Jose, F. Sionil. Ermita. Manila: Solidaridad Publishing House, 1988.
The
obscenities in this country are not girls like you. It is the poverty which is
obscene, and the criminal irresponsibility of the leaders who make this poverty
a deadening reality. The obscenities in this country are the palaces of the
rich, the new hotels made at the expense of the people, hospitals where the
poor die when they get sick because they don’t have the money either for
medicines or services. It is only in this light that the real definition of
obscenity should be made.
-Roly kay
Ermi (p.272)
Ang ganitong pagsisiyasat sa
sikolohiya ng pagpuputa ay isinagawa ng may-akda sa pamamagitan ng pagtalunton
sa buhay ng isang puta, ang protagonista ng nobela na si Ermita “Ermi” Rojo.
Ang mga Rojo ay isang mayamang pamilya na nakasentro sa Ermita, ang lugar kung
saan nagkukumpulan ang mga elit ng lipunang Pilipino noong panahon ng
kolonyalismong Amerikano. Si Ermi ay bunga ng isang aksidenteng naganap sa
mansyon ng mga Rojo noong kasagsagan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Nang
malapit nang matalo ang mga Hapon, matinding pagmamalupit sa mga mamamayan ng
Maynila ang kanilang isinagawa bago sila tumakas, tulad na lamang ng
panggagahasa sa kababaihan.
Isa sa mga kababaihang naging
biktima ng ganitong kahayupan ay si Conchita Rojo. Sa pagtatangkang iligtas ang
kanyang sarili ay napatay niya ang sundalong Hapon habang inaabuso siya nito.
Ngunit sa kasamaang-palad ay nagdalang-tao si Conchita dulot ng ginawa sa kanya
ng sundalo. Noong ilang buwan pa lamang sa sinapupunan niya ang sanggol ay
nakilala niya si John Collier, isang Amerikanong sundalo na kasamang dumating
nina Heneral MacArthur noong bawiin nila ang Pilipinas mula sa mga Hapon.
Inakit ni Conchita si John na makatalik, upang mapalabas niya na ito ang ama ng
kanyang ipinagbubuntis. Hindi pa lumalaki ang tiyan ni Conchita ay agad na pinatungo
si John sa Japan para sa pagkubkob na gagawin nila sa kalaban na bansa, kaya
hindi nito alam na buntis si Conchita.
Upang maikubli sa publiko ang
kanyang pagbubuntis, dinala siya ng kanyang ate Felicidad o Fely sa isang
bahay-ampunan, kung saan siya lumagi hanggang sa siya’y manganak. Matapos
makapanganak, tinanong siya ng isang madre kung anong nais niyang ipangalan sa
sanggol. Dahil wala pa sa kanyang ulirat, ang akala niya’y tinatanong siya kung
saan siya nakatira, kaya ang sinabi niya ay “Ermita.” Sa bahay-ampunan na ito
rin niya iniwan si Ermita, na hindi niya kayang tanggapin dahil ipinapaalala
nito sa kanya ang panggagahasang ginawa ng sundalong Hapon.
Tinupad ni John ang kanyang
pangakong pagbabalik matapos ang ilang buwang operasyon sa Japan.
Nagsinungaling sa kanya si Conchita at sinabing nabuntis niya ito bago siya
pumuntang Japan, ngunit ipinalaglag niya ang sanggol sa takot na hindi na
babalik si John. Labis na naawa si John at nangako itong lalo niyang aalagaan
si Conchita dahil sa nangyari. Nagpakasal ang dalawa, at upang takasan ang
kanyang mapait na alaala sa Maynila ay hinimok ni Conchita si John na sa
Estados Unidos na sila manirahan.
Samantala, sa bahay-ampunan ay
lumaki si Ermita – o mas nakilala bilang Ermi – na kinagigiliwan ng lahat.
Palakaibigan si Ermi, at madali siyang naibigan ng kanyang mga gurong madre.
Namana niya sa kanyang ina ang kanyang kagandahan, at litaw na litaw na ito sa
kamusmusan pa lamang niya. Pinakamalapit ang loob ni Ermi kay Madre Constancia,
ang namumuno sa bahay-ampunan at dating kaibigan ni Fely. Payapa ang naging
pagkabata ni Ermi sa bahay-ampunan. Tinuruan sila ng mga madre na maging
disiplinado at matutong makuntento sa payak na pamumuhay. Ngunit sa kabila
nito, pagsapit sa edad na sampu ay nagsimulang tumindi ang pagnanasa ni Ermi na
makilala ang kanyang mga magulang, na nagdulot ng pagbabago ng kanyang ugali at
pagiging masumpungin. Nang takutin niya si Madre Constancia na isang araw ay
maglalayas siya, nagpasya na ang madre na puntahan si Fely at kumbinsihin itong
kunin na si Ermi.
F. SIONIL JOSE Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan |
Kalaunan, dahil sa kanyang labis na
pangungulit kay Arturo ay napilitan itong ipagtapat sa kanya ang katotohanan,
na ang tatay niya’y isang sundalong Hapon at ginahasa nito ang kanyang ina na
kapatid ni Fely. Sa kabila ng kaalaman na ito, sinikap niyang makuntento sa
kanyang payak na buhay sa garahe at hindi naggiit ng karapatan sa kanyang tita
Fely. Umuuwi siya agad lagi matapos ang kanyang klase, at tumatangging sumama
sa kanyang mga mayayamang kaklase sa tuwing may kasiyahan sila, palibhasa’y
wala siyang magandang damit at salaping magagamit sa pagsali sa kanila. Liban
sa pagdaramot ni Fely, nakaranas din siya ng masamang karanasan mula sa isa
pang kapatid ni Conchita, si Joselito na isang bi-sekswal. Isang beses, umuwi
si Joselito sa mansyon na lango sa kanyang kahalayan. Ipinatawag niya si Mac at
plano sana itong halayin, ngunit pinigilan niya ang kanyang sarili sa kahihiyan
na maidudulot sa kanya ng pagmolestiya sa anak ng tagapagmaneho nila. Kaya
ipinatawag niya na lamang kay Mac si Ermi na tumungo sa kanyang silid.
Pinaghubad niya si Ermi, na noon ay 12 taong gulang pa lamang, at nanginginig
itong sumunod dahil sa pagkatakot. Ngunit hindi niya ginalaw ang bata,
nagsarili siya sa pagpaparaos habang nasa harap niya si Ermi, at pagkatapos ay
ipinalinis sa bata ang kanyang punla na nasa sahig.
Nagsimula lamang mapuno si Ermi at
magpasyang igiit ang kanyang karapatan noong malapit na siyang magtapos ng
pag-aaral sa Assumption. Labis ang pagkahabag niya sa kanyang sarili na
magpapakuha siya ng larawan para sa kanyang pagtatapos na wala man lamang
siyang maayos na damit. Kaya hinimok niya si Orang na samahan siya sa Forbes
Park sa Makati, kung saan lumipat ng tahanan si Fely. Nag-aalala ang pamilya ni
Arturo na hindi maganda ang kahihinatnan ng pagpunta roon ni Ermi ngunit
ipinilit niya pa rin ito. Nang sabihin niya kay Fely na magtatapos na siya at
kailangan niya ng damit, sinabihan siya nito na hindi siya marunong makuntento
sa “kabutihan” na ipinakita sa kanya, sa libreng pagpapatira sa garahe at
pagpapaaral sa eksklusibong eskwelahan.
Hindi na napigilan ni Ermi ang
kanyang sarili, sinabi niyang alam na niya na tita niya si Fely dahil kapatid
nito ang kanyang ina na si Conchita, at alam din niya na isang sundalong Hapon
ang kanyang ama. Dagdag niya pa, alam niyang kahit ang mga bastardong anak ay
may karapatan pa rin sa sustento ng kanyang pamilya. Labis na nagalit si Fely
at sinabi nito sa kanyang kahit pa ibuyangyang niya sa publiko ang katotohanan
at magpatulong siya sa mga magagaling na abogado ay siguradong hindi siya
makakalaban sa mga Rojo. Pagkatapos ay ipinatawag nito si Orang at pinagmumura,
dahil sa pagtatapat nila kay Ermi ukol sa lihim na itinatago ng pamilya. Bilang
kaparusahan sa kanila, pinalayas ni Fely si Ermi at ang buong pamilya ni Orang
mula sa garahe. Tinawagan ni Fely si Joselito at sinabihan na agad nang ibenta
ang buong mansyon. Nagmakaawa si Ermi sa kanyang tita, at sinabing huwag nang
idamay pa sina Orang, dahil siya naman ang pumilit sa kanila na ipagtapat ang
katotohanan. Ipinaalala din niya ang kabutihang ginawa ni Arturo noong
Ikalawang Digmaang Pandaigdig – nabaril siya ng sundalo dahil tinangka niyang
iligtas si Conchita noong ginagahasa ito. Ngunit walang habag na dumampi sa
damdamin ni Fely at ipinagpatuloy niya pa rin ang pagpapalayas sa kanilang
lahat.
Dulot ng labis na pagsisisi na
matutulog silang lahat sa kalsada dahil sa kanyang nagawa, tumungo siya sa
Camarin, isang pang-elit na restoran sa Ermita na bukod sa pagkain ay
nagbebenta rin ng mga babae para sa mga mayayamang negosyante at
makakapangyarihang pulitiko. Nalaman niya ang ukol sa Camarin mula sa kaibigan
niya sa Assumption na si Alice, dahil ang ate nitong si Didi Gamboa ang may-ari
ng Camarin. Sinabi niya kay Didi na interesado siyang magtrabaho sa Camarin
bilang puta dahil sa matinding pangangailangan sa salapi. Agad siyang binigyan
ng salapi ni Didi kahit hindi pa siya nagsisimulang magtrabaho, kaya nagawa
niyang magrenta sa isang paupahan kung saan niya panandaliang itinira ang buong
pamilya ni Arturo.
Pinaayusan siya ni Didi upang mas
gumanda at itinuro sa kanya ang mga dapat niyang tandaan sa pakikipagtalik,
mula sa dahan-dahang paghuhubad upang masabik ang lalake, hanggang sa mga dapat
na pag-iingat upang makaiwas sa sakit at pagbubuntis. Nakasisiguro si Didi na
maraming salapi ang kikitain nilang dalawa ni Ermi dahil sa taglay nitong
kagandahan. Ngunit noong simula ay nahirapan siyang makahanap ng unang makakatalik,
dahil sampung libong piso ang gusto niyang ibayad ng lalakeng kukuha ng kanyang
pagkabirhen.
Ipinakilala ni Didi si Ermi kay
Rolando “Roly” Cruz, na may doktorado sa kasaysayan mula sa Estados Unidos.
Dating propesor sa Unibersidad sa Pilipinas si Roly, ngunit sa kagustuhang
mabigyan ng mariwasang buhay ang sarili at kanyang asawa’t mga anak ay nagbitiw
siya sa UP, at nagsimulang maglingkod sa mga pulitiko at mga banyagang
korporasyon. Nagtayo siya ng isang organisasyon na lumilikom ng mga impormasyon
at gumagawa ng mga pananaliksik, na mapapakinabangan ng mga banyagang
negosyante na gustong mamuhunan sa Pilipinas. Guminhawa ang kanyang buhay dahil
dito, ngunit ang paglilingkod din na ito sa mga makapangyarohan ang naging
dahilan kung bakit siya hiniwalayan ng kanyang asawa. Yamang walang sapat na
pera si Roly upang maipambayad kay Ermi, tinulungan niya na lamang ito
makahanap ng lalakeng handang magbitaw ng sampung libong piso para sa ilang
gabing pakikipagtalik.
Sa tulong ni Roly, sa wakas ay
nahanap nila ang lalakeng ito sa katauhan ng isang “Dakilang Tao”, pinuno sa
isang bansa sa Timog Silangang Asya. Bagaman napakatanda na at maaari na niyang
maging tatay, napayapa ang kalooban ni Ermi sa piling ng lalakeng ito. Liban sa
kanyang taglay na karunungan, tapat ang matandang lalakeng ito at alam sa
kanyang sarili ang korapsyon na pinagdaanan ng kanyang pagkatao, na malayo sa
pagkatao niya noong bata-bata pa siya at pinamunuan niya ang himagsikan ng
kanyang bayan laban sa mga mananakop. Napakaraming napagtanto si Ermi sa
reyalidad ng buhay at marami siyang natutunan na karunungan mula sa matandang
ito. Liban sa sampung libong piso, ibinili pa siya nito ng tahanan sa Forbes
Park, at binigyan ng sariling kapital sa negosyo ng ilang korporasyon.
Matapos ang unang pakikipagtalik,
maaari na sanang bitiwan ni Ermi kaagad ang kanyang hanapbuhay sa Camarin. Naging mariwasa kaagad ang kanyang
pamumuhay dahil sa Dakilang Tao. Nakabili siya ng malaking bahay sa Cubao kung
saan siya tumira kasama ang buong pamilya ni Arturo, habang ang mansyon sa
Forbes Park ay pinaupahan niya sa iba. Nakapagpatayo rin siya agad ng iba pang
tahanan na pinaupahan din niya. Bukod pa rito ang mga kapital niya sa ilang
korporasyon na ibinigay din ng Dakilang Tao. Makailang ulit siyang hinimok ni
Roly at ni Mac na huminto na sa pagtatrabaho sa Camarin, ngunit iginigiit niya
na kailangan niya ito upang masigurado na hindi na sila maghihirap pang muli.
Isa pang dahilan niya ay ang kagustuhan niyang magpayaman at magpalawak ng
koneksyon upang makaganti sa mga Rojo.
Agad na naging popular si Ermi sa
sirkulo ng mga makapangyarihang tao na nagtutungo sa Camarin. Bilang pagkilala
sa kanyang maagang tagumpay, binigyan siya ng kalayaan ni Didi na mamili kung kaninong
lalake lamang niya gustong makipagtalik. Hindi rin siya nakikipagtalik sa
sinuman na walang kakayahan na magbayad ng tatlong libong piso kada gabi (na
napakalaking salapi noong 1960s). Ang kadalasan lamang niyang pinipili ay mga
makapangyarihang negosyante, mga tanyag na pulitiko, at mga militar na may
mataas na katungkulan, dahil para sa kanya ay ang mga lalakeng ito ang
magagamit niya upang magpayaman at makapaghiganti sa mga Rojo. Ilan sa kanyang
nakatalik na mga lalake ay sina Senador Andres Bravo (na kalaunan ay magiging
kanang kamay ng diktador kapag naibaba na ang Batas Militar), Eduardo Dantes
(may-ari ng maraming pahayagan, telebisyon at radyo), at Heneral Prospero
Bombilla (na isa sa mga pinakamataas na opisyal sa militar ni Marcos). Nagkaroon
din siya ng relasyon sa ilang mayayamang banyagang negosyante tulad ng mga
Amerikano at Hapon.
Sinigurado niya na mahahawakan niya
sa leeg ang mga lalakeng makakarelasyon niya. Natutunan niya kung paano
pahabulin ang mga ito, at pasunurin sa kanyang mga kagustuhan. Ipinangako niya
rin sa kanyang sarili na hindi mahuhulog ang kanyang loob sa sinuman sa mga
ito. Tinitingnan niya ang mga lalake hindi bilang mangingibig kundi mga
instrumento na kanyang magagamit para sa sariling mga layunin. Sa kabila nito,
hindi niya napigil ang pagkakaroon ng damdamin sa dalawang partikular na lalake
– si Mac at si Roly.
Si Mac na anak ni Arturo ay naging
napakalapit sa kanya dahil sabay silang lumaki sa garahe. Labis na nasaktan si
Mac noong nalaman niya ang landas na pinili ni Ermi upang hindi sila tumira sa
kalsada. Madalas niyang sinusundan si Ermi patungo sa Camarin at inaalam kung
sino ang mga lalakeng kumukuha rito upang masigurado niyang ligtas si Ermi.
Noong una ay ayaw niyang tumira sa tahanan ni Ermi sa Cubao, at ayaw niya ring
tanggapin ang alok nito na pag-aralin siya, dahil masakit sa kanyang kalooban
na makinabang sa salaping nakukuha ni Ermi sa pamamagitan ng pagbebenta ng
sarili. Ngunit nagpahinuhod din siya kalaunan dahil sa labis na pamimilit sa
kanya ni Ermi na mag-aral, hindi para kay Ermi kundi para sa kanyang pamilya.
Nag-aral si Mac sa La Salle, at kalaunan ay naging isang ganap na inhinyero.
Kalaunan ay nagpasya itong tanggapin ang alok ng isang kumpanya na magtrabaho
sa Saudi. Nang maging matagumpay ito ay madalas na siyang umiiwas na makita si
Ermi. Akala ni Ermi ay namumuhi sa kanya si Mac kaya hindi na ito nagpapakita,
o dahil hindi na nito kailangan ang kanyang tulong. Ngunit hindi niya alam na
labis na nasasaktan si Mac dahil minamahal siya nito. Nasasaktan ito sa
nangyari kay Ermi, na nilalamon ng pagnanasang makapaghiganti, at nagiging
ganid na rin, dahil ang nagpapanatili rito sa Camarin ay hindi na
pangangailangan kundi kagustuhang labis na makapagpayaman at maging
makapangyarihan. Nais ni Mac na makapag-ipon ng malaki at maging mas matagumpay
upang isang araw ay maipagmalaki niya ang sarili kay Ermi, sa pagnanasang
maialis si Ermi sa kanyang uri ng pamumuhay.
Ganito rin ang naging damdamin sa
kanya ni Roly, na labis din siyang minahal. Makailang nitong hinimok si Ermi na
umalis na sa Camarin, dahil handa niya itong pakasalan sa kabila ng nakaraan
nito. Ngunit laging tumatanggi si Ermi at sinasabing kahihiyan ang magiging
dulot nito sa pampublikong imahe ni Roly. Ikinalulungkot din ni Roly ang
unti-unting transpormasyon ni Ermi at pagiging katulad ng mga lalakeng
nakapaligid sa kanya na ganid sa yaman at kapangyarihan. Ngunit sa kabila nito
ay patuloy pa rin ang pagkahumaling ni Roly kay Ermi, dahil para sa kanya ay
pareho lamang silang puta, nagpapagamit sa iba para sa kaginhawaan at yaman.
Sinimulan ni Ermi ang serye ng
kanyang paghihiganti sa mga Rojo nang magpunta siya sa Estados Unidos upang
hanapin ang kanyang ina. Nang magkita sila ni Conchita, wala man lamang itong
ipinakitang kahit munting bahid ng pagmamahal o pagsisisi sa pagpapabaya sa
kanya. Nang isumbat niya rito na silang mga Rojo ang dahilan kung bakit siya
naging puta, sinabi pa nito na sarili niyang kasalanan ang nangyari sa kanya –
pinili niyang maging puta dahil mahina siya. Ang pangyayaring ito ay lalo pang
nakapagpaalab ng kanyang pagnanasa na maghiganti. Nagtagumpay si Ermi sa
kanyang plano na akitin ang asawa ni Conchita na si John. Nang papaalis na si
John mula sa kanilang pinagtalikan, ipinagtapat niya rito ang pinakatatagong
lihim ni Conchita – na nagsinungaling ito ukol sa pagbubuntis, hindi niya
talaga anak ang ipinalaglag dati ni Conchita, dahil siyang si Ermi na anak ni
Conchita ay buhay at bunga siya ng panggagahasa ng isang Hapon dito. Noong nasa
byahe na si John upang komprontahin ang kanyang asawa, tinawagan ni Ermi si
Conchita. Sinabi niyang nakipagtalik sa kanya si John, at nagbayad ito sa kanya
– ang ipinambayad niya ay ang diyamanteng suot ni Conchita noong una niyang
katagpuin si Ermi. Sinabi rin niyang ipinagtapat niya kay John ang lihim na
matagal na ikinubli ni Conchita. Galit na galit ito sa kanya at ang huling mga
salitang narinig ni Ermi sa telepono ay ang sinabi ni Conchita na sana ay
mamatay na siya.
Ang sunod niyang ginantihan ay si
Joselito. Bagaman bi-sekswal, mas malakas ang atraksyon nito sa mga kabataang
lalake. Nagpatulong si Ermi kay Didi na makahanap ng isang kolboy na may
malakas na pangangatawan. Binayaran niya ito ng malaki upang magsagawa ng
sadistang pakikipagtalik kay Joselito. Sa araw ng pagtatalik, labis ang gulpi
na inabot nito sa kabataang lalake. Sa tulong ni Eduardo Dantes ay nakuhanan ng
larawan ang mismong pangyayari, na agad na naipakalat sa maraming pahayagan.
Kinailangan siyang dalhin sa ospital, kung saan siya nagtagal dahil sa
matinding bugbog na kanyang inabot sa kanyang katalik. Labis ang kahihiyang
inabot niya sa sirkulo ng mga negosyante dahil itinatago niya ang kanyang tunay
na kasarian.
Sa ganang kay Fely naman, ginamit
ni Ermi ang kanyang relasyon sa isang mamamahayag na nagngangalang Palso
Perrera. Nagsulat si Perrera ng mga artikulo ukol sa samu’t saring lihim na
pakikipagtalik ni Fely sa iba’t ibang pamilyadong lalake, sa kabila ng dalisay
na pampublikong imahe niya. Ngunit mas matindi pa sa mga ito ang ginawa ni Ermi
sa mga Rojo noong maibaba na ang Batas Militar. Gumawa siya ng kwento na
sinisiraan nina Joselito at Fely sa publiko si Marcos, na maituturing na krimen
noong panahong iyon. Isinumbong niya ito kay Heneral Bombilla na agad na
naniwala dahil alam talaga ng marami na hindi gusto ng mga Rojo si Marcos. Hinimok
ni Ermi si Heneral Bombilla na gumawa ng paraan upang makamkam ng pamahalaan
ang mga hasyenda ng mga Rojo sa Nueva Ecija at Negros, alinsunod sa selektibong
repormang agraryo na ipinataw ni Marcos. Ukol sa mga pag-aari ng mga Rojo sa
Maynila, sinabi ni Heneral Bombilla na patitirahin niya rito ang mga mahihirap
na sundalo bilang mga iskwater. Samantala, si Senador Andres Bravo naman – na
noon ay hinirang ni Marcos bilang tagapangulo ng Philippine Bank – ay nilapitan
ni Ermi, upang itanong kung posible ba na kamkamin ng bangko ang ilang mga
pag-aari ng mga Rojo dahil sa matagal nitong hindi pagbabayad ng tama sa mga
kautangan nila. Bilang kanang kamay ni Marcos ay sinigurado niya kay Ermi na
magagawa niya ito. Dahil sa mga ito ay labis na natapyasan ang yaman ng pamilya
Rojo, hanggang sa maapektuhan na nito ang kanyang mental na kalusugan.
Ngunit kalaunan ay napagod na si
Ermi sa kanyang paghihiganti at uri ng pamumuhay sa Maynila. Kahit hindi niya
mahal si Andrew “Andy” Meadows, isang Amerikanong negosyante, ay nagpasya
siyang magpakasal dito. Tumungo sila sa Estados Unidos para tuluyan nang iwan
ni Ermi ang kanyang lumang pamumuhay sa Pilipinas. Mula nang tumungo sila sa
Estados Unidos, hindi na muli pang nakipagtalik sa ibang lalake si Ermi. Gusto
niyang magtrabaho, ngunit sinabi ni Meadows na mas magiging makabuluhan ang
kanyang oras kung mag-aaral na lamang siya. Pumasok siya sa New York
University, kung saan kumuha siya ng mga kurso ukol sa antropolohiya. Ang
pinakatumatak sa kanyang guro rito ay si Propesor Hoffer, na nagpakadalubhasa
sa lipunan ng Timog Silangang Asya. Sa pamamagitan ng mga lektura ni Propesor
Hoffer, nabuksan ang diwa ni Ermi ukol sa reyalidad ng lipunang Pilipino. Tila
kabalintunaan ang sitwasyon niya, na kung kailan siya nalayo sa kanyang bayan
ay tsaka siya mas naliwanagan ukol sa tunay na kalagayan nito.
Isa pa sa nakapagpabukas ng kanyang
diwa ay ang balita ukol kay Lily. Si Lily ay anak ni Anita, isang babae sa
Camarin na kinupkop ni Ermi. Umibig si Anita sa isa niyang kostumer na kanyang
kinasama. Mabait ang lalake at ginagawa nito ang lahat ng paraan upang
matugunan ang pangangailangan ni Anita at Lily. Ngunit bigla na lamang itong
namatay, na naging sanhi ng labis na paghihirap nina Anita, hanggang sa umabot
ito sa pagpapalayas sa kanila sa kanilang tinitirhan. Naawa si Ermi sa mag-ina
kaya pinatuloy niya ito sa kanyang tahanan sa Cubao. Noong nasa Pilipinas pa
siya, nagsusumbong si Anita kay Ermi dahil minsan ay labis na ginagabi si Lily
sa pag-uwi. Nag-aalala si Anita na baka may ginagawa na itong kalokohan. Labis
ang pangamba ni Anita dahil ayaw niyang matulad sa kanya ang kanyang anak, at
nais niyang magkaroon ito ng magandang buhay. Nang kausapin ni Ermi si Lily,
sinabi nitong hindi siya sumasama sa kung sino-sinong lalake, at sinisikap
niyang mag-aral nang mabuti dahil mahal niya ang kanyang ina. Dagdag pa niya,
hindi niya lamang sinasabi sa kanyang ina ang dahilan ng kanyang pag-uwi ng
gabi dahil alam niyang ‘di ito mauunawaan ng kanyang ina. Nagtapat siya na ang dahilan
nito ay ang pagsama niya sa mga kilos-protesta. Nagtaka si Ermi kung bakit
sumasali rito si Lily gayong komportable naman ang buhay nito sa kanilang
tahanan sa Cubao. Sumagot si Lily na malaki ang utang na loob niya kay Ermi
dahil ito ang dahilan kung bakit maginhawa ang kanyang buhay. Subalit hindi
lahat ng kabataan ay may tita Ermi na handang tumulong, marami sa kanila ay
sadlak sa matinding pagdarahop dahil sa ‘di-makatarungang sistema ng lipunan.
Sa halip na pagalitan si Lily, nakadama siya ng labis na paghanga rito.
Noong nasa Estados Unidos na siya,
tumawag sa kanya si Anita habang umiiyak. Sinabi niyang bigla na lamang nawala
si Lily at nag-iwan ng isang liham. Sa liham ay humihingi ito ng tawad sa
kanya, sinasabing mahal niya siya, at hinihiling na sa hinaharap ay maunawaan
nawa siya ng kanyang ina. Nang tanungin ni Anita kay Ermi kung ano ba ang
kulang sa kanya bilang ina at nagawa itong gawin ni Lily, tumugon si Ermi na
walang mali kay Anita o kay Lily man. Kung tutuusin, katapangan pa nga ang
ginawa ni Lily, dahil nagawa nitong suungin ang isang bagay na disin sanay
ginawa rin niya dati kung hindi lamang siya nalihis ng landas. Sa halip na
labanan ang sistema, napabilang si Ermi sa mga makapangyarihan, mga
negosyante’t pulitiko na kanyang nakakasama sa Camarin at nakakatalik.
Kalaunan, sinubukan niyang magtanung-tanong upang malaman ang kalagayan ni
Lily. Tumawag siya kay Heneral Bombilla upang makasagap ng balita, na kanyang
labis na ikinagitla – nahuli si Lily sa Davao at napatay siya. Sa kabila ng
kaalamang ito, itinago niya ang katotohanan kay Anita dahil alam niyang
mawawalan ito ng dahilan upang mabuhay. Nadagdagan pa ang kanyang hinagpis ng
malaman niya na nagpakamatay si Roly. Noong una ay iniisip niyang siya ang
dahilan ng pagpapakamatay nito, ang pagtanggi niya sa alok na magpakasal dito,
at ang tuluyan niyang pag-alis sa Maynila kasama si Andy. Ngunit kalaunan ay
naging malinaw sa kanya na ang ginawa ni Roly ay isang anyo ng pagtubos sa
sarili, mula sa pagpapagamit niya sa mga makapangyarihan.
Ang mga pangyayaring ito ay
nagtulak kay Ermi upang pagmuni-munihan ang kanyang buhay. Napagtanto niyang
hindi siya masaya sa Estados Unidos, sa kabila ng pagmamahal at kabutihan sa
kanya ni Andy. Nagpasya siyang makipaghiwalay kay Andy, na maginoong tinanggap
ng Amerikano, at pagkatapos nito ay umuwi na siya sa Pilipinas. Bumalik siya sa
Maynila – ang kinasusuklaman niyang lugar dahil sa mapapait na alaala ng
kanyang nakaraan, ang siyudad na puno ng korapsyon at inhustisya – sa
pagnanasang maghanap ng kabuluhan ng kanyang buhay.
Isa sa mga natatanging katangian ni
Sionil bilang nobelista ay ang kanyang husay sa integrasyon sa kanyang naratibo
ng krisis ng pag-iral ng indibiduwal sa isang banda (kabulugan ng buhay), at
istruktural na krisis ng Pilipinas bilang isang lipunan sa kabilang banda
(katarungang panlipunan). Ang pagniniig ng kabuluhan ng buhay at katarungang
panlipunan ay mapapansin ng mga mambabasa ni Sionil sa halos lahat ng kanyang
mga nobela. Imposibleng hindi maitulak ng mga nobela ni Sionil ang mga
mabusising mambabasa na tanungin ang sarili: ano ang kabuluhan ng aking buhay,
at ano ang kaugnayan ng buhay na ito sa suliranin ng aking bayan? Ang makulay
na integrasyon ng dalawang ito ay litaw na litaw sa tema ng pagpuputa sa Ermita. Ang pagpuputa ni Ermita Rojo, na
isang literal na pagpuputa, ay isang instrumentong literaryo na kinasangkapan
ni Sionil bilang simbolismo sa isang mas malawak at metaporikal na pagpuputa sa
konteksto ng lipunang Pilipino.
Ang unang tuwirang pagtalakay sa
usapin ng pagpuputa ay matatagpuan sa bahagi ng aklat kung saan nagbibigay ng
lektura ang guro nila sa panitikan sa Assumption na si Binibining Simplicia
Honorato ukol sa paksang ito (p.75-81). Ani ni Binibining Honorato, ang
pagpuputa bilang pagbebenta ng katawan ng babae ay hindi masama sa sarili nito,
yamang pagmamay-ari ng babae ang sarili niyang katawan. Pagkatapos nito ay
inilahad niya ang para sa kanya’y tunay na kahulugan ng pagpuputa:
If
prostitution is going to be defined, it means doing something for a fee but
without any conviction or belief. (p.79)
Sa ganang ito, ang tunay na
pagpuputa ay lagpas sa tradisyunal na pagpapakahulugan sa pagpuputa, na
limitado lamang sa mga babaeng nagbebenta ng sekswal na aliw. Bagaman ang
tradisyunal na pagpuputa ay maaari ring humantong sa tunay na pagpuputa,
malawak itong tumutukoy sa anumang gawain na ginagawa natin kapalit ng salapi
ngunit hindi natin pinaglalaanan ng anumang prinsipyo o paninindigan. Makalipas
ang ilang talata ay tuwiran nang tinukoy ni Binibining Honorato kung sino
talaga ang tunay na puta – ang mga taong nagbabalat-kayong kagalang-galang sa
lipunan tulad ng mga negosyante, pulitiko, mamamahayag, at pati na mga
akademiko (p.80). Isa sa halimbawa ng mga akademikong ito na nagpuputa ay si
Roly Cruz, na may doktorado sa kasaysayan. Esensyal ang papel na ginagampanan
ni Roly sa nobela. Sa katunayan, nagsimula ang nobela sa kwento ng buhay ni
Roly noong estudyante pa lamang siya sa Unibersidad ng Pilipinas, at nagtapos
naman ang nobela sa isang liham na isinulat niya para kay Ermi. Abogasya talaga
ang nais niya noong kunin sa UP, ngunit napadpad siya sa kasaysayan dahil sa
pagkahumaling niya sa mga makabayang lektura ni Propesor Alvarez, ang kanyang
guro sa kasaysayan.
Noong una ay malinaw ang pananaw ni
Roly ukol sa kanyang gampanin bilang Pilipino. Lumaban siya sa mga Hapon bilang
gerilya noong panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Matapos ang digmaan ay
nag-aral siya ng doktorado sa kasaysayan sa Yale University, digri na ginamit
niya upang matupad ang pangarap na maging propesor sa UP. Ngunit nababahala
siya sa kanyang maliit na sweldo mula sa pagiging guro, na hindi makapagbibigay
sa kanyang pamilya ng maalwang pamumuhay. Ito ang naging sanhi ng pagbibitiw
niya sa UP at pagtatatag niya kalaunan ng Media Consultants. Isa itong
organisasyon na lumilikom ng impormasyon para sa mga negosyanteng nais
mamuhunan sa bansa – tulad ng kung ano ang mga proseso upang makaiwas sa
pagbabayad ng buwis, saang industriya pinakakikita, at sinong mga
makapangyarihang pulitiko ang kailangang ligawan upang maging kapanalig. Sa una
ay tila mauunawaan ang pagbibitiw niya sa pagtuturo at paglipat ng larangan.
Tunay naman talagang mababa ang sweldo sa pagtuturo, at likas ang pagnanasa ng
mga tao na magkaroon ng mas maayos na sweldo para sa kanilang pamilya.
Gayunpaman, sa punto-de-bista ng nasyonalismo ay hindi mabibigyang katwiran ang
ginawa ni Roly – ginamit niya ang kanyang talino upang ibenta ang kanyang bayan
sa mga banyagang kapitalista, at nakinabang din dito ang mga makapangyarihang
Pilipino. Nagkaroon nga siya at ang kanyang pamilya ng magandang buhay, ngunit
ang naging kapalit nito ay ang pagiging kasangkapan niya upang panatilihin ang
isang mapang-abusong sistema.
Kung tutuusin ay napakalinaw ang
paralelismo ni Roly kay Tony, ang protagonista sa naunang nobelang isinulat ni
Sionil – ang The Pretenders (na
isinulat niya noong 1962, mas maaga ng dalawang dekada at kalahati sa
pagkakasulat ng Ermita). Parehong
laki sa hirap si Roly at Tony. Kapwa nag-aral ng doktorado sa kasaysayan sa
Estados Unidos ang dalawa, bago sila bumalik sa UP upang maging propesor.
Pareho rin silang nagbitiw sa UP at lumipat sa isang kumpanyang naglilingkod sa
mga oligarkong kapitalista. Pareho silang nakaranas ng krisis ng pag-iral dahil
sa pagkakaipit nila sa pagitan ng pagkamakabayan sa nakaraan, at pagpapagamit
sa mga elit sa kasalukuyan. Pareho silang nabigo sa pag-ibig (nakipagtalik sa
ibang lalake ang asawa ni Tony na si Carmen, habang bigo naman si Roly na
mapangasawa si Ermi). Sa dulo ng nobela ay pareho silang nagpakamatay. Sa unang
sulyap ay tila babae ang dahilan ng kanilang pagpapakamatay, pero kalaunan ay
mapagtatanto na ginawa nila ito bilang huling paraan ng pagtubos sa sarili mula
sa korapsyon na idinulot sa kanila ng pagpapagamit sa mga elit.
Ngunit mas malinaw ang tema ng
pagpuputa sa Ermita kaysa sa The Pretenders, dahil sa katauhan ni
Ermi. Sa pamamagitan ng pagpili sa isang literal na puta bilang protagonista ay
mas naisakatuparan ni Sionil ang pagdidiskurso sa paksa ng metaporikal na
pagpuputa. Narito ang isang babae na hindi lamang isang literal na puta kundi
isa ring metaporikal na puta. Malinaw din ang pagkakatulad nilang dalawa ni
Roly. Pareho silang laki sa hirap, at sumuong sa pagpuputa para sa isang mas
maginhawang buhay. Ngunit dumating sila sa punto na nagpuputa na sila, hindi
bilang pagtugon sa biolohikal na pangangailangan, kundi dahil na sa pagnanasa
na magkamal nang magkamal ng mas malaking yaman at lumawak ang kapangyarihang
pulitikal. Kahit na noong sapat na ang kanyang nakuhang salapi mula sa Camarin
ay ipinagpatuloy pa rin ni Ermi ang pagpuputa, na ugat ng dalamhating
naramdaman nina Roly at Mac. Sa pamamagitan ng pagpapatuloy sa literal na
pagpuputa ay nahulog si Ermi sa metaporikal na pagpuputa. Kalaunan ay naging
katulad na rin siya nina Bravos, Dantes, Bombilla, at iba pang elit na ang nais
lamang ay kapangyarihan at walang pakialam sa mga naghihirap nilang kababayan.
Sa pagbabasa ng mga nobela ni
Sionil, mapapansin na isa pang katangian niya ay ang magkaibang paraan ng
presentasyon niya sa mga suliraning panlipunan ng Pilipinas sa isang banda, at
ang lunas sa mga ito sa kabilang banda. Kadalasang malinaw, organisado at
tuwiran ang pagpinta ni Sionil sa mga suliraning panlipunan ng Pilipinas bilang
nobelista (hal. pakikipagsabwatan ng mga elit sa mga banyaga, maikling
pangkasaysayang memorya ng mga Pilipino, at ang pagkukunwaring nasyonalista ng
mga pinuno ng bansa). Ngunit pagdating sa pagbibigay ng lunas sa suliranin ay
banayad, manaka-naka at ‘di-tuwiran ang preskripsyon ni Sionil. Ang lunas na
ipinipinta ni Sionil sa Ermita ay mas
mauunawaan kung babasahin ito katabi ng dalawa pang nobela ni Sionil – ang The Pretenders at Mass.
Sa aking palagay, si Lily bilang
kasalungat (antithesis) nina Ermi at
Roly ang preskripsyon ni Sionil sa suliranin ng pagpuputa sa Ermita, kung paanong si Pepe ng Mass bilang kasalungat ni Tony ang
preskripsyon sa suliranin ng The
Pretenders. Si Jose “Pepe” Samson ay anak ni Tony. Ngunit kaiba sa kanyang
ama, sinikap ni Jose na umiwas sa pagpapagamit sa mga elit. Kung ang lunas ni
Tony sa suliranin ay pagpapakamatay, ang lunas ni Pepe ay aktibong pakikilahok
sa mga panlipunang pagkilos kasama ng mga kapwa niya progresibong kabataan
(tulad ng pagsusulat, kilos-protesta at community
organizing). Gayundin, kaiba ni Roly na nagpakamatay at ni Ermi na nasa
proseso pa rin ng paghahanap sa sarili, ang tuwirang pakikisangkot sa mga
mapagpalayang pagkilos ang nakita ni Lily na sagot sa suliranin. Ang pakikibaka
ni Lily at Pepe ay parehong naganap sa kasagsagan ng Batas Militar. Pareho rin
silang mula sa pakikibaka sa lansangan ay tumungo sa kabundukan (sa dulo ng Mass ay bumalik si Pepe sa Pangasinan
upang lumahok sa armadong pakikipaglaban). Sa katunayan, ang mga magigiting na
karakter ni Sionil sa kanyang mga nobela ay laging humahantong sa armadong
pakikipaglaban (tulad ni Istak ng Poon at Victor ng My Brother, My Executioner). Gayunman, hindi lamang ang armadong
pakikibaka tulad ng ginawa ni Lily ang laman ng mga preskripsyon ni Sionil sa
kanyang mga nobela. Tulad ng nabanggit na sa kaso ni Pepe, nariyan ang iba pang
pamamaraan tulad ng aktibong pakikilahok ng mga kabataan sa gawain ng
pagmumulat sa pamamagitan ng pagsusulat, ang aktibismo sa lansangan, at pagbuo ng
mga proyektong pangkabuhayan sa mga komunidad.
Ang Ermita ay isang babala sa mga akademiko at iba pang gitnang uri
ukol sa malakas na tuksong bitbit ng mga makapangyarihan – ang ginhawang
kapalit ng pagiging kanilang kasangkapan. Naipakita nitong ang kadalisayan ng
mga kabataang may pagpapahalaga sa nasyonalismo – tulad ni Roly – ay hindi
ligtas sa tukso ng pagpuputa. At ang paglaban sa tunay na uri ng pagpuputa ay
nangangailangan ng katapangan, kahandaang ialay ang komportableng pamumuhay, at
minsan ay higit pa rito – maging ang mismong buhay, sa pamamaraan man ni Roly o
pamamaraan ni Lily.
No comments:
Post a Comment