Wednesday, June 23, 2021

Rebyu #23 -- Altar of Secrets ni Aries Rufo

Rufo, Aries C. Altar of Secrets: Sex, Politics, and Money in the Philippine Catholic Church. Manila. Journalism for Nation Building Foundation. 2013. 

                                                                                                                               

Sa isang lipunang Katoliko, ang mga alagad ng simbahan ang itinuturing na kinatawan ng Diyos sa lupa, na inaasahang maging modelo ng kabutihan at katarungan. Sa Pilipinas, mahabang panahon na namayagpag ang simbahan bilang isang panlipunang institusyon na humubog sa direksyon ng bansa. Naging solido ang impluwensya ng simbahang Romano Katoliko sa bansa mula nang nanguna ito, sa pamamagitan ng panawagan ni Jaime Cardinal Sin sa Radio Veritas, sa mobilisasyon ng taumbayan sa EDSA upang ibagsak ang Diktaduryang Marcos. Mula noon ay itinuring na ang simbahan na isa sa mga tagapagtanggol ng demokrasya. Ngunit ilang dekada matapos ang makasaysayang “himagsikan” sa EDSA, ang simbahan, na laging nananawagan at humihingi ng katapatan, pananagutan at responsableng pamamahala mula sa gobyerno, ay mailap sa pagsisiwalat ng korapsyon at imoralidad ng mga sarili nitong opisyal. Gamit ang kanyang dalawang dekadang karanasan bilang mamamahayag na nakatuon sa simbahan, isinalaysay ni Aries Rufo ang samu’t saring anomalya, pang-aabuso at korapsyon sa loob ng simbahan. Ikinategorya niya ang kanyang aklat sa apat na bahagi: 1. Mga anomalyang may kinalaman sa sekswalidad, 2. Iba’t ibang isyu ng korapsyon sa pera, 3. Labis na panghihimasok sa pulitika ng estado, at 4. Ilang pagtatangka ng reporma sa loob ng simbahan.

 

Inilahad niya bilang pambungad sa unang bahagi (Chapter 1) kung gaano katalamak ang mga pari at obispong nagkakaroon ng anak, at kung paanong kinokonsinti, hindi pinaparusahan at itinatago lang ito ng mga obispo at arsopispo na namamahala sa kanila. Ilustratibo rito ang kwento ni Obispo Crisostomo Yalung (Chapter 2) na matagal na ibinahay ang isang babaeng naanakan niya ng dalawang beses, at pinagkalooban niya ng limpak-limpak na salapi mula sa kaban ng simbahan. Sa halip na parusahan at tanggalin sa ministeryo, itinago ng simbahan sa midya ang katotohanan at pinatakas si Yalung papunta sa Estados Unidos, upang doon ipagpatuloy ang kanyang ministeryo. Ibang anomalyang sekswal naman kinasangkutan ni Obispo Cirilo Almario (Chapter 3). Sa kaso ni Almario, pang-aabuso sa mga minor na semenarista sa paaralang kanyang pinamamahalaan ang kanyang kinahulugan. Ngunit tulad ni Yalung, itinago rin ng simbahan sa publiko ang ukol dito. Upang maiwasan ang kontrobersya, “paghina ng kalusugan” ang ibinigay nilang dahilan ng pagbibitiw bilang obispo ni Almario. Hindi rin siya tuluyang nawala sa ministeryo, dahil nagpatuloy siya sa pagdalo sa ilang mga pagpupulong ng simbahan. Liban sa mga indibidwal, may mga diyosesis din na naging sentro ng mga anomalyang sekswal. Isa na rito ang diyosesis ng Pampanga sa ilalim ni Arsobispo Paciano Aniceto (Chapter 4). Naging pangkaraniwang senaryo na sa Pampanga ang pakikipagrelasyon ng mga pari sa kanilang mga parokyano at pagkakaroon pa ng anak sa mga ito. Noong 2011, mayroon pang isang pari na kinasuhan sa korte dahil sa pakikipagrelasyon sa isang babaeng may-asawa. Ngunit tulad ng ibang matataas na opisyal ng simbahan, itinatago ni Aniceto sa midya ang ukol sa kanyang mga nagkakasalang mga pari, hindi tinatanggal ang mga ito at inirarason na tao lamang sila kaya nagkakamali rin.

 

Ang ganitong gawi ng paglilihim, hindi pagpaparusa at pagtatanggol sa mga pari at obispong nagkakasala ay makikita rin sa usapin ng korapsyon sa salapi, na paksa ng ikalawang bahagi ng aklat. Matapos ang pagbibigay ng pangkabuuang kaligiran ukol sa samu’t saring korapsyon sa simbahan (Chapter 5), sinundan ito ng mga kabanatang nakatuon sa mga ispesipikong kontrobersya. Isa sa mga ito ang pandarambong ni Obispo Teodoro Buhain sa pondo ng Radio Veritas (Chapter 6). Dahil sa makasaysayan nitong papel sa pagtungo ng mga tao sa EDSA, nanawagan ang pamahalaan na magbigay ng donasyon upang muling maipagawa ang radyo. Halos 100 milyong piso ang donasyong tinanggap nito. Sa halip na gamitin upang maipaayos ang radyo, kinamkam ito ng obispo at hanggang sa kasalukuyan ay walang maipakitang tala ng eksaktong pagkakagamit ng pondo. Nasangkot din si Buhain sa pandarambong ng bangko ng arsobispado ng Maynila na Monte de Piedad. Ngunit sa halip na parusahan, matapos siyang tanggalin ni Sin sa Monte de Piedad ay ginawa pa siyang kura paroko ng mayamang parokya ng Quiapo. Ang Monte de Piedad (na pinagtuunan ng pansin ng Chapter 7) ay isang malaking bangko na napalago ni Rufino Cardinal Santos, na isang henyo sa pagnenegosyo. Kabaliktaran niya, hindi magaling sa pamamahala ng aspektong pinansyal si Cardinal Sin kaya naman nagtalaga siya ng mga obispong mamamahala rito gaya nina Buhain at Domingo Cirilos. Naging malaking pambansang kontrobersya ito matapos na bumagsak ang bangko dulot ng pandarambong nina Buhain, Cirilos at iba pa. Subalit tulad ng nakasanayan, itinago niya ang ukol sa ginawa ng mga ito, ipinagtanggol sa publiko, at inilipat lang sa ibang ministeryo. Ang sunod na kabanata (Chapter 8) ay nakatuon sa mga korapsyon sa isang partikular na diyosesis, ang Paranaque sa ilalim ni Obispo Jesse Mercado. Naging malaking kontrobersya kung saan napunta ang pondong mula sa donasyon ng mga parokyano para sa mga nasalanta ng bagyong Yolanda at Sendong, gayundin para sa mga nasunugan. Liban sa pagtanggi niya na isapubliko ang tala ng pananalapi ng simbahan nang hingin ito ng midya, hindi rin niya tinanggal o pinarusahan ang mga paring nagsagawa ng pandarambong. Ngunit hindi naman lahat ng pinuno ng simbahan ay tulad ni Cardinal Sin at Obispo Mercado. Ang diyosesis ng Novaliches sa ilalim ni Obispo Antonio Tobias ay kilala sa mabuting pamamahala (Chapter 9). Maraming isinagawang alituntunin si Tobias upang maiwasan ang korapsyon sa kanyang diyosesis tulad ng mga sumusunod: 1. Pantay-pantay ang sweldo ng lahat ng pari, kahit na gaano kayaman o kahirap ang parokyang kanilang pinaglilingkuran, 2. Kada anim na taon ay may rotasyon ang mga pari, upang hindi sila sobrang maging pamilyar sa parokya na maaaring maging sanhi ng korapsyon, 3. Kada buwan ay kinakailangang magsumite ng ulat ang mga pari ukol sa kalagayang pinansyal ng kanyang parokya, 4. Ginugugol ni Tobias ang buong Nobyembre para isa-isang puntahan ang mga pari at kausapin ukol sa pinansyal na kalagayan ng kanilang parokya, at 5. Laiko ang inilalagay ni Tobias na tagapamahala ng mga paaralan ng diyosesis upang hindi magkaroon ng dalawang opisina at dagdag na kita ang mga pari.

 

Ukol naman sa pakikilahok sa pulitika ng simbahan ang ikatlong bahagi ng aklat. Sa unang kabanata sa loob nito (Chapter 10), nagbigay si Rufo ng pangkasaysayang pagbaybay sa naging pampulitikang papel ng simbahan sa bansa. Sa ilalim ng pamumuno ni Cardinal Sin, nagkaroon ng malinaw na tindig ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) sa harap ng diktadurya. Matapos ang malaking papel na ginampanan ni Sin sa pagpapatalsik kay Marcos, patuloy ang lawak ng naging impluwensya ng simbahan sa Cory. Napigilan din ng simbahan ang pagsasabatas ng reproductive health (RH) at tangkang pag-aamyenda ng konstitusyon noong panahon ni Ramos. Naging instrumental din muli si Sin sa pagkatanggal sa pwesto ni Estrada. Alam ng rehimeng Arroyo ang impluwensyang taglay ng simbahan, kaya naman pinag-inam niya ang relasyon niya rito. Sa panahon ng panunungkulan ni Arroyo naisiwalat ang ilang korapsyon ng simbahan. Noong 2006m, napabalita ang pamimigay ng sobre ni Arroyo sa mga obispo na naglalaman ng 20,000 hanggang 30,000 piso. Nasangkot din sa anomalya ang mga obispo ng simbahan noong 2011, nang isiwalat sa publiko na tumanggap ang mga ito ng mga sasakyan mula kay Arroyo sa pamamagitan ng nakaw na yaman sa PCSO. Ang mga suportang pinansyal ni Arroyo ang dahilan kung bakit nanatiling malakas ang suporta ng simbahan sa kanya sa kabila ng kaliwa’t kanang panawagan ng kanyang pagbaba dahil sa mga isyu ng korapsyon. Sa partikular, ang isyu ng RH Bill ang isa sa pinaka nilahukang paksang pampulitika ng simbahan (Chapter 11). Isinalaysay ni Rufo ang samu’t saring aksyon na ginawa ng simbahan, mula sa panahon ni Cory hanggang sa panunungkulan ni Noynoy, upang mapigilan ang pagsasabatas nito. Ngunit hindi naman laging negatibo ang aksyon ng simbahan sa pulitika. Maraming pagkakataon na nangunguna ito para sa pagbuo ng isang mas makatarungang lipunan. Isang magandang ilustrasyon ang pagtutulungan sa pagitan ni Jesse Robredo (DILG Secretary sa ilalim ni Noynoy) at Obispo Tobias ng Novaliches. Sa lahat ng obispong sinulatan ni Robredo para sa kooperasyon sa lebel ng barangay, si Tobias lamang ang tumugon. Binuo nila ang Ugnayang Barangay at Simbahan (UBAS), na naglalayong palakasin ang partisipasyon ng kaparian at taumbayan sa barangay. Nagsilbi itong tagpuan upang pag-usapan ang mga isyu tulad ng edukasyon, kalikasan, polusyon, kalusugan, kabuhayan, kabataan at iba pa. Kalaunan ay kumalat ito sa iba pang mga diyosesis.

 

Nakatuon ang huling bahagi ng aklat sa pagtatangka ng simbahan na magsagawa ng malawakang reporma sa loob nito, at ang pagkabigo nito kalaunan. Sa panahon ni Marcos, liban sa kritikal na tindig ng mga nasa itaas sa CBCP, nanguna ang mga progresibong pari sa ibaba na mag-organisa sa mga kanayunan at makipagtulungan sa mga mamamayan tungo sa pagbabagong panlipunan. Impluwensyado ng liberation theology mula sa mga Latino Amerikano, pinasimulan ng mga paring ito ang Basic Christian Communities (BCC), na kalimitan ay mayroong Marxistang ideolohiya. Matapos ang pagbagsak ng diktadurya, tinangka ng simbahan na ipagpatuloy ang paglilingkod nito para sa katarungang panlipunan. Noong 1991, nagpatawag ng malawakang pagpupulong ang pangulo ng CBCP na si Leonardo Legaspi, na kalaunan ay tinawag na Second Plenary Council of the Philippines o PCP II (Chapter 13). Taliwas sa PCP I na dinaluhan lamang ng 52 delegado noong 1953 (na puro lamang superyor ng mga relihiyoso, mga obispo at mga arsobispo), 489 delagado ang dumalo sa PCP II na binubuo ng maraming pari at laiko liban sa matataas na kawani ng simbahan. Naging sentral na tema ng PCP II ang misyon ng simbahan sa Pilipinas na maging “Church of the Poor,” na laging pumapanig sa mga naaapi. Isang dekada matapos nito, nagsagawa ang CBCP ng pagsukat sa tagumpay na maisagawa ang mga aspirasyon ng PCP II. Napagtanto nito, gayundin ng mga pantas na pari, na nabigo ang simbahan na magsagawa ng malawakang reporma tungo rito. Anila, nakakulong lamang sa pag-impluwensya sa mga eleksyon ang gawain ng simbahan, at hindi nito napagtuunan ng pansin ang pagtulong para sa pagsasagawa ng malawakang mga repormang panlipunan. Liban sa pagiging elitista, nanatili ring patriarkal ang simbahan (Chapter 14). Isinalaysay ni Rufo bilang patunay dito ang nangyaring pang-aapi ni Obispo Jose Oliveros kay Sister Maria Rita, na pinagbintangang nagnakaw ng isang mamahaling gamit ng pari. Mariin itong kinondena ng Association of Major Religious Superiors in the Philippines, sa pamumuno ni Sr. Mary John Mananzan. Ani ng may-akda, ang kasong ito ay nagpapakita kung paanong ang simbahan ay nananatiling tipikal na “all boy’s club.”

 

Nilinaw ng may-akda na isinulat niya ang aklat, hindi upang sirain ang simbahan, kundi lalo pa itong palakasin, sa pamamagitan ng malakas na panawagan para sa reporma. Malinaw para sa kanya na hanggat hindi nagsasagawa ng malawakang repormasyon ang simbahang Katoliko Romano sa Pilipinas, patuloy itong mabibigo na maging institusyong tagapagpadaloy ng katarungan sa lipunan. 

No comments:

Post a Comment

Rebyu #112 - Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing ni Ricky Lee

Lee, Ricky. Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing. Loyola Heights, Quezon City: Philippine Writers Studio ...