Letters of Marcelo H. del Pilar. Manila: National Historical Commission of the Philippines, 2012.
Sa
pagsusuri ng mga dokumentong pangkasaysayan, madalas na mas pinapanigan bilang
batis ang mga personal na liham ng mga indibiduwal, kaysa sa kanilang mga
pampublikong sulatin tulad ng mga aklat, sanaysay, manifesto, at iba pa. Ito’y
sapagkat likas sa mga tao ang maglahad ng tunay na saloobin sa mga personal na
liham na ipinapadala sa mga taong ‘di-iba sa kanila (tulad ng kanilang mga
kapamilya at kaibigan). Likas na mas sinsero ang mga tao sa kanilang personal
kaysa pampublikong buhay. May mga maseselang bagay na isinusulat ng mga
indibiduwal sa mga liham na hindi nila kayang ilahad sa mga pampublikong
sulatin na maaaring mabasa ng lahat. Ito ang dahilan kung bakit sa
punto-de-bista ng mga historyador ay hindi matatawaran ang saysay ng mga liham
bilang batis pangkasaysayan.
Sa ganang
ito maipagmamapuri ang pagpapagal ng mga kawani at mga mananaliksik ng Pambansang
Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas na magtipon at maglimbag ng serye ng mga
liham ng ating mga bayaning nabuhay sa mahalagang yugto ng ikalabingsiyam na
dantaon. Isa sa seryeng ito ang Letters
of Marcelo H. del Pilar na inilathala noong 2012. Naglalaman ang koleksyon
ng 128 liham na isinulat ni del Pilar at isinulat para kay del Pilar mula 1882
hanggang 1894. Isinalin ni Maria Luisa Garcia ang mga ito mula sa orihinal na Espanyol
at Tagalog tungong Ingles. Ikinategorya ang mga liham sa tatlong magkakahiwalay
na bahagi batay sa tatlong magkakaibang yugto: 1. Habang nasa Pilipinas si del
Pilar (1882-1887), 2. Habang nasa Barcelona (1888-1889), at 3. Habang nasa
Madrid (1889-1896).
Samu’t
saring indibiduwal ang naging katalastasan ni del Pilar sa mga liham na ito.
Ilan na rito ay sina Jose Rizal, Ferdinand Blumentritt, Deodato Arellano, Pedro
Icasiano, Justo Trinidad, Jose Ma. Basa, Ambrosio Rianzares Bautista, Gregorio
del Pilar, Maximo Viola, Pedro Serrano Laktaw, at Mariano Ponce. Bagaman
maraming paksa ang nadadaplisan ng mga liham, kalimitang umiinog ang mga ito sa
ilang pangunahing bagay tulad ng pakikibalita sa pulitikal na sitwasyon sa
Pilipinas, pang-aapi ng mga prayle, paglalahatla ng mga isyu ng La Solidaridad,
mga nilalayong reporma, at mga kaganapang pulitikal sa Espanya na may
implikasyon sa Pilipinas.
Matapos
mabasa ang mga liham na ito, tiyak na hindi maiiwasan ng mambabasa na humanga
sa dedikasyon ni Plaridel at pagbubuhos ng buong panahon para sa pagsusulong
reporma sa Pilipinas. Nariyan halimbawa ang mga liham na nagpapakita ng
pangangalampag nina del Pilar sa Ministeryo ng Ultramar upang mapakawalan ang
mga ikinukulong na kababayan sa Pilipinas. Maya’t maya rin lumilitaw ang
pangangasiwa niya sa distribusyon ng mga kopya ng La Solidaridad sa Pilipinas
upang mas marami pang Pilipino ang mamulat sa pang-aapi ng mga prayle. Mababanaag
din sa mga liham ang kanyang pagpapasensya at katatagan sa gitna ng mga
suliranin (hal. tensyon sa pagitan nila ni Rizal), alang-alang sa pagkakaisa ng
mga repormista sa Espanya. Ang lahat ng kalidad na ito, na malinaw na makikita
sa kanyang mga liham, ang nagtulak marahil kay Gobernador Heneral Ramon Blanco kaya
ganito na lamang niya inilarawan ang maringal na bayaning Bulakenyo:
The most
terrible among the Filipino politicians: the most intelligent, the true symbol
of the separatists, far superior to Rizal. (p.286).
No comments:
Post a Comment