Wednesday, June 23, 2021

Rebyu #5 -- Why Theology is Never Far from Home ni Jose de Mesa

De Mesa, Jose M. Why Theology is Never Far From Home. Manila: De La Salle University Press, Inc., 2003.


Sa matagal na panahon, ang pagte-teolohiya sa Pilipinas ay mahigpit na nagapos sa tanikala ng Kanluraning tradisyon, na hinubog ng Romanong kultura at may diin sa neo-Iskolastisismong pagpapakahulugan. Nabago ang direksyon ng simbahang Katoliko nang maganap ang Ikalawang Konseho ng Vatican, na nagbigay-halaga sa inkulturasyon o pagpopook ng Kristiyanismo sa mga lokal na kultura. Ang panawagang ito ng Vatican II ang naging motibasyon ng mapanghawang landas na kapantasan ni Jose de Mesa, na nanguna sa akademikong gawain ng inkulturasyon sa Pilipinas. Ang kanyang Why Theology is Never Far From Home ay pagmamapa ng proyektong ito, kung saan niya ipinaliwanag kung ano ang inkulturasyon, bakit ito mahalaga, at paano ito isasagawa.

Nahahati ang aklat sa tatlong bahagi.

Ang unang kabanata (Theology and Culture) ay paglalahad ng mga salik na nagbigay daan sa pag-usbong ng inkulturasyon. Nangunguna na sa mga ito ang mahahalagang pag-aaral na isinagawa ng mga pantas ng agham panlipunan, na nagpatunay na pantay-pantay ang lahat ng kultura, at hindi totoong superyor ang Kanluraning kultura sa iba pang mga kalinangan sa mundo. Nagbunsod ito sa pagkawasak ng “klasikal” na pananaw sa kultura (na Euro-sentriko) at pamamayani ng “empirikal” na pananaw sa kultura (na relatibo). Malaki ang naging epekto nito sa pagtingin ng simbahan sa kultura, na pinaka mababanaag sa mga dokumentong nailuwal ng Ikalawang Konseho ng Vatican. Bilang halimbawa, mula sa pagpapakahulugan sa rebelasyon bilang bugkos ng mga impormasyong inihayag ng Diyos at malalaman ng tao gamit ang kanyang isip, nagkaroon ng bagong pagkaunawa rito ang simbahan bilang inisyal na kagandahang loob ng Diyos na naranasan ng tao sa pamamagitan ng pananampalataya. Yamang likas sa tao ang pagiging kultural, ang kanyang karanasan sa inisyatibong ito ng Diyos ay hinuhubog ng kanyang kultura. Sa ganang ito, esensyal ang kultural na lapit sa pagte-teolohiya. Sa kabila ng katotohanang ito, naging mabagal ang pag-unlad ng inkulturasyon sa Pilipinas. Dagdag pa rito ang kasalimuotan ng pagsasagawa nito dahil sa paglitaw ng samu’t saring mga suliraning panlipunan sa bansa na kailangan ding kaharapin ng teologo sa kanyang pagte-teolohiya tulad ng kahirapan, pang-aaping pangkasarian, at pagkasira ng kapaligiran. Bunga ng mga ito ay ang pag-usbong ng “kontekstuwalisasyon” at mga uri ng pagteteolohiya na may pagkiling sa Liberation Theology. Nananawagan ang ganitong sitwasyon ng pagpapalawak ng proyektong inkulturasyon, na hindi lamang gumagamit ng kultural na pagsusuri, bagkus ay natututo rin mula sa panlipunang pagsusuri. Nangangahulugan ito na hindi sapat ang pagtuon sa esensyal na kulturang Pilipino sa nakaraan, sa halip ay kailangang ikonsidera ang kalagayan ng kulturang Pilipino sa kasalukuyan kung nais ng teologo na magkaroon ng saysay ang kanyang pagte-teolohiya.

Sa ikalawang kabanata (Tasks in the Inculturation of Theology), naglatag si De Mesa ng apat na hakbang na dapat na isagawa ng proyektong inkulturasyon sa bansa. Una rito ay ang pagpapakita na ang Kanluranin/Romanong tradisyon ng teolohiya ay isa lamang sa napakarami pang pormang kultural na maaaring gamitin sa pagteteolohiya. Kailangan itong gawin upang mapatunayan na hindi unibersal at absoluto ang Romanong porma ng teolohiya, at sa katunayan ay isa lamang din itong ehemplo ng lokal na teolohiya. Ang ikalawang hakbang ay ang pag-aalis ng istigma sa kulturang Pilipino. Dahil sa matagal na karanasang kolonyal ng bansa, nagkaroon ng mababang pagtingin ang mga Pilipino sa kanilang sariling kultura. Tulad ng isang anak na inapi-api at nilait-lait ng kanyang magulang noong siya’y bata pa kaya nagkaroon ng mababang persepsyon ng sariling halaga, na-internalisa ng mga Pilipino ang pangmamaliit na ginawa ng mga banyaga sa kanilang kultura, na hanggang sa kasalukuyan ay nagpapatuloy. Kaya hindi matatawarang gampanin ng inkulturasyon, matapos ang pag-aalis ng istigma, ay ang muling pagpapahalaga sa kulturang Pilipino, na siyang ikatlong hakbang. Kailangang ipamalas ng teologo na maraming positibong aspekto ang matatagpuan sa kultura. Ang lohikal na konklusyon nito ay ang ikaapat na hakbang: yamang maraming positibong aspekto ang kulturang Pilipino, dapat lamang na gamitin ang mga katutubong dalumat na ito sa pagte-teolohiya, sa halip na gumamit ng mga konseptong minana sa tradisyong teolohikal ng Kanluran. Napakahalaga ng paggamit ng lokal na wika sa ganitong gawain.

Ang ikatlong kabanata (A Hermeneutics of Appreciation: Approach and Methodology) ay nagsilbing presentasyon ng metodolohikal na mga konsiderasyon sa inkulturasyon. Inilatag niya rito ang proseso kung paano dapat aktuwal na isagawa ang pagte-teolohiya sa kontekstong Pilipino. Ang kanyang kultural na lapit sa teolohiya ay tinawag niyang “thematic cultural exegesis.” Aniya, tulad ng Biblia, dapat na bigyang pagpapakahulugan ang kulturang Pilipino, at organisahin ang mga datos na mapag-aaralan sa ilalim ng pangunahing mga tema. Ang dapat na maging asal ng teologo sa ganitong gawain ng pag-aaral sa kulturang Pilipino ay “hermeneutics of appreciation.” Bagaman may mapakikinabangan sa kritikal na pagpuna sa kulturang Pilipino at kinakailangan ng balanseng pagsusuri rito, mas kagyat ang pangangailangan sa kasalukuyan para sa hermeneutics of appreciation dahil sa lamat na tinamo ng ating kultura sa mahabang panahon ng kolonisasyon. Kaakibat ng hermeneutics of appreciation ang ilang panuto: 1. Ituring na positibo ang elementong kultural hanggat hindi napapatunayang mali, 2. Huwag agad na hamakin ang kultura, dapat itong tingnan sa paraan kung paano ito tinitingnan ng mga tagaloob o miyembro ng kultura, 3. Umalpas sa mapanglahat na mga panghuhusga at ispesipikong suriin ang mga elementong kultural, at 4. Gamitin ng lokal na wika sa pagsusuri. Matapos nito ay ipinaliwanag na ni De Mesa ang dialektikal na relasyong dapat na taglayin ng kulturang Pilipino sa isang banda at Tradisyon (Biblia at mga dokumento ng simbahan) sa kabilang banda sa proseso ng pagte-teolohiya. Dapat na suriin ang kultura sa liwanag ng Tradisyon, at gayundin ang Tradisyon sa liwanag ng kultura. Pantay na respeto ang dapat na igawad ng dalawa sa isa’t isa sapagkat pareho silang nagmula sa iisang Diyos. Ang layunin ay hindi lamang magdala ng transpormasyon sa lokal na kultura, bagkus ay magpainam ng Tradisyon (yamang ito ay ipinahayag din sa porma ng kulturang hindi perpekto). Ganito ang maaaring maging proseso ng dialektikal na relasyon ng dalawa: 1. Magbubukas ng isyu, suliranin o katanungan ang kulturang Pilipino, 2. Tatangkain itong sagutin o bigyang repleksyon ng Tradisyon na susundan ng paghahanap ng kaugnay o katulad na tema sa loob ng kulturang Pilipino, 3. Magtatalaban ang dalawa hanggang sa may mabuo na panibagong uri ng interpretasyon na gagabay sa Pilipino sa kanyang pagsasabuhay ng pananampalatayang Kristiyano sa konteksto ng kanyang kultura. Dahil marapat na maging tapat ang interpretasyong ito sa Kristiyanong pananampalataya, kailangan na subukin ito. Tatlong pamantayan ang maaaring maging batayan ng pagiging tapat nito sa pananampalatayang Kristiyano: 1. Nagbibigay buhay ba ito? 2. Nagdudulot ba ito ng tamang gawi (orthopraxis)? 3. Tinatanggap ba ito ng simbahan? Sa huli, dapat na alalahaning tentatibo lamang ang interpretasyong mapalilitaw mula sa dialektikang ito ng kultura at Tradisyon, matagal na panahon ng karanasan ng aktuwal na mga mananampalataya ang gugugulin upang mapatunayan kung tapat ba ito kapwa sa kulturang Pilipino at pananampalatayang Kristiyano.

No comments:

Post a Comment

Rebyu #112 - Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing ni Ricky Lee

Lee, Ricky. Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing. Loyola Heights, Quezon City: Philippine Writers Studio ...