Wednesday, June 23, 2021

Rebyu #3 -- Mga Babasahin sa Sikolingguwistikang Filipino nina Lilia Antonio, Anatalia Ramos at Aura Abiera

Antonio, Lilia F., Anatalia G. Ramos, Aura Albano-Abiera. mga pat. Mga Babasahin sa Sikolinggwistikang Filipino. Lunsod Quezon. C&E Publishing Inc. 2011.


Binubuo ng dalawampung sanaysay ng mga kilalang pantas sa larangan tulad nina Ernesto Constantino, Amelia Alfonso, Leonardo Mercado, Virgilio Enriquez, Prospero Covar at Zeus Salazar, tinipon sa Mga Babasahin sa Sikolinggwistikang Filipino ang mga pag-aaral na tumatalunton sa sikolohikal na dimensyon ng wikang Filipino. Sentral na prinsipyo ng buong aklat ang paninindigan na ang wika ay hindi lamang instrumento ng komunikasyon, kundi balon na mapaghahanguan ng diwa ng mga tagapagsalita nito. Habang hinuhulma ng lipunan ang kanilang wika, hinuhubog din naman ng wikang ito ang kanilang kamalayan.

Tampok sa aklat ang samu't saring paksang umiinog sa temang ito:

1. Binaybay ni Virgilio Enriquez sa "Sikolinggwistikang Pilipino: Pananaw at Tunguhin" ang maiksing kasaysayan ng sikolinggwistika bilang isang disiplina, na may tuon sa pag-unlad nito sa UP. Iginiit niya na dapat na umalpas tayo sa makitid na ispesyalisasyon ng mga disiplina at mas paigtingin ang pagtutulungan ng mga ito para sa mas maunlad na diskurso (lalo sa kaso ng sikolohiya at linggwistika para sa pagpapayabong ng sikolinggwistika).

2. Sa "Wika at Diwa: Isang Pansikolinggwistikang Analisis sa Konsepto ng Hiya" ni Zeus Salazar, ipinakita ng may-akda na ang paglalapi sa mga salita sa wikang Filipino ay maaaring mapaghanguan ng kamalayan ng mga Filipino. Ginamit niyang kasong pag-aaral ang salitang "hiya" (hal. pagkahiya, hiyain, mahiya, atbp) at ipinaliwanag na implisito itong nagpapahayag ng pagbibigay diin ng mga Pilipino sa paghihiwalay ng loob sa labas, sadya sa di sadya, at tao sa bagay.

3. Inilahad naman ni Silvino Epistola sa "Wika at Kamalayan" kung paanong ang bawat wika ay kumakatawan sa isang buong mundo ng pagpapakahulugan, kaya naman sa tuwing tayo ay magsasalita ng wikang iba sa ating unang wika ay pumapasok tayo sa isang bagong pananaw-pandaigdig.

4. Sa larangan naman ng literatura tumuon ang sikolinggwistikang analisis ni Romulo P. Baguiran Jr. na "Estruktura ng Trawmatikong Kamalayan sa 'Adobo' ni Faye Cura: Pagsusuring Sikolinggwistika sa Isang Modernistang Tula." Ipinakita niya ang masalimuot na proseso ng pagde-'decode' sa mayamang kahulugang nakabaon sa isang tekstong panulaan.

5. Sa sanaysay ni Prospero Covar na "Kultura ng Wika," inilahad niya na liban sa katotohanang ang wika ay imbakan ng kultura ng mga taong tagapagsalita nito, bawat wika ay may sariling kultura (i.e. sariling mga batas). Sa katawan ng papel ay nagbigay siya ng basikong pagpapaliwanag sa pekulyar na nilalaman ng balarilang Filipino.

6. Pang anim na papel ang pag-aaral ni Mary Jane Rodriguez-Tatel na "Ang Pilipino bilang 'Tribu,' 'Pagano,' 'Nativo': Hermeneutika ng Pananakop sa Usapin ng Etnisidad at Kabansaan." Nakasalalay sa paniniwala na ang pananakop ay hindi lamang pisikal bagkus ay ideolohikal din, tinalakay ni Rodriguez-Tatel kung paanong kinasangkapan kapwa ng mga Espanyol at mga Amerikano ang wika, partikular na ang pagbabansag, upang gawing lehitimo at mas mapatindi ang lakas ng kolonyalismo. Sa pamamagitan ng mga mapangmaliit na bansag, napaniwala ng mga mananakop ang kanilang sinakop na karapat-dapat lamang silang sakupin dahil mas mababa ang kanilang antas ng sibilisasyon.

7. Ang sumunod na apat na sanaysay ay ukol sa paggamit ng mga wika sa Pilipinas bilang salamin ng pananaw-pandaigdig ng iba't ibang pangkat sa bansa. Una na rito ang pag-aaral ni Ernesto Constantino na "Ang Pananaw sa Mundo ng mga Ilukano mula sa Kanilang Wika." Nagbigay siya ng mga hinuha ukol sa matinding pagpapahalaga ng mga Ilukano sa hinaharap sa pamamagitan ng analisis sa porma ng mga pandiwa ng kanilang wika.

8. "Ang Pananaw sa Buhay at Welstanchauung na Mahihiwatigan sa Sikolohiya ng Wikang Tagalog" ang pamagat na artikulong pinagtulungang isulat ni Virgilio Enriquez at Amelia Alfonso. Ipinakita ng mga may-akda na sumasalamin ang wikang Tagalog sa ilang aspeto ng kamalayang Tagalog tulad ng pagiging hindi seksista, pag-iral ng internalidad at eksternalidad ng wikang Tagalog, di maiiwasang distinksyon sa pagitan ng "kami" at "tayo," at pagpapahalaga sa nararamdaman ng kapwa.

9. Ilang taon matapos nilang maisulat ni Enriquez ang naunang sanaysay, muling sumulat si Amelia Alfonso-Tynan ukol sa kaugnayan ng wika at pananaw-pandaigdig. Sa pagkakataong ito, binaybay niya ang ilang pag-unlad sa larangan ng sikolinggwistika, epekto rito ng kasalukuyang polisiya ng bilingguwalismo, gayundin ang maaaring hinaharap nito.

10. Isang taal na Cebuano, isinulat naman ni Leonardo Mercado ang “Pananaw sa Daigdig ng mga Cebuano.” Sa pamamagitan ng wikang Cebuano bilang salukan, pinalitaw niya ang pananaw ng mga tagapagsalita nito sa ilang aspekto tulad ng holistikong lapit sa pandama, pagiging utilitaryan ng kanilang moralidad, at di-literal na paggamit sa mga simbulo ng numero.

11. Halaw sa kanyang tesis, isinulat ni Jayson Petra sang artikulong “Ang Tagalog-Marikina sa Wikang Filipino: Isang Panimulang Talakay.” Dito, ipinamalas ng may-akda kung paanong ang Tagalog-Marikina ay maituturing nang isang diyalektong nagsasarili sa loob ng wikang Filipino. Pinatunayan niya ito sa pamamagitan ng paglilista ng ilang salitang Tagalog na pekulyar o natatangi sa Marikina

12. Samantala, isang klasiko sa larangan ng pagkataong Pilipino ang sanaysay ni Prospero Covar na “Kaalamang Bayang Dalumat ng Pagkataong Pilipino.” Sentral na argumento ng papel ang proposisyon na mas malinaw na mauunawaan ang konsepto ng mga Pilipino ng pagkatao kung gagamitin ang metapora ng banga. Aniya, tulad ng banga, ang pagkataong Pilipino ay may loob, labas, at lalim. Tampok sa aksis ng loob-labas ang apat na tambalan ng “mukha-isip,” “dibdib-puso,” “tiyan-bituka,” at “sikmura-atay.” Sa dimensyon naman ng lalim napapaloob ang tambalan ng kaluluwa at budhi. Para kay Covar, ang mga ito ang iniinugan ng kabuuang pananaw ng mga Pilipino sa dalumat ng pagkatao.

13. Tulad ng kay Covar, isa ring natatanging sulatin sa sikolohiyang Pilipino ang sanaysay ni Zeus A. Salazar na “Ang Kamalayan at Kaluluwa: Isang Paglilinaw ng Ilang Konsepto sa Kinagisnang Sikolohiya.” Paliwanag ni Salazar, kaya tila walang kaugnayan ang konsepto ng kaluluwa at ginhawa sa kasalukuyan ay dahil sa pagkapasok ng Kristiyanismo sa Pilipinas at sa paglaganap ng kaisipang moderno. Ngunit tinalakay ni Salazar na kung tutuusin, mahigpit ang pagkakaugnay ng dalawa sa kamalayan ng mga sinaunang Pilipino. Isinalaysay niya sa kanyang artikulo kung paanong ang kaluluwa at ginhawa ay sentral sa pag-unawa ng mga Pilipino sa realidad ng kalusugan, buhay, moralidad, at ng mismong pagkatao sa kabuuan.

14. Ang sumunod na dalawang papel ay kapwa bibliograpikal na sarbey ng mga pag-aaral na isinagawa ukol sa wikang Filipino. Ang isa ay “Ang mga Gramatikang Tagalog/Pilipino na Isinulat ng mga Pilipino” ni Lydia Fer. Gonzales-Garcia. Hinati niya sa apat na yugto ang kasaysayan ng pagsulat ng gramatikang Tagalog/Pilipino sa Pilipinas. Unang yugto ang pagsusulat ng mga gramatikang Tagalog na nakasulat sa wikang Kastila tulad ng akda nina Jose Rizal at Pedro Serrano-Laktaw. Dahil sa ang mga sumulat ay edukado sa wikang Kastila, kapansin-pansin na gramatikang Kastila at Latin ang ginawa nilang modelo sa pag-aanalisa ng wikang Tagalog. Ang ikalawang yugto ay tinawag niyang panahon ng pag-usbong ng “pananaw Pilipino” sa pagsusulat ng gramatika. Ani ng may-akda, sinikap ng mga manunulat sa panahong ito tulad nina Mamerto Paglinawan at Ignacio Evangelista na pag-aralan ang wikang Tagalog alinsunod sa mga sariling batas nito bilang natatanging wikang iba sa mga wikang banyaga, at ang mga gramatikang isinulat nila ukol sa Tagalog ay nakasulat na rin sa wikang Tagalog. Ang pag-usbong ng mga gramatikang Tagalog na pang-edukasyon ay lumitaw sa ikatlong yugto na kinapapalooban nina Lope K. Santos, Cecilio Lopez, at Jose Sevilla. Sa panahong ito, dahil na rin sa tulong ng batas sa pagsusulong ng Pilipino bilang wikang pambansa, nagsimula ang paglitaw ng mga akdang ayon kay Gonzales-Garcia ay may pedagohikal na layunin, iyon ay, ang lumikha ng mga sulating magagamit sa pagtuturo ng wikang Pilipino sa mga paaralan. Huling yugto ang panahong kinabibilangan ng mga iskolar na tulad nina Ernesto Constantino, kung saan mapapansin na ang mga aklat panggramatikang naisulat ukol sa wikang Filipino ay impluwensyado na ng pormal na linggwistika bilang disiplinang angkat sa Estados Unidos.

15. Bibliograpikal na sarbey din ang pag-aaral ni Nelly I. Cubar na “Ang Linggwistikang Filipinong Nasulat sa Tagalog/Pilipino/Filipino.” Marami na ang nasulat ukol sa wikang Filipino, kapwa sa mga wikang banyaga at sa wikang Filipino, pero binigyang tuon ni Cuba rang mga pag-aaral na nasa wikang Filipino. Sa pamamagitan ng paghahagilap sa aklatan ng Unibersidad ng Pilipinas, naglista siya ng mga aklat na naisulat ukol sa naturang paksa. Ipinangkat niya ang mga akda sa linggwistikang Filipino na kanyang nahanap sa walong kategorya: 1. Bibliograpikal, Historikal at Komparatib, 2. Alpabeto at Ponolohiya, 3. Sosyolinggwistiks, 4. Gramatika at Kritisismo, 5. Pagsasalin, 6. Diksyunaryo at Leksikon, 7. Pagtuturo, at 8. Intelektuwalisasyon.   

16. “Ang Singit-Pangungusap Kaugnay ng Wika, Emosyon, Sitwasyon at Tao Ayon sa Ilang Taga-UP Diliman (Isang Panimulang Pag-aaral)” ang titulo ng kontribusyon ni Reginald V. Hao. Sa pamamagitan ng mga metodolohiyang nalinang ng Sikolohiyang Pilipino tulad ng “di-halatang pagsisiyasat,” “pakikisalamuha” at iba pa, nagtipon ang may-akda ng mga datos mula sa ilang kalahok na mga estudyante ng UP Diliman. Kinolekta niya ang mga “singit-pangungusap” na ginagamit o naririnig ng mga kalahok. Ayon sa may-akda, ang singit-pangungusap ay mga salitang hindi naman kailangan upang mabuo ang isang pangungusap, ngunit binibigkas ng mga tao dahil sa iba’t ibang emosyon. Aniya, bagaman ginagamit madalas ang mga singit-pangungusap upang itago ang emosyon, balintuna na ito pa ang nagiging pahiwatig ng tunay na nararamdaman. Sa pamamagitan ng pakikinig ng maigi sa mga singit-pangungusap na malay o di-malay na nagagamit ng isang tao, madedetermina kung siya ay malungkot, masaya, o galit.

17. Panglabingpitong sanaysay ang “Ang Ebolusyon ng Salitang ‘Orag’ mula Sinaunang Panahon Hanggang sa Kolonyalistang Pagsasalin sa Kasaysayan ng Kabikolan” ni Victor Dennis T. Nierva. Sentral na tesis ng papel ang paniniwala na ang wika, kabilang ang mga salitang nasa loob nito, ay nagbabago kaalinsabay ng mga transpormasyong pangkasaysayan na nararanasan ng isang lipunan. Ginamit niya ang konsepto ng orag bilang kasong halimbawa ng paninindigang ito. Aniya, ang pekulyar na salitang Bikolanong ito ay mahigpit na nakakabit sa kagurangnan, ang mataas na uring panlipunang pinanggagalingan ng mga datu. Ang orihinal na kahulugan ng orag ay “galing,” “husay” o “tibay.” Ngunit pagpasok ng kolonyalistang Espanyol ay nag-iba ang kahulugan nito. Kaalinsabay ng pagwasak ng mga Kastila sa pag-iral ng kagurangnan bilang isang uring panglipunan, nagbago rin ang kahulugan ng orag. Mula sa positibong kahulugan nito, nagkaroon ito ng negatibong konotasyon nang isalin ito ng mga Kastila sa mga diksyunaryo at mga material pangkatekismo. Isinalin ito bilang “libog,” at “pagiging di-tapat.” Naikabit din ito sa mga bisyo tulad ng pambababae. Ngunit optimistiko ang may-akda sa hinaharap ng salita. Aniya, sa kasalukuyan ay unti-unti nang naibabalik ang orihinal na kahulugan nito, at itinatambal pa nga sa magayon (maganda) ng kababaihan: ang pagiging oragon (malakas) ng mga kalalakihan.

18. Ang huling tatlong sanaysay ay nakatuon sa mga barayti ng wikang Filipino. Ang “Mga Pag-aaral sa Barayti ng Wika” ni Rosario Alonso ay isang sarbey sa mga literatura at mga tesis/disertasyon na naisulat ukol sa barayti ng wikang Filipino. Sa pamamagitan ng pagbaybay sa mga pag-aaral na ito, natalakay ni Alonso ang iba’t ibang uri ng barayti ng wika o diyalekto tulad ng diyalektong heyograpikal (pag-iral ng iba’t ibang barayti ng isang wika batay sa lugar na kinapapalooban ng mga tagapagsalita), diyalektong temporal (barayti na bunga ng pagbabago ng panahon), diyalektong sosyal (pagkakaiba ng wikang sinasalita batay sa katayuang panlipunan, kasarian, edukasyon, pangkat pangrelihiyon na kinabibilangan, atbp.). Bukod sa mga diyalekto, nabanggit din ni Alonso ang pag-iral ng idyolek, o ang barayti ng wikang espesyal sa isang tao (hal. tendensyang madalas na gumamit ng partikular na bokabularyo).

19. Isang partikular na barayti ng wika naman ang naging paksa ng papel ni Teresita Semorlan. Sa kanyang “Chavacano-Filipino: Varayti ng Filipino sa Siyudad ng Zamboanga,” ipinaliwanag niya kung paanong ang Chavacano-Filipino ng Zamboanga ay iba sa Chavacano-Tagalog ng Cavite. Habang ang ikalawa ay paghahalo ng Kastila at Tagalog, ang una naman ay paghahalo ng Kastila, Bisaya, Tausug at Subanun. Ayon sa Semorlan, nabuo ang diyalektong ito dahil sa pagkakampo sa Zamboanga ng mga sundalong Kastila. Kalaunan, ang Kastila ay nahalo sa katutubong wika ng mga orihinal na nakatira rito. Tinalay ng may-akda ang pekulyaridad ng diyalektong ito, mula sa pagbigkas ng mga salita at bokabularyo hanggang sa pagbuo ng mga pangungusap.

20. Ang huling kontribusyon sa kalipunang ito ay “Varayti at Varyasyon ng Wikang Filipino sa Cebu at iba pang Lugar sa Mindanao” ni Angelina L. Santos. Matapos talakayin ang pagkakaiba ng wika sa diyalekto at iba’t ibang uri ng diyalekto, ipinaliwanag naman ni Santos ang baryasyong leksikal, ponolohikal at gramatikal ng Filipino-Cebuano. Mapapagtanto mula sa papel ni Santos na taliwas sa opinyon ng iba na ang mga lokal na wika ay makakasagabal sa pag-unlad ng wikang pambansa, ang mga lokal na wika pa nga na ito (bilang mga unang wika ng maraming di-Tagalog na Pilipino) ang makakapagpayabong sa Filipino sa pamamagitan ng pag-usbong ng mga dayalekto nito sa iba’t ibang panig ng bansa.

No comments:

Post a Comment

Rebyu #112 - Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing ni Ricky Lee

Lee, Ricky. Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing. Loyola Heights, Quezon City: Philippine Writers Studio ...