Saturday, October 16, 2021

Rebyu #88 -- Lorena: Isang Tulambuhay ni Pauline Mari Hernando

 Hernando, Pauline Mari. Lorena: Isang Tulambuhay. Quezon City: University of the Philippines Press, 2018.







"Sa hinuha’t kamalayan ng mga kaaway, pumanaw na ang kanilang “sakit sa ulo.” Inakala nilang nagwakas sa lamay ang digmang bayang nilahukan at pinamunuan niya. Pinagpalagay din nilang kasama niyang malilibing ang pangako’t lagablab ng bagong tipo ng kilusang kababaihan. Taliwas ito sa diwa at panata ng mga sumunod na rebolusyonarya. Sapagkat ang kaniyang pagpanaw ay nagsilbi pang panandang bato sa rebolusyonaryong kilusang kababaihan sa bansa.  Nagturo itong manindigang wala sa pingkian ng bala at dugo ang huling yugto sa buhay ni Lorena." – Pauline Mari Hernando (p.115)



Aktibista, makata, babae, pulang mandirigma. Ito ang buod ng pananalambuhay ni Pauline Mari Hernando kay Ma. Lorena “Laurie” Barros, isa sa mga pinaparangalang personalidad ng Bantayog ng mga Bayani dahil sa matapang na paglaban sa diktadurang Marcos, sukdulang nag-alay ng buhay para rito. Halaw ang aklat sa tesis masterado ng may-akda sa disiplina ng Filipino sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman. Sa pamamagitan ng pakikipanayam sa pamilya at mga nakasama ni Lorena, pagsangguni sa mangilan-ngilang publikasyon ukol sa bayani, at paghalukay sa mayamang batis ng mga ‘di limbag na dokumento, malikhaing hinabi ni Hernando ang “tulambuhay” ni Lorena. Binansagan niyang “tulambuhay” ang kanyang katha, dahil bilang mananalambuhay at kritiko, pinagsabay ni Hernando ang pagsasalaysay sa buhay ni Lorena at ang pagsusuri sa mga tulang nilikha nito bilang makata. Ipinakita niya sa agos ng buong aklat ang pagtatalaban ng lipunan at tula, baril at pluma, pulang mandirigma at makata, sa konteksto ng natatanging buhay ni Lorena.

 

Ipinanganak si Lorena kina Alicia Morelos at Romeo Barros sa Baguio noong Marso 18, 1948. Sa maagang edad pa lamang ay nahulog na si Lorena sa mundo ng panitikan na parang isang kumunoy. Naging malaking salik dito ang kanyang ina, na siyang unang nagpabasa kay Lorena ng mga akdang pampanitikan. Nag-aral siya sa Instituto de Mujeres at St. Joseph College para sa elementarya, at sa Far Eastern University-Girl’s High School naman niya inilagi ang kanyang buhay-hayskul. Nananalaytay sa dugo ni Lorena ang pagkamakabayan, yamang ang kanyang lolo sa tuhod na si Gervacio ay isang Katipunero, habang ang nanay at dalawang tito niya naman ay sumali sa Hukbalahap. Ang ganitong pagkamakabayan ay unti-unting nahubog sa murang isip ni Lorena noong nag-aral siya ng batsilyer ng sining sa antropolohiya sa Unibersidad ng Pilipinas, programang natapos niya noong 1970.

 

Habang nasa UP, lumahok siya sa samu’t saring organisasyong akademiko tulad ng UP Writers Workshop, UP Writers’ Union, UP Writers’ Club, UP English Majors Club, UP Philosophical Society, at UP Anthropological Society (bilang pangalawang pangulo). Naging kontribyutor din siya sa opisyal na pang-estudyanteng pahayagan ng pamantasan na Philippine Collegian. Ngunit ang radikalisasyon ni Lorena ay talagang naganap noong maging kasapi siya ng Samahang Demokratiko ng Kabataan (SDK), kung saan una siyang nakapagbasa ng mga Marxistang babasahin tulad ng Communist Manifesto. Sumidhi pang lalo ang pagkamulat ni Lorena bilang aktibista nang pangunahan niya bilang tagapangulo ang Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan o MAKIBAKA. Sa MAKIBAKA unang naranasan ni Lorena ang praktika ng pag-oorganisang pangkomunidad, nang manirahan sila sa San Andres Bukid sa loob ng humigit kumulang 2 taon. Dito ay nagtayo sila ng impormal na paaralan, kung saan nagturo sila sa mga bata ng mga basikong kaalaman. Inorganisa rin nila ang mga kananayan, at tumulong sila sa pagpapaunlad ng kabuhayan ng mga mamamayan ng komunidad.  

 

Kaalinsabay ng pag-unlad ng kamalayang panlipunan ni Lorena bilang aktibista ang radikalisasyon ng kanyang panulaan bilang makata. Bago ang kanyang pagpasok sa UP, tipikal na panulaang petit-burges ang kinakatha ni Lorena. Pawang indibiduwalistikong pagbubulalas ng sariling damdamin at mundo ang mga ito, at pumapaksa sa mga tema tulad ng pag-ibig, pananampalataya, at kalikasan. Ngunit nang maging aktibista siya, ang kanyang pagtula ay nagkaroon na ng malinaw na direksyon – ang pagsusuri at paglalantad sa bulok na sistema ng makauring lipunan na pinamamayanihan ng imperyalismong Amerikano, piyudalismo, at burukrata-kapitalismo. Samu’t saring paksa sa loob nito ang pinaksa ng mga tula ni Lorena sa yugtong ito tulad ng kahungkagan ng eleksyon, pambubusabos sa mahihirap, domestisasyon ng kababaihan, mapagkunwaring kaunlaran na ipinapakita ng mga gusaling pinatayo ng rehimeng Marcos (kapalit ng pagtaboy sa mga maralitang tagalunsod), at iba pa.

 

Nang isuspinde ni Marcos ang writ of habeas corpus noong 1971, isa si Lorena sa mga lider-kabataan na ipinadadakip sa militar dahil sa kasong subersyon. Ang pangyayaring ito ang nagtulak sa kanya na tumakas patungong Zambales at tuluyang sumali sa armadong pakikibaka bilang kasapi ng Bagong Hukbong Bayan (BHB). “Ka Cita” ang naging palayaw niya sa larangan ng armadong pakikibaka. Habang nasa larangan, napaibig si Ka Cita kay Ramon Sanchez  (alyas “Dayang-Dayang”), isang dating propesor ng pilosopiya sa Philippine College of Commerce (ang kasalukuyang Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas). Ibinunga ng pagmamahalan nila si Ramon Emiliano “Emil” Sanchez, na ipinanganak ni Lorena noong Nobyembre 24, 1972. Naging mahirap para kay Lorena ang pagkakaroon ng pamilya habang nasa larangan ng armadong pakikibaka. Minsan lang niya nakakasama ang anak, maraming pagkakataon na ipinapaalaga niya ito sa iba (tulad ng nanay niya at mga kasamang kadre) para sa seguridad ni Emil.

 

Noong Oktubre 1973, natiktikan ang grupo ni Lorena, at nadakip siya ng mga pulis sa Bicol. Ipiniit siya sa Calamba mula Oktubre 1973 hanggang Mayo 1974, bago siya inilipat sa Fort Bonifacio, kung saan nanatili naman siya hanggang Nobyembre 1974. Dahil sa matinding tortyur na ginawa sa kanya, nalaglag ang ikalawang anak na ipinagbubuntis niya. Habang nasa piitan, nabalitaan ni Lorena na ang asawa niyang si Ramon ay nahuli rin ng militar, at nakipagtulungan ito upang mahuli ang ilan nilang kasama. Ibang iba ito sa katatagan na ipinakita ni Lorena, na hindi nagbigay ng kahit na anong datos na makapagpapahamak sa kanilang kilusan, sa kabila ng matinding pagpapahirap na ginawa sa kanya. Ngunit may mas matindi pang ginawa si Ramon na ikinubli nalang sa kanya ng kanyang ina upang hindi makadagdag sa kanyang pagdurusa – humingi ng amnestiya si Ramon upang makabalik sa dating asawa at anak nito, at pagkatapos ay tumungo na sila sa Estados Unidos para magpakalayu-layo.

 

Sa kabutihang palad, sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa ilang kasamang bilanggo, matapos ang matagal na lihim na pagpaplano, nakapaghukay sila sa lupa ng lagusan na naging daan upang makatakas sila. Matapos niyang makalabas sa bilangguan, nagtungo siya sa sona ng Quezon upang muling makasama sa agos ng armadong pakikibaka. Pagsapit ng 1975, naitalaga siya bilang pangkalahatang kalihim ng komiteng pangrehiyon ng Partido sa Timog Katagalugan.

 

Samantala, ang uri ng panulaan ni Lorena ay higit na umunlad noong panahon na nasa loob siya ng BHB. Kung noong mag-aaral pa lamang siya ng UP at tagapangulo ng MAKIBAKA, puro pagsusuri at paglalantad sa mga kabulukan ng sistemang makauri ang kanyang pinapaksa, sa yugtong ito ay naglalaman na ang kanyang mga tula ng aktuwal na lunas sa mga kabulukang ito – ang armadong pakikibaka. Litaw na litaw rito ang mga tema tulad ng pag-aalay ng buhay ng mga martir na nakapag-aambag sa pagkapanalo ng rebolusyon sa hinaharap. Nariyan din ang realistikong presentasyon sa buhay ng isang pulang mandirigma, na puno ng pasakit, kataksilan, at kamatayan. Sa mga ito higit na makikita ang paninindigan ni Lorena para sa tunay na Kalayaan ng kanyang bayan.

 

Ang rurok ng paninindigan na ito ni Lorena ay makikita sa kanyang matikas na pagtindig hanggang sa huling bahagi ng kanyang buhay. Nahuli ang isa sa mga kasamahan ni Lorena, na nagngangalang Lago o Ka Pidyong. Itinuro nito ang kinalalagyan ni Lorena sa Barrio Cagsiay II, Mauban, Quezon. Sa kabila ng tama ng baril, sinikap ni Lorena na makatakas, ngunit naabutan siya ng militar. Tinangka pa siyang linlangin ng mga militar, at pangakuan ng kaligtasan para sa kanyang sarili at pamilya, pero hindi natinag si Lorena – malinaw sa kanya kung sino ang kaaway. Kaya lumaban siya hanggang sa huli, at malapitan siyang binaril sa batok ng mga berdugo.

 

Tila papasibol na bulaklak na bigla nalang pinitas si Lorena. Tulad ng napakaraming biktima ng Batas Militar na malaki sana ang potensyal na mag-ambag sa iba’t ibang larangan ng pambansang pag-unlad, inagawan siya ng buhay sa edad na 28. Ngunit tulad rin ng maraming martir sa agos ng kasaysayang Pilipino, ang alaala ni Lorena ang isa sa binhing nagpapataba ng lupa ng pagbabago, na nagpapasulong sa bagong henerasyon ng mga kabataang ipinagpapatuloy ang pangarap ni Lorena – ang pinapangarap na lipunang mas makatwiran at mas makatarungan.    

No comments:

Post a Comment

Rebyu #112 - Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing ni Ricky Lee

Lee, Ricky. Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing. Loyola Heights, Quezon City: Philippine Writers Studio ...