Carson, D.A. How Long o Lord? Reflections on Suffering and Evil. Second Edition, Fourth Printing. Grand Rapids, Michigan. Baker Academic. 2009.
Ang aklat na ito ni Carson ay teolohikal na repleksyon sa tema ng kasamaan at pagdurusa. Sa isang banda, hindi ito isinulat para sa mga taong kasalukuyang dumadaan sa matinding pagdurusa. Sa kabilang banda, hindi rin naman ito purong teoretikal na pagninilay-nilay lamang ukol sa paksa. Sa halip, ang akdang ito ay paglalatag ng Biblikal na pananaw-pandaigdig ukol sa kasamaan at pagdurusa, upang maihanda ang mga Kristiyano kung paano uunawain ang pagdurusa kapag humarap na sila rito. Bagaman hindi ito nagbibigay ng kasiguraduhan na madaling haharapin ng Kristiyano ang pagdurusa, maaari itong magsilbing “preventive medicine” upang mabawasan kahit na papaano ang pagkabigla ng Kristiyano dahil mayroon na siyang balangkas sa isip kung paano bibigyang katuturan ang mararanasang paghihirap (p.11).
Matapos ang ilang preliminaryong
mga tala sa unang kabanata ukol sa kasalimuotan ng paksa, inisa-isa ni Carson
sa ikalawang kabanata ang sa tingin niya’y mga maling lapit (approach) sa
kasamaan at pagdurusa, na hinati niya sa tatlong kategorya: 1. Lapit na
nagmumula sa kayabangan at kamangmangan, 2. Lapit na nagmumula sa mga hindi
Kristiyanong pananaw-pandaigdig, at 3. Lapit mula sa mga Kristiyano ngunit hindi
biblikal na mga pananaw. Sa unang lapit, makikita ang tendensya ng tao na
magsabi ng “Bakit ako? Marami namang ibang masasamang tao” sa tuwing dumaraan
sa paghihirap. Maaaninagan dito ang pag-iisip natin na laging mas mainam tayo
sa iba, at ayos lamang na umiral ang pagdurusa, basta sa ibang tao at hindi sa
atin tumama. Kakambal din nito ang paniniwala natin na makapagbibigay seguridad
ang ating yaman at panlipunang katayuan, kaya naman hindi tayo nabibigla kapag
umiiral ang pagdurusa sa mga mahihirap na komunidad, samantalang sobrang
nabibigla tayo kapag ang tinamaan ng pagdurusa ay mga mayayamang tao. Sa
ikalawang lapit ay maiksing tinalakay ni Carson ang di-sapat na pagpapaliwanag
ng mga di-Kristiyanong pananaw-pandaigdig sa kairalan ng kasamaan at pagdurusa:
a. ateismo (hindi talaga umiiral ang kasamaan), b. deismo (walang pakialam ang
Diyos sa kasamaan at sa pagdurusa ng tao), at c. panteismo (ilusyon lamang ang
kabutihan at kasamaan na kailangang malagpasan ng kamalayan). Sa ikatlong lapit
ay isa-isang binigyang kritisismo ng may-akda ang ilang pananaw ng mga
Kristiyano ukol sa kasamaan at pagdurusa na para sa kanya ay hindi biblikal.
Nakapaloob dito ang pananaw na dahil sa malayang kilos-loob (freewill) ng tao,
hindi absoluto ang pagiging “omnipotent” ng Diyos kaya naman umiiral ang
kasamaan sa daigdig.
Mula kabanata 3 hanggang kabanata
10 ay sinuri ni Carson isa-isa ang samu’t saring tema sa Biblia na may
kaugnayan sa paksa ng kasamaan at pagdurusa. Ani ni Carson, tila mga “puzzle
pieces” ang mga ito na makatutulong sa atin upang unti-unting maunawaan ang
lokasyon ng kasamaan at pagdurusa sa kabuuang kwento/metanaratibo ng
Biblia.
Pangunahing “puzzle piece” ang
inilatag ni Carson sa ikatlong kabanata: ang tema ng kasalanan sa Biblia.
Bagaman nagiging sinonino na sa ating bokabularyo kadalasan, dapat na
pag-ibahin ang kasamaan sa pagdurusa. Ang kasamaan/kasalanan ang ugat ng lahat
ng pagdurusa. Nilikha ng Diyos na walang pagdurusa ang daigdig, at pumasok
lamang ito sa eksena nang magsimula ang kasamaan. Hindi mga abstraktong bagay
ang kabutihan at kasamaan. Ang pagiging mabuti ng kabutihan at pagiging masama
ng kasamaan ay nakabatay sa pagsunod o pagsuway sa kautusan ng Diyos. Bagaman
hindi totoo na bawat partikular na pagdurusa ng tao ay maiuugat sa sarili
niyang kasalanan (ang iba ay nagdurusa dulot ng kasamaan ng iba, mga sakuna, o
mga karamdaman), ang pag-iral ng pagdurusa sa daigdig ay nakaugnay sa pag-iral
ng kasalanan. Kaya naman hindi na tayo dapat mabigla na puno ng pagdurusa ang
daigdig, likas na katangian ito ng “fallen world” dahil sa rebelyon ng tao sa
Diyos. Lahat ng uri ng pagdurusa na maaaring maranasan ng tao ay maiuugnay sa
unibersal na temang ito ng kasalanan.
Pinagsama-sama ng may-akda ang tema
ng panlipunang kasamaan, kahirapan, digmaan at mga likas na sakuna sa ikaapat
na kabanata. Inuna na niyang bigyan dito ng tuon ang pamahalaan. Bagaman ang
Diyos ang nagbigay ng kapangyarihan sa pamahalaan upang parusahan ang mga
gagawa ng mali at bigyang pabuya ang mga gagawa ng tama upang mapanatili ang
kaayusan sa lipunan, malinaw din ang depiksyon ng Biblia sa pamahalaan bilang
instrumento kung minsan ng kasamaan at pang-aapi (hal. paglalarawan ng Pahayag
sa Imperyong Romano bilang Babylonia). Kaya naman naniniwala ang ilang teologo
na hindi “absolute obedience” kundi “qualified obedience” lamang ang hinihingi
ni Pablo sa Roma 13:1-5. Matapos nito ay inisa-isa ni Carson ang mga uri ng
kahirapan, alinsunod sa mga sanhi nito: a. Kahirapan na bunga ng biglaang
pangit na pangyayari (hal. Naomi at Ruth), b. Kahirapan na bunga ng pang-aapi
ng iba (hal. Naboth), c. Kahirapan na bunga ng katamaran (isa sa pinaka
inaatakeng uri ng kahirapan sa Mga Kawikaan), d. Kahirapan na bunga ng
pagpaparusa sa nagkasala na inaasahan ng mga naulila (hal. Mephibosheth), e.
Kahirapan na bunga ng sariling pagpapasya na talikdan ang yaman (hal. mga
Kristiyano sa Mga Gawa), f. Kahirapan na kinakarakterisa ng katagang “poor in
spirit” (maaaring nagsimula bilang pisikal na kahirapan, ngunit ang epekto ay
kabutihan at buong loob na pagtitiwala at pag-asa sa Diyos). Ukol sa mga
digmaan, nilinaw ni Carson na hindi nagtataglay ng sobrang pagkabigla ang
Biblia sa pag-iral ng mga digmaan, itinuturing ito ng mga sumulat ng Biblia na
likas na bahagi ng mundong makasalanan. Ani ni Carson, ang sobrang pagkabahala
natin marahil sa pag-iral ng digmaan lalo na sa Lumang Tipan ay isang modernong
pagbasa sa Biblia na bunga ng pinagdaanan nating kalunos-lunos na dalawang
digmaang pandaigdig. Gamit ang pahayag ni Hesus sa Lucas 13:1-5, ipinaliwanag
ni Carson ang pananaw ng Biblia sa digmaan: 1. Bilang makasalanang uri na
bahagi ng “fallen world”, walang tao na masasabing hindi “deserve” ang
makaranas ng hirap, 2. Hindi higit na makasalanan ang mga nagdurusa sa digmaan
kumpara sa mga hindi naghirap, 3. Sa halip na teoretikal na imbestigasyon ukol
sa koneksyon ng Diyos sa pag-iral ng mga digmaan, mas dapat na itulak tayo ng
mga digmaan tungo sa sarili nating pagsisisi.
Inilaan ang ikalimang kabanata para
sa mga bahagi ng Biblia na nagtuturo at nagsasalaysay ukol sa pagdurusa na
espesyal na nararanasan ng bayan ng Diyos (Israel sa Lumang Tipan at mga
Kristiyano sa Bagong Tipan). Hinati ito ni Carson sa tatlong kategorya: 1. Mga
pagdurusa na nararanasan ng bayan ng Diyos dulot ng pagdidisiplinang ginagawa
sa kanila, 2. Mga pagdurusa na nararanasan ng bayan ng Diyos dulot ng
pag-uusig, at 3. Mga pagdurusa na nararanasan ng mga pinuno ng bayan ng Diyos.
Para sa pagdurusa na nakaugnay sa pagdidisiplina, nagsagawa si Carson ng
maiksing eksposisyon ng Hebreo 12, Mga Awit 6, at Habakkuk. Mula sa mga ito,
hinango niya ang ilang mga aral tulad ng mga sumusunod: a. Minsan
ipinapahintulot ng Diyos ang paghihirap ng kanyang bayan upang mailayo sila sa
kasalanan at mahubog ang kanilang pagkatao; b. Hindi nangangahulugan na mabuti
ang partikular na paghihirap na dinadaanan ng bayan ng Diyos (digmaan,
karamdaman, sakuna) dahil lamang may maganda itong nadulot; c. Minsan hindi
mauunawaan ng bayan ng Diyos ang lohika ng kanilang paghihirap at kaugnayan
nito sa pagdidisiplina ng Diyos, ngunit tulad ng ginawa ni Habakkuk, sapat na
ang pagtitiwala na mainam ang plano ng Diyos. Ang ikalawang uri ng paghihirap
ng bayan ng Diyos ay nakaugnay sa mga pag-uusig na nararanasan nila dahil
lamang sa pagiging bayan ng Diyos. Ani ni Carson, mas madaling malaman kung ano
ang mga pag-uusog na nararanasan ng bayan ng Diyos sa Bagong Tipan kaysa Lumang
Tipan. Ang bayan ng Diyos sa Lumang Tipan ay isang bansa – ang Israel – kaya
mahirap malaman kung ang pag-atake sa bayan ng Diyos ng ibang lahi ay dulot
talaga ng pangrelihiyong pag-uusig o itinutulak lamang ng pulitikal na motibo.
Mas madali itong isagawa sa Bagong Tipan dahil hindi na isang bansa ang bayan
ng Diyos, wala na itong pinipiling nasyunalidad. Dahil dito, kapag inatake ang
mga Kristiyano bilang isang grupo ng mga tao, malinaw na ekspresyon ito ng
pag-uusig (tulad ng ginawa ni Pablo laban sa simbahan sa maagang bahagi ng Mga
Gawa). Ani ni Carson, walang dapat ikabigla ang mga Kristiyano na nakararanas
sila ng pag-uusig, dahil makailang ulit na ipinahayag ni Hesus na ito ang
sasapitin ng kanyang mga tagasunod. Ibig sabihin, ang pagdanas sa pag-uusig ay
pagsunod lamang sa modelo ng Panginoong Hesus na una na itong naranasan. Bago
magsimula ng bagong kabanata, naglaan din ng panahon ang may-akda sa pagtalakay
sa paghihirap ng mga pinuno ng bayan ng Diyos sa Biblia. Hindi nakapagtataka na
ang laging tinutugis ng mga umuusig – sa Biblia man o buong kasaysayan ng
simbahan – ay ang mga pinuno. Istratehiya ito upang madaling mapabagsak ang
bayan ng Diyos. Hindi rin dapat ipagtaka ng mga pinuno ng simbahan mismo dahil
inaasahan ng Diyos na ang mga Kristiyanong pinagkalooban ng pagkakataon na
mamuno ay pinagkalooban din ng mas mabibigat na responsibilidad, at isa sa mga
ito ay ang higit na pagpasan ng krus ng Panginoon.
Ang ikaanim na kabanata ay ukol
naman sa mga bahagi ng Biblia na naglalaman ng mga sumpa, mga utos ng pagpatay,
digmaan, at impyerno. Ukol sa mga sumpa at mga mararahas na salita na
matatagpuan sa ilang bahagi ng Biblia tulad ng “imprecatory psalms”, binanggit
ni Carson na minsan ay retorikal na pagbubulalas lang ito ng matinding emosyon
na dapat basahin sa literal na pagpapakahulugan. Hindi rin mapapagdudahan ang
pagiging makatarungan ng mga utos ng Diyos ukol sa pakikipagdigma ng Israel,
dahil di tulad ng mga modernong digmaan, sa Diyos mismo nagmula ang mga utos na
ito. Instrumento rin ng Diyos ang mga digmaang ito upang magdala ng kaparusahan
sa kasamaan ng mga kalapit bayan. Pinabulaanan din ni Carson ang popular na
persepsyon na ang Lumang Tipan ay puro karahasan at galit, samantalang ang
Bagong Tipan ay puno ng kahabagan at pag-ibig. Aniya, ang tema ng kaparusahan,
galit, pag-ibig, at habag ng Diyos ay sabay-sabay na umaagos mula sa Luma tungo
sa Bagong Tipan. Isang malinaw na tema sa Bagong Tipan na mas matindi pa kaysa
sa mga sumpa at utos ng digmaan sa Lumang Tipan ay ang katuruan ukol sa
impyerno. Sa bibig mismo ng Panginoong Hesus nagmula ang pinaka maraming
katuruan ukol sa impyerno. Nagbigay si Carson ng ilang mga argumento para
ipagtanggol ang tradisyunal na doktrina ng impyerno bilang habambuhay na malay
na pagdurusa. Aniya, walang kahit anong Biblikal na ebidensyang nagpapakita na
nagsisisi ang mga taong nasa impyerno, bagkus inilalahad ng Biblia na patuloy
parin doon ang kanilang pagtuligsa sa Diyos.
Kung may pagka impersonal at
teoretikal ang mga naunang paksa, mas personal ang nilalaman ng ikapitong
kabanata dahil ukol ito sa sakit at kamatayan, bagay na mararanasan nating
lahat. Tulad ng lahat ng uri ng pagdurusa, ang kamatayan at sakit (na daan
tungo sa kamatayan) ay bunga pa rin ng kasalanan. Sa isang banda, hindi
maiuugnay ang partikular na mga sakit at kamatayan sa personal na kasalanan ng
mga taong nagkasakit at namatay. Sa kabilang banda, sa unibersal na pagtanaw,
walang ligtas sa atin sa sakit at kamatayan dahil lahat tayo ay makasalanan.
Kamatayan ang unibersal na parusa ng Diyos sa tao, na ang puno’t dulo ng
kasalanan ay ang kagustuhan na maging diyos, na maging sentro ng uniberso.
Kamatayan ang nagpapaalala sa tao na hindi siya magiging diyos. Ngunit hindi
ito nangangahulugan na hindi tayo maaaring tumangis o magalit sa harap ng
kamatayan. Bagaman nararapat lamang sa atin ang kamatayan, nagsusumigaw ang
ating kalooban laban dito dahil nilikha tayo sa imahe ng Diyos. Sa kabila ng
katotohanang ang kamatayan ay wala nang kapangyarihan para sa mga nanampalataya
kay Kristo (tila lagusan na lamang ito tungo sa presensya ng Diyos), walang
anumang bahagi ng Biblia na pumipigil sa mga mananampalataya na tumangis sa
harap ng kamatayan. Tulad ng sinabi ni Pablo, ito pa rin ang huling kaaway. Ang
pagtangis ni Hesus sa harap ng libingan ni Lazaro ay nagpapakita rin kung paano
nagagalit ang Panginoon sa reyalidad ng kamatayan bilang kapangyarihan ng
kasalanan sa isang sirang mundo. Mananatili ang kirot, lumbay, lungkot at
dalamhati sa harap ng kamatayan hanggat hindi pa ito tuluyang nagagapi sa
pagdating ng bagong langit at bagong lupa. Subalit tulad muli ng pahayag ni
Pablo sa mga taga-Corinto, tatangis tayo, ngunit hindi tulad ng mga taong
walang pag-asa ng muling pagkabuhay. Kaya naman isa sa mga pananagutan ng
simbahan ay hindi lang ang turuan ang mga Kristiyano kung paano mabuhay nang
maayos, kundi kung paano rin tanggapin nang maayos ang kamatayan.
Sa ikawalong kabanata tinalakay ni
Carson ang kaugnayan sa kasamaan at pagdurusa ng tema ng eskatolohiya o
pagdating ng bagong langit at bagong lupa. Hindi makukumpleto ang Biblikal na
pananaw sa kasamaan at pagdurusa kung wala ang temang ito. Kung walang iba’t
ibang digri ng pabuya sa langit at walang iba’t ibang lebel ng parusa sa
impyerno, hindi mabibigyang katarungan ang hindi balanseng pagdurusa at
kasamaan sa daigdig (kung saan sobra-sobra minsan ang pagdurusa ng mga matuwid
at sobra-sobra ang kaginhawaan ng mga masama, at hindi napaparusahan madalas
ang mga nang-aapi). Naging sentral na paksa rin sa kabanatang ito ang tensyon
sa pagitan ng “inaugurated/realized eschatology” (simulang pagdating ng
kaharian ng Diyos sa buhay, ministeryo, kamatayan at muling pagkabuhay ng
Panginoon) at “futuristic eschatology” (pagiging ganap ng kaharian ng Diyos sa
ikalawang pagdating ng Panginoon), at kung ano ang koneksyon nito sa tema ng
kasamaan at pagdurusa. Bagaman napasimulan na ang paghahari ng Panginoon sa
daigdig sa kanyang unang pagdating, nananatili pa rin ang patuloy na paglago ng
kasamaan at pagdurusa. Maaasahan lamang ang tuluyang pagkabura ng lahat ng
kasamaan at pagdurusa sa pagdating ng bagong langit at bagong lupa. Gayunpaman,
inaasahan na bahagi ng responsibilidad ng Kristiyano na anumang kaya nating
gawin sa kasalukuyan upang mabawasan ang kasamaan at pagdurusa ay marapat na
isagawa. Ngunit dapat natin itong isagawa habang malinaw sa ating isipan na
hindi tayo makabubuo sa lupa ng “utopian” na uri ng lipunan. Liban sa mga ito,
ani ni Carson, sa halip na hinanakit sa Diyos, ang dapat nating maramdaman sa
harap ng mga pagdurusa ay ang pananabik sa langit, ang pagka-“homesick” dito.
Dapat itong makatulong upang maalala natin na hindi ito ang ating permanenteng
tahanan, na nandarayuhan lamang tayo dito, na ang tunay nating tahanan ay ang
bagong langit at bagong lupa, kung saan wala nang kasalanan at pighati.
Inalay ni Carson ang ika-siyam na
kabanata sa maiksing eksposisyon ng aklat ng Job upang magsagawa ng
eksplorasyon sa kung ano ang ambag ng aklat na ito sa kabuuang pagtingin ng
Biblia sa tema ng kasamaan at pagdurusa. Nakapaglatag si Carson ng ilang
pangunahing aral na matututunan natin mula sa aklat ng Job. 1. Maging ang
kasamaan at pagdurusa ay nakapaloob sa soberanya ng Diyos. Ipinakita sa prologo
ng aklat na walang kayang isagawa si Satanas nang hindi ipinahihintulot ng
Diyos. 2. May kategorya ang Biblia para sa pagdurusa ng inosente. Isa sa
suliranin ng teolohiya ng mga “miserable comforters” ni Job ay ang makitid
nilang “retributive justice”: naniniwala silang makatarungang maibibigay sa mga
matutuwid ang pagpapala at sa masasama ang kaparusahan, kaya naman anumang
pagdurusa na nararanasan ng tao ay maiuugnay sa kanyang ispesipikong mga
kasalanan. 3. Maaaring magbulalas ng sama ng loob at kirot ang tao sa Diyos
nang hindi nagkakasala, sa halip na kimkimin ito o aminin ang kasalanang hindi
ginawa. 4. Sa harap ng mga taong nagdurusa, mas senyales kadalasan ng
karunungan ang tahimik na pagdamay kaysa pilit na pagpapaliwanag ng teolohiya
sa nasasaktan. 5. Para sa Kristiyanong dumadaan sa pagdurusa, ang pinaka mainam
na kapanatagan ay maaaring magmula hindi sa lohikal na pagkaunawa kung bakit naganap
ang pagdurusa, kundi sa realisasyon na kontrolado pa rin ng Diyos ang lahat ng
bagay at nananatili parin siyang mabuti. Mapapansin na hindi sinagot ng Diyos
ang mga tanong ni Job ukol sa kung bakit siya dumaan sa matinding paghihirap.
Sapat na para kay Job ang malamang makapangyarihan at mabuti pa rin ang Diyos,
hindi man niya nauunawaan nang buo ang kanyang sitwasyon.
Para kay Carson, isa sa mga
suliranin madalas ng paglikha ng “theodicy” (teolohikal na pagtugon sa kairalan
ng kasamaan at pagdurusa) ng mga teologo ay ang pagbaliwala nila sa pagkamatay
ni Kristo sa krus bilang mahalagang bahagi ng diskurso. Kaya naman nilalaman ng
ikasampung kabanata sa Biblikal na tema ng pagdurusa ng Diyos, na ang pinaka
rurok ay ang kamatayan ng Panginoong Hesus. Dahil sa malagim na mga pinagdaanan
ng sangkatauhan sa ikadalawampung dantaon, naging prominenteng paksa sa sirkulo
ng mga teologo ang pagtatanong kung nagdurusa ba ang Diyos. Sa isang kampo ng
debateng ito ay naroon ang mga nagtatanggol sa tradisyunal na doktrina ng
“impassibility” ng Diyos. Ito ay ang katuruan na hindi nakakaranas ng pagdurusa
o anumang pantaong emosyon ang Diyos. Ayon sa mga ito, ang mga bahagi ng Biblia
na inilalarawan ang Diyos na nagagalit, nagseselos, nagdaramdam, nahihirapan,
nasasaktan, natutuwa, nahahabag, at iba pa, ay pawang mga tayutay lamang, mga
“anthropomorphism” (pagbibigay ng pantaong mga katangian sa mga hindi tao). Sa
kabilang kampo naman ng debate ay ang mga teologong naniniwala sa bagong
pag-unawa sa Diyos bilang nasasaktan at nakikibahagi sa bawat kirot na
nararanasan ng lahat ng tao, at ito raw ay makikita lalo na sa pagkamatay ni
Kristo sa krus, isang porma ng pakikibahagi niya sa paghihirap ng mga tao.
Hindi pabor si Carson sa unang kampo, dahil para sa kanya, pagsasantabi at
pagwawalang halaga sa napakaraming mga talata, na nagpapahayag ng mga damdamin
ng Diyos, ang payak na paliwanag na puro “anthropomorphism” lamang ito. Kung
tayutay man ang mga ito, mga importanteng metapora ito na may mahalagang
ipinupunto. Dagdag pa niya, inilalarawan man ang Diyos bilang “transcendent” sa
Biblia, ipinapakilala rin siya nito bilang personal na Diyos, na may tunay at
direktang na pakikipag-ugnayan sa kanyang mga nilikhang tao. Sa kabilang banda,
hindi rin siya sumasang-ayon sa ikalawang kampo. Para sa kanya, ang kamatayan
ni Kristo sa krus ay malinaw na nag-iisa at hindi na mauulit pang pangyayari. Totoong
nakikibahagi ang Panginoong Hesus sa pagdurusa natin sa kasalukuyan bilang
ating punong saserdote sa trono ng Diyos Ama, ngunit hindi inilalarawan ng
Biblia si Hesus bilang perpetuwal na nagdurusa sa krus tuwing tayo ay nagdurusa
dito sa lupa. Naniniwala siyang dapat na magkaroon tayo ng pagbabalanse sa
pagitan ng “impassibility” ng Diyos at ng kanyang pagiging personal, na kapwa
totoo. Ang Diyos na ito ay nasasaktan at karamay natin sa ating paghihirap
dahil siya ay personal na Diyos, ngunit hindi siya Diyos na may mahinang
emosyon na kaya nating baguhin sa pamamagitan ng ating mga aksyon. Sa huli, ang
Diyos na ito na kapwa “transcendent” at “personal” ay nagpamalas ng kanyang
perpektong katarungan at pag-ibig sa krus.
Higit na teoretikal ang kabanata 11
at 12 kumpara sa mga naunang kabanata. Kung hiwa-hiwalay na mga Biblikal na
tema na nakaugnay sa paksa ng kasamaan at pagdurusa ang laman ng kabanata 3-10,
ang naging laman naman ng kabanata 11 at 12 ay malawak na Biblikal na pagtanaw
sa kasamaan sa konteksto ng tensyon sa pagitan ng soberanya ng Diyos at
kalayaan ng tao. Ipinaliwanag niya muna ang tensyon na ito sa kabanata 11,
pagkatapos ay sa kabanata 12 niya inilapat ang tensyon na ito sa paksa ng
kasamaan at pagdurusa.
Ipinakilala niya sa ikalabing isang
kabanata ang konsepto ng “compatibilism.” Ito ay ang paniniwala na itinuturo ng
Biblia kapwa ang soberanya ng Diyos sa lahat ng pangyayari at ang pagiging
“morally responsible” ng tao bilang nagtataglay ng malayang kilos-loob. Para sa
kanya, isang teolohikal na misteryo kung paanong sabay na totoo ang dalawang
ito. Hango sa kanyang doktoral na disertasyon, naglatag si Carson ng ilang
piling mga bahagi ng Biblia na tuwiran at di-tuwirang nagtuturo ng soberanya ng
Diyos at kalayaan ng tao. Matapos ang maiksing induktibong pag-aaral na ito ay
iginiit niya na ang mga sumulat ng Biblia ay mga “compatibilist.” Hindi nila
ipinaliwanag kung paanong sabay na totoo ang dalawang ito, basta na lang nila
itong itinuturing bilang “given.” Matapos nito ay sinagot niya ang ilan sa mga
argumento laban sa “compatibilism.” Aniya, may ilan na mayroon nang nakahandang
pilosopikal na pagpapakahulugan sa malayang kilos loob (freewill), bago pa man
simulang pag-aralan ang Biblia. Kaya naman ang “a priori” na pakahulugang ito
ang ginagamit nila sa pag-unawa sa mga talata ng Biblia, sa halip na hayaang sa
mga talatang ito magmula ang kahulugan ng malayang kilos-loob. Ayon kay Carson,
binibigyang pakahulugan nila ang malayang kilos loob bilang “absolute power to
contrary”. Kung ganito ang pakahulugan ng malayang kilos loob, hindi ito
maaaring maging totoo kasabay ng soberanya ng Diyos. Kung totoong may malayang
kilos loob ang tao, mangangahulugan ito na ang pagkilos ng Diyos ay
“contingent” o nakabatay sa ating mga desisyon. Ngunit para kay Carson,
“absolute power to contrary” ang kahulugan ng malayang kilos loob. Sa konteksto
ng Biblia, nangangahulugan lamang ito na malaya ang tao na isagawa ang nais
niyang gawin, kaya naman siya ay may pananagutang moral sa harap ng Diyos. Sa
gayon, maaari pa ring umiral nang sabay ang dalawa. Binigyang kritisismo niya
rin ang ilan na may tendensyang gamitin ang mga talata na nagtuturo ng isa sa
dalawang ito (hal. malayang kilos loob ng tao), pagkatapos ay gagawing batayan
ng isang balangkas na magagamit upang madomestika ang mga talata na nagtuturo
ng ukol sa kabilang panig (hal. soberanya ng Diyos). Iginiit ng may-akda na
kailangang sabay na panghawakan ang dalawang ito sapagkat pareho itong malinaw
na itinuturo ng Biblia.
Sa ikalabing dalawang kabanata ay
direkta na niyang inilapat ang tensyon ng dalawang ito sa paksa ng kasamaan at
pagdurusa. Sinimulan niya ito sa pamamagitan ng pagpapakita kung paanong
nakasasama sa personal na buhay ng Kristiyano ang paniniwala sa isa at
pagsasakripisyo sa ikalawa. Ginamit niyang ehemplo ang aspekto ng pananalangin
at pag-eebanghelyo. Aniya, kung naniniwala lamang ang Kristiyano sa soberanya
ng Diyos ngunit hindi sa malayang kilos loob ng tao, maaari siyang maging
pasibo at hindi na manalangin dahil iisipin niyang wala namang pagbabagong
maidudulot ang kanyang pananalangin. Sa kabilang banda, kung naniniwala naman
siya sa malayang kilos loob ng tao ngunit hindi sa soberanya ng Diyos, maaaring
isipin niya na nakabatay sa haba ng panalangin, dami ng salitang sinasabi, at
emosyon niya ang pagpilit sa Diyos na kumilos. Kaya naman mahalagang mabalanse
ang dalawang ito sa pananalangin. Hindi lang sa pananalangin kundi pati sa
ebanghelismo. Kung naniniwala lang ang Kristiyano sa soberanya ng Diyos at
hindi sa malayang kilos loob, maaaring mawalan ng insentibo ang Kristiyano sa
pag-eebanghelyo, dahil wala namang maidudulot ang pagkilos o hindi niya
pagkilos. Sa kabilang banda, kung naniniwala lang sa malayang kilos loob ng tao
ang Kristiyano ngunit hindi sa soberanya ng Diyos, maaari niyang isipin na
nakapasan sa kanyang balikat ang kabuuan ng responsibilidad, at hindi maaasahan
ang Diyos na tuparin ang kanyang kalooban. Pagkatapos nito ay tsaka niya
inisa-isa ang implikasyon ng tensyon na ito sa usapin ng kasamaan at pagdurusa.
Mahalagang panghawakan ang dalawang ito sa harap ng pagdurusa. Sa isang banda,
ang soberanya ng Diyos ang magbibigay sa atin ng kapanatagan na ang Diyos ang
may kontrol ng lahat ng bagay. Hindi tayo mangangamba na walang kasiguraduhan
ang takbo ng ating buhay. Mapanghahawakan natin nang mahigpit ang Roma 8:28,
“At nalalaman natin na ang lahat ng mga bagay ay nagkakalakip na gumagawa sa
ikabubuti ng mga nagsisiibig sa Dios.” Sa kabilang banda, ang katotohanan ng
malayang kilos loob ng tao ang magbibigay satin ng kapanatagan na ang Diyos
natin ay isang personal na Diyos na tumutugon sa ating mga dalangin, nauunawaan
ang ating mga pinagdadaanan, at nagnanasa ng ikabubuti natin. Sa dalawang
“given” na ito ng Biblia (malayang kilos loob ng tao at soberanya ng Diyos),
kailangan nating laging alalahanin ang isa pang di mapabubulaanang katotohanan
ng Biblia: nananatiling mabuti ang Diyos sa lahat ng sitwasyon. Kapag
pinagsama-sama ang lahat ng tatlong ito, mapapagtanto natin na malinaw sa
Biblia ang mga sumusunod: 1. Saklaw ng soberanya ng Diyos ang lahat ng
mangyayari mabuti man o masama, 2. “Asymmetrical” ang kaugnayan ng Diyos sa
kabutihan at kasamaan, habang ang lahat ng kabutihan ay sinasabing nagmumula sa
Diyos, ang kasamaan ay ipinahihintulot lang ng Diyos, laging may “secondary
agent” na laging pinagmumulan ng kasamaan (tao, mga demonyo o si Satanas), 3.
Bagaman saklaw ng soberanya ng Diyos ang lahat ng kabutihan at kasamaan,
nananatiling may moral na pananagutan ang tao dahil kumikilos siya batay sa
kanyang mga pagnanasa, at 4. Nananatiling misteryo kung paano nagiging posible
ang sabay na operasyon ng soberanya ng Diyos at malayang kilos loob ng tao, at
5. Higit sa pag-unawa sa tensyon ng dalawang ito, malinaw na ang layunin ng
Diyos sa kanyang salita ay ang patuloy na pag-iral ng ating pagtitiwala sa
Diyos na ipinadala ang kanyang anak upang mamatay para sa atin sa krus ng
kalbaryo.
No comments:
Post a Comment