Saturday, October 23, 2021

Rebyu #89 -- Doc Prudente: Nationalist Educator ni Nelson Navarro

Navarro, Nelson A. Doc Prudente: Nationalist Educator. Manila: Anvil Publishing, Inc., 2011.


Why do men of heroic spirit die?
The wisdom of the world
Won’t suffice to embrace,
The void of circular questions
God steer clear of,
Unable to speak like the Holy Inquisition
But Buddhists burn incense
To calm the hearts
& pronounce all who have vanished
Will eventually return
To finish a mission left undone
In another place and time.
In another form.
In another generation
-Edel Garcellano, “In Memoriam: Dr. Nemesio E. Prudente”


“Big Brother of Activists” at “Father of PUP.” Ilan ito sa mga bansag na ipinataw ng mga humahanga kay Nemesio Encarnacion Prudente, isa sa mga pangalang nakaukit sa maringal na Bantayog ng mga Bayani. Para sa mga taong nakasaksi sa lagim ng Batas Militar, isang matibay na pundasyon si Prudente, isang patunay sa kakayahan ng mga Pilipinong ipaglaban ang katarungan sa gitna ng awtoritaryanismo.


Sa gitna ng kasalukuyang lagay ng pulitika, kung saan laganap ang distorsyong pangkasaysayan ukol sa Batas Militar, napapanahon ang pananalambuhay sa mga biktima at bayani ng diktadurang Marcos. Ang kontekstong ito ang nagbibigay ng patuloy na saysay sa akdang Doc Prudente: Nationalist Education ng dyornalist na si Nelson Navarro. Isang batiking mananalambuhay si Navarro, na kumatha sa talambuhay ng mga matatayog na personalidad tulad nina Emmanuel Pelaez, Luis Lorenzo, Vicente Perez Sr., Ramon Magsaysay, Max Soliven, at Armida Siguion-Reyna. Bilang isa sa mga aktibistang nakalahok sa makasaysayang Sigwa ng Unang Sangkapat (First Quarterstorm) na humamon kay Marcos noong 1970, mataas ang pagpapahalaga ni Navarro kay Prudente. Sa kanyang pananalambuhay kay Prudente, malikhain niyang binaybay ang ebolusyon ng bayani, mula sa batang “Mensing” ng Cavite, patungo sa nakikipagsapalarang “Rudy” na mag-aaral sa Estados Unidos, hanggang sa pagiging nasyonalistang edukador ng PUP na “Doc Prudente.” Epektibong naitakda ni Navarro ang peryodisasyon ng talambuhay ni Prudente sa pamamagitan ng tatlong katawagang ito. Ang palayaw na “Mensing” ang kanyang ginamit sa pagtalakay sa maagang buhay ni Prudente; “Rudy” ang bansag niya habang nag-aaral ito sa Estados Unidos; at “Doc” naman ang pangunahing pantukoy niya sa protagonista pagbalik nito sa Pilipinas. Ang ganitong pagpapalit-palit ng katawagan ay instrumentong nagamit ni Navarro upang bigyan ng malinaw na hugis ang kanyang naratibo ng buhay ni Nemesio Prudente.

Tubong Rosario, Cavite si Mensing, na ipinanganak noong Disyembre 1, 1926 kina Mamerto Prudente at Felicidad Encarnacion. Mula kamusmusan ay maagang naitanim sa kamalayan ni Mensing ang pagkamakabayan, dahil sa madalas na pagkukuwento ng kanyang lolo Enciong ng mga karanasan nito bilang Katipunerong lumaban kapwa sa Himagsikang 1896 at sa Digmaang Pilipino-Amerikano. Si Mensing mismo noong bata pa ito ay nagsilbing koryer sa Mag-Irogs, isang puwersang gerilya laban sa mga Hapon noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Nag-aral siya sa Rosario Elementary School, kung saan siya nagtapos bilang balediktoryan. Nag-aral din siya sa UP High School, bagaman kalaunan ay lumipat siya sa Cavite High School dahil sa panganib na dala ng digmaan sa Maynila. Isa sa mga tinitingala niya ay ang kanyang kuyang si Dante, na bilang kadete ng Philippine Military Academy ay lumaban sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Sa pagnanasa na sumunod sa yapak ng kanyang kuya, nagsikap siyang makapasok sa United States Merchant Marine Academy (USMMA) sa Kings Point. Nilisan niya ang Pilipinas noong Enero 1947, para sa pakikipagsapalaran sa bagong yugto ng kanyang buhay sa Estados Unidos.

Sa panahong nag-aaral siya sa USMMA ay nakilala ni Rudy (palayaw na ibinigay sa kanya ng mga kasamahan sa Kings Point) si Ruth Yulo Garcia, na kalaunan ay pinakasalan niya. Isang nars si Ruth, Methodista na kalaunan ay magiging daan upang maipasok si Rudy sa malawak na mundo ng panlipunang aksyon ng simbahang Protestante. Sa Estados Unidos ipinanganak ang tatlong supling ni Rudy at Ruth na sina Felicidad Brigida, Karen, at Rudy Jr. Habang itinataguyod ang pamilya ay sinikap ni Rudy na maisulong ang kanyang gradwadong pag-aaral sa Estados Unidos. Matapos makamit ang Bachelor of Science in Nautical Science sa USMMA, Nag-aral siya ng Master’s in International Affairs sa San Francisco State College, na kanyang natapos noong 1954. Ipinagpatuloy niya ang kanyang pagpapakadalubhasa sa University of Southern California, kung saan siya nagdoktorado sa agham pampulitika. Bilang disertasyon sa programang ito, isinulat niya ang humigit kumulang 600 pahinang “Admission to Membership in the United Nations: A Tool of Diplomacy”, na pagsusuri niya sa United Nations sa konteksto ng namamayagpag noon na Cold War sa pagitan ng Estados Unidos at Unyong Soviet.

Maaari namang manatili na lamang si Rudy sa komportableng buhay sa Estados Unidos, na siyang nais ng kanyang kabiyak. Ngunit bilang isa sa mga henerasyong nakasaksi sa bagong layang Republika mula sa kolonyalismong Amerikano, may kung anong humahatak kay Rudy pabalik sa kanyang lupang sinilangan. Matapos ang kanyang doktorado, bumalik si Rudy sa Pilipinas noong 1960 na bitbit ang kanyang asawa’t tatlong anak. Maraming mga institusyon ang hindi tumanggap sa aplikasyon ni Rudy noong una, dahil bilang may lagpas na kwalipikasyon, animo’y banta siya sa matatagal nang empleyadong walang doktorado. Isa sa mga naging una niyang trabaho ay ang pagtuturo sa Far Eastern University, sa ilalim ng dekano ng Institute of Arts and Sciences na si Alejandro Roces. Nang manalo bilang pangulo ng bansa si Diosdado Macapagal, kinuha nitong kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon si Roces. Yamang nasaksihan ni Roces ang husay ni Rudy, inalok niya naman ito na maging pangulo ng Philippine College of Commerce (PCC), ang dating pangalan ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP).

Sa panahong iyon, isang maliit at hindi kilalang paaralan ang PCC. Nakapaloob lamang ito sa isang maliit na gusali sa Lepanto na mayroong humigit kumulang 1,500 mag-aaral noong magsimulang manungkulan si Rudy rito bilang pangulo taong 1962. Sa 1,500 mag-aaral na ito, mayorya ay mga estudyante sa hayskul, at mayroon lamang itong maliit na departamentong pangkolehiyo na nagkakaloob ng iilang programang akademiko. Ang pagiging mahusay na administrador ni Rudy – na noon ay mas kilala na sa katawagang “Doc Prudente” – ay ang siyang nagpabagong-anyo sa paaralan, mula sa pagiging hindi kilalang PCC tungo sa pagiging nasyonalistang PUP na isa na sa mga pinakakilalang unibersidad sa buong bansa.

Dalawang mahabang yugto nanungkulan si Doc Prudente bilang pangulo ng PCC/PUP. Una ay bago ang Batas Militar noong 1962-1972, at ikalawa ay matapos ang Himagsikan ng Kapangyarihang Bayan ng EDSA noong 1986-1992. Nagsikap si Doc Prudente upang makahingi ng pondo sa pamahalaan, at inilipat niya ang PCC mula sa maliit na gusali nito sa Lepanto tungo sa malaking kampus nito sa Sta. Mesa sa kasalukuyan. Sa panahon ng administrasyon niya naipatayo ang maraming gusali sa loob ng bagong kampus, at naestablisa ang maraming sangay na kampus nito sa loob at labas ng Kalakhang Maynila. Sa panunungkulan din ni Doc Prudente nakonseptuwalisa ang College of Law at ang Open University ng PUP. Nang magretiro siya bilang pangulo noong 1992, lomobo na sa 50,000 ang populasyong pang-mag-aaral ng PUP, na napakalayo sa 1,200 na bilang ng mga estudyante nito noong magsimula siyang manungkulan taong 1962.

Sa pamumuno ni Prudente maiuugat ang pagsibol ng nasyonalismo ng PUP. Pinatatag niya ang larangan ng agham panlipunan sa unibersidad, at nag-imbita siya ng mga pang-mag-aaral at mga pambansang lider upang magsalita sa mga estudyante ng PUP. Nag-imbita rin siya ng mga radikal na kaguruan ng UP upang magturo sa PUP. Bago ang pagsikat ng PUP, UP lamang ang nag-iisang pamantasan na aktibo sa pagsasagawa ng mga kilos-protesta ukol sa mga napapanahong isyung panlipunan. Ngunit nagwakas ang monopolyong ito sa pagsapit ng “yugtong Prudente” sa PUP. Ikinintal ni Prudente sa isip ng mga mag-aaral na hindi lang sila magiging mga payak na mga kasangkapang nagbibigay ng serbisyo at produkto kapalit ng salapi, bagkus ay mga susunod na propesyunal na may malinaw na kamalayang makabayan. Ang pagpapagal ni Doc Prudente sa pagpapayabong ng PUP ay nagbubukal sa kanyang taimtim na paniniwalang ang pampublikong edukasyon ay isa sa mga susi upang unti-unting makamit ang pagkakapantay-pantay sa lipunan, sa pamamagitan ng pagbibigay ng oportunidad sa mga mahihirap na umangat sa buhay sa tulong ng edukasyon.

Naantala ang pagpapaunlad ni Prudente sa PUP noong ipataw ni Ferdinand Marcos ang Batas Militar taong 1972. Ngunit bago pa man maipataw ang Batas Militar ay naranasan n ani Doc Prudente ang bagsik ng rehimeng Marcos. Matapos ang pambobomba sa Plaza Miranda, nagsagawa ng serye ng pagpapadakip ang pamahalaan. Isa sa mga pinaratangang salarin si Doc Prudente at ipiniit sa kulungan noong 1971, sa kabila ng malinaw niyang tindig na hindi siya komunista. Yamang wala sapat na ebidensyang maipakita ang pamahalaan, napilitan silang pakawalan si Doc Prudente matapos ang apat na buwan. Muli, noong ideklara ang Batas Militar ay isa si Doc Prudente sa nakalista sa mga pangalang ipinadadakip ng diktadura, dahil sa malinaw na pagtutol nito sa mga kalabisan ng pamahalaan. Dahil dito ay napilitang mag-underground si Doc Prudente.

Nasa 17 buwan din siyang palipat-lipat ng lugar upang makapagtago sa militar, hanggang sa tuluyan siyang mahuli noong Pebrero 1974. Matinding pisikal at sikolohikal na tortyur ang dinanas ni Doc Prudente sa kamay ng mga militar habang siya’y nakapiit. Sa isang maliit na selda siya ikinulong, at binigyan lamang ng maliit na lalagyan ng kanyang ihi at dumi. Hindi ito inaalis upang manatiling masangsang ang kanyang maliit na selda. Hindi rin siya pinahintulutan na maligo sa loob ng ilang araw. Ngunit ang isa sa pinakamalagim niyang karanasan ay nang dalhin siya sa isang sementeryo, kung saan nagsagawa ng “Russian roulette” ang mga sundalo sa kanya. Isang anyo ito ng tortyur kung saan nilalagyan ng isang bala lamang ang rebolber, pagkatapos ay ipinapaikot ang kargada nito at itinatapat sa ulo ng biktima. Kakalabitin ang gatilyo ng baril, at swertihan ito: kung hindi tumapat ang bala ay makaliligtas ang biktima, at kapag naman minalas siya sa pagtapat ng bala mababawian siya ng buhay sa isang iglap. Pagkatapos itong isagawa kay Doc Prudente ay inilibing naman siya nang buhay sa lupa ng sementeryo, at isang maliit na butas lamang ang pinananatiling nakabukas bilang kanyang hingahan. Natigil lamang ang pagdurusa ni Doc Prudente nang lumakas ang pambansang panawagan na palayain siya. Tuluyan niyang nakamit ang kalayaan noong Disyembre 1974.

Sa halip na matakot, ang naranasan niyang pagpapahirap sa loob ng bilangguan ay lalo pang nagpaalab sa kanyang pagsusulong ng katarungan. Samu’t saring kilusang mapagpalaya ang nilahukan ni Prudente matapos niyang makalaya. Naging tagapayo siya ng Zone One Tondo Organization (ZOTO), isang pangkomunidad na proyektong nag-oorganisa sa masa upang ipagtanggol ang kanilang interes. Naging aktibo siya sa mga gawaing panlipunan ng simbahang Metodista, na naglalayong paunlarin ang kamalayang panlipunan ng mga komunidad. Naging instrumental din siya sa pagkakatatag ng People’s Democratic Movement (PDEM). Isang pangmasang organisasyon ito sa Katimugang Luzon, na binuo bilang alternatibo sa balangkas ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA). Bagaman magkatulad ang PDEM at CPP-NPA sa layuning mapalaya ang lipunang Pilipino mula sa diktadurang Marcos, mas may kiling si Doc Prudente at ang PDEM sa partisipatoryong demokrasya, kaysa sa totalitaryong tendensya ng CPP-NPA. Taliwas din si Doc Prudente sa nakikita niyang kontra-Kristiyanong sentimiyento ng CPP-NPA. Ito ang dahilan kung bakit hindi siya naging komunista, sa kabila ng makailang ulit na pagtatangka nina Jose Ma. Sison na mahamig siya. Gayunman, kasangga ng CPP-NPA ang PDEM sa armadong pakikibaka, dahil mayroon ding armadong grupo ang PDEM na tinatawag na “Anak Pawis”, na nakasentro sa Maynila. Ang mga aktibidad na ito ang dahilan kung bakit noong 1983, matapos ang pagkamatay kay Ninoy, ay isa si Doc Prudente sa mga muling ipinadakip ng diktadura.

Pagsapit ng Himagsikan ng Kapangyarihang Bayan ng EDSA noong 1986, muling nakamit ni Prudente ang kanyang kalayaan, kasama ng lahat ng bilanggong pulitikal na sabay-sabay na pinalayo ng bagong pangulo ng Republika na si Corazon Aquino. Muli siyang nanungkulan bilang pangulo ng PUP, kapalit ni Pablo Mateo, ang opisyal na iniluklok sa PUP ni Marcos (na napilitang umalis matapos ang matinding kilos-protesta ng mga mag-aaral ng PUP laban sa kanya). Muling nagpatuloy ang institusyunal na pag-unlad ng pamantasan sa ilalim ng kanyang ikalawang termino. Dulot ng kanyang radikal at makabayang pamumuno sa PUP, at gayundin ang dati niyang partisipasyon sa PDEM, naging mainit siya sa mata ng mga maka-kanan, lalo na ang militar. Dalawang beses siyang tinangkang ipapatay (Nobyembre 1987 at Hunyo 1988) sa pamamagitan ng pananambang, at sa kabutihang-palad ay dalawang beses din siyang mahimalang nakaligtas.

Dulot ng malakas na panawagan ng sektor ng mga makabayan, tumakbo si Doc Prudente sa pagkasenador noong 1992, sa ilalim ng Partido ni Jovito Salonga. Ngunit bilang isang kandidatong integridad at pagkamakabayan lamang ang bitbit (at walang taglay na malaking pondo at makinarya), natalo si Doc Prudente. Mas mataas ang nalikom na boto sa pagkasenador ng mga sikat na komedyante at mga artista noong 1992. Bagaman retirado na sa PUP noong 1992, patuloy ang pagtanggap niya sa mga imbitasyon na magsalita sa iba’t ibang akademikong pagtitipon bilang professor emeritus ng PUP. Nagkaroon din siya ng panahon upang magsulat ng mga makabayang aklat. Sa kanyang pagkamatay noong Marso 8, 2008 sa edad na 81, dumagsa sa kanyang libing ang napakaraming tao na humahanga sa kanya, mga estudyante at kaguruan ng PUP, at gayundin ang iba’t ibang nakasama niya sa samu’t saring kilusang mapagpalaya. Matapos siyang mamatay ay agad ring inasikaso ng kanyang mga kaibigan at kasama ang proseso ng pag-ukit sa kanyang pangalan sa maringal na Bantayog ng mga Bayani.

Sa panahon na matindi ang ipinapakalat na distorsyong pangkasaysayan, kung saan itinatanggi ang pag-iral ng mga biktima ng Batas Militar, sa ngalan ng makasariling adhikain na muling maibalik ang pamilyang Marcos sa Malakanyang, lalong kagyat ang pangangailangan na muling sariwain ang buhay ng mga bayaning matapang na tumuligsa at lumaban sa diktadurang Marcos. At isa ang alaala ni Mensing/Rudy/Doc Prudente sa mga bayani ng Batas Militar na dapat ipagtanggol at ipopularisa ng lahat ng nagpapahalaga sa kasaysayan at katarungan.

No comments:

Post a Comment

Rebyu #112 - Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing ni Ricky Lee

Lee, Ricky. Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing. Loyola Heights, Quezon City: Philippine Writers Studio ...