na karamiha’y naglingkod sa ilalim ni Marcos. Ilan sa kanila, tulad ni Panfilo Lacson, ay naging miyembro ng Metrocom Intelligence and Security Group (MISG), na kilala sa pagpapahirap sa napakaraming detinadong propesor at pari. Bukod sa MISG, ilan sa kanila ay napabilang din sa Reform the Armed Forces Movement (RAM), na bumalikwas at lumaban kay Marcos sa pamamagitan ng pagkukuta sa Kampo ng Crame (pangunguna nina Gringo Honasan, Ferdinand Ramos at Juan Ponce Enrile). Sa obserbasyon ni McCoy, ang mga sumusunod ay ilan sa mga naging sikolohikal na epekto sa Batch 71 ng gawain ng pantotortyur: 1. Paniniwala sa pagiging epektibo ng karahasan at pagpatay upang mapanatili ang kapangyarihan, 2. Kung paanong nagdudulot ng kahinaan sa biktima ang tortyur, nagdudulot naman ito sa mga berdugo ng ilusyon na makapangyarihan sila at kaya nilang makamit ang anumang naisin nila sa lipunan, at 3. Nagdulot ito ng mahigpit na kapatiran, na nahulma ng kanilang pagiging magkakasama sa pantotortyur, na makikita sa sabay-sabay nilang pag-angat sa iba’t ibang puwestong pangmilitar maging sa mga rehime matapos ang Batas Militar. Ang tatlong ito ay makikita halimbawa sa kapangahasan ng RAM na maglunsad ng limang beses na bigong kudeta laban sa rehimeng Aquino. Sa kabila ng samu’t saring paglabag sa karapatang pantao na isinagawa ng mga ito sa ilalim ni Marcos, halos walang naparusahan sa kanila. Dahil sa kanilang bantang pang-aagaw ng kapangyarihan, napilitan ang rehimeng Aquino na bitawan ang mga kaso laban sa kanila. Sa ilalim ni Ramos ay binigyan pa ng amnestiya at imyuniti ang mga ito (na naging dahilan kung bakit hindi naituloy ang pagpapakulong kay Honasan sa kabila ng pagkakadiskubre na siya ang nagpapatay kay Rolando Olalia na pangulo ng Kilusang Mayo Uno). Dahil dito, naging laganap sa Pilipinas ang impunity o hindi pagpaparusa sa mga nagkasala. Sa halip na maparusahan at makulong, marami sa mga ito ay naging Senador, Konggresista, at matataas na opisyales ng AFP at PNP. Ayon kay McCoy, ang samu’t saring paglabag sa karapatang pantao na isinagawa ng AFP at PNP sa ilalim ng iba’t ibang pangulo ay legasiya ng Batas Militar, ang mga ito ay pagpapatuloy lamang ng kanilang gawaing pantotortyur sa ilalim ni Marcos.

 

        Marcos-Style Governance and Human Rights Abuses during the Marcos Dictatorship ni Atty. Alexander A. Padilla

 

Sa maikling sanaysay na ito ni Padilla, pinuna niya ang isa sa mga tendensya ng Kanluraning pag-unawa sa karapatang pantao, na ang diin kadalasan ay nasa indibiduwal sa halip na kolektibong karapatan. Tinatrato nila minsan ang kolektibong karapatan bilang ekstensyon lamang ng karapatang pang-indibiduwal. Salungat dito ang pag-unawa ng mga bansang nasa Ikatlong Daigdig, na ang diin ay nasa kolektibong karapatan. Dahil ditto, tinitingnan nila ang krimen sa indibiduwal bilang krimen laban sa buong bayan. Sa ilalim ng Diktaduryang Marcos, pumasok sa popular na bokabularyo “salvage”, dahil sa pagiging talamak ng pagpatay ng pamahalaan at pagtatapon ng katawan ng mga biktima sa mga pampublikong lugar. Walang masyadong krimen na ginawa ang mga sibilyan dahil minonopolyo ng pamahalaan ang paggawa ng krimen. Madali niyang naisagawa ang malawakang paglabag sa karapatang pantao sa pamamagitan ng pagpapasara sa Konggreso, paglalagay ng legalidad sa kanyang “constitutional authoritarianism” sa pamamagitan ng paggamit sa Korte Suprema, at labis na pagpapalakas ng kapangyarihan ng militar.

 

        Explaining Philippine Authoritarianism: Martial Law in 1972 ni Alex Bello Brillantes, Jr.

 

Nilalaman ng sanaysay na ito ang mga paliwanag kung bakit ipinataw ni Marcos ang Batas Militar. Isinagawa niya ang kanyang pananaliksik ukol dito sa pamamagitan ng pagsisiyasat sa mga akademikong literaturang naisulat ukol sa paksa, at pakikipanayam sa ilang personalidad na may direktang kaugnayan sa Batas Militar (tulad nalang ng mga dating heneral ni Marcos). Ipinangkat ni Brillantes ang samu’t saring paliwanag na ito sa dalawang magkasalungat na pananaw: 1. Opisyal na paliwanag ng Diktaduryang Marcos at mga simpatetiko rito, at 2. Alternatibong pananaw ng oposisyon, partikular na ng mga Marxista. Sa ilalim ng opisyal na pananaw ay mayroong tatlong paliwanag: a. Ang Batas Militar ay tugon sa banta ng mga komunista at Moro na pang-aagaw ng kapangyarihan ng pamahalaan, b. Isinagawa ito upang maipatupad ang modernisasyon na magdudulot ng ekonomikong pag-unlad, at c. Ang awtoritaryanismo ay angkop sa kultura ng Pilipinas na hirarkikal at organiko. Tinangkang pabulaanan ng may-akda ang mga paliwanag na ito sa pamamagitan ng ilang mga ebidensya. Isa na rito ay ang pahayag ng isa sa kanyang mga dating heneral na nagsabing ilang buwan bago ang pagpataw ng Batas Militar ay ibinahagi na sa kanila ni Marcos ang kanyang plano. Kapansin-pansin din ang pangingialam niya sa Constitutional Convention at Korte Suprema upang maging legal ang kanyang pananatili sa puwesto. Maidadagdag din ang marahas niyang pagtrato sa mga estudyante at manggagawang aktibista. May mga testimonyang kapakanan ng militar ang sunod sunod na pambobomba sa ilang pampublikong lugar, na naglalayong magdulot ng kaguluhan at pagkatakot ng mga tao (nang sa gayon ay maging katanggap-tanggap ang imposisyon ng Batas Militar). Lahat ng ito ay nagpapakita lamang na matagal nang pinaghahandaan ni Marcos ang Batas Militar bago pa man ang aktuwal na implementasyon noong lumala ang banta ng mga komunista’t Moro. Yamang hindi matatanggap ang mga paliwanag ng opisyal na pananaw sa harap ng mga ebidensyang ito, iginiit ni Brillantes na mas rasonableng maniwala sa alternatibong pananaw. Ayon sa alternatibong pananaw na ito (partikular na ng mga Marxista), ang mga sumusunod ang totoong dahilan kung bakit nagpataw si Marcos ng Batas Militar: a. Paraan ito upang mapanatili ang sarili sa kapangyarihan, b. Daan ito tungo sa higit pang asimilisasyon ng ekonomiyang Pilipino sa pandaigdigang kapitalistang sistema na pinamumunuan ng Estados Unidos (makikita ito sa mga ekonomikong pribilehiyo na ipinagkaloob ni Marcos sa mga Amerikanong negosyante), c. Instrumento ito upang magapi ni Marcos ang mga kalaban niyang oligarko, ginamit niya ang Batas Militar upang makabuo ng isang panibagong oligarko (sa katauhan ng kanyang mga crony) na tapat sa kanya (ibig sabihin, ang Batas Militar ay manipestasyon ng isang intra-elite competition), at d. Kinasangkapan ni Marcos ang Batas Militar upang malansag ang mga progresibong elementong banta sa umiiral na sistema, dahil naglalayong bumuo ng isang mas makatarungang lipunan (tulad ng mga kabataang aktibista at mga kilusang pangmanggagawa).  

 

        Remembering Martial Law ni Francisco Claver, S.J.

 

Pinagtuunan ng pansin ni Father Claver ang epekto ng Batas Militar sa mga Indigenous People (IP) o mga katutubo. Ginamit niya bilang pamamaraan ang pagbabahagi ng kanyang mga karanasan bilang opispo sa mga lugar kung saan nananahan ang mga katutubo. Isa na sa mga lugar na ito ay ang Bukidnon na pinananahanan ng mga Manobo. Isinalaysay niya kung paanong pinalayas ng pamahalaan ang mga Manobo mula sa kanilang tahanan para sa plantasyon ng asukal. Upang maisagawa ang pagpapaalis sa kanila, binibigyan ng suhol ng pamahalaan ang kanilang mga pinuno. Hindi lang ang mga Manobo ang nakaranas ng ganito, maraming mga katutubo sa iba’t ibang panig ng Pilipinas ang nakaranas ng dahas mula sa Diktadurya. Isa na rito ay ang mga Kalinga, na ipinaglaban ang kanilang karapatan kontra sa planong pagpapatayo ng dam sa Ilog Chico. Ani ng may-akda, isa ito sa mangilan-ngilang pagkakataon na hindi itinuloy ni Marcos ang kanyang proyekto dahil sa pagtutol ng mga mamamayan. Tinapos ni Father Claver ang kanyang sanaysay sa pahayag na sa isip ni Marcos, pisikal na lakas ang pamantayan ng kapangyarihan, kaya naman hindi niya akalain na mapapabagsak siya ng isang uri ng walang dahas na kapangyarihang ipinamalas ng sambayanan sa pagsasagawa ng Himagsikan ng Kapangyarihang Bayan. Isa itong uri ng kapangyarihang nagmumula sa pagkakaisa ng taumbayan, isang uri ng kapangyarihan na matagal nang nananalaytay sa tradisyon ng mga katutubo. 

 

        Beyond Forgetting: The Moros during and after Martial Law ni Carmen A. Abubakar

 

Isa ang mga Moro ng Mindanao sa nakaranas ng pinaka malupit na karahasan mula sa Diktadurya. Bago pa man ang pagpapataw ng Batas Militar, samu’t sari nang kalapastanganan ang ginawa ng pamahalaan na nagdulot ng pagkagalit ng mga Muslim (isang halimbawa na nito ang Jabidah massacre). Maraming Moro ang naniniwala na ang kaguluhan sa Mindanao ay sinadyang palalain ni Marcos sa pamamagitan ng pagpapaigting ng militarisasyon nito, nang sa gayon ay magamit niyang dahilan ang agresyon ng mga Moro para sa imposisyon niya ng Batas Militar. Ang Batas Militar ay higit pang nagdulot sa mga Moro ng pag-iisip na kailangan nilang makalaya mula sa imperyalismo ng Maynila. Ayon kay Abubakar, kung may isa mang naidulot na maganda ang Batas Militar, ito ay ang pagkalat sa kamalayan ng maraming tao sa Pilipinas ukol sa problema ng mga Moro sa Mindanao. 

 

        Economic Legacy of Marcos Dictatorship ni Fermin Adriano

 

Ayon kay Adriano, napakarami nang naisulat na pag-aaral ukol sa pandarambong ni Marcos, na lubos na nakasama sa ekonomiya. Ilan sa mga ito ay inilimbag ng UP, Ateneo, at Asian Development Bank. Para sa kanya, isa sa naging pinaka pangmatagalang pamana ng Diktadurya ay ang “cronyism” ni Marcos, ang paglikha ng bagong oligarkiyang tapat sa kanya, na hanggang sa kasalukuyan ay humahawak parin sa malaking bahagi ng yaman ng bansa. Dahil sa “cronyism” at pandarambong ni Marcos, lalo pang naghirap ang maraming Pilipino. Tatlo ang itinurong dahilan ng may-akda kung bakit marami sa mga Pilipino ay tila nakalimot na sa alaala ng EDSA. Una ay dahil sa kahirapan. Aniya, “When one is in the survival algorithm mode, one is not afforded the luxury of contemplating on social concerns” (p.177). Ikalawa, karamihan sa mga akdang naisulat ukol sa Batas Militar ay nasa wikang Ingles, na hindi nauunawaan ng mayorya ng mga Pilipino na mula sa hirap. Ikinumpara niya ang sitwasyon natin sa mga bansa sa Latin Amerika na mayroon ding awtoritaryong nakaraan. Sa mga bansang iyon, mas mataas ang kamalayan ng mga tao ukol sa kani-kanilang mga nakaraang diktadurya dahil ang mga akda ukol dito ay nasa wikang Espanyol, na wika ng lahat ng mga mamamayan. Ikatlo, kumpara ulit sa ibang bansa, kakaunti ang mga itinayong impraskruktura na maaari sanang makatulong para sa kolektibong pag-alala ng bayan (tulad ng mga museo at monumento). Nagbigay ang may-akda ng ilang mga bagay na sa tingin niya ay makatutulong upang hindi tayo makalimot sa ating awtoritaryong nakaraan tulad ng pagsasadokumento ng mga inhustisya noong panahon ng Batas Militar, pagpapakalat nito sa taumbayan, at pagsasama ng paksang ito sa mga teksbuk ng mga paaralan.

 

        The Plunder of the Economy and the Marcos Ill-Gotten Wealth ni Caesar Octavius V. Parlade

 

Bago pa man ang Batas Militar ay may tala na ng pandarambong si Marcos. Noong 1967, mayroon na siyang mga lihim na account sa mga bangko ng Estados Unidos at Switzerland. Ngunit noong panahon ng Batas Militar, mas naging sistematiko ang kanyang pandarambong, kaalinsabay ng pag-unlad sa teknolohiya ng pagbabangko na naging pabor sa kanya. Gamit ang paliwanag na kailangang mas paigtingin ng pamahalaan ang pangingialam nito sa merkado upang mapabilis ang pagsasagawa ng reporma sa ekonomiya, kinuha niya ang ilang mga pribadong industriya at ipinagkatiwala sa kanyang mga crony. Sa pamamagitan nito ay namonopolisa nila ang maraming industriya. Hindi rin patas ang buwis na ipinapataw ng pamahalaan sa mga kumpanyang hawak ng mga crony at mga kumpanyang hawak ng ibang oligarkong kalaban niya. Mabilis ding nakakakuha ng utang na pera ang kanyang mga crony sa mga bangko ng gobyerno. Liban pa rito, umutang din ng umutang si Marcos sa mga internasyunal na bangko, na naging sanhi ng paglobo ng utang ng Pilipinas mula 4 bilyon tungong 27 bilyong dolyar. Kung noong simula ng kanyang panunungkulan ay sa mga sikretong bank account lang iniimpok ni Marcos ang bunga ng kanyang pandarambong, sa kasagsagan ng Batas Militar ay bumili na siya ng mga mansion, gusali at lupa sa iba’t ibang bansa. Matapos ang Kapangyarihang Bayan ng EDSA, itinatag ang Presidential Commission on Good Governance (PCGG) na isa sa mga layunin ay imbestigahan ang mga ninakaw na yaman ng pamilya Marcos at kanyang mga kasabwat. Ngunit nabigo ang institusyon sa kanyang mandato. Hindi nito naipakulong ang mga salarin at hindi rin nakuha pabalik ang mga ninakaw na yaman. Nagbigay ang may-akda ng ilang mga suhestiyon na maaaring makatulong upang makaingat na ang bansa mula sa pandarambong ng mga lider: 1. Amyendahan ang batas ukol sa secrecy of deposits, 2. Pagpapatatag at pagpapakalat ng impormasyon ukol sa code of ethics ng mga propesyunal (upang hindi na sila magamit sa korapsyon), 3. Bawasan ang pangingialam ng pamahalaan sa mga industriya, 4. Pagsasagawa ng pamahalaan ng transparency report sa mga proyekto nito, at 5. Patuloy na labanan ang pulitika ng patronahe.

 

        Bearing Witness to Martial Law through Songs ni Teresita Gimenez Maceda

 

“Song is a powerful tool for remembering” (p.191). Nakatuon ang kabanata ni Maceda sa mga awit noong panahon ng Batas Militar, na bilang “historical document” ng nakaraan ay sumasalamin sa pagtugon at pakikibaka ng mga mamamayan sa mapang-aping Diktadurya. Samu’t sari ang nilalaman ng mga awiting ito, mula sa pagkondena sa pananahimik at hindi pangingialam, pagbubulalas ng galit, at paghihinagpis hanggang sa pagkukuwento ng mga mapapait na karanasan ng mga tao sa panahong ito tulad ng panggagahasa, pagpatay, at biglaang pag-aresto. Ang mga awit ay naging pangkaraniwang bahagi rin ng mga kilos protesta, na lalong nagpapalakas ng loob ng mga tao. Marami rin sa mga awiting ito ang naglalaman ng katatawanan at sarkasmo, na nagpapabago ng persepsyon nila sa pamahalaan mula sa pagiging nakakatakot tungo sa pagiging nakakatawa. Tinapos ni Maceda ang kanyang maikling sanaysay sa pamamagitan ng pahayag na may potensyal ang mga awitin na pagkaisahin tayo sa ating kolektibong pag-alala sa nakaraan.

 

        Mga Eksena sa Gitna at Gilid ng Bayang Sinawi (Mga Dula sa Panahon ng Batas Militar) ni Glecy C. Atienza

 

Ani ng may-akda, isa ang panahon ng Batas Militar sa pinaka makulay na yugto sa kasaysayan ng dula sa bansa. Bago ang Batas Militar, marami sa mga dula ay isinasagawa sa wikang Ingles. Nagdudulot ito ng malawak na puwang sa pagitan ng mga mandudula at mga manonood, na karamihan ay wikang Filipino ang nauunawaang wika. Kaya naman bagaman nagsasagawa na ng mga dula na ukol sa mga isyung panlipunan noon pa man, hindi ito epektibong naihahatid sa mga tao. Alinsunod din ang karamihan sa mga dulang ito sa mga Kanluraning pamantayan. Nagbago ang kalagayan ng dula noong panahon ng Batas Militar. Nauso ang mga dulang nasa wikang Filipino, na kadalasan ay pumapaksa sa mga isyung panlipunan. Naging pangkaraniwang bahagi ng mga kilos-protesta ang ganitong mga dula. Satirikal ang mga dulang ito, na nagpapatama sa mga pulitiko. Sa konteksto ng dula, ginagamit nila ang katatawanan bilang instrumento ng pambabatikos. Kung tutuusin, kinakasangkapan ang dula kapwa ng pamahalaan at mga aktibista. Habang ginagamit ng pamahalaan ang mga eleganteng dula upang mapanatili ang status quo (magprodyek ng isang lipunang maganda at masagana), sandata naman ito ng mga progresibo upang mulatin ang mga Pilipino sa tunay na kalagayan ng lipunan.

 

        The Visual Arts during the Marcos Regime ni Alice Guillermo

 

Naging malaganap ang sining ng protesta (protest art) sa bansa noong 1960s bilang tugon sa panghihimasok ng Estados Unidos sa Vietnam. Nagpatuloy ang tradisyong ito noong 1970s, sa kasagsagan ng Batas Militar. Nanguna sa pagsasagawa ng mga sining ng protesta sa panahong ito ang Kaisahan, isang pangkat na naitatag noong 1976s. Pangunahing layunin nila ang pagsusulong ng social realism sa sining, o ang paggamit sa sining upang ilantad ang reyalidad ng lipunan. Ilan sa mga temang madalas lumitaw sa mga sining ng protesta ay ang Himagsikang 1896, imperyalismo, piyudalismo, feminismo, mga paglabag sa karapatang pantao, at mga manggagawa. Iginiit ni Guillermo na ang sining ng protesta ay hindi maituturing na legasiya ng Batas Militar. Aniya, hindi ito pasibong reaksyon lamang sa Batas Militar, kundi aktibong partisipasyon tungo sa pagbuo ng isang mas makatarungang lipunan. Tinapos niya ang kanyang sanaysay sa isang paalala: hindi dapat tayo tumuon lamang sa pulitika ng pagiging anti-Marcos. Aniya, isang bahagi lamang siya ng mas malawak na sistemang bulok, na kung hindi mababago ay patuloy na magluluwal ng mga katulad ni Marcos.

 

        Ang Panitikan ng Protesta sa Panahon ng Batas Militar ni Lilia Quindoza-Santiago

 

Bagaman malaking dagok ang Batas Militar sa radikal na panitikan dahil sa sensurang ipinatupad ng pamahalaan sa publikasyon, sa panahong ito lumitaw parin ang ilang mga ekselenteng “literatura ng pagtutol.” Hinati ng may-akda sa dalawang kategorya ang panitikan ng protesta sa panahong ito. Una ay ang panitikang isinulat ng mga kasapi ng mga lihim na kilusan, partikular na ang New People’s Army (NPA). Ilan sa mga makatang sumulat ng ganito ay sina Clarita Roja, Jason Montana, at Servando Magbanua. Karaniwang mabagsik at direktahan ang pagpukol ng batikos ng mga akdang nasa ilalim ng kategoryang ito. Ikalawa ay ang panitikang inilimbag nang legal. Taliwas sa unang kategorya, di-direkta ang patama ng mga panitikang ito, mas maingat at kadalasang nagtatago sa mga talinhaga. Isa sa mga halimbawa nito ay ang Prometheus Unbound ni Ruben Cuevas. Hindi nahalata ng mga patnugot na naglathala nito na kapag tiningnan pahalang ang unang letra ng bawat linya ng tula, mabubuo ang mga katagang “Marcos Hitler Diktador Tuta.” Sa mga tula man o prosa, naging sikat na tema sa panitikan ang luksang parangal sa mga pinatay ng pamahalaan, na itinuring ng mga makata bilang mga martir. Sa panahon ding ito nagsimulang lumitaw ang mga panitikan ng protesta sa wikang Ingles, tulad na lamang ng isinulat nina Jose Ma. Sison, Gelacio Guillermo, Mila Aguilar, at Alan Jazmines. Anu’t ano pa man ang pagkakaiba ng panitikang legal at panitikang lihim, isang pagkakatulad ang malinaw: dapat na mayroong pulitikal na tindig ang panitikan.

 

        Film under the Marcos Dictatorship ni Bienvenido Lumbera

 

Sa panahon ng Batas nagsilitawan ang mga aktres at actor na sina Nora, Vilma, at Erap; ang mga batikang direktor na sina Lino Brocka, Ishmael Bernal at Mike de Leon; at ang mga script-writer na sina Ricardo Lee, Jose Lacaba, Clodualdo del Mundo Jr., at Jose Dalisay Jr. Ito ang yugtong nagsilang sa tinaguriang “New Filipino Cinema.” Samu’t saring institusyong suportado ng pamahalaan ang nakatulong para sa pagpapaunlad ng pelikula tulad ng Experimental Cinema of the Philippines at Film Academy of the Philippines. Malaki rin ang naging epekto ng pinasimulang Manila International Film Festival ni Imelda, na nagbukas sa kamalayan ng mga film-maker sa samu’t saring ideya ng mga banyagang pelikula. Ani ni Lumbera, masalimuot ang epekto ng Batas Militar sa pelikula, at hindi masasagot ng payak na “oo” o “hindi” ang tanong na “maganda ba ang naidulot ng Batas Militar sa paggawa ng pelikula sa Pilipinas?” Sa isang banda, malaki ang isinagawang suportang pinansyal ng pamahalaan sa industriya ng pelikula, bagaman malinaw sa marami na paraan lang ito ng pamahalaan upang bumuo ng isang magandang internasyunal na imahe ng bansa ang Diktadurya, sa gitna ng malawakang kahirapan. Sa kabilang banda, ang mga film-maker sa Panahon ng Batas Militar ay mula sa henerasyong nahubog ng mga akda nina Agoncillo at Constantino, at mga kilos-protesta ng mga mag-aaral. Kaya naman hindi nakapagtataka na naglalaman ng di-tuwirang kritika sa lipunan ang kanilang mga pelikula. Dahil sa sensura sa mga pulitikal na komentaryo sa mga dyaryo, nabaling ang atensyon ng marami sa mga rebyu ng pelikula, na lalo pang nagpaunlad sa industriya. Sa ganang ito, iginiit ni Lumbera na ang pelikula sa panahong ito ay bunga ng kontradiksyong nakapaloob sa Batas Militar.  

 

        Forgetting, or not Knowing: Media and Martial Law ni Luis V. Teodoro

 

Isang araw matapos ang imposisyon ng Batas Militar, agad na isinagawa ang panghuhuli sa maraming mga kritikal na mamamahayag ng dyaryo, TV, at radyo. Halos lahat ng mga pahayagan ay ipinasara, at ang pinahintulutan lang na manatiling bukas ay ang mga pahayagang hawak ng pamahalaan at mga crony ni Marcos. Ayon kay Teodoro, hindi ito nakapagtataka, yamang instrumental ang mga mamamahayag sa demokratisasyon ng lipunan. Marami sa mga mamamahayag na ipinadakip ni Marcos ay nahubog ng malawakang radikalisasyon ng mga kabataan noong 1960s. Para sa mga mamamahayag na ito, si Marcos ang perpektong kinatawan ng tatlong uri ng kasamaan sa lipunan: piyudalismo, kapitalismo at imperyalismo. Upang bigyang katwiran ang kanyang ginawa, idinahilan ni Marcos na kinakailangan itong gawin dahil aniya umaabuso na ang mga ito, humahadlang sila sa repormang nais gawin ng pamahalaan, at tumutulong sila sa Kaliwa upang mapabagsak ang kanyang rehime. Matapos mapalaya ang mga mamamahayag na ito, marami sa kanila ay tumigil sa pagsusulat, tumungo sa ibang larangan, at pumunta sa ibang bansa. Naiwan ang legal na pamamahayag sa mga mamamahayag na hindi kritikal o sumusuporta sa pamahalaan. Ang pagkawala ng naparaming magagaling na mamamahayag ay nangangahulugan na ang larangan ng pamamahayag sa panahon ng Batas Militar ay naging mediocre. Nangangahulugan din ito ng pagiging talamak ng korapsyon sa larangan. Naging pangkaraniwan ang panunuhol ng pamahalaan sa mga mamamahayag upang sumulat ng mga balitang paborable rito. Isa pang epekto ng Batas Militar sa pamamahayag ay ang monopolisasyon ng pamahalaan sa mga balita. Ang tanging batis lamang ng balita para sa Pilipino ay ang pamahalaan, na panay positibo ang nilalaman. Ayon kay Teodoro, isa ito sa pangunahing dahilan kung bakit mayorya sa mga Pilipino noon at hanggang ngayon ay walang alam sa napakaraming panggagahasa, pagpatay, pagpapakulong, at pantotortyur na ginawa ng pamahalaan. Mainam na sipiin nang direkta ang pahayag ni Teodoro ukol sa mapanganib na epekto hanggang sa kasalukuyan ng Batas Militar sa pamamahayag:

 

I fear that one of the enduring legacies of martial law is its own repeatability. Authoritarian rule, including the undeclared kind, can happen again because too many Filipinos still don’t know what happened from 1972 to 1986, let alone why it happened. About the martial-law period they have nothing to remember, and they won’t know it when they see it (p.239).

 

        The Press under Martial Law ni Isagani Yambot

 

Sa panahon na ibaba ang imposisyon ng Batas Militar, ilan sa mga pangunahing pahayagan na umiiral ay ang Manila Times, Manila Chronicle, Philippine Herald, Manila Bulletin, Daily Mirror, at Evening News. Ipinasara ni Marcos ang karamihan sa mga ito, at hinayaan lang magpatuloy ang ilang pahayagang kontrolado ng pamahalaan. Si Primitivo Mijares lang ang tanging tagapagbalita na sinasabing nakakapasok sa silid ni Marcos upang kumuha ng balita sa kanya (ipinagpapalagay na pinapatay kalaunan si Mijares dahil sa pagsisiwalat niya ng mga kasamaan ng Diktadurya sa kanyang Conjugal Dictatorship). Mahigpit ang sensurang ipinatupad ng pamahalaan sa lahat ng mga pahayagang hinayaang magpatuloy. May mga pagkakataon na si Marcos mismo ang nagpapatawag sa mga patnugot upang magbigay ng instruksyon sa gusto niyang lamanin ng balita. Maraming pagkakataon na ang mga crony niya mismo ang nagsasagawa ng sensura, dahil napunta sa mga kamay nila ang ilang mga pahayagan. Talamak din ang panunuhol sa mga mamamahayag upang magsulat ng mga paborableng balita ukol sa pamahalaan. Liban sa pagpapakulong, may mga pagkakataon din na pinapapatay ng pamahalaan ang mga mamamahayag na patuloy sa pagsusulat ng mga kritikal na balita. Tinatayang nasa 25 ang namatay sa ilalim ng Diktadurya mula 1976 hanggang 1986, ang pinaka mataas na bilang ng mga napatay na mamamahayag sa isang bansa noong panahong iyon. Kapag may mga pangyayaring negatibo, hindi ito ibinabalita ng mga legal na pahayagan, o minsan nama’y hinahayaan ngunit dapat ay pinagagaan ang pagiging negatibo nito. Ibinahagi ni Yambot ang kanyang sariling karanasan bilang patnugot ng Times Journal, isang pahayagan na pagmamay-ari ng bayaw ni Marcos. Ayon sa kanya, isa ito sa pinaka pinagsisisihan niyang bahagi ng kanyang buhay, ngunit wala siyang magawa dahil kailangan niyang buhayin ang kanyang mga anak at patuloy na tustusan ang kanilang pag-aaral. Ibinahagi niya kung paanong inutusan sila na palabnawin ang balita ukol sa pagkamatay ni Ninoy upang hindi ito magdulot ng pagkaawa ng mga taong makakabasa. Kaya sa halip na sa unang pahina ng dyaryo ilagay ang larawan ang bangkay na nakahandusay ni Ninoy, inilagay ito sa sumunod na mga pahina at niliitan ang sukat nito. Ang piniling ilagay sa unang pahina ay ang malaking larawan ng isang lalaking nakidlatan noong araw na iyon. Ganito rin ang ginawa nila ukol sa libing ni Ninoy. Pinaliitan nila ang larawan at tinapyas ito upang hindi Makita na sobrang daming tao ang nagmartsa upang makiramay. Nang gumuho ang ipinatatayo ni Imelda na Film Center para sa pagdaraos ng Manila Film Festival, napakaraming manggagawa ang namatay, ang katawan ng iba ay nabaon sa noo’y sariwa pang simentong pinatitigas. Hindi na nila pinahukay ang katawan ng mga ito upang maganap parin ang planong petsa ng pagtitipon, at mayroon pang impormasyon mula sa mga saksi na hiniwa nalang ang ilang nakausling paa at kamay. Sa kabila ng mga ito, ibinalita lang ng pamahalaan na 4 lang ang patay at 33 ang sugatan.

 

        The Alternative Press by Eugenio Apostol

 

Ibinahagi ni Apostol ang kanyang karanasan sa pagtatayo ng isang pahayagang kritikal sa gitna ng panganib. Napagdesisyunan niyang sumulat ng mapangahas na balita sa magasin nilang Mr&Ms noong makita niya ang ginawang pagbabalita ng Times Journal sa pagkamatay ni Ninoy, kung saan mas binigyang pansin pa ang lalaking natamaan ng kidlat noong araw na yon kaysa mismo kay Ninoy. Kalaunan itinatag niya ang Philippine Inquirer upang subaybayan linggo-linggo sa loob ng siyam na buwan ang paglilitis sa Heneral ni Marcos na si Favian Ver at iba pang sangkot, para sa pagkamatay ni Ninoy. Matapos ang siyam na buwan, nagdesisyon si Apostol na isara na ang Philippine Inquirer dahil ang layunin lang naman nito ay subaybayan ang paglilitis. Ngunit nang biglang mag-anunsyo si Marcos na magkakaroon ng mabilisang eleksyon sa pagitan nila ni Cory, napagpasyahan ni Apostol na ituloy ang pahayagan. Sa halip na linggo-linggo, naging araw-araw ang pagsubaybay ng pahayagan kaya naman pinalitan ito ng pangalan na Philippine Daily Inquirer (PDI). Si Apostol din ang unang tinawagan ni Enrile na noon ay nagkukuta sa Crame, upang hilingan siya na ibalita sa marami ang tangkang paglusob ni Marcos, lalo na kay Cardinal Sin. Tinutukan din ng PDI ang naganap na Kapangyarihang Bayan sa EDSA. Hanggang sa panahon ng rehimentg Estrada (panahon ng pagkakalathala ng aklat na ito) ay patuloy ang PDI sa mandato nitong magpahayag ng katotohanan, na ikinakagalat ng pangulo at dahilan kung bakit ipinapa-boykot niya ito sa kanyang mga tagasuporta. Sa dulo ng kanyang papel, nanawagan si Apostol na ipinagpatuloy ang progresibong pagbabalita, at mas mainam kung dumami rin ang mga dyaryong nasa wikang Filipino upang maabot nito hindi lamang ang mga gitnang uri kundi pati ang masa. Ang layuning ito ang dahilan aniya kung bakit niya itinatag ang Pinoy Times, na nagbabalita gamit ang wikang pambansa.

 

        The Philippines: A Nation in Denial ni John J. Carroll, S.J.

 

Samu’t sari ang ginawa ng iba’t ibang bansa upang panagutin ang mga nagkasala sa bayan noong panahon ng kani-kanilang awtoritaryong nakaraan: mula sa pagtatayo ng mga truth commission, pagtatala ng testimonya ng mga biktima, at paglalathala ng mga ito hanggang sa paglitis sa mga salarin. Ibang iba sa mga bansang ito ang Pilipinas, na tila pinili nalang makalimot sa kanyang mapait na karanasan. Ayon kay Father Carroll, hindi ito ang unang pagkakataon na hindi nagsagawa ang Pilipinas ng pagpapanagot sa mga nagkasala sa bayan. Aniya, may malinaw na paralelismo sa pagitan ng isyu ukol sa mga kolaborador noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig sa isang banda, at mga kasabwat ni Marcos sa panahon ng Batas Militar sa kabilang banda. Nahirapan si Lorenzo TaƱada sa imbestigasyon sa mga kolaborador dahil sa ginawang pagprotekta sa kanila ng bagong pangulo na si Manuel Roxas. Iginiit ng mga kolaborador na ginawa lamang nila ang kanilang tungkulin na maglingkod sa bayan dahil wala noon ang pamahalaan ni Quezon, at kung hindi sila nakipagtulungan sa mga Hapon ay baka mas malagim ang ginawa ng mga ito sa mga Pilipino. May argumento rin na kailangang unahin ang pagkakaisa, sa gitna ng napakaraming suliraning naidulot ng digmaan, sa halip na ipakulong ang mga kolaborador. Sa pagkakataong ito, ayon kay Father Carroll, nanaig ang social stability kaysa social justice. Ganito rin ang nangyari sa panahon ng panunungkulan ni Cory, na naipit sa pagpapasya kung lilitisin ang mga kasabwat ni Marcos para bigyang katarungan ang bayan, o magkompromiso nalang para maharap ang napakaraming suliraning iniwan ni Marcos. Ang ikalawa ang pinili niya para sa kaligtasan ng rehime, kaya patuloy na naokupa ng mga kasabwat ni Marcos ang ilang puwesto sa pamahalaan. Mas matindi pa rito ang ginawa ng rehimeng Ramos at Estrada, na hinarangan ang pagsisikap ng taumbayan na mabawi ang ninakaw na yaman ng pamilya Marcos. Kung tila hindi pa ito sapat, naging plano pa ni Estrada ang pagpapalibing kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani. Maging sa hanay ng publiko, dumarami ang mga Pilipino na may opinyon na hindi na kailangan pang panagutin ang pamilya Marcos. Sa palagay ng iba, ito ay manipestasyon ng pagpapatawad. Mainam na sipiin ang pahayag ukol dito ng may-akda:

 

Some may see this as the Christian virtue of forgiveness, but here I must disagree. As individuals and as communities we are all enjoined to forgive our enemies, even to 70 times seven times, to bear no bitterness in our hearts. But, this applies in the first place to those who acknowledge their offenses and ask pardon, not to those who arrogantly deny that they have done wrong. Moreover, punishment for crime is not, and I repeat, is not a matter of revenge, or even of justice for the victim. Punishment for crime is the community rising up to reaffirm one of its values when this value has been seriously violated.   

 

        Memory and Truth-telling in Latin America ni Louis Bickford

 

Sa papel na ito, tinalakay ni Bickford ang mga hakbang na isinagawa ng Uruguay, Brazil, Chile at Argentina upang alalahanin ang kanilang awtoritaryong nakaraan. Layunin ni Bickford na magsilbing ehemplo ang mga ito para hindi makalimot ang Pilipinas sa sarili nitong awtoritaryong nakaraan. Ilan sa mga hakbang na isinagawa ng mga bansang Amerika Latino tungo sa pag-alala ay ang mga sumusunod: 1. Pagbuo ng mga truth commission na layuning mag-imbestiga ukol sa mga pang-aabuso ng diktadurya, 2. Paglilitis sa mga salarin, 3. Mga akademikong pananaliksik ukol sa nakaraan, 4. Pagbabawal sa mga salarin na makaupo sa pamahalaan, 5. Pagsasadokumento ng testimonya ng mga salarin, 6. Pagtatayo ng mga monumento at museo ukol sa diktadurya, 7. Paglikha ng mga sining ukol dito, 8. Mga simbolikong protesta, 9. Mga aklat at materyales sa paaralan na nagtuturo ukol sa panahong ito, at 10. Pagbuo ng mga arkibo na mangangalaga sa mga dokumento. Naglista rin siya ng ilang mga dahilan kung bakit dapat nating alalahanin ang ating nakaraang awtoritaryo. Ilan na rito ay upang mapatatag ang demokrasya, mapanatili ang mga halagahin natin bilang isang bansa, magtaguyod ng kultura ng pananagutan, at upang hindi na ito maulit pa.

 

        The Human-Rights Movement in Latin America’s Southern Cone: A Complex Legacy of Authoritarian Rule ni Louis Bickford

 

Ang bahaging ito ay apendise ng aklat na tumatalakay sa Human Rights Movements (HRMs) sa Chile, Argentina, at Uruguay. Sentral na tesis ng artikulo na ang argumento na ang HRMs sa rehiyong Latino Amerikano ay legasiya ng kani-kanilang awtoritaryong nakaraan. Nangangahulugan ito na ang kasalukuyang hulma, direksyon, mga kalakasan at kahinaan ng HRMs ay bunga ng awtoritaryanismo. Nagbigay siya ng maikling tala ukol sa pagkasilang at paglago ng HRMs sa tatlong bansang nabanggit. Sa Chile, ang HRMs ay pinangunahan ng simbahan. Ang HRMs na ito ang bumuo ng truth commission, gayundin ng mga monumento na magpapaalala sa taumbayan ng malagim nilang karanasan. Matapos ang pagbagsak ng diktadurya, humina ang pagkilos ng HRMs, at mas pinagtuunan nila ng pansin ang edukasyon (paggawa ng mga materyales na magagamit upang maituro sa mga mag-aaral ang ukol sa bahaging ito ng nakaraan). Sa Argentina, medyo kalat-kalat ang HRMs sa iba’t ibang bahagi ng bansa dahil sa pederal na kalikasan ng pulitika nito. Ang pangulo na pumalit sa diktador ay nagbigay din ng malaking suporta sa HRMs. Malawak ang ginawa nilang pagdodokumento ng mga paglabag sa karapatang pantao, dahil na rin sa malaking bilang ng mga biktima (tinatayang nasa 15-25 libo katao ang napatay sa panahon ng diktadurya). Sa Uruguay naman, hindi gaanong malakas ang puwersa ng HRMs, dahil na rin sa maliit na bilang ng mga biktima ng diktadurya. Isa pang dahilan ng kahinaan nito ay ang pag-eksilo sa mga nagtataguyod ng HRMs palabas sa Uruguay. Kaya naman noong mga unang taon ng diktadurya ay sa ibang bansa isinasagawa ng HRMs ang pag-oorganisa. Isa pang naging suliranin ay ang kawalan ng simpatya ng pumalit na lider sa diktador, na nagpahayag na dapat nang kalimutan ang nakaraan upang mas mabigyang tuon ang kasalukuyan. Ani ni Bickford, mapapansin sa tatlong bansang ito na ang hulma at direksyon ng HRMs ay nakabatay sa uri ng awtoritaryanismong umusbong sa kani-kanilang bansa. Hindi ito nakapagtataka, yamang ang HRMs ay lumitaw bilang tugon sa awtoritaryanismo. Aniya, nakabatay sa pagkakaroon ng “clear enemy” ang intensidad ng mga HRMs. Isa sa nakikita niyang problematiko sa HRMs ng rehiyong Latino Amerikano ay ang pagiging “past-oriented” ng mga ito. Dahil umusbong sila bilang tugon sa awtoritaryanismo, ang naiisip nilang “raison d’etre” o pinaka mataas na layunin ng pag-iral nila ay ang pagpapabagsak sa awtoritaryanismo. Kaya naman kapag bumagsak na ang diktadurya, humihina na ang pag-oorganisa nila. Hindi malinaw sa kanila kung paano ba dapat umaksyon ang HRMs sa konteksto ng isang demokratikong lipunan, matapos ang pagbagsak ng diktadurya. Sa halip na maging “future-oriented” sa pamamagitan ng patuloy na pakikibaka sa mga pang-aaping kasalukuyang umiiral para sa pagbubuo ng isang mas demokratikong lipunan, nakakahon ang kanilang mga gawain sa pag-alala sa nakaraang paglabag sa karapatang pantao. 

No comments:

Post a Comment

Rebyu #112 - Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing ni Ricky Lee

Lee, Ricky. Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing. Loyola Heights, Quezon City: Philippine Writers Studio ...