Jose, F. Sionil. Gagamba. Ermita Manila: Solidaridad Publishing House, 1991.
Kung maaari nating tawaging “nobelista-historyador” (sa maluwag na sentido ng “historyador”) ang mga manunulat ng mga pangkasaysayang nobela, malamang na si F. Sionil Jose ay maihahanay bilang isa sa pinakamahusay sa kanila. Nakilala ng maraming mambabasa si Sionil bilang isang manunulat na may kakayahang ilantad nang walang anumang pasubali ang istrukturang pangkapangyarihan ng lipunang Pilipino, sa bawat yugto ng kasaysayan nito. Nariyan ang kanyang bantog na 5-tomong Rosales Saga, na naglalarawan sa nakahihindik na karumihan ng pulitikang Pilipino, mula sa karahasan ng mga kolonyalistang Espanyol noong ikalabingsiyam na dantaon hanggang sa paghahari ng mga oligarkong Pilipino noong panahon ng Batas Militar. Ukol man sa Digmaang Pilipino-Amerikano (Poon), rebelyong Huk noong 1950s (My Brother, My Executioner), o paglitaw ng mga kilos-protesta ng mga kabataan laban kay Marcos noong 1980s (Mass), nagkakaisa ang kanyang mga nobela sa depiksyon sa pang-aapi ng mga makapangyarihan (banyagang mananakop man o mga Pilipinong elit), at sa patuloy na pakikibaka ng masang Pilipino upang makamit ang katarungan.
Ang kambal na temang ito ng
pang-aapi at pakikibaka ay nagpatuloy sa mga sosyo-pulitikal na nobelang
naisulat ni Sionil matapos ang Rosales
Saga. Isa sa mga ito ang nobelang Gagamba
na kanyang nailimbag noong 1991. Sa nobelang ito ay inilalarawan ni Sionil
ang lipunang Pilipino ilang taon matapos ang Batas Militar. Bagaman nasa ilalim
na ng bagong pamahalaan, malinaw ang dayagnosis ni Sionil sa kalagayan ng bansa
– wala pa ring pundamental na pagbabago sa istrukturang pangkapangyarihan ng
Pilipinas. Mabilis na nakabalik sa kapangyarihan ang mga oligarkong kasabwat ni
Marcos, nakikihamok pa rin ang mga komunista dahil sa kawalan ng tunay na
repormang agraryo, kinakasangkapan pa rin ng mga makapangyarihan ang mga
gitnang uring intelektuwal, malubha pa rin ang busabos na kalagayan ng
mahihirap, kailangan pa ring magbenta ng sariling katawan ang mga babae upang
masuportahan ang sarili at pamilya, at maiksi pa rin ang memoryang
pangkasaysayan ng mga Pilipino.
Binigyang-buhay ni Sionil ang lahat
ng ito sa pamamagitan ng samu’t saring kwentong napaloob sa Gagamba. Halaw ang pamagat sa tauhan ng
nobela na si Tranquilino Penoy, na may alyas na “Gagamba” dahil sa kanyang pisikal
na anyo – isang pilay na may maiiksing paa, mahahabang kamay, malaki’t kalbong
ulo, at nakaumbok na malalaking mata. Si Gagamba ay tagapagbenta ng sweepstake ticket sa harapan ng Camarin,
isang eleganteng restoran sa Ermita, kung saan madalas na kumain ang mga
kilalang personalidad tulad ng mga pulitiko, oligarko, militar, banyagang
negosyente, at iba pa. Kilala rin ang Camarin sa pagiging sentro ng pagbugaw ng
mga dekalibreng babae (tulad ng mga modelo at beauty queen) sa mga
nabanggit na personalidad.
Hindi matatawag na “protagonista”
si Gagamba sa tradisyunal na pagkaunawa sa isang protagonista ng nobela. Liban
sa pambungad (kabanata 1) at pangwakas na kabanata (kabanata 12), pahapyaw lang
siyang nababanggit sa bawat kabanata ng aklat. Ang nobela ay tila koleksyon ng
mga kwento ukol sa iba’t ibang tao, na kung tutuusin ay kayang tumayo bilang
magkakahiwalay na maiikling kwento. Ang pinakanag-uugnay sa labing-isang kwento
(at sa pangwakas na kabanata) ay ang dambuhalang lindol na nakapagpaguho sa buong
gusali ng Camarin sa ganap na ala-una ng hapon noong Hulyo 15, 1990.
Bagaman magkakaiba ang tuon ng
kanilang mga kwento, ang mga “bida” ng bawat kabanata ay pare-parehong nasa
loob ng Camarin noong naganap ang lindol. Bawat kabanata ay laging nagtatapos
sa pagsalubong sa kanila ni Gagamba sa harap ng gusali, pagpasok nila sa
Camarin, at pagpapaalala ni Sionil ng oras: mag-aala-una. Nagsisilbing parang cliffhanger ang oras na ito, na
nagpapasabik sa mambabasang malaman sa bandang dulo kung ano ang nangyari
matapos ang lindol at sinu-sino ang nakaligtas (na aabangan ng mambabasa dahil
sa pagbanggit sa likurang pabalat ng aklat na liban kay Gagamba ay mayroong
dalawang nakaligtas sa lindol). Kumbaga sa pigpipinta, tila isang mosaic ang nobela, na inilalarawan ang
Pilipinas matapos ang Batas Militar sa pamamagitan ng mga karakter na mula sa
iba’t ibang sektor ng lipunan – mayroong negosyanteng Hapon, Amerikanong
turista, pulitiko, oligarko, pulubi, serbidor, pari, guro, peryodistang
abogado, at iba pa.
Nakalaan ang kabanata 1 kay
Gagamba. May kalakihan ang kanyang kinikita sa pagbebenta ng sweepstakes ticket, dahil sa paniniwala
ng mga tao na may dalang swerte ang pagbili nito sa mga may kapansanan. Ito ang
pinagmumulan ng kanyang kabuhayan, na ginagamit niya upang suportahan ang
kanyang pamilya. Sa kabila ng kanyang pisikal na anyo pinakasalan siya ng
kanyang kababatang si Namnama – isang babaeng inampon ng kanyang ina – at
nabiyayaan sila ng mga anak. Yamang sa harap siya ng Camarin nagbebenta, naging
pamilyar na siya sa mga taong pumapasok dito para kumain o para maghanap ng
babae. Siya ang tanging nakasaksi sa pagguho ng Camarin noong maganap ang
lindol ng ala-una, na buong akala niya ay siya lamang ang nakaligtas.
Ukol sa may-ari ng Camarin ang kabanata
2, ang negosyanteng si Fred Villa. Siya ay pamangkin ni Manuel Villa, na isang
pangunahing karakter sa nobela ni Sionil na The
Pretenders. Liban sa kanyang husay sa pamamahala ng eleganteng disenyo at
uri ng mga mamahaling pagkain sa Camarin, naging preokupasyon din niya ang
pagtipon ng magagandang babae, na bukod sa nakakatalik niya ay ibinubugaw niya
sa mga mayayamang kostumer ng kanyang restoran. Dadalhin niya na sana ang
babaeng ibubugaw sa isang bisitang negosyanteng Hapon nang maganap ang lindol nang
ala-una ng hapon.
Tuwirang kabaliktaran ng mayamang
si Fred ang pulubing bida ng kabanata 3 na si Joe Patalinghug. Siya at ang
kanyang asawang si Nancy ay mga magsasaka sa Cebu na lumikas tungo sa Maynila,
sa pagnanasang makatakas mula sa sigalot na dulot ng awayan ng mga sundalo’t
komunista. Ngunit mas malubha ang naging pamumuhay nila bilang mga iskwater sa
Maynila. Napilitan silang mamalimos ng kanyang asawa, habang bitbit ang
kanilang anim na buwang gulang na anak. Nakagawian nila ang iparada ang
kanilang kariton sa Camarin, kung saan binibigyan sila ng perang limos o ‘di
kaya’y tirang pagkain ng mga mayayamang tumutungo rito. Kasalukuyang nasa
paligid sila ng Camarin pagsapit ng ala-una.
Kwento ng dalawang serbidor ng
Camarin ang kabanata 4. Karamihan sa mga serbidor ng Camarin ay may kahawig na
bayani. Mayroong kamukha ni Jose Rizal, Gregorio del Pilar, Andres Bonifacio at
Apolinario Mabini. Dahil sa ganitong pagkakahawig ay ang pangalan na ng mga
bayani ang ginagamit ng mga kostumer na pantukoy sa kanila. Isa sa mga ito si
Pedro Domingo alyas Rizal. Liliban na sana siya sa trabaho noong Hulyo 15 dahil
kakarating lang sa kanya ng balita mula sa doktor na ang asawa niyang may
kanser ay dalawang buwan na lamang ang itatagal. Ngunit pinili niyang pumasok
muna, upang makapagpaalam nang pormal kay Fred. Kaibigan niya ang isa pang
serbidor na si Sixto Carmelo. Kamukha naman ni Mabini si Sixto, at kaugali rin
ng bayani – tahimik at siryoso, ngunit laging handang tumulong sa mga
kapitbahay na nangangailangan. Naibahagi ni Rizal kay Mabini ang ukol sa
kanyang asawa, at pinagsisilbihan muna nila ang mga kumakain sa Camarin habang
inaantay si Fred upang makapagpaalam nang maganap ang lindol ng ala-una.
Si Jim Denison ang tampok sa
kabanata 5. Siya ay isang 21-anyos na Amerikano na tumungo sa Pilipinas upang
hanapin ang kanyang nakatatandang kapatid na babae sa ama. Dating sundalo sa
Pilipinas ang kanyang ama noong kasagsagan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Nabuntis nito ang Pinay na si Cresencia Reyes, ngunit agad na itong iniwan at
‘di na sinulatan pa noong mapauwi na siya sa Estados Unidos matapos ang
digmaan. Nang ipagtapat ng ama ni Jim ang ukol dito, nagsikap siyang hanapin
ang kanyang kapatid. Naging matagumpay siya sa kanyang paghahanap sa kapatid
niyang si Emma, na noo’y 40-anyos na. Matagumpay ang buhay nito, isa siyang beauty queen na naikasal kay Leoncio
Godinez, isang mayamang negosyante ng Bicol, at mariwasa silang namumuhay sa
magarang tahanan sa Makati. Matapos ang kanilang pagkikita ay nagpasya siyang
bumalik sa kanyang dormitoryo sa Ermita, kung saan siya pansamantalang
tumutuloy bilang turista. Pero nang naglalakad na siya papuntang dormitoryo
noong mag-aala-una ng hapon, nakita niya ang Camarin at nagpasyang pumasok dito
upang makiihi at magkape na rin pagkatapos.
Kay Hiroki Sato nakatuon ang
kabanata 6, ang negosyanteng Hapon na pagdadalhan sana ni Fred ng isang babae
nang maganap ang lindol. Dating sundalong Hapon si Sato noong Ikalawang
Digmaang Pandaigdig, na kalaunan ay naging isa sa matataas na opisyales ng korporasyong
MITSUI. Isa ang Pilipinas sa naging pangunahing imbakan ng kanilang mga
kalakal, kaya naman maraming koneksyong nabuo si Sato sa Pilipinas. Isa sa
kanyang naging matalik na kaibigan dito ay si Mars Floro. Si Floro ay isang
oligarkong malapit kay Marcos, na sa kabila ng pakikinabang niya sa ilalim ng
diktador ay nagawang makuha ang pabor ng bagong pamahalaan matapos ang Batas
Militar, kaya naman mabilis na nagawang makabalik sa kapangyarihan. Tulad ng
nakagawian nila tuwing dumadalaw sa Pilipinas si Sato, dinala siya ni Floro sa
Camarin upang makapili sila ng babaeng makakasama ni Sato habang nagbabakasyon.
Pagsapit ng ala-una ay pumanaog si Fred mula sa itaas na palapag ng Camarin,
kung saan kakatapos niya lang makipagtalik sa babaeng dadalhin niya kay
Sato.
Dating mga aktibista mula sa
Unibersidad ng Pilipinas ang magkaibigang sina Eric Hariyan at Gasty Novato, na
paksa ng kabanata 7. Bagaman parehong lumaban kay Marcos at naranasang
makulong, naging magkasalungat ang landas nila matapos makamit ang digri sa
abogasya mula sa UP. Si Eric ay napadpad sa Estados Unidos bilang iskolar sa
Yale, at pag-uwi sa Pilipinas ay nagtrabaho sa isang pangmayamang kumpanya ng
mga abogado sa Makati. Sa kabilang banda, nanatili si Gasty sa kanyang
adbokasiya para sa karapatang pantao, at sa pagbibigay ng libreng serbisyong
legal sa mga inaaping magsasaka, habang nagsusulat ng mga makabayang artikulo
sa isang peryodiko. Pinupuna ni Gasty si Eric, dahil sa komportableng
pakikihalubilo nito sa mga elit, lalo sa mga taong may kaugnayan kay Marcos.
Lalo siyang nagalit nang imbitahan siya ni Eric na magtrabaho para sa isang
proyektong binubuo ni Rudy Golangco. Siya ang may-ari ng Villa Development
Corporation, at isa sa mga oligarkong pinakanakinabang sa panahon ng Batas
Militar. Itinanong ni Gasty kung paano nagagawa ni Eric na makipagtulungan sa
mga taong naging kasabwat ni Marcos sa pagpapahirap sa masa. Tumugon si Eric na
nais niya lamang samantalahin ang pagkakataon, dahil mas madali nilang
makakamit ang mga pinapangarap nilang pagbabago kung mas malapit sila sa
kapangyarihan. Bukod pa rito, may tiwala siya na malinis ang record ni
Golangco. Pinaanyayahan ni Eric si Gasty na makipagkita silang dalawa kay
Golangco sa Camarin upang mas makilala niya ito. Ngunit iba ang layunin ni
Gasty sa kanyang pagpayag na tumungo sa Camarin – nais niyang kausapin si
Golangco at ibunyag ang mga dumi nito sa harap ni Eric. Matapos ang mainit na
pagtatalo, aalis na sana si Gasty mula sa Camarin nang sumapit ang ala-una ng
hapon.
Ukol din sa dalawang magkaibigan
ang kabanata 8 – sina Eduardo Dantes at Senador Reyes. Kapwa mga karakter sa
ibang nobela ni Sionil ang dalawa. Si Dantes ay ang may-ari ng peryodiko kung
saan nagtatrabaho si Luis sa My Brother,
My Executioner. Si Reyes naman ang nasyunalistang senador na katuwang sa
negosyo ni Manuel Villa sa The
Pretenders. Pareho nilang ipinangangalandakan ang kanilang
pagkakontra-Amerikano upang mapangalagaan ang kanilang nasyunalistang imahe.
Ngunit pakitang-gilas lamang ito sa publiko, dahil sa katunayan ay isa sila sa
pinakanakikinabang sa pakikipagkalakalan sa mga Amerikano. Ipinangangalandakan
nila ang pagiging maka-masa, habang pinangangalagaan ang kanilang mga asyenda.
Sa panahon ng nobelang Gagamba ay
nasa lagpas otsenta anyos na sila pareho. Madalas nilang tambayan ang Camarin,
kung saan nila pinag-uusapan ang mga bagay ukol sa pulitika, negosyo, at babae.
Madalas din na laman ng kanilang usapan ang pagkainis dahil nahihirapan na
silang mapatayo ang kanilang mga ari kapag makikipagtalik sa mga babaeng
dinadala sa kanila ni Fred. Masaya silang nagkukuwentuhan sa Camarin nang
sumapit ang ala-una.
Ang kabanata 9 ay nakatutok kay
Dolf Contreras, isang mayamang binatang negosyante na umibig sa isang babaeng
nakilala niya sa Camarin. Marami siyang nakarelasyong babae sa Camarin, nariyan
si Adiel, Annie, at Irene. Pero kay Elisa pinakanahulog ang kanyang loob. Mula
si Elisa sa isang mahirap na pamilya sa Marinduque. Sumama siya sa kanyang
tiyuhin papunta sa Maynila dahil nangako itong pag-aaralin siya. Ngunit tumakas
siya dahil ginahasa siya nito, at napilitan siyang pumasok sa Camarin bilang
babaeng inilalako sa mayayamang lalake upang masuportahan ang kanyang sarili.
Kalaunan ay nagawa niyang dalhin sa Maynila ang kanyang mga kapatid at pag-aralin.
Isa si Dolf sa kanyang mga naging parokyano. Siniryoso siya nito, binigyan ng
mga gamit at pera, at ibinili pa ng tahanan. Marami sa perang ibinibigay sa
kanya ni Dolf ay ipinapagkaloob niya bilang donasyon sa mga madre para tustusan
ang isang paaralang pambata sa Tondo. Nais nang pakasalan ni Dolf si Elisa,
ngunit nagdadalawang isip siya. Inaalala niya kung ano ang sasabihin ng kanyang
mga kaibigang negosyante kapag nalaman nilang nagpakasal siya sa isang babaeng
tulad ni Elisa. Iniisip din niya ang posibilidad na baka isa sa kanyang mga
kaibigan ay dating nakarelasyon ni Elisa. Lagi silang nag-aaway, dahil
paulit-ulit si Dolf sa pagtatanong ukol sa kanyang mga karanasang sekswal dati
sa iba’t ibang lalake, na nais nang kalimutan ni Elise. Isang pagkakataon ay
napuno na si Elisa at iniwan na siya nito. Nag-iwan lamang siya ng sulat na
nagsasabing gusto niyang mahanap ang kanyang kapayapaan. Isang taon siyang
naghanap ngunit hindi niya nakita si Elisa. Pagkalipas ng isang taon ay
nagpadala sa kanya ng sariling larawan si Elisa, na nakasuot ng damit
pangmadre. Bagaman puno ng pangungulila, sa isang banda ay masaya si Dolf na sa
wakas ay nahanap na ni Elisa ang kanyang kapayapaan. Napagpasyahan ni Dolf na
tumungo sa Camarin upang magpalipas ng oras at upang balikan ang mga alaala
nila ni Elisa sa lugar kung saan sila unang nagkakilala. Mag-aala-una ng hapon
noong nakarating siya sa Camarin.
Ang kabanata 10 ay kwento ng isang
guro at kanyang dating guro. Si Tony Picazo ay propesor sa La Salle na nagpasyang
tumungo sa Estados Unidos upang doon magtrabaho, dahil kulang ang kinikita niya
sa Pilipinas upang suportahan ang kanyang asawa’t anak. Nang magbakasyon siya
sa Pilipinas, dinalaw niya ang kanyang dating guro sa sosyolohiya na si Padre
Hospicio dela Terra. Ibinalita niya kay Padre dela Terra na ang kanyang ama na
isang kalihim ng bagong pamahalaan ay pinagbibintangan ng korapsyon. Pareho
silang hindi naniniwala dahil kilala nila ang ama ni Tony bilang taong may
integridad, isang doktor na iniwan ang kanyang propesyon upang maglingkod sa
pamahalaan sa pag-asang makapag-ambag siya sa ikauunlad ng bansa, kahit pa
maliit lang ang kanyang kikitain. Ani ni Padre dela Terra, isa itong indikasyon
na wala pa ring nagbabago sa pulitikang Pilipino kahit nagwakas na ang
paghahari ni Marcos. Wala pa ring tunay na repormang agraryo kaya lumalaban pa
rin ang mga komunista, kinikilingan pa rin ng pamahalaan ang mga panginoong
maylupa, hindi pa rin mahuhusay ang mga namumuno, at matindi pa rin ang ‘di
pagkakapantay-pantay sa lipunan. Tinanong ni Tony kung bakit pinagtitiisan pa
rin ni Padre dela Terra ang Pilipinas, gayong matanda na siya at pwede nang
bumalik sa kanyang pinagmulang bayan sa Espanya. Ani ni Tony, maraming
pagkakataon na nawawalan na siya ng pag-asa na may pagbabago pang darating sa
Pilipinas. Tumugon si Padre dela Terra na para sa kanya Pilipinas na ang
kanyang bayan, at hindi siya nawawalan ng pag-asa na darating sa hinaharap ang
pagbabago dahil hindi panghabangbuhay ang kapangyarihan ng mga mapang-api. Patuloy
ang pakikisangkot ni Padre dela Terra sa pagtatanggol sa mga magsasaka sa
kabila ng banta sa buhay niya, dahil alam niyang hanggat may mga Pilipinong
handang mamatay para sa bayan ay hindi pa tapos ang laban.
Ang huling kwento ng nobela na nasa kabanata 11 ay patungkol sa isang militar na si Medyor Solomon “Sol” Flor. Siya ay kanang kamay ni Heneral Calixto Primo, na namumuno sa National Crime Commission. Nakatutok sila sa pagsawata sa pagbebenta ng ipinagbabawal na droga. Isang sundalong may integridad si Sol, na naging dahilan ng ‘di-pagtaas ng kanyang ranggo. Taliwas sa mga militar na nagpagamit kay Marcos, nanatili siyang propesyunal sa kanyang trabaho noong panahon ng Batas Militar. Isa sa mga militar na sinamantala ang oportunidad noong panahon ng Batas Militar ay ang kanyang matalik na kaibigang si Koronel Simeon “Sim” Flores, na naungusan na siya sa ranggo dahil dito. Isang pagkakataon ay dumalaw sa kanya si Sim at nagsabing may dala siyang magandang balita na makapagdadala ng oportunidad kay Sol na magkaroon ng mas maalwang pamumuhay. Sa planong pagpunta nina Sol at Heneral Primo sa Estados Unidos para sa isang misyon, nais ni Sim na isabay ni Sol ang isang maletang naglalaman ng mga heroin. Hindi umano siya mahuhuli dahil madalas na hindi sinusuri sa paliparan ang mga gamit kapag bitbit ito ng isang heneral na tulad ni Primo. Bilang kapalit ay babayaran ni Sim si Sol ng apat na milyong piso. Sinabi niya na pag-isipan ito mabuti ni Sol, at magkita sila sa Camarin sa susunod na araw upang doon niya sabihin kung ano ang kanyang naging pasya. Labis itong nakagambala sa isip ni Sol. Sa isang banda, nais niyang umangat sa buhay at mabigyan ng mabuting kinabukasan ang kanyang anak at asawa, bagay na hindi niya magagawa sa kakarimpot na sweldo niya. Ngunit sa kabilang banda ay naniniwala siyang sagrado ang uniporme ng militar, na sumisimbulo sa kahandaan ng sundalo na mamatay para sa bayan. Pagkatapos ng masinsinang pagninilay-nilay, napagpasyahan niyang tatanggi siya sa alok ni Sim, na magpapaiwan na lamang siya ng ilang araw at susunod na lamang siya sa heneral tungo sa Estados Unidos dahil sa iimbentuhin niyang dahilan, nang sa gayon ay maipaliwanag niya kay Sim na magiging imposible ang pagdadala niya ng heroin. Sa pamamagitan nito ay mapapangalagaan niya ang kanyang dangal kasabay ng pagpapanatili ng kanilang pagkakaibigan ni Sim. Habang nasa Camarin siya ay tumawag si Sim at nagsabing medyo mahuhuli siya nang dating, at tumugon si Sol na handa siyang maghintay. Pagbaba niya ng telepono, tumingin siya sa kanyang relo at nakita niyang malapit nang mag-ala-una.
Ang pangwakas na kabanata (kabanata
12) ay pagsasalaysay ukol sa mga kaganapan matapos ang naganap na lindol.
Rumesponde ang mga awtoridad at sinubukang maghukay sa guho ng Camarin upang
malaman kung may nakaligtas ba sa nangyari. Natagpuan nilang ligtas ang isang
anim na buwang gulang na sanggol, sa tabi ng bangkay ng mga magulang nito na
sina Joe at Nancy Patalinghug. Nagmagandang-loob si Gagamba na ampunin ang
sanggol, at pangalanan itong Namnama tulad ng kanyang asawa. Limang araw naman
ang nakalipas bago nila matagpuan si Fred Villa, na baldado na ang ibabang
bahagi ng katawan kabilang ang kanyang ari. Malaking palaisipan kay Gagamba
kung bakit siya pa na isang lumpong may kakaibang hitsura ang nakaligtas,
samantalang ang mga tanyag at mayayamang tao sa loob ng Camarin ay
nangagsimatay. Akto kaya ito ng paghuhukom ng Diyos, kung saan ibinagsak niya
ang mga makapangyarihan at iniligtas ang isang aba? Ngunit sa kabilang banda ay
naisip niyang may mga mabubuti rin namang taong namatay sa Camarin. Anu’t ano
pa man, isa itong patunay na mayroon pa siyang layunin sa buhay.
Makararamdam ng pagkakuntento at
pagkawili ang mambabasa sa bawat isang kabanata ng nobela sa mga sarili nila.
Ngunit higit sa pagkawiling naibibigay ng bawat kabanata, lahat ng mga ito ay
tila piyesa lamang ng iisang puzzle na
naglalarawan sa isang mas malawak na reyalidad ng lipunang Pilipino. Isa sa mga
reyalidad na ito ang kawalang pagbabago ng bansa kahit na matapos ang
pagtatatag ng isang bagong pamahalaan. Mababanaag ito sa pahayag ni Padre dela
Terra:
I’ve spent
forty-one years in this country – I am more Filipino, I think, than those
mentizos in Negros. I have seen nothing change – nothing! And I really have
tried to move a mountain (p.97).
Ang tono ng pagkapagod ni Padre
dela Terra ay kauna-unawa lalo na sa isang bansa kung saan kailangan pa ring
ibenta ng mga babae ang sarili nila upang mabuhay (tulad ni Elisa); kung saan
marami pa rin ang lumuluwas sa Maynila upang makatakas sa sigalot ng militar at
mga komunista (tulad nina Joe at Nancy); kung saan kailangan pa ring
mangibang-bansa ng mga guro dahil sa kaliitan ng sweldo sa Pilipinas (tulad ni
Tony); kung saan mananatiling mababa ang ranggo mo kung may integridad ka
(tulad ni Sol); kung saan madali pa ring nakakapagbalat-kayong makabayan ang
mga negosyanteng nakikinabang sa imperyalismong Amerikano (tulad nina Dantes at
Reyes); at kung saan patuloy pa ring nasa kapangyarihan ang mga oligarkong
kasabwat ni Marcos (tulad nina Floro at Golangco). Isa sa mga tinukoy na
dahilan ni Sionil sa pagpapatuloy ng ganitong kalagayan ng mga Pilipino ay ang
pagkakaroon natin ng maiksing memoryang pangkasaysayan. Mabilis tayong
makalimot. Makikita ito sa kaso ni Hiroki Sato. Yamang dati siyang sundalong
Hapon noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig at alam ito ng maraming Pilipino,
inaasahan niyang may galit sila sa kanya. Ngunit napakabuti ng pagtanggap nila
sa kanya, na parang hindi naganap ang digmaan. Doon niya napagtanto na walang
sentido ng kasaysayan ang marami sa mga Pilipino. Ang ganitong maiksing
memoryang pangkasaysayan ay lantad din sa kaso ni Eric na mabilis na nagtiwala
sa kasabwat ni Marcos na si Golangco, sa kabila ng karanasan niya bilang
bilanggong pulitikal kasama si Gasty. Mainam na sipiin dito nang buo ang
inilagay ni Sionil sa mga labi ni Gasty:
What has
happened to us Filipinos? Have we lost our sense of the past and forgotten so
soon how Marcos and his cronies plundered this nation and brutalized people?
They are now coming out – the maggots who have feasted on this nation’s
carcass, smiling at us from the TV screen, laughing at our credulity our
willingness to socialize with these vilest of vermin because to do so would be
in the highest order of reconciliation, of being Filipino, when our incapacity
to remember what they have done is the very essence of our damnation. None of
those who with Marcos stole from the people is going to come forward to admit
the robbery, but we know now what they did and those of us who were their
victims should not forget. Only with steadfast memories can we now be strong so
as to undo the mistakes of the past, to begin anew and build from the rubble of
their betrayal (p.60-61).
Ang bisa ng mga pahayag na ito na
isinulat ni Sionil noong 1991 ay lalo pa nating ramdam sa kasalukuyan – sa
panahon kung kailan nakahimlay na ang diktador sa Libingan ng mga Bayani,
senador na ang anak niyang si Aimee, kamuntikan nang manalo sa pagiging
bise-presidente ang isa niya pang anak na si Bongbong, at hindi pa rin
maparusahan ang kanyang asawang si Imelda sa kabila ng kaliwa’t kanang
ebidensya ng korapsyon.
Ngunit hindi absolutong pesimista
si Sionil tulad ni Tony Picazo na naniniwalang dapat na nating iwan ang
Pilipinas dahil wala na itong pag-asang magbago. Sa aking tantsa, mas malapit
ang diwa ng may-akda sa mga pahayag ni Padre Hospicio dela Terra (dahil may
pagkakahawig ito sa mensahe ng pag-asa sa nobela niyang Mass). Mainam na wakasan ang rebyu na ito sa pamamagitan ng
pagsiping muli kay Padre dela Terra:
A nation with people willing to die for a belief, a cause – that nation has hope . . . A thing that is unjust cannot last forever. It is against the laws of the universe, of God (p.97, 100).
No comments:
Post a Comment