Friday, June 25, 2021

Rebyu #53 - Salin at Anotasyon ni Zeus Salazar sa Manifesto ng Partido Komunista nina Karl Marx at Friedrich Engels

Marx, Karl, Friedrich Engels. Manifesto ng Partido Komunista ng Pilipinas. Salin at anotasyon ni Zeus Salazar. Lunsod Quezon. Bagong Kasaysayan. 2000.


Liban sa pagsasalin at paglalapat ng anotasyon, naglalaman din ang aklat ng tugon ni ZAS sa tatlong pangunahing kritika na magmumula sa isang mala-Marxista (Maris Diokno), dating Marxista (Ferdinand Llanes, laluna na ang kontrobersya ng "kasaysayang bayan[?]") at tahasang Marxista (Bomen Guillermo). Tampok dito ang mahabang pagpapalitang-kuro sa pamamagitan ng email nina ZAS at Bomen ukol sa pagpopook ng Marxismo sa Pilipinas (na nakapagpa-unlad sa tesis masteral ng ikalawa na "Pook at Paninindigan: Kritika ng Pantayong Pananaw"). Nasa hulihan naman ang aklat ang maikling sanaysay ni Carmen PeƱalosa ukol sa mga literatura ng BAKAS at akademikong pag-unlad ng Pantayong Pananaw.

Isa sa pinaka sentral na argumento ng aklat na ito ang paninindigang hindi pa naipopook sa kalinangang Pilipino ang Marxismo bilang isa lamang sa marami pang "ismo" mula sa Europa. Ito ay dulot ng katotohanan na liban sa kawalan ng pagsasalin sa wikang Pilipino ng mga klasikong akdang Marxista, hindi pa rin nagagawang mag-usap ng mga Marxista sa Pilipinas sa sarili nitong wika, at hindi rin sinisikap na ikabit ang mga kaisipang sosyalista sa mga dalumat na naririyan na't taal sa kalinangang bayan. Nasasalalay parin ang pagtanaw ng mga Inglesero ng Kaliwa sa Marxismo bilang isang unibersal (kahit na sa katunayan ay ispesiko rin naman bilang nagmula sa Europa) na teoryang panlipunan. Mas malala pa, patuloy na nakikita ang kasaysayan ng Pilipinas bilang isang bahagi lamang ng unibersalistang pananaw pangkasaysayan ng Marxismo na magsisiumula sa primitive communal society, magpapatuloy sa slave society, feudal society, at capitalist society, at magwawakas sa communist society (ang iskemang ito ay ilalapat kalaunan nina Constantino at Sison sa kasaysayan ng lipunang Pilipino). Para kay ZAS, ang pagpupunyagi ni Bomen pa lamang ang kauna-unahang magsasagawa ng tuwirang pagpopook sa akademikong talastasang Pilipino sa Marxismo (lalo pa sa kasalukuyan, kung kailan malapit nang lumitaw ang salin ni Bomen sa Das Kapital mula sa orihinal na Aleman).

Salungat sa maling haka ng ilan sa PP na ito raw diumano ay masyadong dogmatiko at sarado sa usapin ng banyagang impluwensya, iginigiit ng aklat na ang pag-aangkin mula sa ibang kalinangan ay esensyal sa anumang buhay at aktibong kabihasnan. Ang itinatakwil lamang ng PP ay ang walang habas na pagkopya ng mga ideya mula sa labas na nakabatay parin sa wika at mga kategorya ng pinanggalingang kalinangan. Ang ganitong gawain ay hindi maituturing na pag-aangkin ng Pilipinas ng mga elementong Kanluranin, bagkus ito ay "pagpapaanggkin" ng Pilipinas sa banyagang kabihasnan. Ganito ang naging tadhana ng Marxismo sa Pilipinas.

Para sa may-akda, tuluyan lamang maaangkin ang Marxismo ng kalinangang Pilipino kung maisasagawa ang mga sumusunod:

1. Pagpapatatag ng araling kabanwahang Europeo upang maunawaan ng tama ang Marxismo, yamang ito ay bunga ng pangkasaysayang karanasan ng lipunang Europeo. Ito ay dapat isagawa sa wikang Pilipino at mula sa kulturang Pilipino

2. Pagsasalin ng mga batayang tekstong Marxismo mula sa pinanggalingang wika, lalo na mula Aleman.

3. Pag-uugnay ng mga kaisipang Marxista sa mga dalumat na taal sa kalinangang bayan (tulad halimbawa ng mga konsepto ng ginhawa, paghihimagsik, digmang bayan, panlilinta, etc.).

4. Pag-uusap usap ng mga pantas sa Marxismo sa mga kategorya at wikang Pilipino, upang hindi lamang mga elit ng nasyon ang magkaunawaan, kundi maisama ang bayan sa diskurso, yamang sila ang tunay na tagapagpagalaw ng kilusan.

Sa huli, ang salin ni ZAS sa Manifesto ng Partido Komunista ay panimulang pagtatangka sa tunay na pagpopook sa Kapilipinuhan ng Marxismo, batay sa mga pangangailangan ng Bayan, gayong ang Bayan lamang ang maaaring magtakda kung ano ang mga aangkinin nito at kung ano ang hindi.

No comments:

Post a Comment

Rebyu #112 - Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing ni Ricky Lee

Lee, Ricky. Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing. Loyola Heights, Quezon City: Philippine Writers Studio ...