Wednesday, June 23, 2021

Rebyu #35 -- Po-on ni F. Sionil Jose

Jose, F. Sionil. Po-on. Seventh Printing. Ermita Manila: Solidaridad Publishing House, 2010.


The men who taught us of Your presence, who opened the doors of Your temple that I may see the light – they are white like You. Are You then the god of white people, and if we who are brown worship You, do we receive Your blessings as white men do? I pray that You be not white, that You be without color and You be in all men because goodness cannot be encased only in white. – Istak (p.103)

 

Katha ng Pambansang Alagad ng Sining na si F. Sionil Jose, ang “Po-on” ay una sa limang tomong historikal na nobelang kadalasang tinatagurian bilang “Rosales Saga,” dulot ng pagkakasentro ng mga naratibo sa Rosales, Pangasinan na bayan ng may-akda. Naisulat mula 1962 hanggang 1984, ang limang nobela ay malikhaing paglalarawan sa lipunang Pilipino sa loob ng mahigit kumulang isang daang taon, mula 1880s hanggang 1970s, dahilan kung bakit itinuturing ng ilan ang Rosales Saga na tila modernong epikong Pilipino.

 

Bilang una sa limang tomo, ang Po-on ay nakatuon sa panahon mula 1880 (walong taon matapos ang pagkakabitay sa Gomburza) hanggang 1900 (ilang buwan matapos ang Labanan ng Tirad Pass sa kasagsagan ng Digmaang Pilipino-Amerikano). Manaka-naka ang pagbanggit ng may-akda sa mga aktuwal na mga pangyayari at malikhaing itinatahi ang mga ito sa naratibo ng akda, na siyang nagbibigay ng pangkasaysayang lasa sa nobela (hal. pagtataksil kay Diego Silang [p.131], pagpatay sa tatlong paring martir [p.3], pagbaril kay Rizal sa Bagumbayan [p.152], pagtakas ni Mabini sa Rosales [p.155-182], pagtatayo ni Aglipay ng bagong simbahan [p.167] at Labanan ng Tirad Pass [p.210-225]).

 

Inilarawan ni F. Sionil Jose ang yugtong ito ng ating kasaysayan (1880=1990) sa lente ng isang mahirap na Ilokanong mula sa pamilya ng mga magsasaka – si Eustaquio Salvador o mas kilala bilang Istak. Nagsimula ang kwento sa pagpili sa protagonista (sa murang edad na sampu noong 1880) bilang sakristan ni Padre Jose Leon, ang Espanyol na kura paroko ng Cabugaw, Ilokos, dahil sa angkin nitong talino. Bilang paboritong katuwang ng pari sa simbahan, itinuro ni Padre Jose kay Istak ang marami sa mga nalalaman nito. Liban sa pagkatuto ng wikang Espanyol at Latin, tinuruan din siya ng butihing pari ng ilang aralin ukol sa matematika, literatura, at agham; dagdag pa ang ilang praktikal na karunungan tulad ng paggamit ng mga herbal na medisina. Nangarap si Padre Jose na balang araw ay maipadala niya si Istak sa Vigan, upang mapag-aral ito sa seminaryo at kalaunan ay maging isa ring ganap na pari. Ngunit nasira ang pangarap na ito nang mapalitan siya ng isang mas nakababatang pari – si Padre Zarraga – sa kanyang pagreretiro.

 

Taliwas na taliwas ang nakababatang pari sa nauna sa kanya. Kaiba ni Padre Jose na pabor sa sekularisasyon ng simbahan, tahasan ang pagka-rasista ni Padre Zarraga sa mga Indio. Ang kanyang maling paratang sa tatay ni Istak bilang magnanakaw ang naging sanhi ng pagkakaputol ng kamay nito. Sa usapin ng moralidad ay napakalayo rin ng dalawang pari sa isa’t isa. Ang pagkakatuklas ni Istak sa seksuwal na imoralidad ng nakababatang pari ang naging sanhi ng pagpapalayas sa kanya sa simbahan at pagbalik niya sa Po-on, ang kanilang maliit na komunidad sa Cabugaw.

 

Handa nang talikuran ni Istak ang pangarap na maging pari at kuntento na sa pagiging magsasaka, ngunit hindi pa pala rito natatapos ang kanilang kalbaryo. Hindi pa nakuntento sa kanyang mga naunang pang-aalipusta, pinalayas ni Padre Zarraga sa kanilang lupain sinasaka ang buong angkan ni Istak mula sa Po-on. Nakiusap sa pari ang ama ni Istak na si Ba-ac na ipagpaliban ng kahit isang taon ang pagpapalayas sa kanila, upang maging sapat ang kanilang ani bago sila maglakbay ng malayo sa lilipatang bayan. Ngunit sa halip na mahabag, masasakit na salita at pisikal na pananakit ang inabot nito sa alagad ng Diyos. Ang namumuong galit ni Ba-ac, na nakaugat pa sa pagpapaputol sa kanyang kamay dati, ay tuluyan nang bumulusok hanggang sa mapatay niya ang pari.

 

Dahil dito ay napilitang tumakas mula sa Po-on si Ba-ac, kasama ang buong angkan niya, yamang hindi malayo na sila ang parusahan kapag hindi nahuli si Ba-ac, na siyang pinaka matanda at pinuno ng angkan. Nagpasyang magpaiwan ni Istak sa Po-on, sa pagnanasang akuin ang kasalanan ng ama. Taliwas sa pag-aakala na kaaawaan siya ni Kapitan Gualberto, na madalas niyang paglingkuran tuwing dumadalaw kay Padre Jose, agad siya nitong binaril matapos sabihin na siya na lamang ang parusahan sa halip na ang kanyang angkan na tumakas. Sa pag-aakalang patay na ito ay iniwan na lamang siya, matapos sunugin ang buong kabahayan ng Po-on. Naisalba lamang ang kanyang buhay sa tulong ni Dalin, isang babaeng dayo sa Cabugaw, na nagdala sa kanya tungo sa angkan niyang naglalakbay pa-timog upang maghanap ng bagong lupang masasaka.

 

Malaking bahagi ng nobela ay nakatuon sa exodo na ito ng angkang Salvador mula Ilokos patungong Pangasinan. Naglakbay sila pa-timog yamang kaunti pa lamang ang nananahan noon sa direksyong ito at marami pang libreng lupang maaaring pagsakahan. Maingat ang paglalakbay na kanilang ginawa, dahil kailangan nilang tumakas mula sa mga awtoridad na humahabol sa kanila. Naging masalimuot ang kanilang karanasan ng paglalakbay, na sa kalagitnaa’y naging sanhi ng kamatayan ng ama’t ina ni Istak. Sa paglalakbay na ito ay nakaranas ng matinding krisis ng pag-iral si Istak, na nagsimulang magtanong ukol sa katarungan ng Diyos at kabutihan ng simbahan. Sa kabila ng tapat na paglilingkod sa simbahan at mga Espanyol ay naging madali sa mga ito ang tangkang pagkitil sa kanyang buhay. Dalangin ni Istak, “if you are the God of my people, how could you also be the God of those who oppress us?” (p.199).

 

Matapos ang matagal at mapanganib na paglalakbay ay narating din nila sa wakas ang Rosales, Pangasinan, kung saan sila nagpasyang magsimula ng bagong buhay. Ang pagpapalagayang-loob nila ni Dalin sa gitna ng paglalakbay ay humantong sa kasalan ilang panahon matapos ang pagdating sa bagong lupain. Bilang pag-alala sa pinagmulang bayan, pinangalanan nila ang kanilang maliit na bagong komunidad bilang Cabugawan. Bilang bahagi ng pagbabagong-buhay, pinalinan nila ang kanilang apelyido mula Salvador tungong Samson. Kaiba ng mga principalia sa pinagmulang lupain, mabait at makatao ang sumalubong sa kanilang gobernadorcillo ng Rosales na si Don Jacinto. Liban sa tulong na ibinigay sa kanila sa pagsisimula ng bagong buhay, pinagkalooban sila nito ng mga lupang masasaka na kalaunan ay magiging kanila na. 

 

Hindi pa rin natapos ang kanilang kalbaryo, dahil natunton nina Kapitan Gualberto at ng mga kasama nitong guwardiya sibil ang komunidad nina Istak. Inangkin ng kapatid ni Istak na si An-no ang kasalanan ng kanyang ama, kaya siya na lamang ang kinuha at pinatay ng mga ito, at hindi na nila ginalaw pa si Istak na noon ay may malubhang karamdaman. Marami pang ibang pinagdaanang hirap sina Istak bilang mga magsasaka sa pananahan sa kanilang bagong lupain. Isa na rito ang paglaganap ng epidemya ng kolera, na mula Katagalugan ay umabot sa Rosales. Sa panahong ito ng kolera naisapraktika ni Istak ang mga itinuro sa kanya ni Padre Jose ukol sa mga halamang medisinal. Ang pagpapagaling ni Istak (paggamit ng mga halaman sa panggagamot habang nananalangin ng Latin) ang nagpatanyag sa kanya bilang herbolaryo, na nagdulot ng pagdayo sa Cabugawan ng mga mamamayan ng Rosales.

 

Liban sa pagiging herbolaryo, pinagpipitagan din si Istak sa kanyang pagtuturo sa buong komunidad ng Cabugawan, na nagsimulang lumaki dahil sa paglipat dito at paninirahan ng iba pang mga dayo. Tinuruan ni Istak ang kanyang komunidad na magbasa at magsulat, at magsalita ng basikong Espanyol. Payapa na at kuntento ang buhay ni Istak, kasama si Dalin at kanilang batang anak na sina Antonio at Pedro. Ngunit nagsimulang magkaroon ng bagong direksyon ang kanyang buhay noong mga huling araw ng 1896, nang ipinatawag siya at masinsinang kinausap ni Don Jacinto. Sa pagkakataong ito lamang nalaman ni Istak na si Don Jacinto ay kasapi sa rebolusyonaryong kilusan sa Maynila, na noon ay nakikipagdigma na laban sa Espanya (bagaman hindi ito ramdam at alintana ni Istak at ng mga kapwa niya Ilokano sa hilaga). Malungkot na sinabi sa kanya ng mabait na gobernadorcillo na kakabaril lamang ng mga Espanyol kay Rizal, na bagaman hindi kilala ni Istak, ay inilarawan ni Don Jacinto bilang taong tinitingala nilang mga naniniwala sa katarungan.

 

Upang lalo pang makilala si Rizal ay ipinahiram ni Don Jacinto kay Istak ang kanyang kopya ng Noli Me Tangere, El Filibusterismo, at iba pang sulatin ni Rizal sa La Solidaridad. Matapos mabasa ang mga ito ay higit na naging malinaw kay Istak ang pang-aapi ng mga Espanyol, na sa kung tutuusin ay matagal na niyang alam bilang magsasaka na aktuwal na nakararanas nito. Bagaman napagtanto niya ang katotohanan ng mga inilalarawan ng dalawang nobela, nanatili ang kanyang pagpipitagan kay Padre Jose, na sa palagay niya ay natatangi sa iba nitong kapwa pari.

 

Lalo pang tumindi ang pagbabago sa buhay ng protagonista noong dumating si Apolinario Mabini sa Rosales kalaunan. Noong panahong iyon ay nagapi na ang mga Espanyol, ngunit pumalit dito ang mga Amerikano bilang panibagong mga manunupil. Upang hindi madakip ng mga ito si Mabini ay itinago siya ni Don Jacinto sa kanyang tahanan sa Rosales. Nagkaroon ng pagkakataon na makadaupang-palad ni Istak si Mabini nang ipatawag siya ni Don Jacinto. Pinakiusapan siya ng butihing gobernadorcillo na gamitin ang kanyang pagiging herbolaryo upang gamutin ang noo’y may sakit na Mabini. Dulot ng lubos na panggigilalas sa pagiging matatas ni Istak sa Espanyol at Latin, mabilis siyang nakapalagayang-loob ni dakilang paralitiko. Ginawa siya nitong katuwang sa pagkopya ng mga sanaysay at liham na isinusulat ni Mabini, na layuning nitong maipakalat upang ibalita sa mundo ang karahasan ng mga Amerikano at patunayan na karapat-dapat ang mga Pilipino sa pagsasarili.

 

Naging malalim na palaisipan kay Istak ang mga pangaral ni Mabini. Paulit-ulit nitong binanggit sa si Istak ay hindi lang basta isang Ilokano kundi isang Pilipino. Pinuna ni Mabini ang kawalan ng mga Pilipino ng tiwala sa isa’t isa, at ang patuloy nilang pag-iisip na sila’y mga Bikolano, Cebuano, Tagalog, at Ilokano lamang. Noong una ay hindi ito lubos na maunawaan ni Istak. Para sa kanya, likas lamang na ang isang mahirap na magsasakang tulad niya ay walang ibang isipin kundi ang kakainin ng kanyang pamilya. Ngunit mariin na iginiit ni Mabini na ang kanyang pananagutan sa bansa ay pananagutan din niya sa pamilya, yamang ang kalayaan lamang ng Pilipinas ang makapagbibigay ng ligtas na pamumuhay sa mga Pilipino.

 

Kalaunan ay nakiusap sa kanya si Mabini na maging mensahero nito at ipadala ang kanyang liham kay Aguinaldo, na noon ay patungo sa Ilokos upang tumakas mula sa mga Amerikano. Nilalaman nito ang pakiusap ni Mabini na ipagpatuloy ang paglaban, at panatilihin ang kaligtasan ni Aguinaldo, dahil hindi lamang ito basta pinuno; siya ang kasalukuyang simbulo ng bansa. Liban sa pagdadala ng mensahe, pinakiusapan din siya ni Mabini na magsilbing gabay nina Aguinaldo sa paglalakbay sa Ilokos, yamang pamilyar siya sa lugar na ito bilang Ilokano. Bagaman nalilito pa at hindi nalalaman kung ano ba talaga ang kahulugan ng pagmamahal sa bayan, may kung anong nagtulak kay Istak na tanggapin ang pakiusap ni Mabini. Malungkot na nagpaalam si Istak sa kanyang pamilya para sa misyong ito. Matapos nito ay nagsimula na siyang maglakbay pabalik sa Ilokos.

 

Habang naglalakbay ay unti-unting naging malinaw para kay Istak ang kahulugan ng kanyang ginagawa. Namulat siya sa karahasan ng mga Amerikano, na nasaksihan niyang pumapatay sa mga walang kalaban-labang sibilyan at gumagahasa pa sa mga kababaihan. Hindi niya nagawang abutan si Aguinaldo. Ang nadatnan lamang niya ay si Heneral Gregorio del Pilar, na noon ay nakahimpil sa Tirad Pass, upang harangin ang mga Amerikanong humahabol kay Aguinaldo. Sa daan ay nawala ang dalang liham ni Istak dahil inabutan siya ng ilang Amerikano (ngunit iniwan din siya matapos akalain na siya’y patay na). Ang kawalan ng pisikal na ebidensya ang naging sanhi ng pagdududa sa kanya ni Heneral del Pilar, na inutusan siyang lumisan na lamang. Ngunit noong dumating na ang mga Amerikano sa Tirad ay pinatunayan ni Istak ang katotohanan ng kanyang mga sinasabi sa pamamagitan ng paglaban kasama nila. Bagaman pinaaalis ni del Pilar upang siya’y makaligtas at mabuhay, pinili ni Istak na sumama sa paglaban. Sa unang pagkakataon ay humawak siya ng armas. Siya na isang dating sakristan at nagpapagaling bilang herbolaryo ay handa nang kumitil ng buhay. Sa kabila ng naging mga pagdududa sa Diyos, naging malinaw sa kanya sa puntong ito na totoo pa rin ang katarungan ng Diyos, at siya ang tumutulong sa kanya sa pagpapagaling. Ngunit napagtanto rin ni Istak na hindi labag sa kalooban ng Diyos ang kanyang paghawak ng armas. Alam niyang makatarungan sa harap ng Diyos ang kanyang gagawing paglaban para sa kanyang bayan. Sa harap ng napipintong kamatayan ay naging malinaw kay Istak na nilikha ng Diyos ang Pilipinas para kanilang mga Pilipino, at dapat nilang ipagtanggol ang bansa sa sinumang banyagang nais itong sakupin at apihin.  

No comments:

Post a Comment

Rebyu #112 - Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing ni Ricky Lee

Lee, Ricky. Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing. Loyola Heights, Quezon City: Philippine Writers Studio ...