Monday, November 22, 2021

Rebyu #96 -- Liberation Preaching: The Pulpit and the Oppressed nina Justo Gonzales at Catherine Gonzales

Gonzales, Justo L., at Catherine G. Gonzales. Liberation Preaching: The Pulpit and the Oppressed. Abingdon Preacher’s Library, patnugot, William D. Thompson. Nashville: Abingdon Press, 1980.


Mayroong tendensya sa hanay ng mga kapastoran sa Pilipinas na magkaroon ng agarang pagdududa sa anumang akda na may kinalaman sa liberation theology. Ang pangkaraniwang persepsyon sa liberation theology ay hindi biblikal at komunista. Kauna-unawa ito dahil sa epekto sa Pilipinas ng pulitika ng Cold War. Sa pandaigdigang ideolohikal na digmaang ito mula dekada 1950 na pinangungunahan ng Estados Unidos (kapitalista) at Union of Soviet Socialist Republics o USSR (komunista), napadpad ang Pilipinas sa panig ng mga kapitalista bilang dating kolonya ng mga Amerikano. Dahil dito, naging laganap sa bansa ang masamang imahe ng komunismo, habang napabuti naman ang imahe ng kapitalismo. Sa mata ng mga Kristiyanong Pilipino, nairedyus ang kabuuan ng komunismo sa tendensyang ateista at diktatoryal nito. At dahil sa paratang sa liberation theology bilang Marxismong nagbabalat-kayo lamang na relihiyon, agad na sumama ang larawan nito sa hanay ng kapastoran sa Pilipinas.[1]    

 

Alam natin na hindi makatwiran ang agarang paghusga sa anumang ideolohiya o kilusan nang hindi muna pinapakinggan ang talagang sinasabi nila. Isang mainam na paraan upang mapakinggan natin sila ay sa pamamagitan ng pagbasa sa mga akdang isinulat mismo ng mga taong nagsusulong ng ideolohiya o kilusang ito. Sa kaso ng liberation theology, kapag sinimulan nating basahin ang kanilang mga akda, mapapagtanto natin na mayroon tayong mahahalagang aral na mapapakinabangan mula sa kanila, kahit pa hindi natin tanggapin ang kabuuan ng liberation theology bilang isang teolohikal na kilusan. Para sa Pilipinong Ebanghelikal na si Rodrigo Tano, ilan sa matututunan natin mula sa liberation theology ay ang halaga ng paggamit ng agham panlipunan sa teolohiya, pagpanig sa mga mahihirap, pagbabalanse sa pagitan ng tamang paniniwala (orthodoxy) at tamang pagkilos (orthopraxis), at pag-unawa sa komyunal at istruktural na dimensyon ng kasalanan.[2] At hindi naman nakapagtataka na marami tayong matututunan sa liberation theology, yamang ang lipunang Pilipino na puno ng kahirapan at inhustisya ay mayroong malaking pagkakawangis sa Latin Amerika, ang lipunang nagluwal sa liberation theology.

 

Sa hanay ng napakaraming mga babasahin sa liberation theology, isa sa pinakamakabuluhang basahin ng mga pastor bilang mga mangangaral ay ang Liberation Preaching: The Pulpit and the Oppressed na isinulat ng mag-asawang historyador ng simbahan (church historian) at teologo na sina Justo Gonzales at Catherine Gonzales. Ang aklat ay bahagi ng Abingdon Preacher’s Library, na serye ng mga maninipis na aklat na inilimbag para makatulong sa mga mangangaral sa pagpapainam ng kanilang mga sermon, gayundin para sa mga semenarista sa pagpapalalim nila ng kaalamang homiletikal. Ilan sa mga aklat na kasama ng Liberation Preaching sa seryeng ito ay ang A Theology of Preaching, Creative Preaching, Designing the Sermon, The Person in the Pulpit, The Sermon as God’s Word, at iba pa.

 

Ang Liberation Preaching ay isang panimulang babasahin ukol sa kalikasan at tunguhin ng pangangaral mula sa pananaw ng liberation theology. Para kina Justo at Catherine, ang pangangaral ay sentral sa proseso ng pagmumulat sa simbahan ukol sa reyalidad ng pang-aapi. Sa konteksto ng isang simbahang puno ng mga kasaping makapangyarihan, ang liberation preaching o mapagpalayang pangangaral ay daan upang maunawaan nila ang pagiging kabilang nila sa hanay ng mga nang-aapi. Sa konteksto naman ng isang simbahang puno ng kasapiang walang kapangyarihan, ang mapagpalayang pangangaral ay daan upang maunawaan pa nila lalo ang pagiging kabilang nila sa hanay ng mga inaapi. At ang kamalayang ito na dala ng mapagpalayang pangangaral ay makakapag-ambag sa kolektibong pagkilos ng unibersal na simbahan sa paglaban sa pang-aapi.

 

Para sa mga may-akda, mahalaga ang kolektibong pagkilos ng lahat ng mga kilusang mapagpalaya sa loob ng simbahan, dahil iisa lamang ang sistemang kanilang kinakalaban. May magkakaibang tuon ang mga kilusang mapagpalaya. Nariyan ang feminist theology para sa kalayaan ng mga kababaihan, black theology para sa kalayaan ng mga Aprikano at Aprikano-Amerikano, Third World theology para sa kalayaan ng mahihirap na bansa, at iba pang anyo ng liberation theology para sa kalayaan ng mga mahihirap na tao. Ang kanilang pagkritika sa iba’t ibang anyo ng pang-aapi ay pag-atake sa iba’t ibang dimensyon ng iisang demonikong sistema na pinananatili ni Satanas bilang iisang kalaban. At iisa lamang din ang hinahangad nating kalayaan, yamang iisa ang ating tagapagpalaya – ang Diyos kay Kristo Hesus. Ito ang dahilan kung bakit dapat matuto sa isa’t isa ang iba’t ibang kilusang mapagpalaya, at kung bakit kailangan nilang magkaisa.

 

Sa ganitong pagkilos ng Diyos para palayain ang sangkatauhan sa pamamagitan ng mga kilusang mapagpalaya, mahalaga ang gampanin ng pastor bilang mangangaral. Gaya ng nabanggit na, instrumento sila upang lumalim ang kamalayan ng mga Kristiyano (kapwa yaong mga kabilang sa grupong nang-aapi o grupong inaapi) ukol sa reyalidad ng pang-aapi at pagpapalaya. Kaya mahalaga na ang mangangaral muna ang unang magkaroon ng kamalayang mapagpalaya. At giit ng mga may-akda, magiging posible lamang ito kung magkakaroon ng mapagpalayang interpretasyon ang mangangaral sa Biblia na kanyang ipapangaral. Sinipi ni Justo at Catherine Gonzales ang ideya ni Juan Luis Segundo ng hermeneutic circle, at sinabing ito ang proseso sa pag-usbong ng mapagpalayang interpretasyon ng mangangaral sa Biblia.

 

Bilang isang proseso, may ilang partikular na yugto ang hermeneutic circle. Una, nagsisimula ang bawat mangangaral sa pagkakaroon ng konserbatibong pananaw sa Biblia. Marami sa mga tradisyunal na interpretasyon sa Biblia na ipinasa-pasa sa iba’t ibang henerasyon ay agad niyang tinatanggap. Marami sa mga tradisyunal na interpretasyon na ito ay mapang-api, yamang marami sa tradisyon ng simbahan ay nilikha ng mga makapangyarihan (kadalasan, mga lalake, gitnang uri, at puti). Ikalawa, dadaan ang mangangaral sa yugto ng kanyang buhay kung saan mararanasan niya o masisilayan ang reyalidad ng pang-aapi, na makapagtutulak sa kanya upang magkaroon ng “ideolohikal na pagdududa” (ideological suspicion). Magsisimula niyang pagdudahan ang mga tradisyunal na interpretasyon sa Biblia, na hindi talaga kumakatawan sa tunay na kahulugang nasa loob ng Biblia, kundi mga kahulugang ipinataw ng mapang-aping sistema. Halimbawa, mapapagtanto niyang ginagamit ng mga makapangyarihan ang ilang talata sa Biblia na ukol sa pagpapailalim ng babae sa asawang lalake at pagkakuntento ng mahirap sa pagiging mahirap upang higit na mapanatili ang ugnayang pangkapangyarihan sa pagitan ng babae-lalake at mahirap-mayaman sa lipunan at sa simbahan. Itutulak siya ng ideolohikal na pagdududa na huwag basta-basta tanggapin ang mga nakasanayang interpretasyon nang hindi sinusuri nang maigi ang teksto, lalo na kapag ginagamit ito upang mang-api. Ikatlo, gamit ang ideolohikal na pagdududang ito ay magkakaroon siya ng “bagong hermeneutika”, ng isang mapagpalayang interpretasyon sa Biblia.

 

Bahagi ng mapagpalayang interpretasyong ito ang realisasyon na ang buong Biblia mismo ay tala ng pagkilos ng Diyos sa agos ng kasaysayan upang palayain ang kanyang bayan. At bilang tala, sinasalamin ng Biblia ang pananaw ng mga api – mula sa Israel na isang maliit at laging sinasakop na bansa, tungo sa simbahan na isang mahirap na komunidad ng mga unang Kristiyano. Sa kaso ng Lumang Tipan, ang Israelita ay mga alipin na pinalaya ng Diyos mula sa makapangyarihang Ehipto. Sa kaso naman ng Bagong Tipan, ang mga simbahan ay itinatag ng isang sanggol na ipinanganak sa sabsaban, at sa malaking bahagi ng buhay niya ay naging eksilo o exile bilang mamamayan sa labas ng bayan niyang Nazareth. Iginiit ng mga may-akda na yamang ang Biblia ay tala ng pagkilos ng Diyos sa kasaysayan mula sa punto-de-bista ng mga api, marapat din na isagawa ang interpretasyon ng Biblia gamit ang pananaw ng mga api sa kasalukuyan. At ito ang pinakapuso ng liberation theology – ang pagteteolohiya mula sa pananaw ng mga api. Kaya naman liban sa pagkatuto ng mangangaral sa kanyang sariling karanasan ng pang-aapi, mahalagang makinig siya sa pagbabahagi ng karanasan ng iba’t ibang sektor na api tulad ng kababaihan, minoryang kultural, mahihirap, mga bansang kinolonya, mga imigrante, at iba pa. Sa pamamagitan ng pakikinig sa kanila ay mapapagyabong ng mangangaral ang kanyang mapagpalayang interpretasyon sa Biblia. Ang kanyang mapagpalayang hermeneutika ang huhubog ng kanyang mapagpalayang homiletika, na magiging daan upang yumabong ang mapagpalayang kamalayan ng nakikinig na kongregasyon, na silang instrumento ng Diyos sa pagpapalaya sa daigdig.

 

Anuman ang tanggapin o ‘di tanggapin ng mga Pilipinong pastor mula sa liberation theology, tiyak na may isang bagay tayong hindi maitatanggi mula rito – may ‘di maipagkakailang lugar sa Biblia at buhay-Kristiyano ang pagkiling sa mga api. Dahil dito, gaano man kalaki o kaliit, tiyak na may matututunan tayong mga Pilipinong Kristiyano sa liberation theology. At sa kaso ng mga pastor bilang mga mangangaral, siguradong may mapupulot na aral ang mga pastor bilang mga mangangaral sa Liberation Preaching nina Justo at Catherine Gonzales.



[1] Si Gustavo Guitierrez mismo, na itinuturing ng marami na ama ng liberation theology, ay naggiit na hindi maikakahon ang liberation theology sa Marxismo, lalo pa dahil hindi siya nagsusulong ng armadong pakikibaka. Tingnan ang “Conversations with Fr. Gustavo Guitierrez” sa Ma. Ceres Doyo, You Can’t Interview God: Church Women and Men in the News; Selected Articles from the Philippine Daily Inquirer (Mandaluyong: Anvil Publishing, Inc., at Makati: Inquirer Books, 2013), 6-8.

[2] Rodrigo Tano, This Complicated and Risky Task: Selected Essays on Doing Contextual Theology from a Filipino Evangelical Perspective, patnugot, Romel Regalado Bagares (Quezon City: Alliance Graduate School, 2006), 60-66.

No comments:

Post a Comment

Rebyu #112 - Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing ni Ricky Lee

Lee, Ricky. Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing. Loyola Heights, Quezon City: Philippine Writers Studio ...