Wednesday, June 23, 2021

Rebyu #4 -- Filipino Religious Psychology ni Leonardo Mercado

Mercado, Leonardo N. pat. Filipino Religious Psychology. Pilipinas. Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilipino at Divine Word University. 1977.

 

Pinatnugutan ng isa sa mga pangunahing tagapagsulong ng pilosopiya at teolohiyang Pilipino, ang aklat na ito ay kalipunan ng mga papel na ipinrisinta sa isang pambansang kumperensyang pinasinayahan ng Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilipino at Divine Word University noong 1970s. Sa paglalayong maunawaan ang pangrelihiyong sikolohiya ng mga Pilipino, hinati nila sa tatlong tema ang kumperensya: 1. Sikolohiya ng Katutubong Mediko-Relihiyosong Panggagamot, 2. Sikolohiya ng Popular na mga Debosyon, at 3. Sikolohiya ng Pangrelihiyong Pamumuno. Bawat isang tema ay kinapapalooban ng apat na papel. Binigyang introduksyon ang aklat sa pamamagitan ng plenaryong presentasyon ni Fr. Jaime Bulatao na “Altered States of Consciousness in Philippine Religion.” Aniya, ang Altered State of Consciousness o ASC (na bagaman mahirap bigyang kahulugan ay maaaring ilarawan na iba sa “normal waking state”) ay makapagpapaliwanag sa iba’t ibang karanasang pangrelihiyon sa Pilipinas. Mahahati sa dalawang kategorya ang ASC: 1. Panlabas, kung saan tinutulungan ng iba (tulad ng mga manggagamot at espiritista) ang isang tao na makamtan ang ASC, at 2. Panloob, kung saan nakakamtan ng isang tao ang ASC sa pamamagitan ng sariling pagsisikap (pananalangin, pagpapakasakit sa sarili, atbp). Tinapos niya ang kanyang papel sa pagtatanggol sa ASC, na taliwas sa paratang ng iba na binubura diumano nito ang supernatural na elemento sa karanasang pangrelihiyon sa ngalan ng naturalismo, iginiit niyang makatutulong pa ito sa pagpapayaman ng karanasan ng mga taong nananampalataya. Matapos ang plenaryong papel na ito ay hinati ang aklat batay sa tatlong tema ng kumperensya:

 

I. Sikolohiya ng Katutubong Mediko-Relihiyosong Panggagamot

Ang unang papel sa paksang ito ay ang “Religious Elements in Samar-Leyte Folk Medicine” ni Jaime Z. Galvez-Tan. Humuhugot mula sa kanyang dalawang taong karanasan bilang medikal na doktor sa Samar at Leyte, ipinaliwanag niya ang samu’t saring paniniwala at tradisyon sa lugar ukol sa mga sakit at panggagamot na isinasagawa ng mga “tambalan” (katumbas ng babaylan) o mga katutubong manggagamot. Binigyang kritisismo niya ang Kanluraning kasanayang medikal na liban sa pagiging mahal at impersonal (kawalan ng personal na pakikiramay sa nadaramang sakit ng pasyente) ay hindi rin sensitibo sa kultura ng lipunang kinapapalooban ng nagpapagamot. Aniya, “But let us also admit that our Western type of medical education has isolated more and more the health professionals from the people.” Ito ang dahilan kung bakit naniniwala ang may-akda na ang medisina ay mas malapit sa agham panlipunan kaysa likas na agham. Hindi raw nakapagtataka kung bakit mas maraming mga tao sa Leyte at Samar na mas pinipiling pumunta sa mga tambalan kaysa sa mga doktor. Inirekomenda niya na upang mapainam ang serbisyong medikal, marapat na mas paigtingin ang ugnayan sa pagitan ng mga tambalan at mga doktor, nang sa gayon ay matuto sila mula sa isa’t isa.

Sinundan ito ng artikulo ni Rebecca C. Tiston na “The Psychology of the Tambalan in Leyte.” Ipinaliwanag niya sa papel ang mga paniniwala ng mga tambalan ukol sa kanilang panggagamot, at ang samu’t saring mga ritwal at metodo na kanilang isinasagawa tulad ng pananalangin, pagpapausok (lo-on), pag-aalay sa mga espiritu (panagay), atbp. Tulad ni Galvez-Tan, iginiit ni Tiston na mas tinatangkilik ang mga tambalan dahil sa personal na pakikinig at simpatya nito sa maysakit. Holistiko rin ang mga tambalan, hindi lamang pisikal na karamdaman ang pinipilit nilang gamutin, bagkus ay pati ang emosyunal at ispirituwal na aspeto.  

Mga arbularyo naman ang naging paksa ng maiksing papel ni Ma. Melinda B. Macalintal na “The Psychology of the Arbularyo in Batangas.” Tulad muli ng dalawang naunang papel, iginiit ni Macalintal na mas pinagkakatiwalaan ng mga tao ang mga arbularyo kaysa mga doktor dahil lahat ng ginagawa nito (mula sa pagdetermina ng sakit hanggang sa panggagamot dito) ay nasa konteksto ng kulturang kinapapalooban ng mga tao, kaya naman pamilyar sila sa mga ito.

Huling papel sa kategoryang ito ang “Faith-Healing Among Cebuano Espiritistas.” Gamit ang grupong “The Divine Study Students” bilang kasong pag-aaral, inilarawan niya ang ilan sa mga paniniwala ng mga espiritista, tulad ng pagsanib ng espiritu ng anghel, santo, o iba pang sikat na personalidad sa isang tao na tumatayo bilang midyum, reinkarnasyon, pagpapagaling atbp. Tinalakay niya rin ang persepsyon ng mga pasyente sa pagpapagaling ng mga espiritista, at kung paano nila pinagkakasundo ang kanilang personal na mga paniniwala (mula sa pinanggalingang relihiyon, tulad ng Romano Katoliko) at ang paniniwala ng grupo ng espiritistang kinasasapian nila. 

 

II. Sikolohiya ng Popular na mga Debosyon

Sa bahaging ito ay tinangka ng mga manunulat na suriin ang mababanaag na mga pangrelihiyong kamalayan ng mga Pilipino mula sa kanilang mga popular na debosyon. Nangunguna na rito ang “Religious Experience in the Senor Santo Nino Devotion in Cebu” ni Lourdes R. Quisumbing. Matapos ang maiksing deskripsyon sa pangkasaysayang pinagmulan ng debosyon, tumuon siya sa dalawang paksa: ang mga alamat ukol sa Santo Nino ng Cebu at ang Sinulog. Ipinaliwanag niya na mula sa pagsusuri sa dalawang elementong ito ay lilitaw ang ilang aspekto ng kamalayang Pilipino tulad ng pagpapahalaga sa utang na loob at awa, at pagiging holistiko (hindi inihihiwalay ang relihiyon sa iba pang dimension ng buhay).

Religious Experience in the Santacruzan and in Marian Devotions” naman ang titulo ng artikulo ni Lito A. Mangulabnan. Inilatag niya rito ang ilang mga detalye sa pagdiriwang ng Santacruzan na umiinog sa sentral na imahe ng Birheng Maria. Mula rito ay nahalaw niya ang ilang mga pagpapahalagang kultural ng mga Pilipino tulad ng pagkakabuklod-buklod, pakikisama, paggalang, utang na loob, at kababaang loob.

Tinangka rin ni Benjamin Bacierra na unawain ang kamalayan at kulturang Pilipino sa pamamagitan ng pag-aaral sa isa pang popular na debosyon: “Religious Experience in Palo Lenten Observances.” Matapos ang paglalarawan niya sa paggaya ng mga deboto sa paghihirap ni Kristo sa pamamagitan ng prusisyon, pinalitaw niya rin, tulad ng mga naunang papel, ang ilang aspekto ng kamalayang Pilipino tulad ng pagkatakot at pagkahiya sa Diyos dahil sa kasalanan, pakikisama, at pagiging interpersonal.

Pakikipanayam sa mga kalahok at personal na karanasan naman ang naging batis ni Wilfredis B. Jacob sa kanyang pag-aaral na “Religious Experience in the Quiapo Black Nazarene Devotion.” Para sa may-akda, bagaman makikitaan ng ilang positibong katangiang pangkamalayan ang mga deboto ng Nazareno, may ilan pang kailangang pagbutihin tulad na lamang ng komyunal sa halip na indibiduwal na ekspresyon ng pananampalataya at pagbibigay diin sa muling pagkabuhay ni Kristo sa halip na matuon lamang sa kanyang pagpapakasakit at kamatayan.

 

III. Sikolohiya ng Pangrelihiyong Pamumuno

Apat na iba’t ibang katutubong relihiyon sa Pilipinas ang pinag-alayan ng pansin sa ikatlong bahagi ng aklat. Kapwa paksa ng kanyang tesis at disertasyon, ang sanaysay ni Prospero R. Covar ay pinamagatang “Religious Leadership in the Iglesia Watawat ng Lahi.” Mayorya ng espasyo ng papel ay inilaan niya sa pagsasakasaysayan ng Iglesia Watawat ng Lahi na hinati niya sa tatlong yugto (Pormatibong Yugto 1936-1944, Yugto ng Paglago 1945-1970, Establisadong Yugto 1970-kasalukuyan). Pagkatapos ay nagbigay siya ng maiksing tala sa organisasyunal na pamunuan ng Watawat na binubuo ng tatlong kategorya: 1. Tradisyunal/katutubong mga pangrelihiyong posisyon, 2. Mga opisinang impluwensyado ng Amerikanong Protestanteng simbahan, 3. Mga posisyong iminodelo mula sa Romano Katoliko.

Sunod dito ang "An Analysis of Religious Leadership in the Iglesia ni Kristo" ni Ma. Angeles C. Guanzon. Tinalakay ni Guanzon ang hirarkiya ng pamunuan sa INC, mula sa mga ministro na namamahala sa mga lokal na kongregasyon, mga tagamapahala (division ministers), hanggang sa pinaka matataas na posisyon tulad ng General Secretary, General Auditor, General Treasurer at Legal Counselor. Ngunit dahil sentralisado ang kaayusan ng pamunuaan, mas mahaba ang pagsusuri na ginawa ng may-akda sa katauhan ng pinaka mataas na pinuno at tagapagtatag nito - si Felix Manalo. Tinalakay ang personalidad niya, gayundin ang persepsyon ng mga miyembro ng INC sa kanyang mga katangian.

Ikatlong paksa sa ilalim ng kategoryang ito ang "Religious Leadership in the Philippine Benevolent Missionaries Association, Inc." ni Florio R. Falcon. Dahil sa pagiging sarado ng samahan sa mga mananaliksik na tagalabas, sumapi si Falcon sa PBMA at pinag-aralan ito mula sa loob. Matapos ang ilan preliminaryong tala ukol sa mga paniniwala at kasanayan ng samahan, uminog ang kanyang pananaliksik sa katauhan ng lider nito, si Ruben Ecleo. Ipinaliwanag niya kung ano ang meron kay Ecleo at PBMA na nakakahikayat sa mga taong sumapi rito.

Huling papel ang "Religious Leadership in the Lapiang Malaya: A Historical Note" ni Elizabeth A. Pastores. Inilatag niya rito ang maiksing kasaysayan, organisasyunal na kaayusan at mga katuruan ng Lapiang Malaya. Dahil awtokratiko ang samahan, binigyang pansin ang uri ng pamumuno ni Valentin de los Santos o "Tatang." Isa sa pinakalantad na tema sa samahan ang indihenisasyon ng mga ritwal at paniniwala, pagkamakabayan, at negatibong pagturing sa mga bagay na banyaga (bagay na maiuugat sa pangit na karanasan ni Tatang sa panahon ng kolonyalismong Espanyol at Amerikano. Hindi lamang pinagtuunan ng pansin ni Pastores ang pag-iisip ni Tatang, bagkus ay inanalisa rin niya ang sikolohiya ng mga tagasunod nito.

Upang lagumin ang lahat ng mga pag-aaral na ito, isinulat ni Leonardo N. Mercado ang "Retrospect: Some Comments on Filipino Religious Psychology." Iginiit dito ni Mercado na bagaman ang relihiyon ay unibersal, ang persepsyon dito ng mga tao ay magkakaiba, dahil sa baryasyon ng karanasang kultural ng samu't saring lahi sa mundo. Ito ang dahilan kung bakit makatarungang pag-aralan ang sikolohiyang pangrelihiyon ng mga Filipino, na iba sa sikolohiyang pangrelihiyon ng ibang mga lahi. Sa ganang ito ay itinampok niya ang ilang natatanging aspekto ng kamalayang pangrelihiyon ng mga Filipino tulad ng pagiging holistiko (hindi pinaghihiwalay ang banal at di banal), pagiging komyunal, paggalang sa mga ninuno, pagpapahalaga sa hiya, utang na loob at pakikisama, at pagbibigay halaga sa nanay higit sa tatay.

No comments:

Post a Comment

Rebyu #112 - Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing ni Ricky Lee

Lee, Ricky. Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing. Loyola Heights, Quezon City: Philippine Writers Studio ...