KALATAS Vol. 1 (2017)
Ang Kalatas ay opisyal na dyornal ng
Departamento ng Kasaysayan ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas na
pinangunahang itatag ng dating tagapangulo nito na si Raul Roland Sebastian (na
kasalukuyang dekano ng Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pag-unlad ng naturang
pamantasan). Ito ay bilang pagpapalago ng tradisyon ng paglilimbag ukol sa kasaysayan
ng Departamento. Ang unang bolyum na ito ng dyornal na inilathala noong 2017 ay
binubuo ng limang sanaysay na isinulat ng tatlong kasapi ng Departmento
(Sebastian, Christian Paul Ramos, at Roland Abinal Macawili), at dalawang
babaeng pantas mula sa Unibersidad ng Pilipinas (Nancy Kimuell-Gabriel) at sa Ateneo
de Manila University (Preciosa de Joya). Samu’t saring isyu sa historiograpiya
at pilosopiya ng kasaysayan ang tuon ng limang sanaysay.
Raul Roland Sebastian |
Ang
sanaysay ni Raul Roland Sebastian na “Ang Historiograpiya sa Agos ng
Kasaysayang Pilipino” ay mairerekomenda sa mga mag-aaral na nais ng mabilisang
introduksyon sa pag-unlad ng historiograpiya sa Pilipinas, mula sa panahon ng
kolonyalismong Espanyol hanggang sa kontemporaryong panahon. Tinalakay niya ang
mga nangingibabaw na temang historiograpikal sa bawat yugto, kalakip ng
mahahalagang akdang kumakatawan sa mga temang ito. Ang historiograpiya sa
panahon ng kolonyalismong Espanyol ay kinakarakterisa ng maka-banyagang uri ng
pagsulat na makikita sa akda halimbawa nina Plasencia, Chirino, at Loarca (na
taliwas sa nasyonalistang pagsulat ng mga ilustrado). Pagdating ng mga
Amerikano ay nagpatuloy ang ganitong kolonyal na pagsulat ng kasaysayan,
bagaman makikitaan ng mahahalagang ambag tulad ng Philippine Islands nina Blair at Robertson. Pagkatapos makamit ng
Pilipinas ang kalayaan, umusbong ang mga propesyunal na Pilipinong historyador
gaya nina Benitez, Zaide, Alip, at Zafra. Gayunman, nanatili ang pagiging
positibista ng historiograpiya sa panahong ito. Sa mas kontemporaryong panahon
ay sinalungguhitan ni Sebastian ang mahahalagang kontribusyon ng ilang
natatanging historyador tulad nina Teodoro Agoncillo at Renato Constantino (na
nagsulong ng nasyonalistang historiograpiya), Reynaldo Ileto (na nagpabago sa
metodolohiya ng kasaysayan sa pamamagitan ng paggamit ng mga ‘di-nakagisnang
batis tulad ng pasyon), Vicente Rafael (na nakapag-ambag sa isyu ng pagsasalin
sa kasaysayan), at Salazar (na ama ng Pantayong Pananaw). Dinaplisan din niya
ang ilang sikat na tema sa pananaliksik sa kasalukuyan tulad ng kasaysayang
lokal (hal. Jaime Veneracion), kasaysayang pampubliko (hal. Ambeth Ocampo), at
usaping pangkasarian sa kasaysayan (hal. J. Neil Garcia).
Nancy Kimuell-Gabriel |
Kung si
Sebastian ay nagtalakay ng pangmalawakang pagbaybay sa historiograpiyang
Pilipino, isang partikular na isyu sa isang ispesipikong eskwelang
historiograpikal naman ang naging tuon ni Nancy Kimuell-Gabriel sa artikulo niyang
“Ang Pantayong Pananaw at ang Usapin ng Agenda sa Harap ng Iba’t Ibang Kilusang
Pang-akademiko at Sosyo-Pulitikal.” Liban sa paglalatag ng kaisipan ni Salazar,
nagbahagi rin dito si Kimuell-Gabriel ng kanyang sariling pananaw ukol sa
usapin ng paninindigang pulitikal sa konteksto ng Pantayong Pananaw (PP). Aniya,
malinaw ang tindig ni Salazar na ang PP ay walang paninindigang pulitikal,
dahil isa itong proyektong pangkalinangan na naglalayong bumuo ng isang
pambansang talastasan na nauunawaan ng lahat (yamang isinasagawa gamit ang
iisang wikang pambansa). Ginamit niyang panlarawan sa PP ang metapora ng
karinderya: kung paanong bukas ang karinderya sa lahat ng gustong kumain, bukas
din ang PP sa lahat ng taong may magkakaibang paninindigang pulitikal. Yamang
may tiwala ang PP sa bayan, susunod ito sa kung ano man ang direksyong
pulitikal na pipiliin ng bayan. Bagaman naniniwala rin si Kimuell-Gabriel sa
talino ng bayan, iginiit niya na hindi maaaring walang reseta/preskripsyon ang
mga intelektuwal ng PP sa bayan at manatili lang itong buntot. Aniya, may
kapasidad at responsibilidad ang mga intelektuwal na magpayo at magbigay-babala
sa bayan tuwing nanganganib itong pumili ng makasasama sa sarili. Yamang hindi
patas ang pagpapamudmod ng impormasyon sa bayan at marami itong nasasagap na
reaksyunaryo at konserbatibong pananaw mula sa pamahalaan, simbahan, at midya,
inilihad ng may-akda na “Hindi sapat na i-facilitate lang natin ang diskurso,
kailangan may malinaw ding tindig sa mga pagtatalo” (p.40). Aniya, kung siya
ang masusunod ay dapat nang pagbawalan na sumali sa PP ang mga may
paninindigang walang saysay sa bayan. Ibinahagi niya rin ang kanyang opinyon na
dapat bawasan ng PP ang pag-atake nito sa mga progresibong elemento tulad ng
Kaliwa, dahil kung tutuusin ay maaari silang magkaibigan yamang iisa naman ang
kanilang layunin – ang pag-ibig sa bayan. Winakasan niya ang kanyang sanaysay
sa pamamagitan ng paglalahad na sa halip na kalabanin ang Kaliwa, dapat ituon
ng PP ang pinakamalakas na bigwas nito sa tunay na kalaban ng bayan – ang
Kanan.
Preciosa de Joya |
Samantala,
sa pilosopiya ng kasaysayan naman nakatuon ang sanaysay ni Preciosa de Joya na
“Tracing a Constellation in Walter Benjamin’s Thought: On How to Read the
Theses on the Philosophy of History.” Nagsagawa siya rito ng eksposisyon sa
pananaw ni Walter Benjamin sa pilosopiya ng kasaysayan, sa pamamagitan ng
pagsusuri sa akda nitong “Theses on the Philosophy of History” (1940). Inilahad
ni de Joya na dalawang batis ang pinagmumulan ng pilosopiya ni Walter Benjamin:
Marxismo at teolohiyang Hudio. Para kay Benjamin, ang konsepto ng utopikong
lipunang walang uri ng Marxismo ay sekular na bersyon ng pananaw ng mga Hudio
ukol sa Mesyanikong panahon. Naniniwala siyang mahalaga ang Mesyanikong panahon
upang itama ang obsesyon ng ibang Marxista sa konsepto ng progreso, na dahilan
umano ng pagiging inaktibo ng mga ito (dahil nag-aabang na lamang sa pagdating
ng pinal na rebolusyon para sa pagdating ng lipunang walang uri sa hinaharap,
sa halip na baguhin ang kasalukuyan). Aniya, sa pananaw ng mga Hudio, ang
kasaysayan ay hindi isang progresyon ng linyar na pag-unlad. Sa halip, iginiit
ni Benjamin na ang ating kasalukuyang panahon ay “out of joint” sa Mesyanikong
panahon. Kaya naman ang gawaing pangkasaysayan ay mahalaga upang magamit na
batayan ang nakaraan para sa ating problematikong kasalukuyan. Ani ni de Joya,
para kay Benjamin ay hindi payak na deskriptibong rekonstruksyon ng nakaraan
ang gawaing pangkasaysayan, bagkus ay isa itong etikal na gawain na ang
katapus-tapusang layunin ay ang gabayan ang pulitika para sa pagkamit ng
katarungan para sa lahat.
Christian Paul Ramos |
Ang sumunod
na artikulo na isinulat ni Christian Paul Ramos ay sanaysay-pagpupugay sa ambag
ng isang tanyag na Pilipinong historyador sa historiograpiyang Pilipino: “In
Tribute to the Filipino Trailblaizer: Teodoro A. Agoncillo.” Matapos ang
paglalatag ng maiksing talambuhay ng tinawag niyang “dean of the Philippine
nationalist historiography”, nagbigay-tuon si Ramos sa ilang pangunahing tema
ng historiograpiya ni Agoncillo na maituturing na ambag niya sa kabuuang
historiograpiyang Pilipino. Una ay ang kritika ni Agoncillo sa konsepto ng
obhektibidad sa kasaysayan, na ayon sa kanya ay kalokohan dahil bawat
interpretasyon ay nakaangkla sa pananaw at paninindigan ng tagapag-interpretang
historyador. Ikalawa ay ang konsepto ng historical
imagination, na mahalaga para kay Agoncillo dahil ito ang instrumento upang
punan ang mga puwang sa mga naratibong pangkasaysayan na hindi isinasaad ng mga
nakasulat na batis. Gayunman ay ipinapaalala ni Agoncillo na dapat na maging
maingat sa paggamit ng historical
imagination, na nakabatay dapat sa lohikal na pag-iisip at umiiral na
kaalaman ukol sa kaligiran ng pinag-aaralang panahon. Ang ikatlo, na
maituturing na pinakamahalagang ambag niya, ay ang pagsusulong niya ng
maka-Pilipinong pananaw sa kasaysayan. Naniniwala siyang kailangang ilagay sa
sentro ng kasaysayan ng Pilipinas ang mga Pilipino, taliwas sa nakagawiang
pagsasakasaysayan kung saan mga banyaga ang laging nasa sentro. Inihalimbawa ni
Ramos dito ang paggigiit ni Agoncillo na sa halip na “Philippine insurrection”,
ang dapat na itawag sa naganap sa pagitan ng mga Pilipino at Amerikano ay
“Filipino-American War”. Isang halimbawa rin ang mataas na pagpapahalaga ni
Agoncillo sa mga pangyayari matapos ang 1872, kumpara sa panahon bago ito, na
hindi gaanong pinag-ukulan ng pansin ni Agoncillo sa kanyang pagsusulat ng
kasaysayan (dahil sa paniniwalang 1872 lang tunay na nagsimula ang kasaysayang
Pilipino na mula sa pananaw ng mga Pilipino). Bahagi ng pagtataguyod ng
Pilipinong pananaw ang pagsesentro niya kay Bonifacio sa gitna ng Himagsikang
Pilipino (sa halip na si Rizal) sa kanyang Revolt
of the Masses, na naging daan upang maitampok ang masa bilang pangunahing
tagapagpagalaw ng kasaysayan. Sa kabila ng kaliwa’t kanang kritika kay
Agoncillo sa kasalukuyan, nanindigan si Ramos na hindi mabubura ang
mahahalagang kontribusyong ito ng historyador sa kasalukuyan at hinaharap ng
historiograpiya sa Pilipinas.
Roland Abinal Macawili |
Ang
panghuling artikulo ay ang “Ilang Tala Hinggil sa Suliranin ng Identidad ng mga
Ilustrado-Propagandista” ni Roland Abinal Macawili. Gamit ang balangkas ni Zeus
Salazar, tinalakay niya ang kalituhang pangkakanyahan ng mga ilustrado na inapo
ng mga ladino at paring sekular. Aniya, napasa-Kanluran ang mga ilustrado dahil
sa kolonyal na edukasyon, na siyang nagpawalay sa kanila sa bayan. Ang
edukasyong ito ang nagpaloob sa kanila sa mundo ng wika-at-kalinangang Espanyol,
na iba sa wika-at-kalinangang bayan ng mga Katipunero. Ngunit sa kabila ng
pagiging napasa-Kanluran dulot ng sistemang pang-edukasyon ay hindi naman
tuluyang makapasok ang mga ilustrado sa mundo ng mga Espanyol dahil sa
rasismong ipinaramdam sa kanila ng mga ito. Ang rasismong ito ang nagtulak sa
kanila, partikular kay Rizal, upang subukang magbalik-loob sa kalinangang
bayan. Ani ni Macawili, kapansin-pansin ito sa ilang aksyon ni Rizal, tulad ng
kanyang pagsasalin sa Tagalog ng akda nina Friedrich Schiller at Hans Christian
Andersen, tangkang pag-oorganisa ng isang internasyunal na samahan ng mga
Pilipinista, at pagsusulat ng anotasyon sa akda ni Morga. Isinagawa ito ni
Rizal dahil para sa kanya, ang pagbubuo ng kakanyahang Pilipino ay dapat na
nakabatay sa iisang matandang nakaraan, magkakapareho ng katangiang kultural ng
mga pangkat etniko, at iisang pinagsisikapang layunin sa kasalukuyan at
hinaharap. Gayunman, hindi naging matagumpay ang pagbabalik-sa-bayan ni Rizal,
at nanatili siyang bihag ng wika-at-kalinangan ng Kanluran. Hanggang sa kasalukuyan
ay nagpapatuloy ang linya ni Rizal at ng mga ilustrado sa katauhan ng mga
kontemporaryong Inglesero, na patuloy na nahihiwalay sa bayan dahil sa
sistemang pang-edukasyon.
Bagaman
walang iisang pisi na nag-uugnay sa limang sanaysay, ang mga ito ay
kontribusyon (gaano man kamunti) sa pagpapalago ng historiograpiyang Pilipino. Sa
partikular, pagpapayaman ito sa tradisyon ng pananaliksik sa disiplina ng
kasaysayan sa PUP, isang hakbang tungo sa higit na pagpapatatag ng produksyon
ng kaalamang pangkasaysayan sa Sintang Paaralan.
No comments:
Post a Comment