Wednesday, June 23, 2021

Rebyu #44 - Deparesidos ni Lualhati Bautista

Bautista, Lualhati. Desaparesidos. Mandaluyong City: Anvil Publishing, Inc., 2018.


desaparesidos (pangngalan) – katawagan sa mga taong nawawala, lalo na noong panahon ng Batas Militar.


“Maganda ang pamumuhay noong panahon ng Batas Militar, payapa ang lipunan dahil disiplinado ang mga tao.” Ito ang mga katagang tipikal na maririnig sa mga taong bilib sa uri ng pamamahala ni Ferdinand Marcos, uri ng pamamahala na patuloy din nilang hinahangaan sa kasalukuyang pangulong Rodrigo Duterte. Ngunit hindi lingid sa kaalaman ng marami, na kung kakaunti man ang opisyal na tala ng mga krimen na ginawa ng mga mamamayan noong panahon ng Batas Militar, ito ay dahil sinolo ng pamahalaan ang kapangyarihan na gumawa ng krimen (huwag nang banggitin pa ang pagmonopolyo nito sa mga pahayagan na instrumento sana sa pagpapakalat ng balita ukol sa mga krimen ng pamahalaan). Sa likod ng mga dambuhalang gusali, kalsada at iba pang imprastraktura – na ipinagmamalaki ng mga loyalista ni Marcos – ay ang testimonya ng libo-libong biktima ng paglabag sa karapatang pantao. Mga taong hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin nakakamit ang katarungan, habang ang pamilya at mga dating kasabwat ng diktador ay patuloy na nakaluklok sa kapangyarihan.

 

Ang Desaparesidos ni Lualhati Bautista ay isang matayog na monumento na pinipilit tayong huwag makalimot sa mga karahasan ng Batas Militar. Sa partikular, isa itong panandang bato sa mapangwasak na bisa ng diktadurang Marcos sa pamilyang Pilipino. Isa sa pinakamakabagbag damdamin sa mga katha ni Bautista, ang nobela ay madilim na paglalarawan sa malalim na sugat na iniwan ng Batas Militar sa pamilya ng mga biktima nito, na iniinda pa rin ng mga ito ilang dekada matapos mapabagsak ang diktadura.

 

Tulad ng Dekada ’70 at Bata, Bata…Pano Ka Ginawa? isa ring matapang na ina ang protagonista ng Desaparesidos, sa katauhan ni Anna. Ngunit lagpas ang pakikibaka ni Anna kapwa sa antas ng pakikisangkot nina Amanda (na nasa proseso ng pagkamulat) at Lea (na isang manggagawang panlipunan). Tulad ng ibang mga kabataan noong panahon ng Batas Militar na naniniwala sa radikal na metodo sa pagbabagong panlipunan, umanib si Anna sa armadong kilusan laban sa diktador. Yamang walang sinuman sa kilusan ang gumagamit ng kanilang tunay na pangalan, kilala siya ng mga kasama sa pangalang Ka Lei. Habang nasa kilusan ay napaibig siya kay Nonong, at nagbunga ang kanilang pagmamahalan ng isang sanggol na pinangalanan nilang Malaya. Ngunit hindi pa nagtatagal mula nang ipanganak niya si Malaya ay nahuli si Nonong ng mga militar, pinahirapan, at nang hindi mapilit na magturo ay pinatay. Tulad ng nakasanayan ng mga militar, itinanghal nila sa publiko ang bangkay nito upang hindi tularan ng mga tao, at pinalabas na napatay nila sa isang engkwentro.

 

Yamang lubhang mapanganib ang kanyang gampanin sa kilusan, naisip ni Anna na kailangan niya munang iwan si Malaya sa isang mas ligtas na lugar. Nagmagandang-loob ang isa nilang kasama na si Jinky, na ipaalaga si Malaya sa asawa nito na si Karla. Nagdadalang-tao noon si Karla, at nagkataong Malaya rin ang balak ipangalan sa magiging anak nito. Nakapisan noon si Karla sa mga magulang ni Roy, na isa ring kasama. Nakikiisa ang mga magulang ni Roy sa ipinaglalaban ng anak, at bukas ito sa mga kasamahan ni Roy na dinadala niya rito. Kaya naman, naging mainit din ang pagtanggap nila sa sanggol na si Malaya.

 

Ngunit ang lugar na iniisip nilang malayo sa panganib ay hindi rin pala ligtas. Isang araw ay napadpad ang mga sundalo sa baryo na kinalalagyan nina Karla, dahil mayroong nakapagturo na sa lugar na ito nakatira si Roy. Bago pa man makarating ang mga sundalo sa kanilang baryo, natunugan na ng ama ni Roy na si Mang Manuel ang napipintong pagpunta ng mga ito. Kaya naman agad niyang inilikas si Karla at Malaya sa ibang baryo, sa pangangalaga ng isang kaibigan na nagngangalang Mang Kardo. Bukod sa kaligtasan nina Karla, para rin ito sa seguridad ng pamilya ni Roy, dahil kapag nalaman ng militar na mayroon silang kinukupkop na dayo sa baryo ay tiyak na pare-pareho silang mapapahamak. Subalit sa kabila nito ay hindi pa rin sila nakaligtas mula sa kabuktutan ng mga sundalo. Noong malaman ng mga ito na si Mang Manuel ang ama ni Roy, pinilit nila itong magsalita ukol sa kinaroroonan ng anak. Nang hindi magsalita si Mang Manuel, pinatay nila ito at pinagbabaril ang buong pamilya ni Roy, ang kanyang nanay at lahat ng kanyang mga kapatid, pati ang bunso nilang si Nene na anim na taon pa lamang.

 

Labis ang pagkagimbal at poot ni Roy nang mabalitaan ang nangyari sa kanyang pamilya. Subalit sa gitna ng pagdadalamhati ay alam niyang kailangang magpatuloy sa pakikibaka, lalo na dahil ito lamang ang paraan upang maipaghiganti ang kanyang pamilya. Tulad ng pakikidalamhati ni Roy kay Anna noong mamatay si Nonong, sa pagkakataong ito ay si Anna naman ang nakikihati sa pighati ni Roy. Ngunit liban sa pakikidalamhati kay Roy, labis na nababalisa si Anna sa kaligtasan ng kanyang anak. Hindi nila alam kung kasama bang pinatay ng mga sundalo si Karla at Malaya sa tahanan ni Mang Manuel, o kung nailikas sila bago maganap ang pagpatay.

 

Sa kagustuhang mahanap ang kanyang anak, nagpaalam si Anna sa mga kasama na pansamantala niya munang iiwan ang kilusan. Ganito rin ang pagpapaalam na ginawa ni Jinky, na sumama kay Anna upang hanapin ang kanyang asawang si Karla. Ngunit wala silang kamalay-malay na ang kanila palang napagplanuhang destinasyon – tahanan ng isa ring kasama na titirhan sana nila habang isinasagawa ang paghahanap – ay nakubkob na ng militar. Pinahirapan ng mga sundalo ang kasamahang ito, at dahil sa labis na sakit ay inamin nito na may dalawa siyang kasamahan na napipintong dumating. Inabangan sila ng mga sundalo, at nang madatnan ni Anna at Jinky ang tahanang ito ay agad silang dinakip. Ginamitan nila ng samu’t saring tortyur si Anna at ipinagahasa sa iba’t ibang sundalo. Gayunpaman, sa gitna ng mga pananakit at pambubusabos ng militar ay hindi nagbigay ng anumang impormasyon si Anna ukol sa kilusan. Matapos mapagtanto na hindi talaga magsasalita si Anna kahit ano ang kanilang gawin, inihagis na nila ito sa kulungan. 

 

Sa kabilang banda, sa gitna ng pangtotortyur kay Jinky ay napilitan itong magsalita. Itinuro nito ang pinagtataguan ng kanilang mga kasamahan. Nagdulot ito sa pagkahuli ng maraming kasama sa kilusan, tulad ni Roy. Nakita pa nilang kasama si Roy ng mga sundalo nang kubkubin ng mga ito ang kanilang pinagtataguan. Humihingi ito ng tawad sa kanila at sinabing hindi na niya kinaya ang pahirap ng mga sundalo. Galit na galit si Roy at nagawa niyang duraan si Jinky sa mukha bago siya tuluyang binitbit ng mga sundalo. Labis ang pahirap na dinanas ni Roy sa kamay ng mga militar. Pinaghahampas siya ng kadena, pinagsusuntok, at kinuryente ang kanyang ari. Ngunit mas malala ang kanyang nararamdaman kapag naaalala niya ang utos sa kanya na bugbugin ang kanyang kasama at matalik na kaibigang si Lito. Tinutukan ng baril si Lito, at sinabi kay Roy na kapag hindi niya ito ginulpi ay papatayin nila ito, kaya napilitan siyang bugbugin si Lito hanggang sa maging duguan na ito. Tulad ni Anna, hindi rin nagsalita si Roy sa kabila ng mga pasakit na ito. Nang matapos na siyang pahirapan, ipiniit na rin nila si Roy, at sa kulungan ay nakasama niya si Anna.

 

Hindi nagtagal si Roy sa piitan, dahil nagawa niyang makatakas sa pamamagitan ng pakikipagkaibigan niya sa isang sarhentong nagbabantay sa kanila. Agad na bumalik si Roy sa kilusan matapos ng pagtakas niyang ito. Ang pinakaunang tungkuling ibinigay kay Roy matapos ang kanyang pagbabalik ay ang pagkitil sa buhay ni Jinky, bilang kabayaran sa pagtataksil nito sa kilusan. Pagkatapos ng ginawang pagtuturo noon ni Jinky sa kanyang mga kasamahan, pinalaya agad siya ng militar. Minabuti nitong bumalik sa kanyang probinsya at tumira sa tahanan ng kanyang mga magulang. Nalaman ng kilusan ang kinalalagyan ni Jinky, at matapos nila itong manmanan at makabisado ang kanyang mga ruta, ipinag-utos kina Roy na isagawa na ang pagpatay. Si Roy mismo ang kumalabit ng gatilyo na nagpabulagta kay Jinky sa gitna ng isang mataong palengke ng bayan nito. 

 

Samantala, inabot ng matagal ang pagkakalaya ni Anna. Isa si Anna sa napiling palayain noong matuwa ang judge advocate general sa kanyang nakamit na promosyon at nagpasyang magpalaya ng tatlong bilanggo. Tulad ni Roy, agad ding bumalik sa kilusan si Anna. Kasabay din nito ang pagpapasya niyang ipagpatuloy ang paghanap sa nawawalang anak. Nagmagandang-loob si Roy na samahan si Anna sa kanyang paghahanap. Sa katagalan ng kanilang pagiging magkasama sa pagtungo sa iba’t ibang lugar upang mahanap si Malaya, lalo pang nagkalapit ang kanilang loob hanggang sa nagpasya silang magpakasal. Nagbunga ng isang sanggol ang kanilang pagmamahalan, na pinangalanan nilang Lorena. 

 

Simula nilang napagtanto ang kalaliman ng sugat na iniwan sa kanila ng Batas Militar noong unang gabi ng kanilang pagniniig. Sa gitna ng kanilang pagtatalik ay napahinto sila dahil habang ginagawa nila ito ay bumabalik sa alaala nila ang mga pahirap na dinanas nila sa kamay ng mga sundalo – ang panggagahasa kay Anna at pagkuryente sa ari ni Roy. Napahinto sila sa pagniniig at humingi ng tawad sa isa’t isa.

 

Lumipas ang dalawampung taon matapos ang pagkawala ni Malaya ay hindi pa rin nila ito natatagpuan. Dalawampung taong paghahanap, ngunit walang anumang bakas ni Malaya at Karla ang kanilang natagpuan. Dalawampung taon na ang lumipas ngunit madalas pa rin na sa kalagitnaan ng gabi ay bigla na lamang babangungutin si Anna o si Roy ukol sa mga ginawa sa kanila ng militar, magsisisigaw, at gigisingin ng asawa. Mga gabing bigla na lamang iiyak si Anna kay Roy, dahil maaalala ang nawawalang anak, o ang panggagahasa sa kanya ng mga sundalo. Mga gabing bigla na lamang iiyak si Roy kay Anna, dahil maaalala niya ang utos sa kanya na bugbugin si Lito, o ang pagmasaker sa buong pamilya niya. Gabi-gabi bago matulog ay paulit-ulit nilang tinitingnan kung maayos ba ang pagkakasusi ng kanilang pinto, kung matibay ba ang rehas ng kanilang mga bintana, papasok sa kwarto ni Lorena upang masigurado na naroon pa ang kanilang anak at walang sinumang kumuha rito.

 

Lalo pang naging madalas ang mga bangungot nila, ang pagbalik ng mapapait na alaala dahil sa trabahong pinasok nila. Pagkalipas ang dalawampung taon matapos ang mga mapapait nilang karanasan, nagpasya ang mga biktima ng Batas Militar na magsampa ng kaso sa pamilyang Marcos sa mga paglabag nito sa karapatang pantao. Sumali si Anna at Roy sa organisasyong mangunguna sa pagsasagawa nito. Kasama sa proseso ng paghahanda sa kasuhang ito ang paglikom ng sampung libong testimonya mula sa mga biktima ng Batas Militar. Higit sa bayad-pinsala na maaari nilang matanggap kung sakaling manalo sila sa kasuhan, mas hinahangad ng mga biktimang nagbigay ng testimonya na makatanggap sila ng katarungan. Liban sa paglikom ng mga testimonya, nagdaraos ang organisasyon ng mga kumperensya at naglalathala ng mga aklat na may kinalaman sa mga pang-aabuso ng diktadurang Marcos. Nagpapasinaya rin sila ng mga pagtitipon na ang layunin ay alalahanin ang mga pinatay noong Batas Militar. Sa isang kumperensyang ginanap, ilan sina Anna at Roy sa naatasang isalaysay ang kanilang karanasan. Naging mahirap para sa kanila na gawin ito, lalo na dahil pinasariwa na naman nito ang mga lumang sugat na hanggang sa panahong iyon ay hindi pa rin magaling.

 

Maging sa kanilang anak na si Lorena ay naipamana nila ang sugat na iniwan sa kanila ng Batas Militar. Tulad ng maraming mga bata na ang mga magulang ay kasapi sa kilusan, lumaki si Lorena na palipat-lipat ng tahanan. Iniiwan siya kung saan-saan ng kanyang mga magulang para sa kanyang kaligtasan, habang ginagampanan nila ang mga tungkulin sa kilusan. Nasanay siya na paminsan-minsan lamang siya dadalawin ng kanyang magulang, at mawawala na naman nang matagal ang mga ito. Iba’t ibang mga bata ang nakakasama niya sa tahanan ng iba’t ibang kasama sa kilusan ng kanyang mga magulang, mga batang anak din ng mga rebolusyonaryo. Isa sa mga batang ito si Eman, na kalaunan ay naging kasintahan niya.

 

Kalaunan, sinabi ng mga magulang ni Lorena na sama-sama na silang titira sa iisang bahay, dahil may pormal nang hanapbuhay ang dalawa bilang mga opisyal sa organisasyong maghahanda ng kaso laban sa pamilyang Marcos. Ngunit kahit sa mga panahong magkakasama na sila sa iisang bubong at namumuhay tulad ng isang pangkaraniwang pamilya, nakararamdam pa rin si Lorena ng pangungulila, ng pagkawala. Naiinis siya sa paulit-ulit na pagsigurado ng kanyang mga magulang kung matibay ba ang pagkakasusi ng pinto at ang mga rehas ng bintana, at kung naroon ba siya sa kanyang silid. May mga pagkakataon na kapag naririnig niyang may umiiyak sa kwarto ng kanyang mga magulang ay palihim siyang sisilip dito. Makikita niyang niyayakap at pinatatahan ng kanyang tatay ang kanyang nanay, o ng kanyang nanay ang kanyang tatay. Nais niyang pumasok at makiyakap din, pero mayroon siyang pakiramdam na hindi siya kabilang natutunghayan niyang pagmamahalan. Labis din ang pagseselos niya kay Malaya, sa nakikita niyang sobrang pagsisikap ng kanyang ina upang hanapin ito. Si Malaya ang nawawala, at siya ang narito, ngunit pakiramdam niya ay siya ang nawawala sa pamilyang ito, na siya ang desaparesido.

 

Sa patuloy nilang paghanap ng bakas na maaaring makatulong sa kanila upang matagpuan si Malaya, nalaman ni Anna ang tahanan ng mga magulang ni Jinky. Noon ay alam na ni Anna na ang kilusan ang nagpapatay kay Jinky. Nabalitaan niya na ito mula pa man noong siya’y nakakulong. Ngunit inilihim sa kanya ni Roy na siya mismo ang pumatay kay Jinky. Pagdating nila sa bahay ng mga magulang nito, ipinakita sa kanila ng nanay ni Jinky ang mga lumang larawan nito, upang masigurado kung ang Jinky ba na kanilang kilala ay ang anak talaga nito, na ang tunay na pangalan ay Fernando Magdangal. Matapos makita ang mga larawan ni Fernando Magdangal ay sinigurado nina Anna na ito talaga ang kanilang tinutukoy na Jinky. Isinalaysay sa kanila ng nanay ni Jinky kung paano ito namatay. Nang magtanong si Anna kung may balita ba ito ukol sa asawa ni Jinky na si Karla, tumugon ang matanda na isang beses lamang itong dumalaw sa kanilang tahanan, noong matapos mamatay si Jinky. Nabuhayan ng loob si Anna, dahil isa itong patunay na hindi kasamang namatay si Karla at ang kanyang anak sa tahanan ng pamilya ni Roy. Idinagdag pa ng nanay ni Jinky na noong tumungo si Karla sa kanila ay may kalong-kalong itong batang babae na ang pakilala niya ay anak nila ni Jinky. Sinabi raw sa kanya ni Karla na tutungo na silang magnanay sa Canada, dahil pinepetisyon siya ng kanyang magulang doon. Nagtatalong saya, pagkalito at galit ang nararamdaman ni Anna. Saya dahil tumaas ang pag-asa niyang buhay ang kanyang anak. Pagkalito dahil hindi siya sigurado kung ang bata bang sinama ni Karla sa nanay ni Jinky at dinala nito sa Canada ay ang anak ba niya o anak ni Karla (na parehong Malaya ang pangalan). Galit dahil kung talagang anak niya ang sinama ni Karla sa Canada, bakit niya ito sinama, bakit hindi man lang niya tinangkang hanapin si Anna upang ibalik ang anak nito, o magpadala man lang ng liham sa kahit na sinong kasama sa kilusan upang sabihin na buhay pa ang kanyang anak.

 

Habang pabalik na sila sa Kamaynilaan ay nakaramdam ng pagdududa si Anna kay Roy. Bakit parang kabisado nito ang mga pasikot-sikot sa lugar ng probinsya ni Jinky gayong wala siyang maalalang nabigyan na ito ng kilusan ng tungkulin dito? Matapos ang makailang ulit na pagtatanong ni Anna ay napilitan nang magtapat ng katotohanan si Roy, na siya ang naatasang pumatay kay Jinky. Sinabi niyang kolektibong desisyon ito, at nanggaling ang utos sa itaas. Labis na nagalit si Anna na ilang taong itinago ni Roy ang katotohanan, gayong si Jinky lang ang tanging bakas na magagamit nila upang matagpuan nila si Karla at si Malaya. Ngunit nagawa rin niyang huminahon kalaunan at patawarin ang kanyang asawa.

 

Sa isang di-inaasahang pagkakataon, habang abala si Anna sa pag-aasikaso ng mga papeles na naglalaman ng testimonya ng mga biktima ng Batas Militar, may isang dalagang tumungo sa kanilang opisina. Sinabi nito na nais niyang magbigay ng testimonya ukol sa kanyang tatay na sinasabing pinatay ng mga kasamahan nito sa kilusan dahil sa pagtataksil. Nais niyang paimbestigahan ito dahil gusto niyang linisin ang pangalan ng kanyang tatay, na patunayang ang mga sundalo ang talagang pumatay dito. Dagdag pa niya, galing silang magnanay sa Canada, at siya ang magbibigay ng testimonya dahil ayaw nang ungkatin pa ng kanyang ina ang mga nangyari. Gusto na raw umano nitong maging payapa ang kanilang buhay at kalimutan na ang nakaraan. Labis ang panlalamig na naramdaman ni Anna nang marinig niya ang mga paliwanag na ito ng dalaga. Tuluyan na siyang nahimatay noong sabihin ng dalaga na ang pangalan niya’y Malaya Magdangal.

 

Hindi agad sinabi ni Anna ang dahilan kay Malaya ng kanyang pagkahimatay. Ang binanggit lang niya kay Malaya ay kasama niya dati sa kilusan si Jinky at Karla. Tinanong ni Anna kung saan sila nakatira, ngunit hindi nito sinabi na ang dahilan ay nais niyang itanong kay Karla kung si Malaya Magdangal ba ay anak niya o anak ni Karla. Nang dalawin na ni Anna at Roy si Karla, nagsinungaling ito. Sinabi nitong si Malaya Magdangal ay kanyang anak, at ang anak ni Anna ay namatay.

 

Isinalaysay niya kung paanong itinakas siya ni Mang Manuel mula sa tahanan nito bago dumating ang mga sundalo, patungo sa tahanan ng kaibigan nitong si Mang Kardo. Sabi niya, isang gabi ay nag-alala si Aling Julia dahil sobrang natagalan sa pag-uwi si Mang Kardo. Nagtataka sila dahil nagkakagulo ang mga tao. Naisip nilang paparating na ang mga sundalo sa kanilang baryo. Lumabas si Aling Julia upang hanapin si Mang Kardo ngunit nagkasalisi sila. Pagdating ni Mang Kardo, sinabi nito kay Karla na kailangan na nilang makalayo ni Malaya dahil tama nga ang hinala nila na sila naman ang sunod na pupuntahan ng mga sundalo. Agad na lumabas si Mang Kardo upang hanapin ang asawa nito kaya naman naiwan sina Karla. Kahit na hirap dahil sa kanyang pagdadalang-ta0, tumakbo si Karla bitbit si Malaya upang makaligtas sila. Nang hindi na niya makaya ang pagtakbo, tumungo siya sa isang puno upang hindi siya maipit ng mga tao. At doon ay unti-unti nang humihilab ang kanyang tiyan tanda na manganganak na siya. Sinabi niya kina Anna na habang nasa ganito siyang kalagayan ay nabitawan niya si Malaya, gumapang ito palayo sa kanya at aksidente itong natapakan ng mga taong nagtatakbuhan, na siyang kinamatay nito.

 

Pagkatapos ay nadatnan umano siya ng mga militar. Ngunit sa halip na pahirapan siya ay sinagip pa ng mga ito ang buhay nilang mag ina at dinala sila sa ospital. Aniya, nakakaramdam siya hanggang sa pagkakataong iyon ng kabalintunaan, kung bakit ang mga sarili niya pang kasamahan ang pumatay sa kanyang asawa, samantalang ang mga kalaban nilang militar ang nagligtas sa kanyang buhay. Matapos isalaysay ni Karla ang lahat ng ito, nagdadalamhating umalis sina Anna at umuwi sa kanilang tahanan.

 

Samantala, tuloy-tuloy pa rin si Lorena sa pagdaramdam at pagpapakita ng magaspang na ugali sa harap ng kanyang mga magulang. Ang pagkalumbay ni Lorena ay nadagdagan pa ng pag-aalala dahil sa nasasaksihan niyang paglalim ng ideyalismo ni Eman ukol sa pagbabagong panlipunan. Habang tumatagal, ang mga sinasabi nito ay nagiging katulad na ng mga sinasabi ng kanyang mga magulang ukol sa pang-aapi at pangangailangan na lumaban para sa bayan. Lumalahok ito sa mga kilos-protesta at iba pang aktibidad na may kinalaman sa pagsusulong ng katarungan. Nang isang beses ay magsabi si Eman na isang linggo siyang mawawala para sa isang seminar, kung saan lulubog sila at makikipamuhay sa mga magsasaka, nagbulalas na si Lorena ng kanyang galit. Sinabi niya na hindi natuto si Eman mula sa karanasan ng magulang nito, na wala namang napala sa ipinaglalaban nila. Lumang tugtugin na umano ang rebolusyon, dahil matagal nang lumalaban ang kanilang mga magulang ngunit nananatili pa rin namang naghihirap ang mga Pilipino. Mahal pa rin ang galunggong at wala pa ring makain ang mga nagtatanim ng bigas. Idinagdag pa niya na sa halip na makabuti ay lalo pang nagdudulot ng mga negatibong epekto ang paglaban, tulad na lang ng pagpapabaya nila sa kanilang pamilya. Aniya, “Walang nagbago Eman; naulila lang tayo . . . Walang nalikha ang mga magulang natin… kundi isang lipunan ng mga desaparesido!” (p.172).

 

Dahil sa eksenang ito, bago umalis si Eman tungo sa lugar na paggaganapan ng seminar ay isinalaysay niya kay Roy ang mga sinabi ni Lorena, at binilinan itong alalayan ang anak. Habang nakatambay mag-isa si Lorena sa kainang laging pinagdadalhan sa kanya ni Eman, nagulat siya na ang lalakeng biglang umupo sa kanyang tabi ay ang kanyang ama. Unang beses silang nagkaroon ng marubdob na pag-uusap. Inilabas niya ang kanyang mga hinanakit sa kanyang ama. Ito rin ang unang pagkakataon na umiyak sa harap niya ang kanyang ama, kitang kita niya ang pagdurusang pinagdaanan at patuloy na pinagdaraanan nito. Nang kutyain ni Lorena ang rebolusyon, nagpaliwanag ang kanyang ama na “Totoong magal pa rin ang galunggong at wala pa ring makain ang nagtatanim ng bigas… At iyon mismo ang dahilan kaya patuloy ang pagtatanim ng mga pangarap… patuloy ang pagsusulong ng mga adhikain” (p.178). Humingi rin ng tawad si Roy sa mga pagkukulang nila kay Lorena, dahil aniya, hindi pa rin sila ganap na makabalik, kahit na sa kanilang mga sarili. Pagkalipas ng ilang araw, sinundan naman ito ng pagkausap sa kanya ng kanyang ina. Humingi rin ito ng tawad sa kanya, at ipinaunawa na mahal siya nito. Kahit pa nakikita niyang todo ang paghahanap ng kanyang ina kay Malaya, hindi ibig sabihin nito ay mas mahal niya iyon kaysa sa kanya. Pantay umano ang kanyang pagmamahal sa kanilang magkapatid dahil sa payak na katotohanang pareho niya silang mga anak. Simula nito ay unti-unti nang bumukas ang loob ni Lorena sa kanyang mga magulang. Nang makabalik si Eman at pinuntahan siya nito, agad niya itong niyakap, at sa pagkakataong ito ay mas nauunawaan na niya si Eman, tulad ng pagkaunawa na niya sa kanyang mga magulang.

 

Nagpasya si Roy na tumungo kay Karla upang ipagtapat dito ang buong katotohanan ukol sa pagpatay niya kay Jinky. Ikinumpisal niya kay Karla, na kay Jinky niya isinisi ang lahat, pati ang kanyang kahinaan, ang kanyang kaduwagan noong bugbugin niya si Lito (sapagkat sa likod ng isip niya ay sumasagi ang kaisipan na baka kaya niya binubog si Lito ay hindi dahil natatakot siyang patayin ito ng mga sundalo kundi dahil natatakot siya para sa sarili niyang buhay). Sa gitna ng pagtangis ni Roy sa kanyang harapan ay nagawa niya ihilig sa kanyang dibdib, ang lalakeng pumatay sa kanyang asawa.

 

Dahil sa pagtatapat sa kanya ni Roy, naramdaman ni Karla na ang pinakamainam gawin ay ipagtapat ang totoo kay Malaya. Isinalaysay nito ang tunay na naganap, kung paanong noong humilab ang kanyang tiyan sa tabi ng puno ay ipinanganak niya na kulang sa buwan ang sanggol na agad ding namatay; na sa gitna ng panganganak na ito ay hindi niya binitawan si Malaya; kung paanong dinala siya sa ospital at sinalinan ng dugo ng isang sundalo, habang nasa kanyang tabi si Malaya. Agad na pinuntahan ni Malaya si Anna sa opisina noong nag-aasikaso ito ng mga dokumento. Kamuntikan na namang mahimatay si Anna nang sabihin sa kanya ni Malaya na ayon kay Karla, siya nga ang tunay na anak nito. Pinakiusapan niya si Malaya na patawarin si Karla, dahil naging mabuti naman ito umanong nanay sa kanya. Habang nasa estado ng pagkagulat si Anna kung totoo ba talaga ang nangyayari sa harap niya ngayon, niyakap siya ng mahigpit ni Malaya. At sa wakas ay ipinakilala na si Lorena at Malaya sa isa’t isa, na nagdulot sa kanila ng pagkakumpleto; dalawang magkapatid na pinaghiwalay ng mga pagkakataon, ngunit magkasukob sa iisang karanasan ng pagkawala at muling pagbabalik.

 

Ang makirot na kwento ng nobelang ito ni Lualhati Bautista ay monumento ng malalim na sugat na inilatay ng diktadura sa lipunang Pilipino, na tagos hanggang sa kasuluksulukan ng buhay-pamilya ng mga biktima. Ngunit ito ay monumento rin ng patuloy na pagpapakatatag at pakikibaka para sa pagkamit ng katarungan. Marami ang nagsasabi na mag-move on na tayo bilang isang bayan sa mga sakit na dinulot ng Batas Militar. Kalimutan na raw natin ito upang mas mapagtuunan ng pansin ang kasalukuyan. Ngunit hindi nila nauunawaan, na tulad ng aral na iniiwan sa atin ng nobelang Desaparesidos, ang pakikibaka tungo sa katarungan ay siya ring daan tungo sa paggaling, dahil isa sa mga sangkap na kinakailangan sa paghilom ng sugat ay ang pagkamit ng katotohanan at katarungan.

No comments:

Post a Comment

Rebyu #112 - Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing ni Ricky Lee

Lee, Ricky. Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing. Loyola Heights, Quezon City: Philippine Writers Studio ...