White, A. Blake. What Is New Covenant Theology? An Introduction. Maryland: New Covenant Media, 2012.
Una, may iisang plano lamang ang
Diyos para sa sangkatauhan, at nakasentro ito kay Kristo. Pinuna ni White ang
paniniwala ng mga dispensationalist na may magkahiwalay na plano ang Diyos para
sa Israel at para sa simbahan. Sa aspektong ito ay mas may pagkiling ang NCT sa
CT na may iisang daloy lamang ang plano ng Diyos sa luma at bagong tipan, at
ang rurok nito ay si Kristo.
Ikalawa, ang Lumang Tipan ay
marapat na bigyang-pakahulugan sa lente ng Bagong Tipan. Yamang ang rebelasyon
ay progresibo, maraming mga bagay na ipinahayag ang Diyos sa Lumang Tipan na
noong panahong iyon ay malabo pa para sa mga Israelita. Ngunit pagdating ng
Bagong Tipan ay naging malinaw na ang kahulugan ng mga ito. Kaya naman sa
tuwing bibigyang-pakahulugan natin ang Lumang Tipan, marapat na maging gabay
natin ang paraan ng pag-interpreta rito ni Kristo at kanyang mga apostol sa
Bagong Tipan. Ani nga ng may-akda: “New covenant believers must approach the
Old Testament with “Jesus lenses” firmly in place” (p.17).
Ikatlo, ang lumang tipan ay sinadya
ng Diyos na maging pansamantala lamang. Nilayon ng Diyos na ang lumang tipan ay
magsilbi lamang na paghahanda tungo sa pagdating ng bagong tipan. Ginamit ni
White ang Galatia 3:23-25 upang ipaliwanag ang puntong ito. Ayon kay Pablo, ang
kautusan ay isa lamang patnubay, na gagabay sa mga mananampalataya hanggang sa
dumating na si Kristo. Ang orihinal na Griego ng “patnubay” ay “paidagogos”, na
sa lipunan ng unang siglo ay may pananagutang alagaan ang isang bata. Ngunit
kapag lumaki na ang bata, dadalhin na ito sa guro (“didaskalos”), at sa
pagkakataong ito ay hindi na kinakailangan ang patnubay. Samakatuwid, ang
kautusan ng lumang tipan ay patnubay lamang, na hindi na kinakailangan ngayong
dumating na si Kristo bilang guro ng bagong tipan. Ipinaliwanag din ni White na
sa Bibliya, laging hinahati ng mga manunulat ang kasaysayan sa dalawang
panahon: ang kasalukuyang panahon at ang paparating na panahon. Kumakatawan ang
una sa lumang tipan, samantalang sa bagong tipan naman kumakatawan ang ikalawa.
Ang dalawang pagkakahating ito sa kasaysayan ang batayan ng mga manunulat ng
Bagong Tipan, laluna ni Pablo, sa mga salungatan sa pagitan ng laman/Espiritu,
kautusan/pananampalataya, kasalanan/katuwiran, pagkaalipin/kalayaan, atbp.
Lahat ng una sa mga paris na ito ay bahagi ng napaglipasang lumang tipan na
pansamantala, habang ang ikalawa sa mga ito ay bahagi ng panghabambuhay na
bagong tipan.
Ikaapat, ang kautusan ay isang
yunit na hindi maaaring paghiwa-hiwalayin. Matagal na tinanggap ng marami ang
“tripartite division of the law” ng CT, kung saan hinahati ang kautusan ng
lumang tipan sa mga kategoryang seremonyal, sibil at moral. Madalas, iginigiit
nila na hindi na tayo napapasailalim sa seremonyal at sibil na mga kautusan,
ngunit nakapailalim parin tayo sa moral na aspekto nito, na partikular na
ibinubuod ng Sampung Utos. Paliwanag ni White: “One looks in vain for any
biblical evidence for these classifications. Furthermore, all that God commands
is moral, in the sense that it would have been immoral for an Israelite to
disobey any command of God regardless of its ‘classification’” (p.31). Dagdag pa
niya, hindi maaaring ihiwalay ang Sampung Utos o ang mga moral na kautusan sa
kabuuan ng kautusan ng lumang tipan. Ang Sampung Utos ay bahagi ng kautusang
pansamantala lamang, na lumipas na at hindi na epektibo para sa mga Kristiyano
ng bagong tipan. Upang suportahan ang argumentong ito, ipinahayag ni White na
malinaw sa Bagong Tipan na hindi na kailangan pang isagawa ng mga Kristiyano,
laluna ng mga Kristiyanong Hentil, ang Araw ng Pamamahinga (Sabbath) na bahagi
ng Sampung Utos, sapagkat ito ay simbulo lamang na inihahanda tayo para sa
lubos na kapahingahang mararanasan natin sa pagdating ng bagong langit at
bagong lupa.
Ikalima, hindi na nakapailalim ang
mga Kristiyano sa kautusan ni Moses, kundi tayo’y nakapailalim na sa “kautusan”
ni Kristo. Paliwanag ni White, ang paggamit ni Pablo sa ekspresyong “kautusan
ni Kristo” sa Galatia ay isang tayutay, pagkasangkapan sa kabalintunaan upang
lalong idiin ang kanyang kritisismo sa kautusan ng lumang tipan. Aniya, ang
“kautusan ni Kristo” ay tumutukoy sa kabuuan ng mga aral at ehemplo ni Kristo
at kanyang mga apostol sa Bagong Tipan. Ang mga aral at ehemplong ito ay
nakasentro sa tinatawag ni White na “’cruciform’ (cross-shaped) love.”
Mapapansin daw na isang malinaw na padron (“pattern”) ang “cruciform love” na
ito sa Bagong Tipan: minahal tayo ni Kristo, kaya magmahalan tayo. Sa ganitong
uri ng kautusan – kautusan ng pag-ibig – tayo nakapailalim, at hindi na sa
kautusan ng Lumang Tipan.
Ikaanim, lahat ng miyembro ng
komunidad ng bagong tipan ay nakatanggap ng buong kapatawaran at nagtataglay ng
Banal na Espiritu. Sa lumang tipan, ang komunidad ng tipanan (“covenant
community”) ay binubuo ng mga tunay na mananampalataya at mga hindi
mananampalataya (tulad halimbawa ng kanilang mga anak). Ngunit sa bagong tipan,
lahat ng kasapi ng komunidad ng tipanan ay mananampalataya. Kaya naman pinuna
ni White ang ibang simbahang naniniwala sa CT at Dispensationalism na
nagbabautismo ng mga sanggol. Isa pa, habang ang Banal na Espiritu ay
ibinubuhos lamang sa ilang piling lider sa lumang tipan, malinaw na lahat ng
mananampalataya ng bagong tipan ay nagtataglay na ng Banal na Espiritu.
Ikapito, ang simbahan ay ang
eskatolohikal na Israel. Taliwas sa paniniwala ng mga dispensationalist,
naniniwala ang mga nasa kampo ng NCT na hindi magkahiwalay na entidad ang
Israel at ang simbahan, at hindi rin magkahiwalay ang plano sa kanila ng Diyos.
Para kay White, iisa ang tadhana ng Israel at simbahan. Ang mga pangako ng
Diyos sa Israel ay natupad sa mga isinagawa niya sa simbahan. Ang Israel at
simbahan ay pinag-uugnay ng iisang pananampalataya sa Mesias. Ngunit taliwas
naman sa paniniwala ng mga nasa kampo ng CT, para sa mga tagapagsulong ng NCT
ay hindi tumpak na sabihing iisa ang Israel at simbahan. Sa halip, mas angkop
ang paninindigan na ang simbahan ang katuparan ng Israel.
Sa katapus-tapusan, ipinahayag ng
may-akda na para sa kanya, ang mga interpretasyon ng NCT ang pinaka
nagbibigay-galang sa mga sinasabi ng Bibliya. Kumpara sa Dispensationalism at
CT na may panlabas na mga kategoryang ipinipilit ipasok sa Biblia, hinahayaan
ng NCT na magsalita ang Biblia sa sarili nito. Ito rin ang dahilan kung bakit
sa pagteteolohiya, mga aktuwal at panloob na terminong ginamit ng Bibliya ang
madalas gamitin ng NCT, sa halip na gumamit ng mga panlabas na mga terminong
wala sa Banal na Kasulatan. Ngunit anuman ang kahalagahan ng NCT, nilinaw ni
White na isang “in-house” na pagtatalo ng mga Kristiyano ang namamagitan sa
NCT, CT at Dispensationalism. Sa huli, anuman ang paniwalaan dito ng isang indibiduwal
ay mananatili siyang Kristiyano. Hindi aniya layunin ng NCT na magtaguyod ng
pagkakawatak-watak sa pagitan ng magkakapatid sa pananampalataya. Lahat silang
nagtatalo-talo ukol sa tatlong magkakaibang pananaw na ito ay naniniwala sa mga
esensyal na doktrina (hal. Tatlong Persona ng Pagka-Diyos, muling pagkabuhay ni
Kristo, awtoridad ng Biblia, atbp.). Sa halip na pagkakawatak-watak, nais ng
NCT na lahat ng Kristiyano ay tumuon kay Kristo, na may-akda at tagapagtapos ng
ating pananampalataya.
No comments:
Post a Comment