Claudio, Lisandro E., Patricio N. Abinales. The Contemporary World. Quezon City. C&E Publishing Inc., 2018.
Ang The Contemporary World nina Lisandro Claudio at Patricio Abinales ay isang teksbuk na inihanda para sa makabagong asignaturang nilikha ng Commission on Higher Education, na nakatuon sa interdisiplinaryong pag-aaral ng globalisasyon. Liban sa panimula at pangwakas, ang aklat ay binubuo ng labing-isang aralin. Bawat isa sa mga aralin na ito ay bumabagtas sa iba’t ibang aspekto ng globalisasyon. Para sa mga may-akda, ang globalisasyon ay isang masalimuot na sistemang may samu’t saring manipestasyon at epekto. Kaya naman minabuti nila na pasukin ang talastasan ng globalisasyon sa pamamagitan ng isa-isang pagtingin sa mga aspekto o manipestasyon nito, na magsisilbing maliliit na durungawan tungo sa pagtingin sa dambuhalang penomenong ito.
Matapos ang panimulang pagtalakay
sa konsepto ng globalisasyon sa unang aralin, tinalakay ng mga manunulat sa
ikalawang aralin ang aspektong ekonomiko ng globalisasyon. Binaybay nila ang
maikling kasaysayan ng ekonomikong globalisasyon, o ang lumalawak na
integrasyon sa pagitan ng mga pambansang ekonomiya sa daloy ng kasaysayan. Sa
bahaging ito ay dinaanan ang mga mahahalagang pangyayari tulad ng pagkabuo ng
mga internasyunal na mga institusyong ekonomiko tulad ng International Monetary
Fund at World Bank, at ang pananagumpay ng neoliberalismo sa pamamagitan ng
Washington Consensus.
Ang kasaysayan ng pampulitikang
integrasyon ng daigdig o internasyunalisasyon bilang isa pang aspekto ng
globalisasyon ang naging paksa ng ikatlong aralin. Kalakip ng pangkasaysayang
pagbaybay na ito ang pagtalakay sa kaisipan nina Immanuel Kant, Guiseppe
Massini, at Woodrow Wilson ukol sa liberal na internasyunalismo sa isang banda,
at ang pananaw nina Karl Marx at Vladimir Lenin ukol sa sosyalistang
internasyunalismo sa kabilang banda. Habang ang unang kampo ay naniniwala sa
kahalagahan ng nasyonalismo tungo sa pagkamit ng makatarungang
internasyunalismo, itinuturing ng ikalawa na sabagal ang nasyunalismo tungo sa
pandaigdigang pagpapalaya sa mga proletaryado. Para kay Marx at Lenin, sa halip
na magkaisa ang mga proletaryado ng buong daigdig laban sa lahat ng burgesya,
ang pagkakahati ng daigdig sa iba’t ibang bansa ay tutulak sa mga proletaryado
na makiisa sa burgesya ng kanilang bansa upang labanan ang burgesya at
proletaryado ng ibang bansa.
Kung pangkasaysayan ang sinundan na
aralin, kontemporaryong internasyunalisasyon naman ang tuon ng ikaapat na
aralin. Tinalunton dito ang iba’t ibang uri ng International Organizations
(IOs), ngunit ang malaking espasyo ng aralin ay inilaan para sa pagtalakay sa
United Nations (UN) bilang pinaka tanyag na IO sa kasalukuyan. Ipinaliwanag sa
bahaging ito ang sangay ng UN tulad ng General Assembly, Security Council,
Economic and Social Council, International Court of Justice, at
Secretariat.
Rehiyunalisasyon naman ang paksa ng
ikalimang aralin. Liban sa rehiyunal na mga organisasyong binubuo ng alyansa ng
mga bansa (tulad ng NATO, APEC, ASEAN at EU), tinalakay din ang alyansa ng mga
NGO, mga sibikong kilusan, at mga asosasyong nagsusulong ng iba’t ibang isyu’t
adyenda. Binabansagan na “new regionalism”, kinapapalooban ito ng mga
pangrehiyong samahan na nagsusulong ng pangangalagang pangkalikasan,
katarungang panlipunan, kalayaang relihiyon, at karapatang pangkababaihan.
Bagaman mas maliit ang ekonomiko at pampulitikong kapangyarihan kumpara sa mga
tradisyunal na mga organisasyong pangrehiyon, malaki ang tulong na naidudulot
ng mga bagong organisasyong ito sa pagtulak ng mga makatarungang proyekto sa
kani-kanilang rehiyon.
Ang ikaanim na aralin ay ukol sa
masalimuot na relasyon sa pagitan ng globalisasyon at relihiyon. Ani ng mga
may-akda, magkasalungat ang adhikain ng dalawa: kabutihan, langit, espirituwal
na kaayusan ang hangad ng mga relihiyoso, samantalang ang nais ng mga
tagapagsulong ng globalisasyon ay paglaki ng tubo, modernisasyon at materyal na
pag-unlad. Gayunpaman, hindi maitatanggi ang pagtatalaban sa pagitan ng
relihiyon at globalisasyon. Bagaman may mga pangrelihiyong komunidad na
inihihiwalay ang sarili mula sa modernisasyon, marami rin naman na ginagamit
ang mga benepisyo ng globalisasyon para sa kanilang mga adhikain.
Global na midya ang nilalaman ng
ikapitong aralin. Tumutuntong sa klasikong akda ni Marshall McLuhan,
ipinaliwanag nina Claudio at Abinales kung paanong hinuhulma ng midya ang uri
ng pamumuhay ng mga tao sa buong daigdig. Sa mga lumang pag-aaral,
ipinagpapalagay umano na ang global na midya ay nakakasangkapan ng Kanluran,
lalo na ng Estados Unidos, sa pagpapalaganap ng kanilang kalinangan sa buong
daigdig. Ang ganitong imperyalismong pangkalinangan ay nakapagsasagawa ng
homogenisasyon ng pandaigdigang kultura. Ngunit binigyang kritisismo ng mga
may-akda ang ganitong pananaw. Anila, sa kontemporaryong mga pananaliksik sa
sub-larangan ng araling pangmidya na “audience studies”, napatunayang ang mga
“audience” ay hindi pasibong tagatanggap lamang ng mensaheng nakapaloob sa
midya (ito man print, broadcast, o digital media). Sa halip, magkakaiba ang
pagtanggap na isinasagawa ng mga “audience” batay sa kanilang kinalalagyang
lipunan at kalinangan. Ibig sabihin, bagaman mayorya sa mga nilalaman ng midya
(tulad ng pelikula at mga aklat) ay nagmumula sa Kanluran, ang pagpapakahulugan
dito ng mga komunidad sa iba’t ibang bahagi ng daigdig ay magkakaiba. Liban pa
rito, umuusbong na rin ang paglaganap ng mga rehiyunal na midya, na
nagsisilbing alternatibong batis ng midya bukod sa Kanluran.
Binigyang diin ni Claudio at
Abinales na ang pinaka direktang pisikal o pang-espasyong manipestasyon ng
globalisasyon ay makikita sa pag-usbong ng mga “global city.” Ito ang kanilang
pinagtuunan sa ikawalong aralin. Sa mga “global city” matatagpuan ang
interseksyon ng samu’t saring komunidad ng buong daigdig. May iba’t ibang
katangian na nagkakarakterisa sa mga “global city.” Una ay ang pagiging sentro
ng pandaigdigang ekonomiya. Maihahalimbawa rito ang mga siyudad kung saan
matatagpuan ang mga pangunahing pangdaigdigang korporasyon tulad ng New York,
Singapore at Tokyo. Ikalawa ay ang pagiging sentro ng pandaigdigang pulitikal
na kapangyarihan tulad ng Washington D.C., at Canberra. Ikatlo ay ang pagiging
lagakan ng mga internasyunal na mga organisasyon tulad ng New York (kung nasaan
ang UN) at Jakarta (kinalalagyan ng ASEAN). Ikaapat ay ang pagiging sentro ng
kalinangan tulad ng London (kung saan inililimbag ang maraming aklat na
binabasa ng buong daigdig) at Los Angeles (kung saan matatagpuan ang
Hollywood). Bagaman sentro ng kaunlaran ang mga “global city” bilang
manipestasyon ng globalisasyon, naglalaman din ang mga siyudad na ito ng
matinding inhustisya para sa mga mahihirap. Habang nas nagiging
industriyalisado ang siyudad at dumadami ang mga banyagang negosyanteng
tumutungo rito, mas nagiging laganap ang pagsasagilid sa mga mahihirap.
Demograpiya ang sunod na tinalakay
sa ikasiyam na aralin. Gamit ang samu’t saring datos ng istatistika, ibinahagi
ng mga may-akda ang kasalukuyang mga “trend” sa populasyon ng daigdig. Kakaunti
ang nagiging anak ng mga nakatira sa mga lipunang urban (dahil nakatutok sila
sa kanilang propesyon) habang mas marami ang nagiging anak ng mga naninirahan
sa mga rural na lugar (dahil ang dagdag na anak ay mangangahulugan ng dagdag na
lakas paggawa). Direkta itong sumasalamin sa pagkakaiba ng mga maunlad at
mahihirap na bansa. Habang nananatiling kakaunti ang populasyon ng mga
mayayamang bansa, patuloy naman sa pagdami ang populasyon ng mga mahihirap na
bansa. Patuloy na umiiral ang pagtatalo ng iba’t ibang eksperto sa ekonomiks at
demograpiya sa epekto sa ekonomiya ng paglobo ng populasyon. Para sa mga
sumusunod sa kaisipan ni Thomas Malthus, negatibo ang dulot ng paglaki ng
populasyon sa pandaigdigang ekonomiya. Para sa kanila, ilan lamang sa
implikasyon nito ang pagkasira ng kalikasan at ang kompetisyon sa mga likas na
yaman upang matugunan ang mga pangangailangan. Ang pagkatakot sa mga panganib
na dala nito ang dahilan kung bakit umusbong ang mga programa sa kalusugang
pangreproduksyon ng iba’t ibang bansa. Layunin nito na kontrolin ang paglaki ng
populasyon. Sentro sa usaping ito ang debate ukol sa akses ng kababaihan sa
aborsyon at iba pang teknolohiya para sa kalusugang pangreproduksyon. Para
naman sa mga kritiko ng kaisipang Malthusian, hindi suliranin ang paglaki ng
populasyon. Naniniwala silang ito pa nga ay daan tungo sa higit na pagpapaunlad
ng ekonomiya. Sa halip na kontrolin ang populasyon, iginigiit nila na mas
pagtuunan ng mga pamahalaan ang mga programang higit na makakatulong tungo sa
pagkamit ng mas makatarungang lipunan tulad ng repormang pang-agrikultura,
karapatang pangkasarian, at demokratisasyon ng edukasyon.
Kaugnay ng paksang ito ang araling
sampu na ukol sa pandaigdigang migrasyon ng mga tao. Karamihan sa mga taong
tumutungo sa ibang bansa ay mula sa mga bansang mahihirap, samantalang ang
kanilang destinasyon ay ang mauunlad na mga bansa. Ekonomiko ang pangunahing
dahilan ng paglipat. Ang mga bansang mahihirap tulad ng Pilipinas ay
unti-unting natatali sa pagpapadala ng mga manggagawa sa ibang bansa upang
masuportahan ang pambansang ekonomiya. Nagdudulot ito ng “brain-drain” sa mga
mahihirap na bansa. Bagaman nasusuportahan nito ang kasalukuyang ekonomiya ng
bansa sa pamamagitan ng mga “remittancesss”, mas makakasama ito sa ekonomiya sa
katagalan. Mas malaki rin ang naidudulot na paglago ng mga migranteng
manggagawa sa ekonomiya ng bansang pinupuntahan, kaysa sa bansang pinagmumulan.
Gayunpaman, nagpapataw pa rin ng mga restriksyon at di-pantay na pagtrato ang
mga mauunlad na bansa sa mga migranteng manggagawa, dulot ng pag-usbong ng
makabayan (minsa’y rasista) na sentimiyento ng mga mamamayan na itinuturing ang
mga migranteng kakumpitensya sa mga trabaho, tahanan, at mga karapatan.
Huling aralin ang isyu ng mga
suliraning pangkalikasan at sustenableng kaunlaran. Inisa-isang talakayin ng
mga may-akda ang mga suliraning pangkalikasan tulad ng pagbabago ng klima,
pagkatuyot ng mga ilog, pagtaas ng lebel ng dagat at pagbaha, at paglaganap ng
polusyon. Liban sa mga likas na mga dahilan, maituturong sanhi nito ang
industriyalisasyong isinasagawa ng mga bansa upang makamit ang kaunlaran.
Madalas na naisasakripisyo ng mga modernisadong siyudad ang kalikasan sa ngalan
ng ekonomikong kaunlaran. Marami nang mga pandaigdigang pagpupulong ang
isinagawa ng mga bansa at internasyunal na mga organisasyon upang magbigay
solusyon sa suliranin, ngunit nagiging mahirap pa rin itong isagawa dahil sa di-pakikipagtulungan
ng ilang bansa at sektor na mas nakatuon sa pagpapalago ng ekonomiya. Sa
bahaging ito malaki ang maitutulong ng iba’t ibang mga samahan at asosasyong
maaaring magbigay “pressure” sa mga pamahalaan na magpatupad ng mga
maka-kalikasang polisiya.
Mayroong apat na pangunahing
pananaw sa globalisasyon. Una ay ang “hyperglobalism” na itinuturing ang
globalisasyon bilang positibong sistema na maaaring maging behikulo ng
pandaigdigang pag-unlad. Ikalawa ay ang “anti-globalism.” Kinabibilangan ng mga
nasyonalista at mga Marxista, nakikita nito ang globalisasyon bilang makabagong
uri ng imperyalismo na pinapalaganap lamang ang kalinangan at pinapalago ang
kapital ng mga makapangyarihang bansa ng Kanluran tulad ng Estados Unidos.
Ikatlo ay ang “pragmatism.” Paniniwala ito na kapwa may positibo at negatibong
epekto ang globalisasyon. Ikaapat ay “alter-globalism” na naninindigan na
bagaman naglilingkod sa mga makapangyarihang bansa at mga sektor ang
globalisasyon sa kasalukuyan nitong hulma, maaaring kumilos ang mga
progresibong samahan upang baguhin ang direksyon nito at mas maging
makatarungan ito para sa lahat. Batay sa nilalaman ng aklat nina Claudio at
Abinales, maaaring ipagpalagay na maihahanay sa ikatlo o ikaapat ang kanilang
lapit sa globalisasyon. Ipinakita nila kapwa ang positibo at negatibong dulot
ng globalisasyon (sa iba’t ibang manipestasyon nito), at nagbigay sila ng ilang
pahayag na naglalaman ng pangarap na mas magamit ang globalisasyon tungo sa
pagbubuo ng mas makatarungang lipunan.
No comments:
Post a Comment