Wednesday, June 23, 2021

Rebyu #51 -- Mariano Ponce y Collantes: Makabayan, Bayani ni Jaime Balcos Veneracion

Veneracion, Jaime Balcos. Mariano Ponce y Collantes: Makabayan, Bayani. Bulacan: MSV Printers & Publishing Inc., 2016.



Ang Rebolusyon tungo sa paglaya ay pangmatagalang proseso, na hindi natatamo ng isang henerasyon kundi tuloy-tuloy sa mga saling-lahi. At ang KALAYAAN bilang mithiin ay pamuli’t muling sumisilang sa puso ng bayang nagmana ng diwang ito mula sa kanilang mga ninuno.[1]


Sa ganitong paraan ibinuod ni Jaime Veneracion ang pananaw ng bayaning si Mariano Ponce ukol sa rebolusyon at kalayaan. Kadalasang nakikilala ng mga kabataan si Ponce sa pamamagitan ng klasikong larawan, na nagtatampok sa “dakilang tatlo” (triumvirate) ng Kilusang Propaganda – Jose Rizal, Marcelo del Pilar, at Ponce. Ngunit pangkaraniwang hanggang dito na lamang natatapos ang pagkabatid ng marami kay Ponce, na hindi gaanong sikat kumpara kay Rizal at del Pilar. Maraming mag-aaral ang hindi nakaaalam sa pangunahing papel na ginampanan ni Ponce sa pagtatatag at pagpapatakbo ng La Solidaridad, ng kanyang mahalagang misyon bilang kinatawan ng Republika sa Hongkong at Japan, ng pagsusulong niya ng Pan-Asyanismo, o ng panukalang batas niya sa Pambansang Asembleya ng Komonwelt na nagbigay-daan sa pagkakatatag ng Pambansang Aklatan ng Pilipinas.

 

Ang kakulangang ito sa kamalayan ng mga kabataang Pilipino ay pinagsikapang punan ng Bulakenyong historyador na si Jaime Veneracion, sa pamamagitan ng pagsulat ng isang talambuhay ng bayani, na isa ring Bulakenyo. Bagaman may maluwag na kronolohikal na kaayusang mababanaag sa aklat, mas tematiko ang naging lapit ng may-akda sa pananalambuhay kay Ponce. Bawat kabanata ng aklat ay nakatuon sa samu’t saring tema na nakapaloob sa buhay ng bayani. Ilang halimbawa nito ang mga kabanata na nakatutok sa kanyang buhay pag-ibig (Kabanata 3), gampanin sa La Solidaridad (Kabanata 5), mga akdang isinulat (Kabanata 6), diplomasya sa Hongkong at Japan (Kabanata 9), pagiging kinatawan sa Pambansang Asembleya (Kabanata 10), buhay-pamilya (Kabanata 12), at iba pa.

 

Malikhain ang naging pamamaraan ng pananalambuhay ni Veneracion kay Ponce. Taliwas sa ibang biograpiya na masyadong siryoso, istrikto sa kronolohiya, at walang-buhay na inilalatag ang mga datos, ginawa niyang tila isang nobela ang talambuhay ni Ponce. Tulad ng mga nobelista na gumagamit ng in medias res (isang taktika kung saan sinisimulan ang nobela sa bandang kalagitnaan kaagad ng kwento sa halip na sa simula), nag-umpisa si Veneracion sa pagsasalaysay ukol sa pagbalik ni Ponce sa Pilipinas noong 1907, matapos siyang mawalay sa lupang sinilangan sa loob ng dalawang dekada. May mga pagkakataon din na nagpapasok ang may-akda ng mga imahinaryong eksena sa naratibo, na lagpas sa sinasabi ng mga dokumento. Ilan dito ang posibleng paraan ng pagkukuwento kay Ponce ng kanyang lolo ukol sa mga kwentong bayan,[2] o mga posibleng eksena sa pagsisimula ng pagkaakit ni Ponce sa mga babae noong siya’y nagbibinata.


Jaime Veneracion
Liban sa pagnanasang bigyang-buhay ang pananalambuhay ukol sa bayani, ang pangangailangan na gumamit ng malikhaing imahinasyon ay dulot din marahil ng kakulangan ng mga batis na makakasangkapan upang maisalaysay nang komprehensibo ang talambuhay ni Ponce. Sa aking hinala, ang suliranin ding ito siguro ang dahilan kung bakit mas pinili ng may-akda ang tematiko sa halip na kronolohikal na pagtalakay sa buhay ni Ponce. Isa pang manipestasyon nito ay mapapansin sa malawak na espasyong kinokonsumo ng pagtalakay ni Veneracion sa mga insidente ukol sa ibang mga bayani tulad nina Jose Rizal, Marcelo del Pilar, Antonio Luna, Isabelo de los Reyes, at iba pa. May mga pagkakataon na sa ilang kabanata ay mas mahaba pa ang nagiging pagtalakay niya sa kaisipan at karanasan ng mga ito kaysa mismo kay Ponce. Mahaba rin ang pagtalakay niya sa mga kontekstong pangkasaysayan tulad ng Europeong romantisismo bilang konteksto ng pag-ibig ng mga ilustradong tulad ni Ponce, o ang mga kaganapan sa Europa at Silangang Asya noong panahon ng diplomatikong trabaho ng bayani sa Hongkong at Japan. Bagaman mahalaga talaga ang mga ito at tiyak na nilalayon ni Veneracion na magsilbi itong tagapagdagdag-linaw sa mga yugto ng buhay ni Ponce, sa aking palagay ay estratehiya rin ito upang punan ang bungi-bunging kronolohiya ng buhay ni Ponce dulot ng kakulangan ng batis.


 

Kung tutuusin, kauna-unawa naman ito, yamang kumpara sa ibang bayani tulad ni Rizal na komprehensibong maisasalaysay dahil sa dami ng batis, mas kaunti ang umiiral na datos ukol kay Ponce. Tuwiran din itong ipinahayag mismo ni Veneracion. Halimbawa, ukol sa buhay pag-ibig ni Ponce ay binanggit ni Veneracion na malihim ang bayaning Bulakenyo, hindi palalantad ng kanyang personal na buhay, kabaliktaran ni Rizal na ekspresibo sa kanyang nararamdaman ukol sa mga dalagang dumadaan sa kanyang buhay. Samakatuwid, ang malikhaing pagsasakaysay, paggamit ng imahinasyon, tematikong lapit, at mahabang pagtalakay ukol sa ibang bayani at mga kontekstong pangkasaysayan ay mga rasonableng tugon sa harap ng kakulangan sa mga umiiral na batis ukol kay Ponce. Maaalala na ganito rin ang naging dulog ni Teodoro Agoncillo nang sumulat siya ng talambuhay ni Andres Bonifacio.[3] Dulot ng kakapusan ng mga batis ukol sa ama ng Himagsikang Pilipino, mahaba-haba ang naging pagtalakay niya ukol sa Katipunan.

 

Ngunit ang suliraning ito sa batis ay hindi naging hadlang sa pagtatangka ng may-akda na punan ang kamalayan ng mga kabataan ukol sa mahalagang papel na ginampanan ni Ponce sa nasyonalismong Pilipino. Sa huli ay matagumpay niyang nailatag ang imahe ni Mariano Ponce kapwa bilang makabayan at bayani, bagay na ipinangako niya sa unahan ng aklat. 



[1] Jaime Balcos Veneracion, Mariano Ponce y Collantes: Makabayan, Bayani (Bulacan: MSV Printers & Publishing Inc., 2016), 17.

[2] Veneracion, Mariano Ponce, 124.

[3] Teodoro A. Agoncillo, Revolt of the Masses: The Story of Bonifacio and the Katipunan, 2002 Edition (Quezon City: University of the Philippines Press, 2002).

No comments:

Post a Comment

Rebyu #112 - Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing ni Ricky Lee

Lee, Ricky. Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing. Loyola Heights, Quezon City: Philippine Writers Studio ...