Carson, D.A., Timothy Keller. Eds. The Gospel as Center: Renewing Our Faith & Reforming Our Ministry Practices. Mandaluyong: OMF Literature, Inc., 2019.
Sa kontemporaryong Ebanghelikalismo, isa sa mga sa mga sikat na tema ay ang pagiging “propetiko mula sa gilid” (prophetic from the margins). Tumutukoy ito sa pagtuon sa mga ministeryo na may kinalaman sa mga komunidad at bagay na madalas na naisasagilid sa simbahan at lipunan, tulad na lamang halimbawa ng paksa ukol sa kababaihan, kahirapan, migrasyon, kalikasan, inhustisya, etnisidad, at iba pa. Sa isang pampublikong panayam na ibinahagi ni D.A. Carson noong 2007 (na may titulong What is the Gospel?), ipinaliwanag niya na bagaman mahalaga ang lahat ng ito, may panganib na dala ang pagiging propetiko mula sa gilid. Dapat umanong magbigay ng malinaw na distinksyon sa pagitan ng Ebanghelyo sa isang banda (ang pagliligtas ng Diyos sa tao sa pamamagitan ni Kristo Hesus) at mga implikasyon ng Ebanghelyo sa kabilang banda (tulad ng pagsusulong ng katarungang panlipunan). May tendensya ang pagiging propetiko mula sa gilid na pagtuunan ng labis na atensyon ang mga implikasyon ng Ebanghelyo, habang ang mismong Ebanghelyo ay nasa likod na lamang ng kanilang isip. Bagaman pinaniniwalaan pa rin ang Ebanghelyo, nasa gilid na lamang ito, samantalang ang nasa gitna na ay ang mga implikasyon ng Ebanghelyo. Mas malala pa rito, dahil sa katagalan ng panahon na nasa gilid ang Ebanghelyo, may panganib na sa mga susunod na henerasyon ng mga Kristiyano ay hindi na ito paniwalaan, na tuluyan nang maglaho ang Ebanghelyo at ang maiwan na lamang ay ang mga implikasyon nito. Upang maiwasan ito, nanawagan si Carson ng pagiging “propetiko mula sa gitna”, ng isang balanseng uri ng Ebanghelikalismo na bagaman nagpapahalaga sa mga paksang nasa gilid ay lagi pa ring pinananatili ang Ebanghelyo sa gitna ng pamumuhay ng simbahan.
Ang pagnanasang maibalik ang Ebanghelyo
sa gitna ng Ebanghelikalismo ay ang mismong dahilan ng pagkakatatag ng The
Gospel Coalition (TGC) noong 2005, sa pangunguna ni Carson at Timothy Keller.
Ito ay samahan ng mga Ebanghelikal na simbahan, mga pastor at teologo na
naglalayong magsulong ng isang uri ng ministeryo ng simbahan na pinapagitnaan
ng Ebanghelyo. Noong sinisimulan pa lamang itatag ng mga orihinal na miyembro
ang TGC, nagkasundo sila sa paglikha ng isang Confessional Statement na nagbibigay-linaw sa mga itinuturing
nilang pinakamahahalagang mga doktrina tulad ng Biblia, sangnilikha, kasalanan,
Ebanghelyo, plano ng Diyos, pagtubos ni Hesus, pagpapawalang-sala, Banal na
Espiritu, kaharian ng Diyos, simbahan, eskatolohiya, at bautismo at Banal na
Hapunan. Upang mas maipaliwanag ang mga ito, naglathala ang TGC ng serye ng
labing-apat na monograpo na nagsilbing elaborasyon sa bawat isa sa mga
doktrinang ito (bukod sa labingdalawang doktrina, isinama rin sa seryeng ito
ang pagtalakay sa epistemolohiyang pinaniniwalaan ng TGC at uri ng ministeryong
pinagigitnaan ng Ebanghelyo). Kalaunan, tinipon ang serye ng mga monograpong
ito at inilimbag bilang isang buong aklat, na pinamagatang The Gospel as Center. Liban sa labing-apat na kabanata, nakapaloob
din sa aklat bilang apendise ang Foundational
Documents ng TGC, tulad ng Preamble,
Confessional Statement, at Theological
Vision of Ministry.
Litaw na litaw sa bawat kabanata
ang sentralidad ng Ebanghelyo. Bawat doktrina ay ipinaliliwanag ng mga
may-akda, batay sa kaugnayan nito sa Ebanghelyo. Nariyan ang pagpapaliwanag ni
Mike Bullmore sa sanhi-bungang ugnayan ng Ebanghelyo at Biblia (ang Biblia ay
nabuo bunga ng layunin ng Diyos na maisakatuparan ang Ebanghelyo, at ang
Ebanghelyo naman ay ipinapahayag sa pamamagitan ng Biblia). Nariyan ang
pagtalakay ni Sam Storms sa eskatolohiya, kung saan ang Ebanghelyo ay ang
batayan ng eskatolohikal na pag-asa ng mga Kristiyano (ang pag-asa ng mga
Kristiyano sa pagdating ng bagong langit at bagong lupa sa hinaharap ay
nakasandig sa buhay, kamatayan at muling pagkabuhay ni Hesus sa nakaraan).
Nariyan ang paggigiit ni Andrew Davis sa kanyang kabanata ukol sa sangnilikha
na ang Ebanghelyo ang siyang magbibigay-daan sa paglikha ng bagong sangnilikha,
kung saan ipanunumbalik ang orihinal na nilikha ng Diyos sa Genesis.
Kapansin-pansin din sa mga kabanata
ng aklat ang labis na pagpapahalaga ng TGC sa biblikal na teolohiya. Malinaw
itong sumasalamin sa teolohikal na paninindigan ng unang pangulo ng TGC na si
Carson. Sa maraming mga akda ni Carson, madalas niyang igiit na dapat na maging
malinaw ang pagkakasandig ng sistematikong teolohiya sa biblikal na teolohiya. Tumutukoy
ang sistematikong teolohiya sa sistematikong pagbuo ng mga kategoryang
doktrinal (tulad ng doktrina ng Diyos, kasalanan, Kristolohiya, soteriolohiya,
atbp.) gamit ang mga materyal na nagmula sa iba’t ibang bahagi ng Biblia.
Taliwas dito, ang biblikal na teolohiya ay pagbaybay sa mga pangunahing temang
biblikal (tulad ng kaharian, templo, tipan, pagkapari, atbp.) sa agos mismo ng
kasaysayan ng kaligtasan (salvation
history) ng Biblia. Taliwas sa sistematikong teolohiya na minsan ay
gumagamit ng mga kategoryang panlabas, ang mga kategoryang ginagamit sa
biblikal na teolohiya ay mga temang matatagpuan mismo sa loob ng Biblia.
Pinahahalagahan ng TGC ang pagtalakay sa mga doktrina sa konteksto ng biblikal
na teolohiya, dahil dito maisasagawa ang mas tapat na pagbasa sa Biblia at mas
maingat na pag-unawa sa Ebanghelyo.
Makikita ito sa maraming kabanata
ng aklat. Halimbawa, sa ikalawang kabanata na isinulat ni Richard Phillips,
ipinaliwanag niya ang Kristiyanong epistemolohiya alinsunod sa daloy ng kwento
ng Biblia. Sa isang banda, umaayon ang TGC sa modernismo na tunay na umiiral
ang katotohanan at may kakayahan ang isip ng taong maunawaan ang katotohanang
ito, yamang ang Diyos ang pinagmulan ng kapahayagan ng katotohanan at nilikha
ang tao sa imahe ng Diyos (kabilang sa imaheng ito ang rasyunalidad ng tao).
Ngunit sa kabilang banda ay umaayon din naman ang TGC sa postmodernismo na
lahat ng persepsyon ng tao sa katotohanan ay subhektibo o kontekstuwal, yamang
ang pagkakasala nating mga tao ay nagdulot ng paglabo ng ating rasyunalidad.
Ang solusyon sa suliraning ito ay nagmula sa pagtubos ni Kristo sa tao, na
nagdulot ng paglilinis sa kabuuan ng tao kabilang na ang kanyang rasyunalidad.
Nakapaloob din dito ang pagpapaliwanag ng Banal na Espiritu sa ating mga isip
upang maunawaan natin ang kapahayagan ng Diyos sa Biblia. Mapapansin dito na
tinalakay ni Phillips ang epistemolohiya sa agos ng mga pangunahing yugto ng
kasaysayan ng kaligtasan sa Biblia tulad ng paglikha, pagkakasala, at pagtubos.
Sa kabanta ukol sa Banal na
Espiritu, sinimulan ni Kevin DeYoung ang talakayan sa papel na ginampanan ng
Banal na Espiritu sa paglikha na nasa Genesis. Ipinagpatuloy niya ito sa mga
pagbanggit sa Espiritu sa Lumang Tipan, tulad ng pagbaba ng Espiritu sa ilang
piling tao sa Israel. Pagkatapos ay inilarawan niya ang ginampanan ng Banal na
Espiritu sa buhay at ministeryo ni Hesus. Sumunod dito ang pangako ni Hesus na
pagdating ng Banal na Espiritu, at ang tuluyang pagmiministeryo ng Banal na
Espiritu sa simbahan. Sa ganitong konteksto rin ng pagbaybay sa biblikal na
teolohiya isinulat ni Stephen Um ang paksa ukol sa kaharian ng Diyos.
Sinubaybayan niya ang tema ng kaharian at bayan ng Diyos sa Biblia, mula sa
paghahari ng Diyos sa buong sanlibutan bilang manlilikha, at paghahari ng Diyos
sa mundo sa pamamagitan ng Israel, hanggang sa pagkatawan ng simbahan sa
paghahari ng Diyos, at tuluyang pananaig ng paghahari ng Diyos sa pagdating ng
bagong langit at bagong lupa. Katulad din nito ang isinagawa ni Tim Savage sa
kabanata ukol sa simbahan. Binaybay niya ang temang “bayan ng Diyos” sa agos ng
kasaysayan ng Biblia – pamilya ni Adan, Noe, at Abraham; bayan ng Israel;
propesiya ng mga propeta ukol sa pagdating ng bagong bayan ng Diyos sa
hinaharap; at ang simbahan bilang katuparan ng pangako ng Diyos ukol sa pagbuo
ng kanyang bagong bayan.
Tulad ng nabanggit na, ang
pagpapahalaga sa biblikal na teolohiya ay isang daan din upang mas masigurado
ang maingat na pag-unawa sa Ebanghelyo. Samakatuwid, ang kabuuan ng aklat ay
tunay na nakasentro sa Ebanghelyo, yamang lahat ng mga doktrinang tinalakay ay
sanhi, nakapaloob, at bunga ng Ebanghelyo. Nararapat lamang ito ayon kina
Carson at Keller yamang pananagutan natin na “makes central what Jesus himself
establishes as central” (p.21).
No comments:
Post a Comment