Wednesday, October 27, 2021

Rebyu #90 -- Ben Singkol ni F. Sionil Jose

Jose, F. Sionil. Ben Singkol. Manila: Solidaridad Publishing House, 2001. Third Edition, 2013.

 

Kung marami nang nobela ni F. Sionil Jose ang iyong nabasa, magkakaroon ka ng pakiramdam na parang ang ilang mga akda niya ay pag-uulit na lamang ng maraming tema, karakter, daloy, at mga taktikang pampanitikan na una na niyang nagawa sa mas maaga niyang mga nobela. Marahil, maiuugat ito sa katotohanang iisa lang ang talagang pinapaksa ng lahat ng kanyang mga nobela: ang masalimuot na reyalidad lipunang Pilipino, na puno ng pang-aapi at inhustisya. Sa aking palagay, ito ang sinulid na nagtatagpi sa buong pampanitikang korpus ni Jose. Iba’t ibang panahon sa agos ng kasaysayan ng lipunang Pilipino ang pinapaksa niya sa kanyang mga nobela. Mayroong ukol sa kolonyalismong Espanyol (Po-on), kolonyalismong Amerikano (Tree), Ikalawang Digmaang Pandaigdig (Ben Singkol, Ermita), rebelyong Huk noong 1950s (My Brother, My Executioner), pagtindi ng anti-imperyalistang nasyonalismo noong 1960s (The Pretenders), Batas Militar (Mass), bagong dispensasyon matapos ang Batas Militar (Gagamba). Ngunit magkakaibang panahon man, magkakatulad ang mga temang tinatalunton ng bawat nobela ni Jose. Ang marami sa mga pamilyar na temang ito sa iba’t ibang akda ni Jose ay tinataglay rin ng kanyang nobelang Ben Singkol.

 

Ang nobela ay umiinog sa buhay ni Ben Singkol, isang batang lumaki sa mahirap na baryo ng Selasor (isang piksyunal na lugar sa Pangasinan). Unti-unting nakaangat sa buhay si Ben dahil sa kanyang pag-aaral ng abogasya sa Maynila, at pagtatrabaho bilang manunulat sa dyaryo. Higit pa ang kanyang naging pag-angat nang maging bahagi siya ng mayamang pamilyang Reyes sa pamamagitan ng pagpapakasal kay Isabel. Puno ng kapaitan ang naging buhay ni Ben. Labis na mahirap ang kanyang buhay-pagkabata. Musmos pa lamang ay sariling sikap na siya upang mabuhay sa Selasor. Habang nag-aaral sa Maynila, samu’t sari ang kanyang trabahong pinasok: kasambahay, bodegero, serbidor, kolektor ng utang, at iba pa. Naantala ang kanyang pag-aaral nang sapilitan siyang ipasok sa militar noong panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Bagaman nakatakas mula sa Bataan, nahuli siya kalaunan ng mga Hapon at isinailalim sa matinding tortyur. Ang kanyang ama ay pinatay ng mga Hapon. Ang kanyang ina at ang pinakamamahal na babaeng si Nena ay dinakip naman ng mga ito, at hindi na niya muli pang nakita ang dalawa. Ang galit sa mga Hapon ang nagtulak sa kanya upang sumali sa mga puwersang gerilya laban sa mga mananakop. Sa kanyang pagtanda ay hindi pa rin nilubayan si Ben ng mapapait na karanasan. Sa maagang edad ay namatay ang asawa niyang si Isabel dahil sa leukemia, at ang kanya namang anak na si Josie ay nahuli kalaunan ng mga sundalo nang lumaban ito sa mapaniil na Batas Militar ni Marcos.  

 

Maraming pagkakatulad ang Ben Singkol sa iba pang mga nobela ni Sionil. Mula sa hirap si Ben na kalaunan ay yumaman tulad ni Juan Bacnang sa Juan Bacnang, Tony Samson sa The Pretenders, at Luis Asperri sa My Brother My Executioner. Tulad rin ni Tony at Luis, mayroong malalim na nostalgia si Ben sa kanyang pinagmulang mahirap na buhay, at nagsagawa rin siya ng pagtatangkang mahanap ang kanyang ugat sa pamamagitan ng pagbalik kalaunan sa kanyang bayang sinilangan. Gumamit ang Ben Singkol ng taktikang “first person point of view”, kung saan ang buong nobela ay direktang pagsasalaysay ng protagonista ng kanyang mga karanasan (na ginamit din ni Sionil sa Sin, Tree, at Mass).

 

Malalim ang repleksyon ng protagonista ng Ben Singkol sa kahulugan ng buhay, at puno ito ng pagpapahayag ng krisis ng kairalan (existential crisis) tulad ng Gagamba, Tree, Juan Bacnang, The Pretenders at Mass. Katulad rin ng Ben Singkol ang Gagamba at Ermita sa pagbibigay-kritika nito sa maiksing memorya ng mga Pilipino – ang tendensyang makalimutan kaagad ang ginawang pananamantala sa kanila (sa kaso ng Ben Singkol, ang tuon ay ang pagkalimot ng mga Pilipino sa kasalanan ng mga Hapon sa ating bayan noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig). May kritika rin ang Ben Singkol sa pakikipagsabwatan ng mga elit sa mga banyaga (tulad ng My Brother My Executioner). Tipikal din sa maraming nobela ni Jose ang pagsasalaysay niya na ang ninuno ng ilang kasalukuyang mayaman ay sumali sa himagsikan ng mga Katipunero, at ginamit ang posisyon sa himagsikan upang magpayaman. Ganito niya ipinaliwanag ang pagsisimula ng yaman ng pamilya ni Don Alfonso, na amo ni Ben Singkol bilang kasambahay. Ang temang ito ay matatagpuan din sa nobela ng Sin at Tree.

 

Taliwas sa ibang mga nobelista, hindi laging mabuti ang pangunahing karakter sa mga nobela ni Jose. Sa aking palagay ay maigugrupo sa ilalim ng tatlong kategorya ang mga pangunahing karakter niya: bida, bida-kontrabida, at alanganing bida. Ang bida sa mga nobela ni Sionil ay kadalasang mahirap 0 mula sa hirap na yumaman, at may simpatya sa mga mahihirap. Kadalasan ding progresibo ang mga ito na tumutulong sa pagkilos para sa pagbabagong panlipunan. Sa kategoryang ito maihahanay si Ben Singkol, kasama nina Istak ng Po-on at Jose Samson ng Mass. Matatagurian nating bida-kontrabida ang mga karakter ni Jose na gahamang mayayaman na nagpapanatili ng ‘di patas na sistema, o mga mahirap na yumaman na nakalimot sa kanilang pinagmulan at nakikiisa na sa uring nananamantala. Dito maipapailalim sina Juan Bacnang ng Juan Bacnang, at si Carlos Cobello ng Sin. Samantala, mayroon ding mga karakter na mahirap ilagay sa kategoryang bida o bida-kontrabida. Maaari silang bansagan na “alanganing bida.” Mahirap silang ikulong sa makitid na kategorya ng bida o bida-kontrabida, dahil mayroon silang elemento ng simpatya sa mga mahihirap, maaaring mula sila sa hirap, o nagsisikap din silang makapag-ambag sa pagbabagong panlipunan. Pero sa daloy ng kanilang buhay ay naging kasangkapan sila ng pang-aapi o nilamon na sila ng sistema ng mga elit. Dito marahil maihahanay sina Ermi ng Ermita, ang ‘di pinangalanang karakter ng Tree, Luis Asperri ng My Brother My Executioner, at si Tony Samson ng The Pretenders.  

 

Tulad ng nabanggit na, maraming pagkakatulad ang mga nobela ni Sionil dahil iisa lamang ang pinakatuon ng mga ito: ang masalimuot na lipunang Pilipino. Ngunit hindi ito nangangahulugan na replika na payak na pagpapaulit-ulit lamang ang mga akda ni Jose. Mas makatarungang ilarawan ang mga nobela ni Jose bilang magkakaibang anggulo ng iisang paksa. Habang dumarami ang nababasa ng indibiduwal na nobela ni Jose ay lumalago ang kanyang kaalaman sa lipunang Pilipino, partikular na sa isyu ng ‘di pagkakapantay-pantay at kawalan ng katarungan. Ang maituturing na partikular na ambag ng Ben Singkol sa mundong nilikha ng pampanitikang korpus ni Sionil ay ang malagim na reyalidad ng digmaan, ang kakayahang pagsabayin ang pagpapatawad at hindi pagkalimot, at ang kakayahan ng isang Pilipino na manatiling nakatindig sa gitna ng lahat ng pait, inhustisya, at tukso ng uring mapagsamantala.     

No comments:

Post a Comment

Rebyu #112 - Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing ni Ricky Lee

Lee, Ricky. Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing. Loyola Heights, Quezon City: Philippine Writers Studio ...