Jose, F. Sionil. My Brother, My Executioner. Seventh Printing. Ermita, Manila: Solidaridad Publishing House, 2010.
Yes, it was
always the opportunists who destroyed the revolution. It was they who sided
with the Spaniards. It was they who shaped our relationship with the Americans
and who sold the Filipinos to the Japanese. I am sure that even now, as the
Huks grow in strength, a lot of them are pandering to the Huks. – Luis Asperri
(p.130-131)
Ang “My Brother, My Executioner” ay ikatlo sa kronolohikal na pagkakasunod-sunod ng limang tomong historikal na nobela ni F. Sionil Jose na kilala bilang “Rosales Saga.” Kung ang “Poon” ay nakatuon sa pagtatapos ng Kolonyalismong Espanyol hanggang Digmaang Pilipino-Amerikano, at ang “Tree” ay ukol sa Kolonyalismong Amerikano hanggang sa pagtatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ang nobela namang ito ay sumasalamin sa lipunang Pilipino sa mga taon matapos ang pagkamit ng kalayaan ng Pilipinas at pagpasok nito noong 1950s sa isang panibagong uri ng digmaan – ang Rebelyong Huk. Matapos ang sama-samang paglaban sa mga Hapon, mailap pa rin para sa nakararaming Pilipino ang maginhawang buhay, lalo na dahil sa pagpapatuloy at higit na paglubha ng sistemang agraryo. Nagbunsod ito sa pag-aaklas ng Hukbalahap. Dating mga gerilya laban sa mga Hapon, sa pagkakataong ito ay mismong mga kalahi na ang kailangan nilang tutukan ng baril upang labanan ang isang mapaniil na sistema. Ipinagpapalagay na pinaka emosyunal sa limang aklat ng Rosales Saga, ang My Brother, My Executioner ay kuwento ng dalawang magkapatid sa ina – isang asendero at isang magsasaka – na metapora ng mas malalim at masalimuot na tunggaliang magkapatid ng mga Pilipino sa kapwa Pilipino.
Nagsimula ang lahat sa Sipnget,
isang maliit ng komunidad ng mga magsasakang Ilokano sa Rosales, Pangasinan.
Dito inilagi ng protagonistang si Luis ang kanyang pagkabata, kasama ang
kanyang lolo, ina, at ang nakababatang kapatid na si Victor. Ang malaking
pagkakaiba sa itsura ng mestisuhing si Luis at kayumangging si Victor, na
malaking palaisipan para sa dalawa, ay lubusan nang nagkaroon ng kasagutan,
nang dumalaw si Simeon sa Sipnget. Siya ay katiwala ni Don Vicente Asperri, ang
pinaka mayamang panginoong maylupa sa Rosales at may malawak na impluwensyang
pampulitika sa buong bansa. Napilitan ang ina ni Luis na ipagtapat dito na si
Don Vicente ang kanyang totoong ama, at siya ang nag-iisang tagapagmana ng
malalawak na hasyenda nito. Minabuti ng kanyang ina na pasamahin siya sa
malaking tahanan sa Rosales ng kanyang ama upang magkaroon ng maalwang pamumuhay.
Ito’y sa kabila ng pagkamuhi niya kay Don Vicente, na ginahasa siya noong
ipinadala siya ng kanyang amang tenante sa tahanan nito upang maglingkod,
bilang kabayaran sa utang nito.
Ipinadala ni Don Vicente si Luis sa
Maynila upang doon mag-aral, na naging dahilan ng hindi pagbalik sa Sipnget sa
loob ng maraming taon. Pansamantala lamang siyang natigil sa pag-aaral noong
sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, na naging dahilan ng kanyang
pagbalik sa Rosales. Lingid sa kaalaman ng kanyang ama, pansamantalang napadpad
si Luis kasama si Victor at ng mga gerilyang taga-Sipnget laban sa mga Hapon,
sa pamumuno ng tinatawag na Kumander Victor (na kapangalan ng kanyang kapatid).
Matapos ang digmaan, muling ipinadala ni Don Vicente ang kanyang anak sa Maynila
upang ipagpatuloy ang pag-aaral. Habang nasa isang Katolikong paaralan sa
Maynila, nabalitaan ni Luis ang malagim na sinapit ni Kumander Victor. Tulad ng
mayorya sa mga gerilyang lumaban sa mga Hapon, bumalik si Kumander Victor sa
mahirap na buhay bilang magsasaka, habang ang mga kolaborador ay nanatili sa
matataas na katungkulan sa pamahalaan. Liban sa wala na ngang natanggap na
sahod, di-tulad ng mga regular na sundalo, o kahit anong parangal kapalit ng
kabayanihan, nilitis pa si Kumander Victor dahil sa mga akusasyong krimen na
ginawa nito diumano sa panahon ng digmaan. Ngunit hindi siya nakulong dahil mas
pinili niyang magpakamatay na lamang.
Nang mabalitaan ito ni Luis, bilang
patnugot ng kolehiyong peryodikal ay nagpasya siyang sumulat ng isang artikulo
ukol sa buhay ni Kumander Victor. Ngunit hindi ito nailimbag dulot ng pagharang
dito ng konserbatibong Rektor ng paaralan, na ipinatawag siya upang sumulat na
lamang ng ibang artikulo. Ngunit nagmatigas si Luis at nagpasya na lamang na
tumigil sa pag-aaral. Liban sa popularidad bilang patnugot at manunulat sa
kolehiyo, nakalagpas din sa labas ng paaralan ang balita ukol sa tapang na
ipinamalas ni Luis sa pagbangga sa Rektor sa ngalan ng kanyang prinsipyo.
Nakarating ang balitang ito sa atensyon ni Eduardo Dantes, isang panginoong
maylupa ng Negros, na multi-milyonaryo ring may-ari ng samu’t saring mga
korporasyon sa bansa tulad ng elektrisidad, telekomunikasyon, transportasyon,
at mga palimbagan. Kahit na hindi nakapagtapos, inimbitahan niya si Luis na
tumayo bilang patnugot at manunulat ng magasin na Our Time.
Sa pamamagitan ng kanyang mga tula
at mga sanaysay sa Our Time sumikat
si Luis sa sirkulo ng mga manunulat sa Pilipinas, at kalaunan ay naging isa sa
pinaka respetadong batang manunulat. Naging tatak niya bilang manunulat ang
paglilimbag ng mga sanaysay at tula na nakatuon sa katarungang panlipunan at
bumabatikos sa mga inhustisya. Nakilala siya bilang tagapagtanggol ng mga
mahihirap. Ngunit sa kanyang kalooban ay nagtatalo ang dalawang puwersa, na
dulot ng kanyang pagkaipit sa dalawang mundo – ang mundo ng mga magsasaka
bilang anak ng kanyang ina mula sa Sipnget, at ang mundo ng mga asendero bilang
anak ng kanyang ama sa Rosales. Sa kabila ng lahat ng kanyang mga isinusulat na
pambabatikos sa mga mapang-aping mayayaman ay hindi niya maitanggi sa sarili na
komportable siya sa mariwasang buhay bilang anak ng pinaka mayamang asendero ng
Rosales. Ang tensyong ito at pagkalito sa kalooban ni Luis ay isa sa pinaka
prominenteng tema ng nobela, na tuloy-tuloy ang pagdaloy hanggang sa dulo ng
aklat.
Madalas niyang pagnilayan kung
sumusulat ba siya ukol sa katarungang panlipunan dahil sa kanyang pag-ibig sa
mga mahihirap, o dahil sa gantong paraan lamang niya gustong makilala.
Nakakaramdam siya ng pagkainis sa sarili at mga kapwa manunulat na tinatawag
niyang “city room revolutionaries” (p.46), mga intelektuwal na panay ang sulat
ukol sa masa at rebolusyon ngunit napaka maginhawa naman ang pamumuhay at hindi
nakalublob sa reyalidad ng kanilang mga ipinagtatanggol. Sa isang eksena ng
pakikipag-usap sa isang kapwa radikal na manunulat, kinanti niya ito sa
pamamagitan ng mapanudyong pahayag na “And thank God again for the poor for
they will make some writers rich writing about poverty” (p.65). Sa palagay niya
ay siya at ang kanyang among si Dantes lamang ang tunay na nakikinabang sa
kanyang mga isinusulat, na hindi naman talaga nababasa ng mga mahihirap. Ani ng
tagapagsalaysay:
It was a
sham, a mistake, that he was writing in English – a language that was for him
and the elite – when there should be no barrier between him and the greater
masses. Why should the language of science and culture be denied them? Much as
he would have wanted to pursue this line of thinking, however, at the same time
he felt secure and superior with the fact that he had mastered English and that
he would continue writing in it – if only for his ego and for self-justification.
(p.63).
Tinitingnan niya ang sarili bilang
duwag, na napakalayo sa katapangan na mayroon ang mga Huk na aktuwal na
lumalaban sa kabundukan. Subalit sa kabilang banda ay hindi niya rin lubusang
matanggap ang radikal na pagbabagong nais na isagawa ng mga ito sa pamamagitan
ng isang himagsikan. Lalong lumitaw ang ganitong kalabuan sa pag-iisip at
kalooban ni Luis nang bigla na lamang siyang dalawin ng kapatid na si Victor sa
kanyang marangyang tahanan sa Ermita, na nagbunsod sa isa sa mga pinaka
dramatikong pag-uusap sa buong nobela. Ipinagtapat niya sa kanyang kuya na siya
na ang bagong Kumander Victor na namumuno sa mga Huk ng Rosales. Sa
komprontasyon na ito, natagpuan ni Luis ang kanyang sarili na ipinagtatanggol
ang graduwal na pagbabago, taliwas sa radikal na pagbabagong nais ng mga Huk.
Ngunit nawari kaagad ni Victor ang kabalintunaang umiiral sa kanyang kalooban
at tinanong ito kung nakalimot na ba siya sa kanyang nakaraan sa Sipnget at
nagbago na ba siya dulot ng maalwang pamumuhay. Idiniin din ni Victor na mas
alam niya ang reyalidad ng pang-aapi dahil siya mismo ang nasa hanay ng mga
magsasaka, samantalang si Luis ay nagagawang maging poetiko at kalmado dahil
siya ay komportableng namumuhay sa Maynila. Nang tanungin siya ni Luis kung ano
bang maibibigay niya sa kanya upang makatulong, tumugon si Victor:
Give! Give!
I shouldn’t be ungrateful, but you always give. People like me – we never get
anything that is ours because we worked for it, because we deserve it. (p.74)
Ang suliranin ng pag-iral na
pinagdaraanan ni Luis ay nasumpungan niya ring dinaranas ng kanyang kasintahang
si Ester, na anak ni Eduardo Dantes. Ibinahagi nito sa kanya ang panloob na
pagdurusang nararamdaman nito sa masarap na pamumuhay, pagbili ng lahat ng
luha, at paglalakbay sa Europa tuwing bakasyon, habang alam niya na ang mga
tenante ng kanyang pamilya sa Negros ay batbat ng matinding kahirapan at salat
maging sa mga pangunahing pangangailangan. Ang pagpapakamatay kalaunan ni Ester
ay lalong nagpatindi ng eksistensyal na krisis ni Luis, lalo pa dahil hindi
malinaw sa kanya kung nagpakamatay ito dahil sa kanilang magulong relasyon o
dahil sa sarili nitong suliranin ng pag-iral.
Kalaunan ay bumalik siya sa Rosales
upang dalawin ang kanyang ama na may malubha nang karamdaman. Hiniling nito sa
kanya na bago man lang siya mamatay ay nais niyang makitang makasal si Luis.
Nakiusap itong ang pakasalan ay ang kanyang pinsan na si Trining, upang
manatili sa mga Asperri yaman ng kanilang mga hasyenda at hindi ito mapunta sa
ibang pamilya. Tinanggap na rin ni Luis ang hiling ng kanyang ama dahil dati pa
ay may namumuo nang romantikong ugnayan sa pagitan nilang magpinsan.
Ngunit ilang araw lamang matapos
ang kasal ay may natuklasan si Luis na naging matinding dagok sa kanya. Matapos
ang kasal ay nagpasya siyang dumalaw sa Sipnget, dahil isang beses pa lamang
niyang napuntahan ang kanyang nanay at lolo mula nang siya’y mag-aral sa
Maynila. Ngunit nagulantang siya nang makitang sinunog ang buong komunidad.
Isang tao lamang ang natagpuan niya roon, na ibinalita sa kanyang lumusob dito
ang Konstabularya, gayundin ang mga sibilyang guwardiya ni Don Vicente.
Pinagbabaril nila ang mga tao rito, dalamwampu ang namatay, dahil sa
paghihinala na sila ay mga Huk dulot ng kaugnayan nila sa kapatid niyang si Victor.
Isa sa mga namatay ang kanyang lolo, samantalang ang kanyang nanay ay nabaliw
at hindi na nila matagpuan kung saan nagtungo. Nagtungo kaagad si Victor sa
kanyang ama upang komprontahin ito. Ipinaliwanag ng kanyang ama na aksidente
ito at hindi siya ang nag-utos. Binigyang katwiran niya ang ginawa ng mga
sundalo bilang pagtatanggol sa kanilang pamilya laban sa banta ng mga Huk.
Sa pagdaramdam ni Luis ay nagpasya
siyang bumalik sa Maynila at magsulat ng isang artikulo ukol sa nangyari sa
Sipnget, upang labanan ang kanyang ama at ang Konstabularya. Inilaan nila ng
kanyang kasamang patnugot na si Eddie Sison ang sumunod na isyu ng Our Time sa tema ng pagbabagong
panlipunan, na ang editoryal ay ukol sa masaker sa Sipnget. Nagdulot ng
matinding pasabog ang publikasyong ito, na naging sanhi ng pagpunta ng ilang
opisyal ng Konstabularya sa kanyang tanggapan. Nagdala ito ng testimonya ng
kanyang ama at ilan pang pinekeng ebidensya upang patunayan na ipamukhang
kasinungalingan ang ikinakalat ni Luis. Nagbanta sila na siya’y kakasuhan kung
hindi siya magsasagawa ng retraksyon sa kanilang inilimbag na isyu. Ngunit
hindi nagpatinag si Luis, tulad ng paninindigan noong siya’y nasa kolehiyo pa,
pinili niyang magbitiw sa trabaho upang siya na lamang ang kasuhan bilang indibiduwal
at huwag nang madamay pa ang kanilang magasin.
Napilitan lamang siyang bumalik sa
Rosales nang tawagan siya ng kanyang asawang si Trining ukol sa pagkamatay ng
kanyang ama. Matapos ang magarbong libing, alinsunod sa kalooban ng namayapa ay
isinaayos ng mga katiwala ang mga papel na kinakailangan upang pormal na
maipasa sa kanya ang lahat ng ari-arian ng kanyang ama. Nguni tang kanyang
kalooban ay nakatuon pa rin sa Sipnget at sa kagustuhang mahanap ang kanyang
inang nawawala. Upang imbestigahan ang tunay na nangyari, sinamahan siya ni
Trining sa pagbalik sa Sipnget, at pagtungo sa Aguray, ang bagong komunidad
kung saan lumipat ang mga mamamayan ng Sipnget. Ngunit wala na silang kahit
anong ebidensyang natagpuan sa Sipnget dahil ipinautos ni Don Vicente ang
pagpapapatag nito. Wala rin silang naabutang kahit isang tao sa Aguray, na
marahil ay pinalayas at tinakot ng Konstabularyo upang wala sa kanilang
maglakas-loob na magbigay ng testimonya. Sumuko na sila sa paghahanap at
bumalik na lamang sa kanilang malaking bahay na bato sa Rosales.
Naging maaga ang panganganak ni
Trining, na humantong sa pagbiyak sa kanyang tiyan upang maisalba ang buhay
nilang mag-ina. Kinailangan ding alisin ang matres ni Trining, na
nangangahulugang hindi na sila muling magkakaroon ng anak. Ngunit nagulantang
si Luis nang ipakita sa kanya ang hitsura ng kanyang anak. Wala itong kamay at
paa. Nagpasya siyang ipadala ito sa isang ospital sa Maynila at itago kay
Trining ang katotohanan.
Ilang araw lamang matapos ang
insidenteng ito ay muli siyang palihim na dinalaw ng kanyang kapatid na si
Victor sa kanyang tahanan sa Rosales. Pinayuhan siya nito na lumuwas sa Maynila
kasama ang kanyang asawa upang huwag mapahamak sa paglusob na gagawin nila sa
Rosales. Sinabi rin nito na ipamahagi na niya sa mga magsasaka ang mga lupaing
ipinamana ng kanyang ama. Ngunit hindi pumayag si Luis, dahil nais niya ring
maging panginoong maylupa, bagaman isang uri ng panginoong maylupa na mas
mabait kaysa kanyang ama. Ikinatuwiran niya na hindi basta-basta ang pagpapasa
ng lupa sa mga magsasaka, na kailangan ng maayos na pagpaplano para sa patas na
distribusyon ng lupa, pagsasaayos ng mga pataba, at pangangasiwa ng isang
panginoong maylupa na malalapitan ng mga magsasaka para sa mga kinakailangan ng
mga ito tulad ng tulong pinansyal kapag may sakit. Tumugon si Victor na lahat
ng ito ay pagdadahilan lang ni Luis, na kung nais niya talaga ay magagawa
niyang ipamahagi ang mga lupa sa mga magsasaka. Bagaman patuloy ang kanyang
pakikipagtalo sa kanyang kapatid upang ipagtanggol ang kanyang panig, sa
kanyang kalooban ay nadarama niya na tama ang kanyang kapatid. Matapos itong
magwika sa kanya na ang kanyang pagtungo sa bahay nito upang magbigay ng babala
ay tanda ng hindi niya pagkalimot sa kanilang pinagsamahan, hinagkan ni Luis
ang kanyang tumatangis na kapatid at binulungan ito ng “my brother, my
executioner” (p.173).
Sa kabila ng payo sa kanya ng
kanyang kapatid at gayundin ang paghimok sa kanya ni Trining na lumuwas na sila
sa Maynila, pinili pa rin ni Luis na manatili sa Rosales. Inisip niya na hindi
sila sasaktan ng mga Huk dahil kapatid siya ni Kumander Victor at wala naman
siyang ginawa laban sa kanila. Ngunit sa kalagitnaan ng labanan kinabukasan ay
aksidenteng natamaan ng ligaw na bala si Trining na ikinamatay nito kalaunan.
Natapos ang kwento sa paglabas ni Luis sa kanyang tahanan at pagtungo sa
kalsada sa gitna ng naglalaban na mga sundalo’t Huk, at kahandaan nang mamatay
dahil para sa kanya’y matagal nang walang kahulugan ang buhay.
Tulad sa Poon at Tree, isa sa
pinaka prominenteng tema sa My Brother,
My Executioner ang pagiging istruktural ng suliranin ng panlipunang
inhustisya sa Pilipinas. Litaw na litaw ito sa mga diyalogo ni Luis sa iba’t
ibang karakter, na nagbibigay ng diskursibong katangian ng nobela, tulad ng mga
tagpo ng pag-uusap nila nina Don Vicente (p.9-16, 103-108), Victor (p.69-75,
170-173), Ester (112-119), Eddie (p.129-131), at Eduardo Dantes (p.133-138).
Ang pagiging gahaman ng ilang panginoong maylupa ay sintomas lamang ng mas
malawak na suliranin ng di-patas na sistemang agraryo na ipinamana ng
kolonisasyon sa Pilipinas. Ika ni Victor kay Luis:
I could
kill you now if I had the hatred to do it, but what would that do for us? My
enemy is larger than you and all your grandiose plans which made it possible
for your father and you to be what you are and for us – our mother and all the
people of Sipnget – to be what we are. (p.171)
Ang istruktural na kalikasan ng
inhustisya ang dahilan kung bakit unti-unting naisaloob ni Luis ang tipikal na
pag-uugaling panginoong maylupa, sa kabila ng kanyang pinagmulan at pilit na
pagbalik dito sa pamamagitan ng pagsusulat ukol sa katarungang panlipunan. Sa
mas naunang diyalogo nila ng kanyang kapatid, sinabi nito sa kanya na “People
change when they live differently away from the land” (p.72). Ang pagbabagong
ito kay Luis ay makikita sa kanyang pagiging bantulot na ipamahagi ang kanyang
mga hasyenda. Kahit ang kanyang asawang si Trining, na tagapagmana rin bilang
pamangkin ni Don Vicente, ay handa na ring ipamigay ang mga lupaing ito. Aniya
kay Luis, masyado itong malaki para sa kanilang dalawa, maaari nila itong
ipagbili sa maliit na halaga o ipamigay na lamang at magtungo sa Europa upang
doon na magsimula ng panibagong buhay. Ngunit maraming idinahilan si Luis upang
igiit na hindi nila ito maaaring gawin.
Ngunit sa kabila ng pagiging
istruktural ng inhustisyang panlipunan, hindi inaabswelto ng nobela ang
personal na pananagutang moral ng mga indibiduwal na panginoong maylupa sa
kanilang pagiging gahaman. Bagaman nagbibigay ng impresyon si Luis sa kanyang
kapatid na hindi niya ginusto ang kasalukuyan niyang kalagayan, ipinaalala sa
kanya ng kapatid nang makailang ulit na malaya niyang pinili ang marangyang
pamumuhay kapalit ng Sipnget (p.74, 171).
Testamento rin ang nobelang ito sa
mapait na karanasan ng mga Pilipino noong 1950s, sa pakikipaglaban sa isa’t
isa. Mas payak ang sitwasyon noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, kung saan
sama-samang kinalaban ng mga Pilipino ang mga Hapon. Malinaw sa lahat ng
Pilipino kung sino ang kalaban at kung ano ang nais nilang makamtan. Ika nga ni
Luis kay Eddie: “The generation that preceded us was interested in
independence, what are we really interested in?” (p.130). Ngunit sa pag-usbong
ng himagsikang Huk noong 1950s ay mga Pilipino na ang magkakalaban. Noong
kausap ni Luis ang isang kapitan ng militar na beterano ng Bataan noong
Ikalawang Digmaang Pandaigdig, sinabi nito sa kanya na karamihan sa kanilang
mga sundalo ay hindi mga propesyunal na militar kundi mula rin sa pamilya ng
mga magsasaka tulad ng mga Huk. Aniya, sumali lamang sila sa militar dahil sa
hirap ng buhay, sa pag-asang maipapadala nila sa kanilag mga pamilya ang maliit
na sahod na makukuha nila sa pagsali sa mga puwersang ipinapadala sa kabundukan
laban sa mga Huk. Maging ang mga ito ay may mga kamag-anak din na nasa panig ng
mga Huk (p.180).
Maging si Victor ay malay sa
katotohanang maaaring ang iba nilang pinapatay ay mga kapwa nila kabataan na
mula rin sa Sipnget (p.172). Ngunit iginiit ni Victor na sa kabila nito ay
kailangan nilang ipagpatuloy ang kanilang paglaban, yamang ang mga sundalong
ito ay ginagamit na instrumento ng mga mayayaman upang ipagtanggol ang kanilang
interes. At ito ang lalong nagpapatindi sa malagim na tunggalian ng mga
Pilipino sa mga kapwa Pilipino: habang silang magkakapatid na kapwa mahihirap
ay nagpapatayan, patuloy na naghahari sa pulitika at ekonomiya ang mga taksil
sa bayan. Silang mga tumulong sa mga Espanyol at Amerikano upang
pagsamantalahan ang bayan, silang mga kumampi sa mga Hapon upang ipinagkanulo
ang mga gerilya nilang kababayan ay sila pa ring nangunguna sa pagpuksa sa mga
Huk, sa mga magsasakang mula noon hanggang ngayon ay nananatili paring
nakatanaw sa isang mailap na pangarap na magkaroon ng maginhawang buhay.
No comments:
Post a Comment