Wednesday, June 23, 2021

Rebyu #49 -- In Defense of Anthropology: An Investigation of the Critique of Anthropology by Herbert Lewis

Lewis, Herbert S. In Defense of Anthropology: An Investigation of the Critique of Anthropology. New Jersey: Transaction Publishers, 2014.

                                                                                                                               

I am advocating an anthropology that need not be burdened with the sense of guilt that has been laid upon it by a generation thirty years ago that had its own issues and burdens. I would like to see a renewed anthropology that is not based on the assumption that all systems and all human behavior is based on domination and inequality…[1]


Para sa marami sa ating nasa larangan ng agham panlipunan sa Pilipinas, isa nang pangkaraniwang bagay ang paniniwalang ginamit ng Kanluran ang disiplina ng antropolohiya upang bigyang-katwiran ang lohika ng kolonyalismo. Sa pamamagitan ng antropolohiya, nilikha nila ang imahe ng mga ‘di-Kanluraning “katutubo” (sa Aprika man, Asya o Timog Amerika) bilang mga primitibong tao na nagtataglay ng atrasadong kultura. Taliwas sa kanila, ang mga Europeo’t Amerikano ang tagapaglulan ng pinakamaunlad na sibilisasyon ng sangkatauhan, kaya naman sila ay may pananagutan na akayin ang mga ‘di-Kanluranin tungo sa daan ng modernisasyon. Sa ganang ito, ang antropolohiya ay isang instrumentong kinakasangkapan ng mga makapangyarihan upang apihin ang mga marhinalisado.

 

Bagaman tila unibersal na paniniwala na ito, mayroong ilang tinig na kumukwestiyon sa katotohanan nito. Isa sa mangilan-ngilang tinig na ito ay ang Amerikanong antropolohistang si Herbert Lewis. Para sa kanya, ang paniniwalang ito ay nagsimula lamang umusbong dahil sa samu’t saring pangyayaring pampulitika at panlipunan noong 1960s, na nagbunsod ng isang kritikal na pananaw sa antropolohiya bilang isang larangan. Ang kritikal na pananaw na ito ay nagdulot sa mga Amerikanong antropolohista na pagdudahan ang kanilang sariling larangan, idistansya ang kanilang sarili sa mga akda ng naunang henerasyon ng mga antropolohista, at magkaroon ng negatibong persepsyon sa mismong gawain ng pag-eetnograpiya lalo na kung ang pinag-aaralan ay isang ‘di-Kanluraning komunidad. Naniniwala si Lewis na nakahahadlang ito sa disiplinal na paglago ng antropolohiya. Ngunit liban pa sa negatibong epekto nito, para kay Lewis ay dapat na tugunan ang kritikal na perspektibang ito dahil hindi ito suportado ng mga datos. Aniya, karamihan sa mga pumupuna sa antropolohiya bilang instrumento ng kolonyalismo ay hindi nagbibigay ng aktuwal na mga ebidensya mula sa mga akda mismo ng mga sinaunang antropolohistang Kanluranin na kanilang pinaparatangan. Sa halip, ang mga kritiko ay nagsusulat lamang ng mga mapanglahat at popular na mga akusasyon, at binabalutan ang mga ito ng nakapanggigilalas na mga teorya kaya naman nagtutunog-dalubhasa ang kanilang mga pahayag.

 

Tugon sa mga kritiko ng antropolohiya (partiklular na ng Amerikanong antropolohiya) ang akda ni Lewis na In Defense of Anthropology: An Investigation of the Critique of Anthropology. Binubuo ito ng siyam na sanaysay na una nang nailimbag ng may-akda sa iba’t ibang dyornal at antolohiya sa loob ng dalawang dekada. Sumasalamin ito sa umiigting na pagkabahala ng nakatatandang Amerikanong antropolohista sa direksyon ng kanyang disiplina, bunga ng mga kritika na nagmumula sa nakababatang henerasyon ng mga Amerikanong antropolohista, at gayundin ng mga akademiko ng ibang larangan.

 

Nahahati ang rebyu sa dalawang bahagi: 1. Maikling Pagbubuod, at 2. Ilang Komendasyon at Kritisismo.

 

MAIKLING PAGBUBUOD

 

Sa unang kabanata, “The Misrepresentation of Anthropology and Its Consequence”, inisa-isa ni Lewis ang tatlong pangunahing akusasyon ng mga kritiko sa antropolohiya. Una, ino-“orientalisa” ng mga antropolohista ang mga komunidad na kanilang pinag-aaralan. Kadalasang nakatuon ang mga antropologo sa pag-aaral ng mga ‘di-Kanluraning kalinangan, na lagi nilang itinuturing na “Iba” sa kanila. Kailangan umano nilang humanap ng mga komunidad na iba sa kanila, upang mapatunayan ang superyoridad ng kanilang Kanluraning kalinangan. Ang pagiging “Iba” rin ng mga komunidad na kanilang pinag-aaralan ang magbibigay-katwiran sa kanilang pananakop sa mga ito. Ikalawa, ipinipinta ng antropolohiya ang mga ‘di-Kanluraning kalinangan bilang atrasado sa progreso ng kasaysayan, na hindi sila ka-kontemporaryo ng maunlad na Kanluran. Ikatlo, nagsasagawa ang mga antropolohista ng esensyalisasyon sa kalinangan ng mga taong kanilang pinag-aaralan – itinuturing nila ang kalinangan ng mga ito na istatiko o hindi nagbabago, at hindi pinapansin ang mga panlabas na impluwensya rito, upang lalo pa nilang mapanatili ang primitibong imahe ng mga ito.

 

Ang mga bintang na ito sa antropolohiya ay nagsimulang lumitaw dahil sa mga kritikal na pangyayaring naganap noong 1960s, na nagdulot ng matinding pagbabago sa disiplina ng antropolohiya. Ang pagbakas sa pagbabagong ito sa daloy ng disiplinal na kasaysayan ng antropolohiya sa Estados Unidos ang paksa ng ikalawa (“The Radical Transformation of Anthropology: History Seen through the Annual Meetings of the AAA. 1955-2005”) at ikatlong kabanata (“Anthropology Then and Now”) ng aklat. Bago ang pag-usbong ng “bagong antropolohiya” noong 1960s, ang nangingibabaw na uri ng antropolohiya sa Estados Unidos ay ang pinasimulan na tradisyon ni Franz Boas, ang itinuturing na ama ng Amerikanong antropolohiya. Kinakarakterisa ang antropolohiyang ito ng pagiging positibista at siyentipiko. Pinapaniwalaan ng mga sinaunang antropolohista na mahalaga ang kumparatibong pag-aaral sa iba’t ibang kalinangan dahil daan ito tungo sa unibersal na pag-unawa sa kalikasan at kaugalian ng tao. Sa ganang ito, mataas ang turing ng mga antropolohista sa gawain ng etnograpiya. Wala silang nararamdamang pagkabagabag kapag pinag-aaralan nila ang kalinangan ng mga ‘di-Kanluraning komunidad. Hindi nila naiisip na baka napagsasamantalahan nila ang mga katutubo sa kanilang pag-eetnograpiya. Bukod sa kinawiwilihan nila ang ginagawa nilang pag-aaral, naniniwala rin sila na ang pagtatalang ginagawa nila sa kalinangan ng mga taong ito ay makatutulong sa preserbasyon ng alaala ukol sa kanilang uri ng pamumuhay, na mapakikinabangan ng mga susunod na henerasyon ng komunidad na kanilang pinag-aaralan. Kaya iniisip nila na liban sa pag-aambag sa unibersal na pag-unawa sa tao, makatutulong din ang ginagawa nila sa pagpapabuti ng pamumuhay ng kanilang pinag-aaralan.    

 

Ngunit nagbago ang lahat ng ito sa pag-usbong ng bagong antropolohiya. Tulad ng nabanggit na, bunga ito ng samu’t saring kaganapan noong 1960s na nagkaroon ng malaking epekto sa kamalayan ng mga Amerikano. Ilan na rito ay ang panghihimasok ng Estados Unidos sa digmaan sa Vietnam, tunggaliang Cold War sa pagitan ng mga Amerikano at Ruso, at pagsulpot ng mga kilusan sa kanilang bansa na nagsusulong sa karapatan ng mga kababaihan, at ng mga Aprikano-Amerikano. Sinabayan pa ito ng popularisasyon sa Estados Unidos ng mga radikal na ideolohiyang galing sa Europa tulad ng Marxismo, postmodernismo, post-istrukturalismo, at postkolonyalismo. Nagsimulang maging patok sa mga akademiko ang impluwensya nina Nietzsche, Foucault, Heidegger, Marx, Barth, Derrida, Said, at marami pang ibang palaisip na batayan ng umuusbong na larangang tinatawag na “cultural studies” at “critical studies.” Ang lahat ng ito ay nagbigay-daan sa paghulma ng isang buong henerasyon ng mga radikal na estudyanteng Amerikano na sensitibo sa anumang bagay na para sa kanila ay may bahid ng dominasyon, pang-aapi, at pananamantala. Naging sentral sa kanilang kamalayan ang konsepto ng kapangyarihan, at naniniwala silang dapat nilang ipaglaban ang anumang pangkat na inaapi, ito man ay ang dating kolonya sa Ikatlong Daigdig, mga katutubong Indiano sa Estados Unidos, mga Aprikano-Amerikano, mga kababaihan, o mga manggagawa.

 

Ang tahasang transpormasyon ng kamalayan ng mga estudyante ay nagkaroon ng tuwirang epekto sa disiplina ng antropolohiya, yamang marami sa mga estudyante at nakababatang mga guro ng antropolohiya ang naging radikal. Sa kumperensya ng American Anthropological Association noong 1967, nagbahagi ng panayam si Kathleen Gough kung saan ipinahayag niya ang kauna-unahang deklarasyon na ang antropolohiya ay “anak ng imperyalismo.”[2] Mula noon ay naging popular na sa hanay ng mga antropolohista ang paniniwala na ang kanilang disiplina ay kinasangkapan ng kapitalistang Estados Unidos sa pananamantala sa mga mahihirap na bansa. Nagkaroon sila ng pagdududa sa mismong gawain ng pag-eetnograpiya, na itinuturing na instrumento para sa pag-orientalisa sa kalinangan ng mga ‘di-Kanluraning lipunan. Dumagsa rin ang pagbatikos nila sa mga naunang antropolohista, na sa persepsyon nila ay kinasangkapan ng imperyalismong Amerikano. Ani ni Lewis, makikita sa mga akda ng mga antropolohista ang malawak na bisa ng 1960s – tumaas ang porsyento ng paggamit nila ng mga magtataasang mga teorya, habang bumaba naman ang pagsipi nila ng mga etnograpikal na datos. Mas nawili na sila sa pagsipi sa teoryang literaryo at kritikal mula sa Europa (na hinubog ng reyalidad ng lipunang Europeo), kaysa sa paggamit ng mga etnograpikal na akdang sinulat ng mga ninuno nilang Amerikanong antropolohista.

 

Labis itong ikinakabahala ni Lewis. Para sa kanya, unti-unting naaagaw ng critical and cultural studies ang atensyon ng mga antropolohista mula sa mismong pag-aaral ng kanilang disiplina. Nawawalan din sila ng tiwala sa halaga ng sarili nilang disiplina dahil sa popularisasyon ng mga kritika laban dito. Ang labis na pagdududa sa mga naunang antropolohista ay nagtanggal din ng oportunidad sa mga kontemporaryong antropolohista na makinabang sa mga datos, metodolohiya, pananaw, at mga ideyang ibinunga ng pananaliksik ng mga nauna sa kanila sa larangan.

 

Kaya naman, upang maibalik ang tiwala ng mga antropolohista sa kanilang larangan, isinulat ni Lewis ang kabanata 5 ng aklat na may titulong “Was Anthropology the Child, the Tool, or the Handmaiden of Colonialism?” Tinangka rito ng may-akda na pabulaanan ang paratang na kinasangkapan ng Kanluraning kolonyalismo ang disiplinang antropolohiya para sa layunin nito. Aniya, mula sa pormal na pagkabuo ng propesyunal na disiplina ng antropolohiya noong 1896 – sa pamamagitan ng pagtatag ni Franz Boaz sa Unibersidad ng Columbia ng kauna-unahang departamento ng antropolohiya – hanggang noong 1940s, nakatuon lamang ang mga Amerikanong antropolohista sa pag-aaral ng mga komunidad sa loob ng Estados Unidos, partikular na sa mga Amerikanong Indiano at mga Aprikano-Amerikano. Iilan lamang ang mga antropologong tumungo sa kolonya upang mag-etnograpiya. Halimbawa, sa maagang yugto ng kolonyalismo sa Pilipinas, apat na propesyonal na antropologong Amerikano lamang ang tumungo rito – sina William Jones, Laura Benedict, Fray-Cooper Cole, at Roy Barton (at lahat sila ay hindi nagtrabaho sa ilalim ng pamahalaang kolonyal).[3]

 

Bagaman nakatanggap din ng tulong-pinansyal si Boas at ang kanyang mga estudyante mula sa pamahalaan, napakaliit lamang lagi ang ibinibigay sa kanila, at ang mayorya ng pondo nila ay hinihingi ni Boas mula sa mga pribadong institusyon. Ang mga kritiko ng mga sinaunang Amerikanong antropolohista ay dapat din daw alalahanin na si Boas mismo at ang kanyang mga estudyante ay nagsulat ng mga akda upang labanan ang rasismo. May mga pagkakataon pa nga na nakakairingan nina Boas ang mga awtoridad – may ilang mga polisiya ang pamahalaan na tinutuligsa nila dahil sa paniniwalang makakasama ito sa pamumuhay ng mga Amerikanong Indiano at Aprikano-Amerikanong kanilang pinag-aaralan.

 

Nang magsimulang dumami ang bilang ng mga Amerikanong antropologo na nag-eetnograpiya sa iba’t ibang panig ng daigdig matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, patapos na ang panahon ng kolonyalismo dahil unti-unti nang nakakalaya ang mga dating kolonya. Kaya, tanong ni Lewis, paano nangyaring nakasangkapan ng kolonyalismo ang antropolohiya? Maging ang antropolohiyang Briton ay ipinagtanggol din ni Lewis. Imposible rin daw na nagamit ng imperyalismong Briton ang antropolohiya. Daan-daang taon nang umiiral ang imperyalismong Briton, habang ang propesyunal na antropolohiya sa Britanya ay pormal lamang na naitatag noong 1920s, sa pamamagitan nina Bronislaw Malinowski at Alfred Reginald Radcliffe-Brown. Noong panahong maitatag ang antropolohiyang Briton, unti-unti nang bumabagsak ang imperyalismo ng Britanya.

 

Taliwas sa popular na paniniwala, marami sa mga antropolohistang Briton ay kailangan pang halos magmakaawa sa mga awtoridad upang bigyan sila ng pondo. Kailangan pa nilang pangatwiranan ang saysay ng kanilang ginagawa para sa kapakanan ng pamahalaan, yamang marami sa mga pulitiko ang naniniwalang walang praktikal na mapapakinabangan mula sa teoretikal at esoterikong mga paksang pinag-aaralan ng mga antropolohista. Kung makatanggap man ng pondo mula sa pamahalaan, napakaliit ng koneksyon ng mga pinag-aaralan ng mga antropolohista sa paggawa ng polisiya ng pamahalaang kolonyal. Sa katunayan, may mga antropolohistang Briton na Marxista at nagsusulat laban sa imperyalismo. May ilang mga akda ang mga antropolohistang Briton na nagamit ng mga katutubo upang pag-alabin ang kanilang kilusang nasyonalista. May ilan pa nga sa kanila na naniniwalang ang kanilang ginagawang pag-aaral sa mga kolonya ay makatutulong para sa pagpapabilis ng paglaya ng mga ito.

 

Kadalasan sa mga akusasyon na ibinabato ng mga kritiko laban sa antropolohiya ay mapanglahat, puno ng kumplikadong mga teorya mula sa cultural and critical studies, ngunit salat sa ebidensya mula sa aktuwal na akda ng mga Amerikanong antropolohista. Kapag siniyasat ang mismong akda na mga ito, mapagtatanto na maging ang ilang sinaunang Amerikanong antropolohista ay taliwas din sa rasismo, kolonyalismo, seksismo, kapitalismo, at iba pang uri ng mapang-aping sistema. At dahil walang makitang ebidensya ang mga kritiko mula sa aktuwal na akda ng mga propesyunal na antropolohista, isinisisi nila sa mga antropolohistang Amerikano maging ang mga etnograpiya na isinulat ng iba’t ibang tao bago ang mismong kapanganakan ng propesyunal na antropolohiya, tulad ng etnograpikal na tala ng mga manlalakbay, misyonero, opisyal ng pamahalaan, at mga akademikong kabilang sa ibang larangan ngunit may interes sa kalinangan ng mga katutubo. Yamang ang mga rasistang etnograpiyang ito ay may pagkakatulad sa modernong etnograpiya na isinasagawa ng mga antropolohista, ang mga etnograpikal na akdang ito ay maituturing na ninuno ng propesyunal na antropolohiya.

 

Ganito ang tindig ng ilang kritiko, tulad ng mga kontribyutor ng akdang Colonial Subjects: Essays on the Practical History of Anthropology na pinatnugutan nina Peter Pels at Oscar Salemink. Nagsagawa ng kritisismo si Lewis na aklat na ito, na siyang naging laman ng kanyang ikalimang kabanata, “Imagining Anthropology’s History.” Pinuna niya ang malabong kritisismo ng aklat sa antropolohiya na hiwalay mula sa disiplinal na kasaysayan nito. Puno ng mga teorya at teknikal na termino ang kanilang mga sanaysay, ngunit wala itong maayos na dokumentaryong pagsusuri sa mga aktuwal na ebidensya. Aniya, hindi malinaw na naipakita ng mga kontribyutor ang aktuwal na koneksyon ng mga sinaunang etnograpiya sa modernong akda ng mga propesyunal na antropolohista. Kung tutuusin pa nga raw, marami sa mga modernong antropolohista ang tumututol sa rasismong nilalaman ng mga sinaunang etnograpiya.

 

Sa mapanglahat na kritisismo ng mga kritiko laban sa antropolohiya, isa sa mga paborito nilang atakihin ay ang ama ng antropolohiyang Amerikano na si Franz Boas, yamang kinakatawan nito ang lumang antropolohiya. Bilang tugon ay nagsagawa si Lewis ng maikling intelektuwal na biograpiya ni Boas sa ikaanim (“The Passion of Franz Boas”) at ikapitong kabanata (“Franz Boas: Boon or Bane?”). Ipinakita ni Lewis na ‘di-makatwiran ang labis na panlalait na ginagawa ng mga kritiko kay Boas, dahil marami sa kanyang mga paniniwala at aksyon ay alinsunod sa prinsipyo ng katarungan. Naniniwala si Boas na ang pag-aaral ng antropolohiya ay makatutulong sa pagpapainam ng buhay ng sangkatauhan. Bago ang pagdating ni Boas sa eksenang intelektuwal ng Estados Unidos, laganap ang paniniwala sa siyentipikong rasismo at ebolusyonismong kultural. Alinsunod sa mga paniniwalang ito, nakabatay sa lahi ang kultura ng mga tao, at likas na mas maunlad ang ibang lahi kaysa sa ilang lahi. Nagsagawa si Boas ng mga pag-aaral na kumukwestiyon sa konsepto ng lahi. Bagaman hindi niya pinapabulaanan ang epekto ng heredity sa mga tao, sinalungguhitan niyang mas malaki ang impluwensya ng kapaligiran, kaysa heredity, sa kultura.[4]

 

Sa pamamagitan ng kanyang mga pag-aaral ay unti-unting natanggal ang lahi sa larangan ng antropolohiya. Naging instrumental ito upang labanan ang rasismo sa Estados Unidos. Taliwas sa rasismo, ang mga pananaliksik ni Boas ang dahilan kung bakit lumaganap sa antropolohiya ang konsepto ng cultural relativism, na nagsasaad ng pagkakapantay-pantay ng lahat ng kultura. Naniniwala si Boas na dapat na igalang ang kalinangan ng mga komunidad na pinag-aaralan ng mga antropolohista. Madalas din niyang ipaalala na bawat kalinangan ay may panganib na magtaglay ng etnosentrismo, na ituring ang sariling kultura na mas mataas kaysa sa iba. Kung tutuusin, ang pag-aaral sa ibang kalinangan ang makatutulong sa mga tao, pati sa mga Amerikano, na malabanan ang sariling etnosentrismo. Para kay Boas, lalawak ang ating pananaw at makakaalpas tayo sa mga paniniwala ng sarili nating kalinangan kung matututo tayong makinig sa perspektiba ng ibang kalinangan.

 

Ipinakita ni Lewis na isinabuhay ni Boas ang kanyang mga paniniwala sa pamamagitan ng aksyon. Tinutulan ni Boas ang segregasyon ng mga lahi sa mga pampublikong lugar, gayundin ang polisiya na nagbabawal sa magkakaibang lahi na magpakasal. Liban sa pagkatawan sa kapakanan ng mga Amerikanong Indiano, ipinaglaban niya rin ang karapatan ng mga Aprikano-Amerikano. Sa katunayan isinalaysay ni Lewis na malaki ang naging impluwensya ni Boas kay W.E.B. DuBois, na isa sa mga dakilang Aprikano-Amerikanong palaisip. Ayon mismo kay DuBois, ang isang lektura ni Boas ang gumising sa kanyang kamalayan ukol sa kadakilaan ng kalinangang Aprikano.[5] Maging ang kapakanan ng mga imigrante mula sa Asya at Europa ay ipinaglaban din ni Boas kontra sa mga rasistang Amerikano (na marahil ay bunga ng pagiging imigranteng Hudio niya mula sa Alemanya). Nang sumiklab ang Unang Digmaang Pandaigdig, hayagang binatikos ni Boas ang pakikisangkot ng Estados Unidos sa digmaan, at ang sapilitan nilang pagpapadala ng mga sundalong Amerikano sa Europa (isinagawa niya ang pambabatikos na ito kahit na nagkaroon ito ng negatibong epekto sa kanyang personal na propesyon). Bagaman hindi siya Marxista, marami siyang pakikisangkot na isinagawa para magbigay ng suporta sa ipinaglalaban ng iba’t ibang maka-Kaliwang indibiduwal na kanyang kakilala. Sa mga huling taon ng kanyang buhay, pinuna rn niya ang rasismong ipinapalaganap sa Alemanya ng Nazi, gayundin ang pasismong kumakalat noon sa Europa. Ani ni Lewis, ang mga liberal na kaisipan ni Boas ay naging instrumental sa progresibong direksyon ng antropolohiya sa Estados Unidos bilang isang disiplina. Maging ang pagiging prominente ng mga kababaihan sa antropolohiyang Amerikano ay iniugat din ni Lewis kay Boas. Aniya, Sa humigit kumulang animnapung doktorado na sinanay ni Boas at ng kanyang mga estudyante sa Unibersidad ng Columbia, halos kalahati ay mga babae. Ipinakita ng may-akda ang mataas na pagtingin ni Boas sa intelektuwalidad ng mga babaeng antropolohista, at ang mga personal na tulong na ibinigay ni Boas para sa paglago ng kanilang karera.   

 

Samantala, liban sa pagiging kasabwat ng kolonyalismo, ipinipinta rin ng mga kritiko ang antropolohiya bilang instrumento ng kapitalismong Kanluranin. Ang paksang ito ang pinagtuunan ng pansin ni Lewis sa “American Anthropology and the Cold War” na ikawalong kabanata ng aklat. Ayon sa mga kritiko, noong kasagsagan ng Cold War, kinasangkapan ng kapitalistang Amerikano ang pananaliksik ng mga antropolohista upang labanan ang Marxismo. Anila, makikita ito sa pagtanggap ng mga antropolohista ng pondo mula sa mga pundasyong instrumento ng mga kapitalista tulad ng Ford, Rockefeller at Fulbright. Pinopondohan umano ng mga ito ang mga pananaliksik na makapagbibigay-katwiran sa lohika ng kapitalismo. Ganito ang nilalaman ng akdang A Social History of Anthropology ni Thomas Patterson, na nirebyu at pinuna ni Lewis sa kabanatang ito. Tumugon si Lewis kay Patterson na ilan sa mga tumanggap ng pondo mula sa mga nabanggit na pundasyon ay mga Marxista na nagsulat pa nga ng mga radikal na pananaliksik. Batay sa kanyang karanasan at ng iba pang kapwa niya antropolohista na nakatanggap din ng tulong-pinansyal mula sa mga ito, inilahad ni Lewis na limitado ang ginagawang pakikialam ng mga pundasyon sa direksyon ng kanilang pananaliksik. Aniya, ang pananagutan lamang nila ay mag-ulat ukol sa naging resulta ng kanilang pananaliksik, at banggitin ang pundasyon sa bahagi ng pasasalamat sa anumang akdang ililimbag nila mula sa pinondohang pananaliksik. Ngunit hindi nangingialam ang mga pundasyon sa kanilang metodolohiya at sa magiging direksyon ng kanilang pag-aaral. Hindi sila minamandohan ng mga ito na iangkop ang resulta ng kanilang pananaliksik sa interes ng kapitalismo. Dagdag pa niya, sa ilang taong nakalipas mula nang isinagawa niya ang kanyang pananaliksik sa Ethiopia na pinondohan ng isang pundasyon, hindi na siya muli pang kinontak ng pundasyon ukol sa kanyang pag-aaral. Wala rin siyang nakikitang kaugnayan ng kanyang pag-aaral sa anumang polisiya ng pundasyon para sa kapitalismong Amerikano.

 

Ang huling sanaysay sa aklat ay ang kabanata siyam na “Anthropology or Cultural and Critical Theory.” Sa hanay ng mga kritiko, ipinagdiriwang nila ang pagkatunaw ng hangganan na naghihiwalay sa mga akademikong disiplina. Para sa kanila, maituturing na tagumpay ang paglago ng cultural and critical studies na resulta ng pananaliksik mula sa iba’t ibang disiplina. Maging ang ilang mga antropolohista ay natutuwa na ang kanilang disiplina ay nilalamon na ng cultural and critical studies. Subalit naniniwala si Lewis na nananatili pa ring hiwalay ang antropolohiya sa cultural and critical studies, na kumakatawan ang mga ito sa dalawang magkaibang mundo. Upang ipakita na napapanatili pa rin ng antropolohiya ang sarili nito sa harap ng banta ng cultural and critical studies, nagsagawa si Lewis ng pagkukumpara sa pagitan ng dalawang akda – The Dictionary of Anthropology (TDA) ni Thomas Barfield at A Dictionary of Cultural and Critical Theory (DCC) ni Michael Payne. Mas maraming pangalan ng mga palaisip ang nakalista sa DCC kaysa sa TDA, na sumasalamin sa mas teoretikal na preokupasyon ng cultural and critical studies. Marami sa mga palaisip na nakalista sa DCC ay mula sa iba’t ibang larangan, partikular na sa panitikan at pilosopiya, habang marami sa TDA ay mga antropolohista. Kung ang TDA ay humuhugot ng maraming impormasyon mula sa samu’t saring etnograpiya ng mga Amerikanong antropolohista, ang DCC naman ay naglalaman ng mga teorya na karamihan ay mula sa Europa. Para sa may-akda, ang lahat ng mga pagkakaibang ito sa pagitan ng TDA at DCC ay isang patunay na dalawang magkaibang mundo pa rin ang antropolohiya at cultural and critical studies. Sa kabila ng pagkakaiba-iba ng opinyon at samu’t saring pagtatalo sa pagitan ng mga antropolohista, nananatili ang awtonomiya nito sa cultural and critical studies, sapagkat ang samu’t saring eskwela ng kaisipan sa antropolohiya ay pinag-uugnay ng iisang batayan – ang etnograpiya. 

 

ILANG KOMENDASYON AT KRITISISMO

 

Bagaman isinulat ng isang Amerikanong antropolohista upang ipagtanggol ang antropolohiyang Amerikano, sa aking palagay ay mayroong saysay ang akda ni Lewis sa kontekstong Pilipino. Binibigyan tayo nito ng oportunidad na makasulyap mula sa punto-de-bista ng mga taong madalas nating pinupuna, lalo na ang ilan sa ating kabilang sa nasyonalistang tradisyon ng akademya. Bahagi na ng opisyal na diskursong nasyonalista ang pagpuna sa mga antropolohistang Kanluranin bilang kasangkapan ng kolonyalismo. Sa ating persepsyon, sila’y mga rasista na kapanalig ng imperyalismo at kapitalismo, at isinagawa nila ang kanilang mga pag-aaral upang makapag-ambag sa banyagang dominasyon sa Pilipinas. Dahil sa alab ng ating damdaming makabayan, minsan ay naisasagawa rin natin sa mga Kanluranin ang mismong ginawa nila sa atin – kung paanong inorientalisa nila tayo bilang isang kalinangang primitibo at atrasado, inorientalisa rin natin ang buong larangan ng Kanluraning antropolohiya bilang isang makasalanang larangan na kasangkapan ng mga makapangyarihan.

 

Ang kabalintunaang ito na pinuna ni Lewis ay totoo kung minsan sa kontekstong Pilipino. Kadalasan ay tinatanggap na lamang natin at inuulit ang mga popular na kritisismo sa Kanluran ng mga nasyonalistang pantas na nauna sa atin, nang hindi nagtatangkang magsagawa ng dokumentasyon upang makalikom tayo ng ebidensya sa mga punang ibinabato natin sa mga Kanluranin. Sapat na kung minsan sa atin ang pagsipi sa mga puna ng mga tanyag na nasyonalistang Pilipino, sa halip na basahin mismo ang mga akdang isinulat ng mga banyagang tinutugunan natin. Ang kahalagahan ng empirikal na imbestigasyon ay isa sa mahahalagang aral na matututunan natin mula sa In Defense of Anthropology ni Lewis. Mahalaga ang pagpuna, at esensyal ito sa pagpapaunlad ng ating mga disiplina, ngunit marapat na makaalpas tayo sa retorikal na uri ng pagpuna na mapanglahat at hindi suportado ng mga aktuwal na datos.

 

Isa ang puntong ito sa pinupuna ng ilan sa mga nasyonalistang kilusan. Halimbawa, ayon kay Madelene Sta. Maria, kung nais ng Sikolohiyang Pilipino na umunlad, kailangan nitong makalagpas sa tendensyang makuntento sa mapanglahat ng mga pahayag at reaktibong polemiko sa Kanluran, at magsimulang magsagawa ng mga empirikal na pananaliksik na talagang susuri sa diwa ng mga Pilipino. Sinipi ni Lily Mendoza ang opinyon ni Sta. Maria at Zeus Salazar sa Sikolohiyang Pilipino at sinabing:

 

…well-meaning nationalist sentiments can, and should, never substitute for careful, clear-eyed analysis if Sikolohiyang Pilipino is to advance as a discipline and not just as a movement; otherwise, it would be nothing more than a case of “cultural romanticism or chauvinism.”[6]

 

Mahalaga ang ganitong empirikal na pananaliksik, upang hindi tayo mahulog sa tinukoy ni Lewis na panganib ng pag-orientalisa sa mga pinupuna nating Kanluranin.

 

Ang empirikal na diin ni Lewis sa kanyang aklat ay nagtuturo rin sa atin na mag-ingat sa panganib na dala ng labis na pagkahumaling sa pagteteorya. Isa sa mga kapuna-puna sa cultural and critical studies (CCS) para kay Lewis ay ang tendensya nitong malunod sa malalalim na teorya kapalit ng malinaw na presentasyon ng mga datos. Minamaliit ng ilang tagapagsulong ng CCS ang mga sinaunang antropolohista tulad ni Boas, dahil para sa kanila ay puro pagtatala lamang ang ginagawa nito. Totoong kailangan din ng pagteteorya at hindi sapat ang payak na pagtatala lamang ng mga datos, ngunit mapanganib din naman ang labis na pagteteorya at kawalan ng maayos na pagtatala ng datos. Sa pagsiyasat niya sa bibliograpiya ng mga kritiko ng antropolohiya, napansin niyang panay teoretikal na akda ng mga Europeong palaisip ang laman ng mga ito, at kakaunti na lamang ang mga batis na etnograpikal. Ito marahil ang makapagpapaliwanag kung bakit sa kanilang pagpuna sa antropolohiya, wala silang pagtatangka na sipiin mismo ang etnograpikal na akda ng mga antropolohista. Sapat na para sa kanila ang paglalaro sa mga malalalim na teorya. Mayroon itong panganib na lumutang sa alapaap ng mga teorya, na hindi nakabatay sa solidong lupa ng reyalidad. Para kay Lewis, pretensyoso na minsan ang mga antropolohistang nakakatig sa CCS at nahihilig sila sa “indigestible and often incomprehensible theoretical indulgence.”[7] Sa isang talahuli, ipinagtapat ni Lewis na hindi siya pamilyar sa kaisipan nina Kant at Zizek,[8] marahil ay upang ipagdiinan ang kaibahan niya sa mga kritikal na antropolohista.

 

Minsan ding pinuna ni Syed Alatas ang gantong tendensya ng ilang manunulat ng CCS. Ginamit na ehemplo ni Alatas ang isa sa mga paboritong basahin ng mga mahilig sa CCS, ang Marxistang Pranses na si Louis Althusser. Ani Alatas:

 

Irrelevance also connotes sophistry, perversion and mystification. Here, we speak of social science as irrelevant when it mystifies through the use of jargon and comes across as being sophisticated. Such social science is irrelevant in the sense that the use of such jargon and ‘obfuscating convolutions’, to borrow an expression from Andreski (1972: 82), do not add to knowledge. An example would be the work of Althusser on relative autonomy, which according to Kolakowski (1971: 120), is merely a repetition of Engel’s principle of relative autonomy of the superstructure with respect to the economic base, in ‘extremely pretentious language.’[9]

 

Batay dito ay makikita natin na liban sa pagiging pretensyoso, ang labis-labis na pagteteorya na katangian ng CCS ay maaaring humantong sa kawalang-saysay, lalo na kung naisasakripisyo nito ang maayos na dokumentasyon ng mga datos. Sa bahaging ito natin maipagmamapuri ang pagpapahalaga ni Lewis sa etnograpiya, na payak man na pagtatala ng mga datos ay nakabatay naman sa solidong lupa ng reyalidad.

 

Gayunpaman, sa kabila ng mga aral na ito mula sa akda ni Lewis, mayroon pa ring kailangang punahin dito. Tila may tendensya si Lewis na absolutong pawalaing-sala ang buong Kanluraning antropolohiya sa kanyang akda. Upang ihiwalay ang mga antropolohista mula sa imperyalismo at kapitalismo, labis niyang minaliit ang kapangyarihang taglay ng mga ito, at pinagmukha ang mga itong eksotikong mga nilalang na mahilig sa mga esoterikong mga paksa (at pawang akademiko ang kanilang motibasyon kaya naman nakahiwalay sila sa isyung pangkapangyarihan). Ipininta niya ang larawan ng mga antropolohista bilang mga abang siyentipiko na nanlilimos ng pondo at sumusulat ng mga pananaliksik na walang pulitikal na implikasyon. Halimbawa, ito ang isa sa mga pahayag ni Lewis na mababasa mula sa ikaapat na talababa ng unang kabanata:

 

Is it possible that Abu-Lughod, Escobar, and others believe that what anthropologists write in books (read by very few) and tell students (who may not remember very much) about various cultures has the power to produce actual differences and hierarchies of power among the peoples of the world?[10]

 

Maaaring hindi agad maging lantad ang epekto ng pananaliksik ng isa o ilang mga pantas sa pulitika, ngunit ang akumulasyon ng napakaraming magkakatulad na pananaliksik na ito sa daloy ng ilang taon ay hindi imposibleng magdulot ng epekto, gaano man kaliit, sa mga istrukturang panlipunan. Natutunan natin mula sa konsepto ng hegemonya na hindi biro ang kapangyarihang taglay ng mga akademiko. Hindi man agaran o tuwirang lumitaw ang kaugnayan ng kanilang mga pag-aaral sa paggawa ng mga polisiya, ang pananaliksik ng mga akademiko ay maaaring kolektibong makabuo ng isang uri ng tradisyong pangkaisipan sa akademya, na kalaunan ay makakaimpluwensya sa pananaw-pandaigdig ng isa o marami pang komunidad.

 

Isa pang maipagtataka sa akda ni Lewis ay kung bakit dalawang beses lamang niyang nabanggit ang Pilipinas sa buong aklat. Ang Pilipinas sana ang pinakamagandang gamiting kasong pag-aaral kung nakasangkapan ba talaga o hindi ng kolonyalismong Amerikano ang antropolohiya, yamang ang taon ng pagkasilang ng antropolohiya sa Estados Unidos (1896) ay napakalapit sa mga unang taon ng pananakop ng mga Amerikano sa Pilipinas. Ang unang pagbanggit niya sa Pilipinas ay noong sabihin niyang apat na antropologo lamang ang nagtungo rito sa mga unang taon, at pare-pareho ang mga ito na nagsagawa ng pribadong akademikong pag-aaral na hiwalay sa pamahalaang kolonyal.[11] Sa ikalawang pagbanggit niya sa Pilipinas, sinabi niyang tinutuligsa ni Boas ang pananakop dito at gayundin sa Latin Amerika.[12]

 

Alam ng mga akademiko sa Pilipinas ang naging bisa ng antropolohiya sa pagbibigay-lohika sa kolonyalismo. Isa sa madalas gamiting ehemplo ay ang mismong ama ng antropolohiya sa Pilipinas na si H. Otley Beyer, na isang Amerikano. Kilala si Beyer ng mga mag-aaral sa Pilipinas bilang lumikha ng teorya ng pandarayuhan, kung saan inilalahad na nabuo ang populasyon sa Pilipinas sa pamamagitan ng iba’t ibang bugso ng pandarayuhan ng mga tao mula sa labas tulad ng mga Negrito, Indones at Malay. Pinuna ng Pilipinong antropolohistang si F. Landa Jocano na teorya ni Beyer ay may malinaw na pagkiling sa ibang lahi tulad ng mga Malay at Indones, na mahihiwatigang itinuturing na superyor kaysa mga Pilipino.[13] Nakatulong ang teorya ni Beyer sa pagpinta sa imahe ng kalinangang Pilipino bilang resulta lamang ng mga panlabas na impluwensya, tila isang pasibong baso na nag-aantay lamang mapunan ng tubig. Bagaman kasalukuyan nang sakop ng Estados Unidos ang Pilipinas noong malikha ni Beyer ang kanyang teorya, lalo nitong nabigyan ng lohikal na katwiran ang pagpapatuloy ng kolonyalismo sa bansa.

 

Liban kay Beyer, nariyan din ang antropolohistang si Frank Lynch. Kailangang banggitin na dumating si Frank Lynch sa eksena ng antropolohiya sa Pilipinas matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Gayunman, gaya ng argumento ni Charlie Samuya Veric, naging instrumental ang mga proyekto ni Lynch sa neokolonyalismong Amerikano.[14] Liban sa nakatatanggap siya ng pondo mula sa mga pundasyon na nakaugnay mismo sa pamahalaang Amerikano, ang serye ng kanyang mga pananaliksik sa Ateneo ay nakatulong sa paglikha ng negatibong persepsyon sa kalinangang Pilipino. Ang kanyang mga proyekto ang naging sanhi ng popularisasyon ng mga itinuturing na sentral na halagahing Pilipino tulad ng hiya, utang na loob, at pakikisama. Nagamit ang mga ito upang pasulungin ang ideya na ang pagiging depektibo ng tradisyunal na kalinangang Pilipino ang dahilan ng patuloy na paghihirap nito, yamang taliwas ang mga ito sa mga modern at propesyunal na halagahing Amerikano na kailangan umano natin para sa pag-unlad. Sa pamamagitan nito ay lalong nabigyang lohika ang pangangailangan natin ng tulong mula sa Estados Unidos.

 

Kahawig din nito ang paggigiit ng Pilipinong historyador na si Reynaldo Ileto laban sa sulatin ng ilang kontemporaryong Amerikanong pantas ukol sa pulitika ng Pilipinas.[15] Ilan sa kanyang pinuna rito ay sina Carl Lande, Benedict Anderson, Norman Owen, Alfred McCoy, at Glenn May. Ani ni Ileto, nagsagawa ng inorientalisa ng mga Amerikanong pantas na ito ang pulitikang Pilipino, na iniredyus nila sa sistemang patron-kliyente. Sa kabila ng pagiging kontra-impyeryalismong Amerikano ng mga pantas na ito, ani ni Ileto ay naging instrumental ang kanilang mga akda para sa paglikha ng isang imahe ng pulitikang Pilipino na makakasangkapan ng neokolonyalismo. Bagaman hindi antropolohista ang mga pantas na nabanggit (mas nasa larangan sila ng agham pampulitika, kasaysayan at araling pang-erya), magagamit nating ilustrasyon ang kritika sa kanila ni Ileto.

 

Dalawang bagay ang matututunan natin mula sa ehemplo nina Veric at Ileto na mailalapat natin sa pagrebyu ng akda ni Lewis. Una, maaaring tama si Lewis na dumating nga sa eksena ang mga Amerikano at Britong antropolohista (at iba pang pantas) noong papatapos o tapos na ang aktuwal na panahon ng kolonyalismo, ngunit hindi ito awtomatikong nangangahulugan na wala nang kinalaman ang kanilang mga pananaliksik sa mga istrukturang pangkapangyarihan sa dating kolonya. Bilang mga akademikong naninirahan sa Ikatlong Daigdig, alam natin na ang neokolonyalismo ay isang reyalidad. Bagaman tapos na ang aktuwal na panahon ng pananakop, patuloy pa rin ang pananamantalang ekonomiko, panlipunan, pampulitika at pangkalinangan ng Estados Unidos sa Pilipinas. Sa proyektong ito ng neokolonyalismo sa Pilipinas, instrumental ang pag-aaral na ginawa ng mga Amerikanong pantas, ito man ay mga antropolohista (tulad ni Lynch) o mga dalubhasa sa agham pampulitika (tulad nina Lande).

 

Ikalawa, tulad ng naipakita ni Ileto, maaaring wala sa intensyon ng mga Amerikanong pantas ang pananaliksik para sa imperyalismong Amerikano, ngunit sa kabila nito ay nakapag-ambag pa rin ang kanilang akda sa kapakanan nito. Maaaring tulad ng mga anti-imperyalistang Amerikano na pinupuna ni Ileto, maganda rin ang layunin ng mga sinaunang antropolohistang tinalakay ni Lewis, ngunit hindi ito nangangahulugan na wala nang kaugnayan ang kanilang mga pananaliksik sa imperyalismong Amerikano. Maaari ngang anti-rasismo sila, nagpapahalaga sa kapakanan ng mga komunidad na kanilang pinag-aaralan, at ipinaglalaban ang katarungan, ngunit sa kabila nito ay kolektibong magamit ang kanilang mga pananaliksik sa tunguhing tahasang kabaliktaran ng kanilang orihinal na layunin. Hindi na kailangang lumayo pa para sa isang halimbawa. Bagaman nasyonalista ang orihinal na layunin ni Jose Rizal sa kanyang mga ginawa at isinulat, ipinakita ni Renato Constantino na kinasangkapan siya ng mga Amerikano upang gapiin ang radikal na kamalayan ng mga Pilipino laban sa kolonyalismo.[16]

 

Sa kabila ng mga kritikang ito, mahalaga ang akda ni Lewis dahil pinagkakalooban tayo nito ng isang alternatibong pananaw sa Kanluraning antropolohiya, na makatutulong sa atin upang higit na pagnilayan at suriin ang paksa kalakip ng mga aktuwal na datos, sa halip na basta na lamang tanggapin ang mga nakasanayan nating pahayag mula sa ating nasyonalistang tradisyong intelektuwal.



[1] Herbert S. Lewis, In Defense of Anthropology: An Investigation of the Critique of Anthropology (New Jersey: Transaction Publishers, 2014), 68.

[2] Lewis, In Defense of Anthropology, 38.

[3] Lewis, In Defense of Anthropology, 76.

[4] Lewis, In Defense of Anthropology, 138.

[5] Lewis, In Defense of Anthropology, 142.

[6] S. Lily L. Mendoza, “Theoretical Advances in the Discourse of Indigenization,” nasa Mga Babasahin sa Agham Panlipunang Pilipino: Sikolohiyang Pilipino, Pilipinolohiya, at Pantayong Pananaw, mga pat., Atoy M. Navarro at Flordeliza Lagbao-Bolante (Quezon City: C&E Publishing Inc., 2007), 253.

[7] Lewis, In Defense of Anthropology, 66.

[8] Lewis, In Defense of Anthropology, 120.

[9] Syed Farid Alatas, Alternative Discourses in Asian Social Science: Responses to Eurocentrism (New Delhi: Sage Publications, 2006), 135.

[10] Lewis, In Defense of Anthropology, 25.

[11] Lewis, In Defense of Anthropology, 76.

[12] Lewis, In Defense of Anthropology, 148.

[13] Raul Roland R. Sebastian, Patrick H.R. Manguera, at Amalia C. Rosales, Kasaysayan: Kalinangan, Diwa, Kabuluhan (Manila: Merryjo Enterprises, 2014), 49.

[14] Charlie Samuya Veric, Children of the Postcolony: Filipino Intellectuals and Decolonization, 1946-1972 (Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 2020).

[15] Reynaldo Ileto, “Orientalism and the Study of Philippine Politics,” Philippine Political Science Journal 22 (2001): 1-32.

[16] Renato Constantino, Veneration Without Understanding (Manila: National Historical Commission, 1969).

No comments:

Post a Comment

Rebyu #112 - Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing ni Ricky Lee

Lee, Ricky. Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing. Loyola Heights, Quezon City: Philippine Writers Studio ...