Sunday, July 11, 2021

Rebyu #84 -- Trese Bloodlines Vol. 1 nina Tan, Baldisimo, Hontiveros, del Mundo, Balondo, Tapia, Tan at Gatela

 Tan, Budjette, Kajo Baldisimo, David Hontiveros, Marvin del Mundo, Brian Balondo, JB Tapia, Brandie Tan, Mark Gatela. Trese Bloodlines Vol 1. Imus, Cavite: Avenida Publishing House, 2020.




There is a line – more readily discerned and acknowledged by some – which separates gathering enough resources for one’s security and prosperity, and accumulating so much that others will go wanting. That’s what these people do… Hoard, corner everything they can so the majority are left to beg for scraps at their grandly appointed table.[1]

 

Ang Trese Bloodlines ay serye ng limang magkakawatak-watak na kwento ukol sa magkakapatid na Trese, na nalikha bunga ng kolaborasyon nina Budjette Tan at Kajo Baldisimo sa kanilang mga kaibigan at iba pang manlilikha rin ng komiks.

 

Pagbubuod

Ang una sa mga ito ay ang “The Visions of Miranda Trese” ni Budjette Tan at Kajo Baldisimo. Patungkol ito sa pagsisikap ni Enrique Trese, isang propesor, na unawain ang mga nakasulat na pangitain ng kanilang ina na si Miranda ukol sa kanilang mga magkakapatid. Mayroong pangitain ukol sa kanilang ama na si Anton Trese, na nakikipaglaban sa iba’t ibang nilalang. Ukol sa panganay sa magkakapatid na si Carlos Trese na tinatawag ding “Verdugo”, mayroong pangitain na may kinalaman sa pakikipaglaban nito kay Datu Rato. Magkasama ang pangitain ukol sa ikatlong anak na si Matthias Trese (na isang pari ng Hilasterion) at sa ikaapat na anak na si Jimmy Trese (na isang kolektor ng mga mahiwagang bagay), na may kinalaman sa pagkakatuklas nila sa bungo ng sinaunang Mansalawan. Mayroon ding pangitain ukol sa sama-samang pakikipaglaban nina Hank at ng Kambal sa mga biglang lumusob sa kanilang kampo. Ang huling pangitain ay ukol kay Alexandra Trese, na mapapadpad sa isang sangang-daan ng pagpapasya kung siya ba’y magdadala ng digmaan sa daigdig, o magiging babaylan-mandirigma na magdadala ng kapayapaan.

 

Ang ikalawang kwento ay ang “Takutan: A Verdugo Mission” ni JB Tapia. Tampok dito si Carlos Trese o “Verdugo”, na tumungo sa kampo ng aswang na si Mama Grande, kasama si Alexandra, upang ipaghiganti si Teresita Sala. Pinagamit siya ng droga ng tatlong anak ni Mama Grande at pagkatapos ay ginahasa ito. Dulot ng pagkabaliw dahil sa kakaibang nilalang na kanyang pinagbubuntis ay nagpakamatay si Tere. Sa gitna ng pagtitipon ay pinagtawanan lang ito ni Mama Grande, ng mga aswang, at ilang bisitang tao. Pinalabas nila na kasalanan iyon ni Tere dahil malandi siya at sabik na sumikat bilang artista. Natigil ang kanilang pagtatawanan ng ibinunyag ni Verdugo na dinakip niya ang tatlong anak na ito ni Mama Grande. Lalaban na sana si Mama Grande, at magkakaroon sana ng patayan sa loob ng pagtitipon, ngunit huminto siya nang ipinanood sa kanila ni Verdugo ang pantotortyur na ginawa niya sa tatlong anak, na kanyang inirekord at ipinalabas sa social media. Pinagtatanggal niya ang iba’t ibang bahagi ng katawan ng mga ito at itinahi sa ibang lokasyon ng kanilang katawan (habang nananatili silang buhay dahil aswang sila). Sinabi ni Verdugo na tanging siya ang nakakaalam kung nasaan ang tatlong anak, at kung kikilos ng masama si Mama Grande ay hindi na niya muli makikita ang mga ito. Ang kanyang mga ginawa ay labis na nagdala ng takot sa buong pagtitipon ng mga aswang. Paglabas nila ni Alexandra, nagtanong ang Kambal na naghihintay sa labas kung bakit hindi pa nagsimula ng gulo si Verdugo upang patayin ang mga aswang. Ang mga sumusunod na kataga ang kanyang itinugon:

 

There aren’t enough bullets in the world to kill all the aswang out there. So what’s the next best thing you can do? You make them fear the real monsters.

 

Ang ikatlong kwento ay kinatha nina David Hontiveros at Brian Balondo (“That Kind of Hunger: A Fr. Matthias Trese Case”). Umiinog ito sa misyon ni Matthias Trese, isang pari ng St. George Division ng Hilasterion, isang samahang pangrelihiyon na naglalayong gapiin ang mga demonyong Malevari. Pinaniniwalaang nagmula ang lahing Malevari sa mga demonyong pinalayas ni Hesus mula sa isang tao at inilipat sa katawan ng mga baboy. May isang partikular na kategorya ang mga Malevari – tinatawag na Vosa – na mga mala-insektong sumasanib sa katawan ng tao hanggang sa tuluyan na nila itong makontrol (na ikamamatay ng tao). Ipinadala si Matthias sa pagtitipon ng Sursum, isang samahan ng mga mayayamang negosyanteng kumokontrol sa yaman ng iba’t ibang bahagi ng daigdig. Sa sangay nito sa Timog Silangang Asya, nagiging matagumpay ang mga negosyo nila dahil sa mga orakulo/hula ni Asra, isang 12-taong gulang na babae, na nasa pangangalaga ni Brother Jaime Lunigi ng Tritos Brotherhood. Naghihinala ang simbahan na may kakaiba kay Asra kaya ipinadala nila si Matthias upang imbestigahan ito. Sa gitna ng imbestigasyon, natuklasan ni Matthias na sapilitang ipinasanib ni Jaime Lunigi sa katawan ni Asra ang isang Malevari (nang labag sa loob kapwa ng bata at ng demonyo), nang sa gayon ay magkaroon ito ng kapangyarihan na magbigay ng prediksyon. Sa huli ay nagtagumpay si Matthias na mapaghiwalay ang Malevari at si Asra, mula sa pagsasanib na ginawa ni Jaime.

 

Ang ikaapat na kwento ay patungkol pa rin kay Padre Matthias. Kinatha nina David Hontiveros at Marvin Del Mundo, pinamagatan itong “Iunctura: A Fr. Trese and Dakila Deviation Story.” Isa itong crossover story kung saan pinagtagpo ang magkahiwalay na mundo ng Trese at ni Dakila. Sa kwentong ito, bilang kinatawan ng Hilasterion, tumungo si Padre Matthias sa polos, isang lugar kung saan nagkakatagpo ang lagusan ng iba’t ibang dimensyon ng impyerno. Dito nagaganap ang okasyon ng pagboto ng mga demonyo ng pitong ministro, na mamumuno sa pitong nibel/antas ng impyerno. Ngunit sa loob ng mahabang panahon ay walang ibang nadadagdag at naaalis sa pitong ministro, ang nangyayari lamang ay nagpapalitan ang pitong ito ng kanilang mga pwesto, ngunit nananatili pa rin sila sa kapangyarihan. Ang misyon ni Matthias ay tumungo sa polos upang magsagawa ng panggugulo sa okasyong ito, na makakatulong sa pagliligtas ng ilang mga tao. Nagkataon na noong tumungo siya sa polos, bihag ng mga Malevari si Dakila, ang bayani ng Baita. Tinatangkang tuksuhin ng pitong ministro si Dakila, dahil kung sino ang makatukso sa kanya ay siguradong magiging popular sa mga botante at makakakuha ng posisyon sa malalim na nibel/antas ng impyerno. Sa tulong ni Matthias, nakawala si Dakila at magkasama nilang nagapi ang isang ministro.

 

Ang ikalima at huling kwento ay ang “Personal Demons: An Alexandra Trese and Detective Andara Deviation Story” nina Mark Gatela at Kajo Baldisimo. Ukol ito kay Crisostomo Andara III, isang detective, na ilang dekada nang tinatangkang hulihin ang isang payaso na pumatay sa kanyang lolo at ama. Matagal na siyang sumuko na mahuhuli niya pa ito, ngunit bigla siyang ipinatawag ni Koronel Guerrero, at sinabing sa tulong ni Alexandra Trese ay posible na nilang mahuli ang payaso. Ikinuwento ni Andara kay Alexandra na nagsimula ang lahat noong magkaroon ng matinding sakit ang kanyang lola. Nanalangin ang kanyang lolo na gagawin nito ang lahat basta gumaling lamang ang asawa. Ngunit imbis na mula sa langit, nagmula sa impyerno ang sumagot sa kanyang dalangin. Kapalit ng paggaling ng kanyang lola, kailangang tupdin ng kanyang lolo ang isang kasunduan. Dahil imposibleng matupad ito nang tuloy-tuloy, nakawala sa kasunduan ang gaba, at pinatay nito ang lola. Hindi nagtagal ay napatay rin nito ang kanyang lolo at ama, na matagal na tumugis sag aba ngunit hindi ito nahuli. Marami pang ibang tao ang napatay nito sa pagdaan ng panahon. Sa henerasyon ni Andara ay nag-anyong payaso ito na pumapatay ng mga bata. Sa pamamagitan ng pagtutulungan nina Alexandra at Andara ay nagawa nilang magapi ang payaso, ngunit kaalinsabay nito ay ang pagkamatay rin ni Andara.  

 

Trese Bloodlines bilang Isang Teksto ng Kritikang Panlipunan (Interogasyon sa mga Makapangyarihan)

Maigigiit na ang mga komiks ng Trese sa kabuuan, at ang tomong ito ng Trese Bloodlines sa partikular, ay maituturing na mga panlipunang komentaryo sa estado ng lipunang Pilipino. Bagaman watak-watak at maluluwag ang kaugnayan ng limang kwentong nakapaloob dito (dahil magkakaiba ang mga kumatha), mapapansin na may ilang mga pangunahing tema ng kritikang panlipunan na nagbibigkis sa mga ito.

 

Isa na rito ang implisitong pagkastigo sa mga makapangyarihang naghahari sa lipunan. Litaw ito halimbawa sa kwento nina Padre Matthias at Dakila, kung saan inilarawan ang pamunuan ng pitong nibel ng impyerno na parang isang “trip to Jerusalem”, umiikot lamang sa parehong mga demonyo ang pulitikal na puwesto sa loob ng napakahabang panahon. Ani nga ng tagapagsalaysay:

 

And the ultimate idiocy? They’ve the same seven candidates for centuries. They just trade Lodges based on the vote counts, but they never actually leave and step down. Madness![2]

 

Ang mga mambabasa nito ay siguradong hindi maiiwasang mapaisip na tila ganito rin ang sitwasyon ng pulitika sa Pilipinas. Mula pamahalaang lokal hanggang nasyunal, nakasanayan na natin ang pamumuno ng mga pulitiko na may magkakaparehong apelyido. Iilan lamang ang mga pamilyang nagtataglay ng kapangyarihang pulitikal, at pinagpapasa-pasahan lamang nila ang mga opisina ng pamahalaan. Ang paghahari ng iilang pamilya sa ilang mga lokalidad sa Pilipinas ay naisadokumento at nadiskurso halimbawa sa pinatnugutang aklat ni Alfred McCoy na Anarchy of Families.[3] Matagal nang iminumungkahi ng mga mamamayan ang pagpapasa ng batas na magbabawal sa pagtakbo ng mga magkakamag-anak sa pulitika. Subalit paano ito mangyayari kung mayorya sa mga mambabatas ay produkto mismo ng dinastiyang pulitikal? Mas napapanahon pa sa kasalukuyan ang kritikang panlipunang ito ng Trese Bloodlines, lalo na sa harap ng napapabalitang muling pagtakbo ni Rodrigo Duterte bilang ikalawang pangulo, at pagpapatakbo niya sa kanyang anak upang palitan siya sa pagkapangulo[4] (pagpapalitan sa hanay nilang pamilya na una na nilang ginawa sa Davao).

 

Isang kaugnay na dimensyon ng kritikang ito ay ang pagpinta sa imahe ng mga makapangyarihan bilang gahaman. Makikita ito halimbawa sa kwento ng imbestigasyon ni Padre Matthias sa Sursum. Binubuo ito ng mga taong makapangyarihan, at hindi nakukuntento sa yaman na mayroon sila. Handa silang gumamit ng mga ‘di patas na pamamaraan (tulad ng paggamit sa mga hula ni Asra) basta’t lalo silang makapagpayaman. Nasalamin ng komiks kung paano mag-isip ang mga gahamang makapangyarihan sa isang eksena, kung saan nag-uusap si Matthias at isang kasapi ng Sursum. Nang punahin ni Matthias na alam ng mga kasapi ng Sursum ang lihim sa likod ng kapangyarihan ni Asra ngunit nakikisali pa rin sila sa kalakarang ito, sumagot ang kausap niyang kasapi na ayos lamang ang kanyang ginawa na pakikinabang sa kapangyarihan ni Asra, dahil hindi naman sila ang nagsagawa ng kahayupan kay Asra kundi si Jaime Lunigi. Tipikal na mentalidad ito ng mga makapangyarihan. Kahit na alam nila na ang mga polisiyang pinakikinabangan nila ay nagdudulot ng kaapihan sa maraming mahihirap na Pilipino, patuloy pa rin sila sa pakikisangkot, dahil ikinakatwiran nila na hindi naman sila ang tuwirang nagdudulot ng pagdurusa sa mga ito.

 

Sa aking palagay, makikitaan din ng ganitong interogasyon sa mga makapangyarihan ang kwento ng paghihiganti ni Carlos “Verdugo” Trese sa mga aswang. Mayroong isang eksena kung saan isa-isang ipinapakilala ni Mama Grande ang mga tanyag na bisita sa pagtitipon, na kinabibilangan ng heneral, artista, manunulat, maimpluwensya sa Malacañang, at iba pang makapangyarihan sa lipunan. Ilan sa mga ito ay mga aswang, at ilan naman ay mga taong pumapanig sa mga aswang. Ang mga ito ang sumusuporta at kumokonsinti upang ipagpatuloy ng ilang mga aswang ang pang-aapi sa mga tao. Mayroon akong haka na sinadya ang paggamit sa mga aswang bilang metapora ng mga mapagsamantalang makapangyarihan sa lipunan. Sa mga kwentong bayan sa Pilipinas, ang mga aswang ay banta sa buhay ng mga tao. Kumakatok sila sa mga bahay at nagkukunwaring tao upang mapatay ang magbubukas ng pinto, at makuha ang ginhawa nito (na nasa atay at bituka ng mga tao[5]). Kaya hindi nakapagtataka na ginamit ng mga Katipunero ang metapora ng aswang bilang pantukoy sa mga Espanyol, na humuhuthot ng ginhawa mula sa taumbayan. Ito rin ang dahilan kung bakit saktong metapora ang aswang bilang pantukoy sa mga makapangyarihang patuloy na nagsasamantala sa mga Pilipino, patuloy na humuhuthot ng ginhawa mula sa mga ito. Tulad ng inilarawan sa kwento ni Verdugo, ang mga aswang at mga kapanalig nito ang nakaupo sa mga prominenteng posisyon sa lipunan bilang mga heneral, artista, manunulat, pulitiko, at sila ang pagpapanatili ng isang sistema kung saan nagagawang apihin ng mga aswang ang mga tao nang hindi sila nahuhuli at napapanagot.

 

Ang paggamit na ito sa metapora ng aswang ang lalong nakapagbigay ng masarap na paglasap ng katarungan sa katauhan ni Verdugo. Sa harap ng mga makapangyarihang aswang na naghahari sa lipunan, ipininta ng mga manunulat ang isang Verdugo na handang ipaghiganti ang mga api. Mayroong tatlong pangunahing teorya sa larangan ng katarungang pangkrimen (criminal justice) na mahalagang mabanggit upang maunawaan ang pinagmumulan ng kwento ni Verdugo. Una rito ay ang restorative justice, na nagbibigay-pagpapahalaga sa pagsisikap na magsagawa ng rehabilitasyon sa kriminal, upang ito’y magsisi, mapatawad, magbagong-buhay, at makabalik sa maayos na pamumuhay sa lipunan.[6] Kabaliktaran nito ang retributive justice, na sumasalungguhit sa pangangailangan na parusahan ang nagkasala bilang paghihiganti sa inhustisyang naranasan ng biktima. Ang ikatlong teorya ay ang transformative justice, na naninindigang mas mahalaga ang pagbabago mismo ng mga sistema sa lipunan na nagsisilbing salik sa pag-usbong ng krimen.[7] Sa tatlong ito, maikakategorya ang uri ng katarungan ni Verdugo sa ilalim ng retributive justice. Naniniwala siya na upang makamit ang tunay na katarungan, marapat na ipaghiganti ang mga api (tulad ni Tere) sa pamamagitan ng pagpaparusa sa mga nagkasala (tatlong anak ni Mama Grande). Para sa kanya, isa sa mga benepisyo ng ganitong uri ng katarungan ay ang pagdudulot ng takot sa mga potensyal na criminal (mga aswang), nang sa gayon ay hindi na sila mang-api. Bagaman hindi tayo nakasisiguro kung anong uri ng hustisya ang tuwirang ineendorso ng may-akda ng kwento ni Verdugo, malinaw na inihahain nito ang retributive justice bilang isang dulog sa paglaban sa mga makapangyarihan sa lipunan (na kinakatawan ng metapora ng aswang).

 

Ang maiksing pagbasang ito sa Trese Bloodlines bilang isang ehemplong teksto ng kritikang panlipunang (partikular na bilang instrumento ng pagkastigo at interogasyon sa mga makapangyarihan sa lipunan) ay patunay lamang na ang mundo ng Trese sa pangkabuuan ay isang mayamang balon na pwedeng paghanguan ng samu’t saring pagpapakahulugan. Kaya naman inaasahan na sa hinaharap ay siguradong marami pa ang sasalok sa balon na ito. Nawa lamang, gamitin sana ng mga sasalok ang mga sariwang tubig na makukuha mula sa balon na ito para mapainom ang mga tunay na uhaw – yaong mga patuloy na pinagdadamutan ng iilang makapangyarihan sa lipunan na nagmomonopolyo sa katubigan ng bansa na disin sana’y para sa lahat.



[1] Budjette Tan, et al, Bloodlines Vol 1 (Imus, Cavite: Avenida Publishing House, 2020), 62.

[2] Budjette Tan, et al, Bloodlines, 107.

[3] Alfred W. McCoy, patnugot, An Anarchy of Families: State and Family in the Philippines, pat., Alfred W. McCoy (Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 1994).

[4] Maila Ager, “Duterte-Duterte tandem possible but ‘winnability is another question’ — Binay”, Hunyo 22, 2021, Inquirer.Net, matatagpuan sa https://newsinfo.inquirer.net/1449233/duterte-duterte-in-2022-possible-but-winnability-is-another-question-says-sen-binay, sinangguni noong Hulyo 11, 2021.

[5] Zeus A. Salazar, “Ethnic Psychology and History: The Study of Faith-healing in the Philippines,” nasa The Ethnic Dimension: Papers on Philippine Culture, History and Psychology, patnugot, Zeus A. Salazar (Cologne: Counseling Center for Filipinos, 1983), 99.

[6] Para sa pagpapaliwanag sa kalakasan ng restorative justice, partikular sa sentral na kahalagahan ng pagpapatawad, tingnan ang N.T. Wright, Evil and the Justice of God (Downers Grove, Illinois: InterVarsity Press, 2006),  

[7] “The Three Theories of Criminal Justice”, CriminalJustice.com, matatagpuan sa https://www.criminaljustice.com/resources/three-theories-of-criminal-justice/, sinangguni noong Hulyo 11, 2021.

No comments:

Post a Comment

Rebyu #112 - Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing ni Ricky Lee

Lee, Ricky. Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing. Loyola Heights, Quezon City: Philippine Writers Studio ...