Wednesday, June 23, 2021

Rebyu #6 -- Pahiwatig: Kagawiang Pangkomunikasyon ng Filipino ni Melba Padilla Maggay

Maggay, Melba Padilla. Pahiwatig: Kagawiang Pangkomunikasyon ng Filipino. Quezon City. Ateneo de Manila University Press. 2002.

 

“Sinasabi natin na ang taong nahihibang o sukdulan ang pagkatuliro ay ‘nawawala sa sarili.’ Napahihiwalay, wika nga, sa tunay niyang pagkatao . . . Ayon sa sinaunang ulat, ang pagkakasakit ay dala ng pagkakahiwalay ng kaluluwa sa katawan. Bilang gamot, ang katalonan ay mananawagan upang magbalik ang kaluluwa . . . Nawa ang pag-aaral na ito ay magsilbing munting ambag sa panawagan na manumbalik tayo sa ating mga sarili.” (p.208) – Melba Padilla Maggay


Batay sa disertasyon ng may-akda, ang Pahiwatig: Kagawiang Pangkomunikasyon ng Filipino ay naglalayon ng “pagbubuo ng isang teorya ng komunikasyon na ang salalayan ay mga konseptong katutubo sa ating kultura” (p.201). Sa mahabang panahon ay naging dominante sa larangan ng komunikasyon ang mga teorya na mula sa ibang bansa, na ang tuon kadalasan ay nasa mass media at wala sa personal na pag-uugnayan ng mga Filipino. Bagaman iginigiit ng marami na patungo na ang mundo sa pagbubuo ng iisang global na kultura ng komunikasyon, hindi parin maitatanggi ang patuloy na pananaig ng mga lokal na kultural ng komunikasyon sa harap ng globalisasyon. Ilustratibo ang kawalan ng salin sa Filipino ng mismong salitang “komunikasyon.” Ang pinakamalapit na katapat ng abstraktong terminong ito ay konkretong dalumat ng “pag-uugnayan.” Sa ganang ito, kailangang lumublob sa kulturang Pilipino upang maunawaan ang natatanging kultura ng komunikasyon ng bansa.

Sa pamamagitan ng akto ng ganitong paglubog, napalitaw ni Maggay ang isang pangkalahatang pagtingin sa kulturang pangkomunikasyon ng bansa, na ang pinaka sentral na dalumat ay ang pahiwatig. Taliwas sa puna ng mga Kanluranin na may kalabuan ang ating uri ng paligoy-ligoy na pagpapahayag, ang mga mensaheng pumapailalim sa paghihiwatigan ay madaling maunawaan ng mga nakapaloob sa komunidad ng mga Pilipino. Aniya, ang pagiging direkta sa pagpapahayag ng mga Amerikano ay bunga ng pagkakaroon nila ng low context na komunikasyon. Dahil sa hindi malalim ang pag-uugnayan ng mga tao sa komunidad, mayorya ng kahulugan ay nakapaloob mismo sa teksto – sa direktang berbal na pagpapahayag. Samantala, ang hilig ng mga Filipino sa paghihiwatigan ay dulot ng mataas na antas ng pag-uugnayan, kung saan ang mayorya ng kahulugan ay wala sa teksto kundi nasa konteksto – sa kaugalian, paniniwala, pagpapahalaga, at iba pang hindi nakasulat na kodigo ng mga kahulugan na alam ng lahat ng miyembro ng komunidad – na siyang nagdedetermina sa partikular na kahulugan ng mga berbal at di-berbal na pagpapahayag.

Lalo pang ipinaliwanag ni Maggay ang kultura ng paghihiwatigan sa konteksto ng 1. pakikipag-ugnayan sa ibang tao at di-ibang tao, at 2. pagkakaiba-iba sa pakikipag-ugnayan batay sa estrukturang panlipunan. Liban sa paghihiwatigan, ginalugad din ni Maggay ang iba pang sektor ng pag-uugnayan ng mga Filipino, mula sa gamit ng katawan sa komunikasyon, hanggang sa kaugnayan sa komunikasyon ng konsepto ng panahon at espasyo.    

No comments:

Post a Comment

Rebyu #112 - Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing ni Ricky Lee

Lee, Ricky. Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing. Loyola Heights, Quezon City: Philippine Writers Studio ...